Prólogo Tres – Camino
Taong mil ochocientos noventa uno (1891), tag-init.
“Yago, kanina ka pa naghihintay?” tanong ni Miguel sa binatang kaibigan.
“Hindi, kadarating ko lang, nauuna lang ako sa’yo ng ilang minuto” sagot ni Yago sa labing walong taong gulang na kaibigan.
“Nag-alala ako ng husto, baka naiinip ka sa paghihintay” nahihiyang turan ni Miguel.
“Huwag mo ng pansinin yon, ayos lang ako. Saan nga pala tayo pupunta?” tanong ni Yago.
“Maaliwalas ang panahon ngayon, gusto mo bang mamangka sa ilog?” tanong naman ni Miguel sa kasama.
“Sige, sobra akong natutuwa sa ideya mo” sabik na sabik na pagpayag ni Yago.
Naglakad ang mag-kaibigan papuntang ilog. Dumaan sila sa isang kalye kung saan nakahelera ang mga malalaking puno magkabilang gilid na nagbibigay lilim sa dinadaan ng mag-kaibigan. Napaka-payapa at tahimik ng lugar, sa tuwing tumitigil sa pag-uusap ang magkaibigan, ang musika ng huni ng mga ibon ang naririnig nila.
“Tila tuwang-tuwa ka sa pamamangka natin?” tanong ni Miguel.
“Ang totoo niyan ngayon ko pa lang mararanasang makasakay ng bangka, wala kasing ilog sa amin” paliwanag ni Yago.
“Huwag kang mag-alala, magaling akong mag-sagwan kaya walang mangyayaring hindi maganda sa atin sa ilog” paninigurado ni Miguel.
“Kampante naman ako kapag ikaw ang kasama ko” sabi ni Yago sabay tingin kay Miguel.
“Bakit nakatitig ka sa akin?” tanong ni Miguel.
“Ang sarap kasing tignan ng mukha mo, ang kisig” paghanga ni Yago.
“Ganoon ba?” nahihiyang sabi ni Miguel.
“Naniwala ka naman” sabi ni Yago sabay tapon ng isang mahinang suntok sa braso ni Miguel.
“Aray ko, ang sakit, humanda ka, gaganti ako” sigaw ni Miguel na nabulabog ang mga ibon.
“Habulin mo ako” hamon ni Yago.
“Sige, maghanda ka” sigaw ulit ni Miguel.
Naghabulan ang magkaibigan, binulabog ng mga yapak at sigawan nila ang tahimik, malawak, payapa, at mahabang daanan papuntang ilog. Kahit na pagod sa habulan ay ramdam pa rin nila ang sariwang samyo ng hangin at ang lilim na dulot ng mga naglalakihan puno.
“Ayan na ako” sigaw ni Miguel.
“Habol ka pa, ang layo pa kaya ng agwat mo” pangungutya ni Yago.
Patuloy pa rin ang habulan nila.
“Sandali lang, suko na ako, hindi na kita maabutan” pagsusumamo ni Miguel.
“Takbo ka lang, malapit na tayo sa ilog” patuloy na pangungutya ni Yago.
“Mauna ka na, hinihingal na talaga ako” pagsuko ni Miguel sa habulan.
“Ang hina mo pala, sige kita na lang tayo sa ilog” sabay takbo ng mabilis ni Yago.
Nakarating na sa ilog si Yago, pagkahilamos at pagkainom ng sariwang tubig ay nagpasya muna siyang maupo para hintayin ang kaibigang humahabol sa kanya. Makalipas ang ilang minuto ay wala pa rin si Miguel, dahil sa pag-alala ay nagpasya siyang balikan ang kaibigan, at natagpuan niya itong nakahiga sa daan.
“Miguel” sigaw ni Yago habang tumatakbo sa nakahandusay na kaibigan.
“Miguel, Miguel, gising, nagmamaka-awa ako” pagsusumamo ni Yago.
Palapit ang tenga ni Yago sa ilong ng kaibigan para tignan kung humihinga pa ito ng saktong bumangon naman si Miguel kaya hindi maiwasang mabunggo si Yago at aksidenteng pumatong ang katawan ni Yago kay Miguel. Ang bilis ng pangyayari at sa huli ay naramdaman na lang nilang magkalapat ang kanilang labi. Dahil sa pagkakabigla ay kaagad kumawala si Yago sa pagkakapatong.
“Pasensya na” sabi ni Yago sabay abot ng kamay kay Miguel para tulungan siyang bumangon.
“Ayos lang iyon, kasalanan ko naman” si Miguel.
“Ano ang ibig mong sabihin?” tanong ni Yago.
“Wala naman talagang nangyari sa akin, ginawa ko lang iyon para makaganti sa’yo” paliwanag ni Miguel.
“Sinadya mong humandusay sa daan para mag-alala ako, at kapag nakalapit na ako ay susuntok ka naman sa akin?” tanong ni Yago.
“Oo” nahihiyang tugon ni Miguel.
Tahimik.
“Aray ko” sigaw ni Miguel matapos dumapo ang kamao ni Yago sa kabilang braso niya.
“Ikaw kasi, pinag-alala mo ako ng sobra-sobra. Tayo na nga sa ilog para makapa-mangka na tayo” naiinis na sabi ni Yago.
“Patawad na, gusto ko lang naman makaganti sa’yo” pagsusumamo pa rin ni Miguel sa kaibigan.
“Sige na nga, sagutin mo na lang ang tanong ko” si Yago.
“Ano?” tanong ni Miguel.
“Nagustuhan mo ba yung halik natin?” pabirong tanong ni Yago.
“Di natin sinadya ang nangyari at di maganda yon, dapat babae at lalake lang ang naghahalikan” sagot ni Miguel.
“Sabagay tama ka. Pabayaan mo na lang iyon” sabi ni Yago.
“Hindi ka na ba galit?” tanong ni Miguel.
“Sinong nagsabing galit ako?” tanong ni Yago.
“Akala ko galit ka sa ginawa ko kanina” sabi ni Miguel.
“Yung paghalik mo?” tanong ni Yago sabay ngisi.
“Nakaka-asar ka talaga, hindi iyon, yung pagbibiro ko?” tanong ulit ni Miguel.
“Ang kulit mo rin, sinabi ko na ngang hindi ako galit” sabi ni Yago.
“Bakit malungkot pa rin ang mukha mo?” tanong ni Miguel.
“Para makuha ko ang atensyon para dito” sabi ni Yago sabay suntok ulit sa braso ni Miguel.
“Araw ko, nakakatatlo ka na. Ayaw ko na, masakit na” paki-usap ni Miguel.
“Pasensya na, nakakatawa ka lang kasing pagmasdan” sabi ni Yago.
“Ngayon ginawa mo namang nakakatuwa ang hitsura ko” pagtatampo ni Miguel.
“Hindi iyon ang nais kong ipahiwatig. Ang kulit mo din” asar na sabi ni Yago.
“Ihinto na nga natin ito, tayo na at sumakay na tayo ng bangka” pagyaya ni Miguel kay Yago ng marating ang tabing ilog kung saan naroon ang bangka nila.
“Meron palang paminggwit dito. Maminggwit din tayo ng isda” pagyaya ni Yago.
“Bitawan mo nga ang mga iyan, hindi sa amin yan, meron sigurong mga mangingisda na naka-iwan dito” pagpigil ni Miguel.
“Isasauli rin natin pagkatapos nating gamitin, ako ang bahala sa’yo” paninigurado ni Yago.
“Kung ano-anong kalokohan ang nalalaman mo. Sige, kung gusto mong mamingwit, magkuhay ka na ng mga bulate” utos si Miguel.
“Maaaring ikaw na lang ang maghanap ng bulate, natatakot kasi ako” pagtanggi ni Yago.
“Ang lakas ng loob mong mamingwit, takot ka naman pala sa mga bulate. Sige, habang kumukuha ako ng bulate, ayusin mo ang mga pamingwit” muling uto ni Miguel sa kaibigan.
“Sige, basta huwag mong ilapit sa akin ang mga bulate” paki-usap ni Yago.
Gusto sanang ihagis ni Miguel ang mga bulateng nakuha niya kay Yago para makaganti ito sa mga mahinang suntok na inabot ng mga braso niya, pero ninais niyang huwag ituloy ang plano para makabawi naman ito sa ginawang niyang paghiga sa daan na naging dahilan ng sobrang pag-alala ng kaibigan niya.
“Ang ganda palang mamangka” sabi ni Yago.
“Tila ba ngayon ka pa lang nakasakay ng bangka?” tanong ni Miguel.
“Naranasan ko na dati sa ibang lugar, pero iba dito sa lugar ninyo, sobrang payapa at langhap pa ang sariwang hangin” paliwanag ni Yago.
“Ihanda mo na ang mga pamingwit at kapag nakarating tayo sa parteng iyon ng ilog ay pwede ka ng mamingwit” sabi ni Miguel.
“Miguel, bukod sa akin, sino pa ang mga kaibigan mo?” tanong ni Yago.
“Ang totoo niyan, ikaw lang ang kaibigan ko” sagot ni Miguel.
“Wala ka bang ibang kakilala?” muling tanong ni Yago.
“Ayaw kasi ng papang ko ng lumalabas ako ng bahay” sagot ni Miguel.
“Anong maaaring dahilan ng papang mo bakit ayaw ka niyang palabasin?” tanong ulit ni Yago.
“Gusto niya lagi akong nasa bahay para bantayan ang mamang ko” sagot ni Miguel.
“Ano bang nangyari sa mamang mo?” tanong ulit ni Yago.
“Wala naman, gusto lang ni papang na laging merong kasama si mamang sa bahay. Si papang kasi laging nasa labas para maghanapbuhay, at tuwing ganitong araw lang ako nakakalabas kasi nasa bahay naman si papang. Pinapayagan naman niya ako para kahit wala akong kaibigan ay makapasyal naman ako” paliwanag ni Miguel.
“Buti na lang at laging nagkakataon na nagkikita tayo kapag lumalabas ka” sabi ni Yago.
“Masaya nga ako at nakilala kita” sabi ni Miguel.
“Ako rin masaya ako kapag kasama ka” si Yago, sabay tingin kay Miguel.
Napatingin din sa Miguel kay Yago, matagal, tila ba huminto ang oras para sa kanilang dalawa.
Huni ng ibon, mahinhing pagaspas ng mga dahon, at mayapang daloy ng tubig ang maririnig habang patuloy ang patitinginan nila.
Sabayan pa ng maamong sikat ng araw, berdeng paligid at mga nagkalat na ulap sa bughaw na langit.
Tahimik.
“Yago, mukang meron ka ng nahuling isda” panira ni Miguel sa katahimikan ng paligid.
“Oo nga, mukhang malaki ito, ang hirap hilain” sabi ni Yago.
“Gusto mo bang tulungan kitang humila?” pag-alok ng tulong ni Miguel.
“Hindi, ayos lang ako dito, huwag mo akong alaalahanin” pagmamayabang ni Yago.
“Sige pa, konti na lang at mahihila mo rin” sa Miguel.
“Ayan na, nahuli ko na. Ang laking isda nito, ihawin natin mamaya” masayang sabi ni Yago.
“Sang-ayon ako diyan, pagdating natin sa pampang ay gagawa ako ng baga para makapag-ihaw” pag-alok ni Miguel.
“Ayan, nahuli ko na. Sandali, parang merong gumagalaw sa paa ko” ninenerbiyos na sabi ni Yago.
“Sandali tignan ko” si Miguel.
Pero bago pa makagalaw ni Miguel ay nakita na ni Yago ang mga nakatakas na bulate na nagkalat sa bangka at ang ilan ay gumagapang na sa paa niya. Biglang naglulundag si Yago sa bangka dahilan upang matumba siya at di sinasadyang muling madaganan si Miguel at naglapat na muli ang kanilang labi, sa pagkakataong ito, mas madiin at matagal.
Nakalimutan ang mga bulate, nabitiwan ang pamingwit, nakawala ang malaking isda, muntik na silang mahulog sa bangka, mas lumakas pa ang huni ng mga ibon tila ba nasasayahan sa nangyari sa dalawang magkaibigan.
Prologue Three – Walkway
A compilation of my thoughts, dreams and fantasies. Stories that describes best my simple wishes in life. In addition to that, I asked friends to contribute their talents in this site where reality and fantasy are as one. Welcome to my site. Welcome to my heart. I am Dalisay.
Thursday, January 6, 2011
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment