Akda ni Jubal Leon Saltshaker
Eight
“Watching the others chances drift by
They'll never discover these feelings I hide
Deep inside I'm falling apart.
All alone with a broken heart.”
-Cathy Dennis
APAT na buwan na ang nakalipas simula nang huli kaming magkita ni Viktor. Araw-araw kong hinihintay at inaasahan ang sulat na kanyang ipadadala ngunit wala akong natanggap. Minsan sa aking pagtulog ay may mga pagkakataong napananaginipan ko sya na akala ko ay muli syang nagbalik sa aking tabi. Mga unang linggo nang kanyang pagkawala ay madalas ko itong iyakan at sabik akong malaman kung ano na ang nangyari sa kanya. Ngunit wala akong magawa. Sa sobrang pagkasabik ko sa kanya ay ilang beses ko ding binalikan ang lugar kung saan sya nagtrabaho ngunit walang iba man ang makasagot o nakakaalam kung saan talaga sya nakatira.
Nito lang ay kinausap ako ni Bernadette tungkol kay Viktor na akin naming ikinagulat. Sinabi nito na bago nga raw ito umalis nang ospital ay tinanong ako nito. Hindi naman daw alam ni Bernadette kung ano ang isasagot sa kanya dahil adres ang kanyang hinihingi at wala syang ideya kung ikatutuwa ko ba o hindi ang kanyang gagawin.
“Gustong-gusto ko po syang makita ulit…”
Ang sinambit daw ni Viktor sa kanya na tila ba kumuha nang kanyang simpatya.
Nang tanungin ko din noon si Bernadette kung iniisip ba nitong ikinagagalit ko ang kanyang ginawa ay seryoso itong sumagot na di tulad sa kaswal naming usapan na ako mismo ang palaging seryoso at sya ang karaniwang nagbibiro.
“Hindi ko na inisip kung magagalit ka pa…alam mo Angelo, hindi ka naman mag-dududa sa isang tao kung hindi naman ito kaduda-duda…”
“A-anong ibig mo’ng sabihin?...”
“Matagal ko nang alam…ikaw.”
“T-talaga?...”
“Oo, kahit noong kayo pa nang last girlfriend mo…”
“Halata ba sa kilos ko?...sa pagsasalita?..”
”Hindi,..nararamdaman ko.”
Tumango na lamang ako dito.
“Sinabi mo ba sa iba?...”
“Hindi.…kung malalaman nila, bahala silang makadiskubre…”
“Salamat.”
“Sayang!...kainis ka…”
Bulalas nito sabay hampas sa aking braso.
“Haha..Bern talaga…”
“Teka Angelo…may gusto ka ba doon?...”
Hindi agad ako nakasagot dito ngunit naisip ko din na wala na akong dapat pa’ng itago sa kanya dahil alam na din naman ni Bernadette ang isang malaking bagay sa aking pagkatao.
“Uhm,…oo.”
“Mabait ba sya?...”
“Oo e’…gusto ko syang alagaan…”
“Pero magaling na sya di ba?...”
Tumango ako dito.
“Parang kailangan nya lang nun’.”
“Tsk, Angelo ha?...ingat ka…alam mo na yun!...”
“Oo naman,…hindi yun ang habol namin sa isa’t-isa…”
Tumango naman si Bernadette na mayroong ekspresyon sa kanyang mukha na ano pa ba ang kanyang magagawa. Hinampas nya akong muli at sabay na ngumiti.
Sa mga oras na nawala si Viktor, tila ba naghayag ang aking sarili kung ano ang tunay ko’ng pagkatao nang hindi ko nalalaman. Madalas na akong makatanggap nang mga Indescent Proposal’s na nagpaisip sa akin kung masyado na ba’ng halata sa aking mga kilos o nagkataon lamang. Sa dami nito, aaminin kong naisipan ko na ding kalimutan si Viktor dahil hindi ko alam kung magkikita pa talaga kami. Pero sa mga binitiwan naming mga salita sa isa’t-isa, alam kong mahal ko pa rin talaga sya at handa ko pa rin itong hintayin.
Isang umaga matapos ko’ng makakain nang almusal at handa na upang umalis papasok sa aking trabaho nang makatanggap ako nang isang sulat. Iniisip ko na isang sulat lamang ito mula sa bill nang kuryente, telepono o tubig ngunit nang makita ko ang sobre ay napansin ko’ng personal itong sulat.
Nang makita ko’ng sa akin naka-adres ang sulat ay agad ko na itong binuksan. Inakala ko nung una na mula ito kay Viktor, ngunit galing ito sa isang taong nagngangalang Valeria. Doon ko lang din napansin na pareho sila nang apelyido ni Viktor. Valeria Andres.
Mr. Marion Alcantara,
Ako nga po pala si Valeria Andres. Kapatid po nang kaibigan nyong si John Viktor Andres. Gusto ko lang po sanang ipaalam sa inyo ang kalagayan ni Kuya. Pasensya na po kayo sa aking abala, ngunit alam ko’ng kayo lang po ang mahihingan ko nang tulong. Natagpuan ko po ang calling kard nyo sa wallet ni kuya at nagbaka sakali po akong humingi nang tulong mula sa inyo.
Maraming salamat po.
Lubos na gumagalang,
Valeria Andres.
Paulit-ulit kong binasa ang sulat na aking natanggap na isinulat sa isang yellow pad. Hindi na ako nagdalawang-isip pa sa kanyang mga sinabi at binalak ko’ng matugunan ito kaagad. Sobra ang kaligayahang aking naramdaman nang makatanggap ako nang sulat bagamat hindi mula kay Viktor ay patungkol ito sa kanya. Bago ako umalis nang bahay ay tinapos ko nang isulat ang gusto kong sabihin at binalak na ihulog ito maya-mayang hapon nang sa gayon ay mabilis nya itong matanggap at nang sya ay makasagot agad. Gusto kong isentro ang aking sulat kay Viktor ngunit pinigil ko ang aking sarili dahil hindi ko naman alam kung alam nang kanyang kapatid ang tungkol sa amin. Hinayaan ko na lamang ito hanggang sa magkita kami ni Vikor. Sa ngayon ay bahagya na akong masaya na makarinig nang bagay tungkol sa kanya at ayokong isipin na mayroong masamang nangyari dito.
Hindi ko alam kung ipinagkalat ni Bernadette ang tungkol sa akin pero nakaramdam ako nang di magandang pakikitungo sa mga kasamahan ko’ng bagamat hindi ko naman ganoon kasundo ay maayos ang pakikisama sa akin noon. Sa bagay ding ito ay wala na akong pakialam pa kahit na malaman nila ang tunay at tungkol sa akin.
Dear Valeria,
Maraming salamat sa iyong pagsulat. Matagal ko nang hinihintay ang sulat mula sa iyong kapatid ngunit wala akong ni isa mang natatanggap. Inaasahan ko’ng mabuti ang inyong kalagayan, si Viktor at ang inyong ina na minsan nyang naikwento sa akin. Inaasahan ko na sa pagsagot mo nang sulat kong ito ay masabi mo sa akin kung paano ko kayo mapupuntahan at mabibisita. Agad kong hihintayin ang iyong sagot. Maraming salamat at ikamusta mo ako kay Viktor.
Angelo Alcantara.
Itutuloy...
No comments:
Post a Comment