Thursday, January 6, 2011

Dos Tiempos ..... Prólogo Dos


Prólogo Dos: Reunión

Year 2008

Sa isang sikat na unibersidad sa Maynila.

“Ako po si Timothy Bermudez, labing pitong taong gulang” pagpapakilala niya sa kanilang Filipino I na subject nila.

“Maraming salamat Ginoog Bermudez. Talaga ngang nababagay ang iyong hitsura sa klaseng ito dahil isa kang moreno, taglay mo ang mga pisikal na katangian ng isang natural na Pilipino” pagpansin ng propesor kay Timothy.

Pagkatapos niya ay isa-isa pang nagpakilala ang iba pa niyang kaklase, hanggang sa makarating sa pinadulo ng klase.

“Javier Hernandez po, labing walong taong gulang. Galing po ng Vigan” nahihiyang pagpapakilala ng pinakahuli sa kanilang klase.

“Ginoong Hernandez, kahanga-hanga na ang isang katulad mo na mala-Kastila ang kaanyuan ay nanggaling din sa Vigan. Maaari ka nang umupo” utos ng propesor.

“Hinahangaan ko ang lugar na iyon, nakarating na ako doon ng ilang beses. Sobrang namangha ako sa lugar, talagang iisipin mong bumalik ka sa panahon ng mga Kastila at panandalian mong makakalimutan ang modernong lugar na ito. Sana nga ay mapanatili ng gobyerno natin ang pag-preserba sa nasabing lugar para maranasan din ng mga susunod na henerasyon kung paano mamuhay ang mga Pilipino noong sakop pa tayo ng mga Kastila. Ito yung lugar na hanggang ngayon ay kinikilala nating makalumang panahon sa modernong mundo.” patuloy na pagpuri ng propesor sa lugar.

“Sa ngayon ay ipapaliwanag ko muna sa inyo kung paano ang proseso ng pagkalkula ko ng inyong mga grado at iba pang dapat ninyong malaman sa klaseng ito” paliwanag ng propesor.

Natapos ang klase nila, at nagsilabasan na ang mga magkakaklase. Saktong pananghalian na kaya nagpasya silang kumain. Habang papunta sa school canteen si Timothy, nakita niya ang isa sa mga kaklase niyang lalake na mag-isang naka-upo sa bench sa labas ng kanilang gusali. Nagpasya siyang lapitan ito dahil wala naman siyang kakilala sa ibang mga kaklasi. Karamihan sa mga kabarkada niya ay sa ibang kolehiyo nag-aral at yung kokonting kakilala niya na nag-aaral din doon ay ibang kurso naman ang kinuha.

“Di ba kaklasi kita?” naglakas loob na tanong ni Timothy.

“Oo” maikling tugon ng lalaki.

“Brads, Timothy ng pala” sabay abot ng kamay.

“Javier, pare, Javvy na lang, para hindi halatang galing sa probinsya” nahihiyang pakilala niya sabay nakipagkamay kay Timothy.

“Ano pa bang ginagawa mo dito, di ka pa ba kakain?” tanong ni Timothy.

“Sige, mauuna ka na, mamaya na lang ako kakain” sabi ni Javvy.

“Sabay na tayong pumunta ng canteen, wala rin kasi akong kasabay kakain” pangungulit ni Timothy.

“Hindi pa kasi ako gutom, mamaya pa naman ang susunod na klase natin kaya marami pang oras para kumain” paliwanag ni Javvy.

“Kung hindi ka kakain ngayon, pwede bang samahan na lang kita dito?” pangungulit pa rin ni Timothy.

“Baka naman magutom ka kapag sinamahan mo ako dito?” tanong niya.

“Ayos lang ako at isa pa wala pa rin akong kakilala sa mga kaklase natin, pwede ba kitang maging kaibigan?” balik na tanong ni Timothy.

“Oo naman. Sa totoo nga rin nahihiya akong makipagkaibigan sa iba kasi galing akong probinsiya, baka walang gustong makipag-kaibigan sa akin” si Javvy.

“Huwag mong isipin yan, di porke’t galing ka sa probinsiya ay iiwasan ka nila. Kailangan mo lang lakasan ang loob mo at isa pa, hindi ka nga mukhang probinsiyano, tama nga ang propesor natin kanina, mukha kang Kastila” pagkumbisi ni Timothy.

“Salamat” maikling sagot ni Javvy.

“Ano, di ka pa ba nagugutom?” tanong ulit ni Timothy.

“Ang totoo niyan, kulang kasi yung pera ko, kailangan ko talagang magtipid” nahihiyang sabi ni Javvy.

“Huwag kang mag-alala, ililibre kita na muna kita ngayon” sabi ni Timothy.

“Naku, di ba nakakahiya yan, ngayon pa lang tayo nagkakilala tapos ililibre mo na ako” nahihiya pa ring sabi ni Javvy.

“Di ba mag-kaibigan na tayo? Dapat wala ng hiya-hiya pa. Kung ayaw mong magpa-libre, ikaw na lang sasamahan kong maupo dito habang naghihintay tayo ng susunod na klase” pagtatampo ni Timothy.

“Paano akong hindi sasama sa’yo kung kinokonsenya mo ako. Sige na, sasama na ako sa’yo at kumain na tayo” pagpayag ni Javvy.

“Tara na, baka dumami na ang mga tao sa canteen at mahirapan tayong maghanap ng pwesto” pagyaya ni Timothy.

Lumipas ang mga araw na silang dalawa ang laging magkasama. Madalang lang kung makihalubilo sila sa iba nilang mga kaklase. Pareho silang naging komportable sa isa’t isa. Laging nagtutulungan sa kanilang mga takdang aralin at iba pang proyekto.

“Javvy, may tanong pala ako sa’yo?” si Timothy.

“Ano iyon?” tanong ni Javvy.

“Bakit pala nahinto ka ng isang taon sa pag-aaral? Siguro naman wala kang naibagsak na mga grado mo dati kasi matalino ka naman?” pag-usisa ni Timothy.

“Ang totoo niyan, hindi na dapat ako tutuloy ng kolehiyo. Dahil sa kahirapan, di kaya ng magulang ko ang tustusan ang matrikula ko kaya nagpasya na lang sila na makipagtrabaho rin ako sa bukid. Pero dahil sa nangarap akong makatapos ng kolehiyo, himalang sinuwerte ako at may tumulong sa akin” kwento ni Javvy.

“Anong ibig mong sabihin?” tanong ulit ni Timothy.

“Nag-alok kasi ng scholarship ang munisipyo namin sa tulong ng ibang maykayang pamilya, at pinalad naman akong mapili. Yung nga lang di na ako nakahabol sa pagrerehistro noong nakaraang taon. Pero masaya naman ako kasi nakilala kita” sabay tingin ni Javvy kay Timothy.

“Masaya rin ako na kasama ka, una pa lang na pagkakita ko sa’yo magaan na ang loob ko kaya hindi ako nagdalawang isip na magpakilala sa’yo” paliwanag ni Timothy.

“Salamat, napaka-swerte ko sa’yo. Hindi ko aakalain na makakatagpo ako ng isang kaibigang tulad mo” si Javvy.

“Salamat din kasi tinanggap mo ang pakikipag-kaibigan ko” si Timothy.

Lumipas naman ang mga buwan na mas lalong lumalim ang pagsasamahan nila. Tuwing katapusan ng linggo o kapag nakaluwag sa pag-aaral, pinapasyal ni Timothy si Javvy sa mga sikat na pasyalan at tanawin sa Lungsod.

“Ang laki talaga ng MOA, nakakahilo naman kung lilibutin natin ito ngayong araw” pagkamangha ni Javvy.

“Sinong nagsabing tatapusin natin ikutin ang MOA ngayong araw na ito? Di naman ito nawawala at pwede tayong bumalik dito kahit anong araw, basta nakaluwag tayo” si Timothy.

“Kain muna tayo, ako naman ang manlilibre sa’yo ngayon, meron kasing sobra sa pera ko” pagyaya ni Javvy.

“Huwag na, ipunin mo na lang iyan, malay mo bigla kang mangailangan, para may huhugutin ka” patanggi ni Timothy.

“Sige ka, kapag di ka pumayag magtatampo ako sa’yo” sabay kunwaring hikbi ni Javvy.

“Ang kulit mo talaga, huwag ka ng mag-drama dyan. Darating din ang araw na pagpapalibre ako sa’yo. Huwag muna ngayon, mas kailangan mo yan” pagtutol pa rin ni Timothy.

“Sige, uwi na lang ako kung ayaw mo talaga” sabay alis ni Javvy.

“Eto naman, para ganoong bagay lang. Huwag ka ng umiyak” paghabol ni Timothy kay Javvy sa gitna ng maraming tao sa pamilihan.

“Sinong nagsabing umiiyak ako?” pagtatampo pa rin ni Javvy.

“Ako” si Timothy sabay kiliti sa beywang ni Javvy.

“Ano ka ba? May kiliti ako dyan, tigilan mo na nga iyan at nakakahiya sa mga tao” pagpigil ni Javvy sa pangingiliti ni Timothy.

“Hindi ako titigil hanggang di ka pumapayag na ako ang manlibre ngayon” pangungulit pa rin ni Timothy.

“Ang kulit mo talaga, sige na, payag na ako, ikaw na naman ang manlilibre” pagpayag ni Javvy.

Dahil sa harutan nila ay di sinasadyang matumba silang pareho, at sa gitna ng maraming tao, ay di sinasadyang maglapat ang kanilang mga labi.

“Ang kulit mo kasi” pagsaway ni Javvy.

“Kung una pa lang pumayag ka na, di sana di mangyayari ito” si Timothy.

Tahimik.

“Nagustuhan mo naman” biro ni Javvy.

“Ikaw rin naman, alam ko naman matagal mo ng gustong matikman ang labi ko kaya sinadya mong magpahabol sa akin at kunwari nagpatumba ka” pagsabay sa biro ni Timothy.

“Ah ganoon pala, maghanda ka sa akin” paghamon ni Javvy.

“Huwag po, maawa ka sa akin, huwag dito, maraming tao” si Timothy.

Piningot ni Javvy ang tenga ni Timothy, di nya ito tinigilan hanggang makarating sila sa food court.

“Ayan, namula tuloy ang tenga ko” pagmamaktol ni Timothy.

“Ikaw kasi ang kulit mo, kung ano ang pinagsasabi mo ang dami pa namang tao” si Javvy.

“Di naman nila tayo mapapansin dahil abala sila sa maraming bagay, sige na nga kain na tayo” pagyaya ni Timothy.

Lumipas pa ang ilang buwan, mas lalo pang lumalim ang pagsasamahan ng dalawang magkaibigan, halos nga hindi na sila mapaghiwalay. Madalas ay tinutukso rin sila ng mga kaklase nila bilang bagong magkatipan, pero di na nila binibigyan ng importansya iyon, ang mahalaga ang masaya silang magkasama. Mas dumami pa ang napasyalang lugar at masasayang karanasan nila.

Isang araw nagyayayang mamasyal si Javvy sa Manila Bay.

“Bakit dito ka pala nagyaya?” tanong ni Timothy.

“Gusto ko kasing makita ang paglubog ng araw sa baybayin ng Maynila” sagot ni Javvy.

“Ang lalim naman. Oo pala, nanggaling ka ng probinsiya, walang ganito doon” pabirong sabi ni Timothy.

“Ikaw talaga, lagi mo na lang akong inaasar” sabi ni Javvy sabay kurot sa pisngi ni Timothy.

“Araw ko, masakit yon” pagtatampo ni Timothy.

“Sorry kung nasobrahan ang kurot, ikaw kasi umandar na naman ang kakulitan mo” si Javvy.

“Ikaw naman ang bilis ng mga kamay, at dahil kinurot mo ang pisngi ko, eto ang sa’yo” si Timothy sabay pisil sa ilong ni Javvy.

Bigla na lang tumahimik si Javvy.

“Sorry na, alam mo namang nagbibiro lang ako, gumanti lang naman ako sa’yo” nababahalang sabi ni Timothy.

“Gusto ko lang kumalma ang pakiramdam ko kaya nagyaya ako dito, gusto kong panoorin ang paglubog ng araw at ang sabi nila dito daw ang pinakamagandang pwesto” seryosong sabi ni Javvy.

“Uy, emote” biro ni Timothy.

“Eto naman, seryoso na nga ako, at may sasabihin pala ako sa’yo” sabi ni Javvy.

“Ano yon?” tanong ni Timothy.

“Tim, mahal kita” sabi ni Javvy.

“Anong sinabi mo?” gulat ng tanong ni Timothy.

“Mahal kita” sigaw ni Javvy.

“Huwag ka ngang sumigaw, nakakahiya sa mga tao. Sige na, naniniwala na ako” sabi ni Timothy.

“Ibig sabihin mahal mo rin ako?” tanong ni Javvy.


At dahil doon, nagbakasyon sila sa Vigan.






Prologue Two: The Meeting

No comments: