Sunday, January 23, 2011

Forbidden Kiss - C15

Forbidden Kiss


Chapter 15

Ituloy ang Pagmamahalan

Taliwas sa inaasahan ni Micco ang nadatnan niya sa San Tadeo. Oo, nagulat lahat ng mga ito sa naging pagbabalik niya ngunit mayroon pa ding humanga sa katangahang ginawa niya. Mga taong pinilit siyang unawain at intindihin sa kabila nang pagkakamaling ginawa niyang solusyon sa isa pang pagkakamali.

“Micco” sabi ng Tita Eka niya “sana hindi ka na nagpanggap pa na natuloy ka sa Italy. Sana bumalik ka na lang dito.” wika pa nito.

“Oo nga Micco, alam mo bang tuwing sabado malungkot si mama kasi hindi ka niya nakikitang nagbibisikleta.” sabi naman nang Ate Melissa niya na anak ng Tita Eka niya.

“Oo nga Micco, wala nang bumubulahaw sa mahimbing naming tulog sa tanghali. Mamiss namin iyong pagkalakas lakas na kanta mong wala sa tono.” sibat nang isa na nasa himig nang pagbibiro.

“Huwag mong intindihin ang Tito mo, pinapasaya lang niyan kayo.” sibat pa nang isa.

“Madeng” tawag ng isa sa ama ni Micco “ang swerte mo talaga sa mga anak mo lalo na kay Micco.” sabi pa ng isa.

“Oo nga naman” sang-ayon pa naman nang isang nakikitsismis din.

“Andeng” sa nanay naman ni Micco “patawarin mo na. Kayo lang naman ang iniisip niyang bata.” sulsol pa nito.

“Aba, ang mga kamag-anak ko, mababait naman pala.” wika ni Micco sa sarili.

“Pinatawad na namin kanina pa.” sagot ni Andeng.

“Kayo naman kasi makikisitsit na lang kayo hindi pa ninyo iniintindi.” tila pang-aasar nang Tita Eka niya.

“Saka hindi pa ba kayo sanay kay Micco?” tila pagtatanong din ng isang nakikitsismis lang “lagi namang pumapalpak iyang bata na iyan.”

“Tama iyon. Lahat nang plano niyan puro semplang.” sang-ayon nang isa pa na naging sanhi para magkatawanan ang lahat nang nakikitsismis sa bahay nila Micco.

“Aba! Masasama talaga ugali ng mga kamag-anak ko.” pagbawi ng isipan ni Micco sa papuri niya kanina dito.

“Nanay! Tatay!” tawag ni July na humahangos sa pag-akyat nang bahay nila Micco.

“July” sati ng nanay ni Micco “bakit ka pa pumunta dito?”

“Si Micco, nasaan na?” tanong ni July na panganay sa magkakapatid.

“Ayan Ate July” sabi ni Jhell sabay turo sa nakaupong si Micco sa nasa harapan lang niya.

“Ayan kasi ayaw dumilat.” birong sabi ni Micco.

“Anak ka ng tinapay ni San Felipe” sabi ni July sabay ang batok nito kay Micco. “Napakasira-ulo mo talaga.” dugtong pa nito.

“Tilapiang bilasa naman ni San Andres oh!” mahinang usal ni Micco. “Paliwanagan na naman ito. Dapat kasi isang forum na lang para isang paliwanagan na lang.” wika naman ng isipan ni Micco.

“Magpaliwanag ka ngayon!” tila pag-uutos ni July.

“Palibahasa kasi malapit nang malosyang.” bulong ni Micco sa sarili.

“Kasi Ate July ganito iyon.” simula ni Micco sa kwento niya na limampu’t-limang beses na niyang ulitin. Malapit nang umabot sa kalagitnaan ang kwento ni Micco nang walang anu-ano –

“Nay! Tay!” tulad nang Ate July ni Micco ay nagmamadali ding umakyat si September sa bahay nila. “Si Micco po nasaan na?” tanong nito na hindi pa man nakakapasok nang pinto.

“Dahan-dahan lang Ate Sep.” sabi ni Micco sabay tayo.

“Kabayong pilay ka ni Santiago” pambungad ni Sep kay Micco “loko-loko ka na rin ngayon” dugtong pa nito kasunod ang isang tadyak mula dito.

“Arayy” sabi ni Micco at napatalon naman siya sa sakit dahil sa ginawa nang kapatid niyang naka-high-hills pa man din at matulis ang dulo nang sapatos nito.

“Tama na ang pag-iinarte” sabi pa ni Sep “hindi ako maawa sa’yo. Magkwento ka!” tila pag-uutos din nito.

“Naman! Fifty-six na ulit na ito.” tila asar na wika ni Micco. “In fairness nakakasawa nang magkwento.” sabi ni Micco sa mga kapatid niya.

“Kasalanan mo iyan kaya magkwento ka na.” sagot nang Ate July niya.

“Tama.” sang-ayon naman nang Ate Sep niya.

“Mamaya na, hintayin na natin si Ate March. Darating na din iyon.” suhestiyon ni Micco.

“Ay hindi.” madiing sagot nang mga kapatid niya na matitiim ang titig.

“Patay na!” usal ni Micco at sinimulan din niya ang pagkukwento. Tulad nang eksena kanina ay pasagot-sagot din ang mga kapit-bahay nila ay komento nang komento. Halos hindi nababawasan ang mga tao dahil na din siguro sa pagkaing inaabot ng nanay niya sa mga ito. Malapit na siyang mangalahati nang –

“Miccccooooooo” napakalakas na sigaw mula sa labas. Hindi nga nagtagal pa at iniluwa na ang pinto ang Ate March ni Micco. Agad nitong niyakap nang pagkahigpit-higpit si Micco.

Nakaramdam nang tuwa si Micco dahil sa wakas ay dumating na ang kapatid niyang kakampi niya sa lahat. Hindi pa man nagtatagal sa pagkakayakap at –

“Araayy” biglang napabitiw si Micco sa pagkakayakap at namimilipit sa sakit na hawak ang sikmura.

“Tinalupang San Bartolome ka!” usal nito kay Micco.

“Ang sakit!” maluha-luhang wika ni Micco. Kung nasaktan na siya sa batok nang Ate July at mas masakit na tadyak nang Ate Sep niya, di hamak na pinakamasakit ang suntok nang Ate March niya.

“Kulang pa iyan.” wika nito. “Magkwento ka na.” utos din nito kay Micco.

Sa pang-limampu’t pitong beses ay isasalaysay na naman niya ang kwentong kabisado na nang mga tsismosong kapit-bahay nila.

Ang pamilya ni Micco ay sarado konserbatibo tulad nang karaniwang maykayang/ mayamang probinsyano. Kumpleto ang pagsisimba sa isang taon at laging nagdadasal. Hindi marunong magmura at pilit na iniiwasang magmura. Kanya-kanya na sila nang naging ekspresyon sa pagmumura – mga apostol ni Kristo. Ang panganay na si July o Ma. July Anne delas Nieves-Mitra ay isang teacher kagaya nang nanay nila. Nakatira limang bayan ang layo mula sa San Tadeo. May apat na anak at puro babaeng kilos lalaki. Ang Ate Sep naman niya o September Marie Lee delas Nieves-Pascual ay isang doctor turned fashion designer turned businesswoman turned doctor turned fashion designer. May tatlong anak, dalawang babae at bunsong lalaki. Dalawang bayan lang ang layo ng tinitirhan nito mula sa San Tadeo. Panghuli ay si Joyful Mary March delas Nieves-Alcantara na isang maton at man-hater pero may pinakagwapong asawa sa tatlo. Columnist nang isang local newspaper at business woman turned business woman turned business woman – lagi kasing palpak ang mga pinapasok na business. Siga at maton sa pamilya na pinakamalapit kay Micco. May dalawang anak na lalaki at pitong bayan ang layo ng bahay nito mula sa San Tadeo.

“Ang plano ko ay bumalik nang Maynila para maging music teacher ulit na mga Guillemas and I will live happily ever after. At dyan nagtatapos ang kwento ko.” pagtatapos ni Micco sa kwento na tila may pasaring na sa balak niyang mangyari.

“Itigil mo na iyang planong iyan.” agad na tutol nang nanay ni Micco.

“Pero nanay naman” tila paglalambing ni Micco “sige na naman.” pamimilit ni Micco sa nanay niya.

“Mamaya na natin pag-usapan iyan. Kumain muna tayo.” aya pa ni Aling Andeng sa mga anak.

Ang mga tsismosang kamag-anak niya ay tila napurga na sa kwento niya kaya naman isa-isa na itong nabawasan at unti-unting nawala. Tanging natira na lamang sa mga pinsan niya ay sina Jhell, LJ at Glenn. Tulad nang pagbisita nang mga kapatid niya sa kanila ay hakot nito ang buong pamilya, ang asawa at mga anak. Tila ba isang family reunion ang nagaganap dahil kumpleto silang lahat.

“Kayong tatlo” sabi naman ni Mang Madeng “sumalo na din kayo sa amin.” anyaya nito sa tatlong matitibay na pamangkin.

“Sige po ba!” walang pagtutol kay Jhell.

“Hindi na po!” sabay na pagtanggi nila Glenn at LJ.

“Kayo talaga, inaaya na nga tayo tatanggi pa kayo.” kontra ni Jhell sa dalawa.

“Mahiya ka nga, kita mong seryosohan na silang lahat sasawsaw ka pa.” bulong ni Glenn sabay hatak kay Jhell palabas.

“Kayo talagang mga bata kayo.” nakangiting wika ni Mang Madeng.

Sa hapag-kainan ay muling bumanat si Micco – “Kita na ninyo, kung hindi dahil sa akin hindi tayo makukumpleto.” birong wika nito.

“At kung hindi din dahil sa’yo hindi ka masasaktan.” seryosong pangkontra ni July.

“Tumigil ka muna Micco at may kasalanan ka pa.” wika ng ina ni Micco.

“Opo!” maamong tupang sagot ni Micco.

Nakatapos na silang makakain lahat. Tulad nang dati at ang nararapat, kailangan ni Micco na gumawa nang mga bagay para magpagood-shot sa lahat. Siya na ang nagligpit nang pinag-kainan, nag-urong nang mga plato at nag-ayos nang kusina pagkakain.

“Naku, kung hindi lang talaga!” sabi ni Micco sa sarili “Hindi ako gagawa nitong lahat.” sulsol pa ng isipan niya.

“Micco” tawag sa kanya nang ama.

“Hala, may iuutos na naman ito.” wika ni Micco sa sarili na kahit tapos na sa kusina ay hindi pa din lumalabas para makaiwas sa mga utos.

“Bakit po?” tanong ni Micco.

“Pumarini ka muna.” saad nang kanyang ama.

“Opo, sandali na lang po.” sagot ni Micco.

“Ano po iyon?” tanong ni Micco pagkapasok sa sala.

“Maupo ka muna.” sabi nang tatay niya.

“Hindi ka na namin pangangaralan kasi alam naming nalunod ka na sa pangaral.” simula nang Ate July niya.

“Tama!” nakangiting wika niya sa sarili.

“Talaga bang gusto mong bumalik nang Maynila?” tanong naman nang Ate March niya.

Tango lang ang sagot ni Micco na malungkot ang mukha na tila nagpapaawa – “Haha! Magagamit ko na naman ang pagiging artista ko.” wika niya sa sarili. “Alang-alang kay Daddy Adrian ko dapat kong gawin ito.” dagdag pa nito.

“Bakit mo naman gustong bumalik duon?” tanong ng Ate Sep niya.

“Kasi po – “ at isang malalim na buntong-hininga ang pinawalan niya “napamahal na din po sa akin ang mga bata. Alam ko din po na dahil nasa Maynila ako mas madali kong maisasakatuparan ang mga pangarap ko. Hanggang ngayon po ay hindi ako bumibitiw para makuha ko ang kung anumang pangarap ko.” maikling sagot ni Micco. “Siyempre para makasama ko si Daddy Adrian.” dagdag naman nang isip ni Micco.

Sa ganitong prinsipyo naiinggit ang mga kapatid ni Micco sa kanya. Ito lang kasi ang talagang naging masikap para makamit ang pangarap niya. Hindi kagaya nilang tatlong babae na kung ano ang gusto nang ama’t ina nila ay iyon ang pinasok nila. Huli na para gawin kung anumang nais nila sa buhay. Ang panganay na pinilit kumuha nang law na hindi naman na tinapos ang law school, ang pangalawang pinagduktor na dahil nga sa hindi niya hilig ay sa kung saan-saan pa sumideline at nag-asawa nang maaga para mamuhay at gawin ang gusto niya at ang pangatlo na pinagmamadre kaya naging man-hater na lumabas din sa kumbento nang makilala ang asawa nito ngayon.

“Sa aming mga ate mo ay ayos lang na bumalik ka sa Maynila.” sabi na Ate July niya.

“Basta ba sisiguraduhin mong tutuparin mo ang pangako na matutupad mo ang pangarap mo.” dugtong pa nang Ate Sep niya.

“At hindi muna uulitin pa ang ginawa mo ngayon.” pahabol nang Ate March niya.

“Pero ewan namin kila nanay at tatay.” paalala naman ni July.

Ayaw nang mga magulang ni Micco ang gusto nitong mangyari sa buhay niya. Ang gusto talaga nila ay magkaanak nang pari. Iyon ang pangarap nila para kay Micco – pasado ito sa labing-dalawang seminaryong kinuhanan niya nang exam, na laging pasok sa top 5 examinees at madaming benefits na makukuha subalit naging mapilit at sa labas nakapag-aral.

“Matagal ko nang tanggap na hindi ka magiging pari” simula nang ama niya “kaya naman ayos lang sa akin kung ano man ang gusto mong gawin.” nakangiting sabi nang ama niya.

Napangiting lalo si Micco sa sinabing iyon ng ama.

“Sa isang kondisyon.” singit nang nanay niya.

“Ano po iyon?” tanong ni Micco.

“Basta ba ipapangako mo na lagi kang uuwi dito sa atin.” sagot ng nanay ni Micco.

“Iyon lang po pala.” sabi ni Micco sabay ang yakap nito sa lahat.

“Salamat po!” naluluhang wika ni Micco sa pamilya niya. “Maraming salamat po at naintindihan ninyo ako.”

“Mahirap anak, ayokong magaya ka sa mga ate mo. Ayokong ang pagkakamali namin, pagkakamali ko sa mga ate mo ay magawa ko din sa iyo.” wika ni Aling Andeng.

“Nanay naman!” wika nang tatlong babae na napaluha sa sinabing ito ng ina.

Natapos ang usapang nang mahigit alas-dose na nang gabi. Imbes na umuwi ang mga kapatid niya ay sa bahay na ito mga nagsipagtulog. Tila handa naman ang lahat at may dala-dalang damit na pamasok kinabukasan. May sari-sariling kwarto ang apat kaya naman hindi na problema kung saan matutulog at may mga damit din naman ito sa bahay kaya hindi na din kailanganing intindihin ang isusuot.

--------------------------------------------------

Sa kabilang banda naman ay hindi mapalagay si Adrian nang umalis na si Micco. Kakaibang kaba at lungkot ang nararamdaman niya. Hindi niya kayang isipin na iyon na ang huling pagkakataong makikita si Micco. Pansin nang lahat ang pag-iiba nang aura nito at ang labis na pag-aalala. Nakailang ulit na niyang tinext si Micco subalit walang reply. Binigyan nang load para nakareply at tinawagan ng ilang ulit. Subalit walang Micco na sumasagot sa tawag niya at nagrereply sa mga text niya.

Higit pa ang takot at pangamba ang nadarama ni Adrian – takot sa kung ano ang nangyari kay Micco, takot nab aka iyon na ang huling beses na masisilayan si Micco. Pinilit man niyang pakalmahin ang sarili subalit hindi nga niya ata kaya. Tawag at text ang ginagawa niya at uymaasang may Micco na magrereply.

Mahigit alas-dose na nga nang gabi at walang Micco na nagtetext sa kanya. Dumating na ang oras para tanggapin niyang hindi na ito magtetext sa kanya at mas malala pa ay hindi na ito makipagkita sa kanya habang-buhay. Umiisip na siya nang plano kung paano mababwi si Micco sa San Tadeo.

“Kung sabihin ko kayang may nangyari na sa min?” suhestiyon ng isip ni Adrian.

“Gago! Walang mabubuntis sa inyo.” kontra nang kabila.

“Kung sabihin mo na lang na mahal na mahal n’yo ang isa’t-isa?” wika ulit niya sa isip.

“Tama! Pwede iyon.” pagsang-ayon niya sa sariling plano.

“Baka ikulong si Micco at hindi na palabasin o kaya ay ipatapon sa malayo.” tutol naman ng kabila.

“Itanan mo na lang kaya?” suhestiyon ulit ng utak niya.

“Baka makasuhan ka nang kidnapping.” tutol ulit ng kabila.

“Ayos na iyon at least magkasama naman kami.” sabi nang kabila.

“Hay! Ang gulo!” biglang naibulalas ni Adrian kasunod ang pagring ng phone niya. Biglang nakaramdam ng tuwa si Adrian sa pangalang nakarehistro at agad niyang tinawagan ito. Walang basa-basa sa kung ano ang laman nang text, agad niyang denial para tawagan ang numerong nagtext sa kanya. Pakiramdam niya ay nabunutan siya ng tinik at nakahinga ng maluwag. Biglaang gaan ang naramdaman niya at tila ba lumulutang na siya sa ikapitong langit.

---------------------------------------------------

Buhat nang umalis si Micco kila Adrian ay hindi pa nito nagagawang tingnan ang cellphone niya. Tanging ang pangaral nang ama at ina ang kaharap niya at mga tanong nang chismosang kapit-bahay at pakielamerang mga kamang-anak na mahal na mahal naman niya.

Hindi na siya nagulat nang makitang may 145 text messages siya at 54 missed calls na galing sa iisang tao. Pinili niyang itext muna si Adrian bago basahin ang mga text nito. Ayaw niyang madagdagan ang oras na mag-alala ito sa kanya.

“Daddy Adrian: sori po sa nangyri knina. Xncia na din po at hnd na kita natxt. SORRY PO!!!” text ni Micco kay Adrian.

Hindi pa man nagtatagal at wala pang isang minuto ay nag-ring na agad ang cellphone ni Micco.

“Hello po Daddy Adrian!” malungkot na wika ni Micco.

“Bakit malungkot ang baby Micco ko?” tanong ni Adrian na nakaramdmam nang kaba.

“Wala lang po.” sagot ni Micco.

“Ano nga iyon?” tanong ni Adrian.

“Basta, huwag na lang po ninyo akong intindihin.” sagot ni Micco.

“Ay! Naging Daddy mo pa ako kung may ililihim ka sa akin?” pamimilit ni Adrian.

“Gusto mo ba talagang malaman?” tanong ni Micco.

“Siyempre naman, basta lahat ng tungkol sa mahal ko.” dagling sagot ni Adrian.

“Babalik po ako sa inyo sa susunod na linggo.” wika ni Micco na masaya na ang tono.

“Talaga?” paninigurado ni Adrian na ngayon ay nagbubunyi ang puso niya sa isiping muli niyang makakasam si Micco.

“Opo!” sambit ni Micco.

“Bakit sa isang linggo pa?” tanong ni Adrian “Bakit hindi ngayon o kaya ay bukas?”

“Sabi kasi nila nanay gusto pa nila akong makasama kaya pumayag ako na sa isang linggo na lang.” sagot ni Micco.

“Hindi bali, maiksi lang ang isang linggo kung ikukumpara sa kasiyahang mararamdaman ko kapag nakasama na ulit kita.” wika ni Adrian.

“Ang Daddy ko talaga.” sagot naman ni Micco na nakaramdam nang kilig sa kalooban niya.

“I love you Micco ko!” sabi ni Adrian.

“Akala ko talaga iiwan mo na ako.” sabi ulit ni Adrian.

“Hindi ba sumumpa tayo sa dagat? Bakit naman kita iiwan? Siyempre tutuparin ko iyon kasi mahal kita.” sagot ni Micco.

“I love you Micco ko!” sabi ni Adrian ulit.

“Pinagalitan ka ba di’yan?” tanong pa nito.

“Siyempre naman” sagot ni Micco.

At naging mahaba pa ang usapan nilang dalawa. Hindi nila alintana ang oras dahil pakiramdam nila ay masaya sila na kahit sa cellphone lang sila magkausap. Unang nakatulog si Micco na kausap pa niya sa cellphone si Adrian at nang maramdmam naman ni Adrian na tulog na ang mahal na si Micco ay pinindot na niya ang end call at natulog nadin dahil may pasok ito kinabukasan.

Masaya ang dalawa dahil alam nilang ang lahat ay magiging maayos at magiging maganda ang takbo. Alam nilang ang pagsasama nilang muli ay isang senyales galing sa langit na ang pagmamahalan nila ay may pag-asang matanggap nang mga tao. Ang inaakalang Forbidden Kiss nila ay magiging katanggap-tanggap sa kapaligiran nilang sakdal mapanghusga.

No comments: