Friday, February 11, 2011

Dos Tiempos ..... Capítulo Nueve

Capítulo Nueve – Lucha

Pagkatawid ni Timber sa salamin ay narating niya ang nakaraan, sa kamalig na isa sa mga naging saksi na mga maiinit na tagpo sa buhay nilang dalawa ni Miguel. Tinakpan ni Timber ang salamin ng isang malaking sako para hindi makita ng kung sino man ang posibleng makapasok sa kamalig. Maya-maya pa ay nagpalit na siya ng damit, mula sa suot niyang polo shirt at shorts ay pinalitan niya ito ng kamiseta at salawal.

Muling nag-ikot-ikot si Timber sa mga lugar na madalas nilang puntahan ni Miguel.

Sa plaza kung saan una niyang nakita si Miguel at muntikan ng makipag-away sa mga kabataang Kastila ang nanglalait sa mga lokal na nakatira sa lugar na iyon.

Sa harapan ng simbahan kung saan niya sinadyang binangga si Miguel para makilala ito at kung saan madalis niyang marinig ang pang-aalipusta ng mga prayle sa mga nasasakupan nila.

Sa kampanaryo kung saan niya sana ipagtatapat ang kaniyang pag-ibig.

Sa malinis na ilog kung saan lagi silang namimingwit ng isda para meron silang makain at sa kabilang bahagi ay ang gubat na kinukuhanan nila ng prutas.

Sa burol kung saan siya nagtapat ng pag-ibig kay Miguel, iyon din ang lugar na nabibigay ng magandang tanawin ng buong nayon.

At sa katapusan ng araw ay muling magbabalik sa Timber sa kamalig kung saan naganap ang unang pagni-niig nila ni Miguel.

Habang papasok siya sa kamalig ay sumasabay ang agos ng luha sa magkabilang mata sa bawat hakbang niya. Tanda na lubos siyang nagsisisi sa nagawang paglilihim na naging dahilan upang mawala si Miguel sa piling niya. Ngunit kahit anong pilit niya, alam ni Timber na hindi niya pa rin mapipilit ang kapalaran para magpakita sa kanya si Miguel.

Sa pagtawid ni Timber sa salamin papunta sa kasalukuyan ay naalala niya ang nangyari sa kanila ni Javvy, pakiramdam niya ay magkatulad na sila ni Javvy, parehong nakasakit ng tao. Dahil doon ay mas tumindi pa ang naramdamang galit ni Timber kay Javvy, ang galit na akala niya ay matagal ng nawala pero muli itong pumasok sa pagkatao niya ng muling nagbalik ang taong nanakit sa kanya.


Pagkatapos ng maikling bakasyon ay muli na naman nagkita-kita ang mga magka-kaibigan.

“Timber, musta na?” masayang tanong ni Patsy pagkakita sa kanya pagpasok nila.

“Ayos lang” maikli at malungkot na sagot ni Timber.

“Shocks, bagong taon tapos nakasimangot ka. I have something here to cheer you up” sabi ni Patsy sabay bigay sa paper bag na kanina pa niya hawak-hawak.

“Eto pala ang sinasabi mong surprise. Maraming salamat talaga” masayang sabi ni Timber pagkabukas niya ng paper bag na naglalaman ng isang Mickey Mouse stuffed toy na galing sa Hong Kong Disneyland.

“Alam kong matagal mo ng gustong magkaroon ng ganyan, kaya hindi na ako nagdalawang isip na bilhin yan pagkakita ko doon” paliwanag ni Patsy.

“Mararagdagan na naman ang collections ko ng Mickey Mouse. Nasaan na pala si Chigo?” tanong ni Timber kay Patsy.

“Andito na ako” sigaw ni Chigo mula sa likod nila.

“Kumusta ang bakasyon ninyo?” tanong ni Patsy sa kanya.

“Ayos lang, ang saya talaga ng pakiramdam kapag kasama sa bakasyon ang buong pamilya” magiliw na sagot ni Chigo na bigla namang kinalungkot ni Timber.

“Anong regalo mo sa amin?” pag-iiba ng usapan ni Patsy, sabay turo niya sa nakayukong si Timber kay Chigo.

“Nakalimutan kong bumili” sagot ni Chigo. “Bawi na lang ako, labas tayo ngayon at sagot ko ang lahat ng gastos” pagyaya niya sa mga kaibigan.

“Di tayo papasok?” tanong ni Timber.

“Hindi, sigurado naman akong hindi pa papasok ang mga prof natin” sagot ni Chigo.

“Paano kung dumating sila?” tanong ulit ni Timber.

“Ok lang iyan, maiintindihan nila iyan, at kahit dumating pa sila, sigurado namang wala tayong gagawin. At isa pa, manlilibre si Chigo, kailangan nating sulitin yan. Sige na, alis na tayo” pangungulit ni Patsy kay Timber.

“Oo na, sige na, payag na ako” masayang sabi ni Timber.

Kagaya ng usapan nila, namasyal ang tatlong magka-kaibigan. Nagpunta sa mall, kumain ng tanghalian, nanood ng sine at namili ng bagong damit at ibang mga gamit.

“Salamat” naka-ngiting sabi ni Chigo bago maghiwa-hiwalay ang magka-kaibigan.

“Para saan? Ikaw nga ang naglibre sa amin” tanong ni Timber.

“Akala ko kasi ako rin ang magbabayad ng mga pinamili ninyong damit” natatawang sabi ni Chigo.

“Hindi naman kami ganoon ka-abusado ni Timber para ipabayad pati ang personal naming mga gamit, pero kung gusto mong bayaran, ok lang, eto ang resibo” sabi ni Patsy sabay abot ng mga resibo ng mga pinamili nilang damit ni Timber.

“Kayo talaga, sige, Timber ingat ka sa pag-uwi. Ako na ang maghahatid kay Patsy, mukhang hindi na naman siya sisiputin ng boyfriend niya” biro ni Chigo.



Nang malapit na Timber sa kanila ay naramdaman niyang merong sumusunod sa kanya kaya binilisan ang paglakad. Sobrang kaba ang nararamdaman niya dahil unang pagkakataon pa lang na nangyari sa kanya ito. Mas matindi pa ang nararamdaman niyang kaba ngayon kumpara sa kaba na nararamdaman niya tuwing naghihintay sa pag-uwi ng mga magulang niya sa mga espesyal na okasyon sa buhay niya.

“Timber” sigaw sa kanya ng isang pamilyar na boses mula sa likod.

“Javvy” mahinang usal ni Timber, kahit matagal niyang hindi naririnig ang boses na iyon alam niyang kay Javvy boses iyon.

“Kumusta na?” tanong niya kay Timber.

Hindi maintindihan ni Timber kung bakit niya nilapitan si Javvy kahit na nakakaramdam ito ng matinding galit sa kanya.

“Kanina masaya, pero nang makita kita ay bigla na lang nag-iba ang paligid ko, pakiramdam ko nasa palengke ako na napapalibutan ng mga isda, ang sangsang ng amoy” nanggagalaiting sabi ni Timber.

“Para naman wala tayong pinagsamahan niyan. Ganyan na ba talaga kasama ang tingin mo sa akin?” tanong ni Javvy.

“Pasalamat ka pa nga at hinarap kita” asar na sabi ni Timber.

“Timber, nagmamaka-awa ako, kausapin mo ako kahit sandali lang” paki-usap ni Javvy.

“Hindi bagay sa’yo ang magmaka-awa” sabi ni Timber, pero alam niya na konti na lang ay bibigay na siya at kakausapin si Javvy, kahit na puno ng galit at poot ang isip niya, hindi naman kayang magalit ng puso niya kahit sa taong nanggamit sa kanya.

“Please, kailangan kitang kausapin. Mahal kita” seryosong sabi ni Javvy.

“Mahal mo ako, bakit, kailan?” tanong ni Javvy.

“Sa maniwala ka at hindi minahal talaga kita. Ayaw na ayaw ko ang makipag-relasyon sa kapwa lalaki noon pero ng dahil sa’yo, nagbago ang pananaw ko. Hindi ko na inisip iyon, ang importante ay maramdaman ko ang pagmamahal” pag-amin ni Javvy.

“Kailan nangyari iyon, bago o pagtapos mo akong gamitin?” muling tanong ni Timber, habang namumuo ang mga luha sa mata niya.

“Tim, kaya umalis ako ng walang paalam kasi ayaw kong masaktan ka” paliwanag ni Javvy.

“Sa palagay mo hindi ako nasaktan sa ginawa mo” galit na sabi ni Timber habang tumutulo na ang luha niya, biglang nanumbalik ang sakit na naramdaman niya dati.

“Pinagsisihan ko ang pag-iwan ko sa’yo, di ko sinasadya” si Javvy.

“Sira-ulo ka pala, pagkatapos ng ginawa mo sa akin sasabihin mo ngayon na hindi mo sinasadya” naiiyak pa ring sabi ni Timber.

“I want you back, na-realize ko na hindi ko kaya na mawala ka sa piling ko” patuloy pa ring pagmamaka-awa ni Javvy.

“Tigilan mo na ako, I’ve learned my lesson, ayaw ko ng magtiwala sa’yo at ikaw ang klase ng tao na hindi na dapat pa binibigyan ng pangalawang pagkakataon” galit na sabi ni Timber, akmang tatalikod na siya para iwanan si Javvy ng biglang hinablot ng huli ang mga kamay ni Timber. Nipalit ang mukha ni Javvy ang mukha niya kay Timber, sa ganoong posisyon ay dama nila pareho ang mainit nilang hininga.

“Ako na nga itong nakiki-usap sa’yo, tatanggi ka pa. Alam ko naman na hindi mo ako matitiis, kung hindi kita makuha sa matinong paki-usap, idadaan ko sa santong paspasan” pagkatapos ng huling kataga ay sinunggaban ng halik ni Javvy si Timber, noong una ay lumalaban pa ang huli pero matapos ang ilang segundo ay bumigay din siya. Siya namang pagtawa ng maitim na parte ng utak ni Javvy, alam niya ang halik na iyon ang susi para muli niyang magamit si Timber. Muli niya itong peperahan para masustentuhan niya ang mga luho nya, na isang dahilan ng mga awayan nila noon, imbes na ipadala sa pamilya niya na nasa probinsiya ay mas gusto pa niyang gamitin sa personal na interest.

Natulala si Timber sa nangyari, ganoon pa man ay nakita niya ang ngiti sa labi ni Javvy na simbolo ng kanyang tagumpay sa masamang balak niya kay Timber, ang ngiting mas nagpa-dagdag ng galit kay Timber.

“Bakit mo ginawa iyon?” galit at sigaw na tanong ni Javvy pagkatapos niyang matumba dahil sa malakas na suntok na ginawad ni Timber sa kanya.

“Kung sa palagay mo nakuha mo ako sa isang halik lang, nagkakamali ka” sigaw ni Timber sabay talikod para iwanan na si Javvy.

Ngunit mabilis na nakatayo si Javvy at muli niyang hinablot ang kamay ni Timber. Pagkadampi pa lang ng palad ni Javvy ay kaagad namang bumitaw si Timber at ginawaran ulit ng isang malakas na suntok si Javvy na naging dahilan ng muli niyang pagkatumba.

“Ganyan pala ang gusto mo, kung hindi rin kita muling makukuha mas maganda siguro kung ipagkalat ko na lang ang sikreto mo” nang-aasar na babala ni Javvy kay Timber habang tumatayo siya.

“Pa-a-ano mong na-la-man?” nauutal na tanong ni Timber.

Pagkatayo ni Javvy ay pinagmasdan niyang maigi ang mukha ni Timber, nakita niya dito na sobrang pag-aalala.

“Ayan, nahuli kita. Ang totoo niyan ay wala naman akong nalalaman tungkol sa’yo, pero base sa ekspresyon ng mukha mo, meron kang tinatagong malaking sikreto. Isang sikreto na kapag nalaman ko ay gagamitin ko laban sa’yo” paliwanag ni Javvy sabay bitiw ng isang nakakalokong ngiti. “Alam mo, ikaw kasi ang tao na hindi nawawalan ng sikreto, salamat sa mga suntok mo na nag-alog sa utak ko kaya bigla kong naalala. Huwag kang mag-alala, malalaman ko rin ang tinatago mong sikreto at kapag nalaman ko na, mag-ingat ka” pagbabanta ni Javvy kay Timber. Pagkatapos magsalita ay siya na ang mismong umalis habang pinupunasan ang dugo sa labi niya.


Samantala si Timber ay pinagpatuloy ang naudlot na paglalakad pauwi sa kanila. Sa ilang suntok na dinampi niya sa mukha ni Javvy, mas lalong lumaki ang galit na naramramdaman. Galit na hindi alam kung kanino, galit ba kay Javvy o galit sa sarili niya. Nalilito, hindi niya alam kung nawala na ba talaga ang galit niya kay Javvy o ginagamit lang niyang dahilan iyon para piliting mawala ang galit sa sarili.

Pagkauwi ni Timber ay kaagad siyang pumasok sa kwarto niya, hindi pinansin ang mga kasambahay na nagtatanong kung kumain na siya. Pagkatapos niyang maligo ay nagbihis na ng pantulog pero makalipas ang ilang oras ng pagkahiga sa kama ay muli siyang nagbihis.

Lumabas siya ng kwarto at isang lugar lang ang alam niyang puntahan noong oras na iyon, ang bodega. Ang bodega na naglululan ng mahiwagang salamin na daanan niya patungo sa nakaraan. Ang salamin na naging dahilan ng kanyang pinakatatagong lihim, ang lihim na naging dahilan para makilala niya sa Miguel, ang lihim na siya ring dahilan kung bakit hindi niya nakaka-usap si Miguel ngayon, ang lihim na naging dahilan ng labis na kalungkutan niya, ang lihim na nagbago sa pananaw niya sa buhay, at ang lihim na nangangambang malaman ni Javvy, na pagnagkataon ay maaaring sumira sa buhay niya.

Sa maraming minutong pagkatitig ni Timber sa salamin ay naramdaman na naman niya ang pwersa na naramdaman niya noong una niya itong makita kaya hindi na siya nagdalawang isip na pumasok pa dito.


“Miguel” mahinang usal niya pagpakita niya sa isang lalaki paglabas niya ng kamalig.

“Miguel” muling niyang turan at sinundan niya ang lalaki sa gitna ng madilim na paligid.

Patuloy pa rin ang pagtakbo niya, habol, takbo, habol, takbo, habol pa rin siya pero patuloy pa rin sa pagtakbo ang lalaki. Sa bawat tapak ng mga paa niya sa lupa ay mas lalong tumitindi ang pagnanasa na muling makita, mahagkan, at mahalikan ang iniirog niya.

Ang poot at galit ay unti-unting napalitan ng saya na nagdulot ng liwanag sa kanyang puso.

Huminto sa pagtakbo ang lalaki nang marating niya ang ilog.

“Miguel” tawag ni Timber sa lalaki.

Sa unti-unting pagharap ng lalaki sa kanya ay unti-unti ring gumuguhit ang isang napakatamis na ngiti sa labi ni Timber.




Chapter Nine – The Fight

No comments: