Tuesday, January 11, 2011

Forbidden Kiss - C10

10 of 20 Chapters
---------------------------

Forbidden Kiss

Chapter 10

Status: Single, It’s Complicated Pala

“Pare, aminin mo, may relasyon ba kayo ni Micco?” tanong ni Jules.

“Oo nga pare, para kayong magsyota” gatong pa ni Miguel.

“Hindi naman” sagot ni Adrian “bakit n’yo naitanong?”

“Sobrang close kasi kayo sa isa’t-isa” sabi ni Miguel.

“Akala ko kasi pare bakla ka” sabi ni Jules kasunod ang isang ipit na tawa.

“Hindi pare, hinding-hindi” sagot ni Adrian “magkapatid lang ang turingan namin nuon.”

Ito ang nasa isipan ni Adrian habang nagmamaneho pauwi sa bahay, kagagaling lang niya sa birthday party ni Jules na kabarkada niya. Naging isang malaking palaisipan sa kanya kung ano ba talaga ang nararamdaman niya para kay Micco.

“Hinatinggabi ka na kuya Adrian” bati ni Micco sa kanya na halatang hinintay niya ito.

“Ang bait naman ni Micco, hinihintay ako” sabi ni Adrian sabay himas sa ulo nito.

“Siyempre, para kunwari mag-asawa tayo” – bulong ni Micco sa sarili. “Hindi kaya, inaaral ko kasi iyong ituturo ko sa mga bata” sagot ni Micco.

“Bakit hindi ka mag-aral magbasa ng chords para hindi ka na nahihirapan sa pakikinig at pagtatranslate niyan sa piano” tila pag-aalala ni Adrian.

“Huwag na, maguguluhan lang ako” sagot ni Micco “nung inaral ko iyon dati lagi na akong nawawala sa tono” pahabol pa ni Micco.

“Micco” tila pag-iiba ni Adrian ng usapan.

“Ano po iyon?” nakangiting wika ni Micco.

“May itatanong sana ako sa’yo.” sabi ni Adrian.

“Ano nga iyon” pilit ni Micco.

“Ano sa tingin mo iyong sa tuwing makikita mo ang isang tao bigla kang sumasaya? Ung sa bawat pagtatama ng paningin mo eh humihinto ang mundo, tipong hindi mo maipaliwanag ang nararamdaman mo?” tanong ni Adrian kay Micco.

“Ui” buyo ni Micco kay Adrian “si Kuya Adrian in-love.” sabi pa nito.

“Seryoso, ano nga iyon” tanong nito kay Micco.

“Love nga iyon” giit ni Micco.

“Ibig sabihin love na pala kita” biglang nasabi ni Adrian.

“Love na din naman kita” biglang sagot ni Micco.

Kapwa nakaramdam ng hiya ang dalawa, subalit higit pa sa hiya ay tumalon ang puso ni Micco sa nalamang mahal din siya ni Adrian.

“Love na pala iyon kasi sa tuwing nakikita kita sumasaya ako kasi may aasarin na naman ako, humihinto ang mundo ko kasi nakakaisip ako ng bagong pang-asar at hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman ko kasi nakakakita ako ng lumalakad na careless boy” palusot ni Adrian na may kabuntot pa na tawa.

“Stupid Adrian! Hindi ka nag-iisip” sabi ni Adrian sa sarili.

“Sabi ko na nga ba pamumuwisit na naman iyan” sabi ni Micco “buti na lang kunwari um-oo ako” palusot naman ni Micco.

“Tilapiang bilasa ni San Andres, bakit mo sinabi iyon Micco” pangaral naman ni Micco sa sarili.

“Sige, matulog na tayo careless boy” aya ni Adrian kay Micco.

“Sige na lalaking masama ang ugali, matulog na tayo” ganti ni Micco.

-------------------------------------------------

“Micco? Nasaan ka Micco?” sigaw ni Adrian.

“Kuya Adrian!” bati ni Micco. Kasunod nito ang pagtakbo ni Micco palayo sa kanya.

“Micco, hintayin mo ako” sigaw ni Adrian saka hinabol si Micco.

Hindi inaasahan ni Adrian ang nakikita niya. Si Micco, masaya, tumatawa, nakangiti habang yakap ito ng isang lalaki – isang lalaking hindi na niya nakuha pang tingnan ang mukha. Nakaramdam ng galit at poot si Adrian sa kung anuman ang nakikita niya. Nagdilim ang paningin niya, nais niyang patayin ang kung sinuman itong lalaking ito na may yakap sa Micco niya. Mabilis niyang nilakad ang kinaroroonan ni Micco – ubod ng lakas siyang sumigaw –

“Miccoo” mariin at punung-puno ng galit.

“Kuya Adrian” sabi ni Micco at nakangiting tumingin kay Adrian.

Walang anu-ano ay hinatak niya si Micco – “Walang ibang pwedeng yumakap kay Micco kung hindi ako” biglang naibulalas ni Adrian. Pagkasabi nito ay kinaladkad niya si Micco palayo at pagkahinto, walang pagdadalawang-isip ay –

Hinalikan ni Adrian si Micco, inangkin ang mga labi. Muling nag-alab ang isang kumukubling damdamin kay Adrian. Nakawala ang isang damdaming matagal nang nagtatago sa kanyang kaibuturan. Ninanamnam niya ang bawat sandaling magkahinang ang kanilang mga labi ni Micco. Masayang-masaya ang pakiramdam niya habang ang kanyang mga labi ay nakalapat sa malambot at mapupulang labi ni Micco.

Nasa ganito silang sitwasyon ng biglang may humablot kay Micco. Hinablot ng isang hindi kilalang lalaki at inilayo sa kanya. Hinabol ni Adrian ang lalaki subalit hindi niya ito naabutan.

“Micccooo” sigaw ni Adrian.

--------------------------------------------------

Biglang napabangon si Adrian. Butil-butil ang pawis sa noo, mabilis ang tibok ng puso at rumaragasa ang damdamin ng kaba na nanunulay sa kanyang kaibuturan. Matapos ang panaginip na iyon ay pinilit ulit na makatulog ni Adrian subalit ayaw siyang patahimikin ng panaginip niya. Inabot na siya ng umaga at pagsikat ng araw subalit iisa pa din ang laman ng diwa niya.

“Manang” bati niya sa mayordoma pagkababa.

“Magandang umaga po Sir Adrian” bati din naman ng mayordoma sa kanya.

“May itatanong po sana ako” simula ni Adrian.

“Ano iyon?” tanong ng mayordoma.

“Ano po sa palagay ninyo kapag sa tuwing nakikita mo ang isang tao ay bigla ka nalang nakakadama ng saya. Iyong tipong kahit gaano ang pagod mo, agad na nawawala pag nakita mo na itong tao na ito. Sa tuwing nagtatagpo ang mga mata ninyo ay humihinto ang mundo?” tanong ni Adrian.

“Ay naku Sir” sabi ng mayordoma “pag-ibig na iyan” masayang sabi nito.

“Talaga?” tila ayaw tanggapin ni Adrian ang sagot na ito.

“May napanaginipan po ako, na may hinalikan daw ako tas nung nakita kong iba ang kasama bigla akong nagalit, ano po kaya ang ibig sabihin nun?” tanong ni Adrian.

“Naku, si Sir, umiibig nga kayo Sir” masaya na wika ng mayordoma “sino po ba iyon sir?” usisa pa nito.

“Ah, wala iyon” tila hindi kuntento si Adrian sa sagot na ito kung kayat ipinagtanong niya sa iba pa ding kakilala. Sa opisina, sa mga empleyado at sa mga kaibigan. Lahat sila ay iisa ang sagot.

Sa pagbabasa niya ng libro ay may umagaw sa atensyon niya – isang artikulo tungkol sa mga panaginip. Naging interesado siya at binasa ito. Nalaman niyang ang panaginip ayon kay Freud at Jacques Lacan ay isang ekspresyon lang ng kung ano ang gusto mong mangyari.

“This theory lied” sabi ni Adrian sa sarili “never kong aasamin o papangarapin si Micco” giit niya sa utak at pilit na isiniksik dito.

Ipinasya niyang umuwi ng maaga, sa loob ng subdivision ay hindi niya inaasahan ang makikita. Nakasalubong niya si Micco na naglalakad at may nakaakbay dito. Masaya silang naghaharutan habang nasa daan na animo’y nagsyotang naglalampungan sa gitna ng kalye.

Agad na nag-alsa ang damdamin ni Adrian at nabuhay ang isang damdamin na lalong nagpagulo sa kanyang pinaniniwalaan. Nabuhay ang damdaming naramdaman niya sa panaginip. Biglang sumikip ang dibdib ni Adrian sa nakikita. Hindi niya matatagalan pa ang ganuong eksena. Agad niyang pinaharurot ang kotse nang sa ganuon ay hindi niya ito makita pa sa ganuong ayos.

“Saan ka galing?” matigas na tanong ni Adrian kay Micco pagkapasok na pagkapasok pa lang nito sa pinto.

“Sinamahan lang po si Carl para bumili sa labas” sagot ni Micco.

“Sino si Carl?” tanong ni Adrian.

“Bagong kaibigan po” sagot ni Micco sabay lapit at upo sa tabi ni Adrian.

Kahit pinilit niyang pakalmahin ang sarili ay tila hindi niya kaya, kaya naman minabuti niyang umakyat na sa kwarto.

“Adrian, bakit ganyan ang nararamdaman mo? Hindi pwede ang ganyan.” sulsol ng utak niya.

“Hindi ka bakla, hindi mo pwedeng mahalin si Micco, pareho kayong lalaki.” kontra at pilit na pagpipigil niya sa tunay na laman ng puso.

“Okay Adrian” mahina niyang usal “inhale – exhale” ilang ulit din niyang ginawa ito para ipanatag ang sarili at pakalmahin ang galit na nararamdaman niya.

“Magkapatid lang kayo ni Micco” tila pangungumbinsi niya sa sarili. “Nothing more or any extraordinary feelings aside from being brothers” pagpipilit niyang ito ang paniwalaan.

“Hindi pwedeng ibigin mo si Micco” sabi niya sa sarili “at imposible iyon kasi pareho kayong lalaki.” usal ulit ni Adrian.

“Hindi ka bakla at hinding-hindi ka magiging bakla” saad pa din ni Adrian.

“Masyado ka lang naging attached kay Micco kaya ganuon” sabi ulit ni Adrian sa sarili.

“Hindi ka bakla” pilit ulit ni Adrian “ano na lang ang sasabihin ng pamilya mo sa’yo, ng barkada mo, hindi ka bakla Adrian” pangungumbinsi parin ni Adrian sa sarili.

Nasa ganitong pag-iisip si Adrian nang marinig ang takbuhan ng mga bata at ang mga masasayang tawanan nito, higit pa ang marinig ang isang hindi pamilyar na boses ng isang lalaki. Agad na lumabas si Adrian sa kwarto at agad na bumaba para silipin kung sino ang may-ari ng tinig na ito.

Napuno nang hindi maipaliwanag na ekspresyon si Adrian sa kung ano ang nakikita ng kanyang dalawang mga mata – si Micco, masayang-masaya habang nakikipagharutan sa mga bata. Higit pa, hawak si Micco ng lalaki at tipong pinipigilan sa pagwawala habang kinikiliti at hinaharot ito ng mga bata. Hindi maipaliwanag ni Adrian kung bakit biglang nag-alsa ang damdamin niya at tila nais niyang sugurin ang dalawa dahil sa nakikita. Sa pakiramdam niya ay umiinit ang kanyang mga kamao na nakahanda para salubungan ng mabibigat na suntok ang lalaking ito.

“Ako lang ang may karapatang humawak kay Micco” giit ng kanyang isipan.

“Micco, bakit mo nagawa sa akin ang ganito” sabi ni Adrian sa sarili. Sa ganitong isipin ay tila nais na niyang lumuha dahil sa pakiramdam na nakikita niyang nagtataksil ang kanyang minamahal. Maingat na inihakbang ni Adrian at mga paa at higit pang nagdilim ang paningin niya. Desidido siyang sugurin ang lalaki at lumpuhin dahil sa ginagawa nitong pang-aagaw kay Micco.

“Adrian, hindi ka bakla” sulsol ng kabilang bahagi ng kanyang isipan.

Sapat na ito para muling luminaw ang kaisipan ni Adrian ngunit ganuon pa din ang kanyang nadarama sa nakikita. Ang pagtutol na ito ng kabilang bahagi nang utak niya ay sapat na para pigilin ang sarili sa planong sugurin ang lalaking may hawak at yakap kay Micco. Ang pasugod na mga hakbang ay naging patalikod at ang galit ay nahaluan na ng magulong damdamin. Mabilis siyang umakyat paitaas at pabalik sa kanyang kwarto.

“Micco, bakit ba naguguluhan ako?” tanong ni Adrian sa sarili.

“Kuya Adrian” tawag ni Micco kay Adrian nang mapansin ito at nagmamadaling umakyat.

Narinig man ni Adrian ang tawag na ito ay tila bingi siya at hindi na pinansin at nilingon man lang si Micco. Ayaw niyang mabakas sa mukha niya ang kaguluhang nadarama niya ng mga sandaling iyon.

Oo, hiwalay na sila ni Sarah at hindi niya masabi kung bakit. Ngayon ay sigurado na siya, nakipaghiwalay siya sa dalaga dahil sa damdaming kinutingting at hindi sinasadyang nabuksan ni Micco. Si Micco ang dahilan kung bakit nawalan siya ng interes na maghanap ng liligawan muli. Si Micco ang dahilan kung bakit agn ligayang dala ni Micco sa kanya ay naging kakaiba kung ihahambing sa iba. Si Micco ang salarin kung bakit nagiging kumplikado ang lahat ng tungkol sa kanya at si Micco din ang dahilan kung bakit siya ngayon ay nahihirapan. Higit pa, si Micco ang damdaming kailangan niyang supilin at iwasan. Si Micco ang damdaming dapat niyang layuan.

No comments: