11 of 20
-------------------------------
Forbidden Kiss
Chapter 11
The Return of Monster Adrian
“Micco” bati ni Adrian kay Micco kinabukasan “kailan ba matatapos ang pagtuturo mo sa mga bata?” tanong niya dito.
“May katagalan pa nang kaunti.” sagot naman ni Micco.
“Pwede mo bang bilisan ang pagtuturo sa mga bata?” suhestiyon ni Adrian kay Micco.
“Bakit?” biglang tanong ni Micco. “Ayaw mo na ba akong makasama” tanong ng isip ni Micco kay Adrian nang maramdaman niyang sa tono ng pananalita nito ay para bang pinapaalis na siya nito sa bahay nila. Biglang lumungkot ang mga mata ni Micco sa ganitong isipin. Gayunpaman ay pinilit niyang itago ito sa pamamagitan ng mga ngiti.
“Suggestion ko lang naman para makabalik ka na kaagad sa ampunan.” maikling sagot ni Adrian.
“Si Kuya Adrian naman, parang pinapaalis na ako.” tila may tampo sa himig ni Micco.
“Hindi, baka kasi gusto mo nang bumalik sa ampunan.” kontra ni Adrian.
Nanatiling tahimik si Micco at walang imik. “Ayaw ko pang bumalik sa ampunan, gusto pa kitang makasama.” sabi ni Micco sa sarili.
“Aalis na ako, huwag na huwag kayong lalabas ng bahay.” sabi ni Adrian kay Micco.
“Tito Adrian” biglang pigil ng mga bata.
“Bakit?” tanong ni Adrian.
“You promised us last night that we will go to Tagaytay.” tampong sagot ni Nicole.
“Sorry my dear” sagot ni Adrian “may emergency lang kasi sa opisina” pahabol ni Adrian.
“But you promised us” kontra naman ni James.
“Tomorrow” sagot ni Adrian “promise!” pangako ni Adrian sa mga bata.
“Tito Adrian” sabi ni Margareth “you said it’s today.”
“Kids” putol ni Micco sa usapan “hayaan na natin si Tito Adrian n’yo, nagpromise naman siya na bukas di ba?”
“Pero Tito Micco!” sabi ni Melissa.
“Sigurado namang bukas matutuloy na kayo” nakangiting wika ni Micco sa mga bata.
“Sige na” paalam ni Adrian “aalis na ako, baka malate pa ako.” paalam ni Adrian at tuluyan na nga itong umalis.
“Micco, bakit ba sa tuwing nakikita kita gumagaan ang loob ko, bakit ba nawiwili akong masdan ang mga mata mo, ang mga labi mo, ang ilong mo, lagi akong dinadalaw ng maamo mong mukha sa mga panginip ko. Ang mga ngiti mong sapat na para alisin ang pagod ko sa araw-araw. Micco, bakit sa dinami-dami ng tao, ikaw lang ang may kayang gumawa sa akin nito.” sabi ni Adrian sa sarili habang nagmamaneho papasok sa opisina.
“Micco, bakit ba sa pakiramdam ko, mahal na kita na hindi. Parang ewan, at ayokong mahalin ka Micco, ayoko.” patuloy pa din na iniisip ni Adrian si Micco.
“Hindi ako bakla, at hinding-hindi magiging bakla.” giit ni Adrian sa sarili “Si Micco ang may kasalanan nito, kung bakit ako naguguluhan ngayon, kung bakit nagulo ang buhay ko ngayon.” patuloy pa din si Adrian at may halong paninisi na kay Micco.
“Micco bakit ba dumating ka pa sa buhay ko?” saad ulit ng isipan ni Adrian.
Samantalang sa bahay na iniwan ni Adrian ay ganito ang naging takbo ng usapan.
“Tito Micco” sabi ni Melissa “nakakainis naman si Tito Adrian.” reklamo nito.
“Oo nga tito Micco” sang-ayon ni Eugene “nangako siya kagabi, tas hindi niya tutupadin.” dugtong pa nito.
“Tama na iyan” saway ni Micco “baka importante lang talaga iyon.” pagtatanggol ni Micco kay Adrian.
“Mas importante sa amin?” tanong ni Charles.
“Siyempre, hindi” sabi ni Micco “wala ng mas importante sa Tito Adrian ninyo kung hindi kayo. Malay ninyo malaking problema pala ang nangyari kaya kailangan niyang pumasok.” pagtatanggol pa din ni Micco.
“Pero excited na kami, sana hindi na lang siya nangako.” pangangatwiran ni Melissa.
“Alam ko na” sabi ni Micco “tayo na lang kaya ang mamasyal?” suhestiyon ni Micco.
“Pero di ba sabi ni Tito Adrian huwag daw tayo lalabas?” tila may pagtutol kay Margareth.
“Oo nga, baka mapagalitan tayo nuon.” sang-ayon ni James.
“Huwag na lang natin sasabihin.” komento ni Melissa.
“Oo nga!” sang-ayon naman ni Eugene.
“Isikreto na lang natin.” pahabol pa ni Charles.
“Pero kinakabahan ako.” sabi ni Margareth.
“Ayaw mo bang mamasyal?” tanong ni Melissa kay Margareth.
“Gusto!” dagling sagot ni Margareth.
“Ayon naman pala!” saad ni Nicole.
“Ano na?” sabi ni Eugene.
“Tito Micco, tara na.” aya ni Melissa kay Micco.
Naghanda na nga ang mga bata at si Micco. Nagpahatid sila sa driver nila Adrian papuntang Zoo.
“Pasensya na kayo” simula ni Micco sa mga bata “ito lang kasi ang alam kong pasyalan dito sa Maynila na pambata.”
“Ayos lang Tito Micco” sabi naman ni Nicole “buti ka nga nadala mo kami dito.” may himig ng pagtatampo sa boses nito.
“Tampururot ka na naman.” sabi ni Micco “kaya ko nga kayo dinala dito para magsaya tayo, saka siguradong matutuloy na kayo bukas.” nakangiting saad ni Micco.
“Tara na sa loob.” aya sa kanila ni Melissa.
Pakanta-kanta pa sila habang lumalakad sa loob ng zoo, takbo dito, takbo duon. Si Micco naman ay ang dakilang taga-habol ng mga bata. Animo ay mga batang paslit na matagal na hindi nakalabas ng bahay. Maghapon silang ganuon, hindi nila namalayan ang oras, kahit ang magutom ay hindi nila naramdaman.
“Mga bata” awat ni Micco sa mga ito “umuwi na tayo, alas-kwatro na ng hapon.” Aya niya dito.
“Ayaw pa namin” halos sabay-sabay nilang kontra.
“Pag dumating ang tito Adrian ninyo at wala pa tayo sa bahay ay tiyak na magagalit sa atin iyon.” paalala ni Micco sa mga bata.
“Pero” putol ni James.
“Oo nga James, mapapagalitan tayo, lalo na si Tito Micco.” sabi ni Melissa.
Nagpaalam na ang mga bata sa mga bagong kalaro na nakilala nila. Agad din naman silang lumabas ng Zoo at sumakay na sa kotse para umuwi.
Samantalang inabot ng hanggang hapon si Adrian bago makauwi. Pinilit niyang makauwi sana ng maaga upang kahit paano ay maipasyal niya ang mga bata sa kahit saan na pwede pang puntahan nila. Laking gulat niya nang wala ni isang bata man lang ang sumalubong sa kanya.
“Manang, nasaan po ang mga bata?” tanong niya agad sa mayordoma nila.
“Ah, eh, ano po kasi Sir.” pautal-utal itong nagsalita. Bakas sa mukha nito ang pagkabigla.
“Nasaan po kako ang mga bata?” mahinahong ulit niya sa tanong.
“Ano po kasi Sir Adrian” tila putol na sagot ng mayordoma.
Tila nainis si Adrian dahil alam niyang may itinatago ang babae sa kanya – “Nasaan po ang mga bata?” mariin na niyang tanong.
“Do, a deer, a female deer
Re, a drop of golden sun
Me, a name, I called myself
Fa, a long long way to run
So, a needle pulling train”
Agad niyang narinig ang mga batang nagkakantahan na kita ang kasiyahan. Tulad ng mayordoma at nakita agad sa mga ito ang pagkabigla nang makita siya.
“Sige po Sir Adrian.” paalam ng mayordoma kay Adrian.
“Good Evening Tito Adrian.” bati ni Margareth na halatang kinakabahan.
“Saan kayo galing?” tanong ni Adrian kay Margareth.
“Sa kabilang bahay po.” sabi ni James.
“Kila Kuya Carl po.” sagot naman ni Nicole.
“Sa labas lang po kami.” sagot naman Charles.
Sabay-sabay at iba-ibang sagot ng mga bata sa katanungan ni Adrian. Biglang napakunot ang noo ni Adrian at sa isang matigas na tinig at sarkastikong tono ay hinarap niya si Micco na kita ang panginginig sa takot.
“Saan kayo galing ng mga bata?” madiing tanong ni Adrian kay Micco.
“Kila kuya Carl nga po.” sagot ni Melissa.
“Shut up Melissa” sabi niya sa pamangkin “hindi ikaw ang kausap ko.” sabay tapon ng titig kay Melissa.
“Sa” simula ni Micco na paputol-putol at pilit na pinalalakas ang loob “zoo po Kuya.”
“Hindi ba sabi ko huwag kayong lalabas?” singhal niya kay Micco. “Napakatigas naman pala ng kukote mo. Nakakaintindi ka ba?” sigaw pa ni Adrian kay Micco.
Nanatiling tahimik si Micco at tanggap na lang ng tanggap sa kung anuman ang sabihin ni Adrian. Inaya naman ni Melissa ang mga kapatid at pinsan para umakyat sa taas dahil tulad niya ay nakaramdam ito ng takot na bumakas sa kanilang mga murang mukha.
“Gaano ka ba katanga para hindi mo maunawaan iyon?” sabi pa ni Adrian “paano kung may mangyaring masama sa mga bata?” sabi ni Adrian “Ha, sige nga, paano?!” bulyaw pa ni Adrian kay Micco.
“Sorry po Kuya Adrian.” mangiyak-ngiyak na turan ni Micco.
“Huwag mo akong tatawaging kuya, dahil nandidiri ako. Wala akong kapatid na tanga at bobo na kagaya mo.” wika ni Adrian sabay duro sa ulo ni Micco.
“Pati pagsisinungaling itinuro mo sa mga bata?” paninisi ni Adrian “ano pa bang masamang ugali ang tinuro mo sa kanila?” tanong pa nito.
“Magsalita ka!” galit na anas ni Adrian.
Pahikbi-hikbi pa at ang mga pigil na luha ay unti-unti nang umagos mula sa mga mata ni Micco.
“Tito, kami po ang pumilit kay Tito Micco para mamasyal.” singit ni Melissa pagkababa.
“I told you to shut up Melissa!” galit niyang saway kay Melissa.
“Pati ba iyang ugali na iyan si Micco ang nagturo?” tanong ni Adrian kay Melissa.
Natahimik si Melissa at mabilis na umakyat sa kwarto niya.
“Sige” simula ni Micco at pinalakas niya ang loob para makapagsalita “ako na ang may kasalanan. Oo Sir, sorry na po.” sabi ni Micco.
“Tingin mo ba sapat na ang sorry?” tanong ni Adrian kay Micco.
“Sige Sir, aalis na lang po ako dito para umayos na ang lahat.” lakas loob na sinabi ni Adrian.
Nagulat si Adrian sa sinabi ni Micco. Hindi niya inaasahan ang ganitong suhestiyon mula kay Micco. Biglang takot ang naramdaman niya nang malamang iiwanan na siya si Micco. Ngayon nga ay nararamdaman niya sa sariling damdaming tila binuhusan ng malamig na tubig na sapat na para bumalik sa dati ang tino ng kanyang pag-iisip. Pahakbang na siya para yakapin si Micco ngunit – “Huwag Adrian, pagkakataon na para malayo sa’yo si Micco at pagkakataon na din para mawala ang pagmamahal mo sa kanya.” saway ng kabilang bahagi ng kanyang isipan.
“Sige, umalis kana, dapat nuon mo pa ginawa.” sabi ni Adrian na may lumbay sa tinig nito.
Walang pagdadalawang-isip na tumakbo si Micco papunta sa kwarto niya. agad na inimpake ang mga damit at iba pang gamit niya. – “Napakasama mo Adrian, napakasama mo!” sigaw ng damdamin ni Micco “bakit mo naatim na ganituhin ako?” dugtong pa ng isipan niya.
Sandali lang siyang nag-impake, agad din naman siyang bumaba at nakita niya Adrian na nakaupo sa sopa na tila hinihintay ang pag-alis niya. Nakita din niya ang mga batang nakasilip at takot na takot na nasa pinto ng kanilang mga silid. Nginitian lang niya ang mga ito at mabilis na tinakbo ang hagdan at palabas ng pinto.
“Micco, huwag mo akong iwan.” sigaw ng pilit na pinuputol na damdamin ni Adrian. Ang pinipilit nyang pigilin ang mga luhang papatak na mula sa kanyang mga mata.
“Hindi ka bakla Adrian – hayaan mo nang umalis ang lalaking may kasalanan kung bakit ka naguguluhan.” saway naman ng kabilang bahagi ng utak niya.
“Aalis na ako” paalam ni Micco kay Adrian at mabilis na lumabas ng pinto.
“Tito Micco” sigaw ng mga bata sabay habol kay Micco.
“Pabayaan na ninyo iyan.” saway ni Adrian sa mga bata.
Isang ngiti at kaway ng kamay na lang ang ginawa ni Micco at mabilis na niyang nilisan ang lugar na iyon. Ang bahay na kung saan ay naranasan niyang magmahal nang lihim. Isang tunay na pagmamahal na kanyang tinatago hanggang ngayon at kailangan na siyang patayin dahil alam niyang sa simula’t sapul ay wala ng pag-asa.
“Bobo, tanga” sisi ni Micco sa sarili “bakit kay Adrian ka pa tumibok. Sa isang halimaw ka pa umibig at nagmahal.” laman ng isip niya habang nasa biyahe papuntang Fortitude.
Ilang oras pa at nasa harap na siya ng ampunan, umaasa ang puso niyang anduon si Adrian para pigilin ang gagawin niyang pagbabalik sa Fortitude, na hihingi ito nang tawad at susuyuin siyang bumalik sa Maynila kagaya nung una silang mag-away. Hindi siya mapakali sa labas ng Fortitude at hinihintay ang pagdating ni Adrian, iniisip kung paano magpapaliwanag sa superyora at nang marami pang bagay. Hindi nga naglaon at pinagpasyahan niyang pumasok na sa loob at ang pag-asang susundan siya ni Adrian ay unti-unti na niyang kinalimutan.
Madami mang naging tanong sa kanya ay naging maagap naman ang mga dahilan niya. Kalahati sa mga sagot niya ay totoo at ang iba ay gawa na lang niyang dahilan. Pinilit niyang maging masaya at pinili niyang maging masaya sa pagbabalik sa ampunan. Mahalaga sa kanya ngayon ay kung paano haharapin ang isang problemang dapat sa simula pa lang ay sinolusyunan na niya ng tama – iyon ay ang pagsasabi ng totoo sa pamilya niya nang nangyari sa kanyang kamalasan.
No comments:
Post a Comment