Capítulo Diez – Cárcel
Bago pa tuluyang makita ni Timber ang mukha ng lalaking nasa kanyang harapan ay bigla na lang bumagsak ang katawan niya sa lupa.
Pinalo ng kahoy si Timber kaya siya nawalan ng malay. Pagkabagsak niya ay dinampot siya ng dalawang lalaki at dinala sa isang lugar na malayo sa kamalig. Kinulong siya sa isang selda dahil napagkamalan siyang kasama ng lalaki na hinahabol nila kanina. Ang lalaking iyon na kangawis ni Miguel ay napag-alamang espiya ng mga Kastila sa mga lokal na grupo na nagbabalak ng himagsikan laban sa bansang Espanya.
Nagising si Timber dahil sa lamig ng tubig na binuhos sa kanya. Kung makikita niya ang sarili niya ay siguradong maaawa din siya sa kanyang hitsura. Kahit na wala siyang malay ay binugbog pa rin siya ng mga kalalakihang miyembro ng grupo para siguradong manghina siya at hindi makatakas paggising niya.
Bago siya nilabas sa selda ay piniringan muna siya, pagkatapos ay dinala sa isang mas malaking kwarto. Pina-upo siya sa isang silya sa gitna ng kwarto, tinali ang mga kamay at paa para hindi siya makawala.
“Tanggalin ang piring” pasigaw na utos ng pinuno ng grupo sa mga lalaking naka-tayo sa magkabilang gilid ng upuan ni Timber.
Pangkatanggal ng piring ay pupungas-pungas pa ang mga mata ni Timber, nahihirapan siyang idilat ang mga ito dala ng matagal na pagtulog at pagkapiring sa kanyang mata. Gusto niyang punasan ang magkahalong tubig at pawis na tumutulo sa kanyang noo para hindi tuluyang tumagos sa kanyang mata pero huli na ng naramdaman niyang naka-tali ang mga kamay niya.
Umabot ng ilang minuto bago naging komportable ang patingin ni Timber sa kanyang paligid. Sa harap niya ay tatlong lalaki na naka-upo sa harap ng mesa kung saan nakapatong ang lampara na nagbibigay ng liwanag sa buong kwarto. Nilingon ni Timber ang buong kwarto at kahit konting liwanag lang ang dulot ng lampara ay alam niyang maraming tao ang nakapalibot sa kanya.
Hindi sukat akalain ni Timber na hahantong siya sa ganitong pangyayari. Mula sa hindi pakiki-usap ni Miguel sa kanya, hanggang sa galit niya kay Javvy, ngayon nasa ibang oras siya at bihag nga mga taong gustong maghimagsik.
“Pangalan?” tanong ng pinuno.
Hindi makasagot si Timber dahil na rin sa iniindang sakit sa katawan at sobrang gutom.
“Sagot” sigaw na utos ng lalaki sa tabi niya sabay suntok sa sikmura ni Timber.
Kitang-kita ng lahat ng tao sa kwarto kung paano mamilipit sa sakit si Timber pero hindi awa ang nararamdaman nila sa para kanya kungdi pagkamuhi, galit sila sa mga kalahi na gusto silang ipagkanulo sa mga Kastila na umaapi sa kanila. Pero ang hindi nila alam ay walang kinalaman si Timber dito, isa lang siyang hamak na tao na galing sa ibang panahon na napagkamalan lang nila.
“Yago” mahinang sagot ni Timber.
“Pinuno, Yago daw po ang pangalan” pag-uulit ng isang lalaki sa tabi niya, halos hindi na kasi marinig ang pagsasalita ni Timber.
“Tila ngayon pa lang kita nakita dito. Saan bayan ka nanggaling?” matigas na tanong ng pinuno kay Timber. Nagbulung-bulungan din ang mga tao sa loob ng kwarto senyales na sang-ayos sila sa pinuno nila dahil wala kahit isa sa kanila ang nakakita kay Timber sa lugar na iyon. Tuwing magkikita sila ni Miguel ay madalang lang kung makisalamuha sila sa mga lokal doon, madalas sa mga tagong lugar o mga lugar na hindi madalas puntahan ng mga tao sila nagkikita.
Hindi pa rin makasagot si Timber sa mga tanong dahil sa sakit ng kanyang katawan, at dahil doon ay isang suntok na naman ang tumama sa kanyang sikmura.
“Sagot” sigaw ng isang lalaki sa tabi niya pagkatapos siyang sikmurain.
Dahil sa suntok ay pinilit pa rin ni Timber na sumagot dahil ayaw na niyang magkatanggap pa ng isang suntok.
“Sa ka-bi-lang ba-yan po” paputol-putol sa sagot ni Timber.
“Sino ang nag-utos sa’yo upang mag-espiya sa aming samahan?” muling tanong ng pinuno nila.
Pinilit pa ring sumagot ni Timber kahit na namimilipit sa sakit ang katawan niya.
Tahimik. Umaasta na ang isang lalaki upang suntukin ulit si Timber ng kusa na siyang magsalita.
“Wala po akong kinalaman, hindi po ako espiya. Bumibisita lang ako sa bayan ninyo” sagot ni Timber.
“Huwag ka ng magkaila pa. Merong mga nakakita na sa iyo kasama ng iba pang espiya. Saan kayo nagtatago? Sino ang nag-uutos sa inyo?” sunod-sunod na tanong ng pinuno.
“Hindi ko po sila kilala. Yung lalaking hinahabol ko po kagabi malamang napagkamalan kong siya ang kaibigan ko. Matagal ko na po siyang hindi nakikita at dahil sa kagustuhan kong maka-usap siya sa inakala ko na yung lalaki kagabi ay ang kaibigan ko” paliwanag ni Timber. Sa sakit ng pakiramdam niya ay pinilit pa rin niyang makapagsalita para mawala ang pagsususpetsa sa kanya bilang espiya.
“Sino naman ang kaibigan mo dito?” takang tanong ni pinuno. “Halos lahat ng mga kabataan dito ay magkakakilala at sila lang ang nagsasama-sama dito” dugtong ng pinuno.
Hindi sumagot si Timber dahil ayaw niyang mapahamak si Miguel, naisip niya na baka madamay pa ang katipan kung ipagtatapat niya sa pinuno na siya ang tinutukoy na kaibigan.
Muling umaasta ang isang lalaki sa tabi ni Timber ng sumenyas ang pinuno na hayaan lang siya.
“Ipatawag si Miguel” utos ng pinuno sa mensahero ng grupo.
Laking pagtataka ni Timber kung bakit alam ng pinuno na si Miguel ang kaibigan nito gayong hindi naman niya sinagot ang huling katanungan sa kanya.
Samantala, hindi mapakali ang magkaibigang Patsy at Chigo dahil hindi pumasok si Timber sa klase nila ng buong araw.
“Nasaan na kaya si Timber? Ngayon pa lang ako nag-alala ng ganito sa kanya” nababalisang sabi ni Patsy.
“Oo nga, dati tumatawag o nagte-text siya kung hindi papasok” sagot ni Chigo.
“Anong oras siya huling nagtext sa’yo kagabi?” tanong ni Patsy.
“Alas nuebe ng gabi ng huli siyang mag-text. Sa’yo, anong oras huling nag-text?” balik tanong ni Chigo.
“Ganoong oras din siya huling nag-text sa akin. Tinawagan ko siya pagkatapos pero hindi na sumasagot. Nahiya naman akong tumawag sa landline nila kasi gabi na” sagot ni Patsy.
“Sa palagay mo ano ang nangyari sa kanya?” muling tanong ni Chigo.
“Ewan ko rin, clueless ako. Hindi nga ako makapag-concentrate sa klase kanina kasi iniisip ko siya” sagot ni Patsy.
Habang naglalakad sila ay nakita nila si Javvy na pasalubong sa direksyon nila at nagkatinginan ang mag-kaibigan, pareho nilang naisip na malamang merong kinalaman si Javvy sa hindi pagpaparamdam ni Timber sa araw na iyon.
“Javvy, anong ginawa mo kay Timber?” masungit sa salubong ni Patsy sa kanya.
“Pagkatapos niya akong bugbugin ako pa ngayon ang may ginawang masama sa kanya” matapang na sabi ni Javvy sabay turo sa mga marka ng bugbog niya sa mukha.
“Kilala namin si Timber, alam naming hindi niya magagawa iyan kahit kanino” pagtatanggol ni Chigo.
“Anong hindi, eto na nga ang ebidensya, oh. Kung gusto ninyo kausapin ninyo ang mga security guard sa subdivision nina Timber, kung hindi lang sila dumating malamang hindi lang ganito ang aabutin ko sa kaibigan ninyo” paliwanag ni Javvy.
“Siguro may ginawa kang masama sa kanya kaya ka niya binugbog?” masungit pa ring tanong ni Patsy.
“Kinausap ko lang naman siya, gusto ko sanang makipagbalikan sa kanya” sagot ni Javvy.
“Makipagbalikan?” takang tanong ni Chigo.
“Pagkatapos mong gamitin at iwan ng walang paalam si Timber ngayon makikipagbalikan ka sa kanya” tugon ni Patsy na sa tono ng pagsasalita ay parang sa kanya ginawa iyon.
“Ok, aaminin ko, makikipagbalikan ako sa kanya para gamitin siyang muli. Siya lang ang makakatulong sa akin sa muli kong pag-aaral dito” paliwanag ni Javvy.
“Tignan mo, ang kapal talaga ng mukha mo” galit na sabi ni Chigo, umaasta siyang susuntuhin si Javvy pero pinigilan lang siya ni Patsy.
“Chigo, huwag. Hindi siya karapat-dapat para sa suntok mo. Ang kapal ng mukha mo na ipagtapat sa amin iyan ….” pinutol ni Javvy ang dapat na sasabihin pa ni Patsy.
“Sandali, let me explain, please” paki-usap ni Javvy sa dalawa.
Tumahimik ang magkaibigan dahil na rin sa pakiusap ni Javvy. Sa kabila ng rebelasyon niya ay naramdaman ng dalawa ang sinseridad sa paki-usap ni Javvy.
“Oo, dahil sa nasabi kong iyon ay nabugbog ako ni Timber. Hindi ko sinasadya na muling masaktan si Timber sa muli naming pagkikita. Nabigla rin ako ng magpakita siya ng galit, galit na noon ko pa lang nakita sa kanya kaya nataranta ako. Hindi ko na rin nga namalayan na ganoon ang mga lalabas na salita sa bibig ko” panimula ni Javvy.
Kita ng dalawang magkaibigan ang pangingilid ng luha ni Javvy at kung paano niya ito punasan.
“Ang gulo mo rin, no? Akala ko ba gusto mo lang siyang gamitin?” sunod-sunod na tanong ni Patsy, gusto niyang ipakita kay Javvy na hindi siya naaapektuhan sa drama niya.
“Ganoon na rin ang nasabi ko kay Timber kahapon kaya gusto ko na sanang panindigan na gagamitin ko lang siya. Pero kahit anong pilit ko sa sarili ko, nangingibabaw pa rin ang pagmamahal ko sa kanya” pag-amin ni Javvy.
“Mahal? Ikaw, mahal mo si Timber?” sarkastikong tanong ni Chigo.
“Sabi ko na nga ba hindi kayo maniniwala” hula ni Javvy, sabay punas ng huling patak ng luha niya. “Kahit sa sarili ko nahirapan kong aminin na mahal ko pa rin si Timber. Noong una hindi ko alam ang dahilan kung bakit ako nagbalik dito, pero nang makita ko siya muli noon ko lang na-realize na siya pala ang binalikan ko dito. Alam ko mahirap para sa kanya ang patawarin ako, pero gusto ko pa ring humingi ng tawad” pagpapatuloy ni Javvy.
Tahimik.
“Alam kong maling-mali ang ginawa ko kahapon dahil mas lalo pang nagalit si Timber sa mga sinabi ko. Ngayon ay hindi ko na alam kung paano pa ako makakabawi sa kanya, mas mahirap ngayon na ipa-alam at ipadama na mahal ko siya” pagtatapos ni Javvy.
Pagkatapos magsalita ay iniwan ni Javvy ang dalawa, hindi rin siya makapaniwala na naipagtapat niya iyon kina Patsy at Chigo na galit din sa kanya. Pero bukod kay Timber ay silang dalawa lang ang pwede niyang pagsabihan.
Nagulat ang magkaibigan sa mga narinig mula sa taong nanakit kay Timber. Ayaw nilang maniwala pero kita sa mukha ni Javvy ang sinseridad niya. Naiwan silang tulala dahil sa mga rebelasyon ni Javvy.
“Sa palagay mo ba totoo ang mga sinabi ni Javvy?” pagbasag sa katahimikan ni Chigo.
“Kahit na totoo pa ang mga iyon, mukhang matatagalan bago maniwala si Timber. Siempre mas uunahin niya ang pag-ayos sa problema nila ni Miguel” sagot ni Patsy.
“Speaking of Miguel, baka naman pumunta doon si Timber, nag-usap na sila at dahil sa sobrang saya ay hindi pa siya bumabalik” suhestyon ni Chigo.
“Ano ka ba? Hindi pa uso ang pakikitulog sa mga kaibigan noong panahong iyon, sa pagkaka-alam ko mahigpit na pinagbabawal iyon kahit sa mga anak na lalaki” paliwanag ni Patsy.
“Oo nga pala, naalala ko rin yung kwento ni Timber dati na kahit gusto niyang magpalipas ng gabi doon ay hindi pwede. Dapat daw bago gumabi ay maka-uwi na si Miguel sa kanila at kahit gustuhin ni Timber na matulog doon ay wala naman siyang makakasama” kwento ni Chigo.
“Paano kaya kung puntahan natin siya?” tanong ni Patsy.
“Sa kanila?” balik tanong ni Chigo.
“Sa nakaraan. Tatawid din tayo sa salamin” sagot ni Patsy.
“Nababaliw ka na ba? Di ba sabi ni Timber walang kasiguraduhan na doon din sa panahon na iyon tayo makakapunta. Kasi dadalhin lang tayo ng salamin sa lugar na gusto ng puso natin. Ikaw, nakakasigurado ka ba na gusto ng puso mo ang magpunta sa panahon na iyon?” tanong ni Chigo kay Patsy.
“Tama ka nga. Mas mabuti siguro kung hintayin na lang natin si Timber, sigurado ako may dahilan siya kung bakit hindi nagparamdam ngayon” pagsang-ayon ni Patsy.
“Oo naman, baka dalhin lang tayo ng salamin sa ibang lugar o panahon dahil iba-iba ang gusto natin. At isa pa, hindi ko kasing tapang si Timber para tumawid sa salamin” pagtatapos ni Chigo.
“Gising” sigaw ng isang lalaki kay Timber. Umagang-umaga ay inistorbo ang mahimbing na tulog ni Timber sa kanyang kulungan. Hindi pa man siya nakakabawi ng lakas mula sa gutom at pampupugbog na ginawa sa kanya ngayon ang ginigising na siya.
Hindi pa handang bumangon si Timber ngunit napilitan siya ng makita ang isang piraso ng tinapay at isang basong tubig na nasa harapan niya. Daig pa ni Timber ang hindi nakakain ng isang linggo dahil sa kasabikan niya sa pagkain. Alam niya kulang pa ang mga binigay sa kanya pero pwede na iyon para pangtawid gutom. Pagkatapos niyang kumain ay muli na naman niyang narinig ang boses ng pinuno ng grupong dumakip sa kanya.
“Palayain ang bihag” utos nito sa mga lalaking nagpapabantay kay Timber. Laking pasasalamat ni Timber lalo na ng makita niya ang pamilyar na mukha na kasama ng pinuno.
Chapter Ten – Prison Cell
A compilation of my thoughts, dreams and fantasies. Stories that describes best my simple wishes in life. In addition to that, I asked friends to contribute their talents in this site where reality and fantasy are as one. Welcome to my site. Welcome to my heart. I am Dalisay.
Friday, February 11, 2011
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment