Saturday, February 12, 2011

No Boundaries - C29

Hindi Inaasahang Pagpapakita ng Katotohanan

Pinilit ni Nicco na huwag ipakita ang sakit na nararamdaman niya. Pinilit niyang ikubli ito sa mga ngiting pilit niyang ipininta sa mukha. Nakailang tableta na ba siya ay ganuon pa din ang kanyang pakiramdam. Inisip niya kung magagawa pa ba niyang kumanta sa harap ng mga tao sa kalagayan niya ngayon. Umaasa siyang bago pa man dumating ang mga panauhin ay aayos ang kanyang pakiramdam.
“Magandang umaga Governor Don Joaquin” pagbati ng mga pari at mga seminaristang nag-aabang sa mga panuhin.
“Magandang umaga din naman.” sagot nito “nasaan si Nicco? May sorpresa kaming dala para sa kanya?” usisa ng gobernador.
“Tama nga naman, isang taon na din naming hindi nakikita ang kapatid namin.” dugtong pa ni Andrew “di ba Kuya Andrei? Miss na natin si Nicco kulit.” Sabay ang tingin nito sa kakambal.
“Oo” tanging sagot ni Andrei. Sa totoo lang ay kinakabahan ito sa muling pagkikita nila ni Nicco.
Napansin ni Sandra ang kaba at pagkabalisa kay Andrei kaya naman binulungan niya si Andrei, “Wag kang kabahan, matutupad mo na ang pangako mo sa kanya.” – may himig man ng kaligayahan, sa totoo lang ay nagseselos ito dahil alam niyang mas mahal ni Andrei si Nicco kaysa sa kanya.
Agad nilang napansin si Nicco kasama ang mga batang dati ay nasa lansangan. Halatang kahit lumalakad ay nag-eensayo ang mga ito para sa gagawin nila mamaya dahil kumakanta pa sila ng Do-Re-Mi. Hindi napansin ni Nicco na pinagmamasdan pala sila ng mga taong anduon, kaya naman ng makatapos ang kanta ay pinasalubungan sila ng palakpakan ng mga pauhing nabighani sa kanilang ginawa. Laking gulat na lamang niya sa natanggap na mga papuri para sa mga bata.
Sa may di kalayuan ay tinawag siya ng Rector. Nuon lang niya napansin na kausap pala nito ang gobernador, hinanap niya ang isang mukhang matagal na niyang nais makita. Subalit, sa pakiramdam niya ay wala ito duon. Nakaramdam ng kalungkutan si Nicco subalit ang pinakita niya ay mga ngiti.

“Aba, Fr. Nicco mukha ka ngayong tao.” Panimulang biro ni Andrew.
“Salamat Kuya Andrew sa napakagandang pambungad mo.” pagkasabi nito ay may mahinang tawa. Naalala ni Nicco ang dati, ganuon sila kung mag-asaran. Kay tagal na din ng huli nilang magawa iyon subalit ngayon ay heto, nakikipag-inisan siyang muli sa kanyang Kuya Andrew. Parang may kulang, nilinga niya ang lugar kung may Andrei ba siyang makikita. Paglingon niya sa likuran ni Andrew ay anduon si Andrei at bumati sa kanya.
“Ang Nicco ko, kagalang – galang tingnan ngayon” pagkawika nuon ay niyakap niya si Nicco.
Labis ang naramdamang selos ni Sandra sa tagpong ito, pero sapat na sa kanya ang isiping matagal ng walang ugnayan ang dalawa at natural lang ang ganuon dahil matagal silang hindi nagkita.
“Sandra?” sabi ni Nicco “Ikaw nga Sandra” at niyakap din niya ang kaibigan. Natuwa si Sandra dahil naaalala pa din siya ng lalaking una niyang inibig.
“Siya ang bagong girlfriend ni Kuya” singit ni Andrew.
Kahit may selos ay pinilit niyang otago ito. Sa una pa lang, ito ang gusto niya, matiyak na may aalalay na sa kanyang Kuya Andrei. Nakangiti niyang binati ang dalawa.
“Masaya ako para sa inyo.” sabi niya. Labis na natuwa si Sandra dahil alam niyang pinagkakatiwala na sa kanya ni Nicco ang puso ni Andrei. Si Andrei naman ay nalungkot ng maalalang pagmamay-ari na nga pala siya ng iba.
“Nicco may sorpresa ako sa iyo” singit ng gobernador.
“Pasensiya na po Gob hindi ko na po kayo napansin, Fr. Rex, Aling Martha at Steph” pagpapaumanhin ni Nicco.
“Wala iyon” sagot ni Aling Martha.
“Di ba sabi ko Papa.” giit ni Don Joaquin “may kasama pa kaming iba para bisitahin ka” saad ng butihing gobernador.
“Nicco” sabi ng tinig.
Pagtingin niya ay ang kanyang ama na si Mang Juancho at mga kapatid niya. Nilapitan niya ang mga ito at agad na niyakap. Sa isip niya, labis siyang natutuwa dahil binisita siya ng mga ito. Sapat na ang katahimikan para maramdaman ang kaligayahan nila.
“Salamat po sa inyo, sa kabutihan nyo, salamat po” baling niyang muli kay Don Joaquin.
Ngiti lang ang iginanti ng butihing Don sa kanya.
“Pasok na kayo sa loob at baka pati ako ay maiyak” anyaya ng rector.
“Tama iyon” sabi ni Aling Martha.
“Sandali lang” pigil ni Nicco “Congratulations sa mga Kuya ko”
“Asus ang Nicco ko talaga, naalala pa” sabi ni Andrei “salamat sa pagbati.”
“Salamat at naalala mo” dugtong ni Andrew.
“Sige pasok na po kayo” nakangiting turan ni Nicco.
Hindi nagtagal ay nagsimula na ang misa. Nais sana ni Nicco na maging isa siya sa mga tumulong sa rector, kay Fr. Cris at kay Fr. Ed sa pagdaraos ng misa. Sa kadahilanang marami ang aliw sa kanyang pag-awit isinama siya bilang soloista ng choir ng seminaryo.
Makalipas ang isang oras at kalahati ay sinimulan naman ang palatuntunan. Bago simulan ang palatuntunan ay kinausap muna si Nicco ni Dok Matthew ukol sa pakiramdam nito. Kahit hindi gaanong maganda ay pinagsinungalingan niya ito at sinabing kaya niya at wala siyang dinadamdam na sakit. Pangatlong nagtanghal ang mga dating batang lansangan, si Nicco naman ang kumumpas para sa mga ito. Naging maganda ang kinalabasan. Aakalin mo ngang palabas sa broadway dahil may kasama pang indak at sayaw. Kasunod naman niyon ay ang sayaw mula sa mga seminarista.
Kitang-kita kay Andrei ang pagtitig nito sa minahal niyang si Nicco. Napansin ito ni Sandra at kita na sa mukha nito ang selos. Nahalata naman ni Andrew si Sandra kaya tinext niya ang dalaga.
“Bilas, wag mong pagselosan si Nicco, namiss lang namin si bunso. Pati nga ako tintitigan ko si Niks.” sabi nito Andrew sa text.
“Salamat bayaw” reply niya kay Andrew. Tila napahinahon siya ng text na iyon ni Andrew, pero nakasisigurado siya, mas malalim pa ang nararamdaman ni Andrei.
Kasunod na tinext ni Andrew ang kakambal niyang si Andrei.
“Kuya, tunaw na si Niks, si Sandra naman ang tingnan mo, nagseselos” sabi niya sa kakambal.
Pagkabasa nito ay tiningnan niya si Sandra, nakonsensiya siya sa nagawa niyang iyon. Nakalimutan niyang kasama nga pala niya ang kanyang kasintahan. Hinawakan niya ang mga palad nito at ipinatong sa kanyang hita. Kahit anong gawin niya ay hindi niya mapigilan ang sarili para tingnan si Nicco. Kahit anong saway niya ay para bang kusang kumikilos ang kanyang mga mata para tingnan ito.
Pinakahuling nagtanghal ay si Nicco. Dalawang awitin ang inihanda nito, sa unang kanta ay solo lamang niya at sa pangalawa ay kasama na ang choir ng seminaryo. Madami ang talagang humanga sa talento ng binata. Pagkaraan umawit ay yumukod ito sa mga tao at sinuklian naman ng masigabong palakpakan. Nang mga sandaling iyon ay kumikirot na ang likod niya, subalit sa isiping baka iyon na ang huling pag-awit niya ay binigay niya ang makakaya ng sa ganuon ay maging maganda ito. Mula sa itaas ay kita ni Nicco ang lahat ng panauhin. Masaya ang pakiramdam niya, nakita niya ang kanyang pamilya. Naramdaman niyang mahalaga siya para sa mga ito. Tama ang hula niya dati pa, tama ang paniniwala niya. Ang kabutihan ay magpapakita sa oras na hindi ka umaaasa. May puwang sa puso ng tao ang pag-asa at kabutihan.
Mula din sa itaas ay kita niya ang Andrei niya. Imbes na magselos sa nakikitang hawak nito ang mga kamay ni Sandra ay pumanatag ito at naging masaya. Sa isip-isip niya, ang unang minamahal ko at ang huling minahal at minamahal ko, sila ngayon ang magkasama. Panatag si Nicco dahil alam niyang maalagaan nila ang isa’t-isa.
Pagbaba sa hagdanan ay nagtungo agad siya sa labas. Habang naglalakad ay naalala niya ang napag-usapan nila ni Dok Matthew. Ang usapang bumago sa kanyang desisyon, ang sanhi kung bakit nagawa niyang iwan si Andrei at magbalik loob sa dating daang iniwan niya.
“Tatapatin na kita Nicco” panimula ng doktor “hindi maganda ang lumabas sa mga tests mo” malungkot nitong sabi.
Tahimik lang na nakikinig si Nicco.
Nagpaliwanag pa ang doktor sa maraming mga bagay. Habang naririnig ang mga ito ay nais umiyak ni Nicco. Inipon niya ang lakas para makapagtanong ulit sa doktor. “Ano po ang sakit ko Dok? May lunas pa po ba ako?” tanong nito.
Huminga muna ng malalim ang doktor at sinabing “May bone cancer ka Nicco” sagot ng doktor. Natahimik sa pagitan ng dalawa.
Tuluyan ng umagos ang luha sa mga mata ni Nicco.
Huminga ulit ng malalim ang doktor bago muling magsalita “Nakakalungkot, pero wala ka nang lunas. Umabot ka na sa stage 4, huli na bago magpakita ang mga sintomas sa’yo. Kung napaaga sana ang paggamot sa iyo, malamang na magamot ka pa kahit paano” pagpapatuloy ni Dok Matthew.
Umiiyak man ay pinilit magsalita ni Nicco “Hanggang kailan na lang po ako Dok?” tanong nito.
Tumayo muna ang doktor at lumapit sa kanya “Hindi ko sigurado, hindi ka na aabot pa ng isang taon” sagot nito sabay yakap kay Nicco.
Sa ngayon nga ay iniisip talaga niyang himala at nakalagpas siya ng isang taon, ngunit sa pakiramdam niya ay handa na siya para makapagpahinga. Umupo siya sa may hindi kalayuan, natatabihan siya ng mga rosas na bagong bukadkad. Naamoy niya ang halimuyak ng mga iyon. Ilang sandali pa ay mahina siyang nagsalita.
“Panginoon ko, ngayong naramdaman ko nang may pamilya akong nag-aalala sa akin at nagmamahal, panatag akong masisimulan na nilang ayusin ang buhay nila. Higit pa dito, ngayong alam kong nakita na ni Kuya Andrei ko ang daan at nakita ang nakalaan para sa kanya, alam kong muli na siyang liligaya at makakamit na niya ang ligayang hindi niya makukuha pag ako ang kasama niya.” tumingin muna sa langit ang binata bago ulit magsalita “Panginoon, maaari na akong magpahinga, handa na akong lisanin ang mga taong mahal ko.” Pagkasabi nito ay nakangiting napapikit at unti-unting bumagsak ang katawan ni Nicco sa mga rosas. Kita din sa mga mata nito ang luha na unti-unti ay dumaloy kasabay ang dugo na umagos mula sa kanyang bibig. Ilang sandali pa at bumuhos ang ulan na tila ba nakikiramay sa pagkawala ni Nicco. Unang ulan iyon ng bakasyon iyon.
Tinawag ni Aseph ang kaibigang si Nicco para pumasok na dahil umuulan. Nagtaka ito sa hindi pagsagot ng kaibigan, napansin din niya ang nangyari kay Nicco na napahiga sa mga rosas at tila ngayon ay walang malay. Dali-dali itong pumasok sa gym para tawagin ang rector at mga pari para matulungan si Nicco.
“Rector” basa ng ulan ay tumatakbo ito patungo sa entablado. “Rector” muli niyang tawag dito.
Bago pa man siya makalapit ng entablado naisigaw na niyang “Si Nicco po, si Nicco po” umiiyak at humihingal ay pinilit niyang ibalita ang nangyari.
“Anong nangyari kay Nicco?” tanong ni Fr. Cris.
“Wala na pong malay sa labas” sagot ni Aseph.
Bago pa man makasagot si Aseph ay nakatakbo na palabas si Andrei na sinundan ni Andrew. Sumugod ang dalawa sa ulan, at kitang-kita nila ang walang-buhay na katawan ni Nicco. Kasunod nila si Dok Matthew. Pinulsuhan ni Dok Matthew si Nicco.
“Ano po ang nangyari kay Nicco?” tanong ng kambal na halata ang pag-aalala.
“Wala na ang pulso niya” naluluha man ay sinundan niya ang sinabi “wala na si Nicco.”
Kasunod ng Doktor si Mang Juancho at mga kapatid ng binatang seminarista. Nakasunod na din ang mga pari at seminarista, sina Don Joaquin, Aling Martha, Sandra at Steph maging ang ibang panauhin ay nasa labas nadin at nauulanan. Lahat sila ay narinig ang masamang balitang patay na si Nicco.
“Nicco, bakit napaaga mong nawala. Hindi man lang kita napagtuunan ng pansin. Hindi ko naman akalaing mawawala ka kaagad.” Sabi ng ate Lourdes niya.
“Kung alam ko lang na mawawala ka kaagad, sana pinakita ko na mahal kita, sana sinuklian ko ang pagmamahal mo para sa akin. Hindi man lang ikaw nakalasap ng saya mula sa amin” sabi ng ate Antonette niya.
“Akala ko, akala ko talaga matagal pa kitang makakasama Nicco, hindi man lang ako nakadamay sa iyo sa mga panahong may problema ka. Ang dami naming pagkukulang sa iyo Nicco” ang Ate Nica naman niya ang kasunod.
Lahat ng malalapit kay Nicco ay nagsimula na ding umiyak. Ang kambal na Kuya-kuyahan niya ay niyakap ang walang-buhay niyang katawan at sa mga kapatid nito ay bakas ang pagsisisi sa mga nagawa at naging pagkukulang. Si Mang Juancho ay tila isang batang napaluhod at sa pagkakataong iyon ay nakaramdam siya ng poot sa sarili at hindi niya nagawang maalagaan ang anak. Napayakap si Aling Martha kay Fr. Rex dahil hindi kayang makita ng matanda na nasa ganuong sitwasyon ang batang naging napakabait sa kanya.
Binuhat ng kambal si Nicco at ipinasok sa loob ng gym. Tumawag ang seminaryo ng funerarya para maiayos na ang lamay para sa seminaristang nagpabago sa buhay nila. Ang kambal ay tila kinakausap si Nicco.
“Nicco, nagbibiro ka lang di ba? Gumising ka na? Miss ka na ng Kuya Andrei mo?”
“Oo nga Nicco, magkukulitan pa tayo, aasarin ka pa namin, wag ka ng manloko.” Dugtong ni Andrew.
“Naaalala mo ba yung sinabi ko sa iyo, ung sabi ko? Tinupad ko iyon para sa iyo.” Sabi ulit ni Andrei.
“Nangako ka di bang ikaw ang magkakasal sa amin ni Steph” wika ulit ni Andrew “tuparin mo un.”
Ang ibang mga kaibigan din ni Nicco ay may kanya-kanyang alaala sa binata.
“Hoy, Nicco, sino na ang mangunguna sa organisasyon natin?” sabi ni Aseph na matindi ang pagluha.
“Hindi pwdeng iwan mo kami, wala ng kayang mangungulit sa kwarto. Tatahimik na naman kami niyan eh” sabi ni Ken.
“Mawawalan ako ng kadebate Nicco, sige na naman oh.” Pakiusap ni Carl.
“Nicco, sino na lang ang mag-iisip para magpuyat sa paggawa ng mga kung anu-ano?” singit ni Fr. Cris “Nicco, gumising ka naman, gusto mo bang umalis ng seminaryo? Papayagan kita basta gumising ka?
Sa may pintuan ay anduon sina Sandra at Steph kasama ang ama at mga kapatid ni Nicco. Nakayakap si Sandra kay Steph. “Nicco, hindi ko man lang nasabi sa iyong minahal kita” nahinang usal ni Sandra. Tulad ng iba ay lumuluha din ang dalawang dalaga. Pareho silang naging malapit kay Nicco. Wala silang ibang maisip ngayong kung hindi ang kabaitan nito sa kanila. Mga payo nito sa bawat problema. Mga biro nito at itsura pag napipikon na.
Kasama din nila sina Don Joaquin at Aling Martha. Malaki ang panghihinayang ni Don Joaquin sa pagkawala ni Nicco, tunay at tinuring talaga niya itong anak. Binalak din niyang isunod na ito sa pangalan ng del Rosario. Si Aling Martha naman ay tila nawalan ng anak. Sa kabaitan nito ay paano niya ito malilimutan. Sa tuwing umaga ay dudungaw ito sa bintana at babatiin ang lahat ng dumaan ng magandang umaga. Malambing din ito sa kanya, laging nakangiti at magalang kung kumausap. Alam lagi ni Nicco kung malungkot ang matanda kaya gumagawa ito ng paraan para sumaya siya.
“Ano bang magandang alaala ko sa iyo Nicco?” wika ng ama niya sa tabi “wala, wala akong maalala” puno ng kalungkutan niyang sinabi kasabay ang pagpatak ng mga luha “wala dahil kahit minsan ay hindi ko pinakita sa iyo na mahalaga ka sa akin.” Pagkasabi niyon ay niyakap si Mang Juancho ng kanyang mga anak na babae.
Si Fr. Rex ay kasama ang rector at sabay na nagdadalamhati. Inaalala ang karunungan ng bata, inaalala ang mga sandaling kasama nila si Nicco, mga nagawang kabutihan at mga kakulitan. Naalala kung paano unang napahanga ni Nicco ang rector, kung paano niya ipinagtanggol ang dapat sanay napaalis ng seminarista. Lubhang kalungkutan ang naramdaman nila.
Nasa kalagitnaan sila sa ganuong pag-alala nang magkalakas ng loob si Dok Matthew para magsalita.
“Simula sa una alam ko na ang ganito” panimula niya.
“Pinilit niya akong ilihim ito sa inyong lahat, ayaw niyang makita kayong masaktan kaya niya nagawang huwag sabihin ito sa inyo” dugtong pa niya.
Isang katahimikan ang namayani “kahit ganuon ay pinilit niyang maging matatag, pinilit niyang mabuhay. Gusto niyang bago siya mamatay ay maayos ang buhay ng taong mahal niya.”
“Bago siya mamatay ay ninais niyang maramdaman ang pagmamahal ng isang pamilya”
Sa pagkakarinig nito lalong tumindi ang pagdadalamhati ng kanyang pamilya at ng kambal. Nagpatuloy sa pagkukwento ang doktor. Inilahad ang mga katapangang ginawa ni Nicco.
“Nicco, hanggang sa huli napakabait mo, pinairal mo ang pagiging makasarili mo. Hindi mo kami nagawang pag-alalahanin” sabi ng Ate Nica niya “pero, doble ang sakit na nararamdaman namin ngayon at labis na pagsisisi sa mga nagawa namin sa iyo”
“Patawad kapatid ko, wala kami nuong panahong kailangan mo ng kapatid na tutulong sa iyo, sa mga panahong kailangan mo ng karamay.” sabi ng Ate Lourdes niya.
“Patawad sa lahat ng pagkukulang namin sa iyo” pagwawakas ng Ate Antonette niya.
Pagkababa ni Dok Matthew ay agad niyang inaya si Andrei palayo sa mga tao.
“Andrei, sana ngayon naintidihan mo kung bakit ginawa ni Nicco sa iyo iyon.” Sabi ng Doktor.
“Opo Dok, alam ko na ako lang ang gusto niyang protektahan. Nagpapasalamat ako at isang tulad niya ang minahal ko at patuloy na una sa puso ko” sagot niya “tama si Nicco Dok, kung natanggap ng lipunan ang tungkol sa amin, malamang ngayon naalagaan ko siya hanggang sa huling hininga niya.” dugtong pa nito.
“Andrei, malalim ang pagmamahal sa iyo ni Nicco, kita ko ang kalungkutan sa kanya sa tuwing maaalala ka niya. sa bawat sakit na dinaanan niya, ikaw ang ginagawa niyang lakas. Gusto niya maging maligaya ka. Gawin mo iyon para sa kanya.” Wika ng doktor.
“Opo, pipilitin ko para sa kanya.” Pagkasabi ay binalikan na niya ang katawan ni Nicco.
Nang makarating ang serbisyo ng punerarya ay pinigilan ni Dok matthew ang mga ito para hindi madala ang katawan ni Nicco. Kinausap niya ang mga pari, ang pamilya nito, pinaalam niya ang huling habilin ng binata ukol sa magiging libing niya. Umayon na rin naman ang lahat para igalang ang kagustuhan ni Nicco.
Sa loob ng dalawang araw na iyon ay hindi umalis sa tabi ni Nicco si Andrei. Gayundin si Andrew na madalas ay nasa tabi ng higaan nito. Pinabayaan ni Sandra si Andrei sa ganuong gawain. Alam at tanggap niya na mahal nito si Nicco. Nabatid ng pamilya de Dios at del Rosario ang ukol sa ugnayan ng dalawa, walang pagtutol mula sa mga ito. Alam nilang tunay na pagmamahal ang naramdaman ng dalawa. Tinaggap nila ang naging relasyon ng dalawang binata.
Ang mga seminarista naman ay matiyagang nagbantay sa labi ng binatang nagpabago sa ikot ng seminaryo. Hindi nila hinayaang wlaang magdasal para sa binatang inisip na muling ibangon ang seminaryon naging tahahan nila. Sa binatang pinagsikapang linisin ang pangalan ng seminaryo at nanindigan laban sa mga sumisira dito. Ang mga batang lansangang sa tulong ni Nicco ay gumanda ang buhay ay naruon din, nag-aalay ng mga awitin para sa kanilang Kuya Nicco.
Hindi muna pumasok si Governor Don Joaquin sa kapitolyo para mabantayan ang labi ng anak-anakan, gayundin si Aling Martha at Fr. Rex. Sina Steph, Sandra, Rome at Chad ay ang umaasikaso sa mga bisita at nakikiramay.
Ang kanyang ama din naman ay hindi umalis ng bahay maging ang kanyang mga kapatid. Binatayan nila ang labi ni Nicco na kahit sa huling mga sandali ay maipakita nilang mahalaga ito sa kanila.
Sa loob nga ng dalawang araw ay nailibing si Nicco. Walang magarbong lamay, ataul o damit. Nasunod ang lahat ng kagustuhan ng binata. Isang simpleng burol, ang dapat na sa ataul napunta ay binili ng mga pagkain para sa mga kababayan niyang walang makain. Ang dapat sana ay pambili ng damit ay inilaan para mabigyan ng damit ang madaming kabataang walang pambihis sa sarili nila. Bago ito tuluyang ibaon sa lupa ay minisahan muna ito sa Parokya ng San Isidro. Kita ang pagkapuno ng tao. Lahat ng mga ito ay nakikiramay sa binatang binigyan sila ng pag-asa. Naghandog ng isang programa kung saan pinagsalita ang mga taong malalpit dito. Kanya-kanya silang pahayag ng kabutihan ni Nicco, mga alaalang masasaya, mga alaalang nagpapatunay kung bakit madami ang nagmamahal sa kanya.
Habang tumatagal ay unti-unti nilang pinilit na tanggapin ang pagkawala ng binata, kahit mahirap, alam nilang matututunan din nila iyon. Naniniwala sila, maaring wala ang pisikal na katawan, pero sa alaala at sa puso nila, mananatiling buhay ang Niccong pinakamamahal nila.

2 comments:

Anonymous said...

sheeeeet of paper.. para akong tangengot.. pa-iyak2 na bumabasa...... taas ng story... pero nahulaan ko na ano mangyayari... but i still cried.. huhuuhuh....

Anonymous said...

ganda naman ng kwento. tunay at WAGAS talagang nagmahalan ng walang pagkukunwari. nakakapagpaagos ng luha sa mata NA pag dimo pinunasan ay matutuyo at tatawagin mo itong MUTA.

bharu