No Boundaries
Chapter XIV
Panahon ng Pagpili ni Nicco
“Niks, ano na , sasama ka na ba sa amin pag-uwi?” Mahinang tanong ni Andrei kay Nicco.
Mahigit isang buwan na din ng sabihin ni Nicco ang makabuluhang pahayag na iyon kay Andrei. Sa totoo lang ay nagdadalawang isip si Nicco ukol sa bagay na iyon. Iniisip niya kung tama bang iwan ang seminaryo para kay Andrei o ipagpatuloy ang pagpapari para sa mga taga-San Isidro. Hati ang puso ni Nicco ukol sa bagay na iyon. Alam niya na nagtatampo sa kanya ang Kuya Andrei niya dahil binigo niya ito sa pag-asang magkakasama sila at lalabas siya ng seminaryo.
“Kuya, pasensiya na. hindi po ako makakasama sa inyo.” malungkot na tinig ni Nicco.
“Ganuon ba? Ayos lang, sa susunod na lang.” nakangiti ngunit kita ang kalungkutan.
Nang sumunod na Linggo, tanging si Andrei lang ang pumunta ng seminaryo. Bago ito para kay Nicco kayat tinanong niya ang Kuya Andrei niya “Oh, bakit ikaw lang? Nasaan si Kuya Andrew?” nakangiti niyang tanong.
“Naiwan sa Manila, medyo busy” sagot ni Andrei “gusto nga n’ya na makapunta dito” dagdag pa niya.
“Ganuon ba sayang naman” wika ni Nicco “Kamusta na ang Andrei ko?” tanong niya kay Andrei.
“Kailan mo ba talaga balak sumama sa akin pabalik ng San Isidro?” Imbes na sagutin ay nagtanong si Andrei “May balak ka bang sumama o pinapaasa mo lang ako sa wala?” dugtong pa nito.
“Kuya, hindi ko po talaga sinasadya kung napapaasa kita” malungkot na tinig ni Nicco “Nahihirapan po kasi akong mag-isip kung ano ang gagawin ko.”
“Ganuon na nga din yon, para bang pinapaasa mo ako sa wala. Sana sinabi mo na ng mas maaga ng hindi ako masyadong umaasa sa iyo.” mahinahon ngunit malungkot na tinig nito.
“Hindi naman sa ganuon kuya, kaya lang –“ hindi na naituloy pa ni Nicco ang sasabihin dahil nagpaalam na aalis na si Andrei.
“Sige sa susunod na lang ulit.” paalam nito “sana may desisyon ka na pagbalik ko. At tuluyan nang nilisan ni Andrei ang lugar.
Hindi naman mapanatag ang kalooban ni Nicco dahil sa pangyayari, gusto sana nyang habulin ang Kuya Andrei nya para yakapin at sabihing sasama na siya dito, subalit hindi niya magawa dahil lubha pang magulo ang isip niya.
Nang sumunod na Linggo ay walang Andrei o Andrew na nagpakita sa kanya. Labis itong pinag-alala ni Nicco. Iniisip kung galit ba sa kanya ang Kuya Andrei niya o baka naman inisip na wala na itong pag-asang umalis siya ng seminaryo. Tila ba binagsakan ng langit at lupa ang kalooban ni Nicco sa ganuong isipin. Pilit man niyang sawayin ang sarili ay hindi niya magawa sapagkat iyon ang nararamdaman niya.
Nasa ganuon siyang pag-iisip ng may nagsalita – “Tila malungkot ka?” sabi ni Matthew.
“Kayo po pala Dok.” sabi ni Nicco.
“Sarap umiyak dito sa hardin diba? Kahit naman sino, kailangang umiyak. Bahagi na iyon ng pagiging tao” sabi ng doktor.
Nanatiling tahimik ang lahat ng magpaalam ang doctor kay Nicco. Pagkaalis ng Doktor ay duon nagsimulang dumaloy ang luha sa mga mata ni Nicco.
“Tama si Dok, kahit sino kailangan umiyak. Hindi ka dapat magpanggap na masaya ka kung malungkot ka naman talaga. Mahirap magpigil nang nararamdaman dahil kahit kailan, mahirap dayain at lokohin ang sarili mong puso.” Sabi ni Nicco sa sarili.
No comments:
Post a Comment