Sunday, February 27, 2011

Dreamer C11

Dreamer

Chapter 11

The Revelation

“Salamat nga pala at hindi ka pumayag na sa inyo tayo matulog.” simula ni Emil sa usapan at pagbasag na din ng katahimikan.

“Alam ko naman kasing hindi ka pa kumportable.” simpatikong sagot ni Benz kay Emil.

“Salamat talaga.” pasasalamat pa din ni Emil. “Saka nga pala, bukas pipirma na ako ng kontrata kaya hindi ako pwedeng sa inyo matulog.” saad pa niya na may isang nakakagigil na ngiti.

“Ayan, ngingiti ka.” wika ni Benz saka nito pinisil ang pisngi ni Emil. “Saan ka nga pala pipirma ulit ng kontrata?” tanong pa nito.

“Sa Metro-Cosmo, nag-apply ako dun kahit contributor lang.” sagot ni Emil. “Iyon kasing isang tao d’yan sinira ang future ko as scriptwriter.” pasaring pa nito at isang mapang-asar na tawa.

“Nagpaparinig ka?” tanong ni Benz kay Emil.

“Bakit? Tinamaan ka ba?” balik na tanong ni Emil. “Iilag kasi sa susunod.” habol pa niya saka nag-iwan ng isang makakaloko at mapang-asar na ngiti.

“Aba’t!” wika ni Benz saka kiniliti si Emil.

“Ano ba!” saad ni Emil. “Mag-drive ka na nga lang.” galit-galitang habol pa nito.

“Asus! Nagkukunwaring galit.” asar ni Benz na may pahabol na nakakagagong tawa.

Kinaumagahan sa loob ng Metro-Cosmo –

“Tagal naman!” asar na usal ni Benz. “Anong oras ba kasi ang usapan ninyo?”

“Bakit ka ba kasi sumama pa kung mag-iinarte ka lang?” tila inis na ding sagot ni Emil.

“Aba at ikaw pa ang galit! Ikaw na nga itong sinamahan ko!” sagot naman ni Benz na tila nairita na sa sobrang tagal.

“Pinilit ba kitang sumama? Hindi naman, ikaw kaya itong nagpumilit na samahan ako!” sagot naman ni Emil.

“Ako na nga itong nagmagandang loob para ihatid ka at nang may sakyan ka pauwi tapos nagagalit ka pa ngayon sa akin!” sagot pa ni Benz.

“Emil, Benz!” bati ng isang lalaki sa dalawa. “Kamusta na? May DOTA ata kayo?” habol pa nitong tanong.

“Ah wala Ken!” sagot ni Benz sabay akbay kay Emil at mahigpit na inilapit sa katawan niya at nagbigay ng isang pilit na pilit na ngiti. “Medyo nangungulit lang kasi si Emil.” habol pa niya.

“Bwisit kang Benz ka! Tanggalin mo yang kamay mo sa braso ng Bien ko!” ngitngit ng kalooban ni Ken subalit kailangan niyang ngumiti ng pagkaplastik-plastik. “Ikaw Emil? Kamusta na?” tanong pa niya sabay titig kay Emil at pinapungay pa ang mga mata.

“Tigilan mo yan Ken! Wag mong landiin si Emil!” ngitngit ng kalooban ni Benz sabay titig ng matatalim kay Ken. “Ayos lang naman si Emil.” si Benz na ang sumagot para kay Emil.

Samantalang si Emil naman ay hindi magawang tumingin ng diretso kay Ken. Nahihiya pa rin siya sa binatang artista. Higit pa dito ay hindi niya kayang kontrolin ang bilis nang pagpintig ng kanyang puso. Hindi niya kayang tumagal sa mga titig na ipinupukol sa kanya nito. Hindi niya kayang suklian ang mga ngiti nitong ibinibigay sa kanya at higit pa ay ayaw niyang lalong mahulog sa kababatang pag-aari na ng iba.

“You’re such a royal Bien! I can’t help myself but to adore you, to admire you and I’m stuck with you! When you will be mine again?” bulong pa ni Ken sa sarili habang binubusog ang mga mata sa anyo ni Emil.

“Emil and Ken!” maligayang pagbati ni Mr. Ching sa tatlo. “Sorry I’m late!” paumanhin pa ng Editor-in-Chief. “Kasama pala ninyo ang most promising director ng dekada!” sabi pa nito na napansin si Benz. “What a great set of people, isang most promising actor, isang most promising director at ang most promising writer in the making nasa loob ngayon ng Metro-Cosmo.” tila naliligayahang bati pa nito.

“Well, sinamahan ko lang naman si Emil.” sagot naman ni Benz.

“Really sorry. Alam kong hindi ko dapat kayo pinaghihintay lalo na at nasa lobby lang kayo. Galing kasi ako sa bakasyon and kakauwi ko lang kaninang madaling araw.” pagkukwento pa ni Mr. Ching habang paakyat sila sa opisina nito.

Hindi na sumama pa si Benz sa opisina ni Mr. Ching. Pinili na lang niyang hintayin ito sa lobby. Wala naman siyang kinalaman sa pirmahan nila ng kontrata, naduon lang siya para samahan si Emil. Gayunpaman ay may isang bagay na dahilan ng pagkabalisa niya, ito ay ang isiping kasama ni Ken si Emil sa loob ng opisina na iyon.

“Napaaga ng one week kay Emil and sa’yo Ken ay one month, kasi gusto ko sabay kayong pipirma ng kontrata sa akin. Kahit na nga ba isang project lang ang pipirmahan ni Ken at least nagkasabay ang dalawang future biggest name sa industry na pumirma sa Metro-Cosmo at sila ang opening namin ngayong taon.” tila papuri ni Mr. Ching sa dalawa.

“Mr. Ching, hindi po makakarating si Tito Don ngayon, nasa bakasyon pa din po kasi. Kung pwede daw po ako na lang ang pipirma para sa kanya kung hindi naman next time na lang daw po siya pipirma.” paumanhin at pagbabalita ni Ken.

“Well, kahit ikaw nalang, since madami namang witness dito.” sagot ni Mr. Ching.

“Mr. Ching, ano po ba ang unang project ko?” simula na tanong ni Emil sa Editor-in-Chief na sa wakas ay nagawa ng makapagsalita.

“Akala ko hindi ka magsasalita ngayon!” tila pang-aasar ni Mr. Ching kay Emil. “Since naitanong mo na din ‘yan, I’m planning to give you one regular column, tipong monthly may susubaybayan ang readers natin na series, associated ka din sa mga current events, issues and problems.” sagot pa ni Mr. Ching. “I’m expecting a lot from you!” habol pa nito.

“Don’t worry Sir! I’ll do my best!” nakangiting sagot ni Emil.

“Oh my Bien, your eyes that causes many to fall, your lips that seduces me to my last breath, your smile that moves away all my worries and you that makes me happy and compete! Bien ko, sabik na sabik na ako sa’yo! Sabik na akong ikulong ka sa mga bisig mo, siilin ng halik ang mga labi mo at ituloy ang pagmamahalan nating hinadlangan ng kahapon.” saad ni Ken sa sarili habang nakatitig at pinagsasawa ang paningin sa itsura ni Emil.

“For your first project Emil!” tila biting wika ni Mr. Ching. “You will work with Ken, featuring his life, his childhood days, his career, family, lovelife, everything.” masayang saad ni Mr. Ching.

“Ken! Kasama kaya ako sa kwento mo? Kung maging ang pangalan ko nalimot mo na! Kasama kaya sa kwento mo ang mga pangako mo sa akin? O maging iyon ay hindi mo na naalala?” malungkot na wika ni Emil sa isipan.

“Oh Bien ko! Nakahanda ka na ba sa pagbabalik ko? Mapapatawad mo kaya ako sa pang-iiwan ko sa’yo? Tatanggapin mo pa kaya ako? Bien, I have nothing unless I will have you.” sabi naman ni Ken sa sarili.

Sa kabuuan ng pirmahan ng kontrata ay nanatiling matipid magsalita si Emil na sa katotohanan lang ay may malaking tama pa din kay Ken at hindi pa din niya kayang makipagtitigan dito o kaya naman ay makipag-usap lalo na sa mga nangyari sa kanila.

“Kamusta na?” simulang bati ni Benz kay Emil.

“Ayos naman!” pilit ang mga ngiting sagot ni Emil.

“Celebrate tayo!” aya ni Benz kay Emil. “Bago ako pumunta sa set ng LD magcelebrate na muna tayo tas isasama kita sa location.” aya pa ni Benz dito.

“Sige Emil, Benz, andito na pala si Julian, mauna na kami” paalam pa ni Ken sa dalawa na sa totoo lang ay ayaw niyang iwanan pa si Emil at ipaubaya ito kay Benz.

“Nagustuhan kaya ni Benz ang regalo ko sa kanya?” wika ni Julian sa sarili. “Ano kaya ang reaksyon ni Emil nang mabasa ang note na ginawa ko? Sayang hindi ko nakita. I’m sure may away ang dalawa ang my plans were just started hintayin pa nila ang mas matinding problema.” tila paghahamon pa ni Julian sa sarili para sa dalawa at saka nag-iwan ng isang nakakaloko at napakahiwagang ngiti bago tuluyang umalis.

“Sige, ingat!” sagot ni Benz na hindi mo na babakasan ng sobrang selos o galit sa nakikitang si Julian at Ken ang magkasama. Hindi man siya sigurado ngunit sa tingin niya ay nagiging malaking tulong sa kanya si Emil lalo na at unti-unti niya itong natututunang mahalin. Tama si Vaughn na tanggapin lang niya ang kapalaran nila ni Julian ay makikita niya ang isang taong mahihigitan pa ito.

Samantalang ngiti lang ang sagot ni Emil. Hindi maunawaan ni Emil kung bakit tila nag-iba na ang pakiramdam niya ngayon. Hindi na ito ganuong kasakit, hindi tulad dati at hindi na din ito ganuong kakirot. Sa totoo lang ay sa isiping may Benz siyang kakapitan ay gumagaan na ang loob niya.

“Bien! Hintayin mo ako!” mahinang bulong ni Ken bago tuluyang umalis. Nakaramdam ng kakaibang kaba si Ken bago tuluyang maihakbang ang mga paa niya palayo kay Emil. Kakaibang panlalamig ng katawan ang naranasan niya na tipong ayaw niyang iwanan si Emil ng mga oras na iyon. Kakaibang kaba na hindi niya mawari kung ano ang dahilan. Ngunit gayunpaman, ay hindi niya kontrolado ang pagpapanggap kung kayat pinili niyang samahan na lang si Julian.

“Ano, tara na!” aya ni Benz kay Emil.

“Pupunta muna ako sa bahay!” tutol ni Emil., “Kakamustahin ko muna si nanay.” sagot pa nito na may isang ngiting hindi ligaya ang mababakas kung hindi pag-aalala.

“Ikaw!” tila nalungkot na sagot ni Benz. “Kung iyan ang gusto mo, kaso hindi kita masasamahan.” saad pa ni Benz.

“Ayos lang iyon!” pinasiglang pilit ni Emil ang pagitan nila ni Benz. “Salamat at sinamahan mo ako!” habol pa nito.

“Walang anuman! Mag-iingat ka!” saad at paalala ni Benz kay Emil.

Nais talaga ni Benz na samahan si Emil. Bukod dito ay kakaibang kaba din ang nadarama niya sa isiping mawawalay sa paningin niya ang binatang manunulat. Ayaw man niya itong iwan mag-isa ay wala naman siya sa posisyon para pigilin itong umalis at piliting sumama sa kanya.

Sa Bulacan, sa bahay nila Emil –

“Bakit ka pa nagbalik na damuho ka?” galit na galit na wika ni Aling Choleng.

“Nanay naman! Ano po ba ang nagawa kong masama at ganyan kayo sa akin?” sagot ni Emil na muling bumalik ang kirot sa puso niya.

“Bobo ka ba? Tanga ka ba? Ikaw nga kasi ang peste sa buhay ko? Ang malas sa buhay ko? Sa tuwing nakikita kita nasusuklam ako!” galit na galit na wika ni Aling Choleng.

“Nanay, kahit ba kaunti talagang hindi ninyo ako maituturing na anak?” sagot ni Emil.

“Peste, lumayas ka na dito! Layas!” giit ni Aling Choleng.

“Nanay naman, kahit kaunting limos lang para sa pagmamahal ninyo.” naiiyak na pakiusap ni Emil.

“Makulit ka din!” sabi pa ulit ni Aling Choleng sabay haltak sa buhok ni Emil at saka ito hinatak palabas ng bahay. “Sabing ayoko nang makita ka pa!” sigaw pa nito.

“Nanay naman, kahit kaunti, kahit kapiraso, huwag naman po kayong maging madamot na mahalin ako!” pakiusap ni Emil sabay yakap sa ina.

“Tinamaan ka ng lintik!” wika ni Aling Choleng sabay tulak kay Emil na sapat na para matumba ito.

Sinaklolohan naman agad ni Vince ang kinakapatid, niyakap niya ito para pakalmahin at pagaanin ang nararamdaman. “Parating na si tatay, tahan na Emil.” wika ni Vince kay Emil habang nakayakap ito sa binata.

Agad namang pumasok sa loob ng bahay si Aling Choleng pagkatulak kay Emil at lumabas itong may dalang itak. “Letse! Punyeta kang hayop ka! Lumayas ka dito kung hindi papatayin na lang kita!” sigaw pa nito sabay angat sa dalang itak.

“Ano ba Choleng?” awat ni Mando sabay hawak sa kamay ng babae.

“Mando tigilan mo ako! Pabayaan mo na ako sa gagawin ko!” nagwawalang sigaw ni Choleng.

“Hayaan nyo na siya ninong!” pigil ni Emil sa ninong niya. “Kung kamatayan ko lang ang magpapasaya kay nanay, sige patayin na niya ako. Kahit na ako n a ang pumatay sa sarili ko.” madiin at buong tatag na wika ni Emil sabay tayo.

“Hindi pwede Emil.” tutol ni Vince. “Mahalaga ka sa akin! Mahalaga ka sa amin!” wika pa nito.

“Hindi Vince!” sagot ni Emil na wari ba ay hindi niya narinig ang huling sinabi nito. “Sawa na din ako na lagi akong sinaktan ni nanay!” simula ni Emil sa drama niya. “Sawa na akong tiisin lahat ng sakit, ang kirot, sawa na akong gamutin ang lahat ng sugat ko sa puso.” sabi pa ni Emil. “Pero sana man lang malaman ko kung bakit ba galit na galit kayo sa akin?” wika pa nito na ngayon ay nalaglag ang mga luhang pinipigilan niyang umagos.

“Wala ka ng pakialam! Sige pakamatay ka na!” tila kumalma ng kaunti si Choleng at nakaramdam ng kaunting awa para sa anak at papasok na muli sa bahay.

“Nanay, sabihin niyo kasi sa akin ng maintindihan ko!” sigaw ni Emil sa patalikod ng ina.

“Huwag mo ng alamin!” sigaw ni Choleng.

“Choleng kung ayaw mong sabihin ako na lang ang magsasabi!” wika ni Mando.

“Tumigil ka Mando!” awat ni Mando saka nito tinakbo palapit.

Sa isang putok nang baril natigil ang away sa pagitan nila at naging sanhi para magsipagtago lahat ng mga usisero at usiserang nakalibot sa kanila.

“Nanay!” sigaw ni Emil saka tinakbo ang ina. Kasunod nito ay isa pa uling putok ng baril. Matapos nito ay bumagsak sa lupa ang katawan ni Emil.

Naging maagap ang paningin ni Emil, agad niyang nakita ang mga naghahabulang tambay na papunta sa gawi nila. Agad din niyang nakita ang hindi sinasadyang paputok ng mga ito ng baril at ngayon ay patungo sa kanyang ina. Naging mabilis at maliksi ang kilos niya at sinalo ang balang sa ina niya dapat ang tama. Ngayon nga ay nakalugmok na siya lupa at malapit nang mawalan ng ulirat. Hindi na niya alam pa kung ano na ang nasa paligid niya. Bago pa man niya ipikit na tuluyan ang mga mata ay nagawa pa niyang magsalita – “Mahal kita nanay!” pagkasabi nito ay dahan-dahan na niyang ipinikit ang mga mata.

Pagkabagsak ni Emil ay agad siyang kinuha ni Choleng na ngayon ay tuluyang lumabot ang puso at unti-unting natunaw ang yelong bumabalot sa kanya. Kinuha niya ang anak at niyakap ng mahigpit.

Si Emil, ngayon nga ay nakabulagta sa sahig, duguan sanhi ng balang tumama sa kanyang likuran. Ang pagmamahal niya sa ina ay hindi matutularan na kahit na nga ba itinatakwil siya nito ay naisip pa din niyang iligtas ito sa tama ng baril. Naliligo sa sariling dugo, at may madalang na paghinga na waring naghahabol ng hangin.

“Emil! Patawarin mo na ako! Mahal na mahal kita anak!” umiiyak na wika ni Choleng.

“Mahal kita nanay!” wika ni Emil.

“Mahal na mahal din kita anak! Please, mabubuhay ka pa!” pakiusap ni Choleng.

Samantalang sina Vince at Mando naman ay agad na sumaklolo kay Emil ang walang malay nang katawan ni Emil ay agad nilang binuhat at isinakay sa tricyle para madala sa ospital at agad na malunasan. Ang ibang mga usisero at usisera naman ay napako sa kinalalagyan at hindi na maikilos ang buong katawan samantalang ang ibang kalalakihan ay agad na hinabol ang mga tambay na nakadali kay Emil.

“Emil, hindi ka pwedeng mamatay. Ikaw ang bubuo sa pangarap ko, ikaw ang bubuo sa buhay ko. Ikaw ang dahilan ng buhay ko! Hindi ka pwedeng mamatay Emil dahil pati ako ay mamamatay!” bulong ni Vince sa sarili na ngayon nga ay hindi na kayang itago pa ang sakit at kirot at ang hindi mapigilang pagluha.

“Mahal na mahal kita Emil. Wag mo akong iiwan.” sabi ulit ni Vince sa sarili na waring kinakausap si Emil.

Hindi pa man nagtatagal ay naging laman na ng balita ang nangyaring iyon kay Emil. Naging sentro ng mga flash reports at pinagkaguluhang news sa mga oras na iyon.

“Isang manunulat ang hindi sinasadyang nabaril sa Malolos, Bulacan kani-kanina lamang. Ayon sa panayam ay hindi inaasahan ang pagputok ng baril na hawak ng isang tambay habang makikipaghabulan sa kapwa niya tambay na nuon ay kanyang kainuman. Ang manunulat na ito ay kinilala sa pangalang Bien Emilio Buenviaje, isang dating scriptwriter sa Last Dance. Kasalukuyang nasa kritikal itong kundisyon at patuloy na nilulunasan sa Bulacan Provincial Hospital. Mark David para sa flash report.” wika sa balita.

Hindi naging mailap kay Ken ang balitang iyon kaya hindi pa man natatapos ang balita ay agad na niyang pinaharurot ang kotse niya patungo sa sinabig ospital. Habang nagmamaneho ay muling bumalik sa alaala niya ang ibang bahagi ng nakaraan –

“Bien!” tawag ni Ken kay Bien. “Tara, pumunta tayo sa ilog.” aya pa niya sa kaibigan.

“Ayoko nga!” tangi ni Bien. “May engkanto daw dun sabi ni Ninong.” tanggi pa nito.

“Hindi naman kaya totoo un!” pagtutol at tila pang-aasar ni Ken kay Bien.

“Kahit na! Basta ayoko.” giit ni Bien.

“Takot ka lang!” tudyo ni Ken. “Duwag si Bien! Duwag! Duwag! Duwag!” pang-aasar pa nito.

Biglang umasim ang mukha ni Bien sa pang-aasar ni Ken at saka siya tumalikod sa kaibigan.

“Bakit parang pinainom ka ng suka?” natatawang tanong ni Ken.

“Kasi naman iniinis mo ako!” sagot ni Bien.

“Sumama ka na kasi sa akin!” pamimilit pa ni Ken.

“Kasi baka mahulog tayo sa ilog!” paliwanag pa ni Bien.

“Iyon lang pala eh.” sagot ni Ken. “Hahawakan ko ang kamay mo para hindi ka malaglag sa ilog.” saad pa ni Ken sabay hawak sa isang kamay ni Bien. “Promise! Hindi kita papabayaan!” tila may paninigurado sa tinig ni Ken.

“Kahit na no!” sagot pa ni Bien sabay tulis ng nguso.

“Please! Akong bahala sa’yo.” buong sinseridad na pamimilit pa din ni Ken at hinawakan pa ang isang kamay ni Bien at inilapit ang mga iyon sa dibdib niya.

“Sige na nga bestfriend! Basta ikaw ang bahala ah!” alangang sagot ni Bien.

“Oo bestfriend! Akong bahala sa’yo. Hindi ko hahayaang may mangyaring masama sa’yo.” nakangiting sagot ni Ken.

Ilang sandali pa at narating na ng kabadong si Ken ang ospital na sinabi sa balita.

“Miss!” simula agad ni Ken ng makarating siya sa ospital na pinagdalhan kay Emil.

“Ken?!” tila nagulat na wika ng receptionist ng ospital dahil sa biglang pagdating ng isang artista.

“Miss, where can I find Bien Emilio?” tanong ni Ken na puno ng pag-aalala.

“Sa E.R. po sir.” natutulalang sagot nito.

“Saan iyong papunta sa E.R.” atat na tanong ni Ken na sa tingin niya ay nahihirapan siyang huminga sa alalahaning nasa pagitan ng kamatayan si Emil.

“Turn left, at iyong dulo po ang E.R.” sagot pa nito.

“Salamat!” walang lingong tinakbo ni Ken ang sinabing lugar na iyon sa kanya. Habang tumatakbo papunta sa E.R. ay muli na naman siyang dinalaw ng nakaraan.

“Bien!” palahaw ni Ken.

“Tulong Ken!” sigaw ni Bien. “Hindi ako marunong lumangoy.” habol pa nito.

“Sandali lang Bien.” wika ni Ken saka naghanap ng taling pwedeng kapitan. Nang walang mahanap ay “Ayan na ko Bien!” pagkawika ay agad na tumalon si Ken sa ilog.

“Tulong!” ngayon naman ay sigaw na din ni Ken.

“May dalawang batang nalulunod.” aniya ng isang lalaking nasa lugar na iyon na nakarinig sa sigaw nila.

Agad na tumalon ito sa ilog at saka sila sinagip.

“Ayos lang ba kayo mga hijo?” tanong nito sa dalawang bata. “Sa susunod huwag na kayong lalapit masyado sa gilid.” paalala pa nito.

Nanatiling tahimik ang dalawa.

“Siya, ihahatid ko na kayo pauwi. Saan ba kayo nakatira?” tanong pa nito.

“Hindi po! Kami na lang po ang uuwi.” agad na tutol ni Ken sabay alalay sa takot na takot na si Bien.

“Sigurado ka ba hijo?” paninigurado pa nito.

“Opo!” buong tapang na sagot ni Ken saka inalalayan si Bien.

Pagkarating ni Ken sa lugar na sinabi sa kanya ay agad niyang nakita ang isang babaeng sa tingin niya ay nasa kwarenta na ang edad na patuloy sa pagluha at mababakas ang pag-aalala. Kung tama ang larawan sa alaala niya ay iyon ang nanay ni Emil. Sa likuran naman ng babaeng iyon ay may isang lalaking nasa kwarenta na din sa tantiya niya ang nagpapagaan sa loob ng babae habang ang isa pang babae ay yakap ito. Nasa kabilang bahagi din ng lugar na iyon ay grupo ng mga kabataang sa tingin niya ay kaedad lamang niya at mababakas mo na ang pag-aalala mula sa mukha nila. Umagaw din ng atensiyon niya ang isang lalaki na palakad-lakad na tila hindi mapakali na sa tantiya niya ay matanda sa kaniya ng kaunti.

Nilapitan niya ang lalaking paikot-ikot at dito siya nagtanong.

“Excuse me!” simula ni Ken. “Kilala ba ninyo si Bien Emilio?” tanong pa nito.

Tinitigan naman ng matalim ng lalaki si Ken. “Oo! Kinakapatid ko siya.” sagot nito.

“Kamusta na si Emil?” tanong ni Ken na ipinagwalang-bahala na lang ang mga tinging iyon.

“Sino ka ba?” mataas na tonong tanong ni Vince kay Ken. Agad namang nakapukaw ng atensiyon ang sinabing iyon ni Vince.

“Vince sino bang kaaway mo?” tanong ni Mang Mando sabay lapit sa anak.

“Si Ken!” wika ni Vanessa at patakbong tinungo ang lugar ni Ken at ng kapatid niya. “Si Ken nga!” paninigurado nito.

“Kamusta na po ba si Emil?” tanong ni Ken sa mga ito.

“Teka, bakit mo kakilala si Emil?” sarkastikong tanong ni Vince.

“Aba, kinakapatid ka lang naman, kung makaasta ka parang syota mo si Emil.” pag-aalsa ni Ken sa sarili. “Naging magkatrabaho kami at magiging magkatrabaho ulit.” sagot ni Ken saka binalingan si Vince ng isang mapang-hamong ngiti.

“Yabang mo ah!” wika ni Vince sa sarili sabay ang panginginig ng laman niya at pagkukuyom ng kamao.

“Hindi pa din lumalabas ang doktor.” sagot ni Mang Mando na kita mo ang pag-aalala. “Kinakabahan nga kami.” saad pa din nito na puno ng kalungkutan at pagkabalisa.

Umupo si Ken sa isang sulok ng ospital na iyon. Nag-abang hanggang sa lumabas ang doktor at hintayin ang isang magandang resulta, umaasa siyang maliligtas ang pinakamamahal niya at nakahanda din siya para dito. Labis na kaba ang nasa puso niya, pagkabalisa at pag-aalala. Hindi niya magawang isipin na mawawala sa kanya si Emil. Hindi niya masimulang isipin kung paano mawala si Emil.

“Bakit ka tumalon?” tanong ni Bien kay Ken.

“Kasi natakot ako, baka malunod ka.” sagot ni Ken.

“Marunong ka bang lumangoy?” tanong ni Emil dito.

Iling lang ang naging tugon ni Ken.

“Hindi pala bakit ka tumalon pa? Paano na lang kung may nangyaring masama sa’yo?” pag-aalala ni Bien para kay Ken.

“Kasi nga ayokong may mangyaring masama sa’yo. Malay mo baka bigla akong makalangoy kasi ililigtas kita.” malambing na tugon ni Ken.

“Basta, hindi pa din tama iyong ginawa mo. Sana hinayaan mo na lang ako duon.” napasimangot na sagot ni Bien.

Biglang niyakap ni Ken si Emil. “Hindi ko kaya pag nawala ka!” sabi ni Ken na ibinulong sa kanya ng kanyang batang puso.

Nasa gitna ng pagbabalik-tanaw si Ken ng lumabas ang doktor. Dali-dali namang nagsilapitan ang lahat at sinalubong ito.

“Kamusta na po si Emil?” tanong ni Aling Choleng na sa wakas ay nagawa na ding makapagsalita.

“He needs blood transfusion.” simula ng doktor. “He needs it so badly. Halos ikamatay na niya ang kawalan ng dugo at pag nagtagal pa ay hindi na namin alam kung makakaligtas pa siya.” malungkot na saad ng doktor.

“Kasalanan kong lahat ito Bien!” sisi ni Ken sa sarili. “Kung sa simula pa lang inamin ko na ang lahat sa’yo sana hindi ito nangyayari at sana ay naprotektahan kita, sana ay nasa tabi mo ako bago ito mangyari sa’yo at sana ay nailigtas kita!” dagdag na sisi ni Ken sa sarili.

Sa kabilang bahagi naman ng Pilipinas –

“Guys!” sigaw ni Benz.

“Yes Direk?” sagot nila Marcel.

“Start na tayo.” wika ni Benz.

Hindi pa man sila nakakapagsimula ay patakbo at humahangos na dumating si Mae sa area.

“Bad news!” simula ni Mae. “Si Emil!” saad pa niya.

Agad na nakaramdam ng kakaibang kaba si Benz. Muling nagbalik sa kanya ang kabang nararamdaman bago iwanan si Emil, bago sila magkahiwalay ni Emil.

“Anung nangyari kay Emil?” puno ng pag-aalalang tanong ni Benz.

“Sabi sa news masama daw ang tama niya. Nabaril si Emil!” wika ni Mae.

“Pack-up na muna guys!” walang pagdadalawang-isip na utos ni Benz. “We’ll resume later.” saad pa nito sabay tinakbo ang kotse niya. “I’ll be back, review everything.” tila paalala pa niya bago tuluyang sumakay ng kotse.

“Direk sama kami!” pakiusap nila Marcel.

“Come!” tugon ni Benz. “Sakay na.” aligagang habol pa niya.

Agad namang pinaharurot ni Benz ang kotse na tila ba may mga pakpak ito na nakahandang lumipad anumang oras.

“Saang ospital daw dinala si Emil?” tanong ni Benz kay Mae.

“Bulacan Provincial Hospital daw po.” sagot ni Mae.

“Emil, hindi pwede, basta hindi pwede!” naguguluhang giit ni Benz sa isipan.

Maya-maya pa ay narating na nila ang ospital na sinabi sa balita.

“Miss, nasaan po si Bien Emilio Buenviaje?” tanong agad ni Benz sa receptionist.

“Nasa E.R. pa din po.” tugon naman ng receptionist na higit pang natulala sa pagdating ni Benz.

“Pakaliwa un di’ba?” tila paninigurado ni Benz.

“Opo Sir.” tugon naman ng nurse.

“Salamat!” sagot ni Benz saka tinakbo ang lugar na tinuro sa kanila ng nurse.

Kasunod ni Benz sila Marcel at Mae na gaya ni Benz ay labis din ang pag-aalala para kay Emil. Naging matalik na kaibigan nang dalawa si Emil at mga taong naging malalapit kayu Emil sa crew ng Last Dance.

Agad na nakita ni Benz ay ang nakakumpol na mga tao sa bagong labas na doktor. Tinakbo niya ito na tila hindi na sumasayad sa lupa ang kanyang mga paa.

“He needs blood transfusion.” simula ng doktor. “He needs it so badly. Halos ikamatay na niya ang kawalan ng dugo at pag nagtagal pa ay hindi na namin alam kung makakaligtas pa siya.” malungkot na saad ng doktor.

“Anong blood type po?” tila sigurado si Benz na si Emil ang nasa loob niyon at si Emil ang pinatutungkulan ng doktor na kailangan ng dugo.

Napatingin naman ang ibang nag-aalala kay Emil kay Benz at tinitigan itong maigi na wari ba ay kinikilala.

“Just a type O blood.” tugon ng doktor.

“I will donate for Emil.” sagot ni Benz.

“Benz!” mariing wika ni Ken sabay tingin ng matitiim.

“Walang-hiyang Benz ka! Papaano mo nagawang pabayaan si Bien?” wika ni Ken sa sarili.

Nuon lang napansin ni Benz na nasa umpukan palang iyon si Ken at ngayon nga ay matatalim na ang tingin sa kanya. Napansin din niya ang mga mukha ng mga taong may pag-aaalala na sa wari niya ay pamilya at kaibigan ni Emil. Nahagip ng mga mata niya ang isang babaeng sa wari niya ay nasa kwarenta na na hindi man lang siya pinagtuunan ng pansin. Agad din itong umupo sa pinakamalapit na upuan habang inaalalayan siya ng isa ding babae na sa tingin niya ay magkasing edad lang ang dalawa. Ang umpukan ng mga kabataang hindi na nagawang umalis sa pintuan ng Emergency Room at duon na lamang tila mga nagsipanlumo sa natanggap na balita. Ganuon din ang isang lalaking sa wari niya ay nasa kwarenta na din ang ngayon ay papalapit na sa kanya matapos maiupo ang babaeng una niyang nakita. Higit pa ay napansin niya ang isang lalaking sa tingin niya ay kaedad niya ang ngayon ay tila may panunuri siyang tinititigan mula ulo hanggang paa.

“Ako nga pala si Mando, ninong ni Emil.” simula ni Mang Mando pagkalapit kay Benz.

“Benz po!” tugon ni Benz. “Sa bahay ko po tumutira ngayon si Emil.” habol pa niya.

Napansin niyang mas naging matatalim at mapang-hamon tingin sa kaniya ng lalaking umagaw sa atensiyon niya. Nakita din niya ang naging pagpipigil nito sa isang damdaming nais kumawala.

“Siya nga pala!” saad ni Mang Mando. “Siya ang anak kong si Vince!” wika pa nito sabay turo kay Vince.

“Vince pala ang pangalan mo!” wika ulit ni Benz sa sarili.

“Sige Benz, sasamahan ko muna si Choleng.” paalam ni Mang Mando kay Benz.

Pagkaalis ni Mang Mando ay agad siyang nilapitan ni Ken. “Tol, usap tayo sa walang tao!” tila pag-uutos ni Ken sa kinakapatid na si Benz.

Binagtas nila ang daan at humanap ng isang lugar na walang tao. Sa paghahanap nilang ito ay narating nila ang parking lot ng ospital na iyon.

“Ano ba Ken!” pagpapatigil na wika ni Benz. “Ano ba iyang sasabihin mo?” mariin at galit na wika pa nito.

“Gago ka!” usal ni Ken sabay harap sa kinakapatid at pinasalubungan ito ng isang suntok.

Napuruhan si Benz sa suntok na iyon ni Ken. Pumutok ang labi ni Benz at ngayon nga ay dumudugo na din ito.

“Ano bang problema mo?” tanong ni Benz kay Ken.

“Ikaw!” sagot ni Ken. “Ikaw Benz! Bakit mo hinayaang mangyari kay Emil yon!” tanong pa ni Ken sabay hawak sa kwelyo ng damit ni Benz.

“Tigilan mo nga ako Ken! Wala kang karapatang saktan ako o kaya ay sisihin sa nangyari kay Emil!” tutol ni Benz sabay tulak kay Ken na naging sanhi para mapaupo si Ken sa lupa.

“Kung hindi mo siya iniwang mag-isa sana hindi siya…” hindi na naituloy pa ni Ken ang sisi dahil si Benz naman ang gumanti.

Sinuntok din ni Benz si Ken at tinamaan ito sa pisngi. Pinilit ni Benz na pakalamahin ang sarili para hindi mapuruhan ang kinakapatid niyang si Ken.

“Sino ka ba sa buhay ni Emil ha!” tanong naman ni Benz kay Ken sabay hawak sa kwelyo nito.

“Tumigil nga kayong dalawa!” biglang pag-awat ng isang lalaki sa kanila. “Kung mag-aaway kayo humanap kayo ng ibang lugar!” madiing wika pa nito at madiing hawak sa braso ng hindi magpapapigil na si Benz.

“Pasalamat ka at dumating si Vince!” saad ni Benz.

“Sino ba kasi kayo sa buhay ni Emil?” tanong ni Vince sa dalawa.

“Pare, salamat sa pag-awat pero hindi ko sasabihin kung ano ako sa buhay ni Emil. Siya na ang bahalang magsabi nuon sa’yo” sagot ni Ken saka siya humakbang palayo.

“Gago!” galit na wika ni Benz bago pa man tuluyang makaalis si Ken.

Naging payapa ang pagitan nilang nang makabalik na sila sa loob ng ospital. Pilit nilang kinakalma ang mga sarili para hindi na makagawa pa ng eskandalo at iwas agaw atensiyon sa mga tao. May pilit silang mga ngiti na binibitawan sa lahat nang nakakakita at bumabati sa kanila. Si Ken na may iniingatang reputasyon bilang artista ay higit na pag-iingat ang kailangan at si Benz na isang award-winning na direktor ay kailangang hindi mawala ang kredibilidad. Naguguluhan man si Vince sa kung sino ba ang dalawang ito sa buhay ni Emil ay alam niyang si Emil lang ang may kayang sagutin ang mga katanungan niya.

“We need blood donors.” mga katagang sinasabi ng doktor na naabutan nilang tatlo.

“Willing po ako!” sagot ni Ken.

“Ako din po!” tila ayaw patalong saad ni Benz.

Agad na nagtama ang mga mata ng dalawa at tila ba may kuryenteng nanunulay sa mga iyon na ipinipukol sa mata ng bawat isa. Mga tinging puno nang paghahamon at kay tatalas na tipong nakamamatay.

“Ako na po ang unahin ninyong kuhanan.” singit ni Vince sabay sama sa doktor para ma-test ang dugo nito.

Bagamat type O ang dugong hinahanap ay may kadalian itong makahanap ng donor. Unang kinuhanan ng sample ay si Vince na sinundan naman ni Aling Choleng, pagkatapos ay si Ken na sinundan naman ni Benz. May katagalan din silang naghintay sa resulta, habang nasa gitna nang paghihintay ay hindi na nakatiis pa si Vince kaya naman siya na ang lumapit sa dalawa para malaman ang katotohanan.

“Tol, pwede bang mag-usap tayong tatlo.” pakiusap ni Vince kay Benz.

Tumingin lang si Benz sa gawi ni Ken saka tumayo mula sa kinauupuan na senyales nang pagpayag.

Sumunod namang kinausap ni Vince si Ken na nakaupong patalikod sa E.R.

“Tol, pwede ba tayong mag-usap ng masinsinan.” pakiusap ulit ni Vince.

Tulad ni Benz ay walang imik din itong tumayo na senyales na pinapaunlakan niya ang imbitasyon ni Vince.

Sa parking lot kung saan nagsuntukan sila Benz at Ken –

“Umamin nga kayo.” simula ni Vince. “Anung kaugnayan ninyo kay Emil?” tanong ni Vince.

Nanatiling walang imik ang pagitan nilang tatlo. Walang may nais magsalita sa dalawang binatang tinanong ni Vince.

“Ako, aaminin ko” malumanay na simula ni Vince dahil batid niyang wala din siyang makukuhang sagot sa mga ito. “Aaminin kong” at humugot nang isang napakalalim na buntong-hininga si Vince bago muling nagsalita. “hindi lang kinakapatid ang tingin ko kay Emil.”

Biglang napatingin kay Vince ang dalawa.

Muling humugot ng isang malalim na buntong-hininga si Vince at – “Mahal ko si Emil.” wika ni Vince. “Mahal ko si Emil hindi bilang kaibigan, kapatid, o kaya naman ay kasapi ng pamilya. Mahal ko si Emil bilang siya. Mahal ko si Emil na iyong tipong wala na akong silbi pag nawala siya.” napapangiting saad ni Vince.

Tahimik lang din sina Ken at Benz na wari bang hinihintay ang susunod na sasabihin ni Vince. Samantalang si Vince naman ay tumingin sa malayo na wari bang may pilit na inaalala.

“Hindi ko naman inaasahan na makakaramdam ako ng ganito. Nuong una akala ko mahal ko si Emil bilang kapatid, na awa ang nararamdaman ko at paghanga na din dahil sa araw-araw na nabubugbog siya ni Aling Choleng, lagi at lagi siyang bumabangon at lumalabas na nakangiti. Nuong una pilit kong ignorahin iyong damdamin ko para sa kanya, pero mahirap pala. Kahit na gusto kong lumayo sa kanya, hindi ko magawa, hindi magawa ng puso kong iwanan at iwasan si Emil.” paglalahad ni Vince.

Sa wakas ay nagawa na ding lumingon ni Vince sa dalawa at harapin ang mga titig ng mga ito. “Alam kong mali, pero may mali pa ba sa pag-ibig? May tama ba talaga sa pagmamahal? Para kasi sa akin, walang tama at mali sa pagmamamahal. Alam mo iyong tipong titibok ang puso ko sa isang tao at ang pinakamahirap na parte ay tanggapin kung sino at ano pa man siya.” paglilinaw ni Vince na mababanaag ang kalungkutan.

“Pero masakit lang, dahil naduduwag ako. Naduduwag akong ipagtapat sa kanya ang katotohanan. Hindi ko kayang harapin ang mundong ginagalawan ko. Hindi ko pa kayang ipaglaban ang taong mahal ko, hindi ko pa kayang ipaintindi sa lahat ang laman ng puso ko.” buong kalungkutang pagwawakas ni Vince.

“Naiintindihan kita pare!” sang-ayon ni Benz. “Kasi ako, hindi ko inaasahang biglang mahuhulog kay Emil. Hindi ko pa alam at hindi pa ako sigurado, ayoko pang sabihin kung pagmamahal nga ba ito. Basta kasi magulo. Ayokong nakikitang lumuluha si Emil, ayokong napupuna ng iba si Emil, gusto ko ako lang ang makakapansin sa kanya. Ayokong napapahiya sa iba si Emil o kaya naman ay ipinapahiya ng iba.” saad ni Benz na wari ba ay nagkalakas ng loob na ikuwento ang nararamdaman niya kay Emil.

“Sa tuwing kailangan ko ng kausap, lagi na lang siyang nandiyan para sa akin. Iyong tipong kahit alam kong asar na asar na siya sa akin, naririto pa din siya, dumadamay. Naalala ko nga iyong minsang sinamahan niya ako sa bar, talagang pinanuod lang niya ako magdamag. Siya na din ang umasikaso sa akin, ang nag-alaga.” paglalahad pa din ni Benz.

“Kaya ba naging kayo?” tanong ni Ken na naging dahilan para titigan siya nang mas maigi ni Vince na hinihintay ang sagot niya.

“Kalma lang mga pare!” pasintabi ni Benz. “Hindi pa nagiging kami. Walang namamagitan sa aming iba.” saad ni Benz. “Nagkagipitan lang nuong nakaraan kaya ko nasabi iyon.” pahabol pa niya.”

“Sa tuwing nakikita ko si Emil, para bang gumagaan ang pakiramdam ko. Alam ko namang mali, pero papaano mo mapipigil pag ito na ang namili?” saad ni Benz sabay hawak sa dibdib niya.

Muling tumahimik ang pagitan nilang tatlo.

“Oi Ken, ikaw naman!” pagbasag ni Benz sa katahimikan.

“Sapat na iyong mga kwento ninyo.” pagtanggi ni Ken.

“Siyempre iba naman ang kwento mo sa kwento namin.” pamimilit ni Vince.

“Walang makakalabas sa mga pinag-usapan natin.” tila paninigurado ni Benz.

“May magagawa pa ba ako!” wika ni Ken saka huminga nang malalim.

“Mahal ko na si Bien, I mean si Emil mula sa pagkabata.” simula ni Ken.

“Huh?!” halos sabay na naibulalas nila Benz at Vince.

“Matagal na kaming magkakilala ni Emil, iyong nga lang nagkahiwalay kami kaya naman nandito ako at bumabalik para sa kanya.” pagsagot ni Ken sa dalawa.

“Akala ko nga hanggang duon na lang itong pagmamahal ko sa kanya, pero hindi pala. Kahit na naging malayo ako sa kanya, siya, lagi at laging tinitibok nang bata kong puso hanggang ngayon. Sa loob ng humigit kumulang labing-limang taong hindi ko nakikita si Emil, lagi at laging siya ang alalahanin ko sa bawat umaga, sa bawat sandali. Pilit kong ibinabalik ang anyo niya sa alaala ko, binubuo ang larawan niya sa utak ko. Kahit sinubukan kong kalimutan na lang siya, hindi ko magawa dahil lagi din naman bumabalik ang nararamdaman ko para sa kanya.” malungkot na pagkukwento ni Ken sabay tingin sa kawalan.

“Heto, dumating na ang pagkakataong pwede ko na siyang angkinin, pero pinigil ko. Nagpanggap akong hindi ko siya naaalala, nagpanggap akong hindi ko naaalala ang mga pangako kong iniwan sa kanya. Nagawa ko lang naman iyon dahil ang gusto ko, kaya ko na siyang ipaglaban sa lahat at ipagtanggol laban sa batikos ng iba sa sandaling aminin kong ako nga ang Ken na minahal niya dati, ang Ken na nag-alay sa kanya ng mga pangako at ang Ken na iaaalay ang buhay para sa isang Bien na siya. Ayokong makitang masaktan si Emil nang dahil sa akin at ayokong masira ko ang pangarap niya dahil sa akin kaya nagawa ko nang ilihim ang lahat. Gusto ko pag sinabi ko sa kanyang ako si Ken na kababata niya ay may napatunayan na ako, na kaya ko siyang bigyan ng magandang buhay, na hindi na ako bata kung hindi isang tunay na lalaking kayang mamatay para sa taong mahal niya. Isa pa, natatakot akong paglayuin kami ng lipunang ginagalawin naming kaya ang gusto ko, magpakatibay at magpakatatag para sa sandaling dumating ang tamang oras, ako na mismo ang lalaban at bubuo ng magandang pundasyon sa pagmamahalan namin para hindi kami mapaglayo ng mga mapanghusgang mata ng mga tao.” puno ng pait na sabi at paliwanag ni Ken.

“Mali ba ang magmahal ang tulad ko nang isang tulad ni Emil?” tila tanong ni Ken sa dalawa. “Kung ang isang walang muwang na si Ken ay minamahal si Bien ano pa kaya ngayon ang isang Ken na malawak na ang pang-unawa na minamahal pa din si Emil.” tila pagsagot niya sa sariling katanungan. “Hindi iyon mali! Konserbatibo lamang sila!” saad pa nito. “Alam kong mahaba man ang gagawin kong paglalakbay, si Emil pa din ang babalikan ko. Iyon ang dikta nang puso ko!” pagwawakas ni Ken.

Muling nabalot ng nakakabinging katahimikan ang pagitan ng tatlo.

“At least clear ang lahat!” wika ni Vince para mabasag ang katahimikan. “Alam na nating tatlo na pare-pareho tayo ng pakay kay Emil.”

“Kaya naman may the best man win!” nakangiting dugtong ni Benz.

“Pumasok na tayo!” anyaya ni Vince sa dalawa. “Baka kailanganin na tayo duon.”

Sakto naman at pagkadating nilang tatlo ay dumating din ang doktor para sa resulta nang blood test.

“Pasensiya na po kayo Aling Choleng pero hindi kayo pwedeng maging donor.” paumanhin nang doktor sa nanay ni Emil.

“Bakit dok?” tanong ni Choleng. “Anak ko si Emil kaya dapat ako ang magliligtas sa kanya. Madami akong kasalanan sa kanya kaya kahit man lang sa ganito mapagbayaran ko lahat iyon.” naluluhang wika ni Choleng.

“Hindi po kayo pwedeng maging donor dahil una, diabetic po kayo at pangalawa, may trace pa po kayo ng alcohol.” paliwanag nang doktor. “Pero don’t worry dahil pumasa po sa test ang tatlo and Benz got the closest sample.

“Miss saan ba dito si Bien Emilio?” tanong nang isang matandang lalaki na naging sanhi para mapukaw nito ang atensiyon nila.

“Pa?!” tila nahihiwagaang sambit ni Benz nang maaninagan kung sino ang paparating.

“Benz anak! Anong ginagawa mo dito?” agad na tanong ni Don Florentino kay Benz nang makalapit ito sa lugar ng anak.

“Benz sino siya?” tanong ni Mang Mando sa binata.

“Ah Mang Mando si papa po.” sagot ni Benz.

“Pa, si Mang Mando po ninong ni Emil saka po si Aling Choleng, nanay po ni Emil iyong kasama ko sa bahay nuong new year.” tila pagpapaala ni Benz sa ama.

“Mando?” tila may kakaiba sa tinig ng Don. “Armando, ikaw ba yan?” tanong pa nito.

“Oo, Armando nga pangalan ko!” may pagtataka sa mukha nito.

“Tapos si Choleng! Consolacion.” tila bumakas naman ang mga ngiti sa labi ng Don sa pagtatagpong iyon.

“Sino ka ba at kakilala mo kami?” tanong ni Mando dito.

“Ako ‘to, si Tino.” waring pagpapakilala niya sa sarili.

“Tino!” tila gulat na gulat na naibulalas ni Mando at biglang nablangko ang mukha ni Choleng at nanghina ang mga tuhod.

“Nasaan na ang anak ko?” tila paghahanap ng Don kay Mando.

Muling nabakas ang lungkot sa mukha ni Mando.

“Huwag mong sabihing…” tila alam na ni Tino ang sagot sa tanong niya. “Na ang Bien Emilio na nabaril at ang Bien Emilio na anak ko ay iisa.” saad ni Tino.

Tango lang ang naging sagot ni Mando sa tinuran na ito ni Tino.

“Anak ko nga ang Bien Emilio na nabaril.” wika ni Tino na ngayon ay mas higit na kaba ang nadarama niya para sa isang inabandonang anak na ngayon ay nasa pagitan na ng kamatayan.

“Ano daw?” wika nang isipan ni Benz. “Si Emil anak ni Papa?” tila paglilinaw pa niya na sa wari niya ay hindi niya kayang matanggap ang katotohanang iyon. “Kapatid ko si Emil.” konklusyon na nabuo sa isipan ni Benz na naging sanhi para lalong malamukos ang mukha niya.

“Teka sandali” naguguluhang bulong ni Ken sa sarili. “Anak ni Tito Florens si Emil?” nahihiwagaang pagharap ni Ken sa katotohanan. “Ibig sabihin magkapatid sila ni Benz.” konklusyon naman ni Ken sa sitwasyon.

“Ano ito ang tatay ni Emil?” tanong ni Vince sa sarili na ngayon naman ay naguguluhan na din. “Tinawag naman siyang papa ni Benz.” saad pa niya sa sarili. “Kung papa ito ni Benz at tatay naman ni Emil, ibig sabihin si Emil at Benz ay magkapatid.” sariling konklusyon ni Vince.

Muling nagulo ang nararamdaman ni Benz sa mga oras na iyon. Hindi niya maiwasang makaramdam nang kung anu-anong bagay ay makaisip nang kung anu-ano. Pakiramdam niya ay sasabog na ang utak niya sa katotohanang bumulaga sa kanya at nagiging masakit sa tenga ang paulit-ulit na pag-ugong na kapatid niya si Emil.

“Benz, pumasok ka na para makuhanan ka na nga dugo.” wika nang duktor sa isang Benz na waring malapit nang bumigay.

No comments: