Dreamer
Chapter 9
Ken + Julian = Emil – Benz
“Happy New Year Emil!” sigaw ni Benz ng sumapit na ang alas-dose. Inalog-alog ang bote ng champagne at sabay tapat sa mukha ni Emil kasunod ang isang makaka-asar na tawa.
“Naman!” inis at asar na anas ni Emil.
“Bagong taon na bagong taon naasar ka.” panunuya ni Benz sabay abot ng tuwalya kay Emil.
“Kasi naman kung makapang-asar ka parang wala ng bukas.” sarkastikong sagot ni Emil. “Sabi ko na nga ba, gagaguhin mo lang ako kaya mo ko inaya dito.” wika pa ni Emil sabay hablkot sa tuwalyang inaabot sa kanya ni Benz.
“Eto naman!” tila may lambing sa tinig ni Benz sabay kuha ulit sa tuwalya kay Emil. “Namiss ko lang ito.” pahabol pa niya sabay punas sa mukha ni Emil.
Napahinto ang mundo ni Emil sa ginawang iyon ni Benz, wari ba ay biglang pinalis nito ang inis niya para sa binatang direktor na kanina lang ay kinaasaran niya. Ibang gaan sa pakiramdam ang mayroon siya lalo’t higit pa ay ang nakakatunaw nitong tingin sa kanyang mga mata at ang mapanuksong ngiti nito. Si Benz naman ay tila nadala na sa sitwasyon nila kung kaya naman ang kaninang mapang-asar na tawa ay napalitan ng isang simpatikong ngiti at may kasamang mga titig na minamasdan ang kabuuan ng mukha ni Emil. Sa pakiramdam ni Benz ay nawiwili siyang titigan ang maamong mukha ni Emil at natutukso siyang angkinin ang mga labi nito.
Hindi na kinaya pa ni Emil ang titig na iyon ni Benz kung kaya’t siya na ang unang bumitiw. “Akin na nga iyan!” wika ni Emil sabay hablot ng tuwalya kay Benz. “Hindi ka naman marunong magpunas.” wika pa niya.
Sa ginawang iyon ni Emil ay tila ba binuhusan ng tubig si Benz at muling nagpanumbalik sa katinuan ang kanyang diwa. “Nagsalita ang marunong.” sagot pa ni Benz na nakaramdam ng hiya.
Habang nililinis ni Emil ang sarili ay siya namang ayos ni Benz sa lamesa at mga pagkaing pagsasaluhan nilang dalawa.
“Emil halika na.” tawag ni Benz kay Emil na siya rin namang lapit ni Emil.
“Buti na lang at may inabutan pa tayong bukas na fastfood at grocery.” sabi ni Emil pag-upo kasunod ang isang malalim na buntong-hininga.
“At bakit may buntong-hininga pang kasama?” tanong naman ni Benz.
“Wala lang. May naalala lang ako.” malungkot na wika ni Emil.
“Ang nanay mo na naman?” tanong ni Benz.
“Sandali lang may tumatawag.” paalam ni Emil.
“Hello! Ninong!” simula ni Emil.
“Si Vince ‘to!” tila may tampo sa tinig ng lasing na si Vince.
“Sorry naman!” paumanhin ni Emil. “Bakit ka nga pala napatawag?” tanong pa nito.
“Nag-aalala kasi ako sa’yo.” buong sinseridad na wika ni Vince. “I mean nag-aalala kami.” tila pagbawi ni Vince sa una niyang sinabi.
“Pasensiya na kung nag-alala kayo!” sagot ni Emil. “Aba Vince, huwag mong sabihing beki ka din!” tila napapangiting bulong ni Emil sa isipan.
“Nasaan ka ba ngayon? Umuwi ka naman na!” tila pakiusap ni Vince sa kinakapatid.
“Hindi muna ako uuwi di’yan!” malungkot na pagbabalita ni Emil.
“Nasaan ka? Pupuntahan kita ngayon.” wika ni Vince.
“Hoy Vince, si Emil na ba iyang kausap mo?” tanong ni Mang Mando sa anak na narinig naman ni Emil sa kabilang linya.
“Opo tay!” sagot naman ni Vince.
“Amina iyang cellphone at kausapin ko.” tila utos pa nito sa anak.
“Emil!” panimula ni Mang Mando sa inaanak.
“Pasensiya na po kayo ninong.” paumanhin pa din ni Emil.
“Wala iyon hijo!” sagot ni Mang Mando. “Nasaan ka ba ngayon? Hindi ka ba uuwi? Nag-aalala kami sa’yo!” wika pa nito.
“Hindi na po muna siguro ako magpapakita sa atin.” saad ni Emil.
“Naiintindihan ko.” sagot naman ni Mang Mando.
“Huwag po kayong mag-alala, nasa mabuti po ako ngayon.” tila pagpapagaan ni Emil ng loob sa kanyang Ninong.
“Basta tatawag ka lagi at pumunta ka naman dito sa atin ng madalas.” habilin pa ni Mang Mando.
“Opo naman Ninong.” sagot ni Emil. “Sige po, celebrate na po kayo di’yan. Happy New Year po.” pamamaalam ni Emil.
“Happy New Year din Hijo!” sagot ni Mang Mando.
“Sige po ninong.” pagkasabi ay saka niya pinindot ang end call at agad na binalikan si Benz.
“Sino ‘yung tumawag?” agad na tanong ni Benz.
“Ninong ko!” sagot ni Emil. “Nakalimutan kong magpasabi kaya nag-alala.” may pilit na mga ngiting turan ni Emil.
“Tara kain na tayo!” simpatikong wika ni Benz.
“Sandali lang direk!” paalam ulit ni Benz. “Una ka na po, may tumatawag ulit.” dugtong pa ni Emil.
“Benz na lang, huwag ng direk!” may diing wika ni Benz. “Sige, hintayin na kita. Answer it na, baka importante.” sabi pa nito.
“Salamat Benz.” wika ni Emil. “Mauna ka na, nakakahiya.” sagot ni Emil na may mga ngiti sa labi at saka sinagot ang tawag.
“Hello Ken!” wika ni Emil pagkasagot sa tawag.
Bigla na lang narinig ni Emil ang madiing pagbagsak ng kutsara at padabog na lapag ng baso mula kay Benz na agad namang paglayo ni Emil.
“Happy New Year!” masayang bati ni Ken.
“Napatawag ka?” tanong pa ni Emil na sa katotohanan lang ay may naramdamang kakaibang kiliti at saya dahil sa tawag
“Masama bang batiin ng happy new year ang bagong bestfriend ko?” tanong ni Ken kay Emil.
“Bagong bestfriend?!” tila may pagtatanong kay Emil sa tinuran na ito ni Ken.
“Bakit? Hindi ba pwede? Ayaw mo ata, eh di huwag na lang.” tila may tampo na sa tinig ni Ken.
“Ah, hindi naman sa ganuon.” pagbawi ni Emil kay Ken. “Kaya lanh Ken, matagal na tayong magbestfriend.” itong mga ito ang nais sanang sabihin ni Emil kay Ken.
“Iyon naman pala!” muling sumigla ang tinig ni Ken. “Bestfriend Emil!” tila pagpapalayaw ni Ken kay Emil.
“Hoy Emil! Bilisan mo nga di’yan!” malakas na sigaw ni Benz kay Emil na may asar at inis sa tinig nito.
“Opo, ayan na!” asar na sagot ni Emil.
“Sino ‘yun?” tanong ni Ken kay Emil.
“Wala iyon! Nagaamok lang na lasenggero.” pagsisinungaling ni Emil.
“Ano ba Emil! Sabihin mo nga sa kausap mo na isa siyang malaking abala!” sigaw ulit ni Benz sa mas malakas na tinig.
“Sige Ken, text na lang kita. Sinasaniban na ng masamang espiritu ‘yung lasenggero.” paalam ni Emil at saka pinindot ang end call.
Pagkadating ni Emil sa lamesa ay saka naman tumayo si Benz.
“Magligpit kana!” utos ni Benz kay Emil. “Nakakain na ako.” wika pa nito.
“Bilis mo naman ata?” may pagtatakang tanong ni Emil.
“Mabilis na ba iyong 5 minutes?” sagot ni Benz. “Sabihin mo matagal ka lang talagang nakipag-usap.” tila paninisi ni Benz kay Emil.
“Ako pa ang binaligtad mo.” balik sisi ni Emil.
“Simulan mo nang magligpit nang makatulog ka na.” wika pa ni Benz. “Mamaya naman linisin mo ang buong unit at maghanda ka ng agahan ko. Gisingin mo din ako ng 5am, so, dapat 5am nakaready na ang agahan ko. Heavy meal dapat kasi 12 na ng tanghali ang next meal ko. Ayoko ding kumain ng mga ininit lang or left-overs, gusto ko bagong luto. Prepare ka din ng hot bath, kasi masyadong malamig at maginaw mamaya.” pag-uutos pa ni Benz kay Emil. “Malinaw?” paglilinaw pa ng binatang direktor.
“Sigurado ka ba? Malapit na kayang mag-three.” windang na naisagot ni Emil sa mga utos na ito ni Benz.
“Eh di huwag kang matulog. Pagkalinis mo magluto ka na kaagad at ihanda mo na ang hot bath ko.” wika ni Benz kasunod ang isang nakakaasar na ngiti. “May kasunduan tayo kaya huwag ka ng magreklamo.” pagpapaalala ni Benz sa usapan nilang dalawa at saka tuluyang pumasok sa kwarto.
“Tinolang hilaw naman!” naibulalas ni Emil. “Sadista ata itong Benz na’to.” saka umupo at agad na kumain. “Hindi man lang nabawasan ‘yung pagkain niya tapos na daw. Ano akala niya sa akin? Multi-tasker? Superhuman? Android? May superpowers para lahat sa utos niya.” anas pa ni Emil.
Agad na ngang nagligpit si Emil ng mga kalat, naglinis nang pinagkainan at itinabi ang lahat ng nakakalat na gamit. Pagkatapos magligpit ay nagluto na siya ng agahan para kay Benz. Pagkaluto ay inihanda na din niya ang hot bath nito para sa oras na gisingin niya ang direktor ay nakahanda na ang lahat. Sakto namang alas-singko nang matapos niya ang lahat ng bili nito sa kanya. Pinasok sa kwarto upang gisingin.
“Hoy Benz!” Gising na!” gising ni Emil dito.
“Ano ba! Wag ka ngang istorbo! Natutulog ang tao.” reklamo ni Benz saka biling patalikod kay Emil.
“Ah ganun!” wika ni Emil saka lumabas at may kinuha. Pagkabalik niya ay may tangay siyang dalawang stainless tray at –
“Batugan! Gumising ka na!” sigaw ni Emil saka pinaghampas ang dalawang tray sa malapit sa tenga ni Benz.
Biglang napabangon si Benz sa gulat. “Ano ka ba naman Emil!” asar na anas ni Benz.
“Ikaw na nga lang itong gigisingin ikaw pa ang galit.” wika pa ni Emil na natatawa sa reaksyon ni Benz.
“Sorry!” tila paumanhin pa ni Benz. “Nakalimutan kong sabihing cancelled nga pala ang lahat ng appointment ko ngayon kaya matutulog akong maghapon.” wika ni Benz na may lakip na isang napakahiwagang ngiti.
“Ano!” tanging naibulalas ni Emil. Agad na lumabas si Emil sa kwarto at wala na siyang panahon para makipagtalo pa kay Benz. Nais na lang niyang makatulog at makapagpahinga. Tinungo niya kaagad ang isa pang kwarto, subalit –
“Lock?” mahinang usal ni Emil at muling sinubukang buksan.
“Talaga naman oh!” wika pa niya saka muling tinungo ang silid ni Benz na ngayon ay nakalock na din.
“Hoy Benz! Saan ako matutulog?” wika ni Emil sabay ang malalakas na katok. Waring walang naririnig si Benz at kahit gaano kalakas ang katok niya ay hindi siya nito maririnig. Nagkasya na lang si Emil na mahiga sa sofa at namimilipit sa lamig.
“May araw ka ding Benz ka!” wika ni Emil sa sarili bago tuluyang makatulog sanhi ng sobrang pagod.
Alas-nuwebe ng magising si Benz. Isang masayang umaga ito para sa binatang direktor at higit pa ay sabik na siyang makita muli si Emil at ang asar nitong anyo. Dali-dali siyang lumabas ng kwarto at sa pambungad pa lang ay isang namimilipit sa ginaw na Emil ang nakita niya.
“Nakalimutan ko palang mag-iwan ng kumot.” mahinang usal ni Benz na may kalakip na mahiwagang ngiti.
Agad na pumasok si Benz sa kabilang silid na sinadya niyang i-lock para hindi makapasok duon si Emil. Kumuha ng kumot at unan para sa nahihimbing na si Emil. Marahan niyang kinumutan at hiniga sa sa unan ang natutulog pang scriptwriter.
“Ikaw kasi!” tila may paninisi sa tinig ni Benz. “Tagal mo kasing kausapin si Ken.” pahabol pa nito. Bigla namang natigilan si Benz sa kanyang sinabi at napaisip – “Ano ba yang sinasabi mo Benz! Hindi ka pwedeng magkagusto sa Emil na ‘yan.” Agad namang nahagip ng paningin ni Benz ang maamong mukha ni Emil, wari bang napako ang mga mata ni Benz sa mala-anghel na mukha ni Emil. Nawiwili siyang masdan ang mukha ng binatang scriptwriter, ang mapupula nitong labi na tila ba wala pang nakakaangkin, ang pagkakangiti nito kahit tulog na parang may magandang napapanaginipan, ang ilong na hindi man katangusan ay nababagay naman sa korte ng mukha at karakter ni Emil at ang mga biloy na nagpapatingkad sa hindi pansinin nitong kagwapuhan.
“Gwapo ka naman Emil” usal ni Benz “kaso nakatago pa ang appeal mo.” dahan-dahan niyang hinawakan ang mga pisngi ng natutulog na si Emil.
“Ang mga labi mo, parang ang sarap halikan.” mahina pa niyang usal. “Siguro ako ang napapanaginipan mo kaya ka nangingiti.” dagdag pa ni Benz.
Marahang inilapit ni Benz ang mukha niya sa mukha ni Emil, nakaramdam ng kaba ang binatang direktor sa kanyang balak gawin sa nahihimbing na binatang scriptwriter. Muli niya itong tinitigan at unti-unti namang inilalapit ang kanyang mga labi sa labi nito. Malapit nang maangkin ni Benz ang mga labi ni Emil at habang lalong lumalapit ay lalo ding bumibilis ang tibok ng puso ni Benz.
Biglang napatayo si Emil at biglang dilat na naging sanhi para hindi maisakatuparan ni Benz ang kanyang nais.
“Anong ginagawa mo diyan at nakalupasay ka sa sahig?” nagtatakang tanong ng inosenteng si Emil.
“Ah, eh, wala may hinahanap lang ako.” palusot ni Benz na napakamot sa ulo sabay tayo.
“Tutulog-tulog ka kasi kaya ako na ang naghanap.” mataas ang timbre ng boses ni Benz na tila naggagalit-galitan.
“Nakakatawa ka!” simula pa ulit ni Emil. “Para kang aso na liligid-ligid di’yan.” pang-aasar pa nito.
“Ayusin mo na nga iyang higaan mo. Bilisan mo at ipagluto mo ulit ako.” utos pa ni Benz sabay sipa sa sofa na hinihigaan ni Emil.
“Arayyy!” napa-aringkingking sa sakit si Benz dahil sa ginawa niyang pagsipa.
“Kay agang karma! Salbahe ka kasi!” mahinang wika ni Emil na may pigil na tawa.
“May sinasabi ka?” pagsusungit ulit ni Benz.
“Sabi ko po kikilos na ako.” wika ni Emil na may nakakalokong ngiti.
Nakapaghanda na nga si Emil ng pagkain ni Benz tulad ng utos sa kanya nito.
“Hoy Benz!” tila sigang tawag ni Emil kay Benz habang kumakain.
“Bakit?” tanong ni Benz kay Emil.
“Aalis ako ngayon.” tila paalam ni Emil sa tonong wari bang siya ang amo.
“Aba at saan ka naman pupunta?” tanong ni Benz. “Hindi kita pinapayagan!” wika pa nito.
“Uuwi muna ako, kukuhanin ko lang iyong mga damit ko.” paliwanag pa ni Emil.
“Hindi!” madiing sagot ni Benz. “Maglinis ka muna ng unit ko.” haring utos ni Benz.
“Nakalinis na po kanina pa!” mapang-asar na sagot ni Emil.
“Labhan mo muna lahat ng damit ko, kurtina, bedsheets, lahat ng pwedeng laban! Pati underwear ko!” utos pa ulit ni Benz dito.
“Aba!” tanggi ni Emil. “Sumosobra ka na!” galit pa nitong wika. “Kadiri ka naman, pati underwear mo, kay laki mong tao underwear lang hindi malabhan.”
“Basta hindi!” sagot ni Benz na muling natutuwa sa ekspresyon ni Emil na pagkaasar.
“I changed my mind!” muling wika ni Benz.
Agad namang umaliwalas ang mukha ni Emil sa sinabing iyon ni Benz. “Talaga?” tila paninigurado niyang tanong.
“Oo naman!” sagot ni Benz na may nakakalokong ngiti.
“Mabait ka din pala kahit paano.” pang-aasar ni Emil.
Pagkatapos ngang makakain ay –
“Saan mo naman ba ako dadalhin?” tanong ni Emil kay Benz.
“Di ba sabi ko I changed my mind?” tila pang-aasar pa ni Benz dito.
“Oo nga, you changed your mind, ibig sabihin pinapayagan mo na akong makauwi muna.” saad ni Emil.
“No no no!” may nakakainsultong ngiti mula sa labi ni Benz. “Ayan, hindi ka kasi muna nagtatanong.” may paninisi pa sa tinig nito. “Tsk tsk tsk.”
“Anong kalokohan na naman ba yang tumatakbo sa kukote mo.” asar pang wika ni Emil.
“Malalaman mo din!” wika ni Benz saka biglang nagpreno na halos ikauntog na ni Emil at sinabayan pa ng tawa ni Benz.
“Nandito na tayo!” wika ni Benz nang tumapat na sila sa isang mall. “Baba ka na! Hintayin mo na lang ako dito.” saad pa nito.
“Ano naman ba kasi ang ginagawa natin dito?” yamot at sarkastikong tanong ni Emil kay Benz.
“Basta, samahan mo na lang ako.” giit ni Benz.
“Alam ko na!” waring nalinawanagang saad ni Emil. “Gagawin mo akong tagabitbit!”
“Galing naman!” pambubuska pa ni Benz. “Tama ka! Ayos nga ang porma mo, para ka talagang kargador.” sabay ang nakakainsultong tawa.
Nahiya naman si Emil nang mapansing shorts at muscle shirt lang ang suot niya at ni hindi man lang niya nagawang maghilamos o magsuklay. Iyon ang suot niya nang gabing tuluyan siyang itapon ng kanyang nanay palayo at ang suot niya nang magkita sila ni Benz at ang suot niya sa pagsalubong sa bagong taon.
“Ah ganun pala!” mahinang wika ni Emil saka pinatid ang tatawa-tawang si Benz.
“Anak ka ng!” nausal ni Benz na muntikan nang mapasubasob sa sahig.
Ngayon naman ay si Emil na ang tatawa-tawa at tila nabaligtad na ang sitwasyon.
“Ilan ba ang nahuli mo?” pambubuska ni Emil dito.
Nagtuloy-tuloy lang si Benz sa paglakad na tila hindi nakikita si Emil. Hindi niya inaasahan ang ganuong sitwasyon lalo pa at madaming tao ang nakakita at ngingiti ngiti pa.
“Sandali lang!” habol pa ni Emil.
Dire-diretso lang si Benz sa isang salon sa loob ng mall.
“Miss, please lang total make-over para sa kasama ko.” wika ni Benz sabay turo sa hihingal-hingal sa si Emil. “Haircut naman para sa akin.” habol pa ng binatang direktor.
“Ha?!” pagtataka ni Emil.
“Pasalamat ka at kahit pinahiya mo ako mabait pa din ako sa’yo.” wika ni Benz kay Emil.
Mabilis na hinatak ng mga staff si Emil at sinimulan ang make-over sa kanya. Samantalang si Benz naman ay sandali lang ginupitan at agad ding umalis at iniwan si Emil.
Pumasok si Benz sa isang kilalang clothes line at naghanap ng mga damit.
“Ano kaya ang bagay sa ugok na ‘yun?” tanong ni Benz sa sarili habang hawak ang limang piraso ng t-shirt at tatlong klase ng pantaloon.
“Miss!” tawag ni Benz sa sales lady.
“Yes Sir!” nakangiti at magalang na bati nito.
“Sa tingin mo alin ba dito ang babagay sa kaibigan ko?” tanong ni Benz dito.
“I’m sure sir, lahat ‘yan bagay sa kanya.” sagot ng sales lady.
“Mukha kasing yagit ‘un.” wika ni Benz. “Alam mo iyong itsurang salaula? Ganuon ang itsura nun.”
“Sir, clothe line po kami hindi plastic surgery.” nakangiting wika ng sales lady.
Tinitigan naman ni Benz ng matalim ang sales lady at may kalakip na mapaghamong ngiti.
“Joke lang Sir.” pagbawi naman ng sales lady.
“Alam mo pwede kang matanggal dahil sa sinabi mo.” wika pa ni Benz. “Pero dahil mabait ako, hindi na lang ako magsusumbong, basta ayusin mo ang pili para sa kaibigan ko.” pagbabanta ni Benz.
“Opo Sir.” nanginginig sa takot na sagot ng saleslady at saka sinunod ang utos ni Benz.
Ilang sandali pa at –
“Sir, heto na po.” nanginginig na wika ng sales lady sabay abot kay Benz ng isang polo shirt at isang pantalon.
“Good! I’ll take it.” wika ni Benz saka agad na nagbayad.
Bago umalis ay bumulong pa ito sa sales lady – “Ihanda mo na ang sarili mo pag hindi ito bumagay sa kanya.” wika ni Benz kasunod ang isang nakakalokong ngiti.
“Hay Benz!” wika ni Benz sa sarili. “Ang galing mo talaga, hindi ka na nahirapan pang mamili para sa ugok na ‘yun.”
Ilang sandali pa at nakabalik na si Benz sa salon na pinag-iwanan niya kay Emil.
“Miss, tapos na ba si Emil Buenviaje?” tanong ni Benz.
“Hindi pa po, pero malapit na naman.” sagot ng receptionist.
“Ipasuot n’yo na po sa kanya bago palabasin ah.” nakangiting saad pa nito habang iniisip ang itsura ng sales lady at ang takot nito at saka iniabot sa receptionist ang mga damit na binili.
Ilang minuto ding naghintay si Benz sa kung anong pagbabago ang nangyari kay Emil. Balak niyang umalis ulit para mag-ikot at maglibot sa mall nang –
“Sir Benz!” tawag ng stylist. “Tapos na po si Sir Emil.” pagbabalita pa nito.
“Good! Nasaan na?” tanong ni Benz.
“Nahihiya po kasi.” katwiran ng stylist.
“Kay arte naman!” wika ni Benz sabay tayo at agad na pumasok sa loob.
“Alam mo ikaw na Bien Emilio ka, saksakan ka ng arte. Ikaw na nga itong pinagmumukhang tao gumaganyan ka pa.” litanya nito kay Emil sabay hawak sa braso nito at hinila paharap sa kanya.
“Wow!” tanging nasambit ni Benz. Napahinto na muli ni Emil ang mundo ni Benz dahil sa malaking pagbabago nito. Nakaramdam ng kakaibang kaba si Benz sa kanyang nasaksihan. Hindi makapaniwala sa pagbabago ni Emil. Ang sabukot na buhok ay maayos na ngayon na ang gupit ay bumagay sa maamo nitong mukha. Sa tingin niya ay ang inosenteng mukha ni Emil dati ay lalong naging inosente subalit naging mas mapang-akit pa. Ang mga mata nito ay lalong napatingkad at mas naging kapansin-pansin sa kung sino man ang titingin. Ang mga labing mapupula ay nanatili at sa wari ni Benz ay mas higit na kahali-halina at katukso-tukso.
“Kasi naman!” inis na wika ni Emil. “Wala namang ganyanan.” sabi pa nito kay Benz.
“Hoy Benz!” sigaw ni Emil ng walang makuhang rekasyon kay Benz.
“Bakit?!” gulat na tanong ni Benz.
“Hindi bagay no.” wika ni Emil.
“Ayos nga eh.” napangiting pahayag ni Benz. “Kita mo na ang nagagawa ng make-up, ang yagit nagmumukhang tao.” pang-aasar ni Benz.
“Sir, wala pong make-up si Sir Emil.” paalala pa ng stylist.
“Tahimik ka na lang.” sagot ni Benz.
“Sorry Sir.” paumanhin pa nito.
“Tara na!” anyaya pa ni Benz kay Emil.
“Saan naman tayo pupunta?” tanong ni Emil.
“Basta, sumama ka na lang.” sagot ni Benz saka hinila si Emil palabas sa salon.
“Julian.” blangko ang mukhang nabanggit ni Benz pagkalabas nila sa salon.
“Ano ba Benz!” wika ni Emil at saka pa lang nakita kung sino ang kaharap nila ngayon.
“Wait lang ah!” bulong ni Emil sa sarili. “Parang pamilyar sa akin ang mukhang ito.” dugtong pa ng isip ni Emil saka inalala kung saan niya nakita ang pamilyar at gwapong lalaking kaharap nila.
“Long time no see.” wika ni Julian.
“Oo nga Julian.” may pilit na mga ngiting sagot ni Benz.
“Tama!” sigaw ulit ni Emil sa isip. “Si Julian nga, boyfriend ni Benz.”
“Sige Benz, una muna ako.” paalam ni Emil.
“Dito ka lang.” tila pagtutol ni Benz.
“Who is he?” tanong ni Julian kay Benz na ang tinutukoy ay si Emil.
“He is” hindi na natapos pa ni Benz ang sasabihin dahil –
“Emil!” tawag ng isang pamilyar na tinig na kaagad namang nilingon ni Emil ang tumawag sa kanya.
“Ken!” sagot na bati ni Emil kay Ken.
“Anong ginagawa mo dito?” tanong ni Ken kay Emil at sabay na inabot ang dalang ice cream kay Julian.
“You look stunning Emil.” mga katagang naglalaro sa isipan ni Ken na hindi naman niya magawang maibulalas dahil sa pagkamangha sa anyo ni Emil. Sa tingin niya ay kakaibang aura ang dala ni Emil. Ang kanyang kinababaliwang kababata ay mas lalo niyang kinahuhumalingan. Ang anyo nitong masarap yakapin, ang mga matang laging nangungusap at nang-aakit, ang mga labi nitong nag-aanyaya para mahalikan, ang mala-anghel na anyo, ang ngiting sapat na para siya ay matunaw.
“He is my newest buddy.” wika ni Julian sabay kapit sa braso ni Ken na ikinabigla naman ni Ken at ni Emil.
“Same here!” sagot naman ni Benz sabay akbay kay Emil. “Meet my lifetime partner.” nakangiting sagot ni Benz na mas ikinayanig ni Emil. “And we’re living together.” habol pa niya.
“Tinolang hilaw kang Benz ka!” wika ni Emil sa sarili sabay tingin kay Benz. “Baka maniwala si Ken, hindi pwede. Pero, si Ken, ipinagpalit na ako. Bobo ka kasing Emil ka. Paano ka naman napaniwalang mahal ka pa din ni Ken.” Sakit ang nararamdaman ni Emil sa kanyang natuklasan. Si Ken na kanyang unang minahal at hinintay ay heto’t may iba nang minamahal. Kahit na nga ba alam niyang may honey ito ay umasa ang puso niyang babalikan siya ni Ken dahil sa pakikitungo sa kanya. Dobleng sakit ang nasa puso niya dahil sa nangyari, umasa siya sa maling pagkakataon at nagtago ng pagmamahal sa maling tao. Nais na sanang umiyak ni Emil subalit doble ang pagpipigil niya na huwag itong mahalata nang kahit na sino.
Sa kabilang banda ay umiiyak ang puso ni Ken sa natuklasan niyang ang taong pinakamamahal niya ay pag-aari na ng iba. Hindi niya gusto ang nakikita at lalo pa ay hindi niya kayang tanggapin na wala na si Emil sa kanya at sa nakikita niya ay mahihirapan na siyang maangkin ang puso ng binata. “Emil! Paano mo ako nagawang ipagpalit sa iba! Hindi mo man lang ako hinintay na bumalik.” hikbi ng puso ni Ken.
“Julian, paano mo nagawang ipagpalit ako sa iba?” tanong ni Benz sa sarili na punung-puno ng paghihirap. Hindi niya inaasahang may kapalit na siya sa puso ng minamahal sa lugar na hindi naman niya talaga iniwan. “Bakit sa lahat, kay Ken pa na kinakapatid ko?” usal pa niya sa sarili.
“Sige, mauna na kami.” paalam ni Benz kila Ken at Julian na lalong inilapit si Emil sa kanya.
“Goodness!” agad na usal ni Ken kay Julian. “Bakit mo sinabi iyon?” tanong pa niya dito.
“Sorry tol!” paumanhin ni Julian kay Ken.
“Para ka kasing eman.” asar na wika pa ni Ken. “Paano kung maniwala iyong mga iyon?”
“Maganda!” nakangiting sagot ni Julian.
“Loko!” salag ni Ken at nagpahabol ng isang batok kay Julian. “Paano na lang ang carer ko?”
“Career?” tila may pagtataka mula kay Julian. “Kailan ka ba naging concern sa career mo? Sabihin mo na lang bakla ka.” sagot pa nito na may pahabol pang tawa.
“Hindi ka man lang nag-iisip.” asar pa ding anas ni Ken.
“Umamin ka nga sa akin Ken.” sumeryosong tanong ni Julian kay Ken.
Bumilis ang tibok ng puso ni Ken sa naging anyo ni Julian ay sa kung ano ang ipapaamin sa kanya nito. Paputol-putol siyang nagsalita – “Anong aaminin ko?”
“Si Emil ba ang sinasabi mong kababata na matagal mo ng hinahanap?” tanong ni Julian. “Si Emil ba ang sinasabi mong una at huling pag-ibig mo? Ang dahilan kung bakit ka nagtyatyaga sa showbiz?”
“Hindi ah!” maang ni Ken na lalong naging matindi ang kaba sa dibdib. Hindi siya handa na aminin kay Julian ang tungkol sa taong minamahal niya.
“Oh c’mon Ken.” giit ni Julian. “Your expressions show the answer.”
Nanatiling tahamik lang si Ken sa pagsukol sa kanya ni Julian.
“I saw the pain in your eyes nang malaman mong ang bagong partner ni Benz ay si Emil.” wika pa ulit ni Julian. “And your silence means yes.” habol pa ni Julian.
Tinitigan lang ni Ken si Julian at nakikiramdam sa kung ano man ang susunod na eksena.
“Alam mo, wala namang masama kung aamin ka.” wika pa ni Julian. “Kita mo, hindi ba’t simula pa lang ng relasyon namin ni Benz sinabi ko na sa’yo, lahat ng kwento namin alam mo. Hindi naman masama kung sasabihin mong kapareho din kita.”
“Yes, it is Emil.” may pag-aalangang sagot ni Ken. “He is the reason of everything. He is the reason of my incompleteness, my melancholic nights, my sadness and my heart’s weary emotions.” sagot pa ni Ken. “Kahit hindi kami nagkakasundo ni papa, pinili ko pa ding bumalik sa Pilipinas at iwan si mama sa states dahil gusto ko siyang makita at tumupad sa pangako ko sa kanya. Kahit ayoko, pumasok ako sa pag-aartista dahil alam kong pinakamadaling paraan ito para magtagpo kami.”
“Ken.” tila blankong wika ni Julian.
“But unluckily, iba na pala ang mahal niya.” naluluhang wika ni Ken. “Nagsisisi ako kasi may pagkakataon na ako pero pinili ko pa ding manahimik. Nagsisisi ako kasi naunahan na ako ng iba. Nagsisisi ako kasi may sumalo na sa kanyang iba. Ang gusto ko lang namang mangyari nuong una ay hayaan na muna siyang gawin lahat ng gusto niya. Gusto ko lang na ingatan muna ang image ko pati na ang image niya. Ayokong dumanas kami ng pre-judgment mula sa mga tao, kaya kahit gusto ko na siyang yakapin ay pinipigilan ko ang sarili ko at nagpapanggap na hindi ko siya naaalala. Pero sana hindi ko na lang pala ginawa iyon, sana hindi ako naunahan ni Kuya Benz.”
“Ken, don’t blame yourself.” pang-aalo ni Julian. “Hindi mo ba nakita iyong reaksyon niya kanina?” tila pagtatanong pa nito. “He was hurt Ken!” wika pa nito. “I saw the pain, I felt it, nung sabihin kong buddy na kita. He was hurt Ken.” saad pa din ni Julian. “It only means mahal ka pa din ni Emil.” nakangiti nitong pagwawakas.
Napatitig naman si Ken kay Julian. Sa totoo lang ay hindi niya ito napansin dahil ang inintindi niya ay ang sakit na nadarama niya. Hindi niya nabigyang ng atensyon ang reaksyon ni Emil dahil tinabunan na ito ng sakit na biglaan niyang naramdaman.
“The only thing we need to do is to bring them apart, away from each other.” tila suhestiyon ni Julian kay Ken. “Alam mo, I still love Benz, kaya lang naman ako nakipaghiwalay kasi gusto kong marealize niya na may pagkukulang na siya sa akin. Hindi ko naman inaasahang may ipapalit na siya agad.” pagkukwento naman ni Julian.
“Do you really think that it is a good idea na paghiwalayin sila?” tila may pag-aalinlangang tanong ni Ken.
“Yes!” walang dalawang isip na sagot ni Julian. “That is the only way para makuha mo si Emil at bumalik sa akin si Benz.”
“But how? Paano natin sisimulan?” may pagdududa pa din kay Ken.
“Ituloy na natin ang nasimulan. Magpanggap na tayong, tayo na nga talaga. Sa tingin ko ito ang pinakamagandang simula ng plano natin.” wika pa ni Julian.
“I am not so much in favor with your plan, pero for the sake of my Emil, sige pumapayag na ako.” pag-sang-ayon ni Ken sa plano ni Julian.
“Good!” nakangiting sagot ni Julian. “Very good!”
No comments:
Post a Comment