Prólogo - Moderno y Antiguo
Sa kikilalaning modernong mundo ng makalumang panahon …..
Makikita ang mga nagtataasang gusali, nagsisikipang kalsada dahil sa traffic na dulot ng dami ng sasakyan, mga taong nag-uunahan sa pagpasok sa trabaho, mga batang abala sa paggawa ng mga homeworks, magkakadikit na kable ng kuryente at telepono, nangingitim sa kulay ng tubig at hangin dahil sa polusyon, gabundok na basura, mga magka-kapitbahay na abala sa pagtsitsismisan pagsikat pa lang ng araw, dumaraming populasyon ng tao, iba’t ibang klase ng mga sasakyang pribado at pampasahero, mga nagkalat na sakit na hindi malaman kung ano ang lunas, pagkaing puno ng preserbatibo, mga bar at disco na nagpapatugtog ng malalakas na musika, nauusong electronic gadgets, iba’t ibang klase ng pelikula, magulong mundo ng pulitika, mga nagsisigandahang hotels at resorts, nagkikislapang mga alahas na iba’t iba ang hugis at anyo, mga hayop na ginagawang alaga, mga kabataang abala sa paglalaro ng PSP, mga taong madalang na lang pumunta sa simbahan, ang pakikipag-relasyon sa pamamagitan ng palitan ng text at private messages, sa gitna ng modernong mundo makikita si Timothy.
Lumaki si Timothy sa piling ng mga lolo’t lola niya, palaging wala sa bahay ang mga magulang niya dahil laging abala sa negosyo nila. Pina-intindi ng mga matanda kay Timothy na para sa kanyang hinaharap ang ginagawa ng mga magulang niya, para na rin makaranas siya ng magandang pamumuhay habang lumalaki siya. Kulang man ang nilalaang oras ng mga magulang, sinisugurado naman nila na naibibigay ang lahat ng pangangailangan ng nag-iisa nilang anak, binibili ang lahat ng gusto niya at pinag-aral sa pribadong paaralan.
Ang laki ng pasamalat ng mga magulang ni Timothy dahil lumaking ang anak nila na maganda ang asal, dahil na rin siguro sa impluwensiya ng kanyang lolo’t lola. Marangya man ang pamumuhay nila, hindi siya marunong mag-aksaya ng mga gamit at pagkain, at kung madalas ay pinapamigay kung ano man ang sobra.
“Timothy, congratulations, as expected ikaw valedictorian ng batch natin” pagbati ng isang kaklase niya sa high school.
“Salamat” maikling tugon niya.
“Nag-alala nga ako sa’yo kasi muntikan ka ng malampasan” pag-aalala naman ng isa niyang kaklase.
“Oo nga, ng dahil sa History Subject natin ay muntikan na akong malaglag sa pagka-valedictorian” sabi ni Timothy.
“Ano ba kasing nangyari sa iyo, talaga bang nahihirapan ka sa subject o pinagtripan ka lang ng teacher natin. Baka type ka kaya pinahirapan ka ng husto” biro ng isa niyang kaklase.
“Pareho. Ewan ko, bakit nahihirapan ako, siguro hindi ako interesado sa History, ayokong pag-ukulan na panahon ang nakaraan na at sinabayan pa ng silahis na teacher na walang ginawa kungdi batuhin ako ng napakaraming tanong para lagi niya akong nakaka-usap” kwento ni Timothy.
“Tapos ang baba pa ng ibinigay na grades sa’yo, baka gusto niyang ulitin mo ang subject niya para makasama ka niyang muli” biro ng mga kaklase niya.
“Buti na lang at matataas ang grades ko sa ibang subjects at marami akong ECA kaya nakabawi sa mababang grade na binigay niya” dugtong ni Timothy.
“Tama na nga yan, importante ga-graduate na tayo bukas ng high school” pag-iiba ng usapan ng kaklase niya.
“Timothy, saan nga pala ang party mo?” tanong ng kaklase niya.
“Sa bahay lang, konting salo-salo lang at kayo lang ang imbitado ko” sagot ni Timothy.
“Ikaw talaga, napaka-humble mo, kung tutuusin pwede kang mag-organize ng house party sa buong batch natin o kaya out-of-town tayong magbabakarda” papuri at mungkahi ng katabi niya.
“Alam niyo namang ayoko ng party, at kung sa bahay naman maaabala naman ang mga kasama namin, ayokong mahirapan sila ng dahil lang sa akin” si Timothy.
“Ang bait mo talaga, pati kalagayan ng mga kasambahay ninyo ay iniisip mo rin” sabi ng isa.
“Kahit na binabayaran sila, hindi ko naman sila pwedeng abusuhin o bigyan ng maraming trabaho. Alam niyo naman na masaya na akong kayo ang kasama ko, gusto kong kayo lang ang paglaanan ko ng oras bago tayo mag-college. Siguradong madalang na lang tayong makita-kita noon kasi iba-iba tayo ng papasukang kolehiyo. Basta sulitin natin ang bakasyong ito na wala tayong naaabusong ibang tao” mungkahi ni Timothy.
“Siempre sabi ni Good Boy kaya dapat sundin natin” biro ng isa.
“Anong Good Boy, parang gusto mo na akong makuha ni Lord?” tila pagtatampo ni Timothy.
“Hindi ganoon ang ibig kong sabihin, ang bait mo kasing kaibigan, kahit na medyo siga-siga ka. Parang kapag ikaw ang nagsalita yung tipong kailangan naming sumunod sa bawat sasabihin mo” paliwanag niya.
“Tama na nga iyan, baka maniwala ako sa inyo” pa-simpleng sabi ni Timothy.
“Pupunta ba ang mga magulang mo sa graduation natin?” tanong ng isa niyang kaklase.
“Hindi” maikli at malungkot na sagot ni Timothy.
“Bakit naman? Sino ang magsasabit ng mga medalya mo?” tanong ulit sa kanya.
“May business trip daw sila sa Paris. Sinubukan nila na kahit isa lang ang maka-dalo, kaya lang di talaga pwede, kailangan doon ang presensya nilang dalawa. Katulad ng dati, lolo’t lola ko ang kasama kong aakyat sa entablado” sagot ni Timothy.
“Di ka ba nalulungkot?” susunod na tanong sa kanya.
“Kung minsan nakakalungkot din, pero iniisip ko na lang na kung hindi dahil sa ginagawa nila, hindi ko mararating ito. Imbis na magtampo ako sa kanila, nagpapasalamat na lang ako dahil maginhawa ang buhay ko” sagot ulit ni Timothy.
“Ibang-iba talaga ang ugali mo sa pangkaraniwang mayaman, napakababa ng kalooban mo at napakabait mo pa, meron nga lang halong konting pagka-siga” biro sa kanya.
“Loko-loko talaga kayo, ako na naman ang pinagtripan ninyo” si Timothy.
“Maglaro na lang kaya tayo” mungkahi ng isa.
“Taguan?” patanong na mungkahi ng isa sa kanila.
“Masyado na tayong matanda para doon. Kung mag-patintero na lang tayo” susunod na mungkahi.
“Marurumihan ang mga damit natin, at wala tayong pwedeng pagguhitan dito” tanggi ni Timothy.
“Alam ko na, yung paborito nating laro noong unang taon pa lang natin dito” mungkahi ng isa at sabay-sabay silang nagtakbuhan.
Bago sila mag-graduate ng high school, ninamnam nila ang huling sandali sa paaralan nila at sa mga oras na iyon ay naglalaro sila ng batuhan ng buto ng sampalok.
Sa kinikilalang lumang panahon ng modernong mundo …..
Makikita ang mga batong-bahay, mga kalsadang pinagsasaluhan ng transportasyon at tao, mga taong abala sa pagdidilig ng mga tanim na halaman sa hardin nila, mga batang masayang naglalaro sa labas ng bahay nila, mga lampara na nagbibigaw ng liwanag sa mga bahay tuwing gabi, sariwang lasa ng tubig at preskong simoy ng hangin, bulto ng mga tuyong dahon sa bakuran ng mga bahay, mga magkakapitbahay na nagbabayanihan, mga magkakakilalang tao dahil sa konti pa lang ang mga naninirahan, ingay ng yapak ng kabayo dulot ng paghila ng kalesa, malulusog na pangangatawan ng mga tao, sariwang prutas at gulay, huni ng ibon at musika dulot ng paghampas ng hangin sa mga puno, paglalaro ng sungka, palabas na sarsuwela sa plasa, simpleng pamumuno ng alkalde, natural na ganda ng ilog at dagat, simpleng palamuti sa katawan na gawa sa mga nagkalat na kabibe sa dalampasigan, mga hayop na malayang natitirahan sa kanilang likas na tirahan, mga kabataang masayang naghabulan sa burol, sabay-sabay na nagsisimba ang mga magkakapitbahay tuwing araw ng Linggo, ang panghaharana para mapasagot ang kanyan iniirog, sa gitna ng makalumang panahon makikita si Javier.
Si Javier na lumaki sa payak na pamumuhay. Natutong umasa sa sarili dahil na rin sa kulang na atensyon at pagkalinga ng mga magulang dahil sa dami nilang magkakapatid. Maparaan kung mag-isip at puno ng diskarte kung kumilos, yang ang tamang paglalarawan sa kanya. Imbes na maiingit siya sa atensyon na binibigay ng mga magulang sa ibang kapatid, nilaan niya ang kanyang oras para kumita at makapag-ipon para matupad ang mga pangarap sa buhay.
Sa kabila ng simpleng pamumuhay ay punong-puno ng pangarap si Javier para sa sarili niya. Gusto niyang makatikim ng kaginhawaan na tinatamasa ng mga makapangyarihang tao sa lugar nila. Umaasa na tumigil na siya sa pagtatrabaho para mabuhay, nais niyang siya naman ang pagsilbihan ng ibang tao.
“Javier, mukhang malayo na naman ang narating ng utak mo” pagkantsaw sa kanya ng isang kabaryo.
“Hindi naman, naiisip ko lang kung paano mabuhay ng maginhawa” tugon ni Javier.
“Huwag ka ng umasa na makakahaon tayo sa payak nating pamumuhay, pinanganak tayo dito at dito rin tayo mamatay” paliwanag sa kanya.
“Sa ganyang pag-iisip natin kaya hindi tayo umaasenso” si Javier.
“Anong nais mong ipahiwatig?” tanong sa kanya.
“Karamihan sa atin ay kuntento na sa ganitong pamumuhay, masaya na sa kakarampot na kinikita. Dapat matuto tayong mangarap, at gumawa ng paraan para matupad ito para makalawa tayo sa simpleng pamumuhay. Kung alam mo lang kung paano mamuhay ng maginhawa?” si Javier.
“Tila ba naranasan mo na ang matiwasay na pamumuhay?” tanong sa kanya.
“Pinagmamasadan ko kasi ang pamumuhay ng mga pakapangyarihang tao sa lugar natin, napagtanto ko lang na ang gaan ng pamumuhay nila, di na nila kailangan magtrabaho at meron pang mga taong naninilbihan sa kanila para tugunan ang ibang pangangailangan” paliwanag ni Javier.
“Napakataas ng pangarap mo. Malamang aabutin ka pa ng maraming taon para mangyari iyan, o kaya ay kailangan mo ng isang matinding himala” tugon ng kasama niya.
“Isa pa yan, kaagad kasi kayong sumusuko, kailangan lang na maniwala sa pangarap mo” sagot ni Javier.
“Ibaon mo na lang sa bukid ang pangarap mo at baka sakaling mamunga ng maraming palay, at sa ganoon ay marami tayong aanihin” muling kantsaw sa kanya.
“Paano mo makukuha ang kamay ng babaeng iniirog mo kung palagi ka na lang dito sa bukid. Gugustuhin ng mga babae dito ang mga lalaking maykaya sa buhay para gumaan ang kanilang pamumuhay” si Javier.
“Ikaw talaga babae na naman ang nasa isip mo. Kaya nga wala kang napapasagot kasi kung sino-sinong babae ang pinapasyal mo sa plasa” biro ng kasama niya.
“Hindi naman sa ganoon, sayang naman ang taglay kong kagwapuhan kung isang babae lang ang makikinabang” pagmamayabang ni Javier.
“Ang swerte mo nga, kahit ilang araw kang magbabad sa ilalim ng araw tila ba hindi nasusunog ang balat mo, hindi katulad namin na halos magmukha na kaming uling dahil sa itim” papuri niya kay Javier.
“Alam ko naman iyon, kaya nga nararapat akong makisalamuha sa mundo ng mga mayayaman para may pakinabang naman ang hitsura ko, hindi itong nakatambak lang ako sa bukid” pagmamayabang ni Javier.
“Magpigil ka nga sa mga pinagsasabi mo at baka may makarinig sa’yo, isipin na inaalipusta mo ang katayuan natin sa buhay” pagsaway sa kanya.
“Hayaan mo silang marinig ng buong bukid na ito kung paano mangarap ang isang Javier” pasigaw na sabi niya sa gitna ng bukid.
“Sige ka, baka mapahamak ka sa mga ginagawa mo” sabi ng kasama niya.
“Ikaw ba, hindi nagsasawa sa buhay dito sa nayon?” tanong ni Javier sa kasama.
“Siguro tama ka nga, kuntento na ako sa pamumuhay ko dito. Ang hirap naman kasing mangarap, tila ba imposible na tayong maka-alis dito” sagot niya.
“Basta ako, naniniwala na balang araw makaka-alis din ako dito sa lugar natin” pagmamataas na sabi ni Javier.
“Kung sakaling mangyari iyon sana ay huwag mo akong kalimutan” paki-usap ng kasama niya.
Dalawang tao.
Galing sa magka-ibang lugar.
Iba ang kinikilalang oras.
Nagmula sa gitna ng magkabilang mundo.
Namuhay sa magka-ibang panahon.
Magka-iba ang kinalakihang kultura.
Pagtatagpuin ng tadhana.
Prologue. Modern and Antique.
A compilation of my thoughts, dreams and fantasies. Stories that describes best my simple wishes in life. In addition to that, I asked friends to contribute their talents in this site where reality and fantasy are as one. Welcome to my site. Welcome to my heart. I am Dalisay.
Thursday, January 6, 2011
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment