Epilogue – The Letter
April 2012
Nakatapos ng college ang magka-kaibigan. Sa madalang na pagkakataon ay sama-sama silang nag-out of town. Gusto ng pamilya nina Chigo at Patsy na magdiwang sila sa ibang bansa pero humiling ang dalawa na sa Boracay sila magpunta para bago sila magtrabaho ay makasama nilang lumabas ni Timber. Sa pagkakataon din iyon ay inamin ng dalawa sa kaibigan nila na sila na, habang nakaupo sila sa dalampasigan at pinagmamasdan nila ang paglubog ng araw sa karagatan.
“Timber, kami na ni Patsy” nahihiyang pag-amin ni Chigo.
Binatukan ni Patsy ni Chigo.
“Aray, bakit mo ako binatukan?” sigaw ni Chigo.
“Ikaw kasi, parang kinakahiya mo ako” pagtatampo ni Patsy.
“Kung kinakahiya kita sana hindi na natin sinabi kay Timber ito o mas mabuti na hindi na naging tayo” paliwanag ni Chigo.
Si Timber ay pabaling-baling lang ang tingin sa dalawang kaibigan, depende kung sino ang nagsasalita.
“Tignan mo, sa tono ng pananalita mo parang nagsisisi ka pa na naging tayo” patuloy pa rin sa pagtatampo si Patsy.
“Hon, huwag ka ng magtampo, sigurado ako hindi mo na naman naintindihan ang sinabi ko” panunuyo ni Chigo.
“At ngayon sinasabi mo pang makitid ang pag-iisip ko” naluluhang sabi ni Patsy.
“Wala akong sinabing ganoon, my point is hindi kasi ako sanay, alam mo naman na ikaw ang unang girlfriend ko” muling paliwanag ni Chigo.
“Anong tinatawa-tawa mo dyan?” tanong ni Patsy kay Timber.
“Wala lang, alam ko darating ang panahon na magiging kayo. I just can’t imagine kung paano ninyo ima-manage ang relationship ninyo knowing na lagi kayong hindi magkasundo sa mga bagay-bagay” si Timber.
“Magagawan din namin ng paraan yan. Bago pa lang kami at alam kong masasanay din kami sa piling ng isa’t isa” sagot ni Chigo sabay halik sa pisngi ni Patsy.
“I love you” malambing na sabi ni Patsy kay Chigo.
“I love you more” sagot ni Chigo at ginawaran pa ng isang halik si Patsy sa labi.
Masaya si Timber sa pinasukan ng mga kaibigan, alam niya na magkakasundo din sila balang araw. Kagaya ng inaasahan, nag-graduate ni Timber bilang Magna Cum Laude ng batch nila. Nang mabasag ang salamin ay mas lalong pinag-butihan ni Timber ang pag-aaral, alam niya na kahit magmukmok siya ay wala ng paraan para muling mabuo ang salamin at magkita silang muli ni Miguel. Bukod sa pag-aaral ay sumama na siya sa mga ibang projects ni Chigo para mas dumami pa ang pagka-abalahan niya. Madalas ay tinutulungan niya rin ang mga kaklase niya na gumawa ng kanilang mga research papers. Nag-volunteer din siya na maging student assistant sa college nila kapag may libre siyang oras. Noong nakaraan bakasyon ay sumama siya sa kanyang mga magulang sa business trip nila sa Europe na labis namang ikinatuwa ng mga ito. Matagal na kasi nilang gustong isama ang kanilang anak sa ibang bansa pero siya lang ang tumatanggi, ang dahilan niya ay wala naman siyang gagawin doon at maiiwan lang sa hotel na tinutuluyan nila at mas gugustuhin niyang makasama ang lolo’t lola sa bahay. Natuwa rin ang mga matanda dahil away nilang nagkukulong lang sa bahay ang kanilang apo, madalas nilang sabihin sa kanilang apo dapat mag-enjoy siya habang bata pa lang dahil kapag nagsimula na siyang magtrabaho o tumanda na ay hindi na niya mararanasan pa iyon.
Masakit sa kanya ang nangyari, si Miguel ang taong nagpapasaya sa kanya pero hindi na pinahintulutan ng pagkakataon na makita siyang muli. Dinamdam niya ng husto ang pangyayari pero mas nangibabaw sa kanya na kailangan niyang pagpakatatag. Gusto man niyang sisihin si Javvy sa nangyari pero hindi rin niyon maibabalik pa ang salamin, kaya pinatawad na lang niya ito. Samantala, kagaya ng pangako niya ay lumayo si Javvy kay Timber. Isang e-mail lang ang pinadala ni Javvy kay Timber bago ito tuluyang lumayo.
Tim,
Alam mo kung gaano kita kamahal at alam ko rin na muli akong nagkamali kaya ako na ang lalayo. Aalis na ako sa unibersidad para hindi na ako makagawa ng paraan para masaktan ka muli. Lalayo ako pero hindi ko maipapangako na hindi mo na ako makikitang muli. Plano kong maging full-time model at kung sakaling papalarin ako ay may posibilidad na makita mo ulit ako sa mga print-ads. Paki-usap, kung sakali mang makita mo ako sa mga mababasa mong magazines, sana makita mo ang isang tao na nagmahal sa’yo, hindi ang taong nanakit sa’yo. Gusto kong magtagumpay sa larangan ng modelling, para sa’yo, ikaw ang magiging inspirasyon ko. Alam ko ng hindi ako karapat-dapat sa isa pang pagkakataon kaya hindi ko na hihingiin sa iyo yon, pero umaasa ako na balang araw ay magkita tayo ulit at sana maging magkaibigan.
Javvy.
Sa maikling panahon ng pagiging modelo ni Javvy ay unti-unti siyang sumikat. Masasabing isa siya sa mga most promising model pero hindi iyon nilalagay ni Javvy sa kanyang ulo. Sa magulong mundo na pinasok niya, nanatiling mababa ang kanyang loob. Lagi pa rin niyang pinapasyalan ang kanyang mga magulang sa Vigan at nag-iipon na ng pera para ma-ayos ang kanilang bahay at pamuhunan para sa negosyong itatayo sa lugar nila, siya na rin ang nagpapa-aral sa kanyang mga kapatid. Sa tuwing tinatanong siya ng media kung ano ang sikreto niya sa kanyang unti-unting pagsikat, hindi niya nakakalimutang pasalamatan ang isang kaibigan na nagbago ng buhay niya.
Isang beses ay nadulas siya sa isang interview at nabanggit ang pangalan ni Timber bilang kanyang inspirasyon. Parang free taste na ino-offer sa mall ang nagawa ni Javvy, pagkatapos ng ilang oras ay dinagsa siya ng mga reporters at nagtatanong tungkol kay Timber. Para malihis ang issue at hindi na madamay pa si Timber ay umamin si Javvy na isa siyang bisexual.
ISANG PAPASIKAT NA MODELO, BADING!!!!!
Yan ang usapan sa media sa mga susunod pang mga araw, pero hindi nagpasindak si Javvy lalo na sa mga bading na reporters na insecure sa career niya. Alam niya na gagawa at gagawa sila ng paraan para pigilan ang kanyang pagsikat, pero pursigido si Javvy, tutuparin niya ang pangako niya kay Timber na maging isang sikat na modelo kaya dapat niyang malagpasan ito.
“I’m proud of my sexual preference. Aaminin ko, hindi madaling aminin ito kasi alam ko kung paano manghusga ang ating lipunan, pero ng dahil sa pang-aapi ng ilan sa mga katulad ko ay nalaman ko na kailangan kong ipaglaban ito. Naniniwala ako ng marami pa ang mga bading at bisexual na nagtatago dahil ayaw silang mahusgahan ng lipunan, ang lipunang gumawa sa amin. Wala kaming kasalanan pero kung itrato kami ng iba ay para kaming nadapuan ng nakakahawang sakit. 2012 na, siguro panahon na para maging open na tayo sa ganitong bagay. Mas madaling kumilos kung malaya ka at hindi natatakot sa mga matang nakatingin sa bawat kilos mo. Sa mga nanghuhusga sa akin, payo ko po sa inyo na tignan nyo muna ang inyong mga sarili bago kayo magsalita”
Sa paglabas ng press statement si Javvy, merong mga sumuporta sa kanya lalo na iyong mga naglakas loob na ipahayag ang kanilang sexual preference. Mas lalong sumikat si Javvy, hindi na alintana ng mga tao kung isa siyang bisexual, hinahangaan siya dahil sa kanyang pagiging totoo. Sa kabila ng pagiging busy niya sa trabaho ay hindi pa rin niya nakakalimutan si Timber.
“Akala ko ba hindi mo na kakausapin si Javvy?” tanong ni Patsy.
“Ayaw ko na nga sana” sagot ni Timber.
“Bakit nakikipagkita tayo sa kanya ngayon?” tanong naman ni Chigo habang hinihintay nila si Javvy sa isang mall.
“Naisip ko lang na ano pa ang sense na matagal ko na siyang pinatawad kung hindi ko rin naman siya kakausapin” paliwanag ni Timber.
“Worried lang kami sa’yo, baka kasi tuluyang madikit ang pangalan mo kay Javvy at gawan ka pa ng issue ng media” pag-aalala ni Patsy.
“Kaya nga sinama ko kayo, atleast kahit may makakita sa amin ni Javvy ay hindi kami pagdududahan” natatawang sabi ni Timber.
“Ibig sabihin gagawin mo lang kaming panakip butas, kung ganyan pala hindi na ikaw ang kukunin kong best man sa kasal namin ni Patsy next year” pagtatampo ni Chigo.
“Eto naman, hindi na mabiro. Gusto ko lang kayong maging witness sa ipapakita ni Javvy, may kumausap daw sa kanya na malayong kamag-anak sa Bulacan at may ibibigay sa akin” paliwanag ni Timber.
“Ang weird, bakit ikaw ang bibigyan nila ang regalo samantalang si Javvy naman ang sikat” parang wala sa sariling turan ni Patsy.
“Nag-text na si Javvy, nasa baba na daw siya. Doon na daw tayo kumain ng tanghalian kasi nagluto sila para sa atin” pagyaya ni Timber sa mga kaibigan.
Pagkakita ng tatlo kay Javvy ay pare-pareho silang namangha sa angking kakisigan ng binata. Lagi nila itong nakikita sa mga print ads pero iba pala kapag sa personal. Ang laki ng pinagbago ni Javvy, kung noon ay gwapo na siya, mas lalo pa siyang naging gwapo ngayon. Hindi nakakapagtaka na kahit umamin siya na bisexual ay marami pa ring mga babae, bading at bisexuals ang humahabol sa kanya.
Halos hindi magkibuan ang apat sa sasakyan na minamaneho ni Javvy, pero si Patsy ay hindi maitago ang kilig niya, para siyang teen-ager na nakasama sa unang pagkakataon ang matagal na niyang crush.
“Tim, salamat” pagbasag ng katahimikan ni Javvy.
“Para saan?” nalilitong tanong ni Timber.
“Para sa lahat, kung hindi dahil sa’yo hindi ko mararating ito” sagot ni Javvy.
“Huwag mo akong pasalamatan, kahit wala ako alam ko mararating mo iyan. Ikaw ang dahilan ng pagbabago mo, huwag mong isisi sa akin” natatawang sabi ni Timber.
“Ok na ba tayo? I mean can I call you anytime to have coffee with me?” sunod-sunod na tanong ni Javvy.
“Kahit hindi lang coffee, dinner, breakfast, out-of-town, you can have Timber all the time” kinikilig na sagot ni Patsy.
“Umaayos ka nga diyan” naasar na sabi ni Chigo kay Patsy, at umayos naman ito. Na-realize niya na hindi akma sa edad niya ang kanyang kinikilos sa loob ng sasakyan at hinayaan na nilang mag-usap ang dalawa.
“Totoo?” nagagalak na tanong ni Javvy.
“Siguro, depende kung pwede ako at dapat libre mo” biro ni Timber.
“Sure, walang problema” natutuwang sagot ni Javvy.
Pumayag si Timber hindi dahil sa namangha siya sa hitsura ni Javvy, gusto lang niyang patunayan sa sarili niya na wala na siyang tinatagong galit kay Javvy.
Matapos ang ilang oras ay nakarating na sila sa Bulacan at tinungo ang bahay ng malayong kamag-anak ni Javvy. Noong una ay walang ideya si Timber kung bakit nandoon sila pero lahat ay naliwanagan noong magpaliwanag ang may-ari ng bahay, ang nag-imbita kay Javvy. Niyaya niya ang mga ito sa kanilang sala at doon nag-simulang magsalita.
“Nang marinig ko ang pangalan ni Timber sa interview mo ay hindi ako mapakali. Para bang narinig o nakita ko na ang pangalan niya dati pa. Hanggang sa naalala ko na meron akong tinagong isang bagay para sa kanya” panimula ng singkwenta y siete anyos na matanda, tinawag niya ang isa sa mga apo niya at ipinakuha ang isang lumang kahon na kahoy na halos kasing laki ng kahon ng isang pares ng rubber shoes sa kanyang kwarto.
“Sa akin po?” takang tanong ni Timber na hanggang ngayon ay hindi pa rin makapaniwala kung bakit siya bibigyan ng isang bagay ng taong hindi niya kakilala.
“Oo, ikaw si Timber, di ba?” balik na tanong ng matanda.
“Pero bakit po?” muling tanong ni Timber.
“Ibinigay sa akin ito ng tatay ko” sabi ng matanda sabay kuha sa kahon na inaabot ng apo niya. “Galing pa ito tatay sa lolo ko. Sabi niya darating ang oras na makikita namin ang nagmamay-ari sa pangalang naka-ukit sa itaas ng kahon, kay “Timber” sabay turo ng matanda sa kahon na ikinamangha naman ng apat sa harapan niya.
“Paano nalaman ng lolo niya ang pangalan mo?” halos sabay-sabay na tanong ng tatlo kay Timber.
“Malay ko. Wala rin akong ideya. Lolo, pwede po bang malaman ang pangalan ninyo?” tanong ni Timber sa matanda.
“Oo naman, nakalimutan ko palang magpakilala sa inyo. Ako nga pala si Miguel Tomas Chavez III” sagot ng matanda.
Nanlaki ang mata ng apat at kahit walang salitang lumabas sa kanilang mga bibig noong mga sandaling iyon ay alam nila na apo siya ni Miguel, ang lalakit katagpo ni Timber sa nakaraan.
“Nagtataka nga ang pamilya namin kung paanong nagkaroon ng kakilala si lolo sa panahong ito. Noong una ay inakala namin na hula lang ito ni lolo kasi mahilig daw siyang magsabi ng mga mangyayari sa hinaharap hanggang sa binawalan kami ni tatay na hayaan na lang namin iyon, alam daw niya na may sariling dahilan si lolo kaya respetuhin na lang namin iyon at sundin ang habilin niya” paliwanag ng matanda.
Patuloy pa rin sa pananahimik ang apat.
“Kaya nga ng marinig ko si Javvy na nabanggit ang pangalan mo ay nagpatulong ako sa mga anak at apo ko para hanapin ka” turo ng matanda kay Timber, “pero hindi nila alam kung saan at paano magsisimula hanggang sa may nakapag-sabi nga na malayo naming kamag-anak itong si Javvy, tutal sa kanya namin narinig ang pangalan mo kaya nararapat lang na sa kanya kami humingi ng tulong at laking pasalamat ko at hindi niya kami binigo” kwento ng matanda.
“Misteryo pa rin sa amin kung paano ka nakilala ng lolo ko, gusto man kitang tanungin pero siguro na wala ka ring ideya, kagaya nga ng lagi naming iniisip dati malamang isa lang ito sa mga hula ng lolo ko. Pasensya ka na at naabala ka niya, eto nga pala ang kahon” pagtatapos ng matanda sabay abot ng kahon kay Timber.
Maluha-luha na si Timber ng abutin ang kahon pero pinigilan lang niya ito at baka magduda ang matanda na talagang magkakilala sila ng kanyang lolo. Napag-usapan na kasi ng apat noon pa na hindi na muling lalabas pa ang kwento tungkol sa pagtawid ni Timber sa nakaraan para na rin sa ikakabuti nito.
“Nasaan na po pala ang lolo ninyo?” tanong ni Timber sa matanda.
“Dadalhin ko kayo sa kinaroroonan niya, sandali lang at tatawagin ko ang bunso kong anak para ipagmaneho tayo papunta doon” pagyaya ng matanda. Tumayo siya at pumunta sa kwarto para magpalit ng damit.
“Ibig sabihin kamag-anak ko ang siya?” tanong ni Javvy sa tatlo, kahit hindi man niya binanggit pangalan ni Miguel, alam nila siya ang tinutukoy niya.
“Oo” maikling tugon ni Timber.
Maraming gumugulo sa utak ni Timber habang papunta sila sa kinaroonan ni Miguel. Naisip niya na kaya pala magaan ang loob niya kay Javvy kahit na ilang beses niya itong nasaktan dahil may koneksyon sila ni Miguel, malayo man ay ramdam ito ni Timber. Gusto nya rin sanang buksan ang puso niya kay Javvy sa pagkakataong ito pero naisip niya na hindi tama ang pangyayari dahil maaaring nakikita lang ni Timber si Miguel kay Javvy.
“Ito ang lolo ko at katabi ang tatay ko” turo ng matanda sa puntod ng dalawa.
“Nakita nyo po ba ang lolo ninyo?” tanong ni Timber sa matanda.
“Sa kasamaang palad, hindi na. Bago ako ipinanganak ay binawian na siya ng buhay. Nakilala ko na lang siya sa kwento ng tatay ko noong bata pa ako” sagot ng matanda.
Nag-alay ng dasal at nagsindi sila ng kandila sa dalawang puntod.
“Itay, nagawa ko na po ang habilin ni lolo sa atin. Lolo, naibigay ko na po ang kahon kay Timber at eto, kasama ko pa siya ngayon” tugon ng matanda sa mga puntod, at nangilabot silang lahat ng maramdaman ang malamig na hanging dumaan sa kanila kahit na mataas ang sikat ng araw.
Hindi takot ang nangibabaw sa kanila, kungdi saya dahil alam nila na tanda iyon na masaya din ang dalawang namayapa dahil sa pagkakabigay ng kahon kay Timber.
“Sige, mauna na kayo, dito muna ako” sabi ni Timber sa kanila ng magyaya ng umalis ang matanda.
“Maiwan na rin ako dito para may kasama si Timber, puntahan ko na lang kayo sa bahay ni Lolo Tomas, sumakay na muna kayo sa sasakyan nila” paalam ni Javvy kina Chigo at Patsy. Alam niya na kailangang mapag-isa ni Timber kaya minabuti niyang maghintay sa sasakyan niya.
Labis ang tuwa na nararamdaman ni Timber, hindi man niya nakitang buhay si Miguel ay natagpuan naman niya ang kanyang puntod. Kahit paano ay mabibisita niya ito kung kelan niya gustuhin. Kanina pa niya gustong buksan ang kahon pero hindi ito mabukas-bukas dahil may lock. Hanggang sa maalala ni Timber ang susi sa kwintas na suot niya, bigay ito ni Miguel sa kanya noong huli nilang pagkikita. Napagtanto niya na sinadya ng kapalaran na maibigay iyon sa kanya para siya lang ang pwedeng magbukas ng kahon.
Pagkakuha sa susi ay kaagad niyang ipinasok sa lock ng kahon, hindi nga siya nagkamali, iyon ang susi ng kahon. Pagkabukas na tinignan ni Timber ang laman, mga ginuhit na larawan ni Miguel ng burol na may bahaghari, ang hitsura ng nayon mula sa taas ng burol, ang kampanaryo, ang bangka sa ilog, ang kalye na naglalaman ng mga Espanyol, ang plaza, ang kamalig at ang salamin kung saan makikitang naka-upo si Miguel habang nakikita ang repleksyon ni Timber sa modernong panahon. Pagkatapos niyang tignan at itupi ulit ang mga larawan ay may nakita pa siyang isang kakaibang papel, kakaiba kasi mas maputi ito kumpara sa mga naninilaw na papel na ginuhitan ni Miguel. Kinuha niya ang papel, binuklat ito at nakita niya ang sulat kamay ni Miguel.
Iniirog kong Yago,
Lubos akong nagagalak sapagkat nabigyan ako ng kakaibang pagkakataon na makilala at makasama ka sa sandaling panahon. Sa sandaling mabasa mo ito, nawa’y makarating sa’yo itong sulat, ay maaaring wala na ako sa mundong ito, pero huwag kang malungkot dahil babaunin ko ang lahat ng alaala nating dalawa, ang mga alaala na sariwa pa sa iyo sa mga sandaling hawak mo ang kahon na ibinigay ko sa’yo. Ginawa ko ang kahon na iyon para ilulan ang mga masasayang karanasan natin. Napagtanto ko na walang kasiguraduhan ang ating susunod na pagkikita kaya ibinigay ko ang susi sa’yo para mabuksan mo ito sa sandaling maipasa ito sa’yo ng aking angkan. Sa mga sandaling ito, habang ginagawa ko itong sulat, ay nalalapit na ang aking pakikipag-isang dibdib sa isang dalaga na ipinagkasundo sa magulang ko. Aayaw sana ako ngunit tadhana na rin ang nagpilit sa akin kaya pumayag na ako.
Hindi mawawala sa isip ko ang unang araw ng pagkikita natin, ang habulan natin patungo sa simbahan, sa ilog, sa burol, sa plaza, at sa kamalig. Hanggang ngayon ay nahihiwagahan pa rin ako sa paraan ng ating pagkikita pero mas binigyan ko ng oras na namnamin ang ating mga masasayang sandali. Labis akong nanangis noong mga araw na inaabangan kita sa salamin ngunit hindi ka na nagpakita muli, batid ko na naging abala ka na o kaya naman ay nabasag ang salamin dahilan upang hindi ka na makatawid. Umabot din ng ilang buwan bago ko tuluyang iniwan ang salamin at natanggap sa sarili na hindi na kita muling makikita. Iginuhit ko ang mga larawang nakalulan sa kahon upang maikulong ko sa kapirasong papel ang mga magagandang pinagsamahan natin, kapag nalulungkot ako, ang mga papel na iyon ang nakakapagpasaya sa akin. Maraming taon ko silang naging inspirasyon at umaasa ako na ganoon din ang gagawin mo.
Maraming salamat dahil iminulat mo ako sa hinaharap na panahon, nagagalak ako dahil kahit hindi ko marating ang oras na iyon ay parang nakita ko na rin. Mula sa paglaya ng Pilipinas sa bansang Espanya, sa muling pagsakop ng ibang lahi katulad ng mga Amerikano at Hapones, hanggang sa tuluyang maging malaya ito mula sa mga banyagang mananakop. Nakakalungkot mang isipin pero mga kapwa Pilipino din pala ang magkaka-away sa hinaharap. Nais ko sanang makita kung paano binago ng makabagong teknolohiya ng mundo ngunit hindi na maaari. Batid kong maraming tao sa hinaharap ang mas bibigyan ng pansin ang mga hindi kanais-nais na mga pangyayari, pero sisiguraduhin ko na ituturo ko sa mga magiging anak ko kung paano kagandang mamuhay sa kabila ng mga ito.
Lagi kong dalangin na magkikita tayong muli, ngunit nabatid ko na hindi na iyon nararapat dahil papasaok na ako sa panibagong yugto ng aking buhay. Yago, sa pagkakataong ito ay ikakahon ko na ang ating mga alaala sapagkat gusto kong magsimula na bagong buhay kasama ang aking magiging asawa, pero hindi nangangahulugan na makakalimutan kita. Maaaring itatabi ko muna ang mga iyon pero maglalaan ako ng malaking puwang sa puso ko para sa’yo. Ikaw ang magiging inspirasyon ko sa pagbuo ng aking pamilya, marami kang naituro sa akin mula sa hinaharap at mula doon ay huhugot ako ng mga magagandang aral para maisalin sa aking mga anak. Hahabilin ko ang kahon sa aking mga anak pero katulad na pangako ko sa’yo, hindi ako magbabanggit sa kanila kung paano tayo nagkita at kung ano man ang nalalaman ko sa panahong daratnan nila.
Maraming salamat sa pagmamahal at inspirasyon. Sa pagbukas mo sa akin ng iba’t ibang klase ng buhay at pag-ibig. Hangad ko ang kaligayahan mo sa taong mapipili mong ibigin.
Nagmamahal,
Miguel Tomas
1898
Hindi na mapigilan ni Timber ang pag-agos ng kanyang mga luha pagkatapos niyang mabasa ang sulat. Naka-upo pa rin siya sa harap ng puntod ni Miguel, ang kanang kamay ay hawak ang sulat at ang kaliwang kamay ay haplos-haplos niya ang lapida. Sa gitna ng kanyang pag-iyak ay muling dumampi ang malamig na hangin sa kanyang katawan, tanda na nandoon si Miguel, ramdam nga ni Timber na nakayakap ito sa kanya at pinapatahan siya sa kanyang pag-iyak.
“Tim, tara na, baka gabihin tayo pauwi, dadaanan pa natin sina Chigo at Patsy” sigaw naman ni Javvy mula sa kanyang sasakyan na ilang metro din ang layo mula kay Timber.
Itinaas lang ni Timber ang kanyang mga kamay tanda na narinig niya ang sinigaw ni Javvy.
“Aalis na ako, muli kitang dadalawin. Sana mabigyan man lang ako ng isa pang pagkakataon para mayakap kita” paalam ni Timber sa puntod ni Miguel.
Muli niyang itinupi ang sulat at nilagay sa kahon kasama ng iba pang mga papel, isinara niya at dinala niya ito. Kagaya ng ginawa ni Miguel ay gagawin niyang inspirasyon ang mga iyon at magsisilbing mga alaala niya sa nakaraan. Muling naramdaman ni Timber ang malamig na hangin at batid ni Timber na nagpa-paalam lang si Miguel. Naglakad na siya patungo sa kinaroonan ni Javvy ngunit nakatalikod ito.
“Javvy” sigaw ni Timber sa kasama para malaman na papunta na ito sa kanya, pero laking gulat niya ng makita si Miguel sa katauhan ni Javvy pagharap nito, at dahil sa sobrang tuwa ay tumakbo na siya. Pagkapatong ng hawak niyang kahon sa kotse ay kaagad siyang yumakap sa taong kaharap niya.
“Miguel”
“Yago”
-WAKAS-
A compilation of my thoughts, dreams and fantasies. Stories that describes best my simple wishes in life. In addition to that, I asked friends to contribute their talents in this site where reality and fantasy are as one. Welcome to my site. Welcome to my heart. I am Dalisay.
Friday, February 11, 2011
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
9 comments:
Sobrang Ganda po na Sobrang nakakaiyak na sobrang Nakakakilig!!! Grabe.. Ito ung pinakamahirap sa mga love stories na nababasa ko ee.. ung they will be parted by death.. pero you wrote the story in such a way that, its very fulfilling, like the questions and the whereabouts in our mind just disappeared... Sana po may sequel to!! Nakatagpo si Timber ng taong kawangis ni Miguel, as in parang siya talaga! ung tipong lahat ng habits at ginagawa ni Miguel ay ginagawa niya rin.. Call me demanding pero maganda po kase talaga ung story niyo ee!! Siguro kung member lng ako ng isang governing body na may connection sa paggawa ng stories ee nabegyahan ko na kayo ng ultimte super award.. hahaha :)) Please continue in writing exceptional stories.. Mahirap po sa part ko kase d ko pa po naranasang umibig tapos namatay siya.. Although akala ko ee dadalhin siya ni timber sa present time para ok na :((.. Discreet Bisexual nga po pala ko.. 16 years old plng din.. hehehe :)) Ingat po Kuya Author!! GALING GALING NIYO PO TALAGA!!!
-Patrick :))
patrick, sana mabasa mo ito,
sorry ngayon ko lang nabasa ang comment mo, napasaya mo ako ng husto,
i doubt kung madudugtungan ko pa ito, alam ko marami pang loopholes ito na pwede pang tapalan, i admit mahihirapan ako pero kakayanin pero merong mga bagay na mas magandang huwag ng dugtungan,
maraming salamat sa pagbabasa,
napakaganda po ng story na to. grabe, nakaka-iyak. sana may book 2, kasi gusto ko malaman kung ano mangyayari kila javvy at timber.
nakaka-iyak yung sulat ni miguel kay timber. grabe!
frailo4
maraming salamat sa pagbasa, ngayon ko pa lang nakita ang comment mo,
as i've said, mahirap ng dugtungan ito, i'd rather write a new story, alam kong suntok sa buwan ang pagsulat ng kwentong ito, and i'm glad na nagustuhan ninyo, hindi ko expected na ganito ang response ninyo,
maraming salamat,,,,,
grabe, natapos ko din, ang hirap sabayan ng bawat kabanata ng kwento dahil hindi mo maintindihan, pero pagdating sa ending, gnun pala, yan tuloy binasa ko uli sa pinakauna, and now I'm on chapter six na for the 2nd time around at lalo kong naappreciate and bawat yugto, hai eniwei, ang galing ng lumikha sa kwento nto, para kang direktor ndin ng teleserye na aabangan ng tagasubaybay ang bawat yugto. I want to have a book 2 of this series, and ako ang gagawa, ahaha, peace, joke, sana magcreate ka uli, salamat.
Parang medyo naging magulo, si Timothy at Javier na nagmula sa gitna ng magkabilang mundo at namuhay sa magkaibang panahon, pinagtagpo ng tadhana na nkasulat sa Prologo Uno, tapos ng patay na si Miguel na galing sa ibang panahon, sumama pa si Javier sa puntod nito at marahil apo na ni Miuel si Javier sa malayong kamag-anak, hai, toxic ah, parang nagduty lang ako sa ER na napakagulo, tapos sa Prologo Dos nman, sinabi nman dun na taga Vigan sya na mukhang makaluma ang lugar, it means hndi namuhay sa magkaibang panahon, ehehe, eniwei, nice story, talagang nagustuhan ko ito, promise... Sna magbook two kdin kasi kakaiba ang kwento mo, ang gawin mo nmang panahon is year 2010 - 2130, ahaha, manghula ka nalang ng kung gaano mas moderno ang panahon na yun, malay mo, mag isip-anghel or sulat-anghel ka.
-- kaloka ang ganda !
-- paranq unq palabas nila dingdong dantes at iza calzado
-- iyak much akess !
[ kharla.potxs ]
shet sana maranasan ko rin maglakbay sa panahon at makakilala ng katulad ni miguel.... grabeh tong story na ito gusto ko to baka managinip ako nito ng maganda... cnxa na now ko lng nabasa to 2012 na pala tapos 2011 pa huling comment atleast hanggang ngayun may nakakaapreciate pa din diba
masarap siguro mahalin ang tao sa ibang panahon lalo na nung unang panahon kac mukha clang walang muwang sa same sex relationship tapos parang lalaking lalake hahaha... parang sobrang bakla naman ng comment ko hehehe isa lng naman ang gusto kong sabihin pinahaba ko lng nagustuhan ko talaga ang karakter ni miguel sobra...
kudos to the author..
what''a!! great big mind!!!
i love this story...
"LHG"
wow. natuwa ako kasi may element of history. nakakatuwang isipin na hindi kayang hadlangan ng panahon ang mga pusong nagmamahalan. maaaring hindi sila nagkatuluyan pero nanatili sa kanilang mga puso ang masasayang alaalang pinagsaluhan nila. you did a great job bx_35. :D
Post a Comment