Tuesday, February 1, 2011

No Boundaries C6


No Boundaries

Chapter VI

Ang Kambal na si Andrew

“Saan ka na naman ba nanggaling ikaw na bata ka?” pambungad na tanong ni Governor Don Joaquin.

“Kila Steph lang po. Dumaan lang po ako sandali.” mahinahong sagot ni Andrew kahit na sa totoo ay medyo asar ito sa ama dahil nais pa niyang makasam si Steph.

“Halika na at aalis na tayo.” Pagkasabi nito ni Governor Don Joaquin ay pahangos na dumating si Aing Martha.

“Ano po ang kailangan n’yo Aling Martha?” tanong ni Andrew

“Anong oras po ba ang balik n’yo? Di po ba at ika-pitong taon ngayon ng kamamatayan ni Doña Rita?” saad ni Aling Martha.

“Oo nga pala, nakalimutan ko. Aling Martha ikaw na lang po ang bahala para sa kamamatayan ni Doña Rita mo.” sambit ni Don Joaquin “baka kasi gabihin kami.”

Habang umaandar ang kotse ay may namumuong galit sa ama dahil maging ang kamatayan ng ina ay nakalimutan nito. “wala ka na ngang silbing ama, wala ka pa ding silbing asawa.” Paghihimagsik ng isipan ng binata.

Kasabay nito ay naibubulong din ng isipan ni Andrew ang nangyari nung nakaraang pitong taon. “Pitong taon na din pala nang patayin si Mama. Ang mga magnanakaw na yun, pati si Mama dinala nila. Hindi na nakuntento sa mga nanakaw, pumatay pa. Kaawa-awa si Mama, wala akong nagawa para iligtras siya sa mga hayop na un.” Habang naiisip ni Andrew ang ganitong mga bagay ay pinipigilan niyang umiyak.

Si Em-Ehm Andrew Mark del Rosario o Andrew ay ang kakambal ni Andrei. Lumaki silang kambal ng magkamukang magkamuka. Hindi mo nasasabi kung sino ang sino sa dalawa. Tanging sa pag-uugali lang nagkakaiba. Kung si Andrei ay tahimik, iyon naman ang ikinagulo ni Andrew. Mabilis kumilos, maliksi at gagawin agad isang bagay na ibig nito. Laging sinasabi kung ano ang laman ng kanyang isip, subalit tikom na pag ang kanyang papa ang kausap. Tulad ni Andrei, mabait at maasahan din si Andrew. Mahilig magkimkim ng sama ng loob ngunit inilalabas din sa mga kaibigan at lalong higit kay Aling Martha. Tulad ni Andrei, madami din ang nahuhumaling sa anyo at bikas ng binata. Lalo’t higit sa ugaling palakaibigan nito. Di tulad ni Andrei na madalas mapagkamalang suplado, iba ang aura ni Andrew mula sa kakambal.

Si Andrew din ang sanhi ng kabiguan ni Andrei sa pag-ibig kay Stephanie. Lingid sa kaalaman ni Andrei ay alam na ni Andrew ang pagbabalak na ligawan nito si Steph. Pinili na lamang ni Andrew ang manahimik dahil natatakot siyang masira ang samahan nilang kambal. Sa paniniwala ni Andrew, hindi na baling makaaway niya ang lahat wag lang ang kakambal. Mahal niya ang kakambal at ito lang ang lagi niyang kasama sa lungkot. Laging dumadamay ito sa kanya sa lahat ng problema.

“Andrew” basag ni Governor Don Joaquin sa katahimikan “kanina ka pa walang imik diyan ah.”

“Wala po papa, may iniisip lang po ako.”

“Ang Mama mo na naman ang iniisip mo, tama ba ako?”

Natahimik si Andrew.

“Iho, wag mo na lang isipin un, nakalipas na yun. Mas mahalaga tanggapin na lang na wala na talaga si Mama mo at maging masaya.”

Sa isip-isip ni Andrew “hindi ako katulad nyo mabilis lumimot at kalimutan ang mahal ko. Hindi ako manhid kagaya nyo na walang pakiramdam at hindi marunong masaktan.” Mula ng mamatay ang kanilang ina ay hindi man lang nila nakitang umiyak ang Papa nila.

Ilang sandali pa at inabot na nila ang kapitolyo kung saan ang kanyang ama ang pangunahing tagapagsalita para pagbubukas ng proyekto ng lalawigan para sa mga batang lansangan. Nais na sanang umuwi ni Andrew para makabisita sa puntod ng ina, subalit may kung ano sa puso n’ya na nagpipigil para umalis. Kahit pinapauna na siya ng ama ay pinili pa rin niyang manatili sa lugar na iyon.

Sa kabilang banda naman, dahil sa paghanga ng Gobernador sa batang si Nicco ay inanyayahan din itong magsalita sa naturang programa. Sa unang sulyap pa lang ni Andrew sa binatang si Nicco, tulad ni Andrei ay agad itong nahumaling na titigan ang maamong mukha ni Nicco. Tila ba isang anghel ang nasa entablado ngayon ang naiisip ni Andrew. May kung anong tinig na pilit siyang sinasaway at pinipigilang titigan ang binata. Subalit, pinilit sumuway ni Andrew. Naisip niyang kung lalagyan ng mahabang buhok ang binatang iyon ay magiging marikit na dilag at hindi mo aakalaing lalaki din pala. Naisip niyang bigla kung sino ang mas maganda si Nicco o si Steph. Dahil sa malalim na pag-iisip ay hindi na niya napansin ang nangyayari sa paligid. Maging ang pangalan ng kanyang iniisip ay hindi na niya nagawang mapakinggan at maintidihian. Natauhan na lamang siya ng sinabi nito na –

this is the best possible world. Kaya naman, marapat at tungkulin nating mahalin ang mga bagay na nakaligid sa atin. Matuto tayong pahalagahan at bigyang importansya ang kahit gaano kaliit na bagay ang mayroon tayo. Hindi dapat tayo mawalan ng pag-asa, sapagkat sa bawat kabiguan ay laging mayroong naghihintay na kabutihan ang maidudulot nito. Wag isipin na ang kalagayan natin sa ngayon ay isang sumpa o parusa. Wag natin hayaang tayo ay maliitin, anu man ang estado, ang tao ay tao pa din. Kumilos tayo para mabago ang buhay natin, kumilos tayo para makamit ang buhay na para sa atin ay isang pangarap na lamang.”

“Gwapo sana” mahinang usal ni Andrew “kaso mali ang sinabi nya. Best possible world ka jan. Di mo ba alam para lang yan sa mga taong walang pakialam sa mundo, sa mga taong manhid.” Tulad ni Andrei negatibo din ang pananaw niya sa mundo, bunga na din ito ng nangyari sa kanilang mama at sa inaasal ng kanilang ama, isabay pa dito ang pressure na dala ng pagiging del Rosario.

Gabi na ng umuwi ang mag-ama. Habang nasa loob ng sasakyan ay namayani ang katahimikan. “ang ganda nung sinabi ni Nicco di ba?” pagbasag ni Don Joaquin sa katahimikan.

“Sino pong Nicco? Un po ba yung nagsalita kanina?” tanong ni Andrew.

“Oo Andrew, siya nga. Nakilala ko yun sa SINHS at talagang napahanga ako, maging si Kuya Andrei mo ay humanga.”

Tahimik na lang si Andrew at hindi na kumontra dahil hindi naman siya mananalo sa ama, sa huli siya pa ang lalabas na mali. Pero sabi ng isip niya, “pareho kasi kayong manhid ni Nicco na yun kaya nagandahan ka, saka pinasasakay ka lang ni Kuya Andrei.” Sa pag-iisip nito ay tila ba nangingiti si Andrew.

No comments: