No Boundaries
Chapter XIII
Pag-amin ni Andrei
“Nicco ano ang masasabi mo sa nangyari sa mga kasamahan mong nahuli?” tanong ni Fr. Rex kay Nicco.
Bagamat nagulat sa pangyayaring iyon ay nagsalita ang batang seminarista. “Bakit hindi natin sila bigyan ng pagkakataong magsalita? Tanungin natin kung bakit nila nagawa yun. Paano natin malalaman ang katotohanan o makapagdedesisyon ng tama kung sa simula pa lang ay masama na ang husga natin sa kanila?” nanginginig na sagot ni Nicco.
“Halimbawang nalaman na natin ang dahilan? Ano ang susunod nating gagawin sa kanila?” tanong ng Rector.
Kahit alam ni Nicco na maari niyang ikatanggal sa seminaryo dahil taliwas ito sa gusto ng nakararaming pari duon ay sinabi niya ang nasa loob ng kanyang puso “Siguro marapat na bigyan natin sila ng panahon para makapag-isip. Ipabatid natin sa kanila kung bakit mali iyon? Hindi dapat na iduduldol sa harap nila ang naging pagkakamali nila, hayaan silang maintindihan kung bakit sila mali.”
“Paano kung nalaman na nila kung saan sila nagkamali at bakit sila nagkamali? Ano na sa palagay mo ang dapat gawin?” tanong ni Fr. Cris, isang pari duon na halata ang pagkadisgusto sa kanyang sinabi.
“Hayaan silang mabatid kung ano ba talaga ang gusto o mas gusto nila? Kung sa palagay nila ay gusto pa din nilang ituloy ang pagpapari, wag nating ipagkait ang bagay na ikaliligaya ng puso nila. Pero dapat lagi nating ipaalala na may katapat itong sakripisyo. Dahil mahalaga din tayo para mailagay siya sa tamang daan” sagot ni Nicco, sa loob loob niya “eto na din naman ako, matanggal na kung matanggal, ang mahalaga nasabi ko ang laman ng puso ko.”
“Ibig mo bang sabihin na kahit dinungisan niya ang seminaryo ay tatanggapin pa natin siya? Hindi ka ba nahihiya sa ganoon? Paano kung ulitin nya iyon?” tanong ulit ni Fr. Cris.
Magsasalita na sana ulit si Nicco nang sumingit si Fr. Rex “Hindi mo ba narinig ang sinabi ng bata? Kasama tayo sa pagdadala sa kanya sa tamang landas. Ibig sabihin nagkaroon din tayo ng pagkukulang kung bakit nila nagawa ang ganuong pagkakamali.” Pagtatanggol nito kay Nicco.
Natahimik si Fr. Cris na halata na ang pagkapikon sa ginagawang pagkampi ni Fr. Rex sa batang si Nicco.
“Sige iho, ituloy mo.” sabi ng Rector.
“Hindi po mahirap na tanggapin siya muli. Ang kailangan lang ay ang pang-unawa. Unawain na sila ay tao lang, marurupok, natutukso at nagkakamali. Sa bawat pagkakamali, tulungan dapat sila ng mga nakapaligid sa kanya na lumagay sa tama sa pamamagitan ng pagtanggap sa kanila muli.” sa pagpapatuloy ni Nicco.
Tahimik ang lahat ng magsalita ulit ang batang seminarista “Ang pagtanggap ay ang simula ng pagbabagong buhay.” – may sasabihin pa sana ang si Nicco ng may magsalita.
“Iminumungkahi kong dapat ay ilaan ang usaping ito sa mga namumuno ng seminaryo” sabi ni Fr. Froilan na halatang hindi kumbinsido sa sinabi ng bata.
“Hindi nyo dapat solohin ang usapan, maging ang mga baat ay may sariling palagay ukol sa usaping ganito. Bakit hindi sila pakinggan? Baka sakaling may mapulot tayo.” pagdepensa ni Fr. Rex.
May sasagot pa sana ngunit pinigil na ito ng Rector “Hindi maganda na nakikita tayong nag-aaway ng ating seminarista.” pag-awat nito sa naging mga sagutan “sige na iho, lumabas ka na at kami na ang bahalang umayos nito.”
Bago lumabas ay may narinig pa si Nicco na nagsalita “Pareho kayong pangahas ni Fr. Rex.”
Ang mga pangyayaring iyon ang patuloy na naglalaro sa isipan ni Nicco. Ang pangyayaring muntikan na niyang kinatanggal sa seminaryo. Kahit sabihing pitong buwan na ang nakakalipas ay apektado pa rin siya ng pangyayaring iyon. Mula kasi ng araw na iyon, marami na sa mga pari na nagtuturo sa kanila ay pinag-iinitan siya, subalit ang iba ay humahanga din sa bandang huli.
“7 months, 7 months na akong nandito. Matagal – tagal na din pala.” mahinang usal ni Nicco habang nasa loob ng kwarto niya. “Salamat kila Kuya Andrei at Kuya Andrew, binibisita nila ako kada linggo hindi ko tuloy nararamdaman ang lungkot” nasa ganitong pag-iisip si Nicco ng may tumawag sa kanya.
“Nicco, Nicco, dali, tawag ka ni Rector.” sabi ni Joshua, kasamahan ni Nicco sa kwarto. Tulad niya ay gwapo din ito at halatang habulin.
Sanay si Nicco na laging pinapatawag ng kung sino man sa mga pari at maging ng rector, subalit ngayon ay tila ba iba ang pakiramdam niya. Pagdating sa loob ng opisina ay nakita niya ang iba pang seminarista.
“Ngayong kumpleto na kayo may sasabihin akong maganda sa inyo” panimula ng rector “Kayo ang mga napili para makauwi sa inyong mga tahanan ngayong pasko. Dalawang linggo din iyan. Subalit, may kapalit ang pag-uwi nyo. Dapat ay tumulong kayo sa parokya niyo sa pagsasagawa nila ng selebrasyon para sa kapaskuhan.”
Masayang masaya ang lahat ng seminaristang napili. Higit sa kanila ang pinakamasaya ay si Nicco. Maisip pa lang niyang makakasama niya ang mga Kuya del Rosario niya, lalo na si Andrei ay talagang sobrang ligaya na niya.
Sabado ng araw na iyon at Linggo kinabukasan, alam niyang dadalaw ang dalawa lalo na at bakasyon din ang mga ito kaya naman naisip niyang sopresahing sasama siya pabalik sa San Isidro. Ika-sampu ng umaga kung dumating ang mga kuya-kuyahan niya, minsan ay kasama si Governor. Ganuong oras din ang tapos ng huling misa sa seminaryo at ganuong oras din maaaring makaalis ang mga seminaristang mapapalad. Hindi nga nagtagal at dumating na din ang mga ito kasama si Aling Martha at si Governor.
“Magandang umaga po Father” sabay mano, panimulang bati ng mga ito sa rector na nakasalubong nila sa may gate ng seminaryo.
“Magandang umaga din po naman” sagot nito “tuloy po kayo Governor” sabay tingin kay Don Joaquin “susunduin nyo po ba si Nicco?” dugtong ng pari.
“Ano pong susunduin yun?” halos sabay na tanong ng kambal.
“Hayaan nyo na lang na siya ang magsabi” sabay tingin sa may daanan papuntang dormitoryo ng mga seminarista “oh, ayan na pala si Nicco.” Sabay turo sa paparating na si Niccong maraming dalang gamit.
Nilapitan ng dalawa si Nicco at tinulungang magdala. “Ano yung sinasabing susunduin ka daw?” tanong ni Andrei.
“Ah, alam ko na, pinapalayas ka na dito ano?” pagbibirong wika ni Andrew “sabi ko naman sa iyo, di bagay dito ang mga may sungay” sabay ang mahinang tawa.
“Baka naman narealize hindi ka para dito kaya aalis ka na no.” nagbibirong wika ni Andrei “bakit mahal mo na ba ako?” dugtong pa nito sabay tawa ng mahina.
“Ako ang mahal niyan hindi ikaw” sagot ni Andrew sa kakambal.
Sanay na ang tatlo sa ganuong biruan at alaskahan. Lalo pa at laging alaska ng dalawa kay Nicco ay bakla ito kaya magpapari. Lingid sa kaalaman ng dalawa na naapektuhan siya kapag binibiro siya ng ganuon at tuwing magtatanong ang dalawa kung mahal ba niya si Andrei ay nais niyang sumagot ng “oo”. Ganon din ang kambal, nilalabas na lang sa biro ang pagpapahiwatig nila na mahal na nila ang seminarista lalo na si Andrei na sa simula pa ay malakas na ang tama kay Nicco.
“Magandang umaga po rector” sabay mano “Magandang umaga din po Governor at Aling Martha” at pagkawika ay nagmano ang batang si Nicco.
“Pasensya na po kayo Governor..” hindi naituloy ni Nicco ang sasabihin dahil agad na sumingit si Don Joaquin.
“Sabi ko sa iyo, Papa na lang ang itawag mo, tutal Kuya ang tawag mo sa kambal ko.” Paggigiit ni Don Joaquin.
“Sorry po papa, pwede po ba akong makisabay sa inyo pauwi ng San Isidro?” magalang na tanong ni Nicco.
“Kung ayoko may magagawa ba ako? Dala mo na nga yang mga damit mo eh” sabi ni Don Joaquin sabay tawa “kita mo, pati si rector nakukulitan na sa iyo kaya pinapaalis ka na dito” tumawa ang lahat pati na ang rector.
Pamaya-maya pa ay nagpaalam na ang mga ito sa rector at sa ibang mga pari. “Sige po Father, uwi na po muna ako sa San Isidro” sabay mano ni Nicco maging ang mga kambal.
“Sige mag-iingat ka iho. Mag-iingat kayo.” sabi ni Fr. Cris na naging malapit na kay Nicco “ingatan nyo si Fr. Nicco ah, bihira na ang makulit na gaya niya” sabi ni Fr. Cris kila Governor Don Joaquin.
“Opo, alagang alaga iyan lalo na sa kambal ko. Bunso nga namin yan eh” sabi ni Don Joaquin.
Ilang oras pa ay nasa San Isidro na sila. Sa bahay hinatid si Nicco. Tulad pa din ng dati, wala ang tatay niya duon. Hindi malaman ni Nicco kung saan nagpupunta ang kanyang ama, maaga itong aalis, subalit sobrang gabi kung umuwi. Minsan nga ay inuumaga na ito. Alam niya na may regular itong trabaho, pero hindi niya alam ang oras ng pasok at labas nito. Nang tinanong niya ito dati ay napagalitan lamang siya kaya minabuti niyang wag na lang magtanong ulit, dahil alam niyang malalaman din niya ito pagnagtagal.
“Governor, este Papa, salamat po sa paghatid sa akin.” Pasasalamat ni Nicco. “Aling Martha salamat din po” inabot ng batang senimarista ang kamay ng matandang si Martha.
“Ano ba yan, hindi man lang nagpasalamat sa akin” may himig pagtatampo na wika ni Andrei.
“Hindi na kailangan un. Sino ba kayo?” sagot ni Nicco sabay tawa ng lahat.
“Kayo talagang mga bata kayo, asaran kayo ng asaran” sabi ni Don Joaquin na sanay na sa ganuong biruan “wala ka bang balak magpunta muna kay Fr. Rex?” tanong ng Don.
“Mamaya po, dadalawin ko lang ang mga kapatid ko” sagot nito.
“Di ba kami ang mga kapatid mo?” pabirong wika ni Andrew.
“Naku iho, kay bait mo talaga” pakling sambit ni Don Joaquin, bagamat alam niya ang kwento ni Nicco base na rin sa kwento nila Andrei at Andrew.
“Sige una na kami” paalam ng Don, ni Aling Martha at ng kambal.
Ayaw pang umuwi ng kambal subalit pinilit niya ang mga ito at tinakot na magagalit siya kapag hindi sila umuwi. Bago matapos ang araw ay binisita niya ang mga kapatid niya subalit gaya ng mga nauunang pagbisita niya sa kani-kanilang bahay ay laging aligaga ang mga ito at hindi magkanda ugaga sa ginagawa. Pinuntahan din niya sila Chad at Rome para mangamusta at sa bandang huli ay kay Fr. Rex.
Inanyayahan siya na sa Mansion na lang ng del Rosario nagpalipas ng Noche Buena subalit tinanggihan niya ito. Pati si Fr. Rex ay inaya siyang sa simbahan na lang manatili pero mas pinili niyang makasama ang ama. Kaya naman nang sumapit ang gabi bago ang araw ng pasko ay naghanda siya ng kahit kaunti dahil umaasa siyang darating ang ama. Subalit inabot na ng umaga ay wala siyang nakita maging ang anino nito. Nakatulog na ang batang seminarista sa sala ng marinig niyang may paakyat. Nagulat siya ng mapansing si Andrei pala iyon.
“Merry Christmas Niks” nakangitng bati nito.
Nais sanang mapaluha ni Nicco subalit pinigilan niya ang emosyon “Merry Christmas din Kuya Andrei. Nasaan si Kuya Andrew?” tanong nito.
“Wala, iniwan ko, tumakas nga lang ako. Ayun at tulog na tulog ang loko.” Nakangiting wika nito “ikaw lang ata mag-isa dito ah”
“Oo, hindi pa din kasi umuuwi si tatay” nakangiting sagot nito.
“Buti na lang pala at pinuntahan kita. Kanina ka pa namin gustong puntahan kaso nahihiya kaming magpaalam kay Papa. Alam mo na.” sabi nito na may pag-aalala sa tinig.
“Ayos lang, salamat nga pala sa pagbisita” sagot ni Nicco, subalit sa loob loob niya “ayos lang sa akin, basta ba ikaw ang kasama ko ngayong pasko.” At bigla siyang napangiti.
“Niks, may sasabihin sana ako sa’yo.” Napalunok ng laway si Andrei “wag ka sanang magagalit”
“Sige ano ba yon?” sagot nito.
Hindi malaman ni Andrei kung paano sisimulan, pero alam niya sa puso niya na ito na ang pagkakataon para sabihin ang damdaming iyon. Ngayon ay sigurado na niya ang nararamdaman.
“I Love You Niks” sabi nito.
“Joker ka talaga, ayos lang ako, wag ka nang magpatawa” sagot ni Nicco.
“I mean it Niks, since then, I fell in love with you.” Paggigiit ni Andrei.
Nabalot ng katahimikan ang buong paligid. Nagsalita muli si Andrei “I can’t keep it inside myself anymore. Pakiramdam ko habang tinatago ko ito gusto kong sumabog.”
“Pero Andr—“ at hindi na naituloy ni Nicco ang sasabihin.
“Wag kang mag-alala, alam ko namang may pangarap kang tinutupad. Ang sa akin lang naman, karapatan mong malaman ang totoo. Ayos lang kung magbago ang tingin mo sa akin pero sana huwg mo akong iiwasan.” sabi ni Andrei “Hindi ko kayang iwasan mo ako.”
“Huwag kang mag-alala Andrei, hindi nagbago ang tingin ko sa iyo.” nakangiting wika ni Nicco “masaya ko dahil alam ko, mahal ako ng taong mahal ko din.”
Napangiti si Andrei sa sinabing iyon ni Nicco nang biglang tumunog ang cellphone nito.
“Sandali lang tumatawag ni Andrew” saad ni Andrei.
“Kuya nasan ka ba? Hinahanap ka ni Papa, andito sila tita Melba” sabi ni Andrew sa kabilang linya.
“Sabihin mo lumabas lang ako para magpahangin. Sige pabalik na ako diyan.” Sagot ni Andrei.
“Niks ko, uuwi muna ako, pero babalik din ako mamaya” pagpapaalam ni Andrei.
“Ingat ka Andrei” sabi naman ni Nicco.
Sa pag-usad ng mga araw ay wala ngang nagbago sa pagsasama ng dalawa. Kung mayroon man ay ito ang mas lalong pagiging malapit nila sa isa’t-isa. Kinabukasan ay bagong taon na at kailangan ng bumalik ni Nicco sa seminaryo ng araw din iyon. Malungkot man si Andrei sa pag-alis na ito pinangako niya kay Nicco na dadalawin pa din niya ito ng lingguhan para mabawasan ang kalungkutan nila. Ngunit bago tuluyang maghiwalay ay nag-iwan ng makabuluhang pahayag si Nicco, “baka sa susunod na pagbisita mo kasama mo na ako.”
Sa pahayag na ito ni Nicco ay tila sumaya ang binatang si Andrei at sumagot ng “Aasahan ko iyan”
“Wag mo munang asahan baka hindi matuloy, baka sa susunod na buwan” at nakangiting bumaba ng sasakyan si Nicco. “Ingat kayo” huling pahayg nito bago tuluyang pumasok sa seminaryo.
Naguguluhan man si Andrew sa usapan ng dalawa ay binaliwala na lang niya. Nakalubog na ang araw ng maka-uwi ang kambal. Naging malungkot ang dalawa lalo na si Andrei dahil wala na si Nicco. Subalit napapasaya naman siya ng makahulugang pahayag nito sa tuwing maaalala niya.
No comments:
Post a Comment