Dreamer
Chapter 7
Friendship: Tomorrow’s Light
“Ano na?” puno ng pag-aalalang tanong ni Benz kay Emil. “Saan kita ihahatid?” tanong pa nito.
“Kahit saan!” maikling sagot ni Emil na ramdam ang sinseridad sa mga sinsabi ni Benz.
“Hindi pwedeng kahit saan.” tila pagtutol ni Benz. “Saan nga?” pilit ni Benz.
Walang malinaw na sagot na sinabi ni Emil. Nanatili na lamang itong nakatahimik na tila ipinapaubaya kay Benz kung saan man siya dalin nito.
“Alam ko na!” tila may ideyang pumasok sa ulo ni Benz. “Ihahatid na kita pauwi!” nakangiting wika nito.
“Wag!” pakling tutol ni Emil kay Benz.
“Bakit?” may pagtatakang tanong ni Benz sa binata.
“Basta wag!” tila may pagpapakiusap sa mga mata ni Emil.
“Sabi mo!” sagot naman ni Benz na lalong nag-alala sa kalagayan ni Emil base sa reaksyon nito.
“Basta, kahit saan wag lang dun!” wika ulit ni Emil sabay lingon sa mga mata ni Benz na tila nakikiusap.
Agad na umiwas ng tingin si Benz dahil sa palagay niya ay hindi niya kakayanin at matutunaw siya sa tingin ni Emil. Hindi niya maunawaan kung bakit biglang may umuusbong na kakaibang damdamin sa kanya. Hindi siya sigurado kung pag-ibig ba ito, kakaiba sa nararamdaman niya para kay Julian o kahit na sinong minahal niya. Isa lang ang alam niya sa ngayon, ang alagaan ang lalaking kaharap niya.
Dinala nga ni Benz si Emil sa isang di kalayuang panggabing pasyalan. Sa isang bar sa may Quezon City niya naisipang dalin si Emil. Ito lang ang naisip niyang pwedeng puntahan at dito din siya dapat pupunta para makalimutan si Julian. Higit pa ay si Emil na ang nakagawa ng paraan para malimutan niya ang kasintahan.
“Baba na!” wika ni Benz kay Emil.
Nagtatakang napatingin si Emil kay Benz.
Isang buntong-hininga lang ang pinakawalan ni Benz at nauna na siyang bumaba sa kotse. Agad na lumipat sa kabilang pintuan at pinagbuksan si Emil.
“Tara! Kahit ilang shot lang!” wika ni Benz at saka nagbitaw ng isang ngiti.
“Pero!” tila may pagtutol kay Emil.
“Pero hindi ka umiinom.” tila panunumbok ni Benz sa nais sabihin ni Emil.
Tango lang ang sinagot ni Emil dito.
“Basta samahan mo na lang ako!” pamimilit pa din ni Benz.
Agad namang bumaba si Emil sa kotse. Wala din naman siyang ibang pupuntahan kaya pinili niyang samahan na lang din si Benz.
Unang beses na nakapunta si Emil sa ganuong klase ng lugar. Hindi siya mahilig sa mga gimmick o kaya naman ay gumala lalo na pag gabi. Hindi din siya isang socialite o kaya naman ay laging may pera na wawaldasin. Hindi sila mayaman, at ang bawat kusing para sa kanya ay napakahalaga kung kayat hindi na nakakapagtaka kung bakit hindi pa siya nakakapasok sa mga bar.
“First time mo dito?” tanong ni Benz kay Emil.
“Ah! Oo!” sagot naman ni Emil na biglang naalangan.
“Tol!” bati agad kay Benz ng isang lalaki.
“Kamusta na Vaughn?” ganting bati ni Benz sa nakitang kakilala.
“Ayos naman!” sagot ni Vaughn. “Kamusta na nga pala kayo ni Julian?” tanong pa nito.
“Wala!” malungkot na sagot ni Benz. Muli, ay unti-unting bumalik ang pangungulila niya kay Julian.
“Kaya pala!” sagot naman ni Vaughn. “Sino nga pala iyang kasama mo?” tanong pa niya kay Benz.
“Si Emil!” sagot ni Benz. “Dating katrabaho ko.” sagot pa ni Benz.
“He is good to replace Julian.” nakangiting komento ni Vaughn.
“Stop!” biglang usal ni Benz tanda nang pagpapahinto niya kay Vaughn sa kung ano pa ang sasabihin nito.
“Well, I see!” sagot naman ni Vaughn na tila nakuha na ang nais sabihin ni Benz. “Sige Benz, enjoy the night.” nakangiting pamamaalam ni Vaughn sa dalawa.
“Sino yun?” tanong agad ni Emil.
“Ah, si Vaughn ba.” tila nag-aalangang sagot ni Benz. “Kaibigan iyon ni Julian.” sagot pa nito.
“Okay.” tanging sagot ni Emil. Pinili na lamang niyang maging tahimik para kay Benz, wala sa plano niyang ipaalam kay Benz na alam niya kung sino si Julian at ang nasaksihan niya sa taping ng LD.
“Tagay ka!” aya ni Benz kay Emil.
“Ayoko!” tanggi naman ni Emil kay Benz. “Ikaw na lang, panunuorin na lang kita.” pahabol pa nito.
“Makakalimot ka ba sa problema mo kung papanuorin mo lang ako?” tila pagtatanong ni Benz kay Emil.
“Bakit, hanggang kailan ko naman makakalimutan ang problema ko pag-uminom ako?” ganting sagot ni Emil.
“Bahala ka nga! Pero at least kahit sandali nakalimot ako.” wika ni Benz kay Emil na ramdam niyang hindi ito papatalo at hindi niya ito mapapainom ng alak.
Nagsimula na ngang magpakalunod si Benz sa alak habang si Emil naman ay ginawa nga ang sinabi nitong panunuorin siya sa pag-inom. Labis na kaguluhan ang nararamdaman ni Benz sa mga oras na iyon. Hindi niya maintindihan kung bakit sa palagay niya interesado siyang malaman ang problema ni Emil at apektado siya sa kalagayan nito. Hindi din niya maunawaan kung bakit tila naging malaking kabawasan sa problema niya ang pagtatagpo nila ni Emil subalit ang sakit na nadarama niya ay labis pa din na nagpapahirap sa kanya.
Tahimik lang ang pagitan nang dalawa, walang imik ang dalawa na tila ba hindi magkilala o mga pipi na hanggang sa titig na lang ang kayang gawin.
“Cute ka nga talaga!” wika ni Emil sa sarili habang nakatitig kay Benz na naging sanhi para mapangiti ito.
“Ano naman ang nginingiti mo di’yan?” tanong ni Benz kay Emil na sa wakas ay nakahanap nang tiyempo para makapagsimula ng usapan, bagamat nakakailang baso pa lang ay tila may tama na din ang binatang direktor nang espiritu ng alak.
“Wala!” tila nahiyang sagot ni Emil.
“May dumi ba ako sa mukha?” tanong naman ni Benz. “Nakatitig ka na nga lang sa akin ngingiti-ngiti ka pa.” pahabol pa nito.
“Bakit masama bang tumingin?” tila lalong nakaramdam ng hiya sa katawan si Emil sabay tingin sa ibang gawi.
“May gusto ka ba sa akin?” tila walang pakundangang tanong ni Benz kay Emil. “Shit! What the heck are you saying Benz!” awat naman niya sa sarili.
“Ano naman ang naisip mo at tinanong mo iyan?” sagot naman ni Emil na biglang bumilis ang tibok ng puso. “Anong oras tayo uuwi?” tila pag-iiba ni Emil sa usapan.
“Kasi feeling ko may gusto ka sa akin!” walang kaabog-abog na sagot ni Benz. “Putcha ka Benz! Nagagago ka na naman!” pangaral niya sa sarili.
“Lalaki ako ‘tol!” tanging sagot na alam ni Emil para matigil na si Benz sa pagtatanong. “Okay Emil, calm down! Lasing lang si Benz kaya hindi niya alam ang mga sinasabi niya.” pangangalma ni Emil sa sarili.
“Lalaki daw oh! Sus, lokohin mo lelang mo!” tila pagdududa ni Benz sa sagot na iyon ni Emil na kitang hindi na kontrolado ang sasabihin. “Gago ka talaga Benz, pag nagalit iyan sa’yo.” tila hanggang sa isip na lang kayang sawayin ni Benz ang sarili dahil hindi niya magawa ito sa sarili ng personal.
“Aba at masyado nang yumayabang!” pagsasalubong ng kilay ni Emil sa mga narinig na iyon kay Benz. “Kung magiging bakla man ako sisiguraduhin kong hindi kita magugustuhan!” naibulalas na kasunod ni Emil.
“Ayos lang, hindi din naman kita type!” tila pagbawi ni Benz mula sa kahihiyan niyang matanggap kay Emil. “Awtz! Rejected by Julian, rejected by Emil!” biglang sumagi sa isipan ni Benz.
“Kaya siguro nakipaghiwalay syota mo sa’yo kasi ganyan ang ugali mo!” wika ni Emil kay Benz.
“Kung magsalita ka parang kilala mo na ako!” tila pagsalag ni Benz sa sinabing iyon ni Emil. “Pwede ba huwag mo na lang akong pakialaman.” tila wala sa sariling idinugtong ni Benz.
“Okay fine!” wika ni Emil sabay tayo at hakbang paalis.
Naging mabilis naman si Benz sa pagkilos at agad na nahabol ang braso ni Emil. “Sorry!” wika pa ni Benz na puno ng sinseridad at buong pusong nausal. “Please don’t leave me.” tila pakiusap ni Benz kay Emil sabay tingin sa scriptwriter sa mga mata nito. Ang maamong mukha ni Emil at ang mga mata nitong nagtatago ng lungkot ang pilit na hinabol ni Benz at sa wari niya na ang titig niya dito ay may kakayahang pawiin ang sakit na nadarama niya sa pagkawala ni Julian.
Waring napakalma ng ekspresyon ni Benz ang nagngangalit na damdamin ni Emil para sa kaangasan ni Benz. Agad din niyang iniwas ang mga mata sa mata ni Benz dahil sa wari niya ay kaya nitong tunawin ang buo niyang pagkatao. Ang mapupungay na mata ni Benz na kayang sumalamin sa isang-libong mga salita at nagpapahayag kung gaano nito kakailangan ng isang kaibigan at ang mukha nitong kawangis nang isang anghel ay sapat na para siya ay mapanatili sa tabi nito. Hindi na siya nagsalita pa para sumagot, bagkus ay bumalik siya sa upuan.
“Salamat!” wika ni Benz sabay na nagbigay ng isang matamis na ngiti kay Emil. “Labis mo na akong pinaligaya.” nais sanang idugtong ni Benz sa sasabihin subalit umiiwas na din siya sa isang malaking gulo.
Gumanti na lang ng ngiti si Emil na tanda nang “Walang anuman” tangi niyang sagot.
Tahimik na muli ang pagitan ng dalawa, walang imikan ngunit minsan ay may maiikling usapan. Umaga na ng maisipan ni Benz na umuwi at ihatid sa bahay si Emil. Mali, umaga na ng pilitin ni Emil si Benz para umuwi subalit sa huli ay ichineck-in na lang niya ito sa hotel at saka siya umuwi sa bahay ng Ninong Mando niya para na din sa kabutihan ng kanyang ina.
Lunod si Benz sa alak at lango pa din hanggang sa pagdilat niya ng mga mata. Pagkagising niya ay ibang damit na ang suot niya at maayos na nakahiga sa isang hindi pamilyar na higaan. Higit pa ay napapangiti siya sa isipin kung sino ang nagdala sa kanya ruon at kung sino ang umasikaso sa kanya. Unang hinanap si Emil subalit walang Emil na sumasagot at nagbigay ng konklusyon na iniwanan din siya nito. Dagli niyang kinuha ang cellphone at nagtext.
“Salamat!” wika sa text ni Benz para kay Emil.
Sa kabilang banda naman ay napangiti na lang si Emil sa text na iyon ni Benz. Naisin man niyang replayan ay hindi niya magawa dahil walang load ang cellphone niya at kahit panload ay tinitipid niya ang sarili. Isa pa ay nasa byahe siya para maghanap ng trabaho.
“Galit ata sa akin si Emil!” wika ni Benz sa sarili dahil ilang minuto na din siyang nagtext ay walang Emil na nag-reply. “Think positive! Baka tulog pa.” tila tutol niya sa sariling konklusyon.
At naghintay na nga ng mas matagal si Benz, subalit lipas na ang tanghali, nakapag-check-out na siya sa hotel at nasa byahe papuntang network ay wala pa ding reply galing kay Emil kaya naman –
“Hello!” sagot ni Emil sa phone.
“Ah, Hello!” sagot ni Benz.
“Napatawag ka?” masiglang tanong ni Emil.
“Wala lang, nagpapasalamat lang.” tila nabunutan nang tinik si Benz dahil batay sa tono nito ay hindi ito galit sa kanya.
“Ah, walang anuman. Sorry, wala kasi akong load kaya hindi na kita nareplyan.” sagot pa ni Emil na tila mas sumaya ang araw niya sa tawag na iyon ni Benz.
“Sige, mamaya na lang, pababa na kasi ako.” wika naman ni Emil sabay pindot sa end call at –
“Para po, sa tabi lang!” sigaw ni Emil at saka tuluyang bumaba sa bus na kinalululanan niya.
No comments:
Post a Comment