Sunday, February 27, 2011

Dreamer C15

Dreamer

Chapter 15

Brotherly Love

“Sino siya pare?” tanong ni Mando kay Tino.

Humugot muna nang isang malalim na buntong-hininga si Tino bago nagsalita – “Siya ang tatay ni Vince.” diretsong sinabi ni Tino kay Mando.

“Anong sinasabi mo Tino?” galit na wika ni Mando.

“Pare, siya si Donald ang tunay na tatay ni Vince.” giit ni Tino.

“Ako ang tunay na tatay ni Vince!” pilit ni Mando. “Ako lang at wala nang iba.” sabi pa nito.

“Pare!” simula ni Donald. “Alam ko namang mapamahal na sa iyo ang anak ko!” sabi pa nito. “Pero, huwag mong ipagkait sa kanya ang karapatan bilang isang anak ko.” sagot pa ni Donald.

“Anak ko si Vince!” pilit na giit ni Mando. Pinipilit niyang huwag bumigay na kahit na nga ba ang katotohanan ay nais nang bumigay ng mga tuhod niya dahil sa nalamang balita na iyon. “Anak ko so Vince at hindi mo anak! Maliwanag!” buong diing wika pa nito na pinipilit palakasin ang sarili.

“Pero pare!” wika ni Tinos aka nasa aktong papalapit kay Mando.

“Huwag kang lalapit!” pigil ni Mando. “Umalis na kayo dito!” saad pa nito.

“Mando naman!” wika ni Tino.

“Sabi ko umalis kayo dito!” nanggigilaiting wika ni Mando.

“Sige, aalis kami ngayon, pero sana isipin mo si Vince. Karapatan ni Vince na malaman ang buong katotohanan. Wala kang karapatan para ipagdamot sa kanya iyon.” pamamaalam ni Tino.

“Hindi Tino!” awat ni Donald. “Hindi ako aalis dito hangga’t hindi ko nakikita si Vince!” wika nito. “Hindi ako aalis dito hangga’t hindi ko nakikita ang anak ko!” madiing wika ni Donald.

“Itakbo mo ang bata!” wika nang nanghihinang lalaki.

“Teka sandali lang!” tila pagtulong naman ni Mando sa lalaking iyon.

“Iwan mo na ako! Mahalaga mailigtas mo ang bata!” pakiusap pa nito.

Ngunit imbes na sundin ni Mando ang lalaki ay buong lakas pa din niya itong tinulungan. Isinakay sa trike na dala niya at dinala sa pinakamalapit na ospital.

Makalipas ang ilang oras at –

“Kamusta na po siya dok?” tanong ni Mando sa doktor.

“He’s fine!” sagot ng doktor.

Tila nabunutan naman ng tinik si Mando sa balitang iyon ng doktor.

Makalipas ang ilang araw –

“Kamusta ka na?” tanong ni Mando sa tinulungang lalaki.

“Salamat sa pagliligtas.” pasalamat nito. “Nasaan na ang bata?” tanong pa nito.

“Ah si Vince ba? Inaalagaan ng asawa ko sa bahay.” sagot ni Mando.

Wari bang nakahinga ng maluwag ang lalaking iyon sa sinabi ni Mando.

“Ako nga pala si Mando.” pakilala ni Mando sa lalaki.

“Tino!” sagot ng lalaki.

“Ano nga pala ang nangyari sa’yo bago kita iligtas?” pag-uusisa ni Mando.

“May humahabol kasi sa akin!” sagot ni Tino. “Gusto nilang patayin ang bata.” sagot pa nito.

“Ano kamo?” tila naguguluhang tanong ni Mando. “Bakit naman nila gustong patayin ang anak mo?” tanong pa ni Mando dito.

“Hindi ko anak ang bata! Anak yan ng kaibigan ko. Ibinilin sa akin yan ng kaibigan kong hinahabol din ng sindikato.” pagsisimula ni Tino sa kwento niya.

“Taga-saan ka ba?” usisa pa ni Tino dito.

“Laguna!” agad na nagbigay ng tiwala si Tino sa kausap niya. Hindi na niya ipinagdamot pa ang tiwala dito dahil na din sa nagawa siya nitong iligtas sa panganib.

“Anong ginagawa mo dito sa Bulacan?” tanong ni Mando na lalong naguluhan.

“Tumawag sa akin ang kaibigan ko at humingi ng tulong dahil nga sa may gustong pumatay sa kanila. Agad akong pumunta dito, ibinigay niya sa akin ang anak niya at sabing ilayo ko daw. Nang makita kaming patakas na ay kami naman ang hinabol hanggang sa makita mo nga kami.” kwento ni Tino.

Iyon ang bagay na naglalaro sa isipan ni Mando habang nag-uusap silang tatlo, ang tunay na kasaysayan kung bakit napunta sa kanya si Vince. Ipinagkatiwala ni Tino si Vince kay Mando at nangakong babalikan din ito bago sila iwanan.

“Please Mando!” pakiusap ni Donald. “Hayaan mo naman akong makilala ang anak ko.” pakiusap nito.

Samantalang –

“Ano naman kaya ang pag-uusapan nila?” tanong ni Vince sa kinakapatid nito.

“Aba’y malay ko!” sagot ni Emil.

“Halika na nga!” wika pa ni Vince saka inakbayan si Emil.

“Kung makaakbay ka!” bati ni Emil na may isang pilyong ngiti.

“Bakit masama?” sarkastikong sagot ni Vince. “Bakit bawal ba? Sinong maysabi? Si Ken?” saad pa nito.

“Aba!” sagot ni Emil. “Paanong nasama sa usapan si Ken?” saad pa ni Emil na nakaramdam na ng kaba sa pagbanggit ni Vince sa pangalan ni Ken.

“Nakakahalata na kaya ‘tong mokong na’to?” tanong ni Emil sa sarili.

“Shit ka Vince! Bakit iyon ang sinabi mo?!” pangaral naman ni Vince sa sarili.

“Ikaw talaga!” pagbawi ni Vince sa unang sinabi niya. “Hindi ka na nabiro.” pagkasabi ay saka pinisil ni Vince ang ilong ni Emil.

“Ang tangos na ng ilong ko sa kakapisil mo!” pabirong inis na wika ni Emil.

“Pasalamat ka nga at tumangos ang ilong mo dahil sa akin!” sagot ni Vince saka muling inakbayan si Emil. Sa pagkakatang ito ay mas madiin at mas mahigpit ang pagkakaakbay niya dito.

Hindi pa man sila nakakalayo at –

“Sabi ko umalis kayo!” wika ni Mando na naulinigan ni Vince.

“Si tatay iyon ah!” nag-aalalang wika ni Vince.

“Si ninong nga iyon!” sang-ayon ni Emil.

“Puntahan natin!” aya ni Vince saka tumabo pabalik sa bahay nila na nag-aalala para sa ama.

“Try mo kaya akong hintayin!” habol ni Emil sabalit tila walang naririnig si Vince at diretso pa din ito sa pagtakbo.

Maya-maya pa at –

“Hindi Tino!” awat ng lalaking kasama ni Tino. “Hindi ako aalis dito hangga’t hindi ko nakikita si Vince!” wika nito. “Hindi ako aalis dito hangga’t hindi ko nakikita ang anak ko!” madiing wika pa nito.

“Aaannno ddaaw tatay?!” putol-putol at naguguluhang tanong ni Vince kay Mando.

“Vince!” gulat na gulat si Mang Mando pagkakakita kay Vince. “Wala iyon anak!” wika pa nito.

“Hindi tay!” giit ni Vince. “Ano iyong sinasabi ng lalaking iyan?” hindi makapaniwalang paglilinaw ni Vince.

“Vince hijo!” si Mang Tino. “Eto si Donald.” biting wika pa ng ama ni Emil saka lumingon sa gawi ni Mando. “Ito ang..” putol niyang wika dahil sa pagsingit ni Mando.

“Tumahimik ka Tino!” galit na galit na pagputol ni Mando na kababakasan mo naman ng kaba at pag-aalala. “Ganito kasi iyon anak!” wika pa ulit ni Mando saka lumapit kay Vince.

“Ako ang tatay mo!” singit ni Donald.

“Ano?!” tila ayaw tanggapin ni Vince ang kung anumang narinig niya.

Bigla namang napaupo si Mando sa sinabing iyon ni Donald.

“Tay?!” baling ni Vince kay Mando. “Totoo po ba?” tanong pa nito na halatang may pagpipigil sa pagtulo ng luha.

Tango lang ang sinagot ni Mando.

“Bakit?!” mahinang usal ni Vince. “Bakit ngayon ko lang nalaman?” saad pa nito saka kumawala ang mga luha sa mata niya.

“Anak!” tanging nasambit ni Mando.

“Patawarin mo ako!” wika ni Donald saka lumapit kay Vince.

“Huwag kang lalapit!” pigil ni Vince. “Si tatay lang ang tatay ko!” madiing wika nito.

“Pero anak!” giit ni Donald. “Matagal akong nangulila sa’yo.” pagmamakaawa ni Donald sa anak.

“Huwag mo akong tawaging anak!” sabi ni Vince. “Hindi mo ako anak at hindi kita tatay!” malakas na sigaw ni Vince.

“Pero anak!” singit ni Donald.

“Lumayas ka!” madiing wika ni Vince saka pinuntahan si Mang Mando. “Tay! Kayo ang tatay ko di ba?” tanong ni Vince kay Mang Mando.

Walang nagawa sina Mang Tino at Donald kung hindi iwanan na lang sila Mando at Vince.

Nakasalubong nila Mando at Donald si Emil pagkalabas nila ng pinto. Hingal na hingal ito at kagagaling lang sa pagtakbo.

“Anong nangyari?” tanong ni Emil sa ama niya.

“Patawad anak!” paghingi nito ng dispensa sa anak.

“Anong patawad?” naguguluhang tanong ni Emil saka pumasok sa loob ng bahay ng ninong Mando niya.

“Ninong? Vince?” lalong naguluhan si Emil sa nakita muli siyang lumabas para kausapin ang ama.

Sa bahay nila Emil –

“Tay, ano po ba talaga ang nangyari?” tanong ni Emil sa ama.

“Si Donald ang tunay na ama ni Vince at ngayon nga ay nalaman na ito ni Vince.” sagot ni Tino.

“Ano?” nagulat at nabiglang reaksyon ni Emil.

Naging mahaba man ang usapan at ang pagkukwento sa nakaraan ay naunawaan naman ni Emil ang gustong sabihin ng ama at naunawaan din niya na kailangan ni Vince ng isang kaibigang makakasama at karamay kaya naman –

“Ah Vince!” bati ni Emil nang makitang nakadungaw sa bintana ang kinakapatid.

“Bakit?” tanong ni Vince.

“Pwedeng makiupo?” tanong ni Emil.

“Sige!” wika ni Vince saka umusog ng kaunti para makaupo si Emil.

Nanatiling tahimik ang dalawa –

“Biruin mo” simula ni Emil sa usapan “magkapatid pala kayo ni Ken.” wika ni Emil.

Napakunot ang noo ni Vince sa sinabing iyon ni Emil. “Ano daw? Kapatid ko si Ken?” tanong pa ni Vince sa sarili.

“Alam ko na ang lahat.” tugon ni Emil sa reaksyon na iyon ni Vince. “Maswerte ka nga ngayon kasi magiging dalawa na ang tatay mo.” wika pa ni Emil. “May Ninong Mando ka na, may Direk Donald ka pa.” nakangiting saad ni Emil na wari bang pinapagaan ang loob ni Vince.

“Pasalamat ka nga kasi magiging dalawa ang tatay mo, samantalang ako ngayon ko lang nararanasan ang magkaroon ng magulang.” saad pa ni Emil na tipong nagpapaawa pa kay Vince. “Maswerte ka kasi bukod sa isang mabait at magaling na direktor ang tunay mong ama, isang mabait at maunawaing sikat na artista pa ang kapatid mo.”

“Nasaktan ako Emil!” wika ni Vince sa kinakapatid. “Masakit dito.” wika pa niya saka kinuha ang palad ni Emil at inilagay sa dibdib niya.

“Normal lang yan!” sagot ni Emil. “Hindi mo pa kasi napapakinggan ang buong kwento at sarado pa ang isip mo para makinig. Dapat nga matuwa ka, kasi binabalikan ka ng tunay mong ama at matuwa ka kasi itinuring kang tunay na anak ni ninong.”

“Salamat Emil at nasa tabi kita ngayon.” pasasalamat ni Vince.

“Walang anuman!” wika ni Emil. “Sana matanggap mo si Direk Donald bilang ama mo, at si Ken naman bilang kapatid mo. Parang ako, kahit anong sakit ang dinanas ko, tinanggap ko pa din si tatay bilang tatay ko at si Kuya Benz bilang kuya ko.”

“Salamat talaga Emil!” wika ni Vince saka niyakap si Emil.

“Isa lang ang tandaan mo, kahit na anong sakit ang idinulot ng nakaraan at kahit na anong kamalian ang nagawa ng nakaraan, kaya naman iyang itama ng kasalukuyan.” paalala pa ni Emil.

“Salamat talaga!” saad ni Vince at lalong hinigpitan ang yakap kay Emil.

“Emil!” madiing wika ng isang pamilyar na baritonong tinig.

“Ken!” naalarmang sagot ni Emil na may damdamin nang pagkatakot.

“Anong ibig sabihin nito?” simulang tanong ni Ken.

“Kasi Ken!” simula nang pagpapaliwanag ni Emil.

“Emil! Ipinagpalit mo na ba ako?” wika ni Ken sa sarili.

“It’s not what you think.” tutol ni Emil na wari ba ay nabasa niya ang nasa isipan ni Ken.

“Then?” tanong ni Ken.

“Kailangan lang ni Vince ng kausap.” hindi malaman ni Emil kung bakit ba siya nagpapaliwanag kay Ken.

“At bakit?” sarkastikong tanong ni Ken.

“Kasi magkapatid pala tayo!” mataas na tonong sagot ni Vince.

“Kapatid?” naguluhang sagot ni Ken. “Anong kapatid?” tanong pa niya dito.

“Biruin mo magkapatid pala tayo, hindi ko alam!” simula ni Vince sa kwento. “Itanong mo kaya sa tatay mo kung anong panggugulo ang ginawa niya dito at sinabing anak niya ako.” sarkastiko na ding turan ni Vince.

“Totoo ba Emil?” hindi makapaniwalang tugon ni Ken saka tumingin kay Emil na wari ba ay nangungusap ang mga mata nito para sa katotohanan.

Tango lang ang naging tugon ni Emil.

Kabaliktaran sa inaasahang reaksyon mula kay Ken ay sumigla ang mukha nito –

“Kuya!?” saad ni Ken nagliwanag ang mga mata. “Kung ganun, ikaw nga ang kuya ko!” wika pa nito saka lumapit kay Vince at niyakap.

“Ken?!” nabiglang saad ni Vince.

“Matagal ka nang hinahanap ni Papa at kahit hindi ka namin nakikita pa mahal na mahal na kita bilang kuya ko.” saad ni Ken. “Hindi ko akalaing ikaw pala ang kuya kong matagal nang hinahanap ni papa.” masayang turan ni Ken na lalong hinigpitan ang yakap.

Natuwa naman ang puso ni Vince sa ginawang iyon ni Ken. Sa tingin niya ay nabawasan ang sama ng loob niyia para sa tunay na ama dahil naging pagtanggap sa kanya ni Ken at sa tingin niya ay hindi siya mahihirapang tanggapin ang tunay na pamilya sa nakikita niyang mamahalin siya ng mga ito ng lubusan.

“Magkapatid nga talaga tayo dahil iisa din ang nagustuhan natin.” bulong ni Ken kay Vince.

“Tandaan mo, hindi porke’t kuya mo ako at mas bata ka sa akin, papabayaan ko na lang na mapunta sa’yo si Emil. Hindi kita pagbibigyan tandaan mo yan” ganting bulong ni Vince dito na may hinig nang pagbabanta.

“Lalo namang hindi ko hahayaang mapunta sa’yo ang Bien ko kahit na nga ba kuya kita. Hindi ako magpaparaya kahit na ikaw ang matagal na naming hinahanap na kapatid ko.” sagot ni Ken.

“May the best man win!” sabay nilang wika.

Naguguluhan man ay binalewala na lang ni Emil ang mga huling sinabing iyon ng dalawa.

“Emil!” bati kay Emil nang bagong dating na si Benz. Dumaan na din si Benz kila Emil galing sa lumang bahay nila Vaughn. Balak na din niya itong isama sa condo niya para maki-celebrate sa farewell party ng LD.

“Ikaw pala kuya Benz!” masayang bati na din ni Emil dito. “Akala niyo kayo lang ang magkapatid!” wika pa niya saka tumingin sa dalawa.

“Anong drama meron dito?” tanong ni Benz saka umakbay kay Emil.

“Hindi lang pala tayo ang magkapatid dito.” wika n Emil.

“Sino pa?” tanong ni Benz.

“Sila Ken at Vince!” sagot ni Emil.

“Paanong nangyari?” gulat ding tanong ni Benz.

“Mahabang kwento.” putol ni Ken. “Basta mahalaga, nakita na namin ang long lost brother ko.” saad pa nito.

“Ewan ko sa inyo.” wika pa ulit ni Benz. “Basta ako, masaya ako sa kapatid ko at mahal na mahal ko ang kapatid ko!” turan pa nito saka lumingon sa gawi ni Emil.

“Mahal na mahal ko din ang kuya ko!” masaya at nakangiting sagot ni Emil.

“Salamat na lang kay Vaughn na nagbigay linaw sa lahat!” saad ni Benz sa sarili.

“Ayan, dahil ayos na ang lahat, happy happy na dapat!” suhestiyon ni Emil.

“Oo Emil, sabi mo!” tugon ni Ken na hinawakan ang mga kamay ni Emil saka tumingin sa mga mata nito.

“Nadamay ako!” sagot ni Emil na nahiya sa ginawa na Ken. Pakiramdam niya ay kinukuryente ang buo niyang katawan dahil sa inasal na iyon ni Ken. Sa palagay niya ay may hatid na libong kiliti ang pagdadaiti ng kamay nila ni Ken. Iba sa pakiramdam at lalong iba sa kung anumang kumikinig-kinig sa puso niya.

Sa gitna nang mga pangyayari ay may isang bagay pa din ang naglalaro sa isipan ni Benz at ito ay ang kung anuman ang nakita niya sa lumang bahay nila Vaughn. Hindi niya mawari at lalong hindi niya alam kung papaanong haharapin ang isa pang sikretong kanyang malapit nang matuklasan.

No comments: