Tuesday, February 15, 2011

Dreamer C3

Dreamer

Chapter 3

Secret Fantasy: Real Love

“Congratulations Emil!” bati kay Emil ang kausap niya.

Tila umaliwalas naman ang mukha ni Emil sa sinabing iyon ni Mrs. Cordia sa kanya.

“The management likes the story and they wanted this project to be filmed as soon as possible and the next to air.” wika pa nito sa kanya.

“Thank you Madam!” tanging nasambit ni Emil.

“Huwag ka sanang magagalit, pero kami na ang nagline-up sa cast mo.” tila paumanhin naman ni Mrs. Cordia kay Emil. “Kasi nang ma-aaprove ang kwento mo agad na kaming pinagpahanap nang casts, kaya kahit hindi ka pa namin nakakausap, naghanap na kami.” tila pagpapaliwanag naman nito.

“It’s not a big deal ma’am” nakangiting wika ni Emil.

“This afternoon, you will meet them. By the way, I’m reminding you na story conference din mamaya” pagbabalita pa nito kay Emil.

“Sure Ma’am.” sagot ni Emil na alam nang story con na din ng araw na iyon.

Tulad nang sinabi ni Mrs. Cordia ay ipinakilala si Emil sa mga makakasama niya sa bagong trabaho. Ang direktor ang unang ipinakilala kay Emil, kasunod ang ilang crew, co-writers, at iba pang staff.

“Your story is so simple and nice. Magaan sa pakiramdam ang flow, purely intellectual and I’m sure this will change the landscape nang primetime.” pangunang bati kay Emil ni Direk Donald, ang kanilang direktor.

“Thank you Sir!” sagot naman nang napangiting si Emil.

Sa katunayan ay walang balak ni Emil na tanggapin ang trabahong iyon mula sa kabilang estasyon. Ayaw niyang masabihang traydor, taksil at walang professionalism lalo’t higit ay kasama pa siya sa isang on-going at running na serye. Dala nang matinding pangangailangan at walang katiyakan kung talagang kasama pa siya sa crew nang Last Dance, ang serye kung saan ang direktor ay si Benz, ay nagawa niyang um-oo para maisatelebisyon ang kanyang akda.

“Emil, parating na daw ang ilang cast.” pagbabalita ni Mrs. Cordia sa kanilang bagong alagang scriptwriter.

“Ang swerte mo naman Emil.” wika ni George, isa ding scriptwriter na makakasama ni Emil sa trabaho. “Bonga na agad ang unang project mo. Bigatin ang casts at sa primetime pa.” wika pa ni George sabay taas ng isang kilay.

“Salamat. Kinakabahan nga ako kasi baka mamaya mag-flop.” sagot ni Emil na biglang binakasan nang kaba at nangiwi.

“Vaklushi, don’t worry. I’m sure maghihit tayo. Bettchay ko, magnunumber one tayo.” tila pang-aamo naman ni George kay Emil.

“Eto na pala ang bida natin.” pagbabalita ni Mrs. Cordia na naging dahilan para bumilis ang tibok nang puso ni Emil.

Sa kabilang bahagi naman nang Pilipinas.

“Ikaw ba si Julian?” tanong nang isang lalaki na lumapit at dumikit sa naglalakad na si Julian.

“Oo!” kinakabahan man ay pilit na sumagot ang binata.

“Sumama ka sa amin kung gusto mo pang makitang buhay si Benz.” sagot naman nang isang lalaking sa pakiramdam niya ay tinutukan siya nang patalim.

Biglang kaba ang nadama ni Julian sa sinabing iyon nang lalaki. Unti-unting pag-aalala ang naramdaman niya. Natakot hindi para sa sariling buhay kung hindi para sa buhay ni Benz, ang kanyang pinakamamahal.

“Paano ko masisiguradong nasa inyo si Benz?” pinatatag ni Julian ang sarili at pinilit buuin ang tinig para maikubli ang takot at kaba.

Agad na nagdial nang cellphone ang isang lalaki at – “Hoy, pagsalitain ninyo iyang baklang iyan.” sabi nito sa kabilang linya.

“Julian, huwag kang sasama sa kanila.” sagot nang nasa kabilang linya.

“Benz! Benz! Benz!” tawag ni Julian kay Benz mula sa kabilang linya at higit pa ang nadarama niyang takot at kaba, sigurado niyang si Benz iyon. Kabisado niya ang timbre nang boses nang katipan maging ang punto nito at ang pagsasalita.

Agad na hinawakan nang dalawang lalaki si Julian at saka isinakay sa kotse. Tahimik lang si Julian na nakasakay sa kotse. Pinag-iisipan kung papaano nila tatakasan ni Benz ang mga dumakip sa kasintahan at kung papaano niya mauutakan ang mga ito. Tahimik, nag-iisip, natatakot, kinakabahan – mga damdaming naglalaro sa nagmamahal na si Julian.

“Baba!” madiin na utos kay Julian nang lalaking tumangay sa kanya na kung saan ay nakasalalay ang buhay nila ni Benz.

Agad na tumalima si Julian at higit pa ang nararamdaman niyang kaba at takot. Minasdan niya ang paligid, ilang ang lugar na sa tingin niya ay abandonadong factory. Masangsang ang amoy, nakakatakot ang paligid, tahimik ay malayo na malayo ang mga bahay. Sa tingin niya ay wala na siya sa Maynila. Kahit na malamig ang hangin ay malagkit na pawis ang lumalabas mula kay Julian. Marubdob na pagnanais para masilayan si Benz, makitang nasa maayos ito at masiguradong walang masamang nangyari dito.

“Boss, eto na si Julian.” sigaw nang lalaki pagkapasok nila sa loob sabay hagis kay Julian na naging sanhi para mapaupo ito sa sahig.

“Julian!” tawag nang pamilyar na tinig kay Julian.

“Benz?” sagot na patanong ni Julian sabay tayo at pinilit aninagin ang may-ari nang tinig na iyon.

“Julian!” tawag ulit ni Benz na ngayon ay naliliwanagan nang sinag nang buwan.

“Benz!” sagot ni Julian at saka tinakbo ang lugar ni Benz.

Awa ang isa sa naramdaman ni Julian para kay Benz. Awa dahil sa ayos nitong nakagapos ang mga kamay at tila hirap na hirap sa kanyang dinadanas. Yakap ang una niyang ipinasalubong para sa minamahal na katipan, yakap para pawiin ang lahat nang takot na nadarama nito sa mga oras na iyon.

“Halika na at lumabas na tayo para tustahin ang dalawang iyan.” wika nang isang lalaki kasunod ang kalampag nang papasarang pinto.

Dito na muling natauhan si Julian, natauhan sa katotohanang nasa bingit nga pala sila nang panganib. Umisip nang paraan para makalabas sila sa loob niyon.

“Masaya akong mamamatay na kasama ka!” wika ni Benz kay Julian.

“Hindi Benz!” wika ni Julian. “Makakalabas din tayo.” dugtong pa nito saka kinalag ang tali sa kamay ni Benz.

“Basta Julian, mahal na mahal kita!” wika pa ni Benz. “Alalahanin mo, at baunin mo hanggang sa kabilang buhay ang pagmamahal ko sa iyo.” tila pamamaalam ni Benz kay Julian.

“Hindi, huwag kang magsalita nang ganyan.” wika nang pagkontra ni Julian at saka kumawala ang mga luha sa mata niya. “Makakaligtas tayo.” saka niyakap si Benz.

“Ngiting matamis ang isinukli ni Benz na may mga kasamang luha.” tila ba tinanggap na niya ang posibilidad nang katapusan na nilang dalawa. “Mahal na mahal kita.” wika ulit ni Benz saka hinawakan ang mukha ni Julian na nasisinagan nang buwan, kasunod ang paggagawad nang halik sa labi nito.

Kita nilang dalawa ang saya, takot at pangamba. Ang pagnanais na makalabas at makaligtas silang dalawa ay tila napalitan nang ligaya sa isiping mamamatay silang magkasama.

“Happy Anniversary!” wika ni Benz kay Julian.

Sa totoo lang ay nalimutan na ni Julian na anniversary nga pala nila dahil sa pag-aalala at ang lugar kung saan siya nacorner nang mga lalaking dumukot sa kanila ay ang tagpuan nilang dalawa.

“Happy Anniversary din!” sagot ni Julian.

“I love you!” wika ni Benz sabay yakap kay Julian.

Biglang may nahulog na mga talutot nang bulaklak mula sa itaas at humalimuyak ang kakaibang bango sa loob nang lugar. Unti-unting nagliwanag ang kabuuan niyon at saka iniluwa ang kakaibang ganda na naitago nang kadiliman kanina. Napapalamutian nang mga bulaklak at pinagmukhang hardin ang loob nang abandonadong gusaling iyon. Ang mainit na lugar na tila pugon ay unti-unting lumamig at guminaw. Bumagsak ang tila niyebe mula sa taas at ang madalang ay naging mas madami. Matapos ang nakakasilaw na pagliliwanag ay muling lumamlam ang ilaw. Tanging ang may pinakamaliwanag na lugar ay ang gitna na may nakahandang lamesa at umaagos na tubig na tila fountain.

Ang kaninang kaawa-awang Benz ay naging mas pormal at mas maayos na ang itsura ngayon.

“Happy Anniversary Julian ko!” wika ni Benz saka hawak sa mga palad nito at inaya sa lamesa.

Naguguluhan man ay may kakaibang saya ang nasa puso ni Julian. Hindi niya magawang magalit sa kasintahan kung labis man siya nitong pinag-alala. Sa pakiramdam niya ay nasa isa siyang panaginip. Naguguluhan, pero mas lumamang ang kasiyahan.

“I love you Julian.” wika ulit ni Benz pagkaupo nila.

“Palabas lang ang lahat ng mga ito para maging memorable ang first anniversary natin.” nakangiting wika ni Benz.

“Nakakainis ka!” tanging nasabi ni Julian at saka napangiti sa ginawa ni Benz.

Ngayon nga ay ninamnam nilang dalawa ang saya nang unang taon nila bilang magkasintahan at umaasa na mas madaming taon at panghabang-buhay pa ang dadaan sa buhay nilang sila ang magkasama.

Balikan na ulit natin ang kabilang panig nang Pilipinas.

“Nasaan na si Ken?” tila asar na wika ni Mrs. Cordia nang mapansing iisang tao na lang ang hinihintay nila.

“Madam, on the way na daw po si Ken.” magalang na wika nang sekretarya nito.

“Ken?” tila pagtataka sa tinig ni Emil. Bumilis ang tibok nang puso niya para sa isang pangalang pamilyar sa kanya. Isang pangalang hindi lamang basta pamilyar, isang pangalan at katauhang malaki ang naging bahagi sa buhay niya.

“See! Sabi ko sa’yo, bigatin ang cast natin.” malanding wika ni George.

“Si Ken, isa sa biggest leading man ngayon.” pangungumpirma ni Mrs. Cordia. “Don’t you know him?” tila pagtatanong pa nito.

“Hindi po! Medyo nabigla lang po ako.” sagot ni Emil na tila itinago ang laman nang isipan niya.

“Si Ken nga! Siya nga! Makakasama ko ulit si Ken! Ang unang bestfriend ko!” wika ni Emil sa sarili.

“Is there any problem Emil?” tanong ulit ni Mrs. Cordia na napansin ang tila nanahimik na si Emil.

“Nothing!” sagot ni Emil. “Kinakabahan lang po ako, baka kasi hindi ko mameet ang expectations ninyo.” nangiting wika pa nang baguhang writer.

“Sabagay!” sang-ayon ni George. “Ikaw ba naman ang ilagay sa primetime at may bigating casts like Ken na isa sa pinagkakaguluhang leading man ngayon, Jenny na dating child star at in demand leading lady na, Randy na isa sa mga artistang inaabangan na din ngayon, Clodette na rising star na din at ultimate sweetheart nang isang talent search, samahan mo pa nang mga batikan at beteranong, mga award-winning na artista.” tila pag-iisa-isa ni George sa casting nang Kanluran ng Pilipinas.

“Madam, nandito na po si Ken!” masayang pagbabalita ng sekretarya ni Mrs. Cordia.

“Sorry Mrs. Cordia, we’re late.” wika nang manager ni Ken.

“Sorry Tita, naipit sa traffic.” paliwanag pa ni Ken.

“Traffic?” tila may pagtataka sa tono ni Direk Donald.

“Sorry po direk.” paumanhin ni Ken sa direktor.

“Direk, pabayaan mo na!” tila pag-awat ni Mrs. Cordia sa balak na isunod ng direktor.

“Number one rule ko ang professionalism, I don’t want to work with people who does not know that term.” asar na wika nang direktor.

“Sorry po talaga direk.” ulit na paumanhin ni Ken.

“Sige na Ken, take your seat.” sabi ni Mrs. Cordia.

“Before we start, I want you to meet Bien Emilio.” wika ulit ni Mrs. Cordia pagkaupo ni Ken sabay turo kay Emil. “He is the newest and definitely one of the best writers in the industry. The original author of Kanluran ng Pilipinas and will be the head writer of this soap having the same title.” pakilala pa nang ginang.

Isang matipid na ngiti ang iniabot ni Emil sa lahat at tila nahihiya ito sa itsura niyang nakayuko.

“Bakit ka nakayuko? Aren’t you happy working with us?” tanong ni Ken.

Sa katotohanan lang ay nahihiya siya higit pa ay nanduon na si Ken sa harapan niya. Silang dalawa ang magkatapat sa upuan, ang nagkaharap. Labis labis na kaba ang nararamdaman niya. Tila ba nabibingi na siya sa lakas nang pintig nang puso niya.

“Naku Ken, kinakabahan lang iyan.” singit ni George na saka kumindat sa binatang artista.

“Bakit ka naman kakabahan?” tanong ulit ni Ken. “Anyways, I’m Ken. Kenneth Cris Saludar.” sabi ni Ken at saka tumayo at inabot ang kamay kay Emil.

Lalong bumilis ang tibok nang puso ni Emil. Dahan-dahan niyang iniangat ang ulo at saka lakas loob na tumingin sa mukha ni Ken. Tingin niya at nakakatunaw ang titig sa kanya nito at ang mga ngiti nitong agad na nagpalunok sa dila niya.

“Emil!” wika ni Emil na nauutal-utal saka iniabot din ang kamay. “Bien Emilio Buenviaje.” pagbubuo niya sa pangalan niya at umaasang maaalala siya ni Ken.

Ang pagdidikit nang palad nilang dalawa ay nagdulot kay Emil na kakaibang ligaya. Tila tumalon ang puso niya at sa damdaming ngayon na lang niya ulit naramdaman. Nabuhay ang mga alaalang binuo nang nakaraan. Mga alaalang luminaw ang larawan. Mumunting kiliti na dumaloy mula sa palad niya paakyat sa puso niya na nagdulot nang hindi maipaliwanag na saya.

“Sounds familiar.” wika ulit ni Ken sabay bawi sa kamay niya.

Isang ngiti lang ang isinukli ni Emil ngunit sa kaibuturan niya – “Yes it sounds familiar! Hindi lang pamilyar Ken, kakilala mo talaga ako.” nais sana niyang ibulalas subalit may bahagi sa kanya na tumututol.

Sa pag-usad nang meeting nila ay pilit na ipinanatag ni Emil ang sarili at alisin ang kaba, pagkabalisa, alinlangan at pagka-ilang. Nakita niya muli ang kakulitan ni Ken na sinasabayan at ginagatungan pa nang ilang kasamahan nila. Naalala niya ang nakaraan na kung saan ay may isang makulit at madaldal na Ken at may isang walang kibo at tahimik na Bien.

“May naaalala ako sa’yo.” sabi ni Ken kay Emil pagkalabas nila nang function room kung saan sila nagmeeting.

“Sino?” sagot ni Emil na nagulat sa biglang pagsasalita ni Ken. Hindi niya namalayang katabi na pala niya ito at kasabay na naglalakad. Sa oras na ito ay pakiramdam niyang panatag na ang loob niya at nawala na ang pagkailang.

“Secret, walang clue.” sagot ni Ken at saka nagbitiw nang isang pilyong ngiti.

Napasimangot naman si Emil at muling naalala ang nakaraan kung saan ay lagi siyang inaasar ng bestfriend niyang si Ken. Ang mapang-asar nitong mga ngiti na magiging simula nang habulan nilang dalawa at walang katapusang asaran.

“Ewan!” wika ni Emil na tila nagbago ang timpla.

“Emil! Emil! Emil!” tawag ni George kay Emil. “Sabay na tayong umuwi. Bulacan ka di ba.” suhestiyon pa nito.

“Saan ka ba uuwi?” tanong ni Emil kay George.

“Valenzuela nga.” sabi ni George na tila nagtatampo. “Kakasabi ko lang sa’yo kanina nalimutan mo na.” wika pa nito.

“Pasensiya naman!” paumanhin ni Emil.

“I smell something pero hindi ko sasabihin.” tila nang-aasar na turan ni George at pag-iiba usapan.

Nanatiling walang kibo si Emil.

“Oi, bakit hindi na nagrereact?” nagtatakang tanong ni George.

“Sabi mo kasi hindi mo sasabihin kaya hindi na ako magtatanong.” wika ni Emil na may kasunod na ngiti.

“Suplado mo naman.” wika ulit ni George.

“Slight lang!” sagot ni Emil kasunod ang isang tawa na sinundan din nang tawa ni George.

No comments: