Capítulo Tres – Separación
Year 2008 – Sembreak
“Salamat” sabi ni Timothy kay Javvy.
“Para saan?” tanong ni Javvy.
“Para dito, sa bakasyon na ito” sagot ni Timothy.
“Wala iyon, ako nga ang dapat magpasalamat kasi naka-uwi ako ng walang gastos. Salamat sa libre, I love you” sabi ni Javvy.
“I love you, too” sagot ni Timothy.
“Sana na-enjoy mo ang bakasyon mo sa lugar namin” tanong ni Javvy.
“Oo naman, alam mo naman na matagal ko ng gustong magpunta dito, salamat at pinagbigyan mo ako” sagot ni Timothy.
“Pasasalamat ko na rin sa’yo dahil sa lahat ng naitulong mo sa akin” sabi ni Javvy.
“Sayang lang kasi hindi ko nakilala ang pamilya mo” panghihinayang ni Timothy.
“Kung sa amin kasi tayo natulog, siguradong mahihirapan ka lang doon, sabi ko naman sa’yo na maliit lang ang bahay namin, at isa pa baka maubos lang ang pera mo” paliwanag ni Javvy.
“Ayos lang iyon, gumastos din naman ako sa tinutuluyan nating kwarto” sabi ni Timothy.
“Sige, hintayin mo ako dito, sunduin kita kapag merong tao sa amin para makilala mo sila” pagbawi ni Javvy.
“Sana nga hindi sila busy sa bukid ngayon para makilala ko naman sila. Mag-ingat ka, hintayin kita dito” sabi ni Timothy sabay halik kay Javvy.
“Sige, magpahinga ka muna dito, siguradong mapapagod tayo sa biyahe mamaya” paalam ni Javvy.
Pag-alis ni Javvy, naalala ni Timothy na bumili ng pasalubong para sa lolo’t lola niya kaya lumabas muna ng hotel na tinutuluyan nila. Nag-lakad-lakad siya hanggang nakakita siya ng bilihan ng empanada. Habang naghihintay siya ay meron isang lalaki na kasing edad niya ang lumapit sa kanya.
“Pare, ikaw ba yung kaibigan ni Javier?” tanong ng lalaki.
“Oo, ako nga” sagot ni Timothy.
“Mag-ingat ka sa kanya, manggagamit ang taong iyan” babala ng lalaki.
“Anong ibig mong sabihin?” nalilitong tanong ni Timothy.
“Ganito yan, nang mabalitaan niya na nag-aalok ng scholarship ang mayor, niligawan ni Javier ang babaeng anak ng mayor. Siempre sinagot siya ng babae dahil patay na patay siya kay Javier. Ang daming naghahangad sa scholarship na iyon, pero dahil sa paki-usap ng anak sa mayor at sa pinakitang kunwaring kabaitan ni Javier sa pamilya nila, sa kanya napunta iyon” kwento ng lalaki.
“Parang imposible naman ang sinasabi mo. Matalino si Javvy kaya niya nakuha iyon” pagtatanggol ni Timothy.
“Oo, kaya nga niya nagawa iyon dahil sa talino at diskarte niya, alam niyang marami siyang kaagaw kaya kinailangan niyang gumawa ng paraan, at nagtagumpay siya. Nang makuha ang gusto niya, halos hindi na niya kausapin ang anak ng mayor, nagdadahilan siya na marami daw pinagkaka-abalahan sa pag-aaral niya. Sa madalang na pagkakataon, tinatawagan niya si Mayor para kunwaring kumustahin sila at ang anak niya, pero ang totoo, pakitang-tao lang niya iyon para hindi mawala ang scholarship sa kanya” pagpapatuloy ng lalaki.
“Nasaan yung anak ng mayor ngayon?” tanong Timothy.
“Sa ibang bansa siya nag-aaralan. Isa nga iyon sa mga nagamit na dahilan ni Javier para hindi na niya maka-usap ang anak ng mayor. Bago iyon, marami pa siyang ginamit na tao dito pero dahil sa madiskarte siya, lahat nalulusutan niya iyon. Tignan mo ngayon, alam mo ba kung nasaan siya?” tanong ng lalaki.
“Hindi” maikling sagot ni Timothy.
“Ayon, nagpunta kay Mayor. Napag-alaman kasi ni Mayor na ilang araw na kayong nandito, at sigurado akong nagdadahilan na si Javier ngayon kung bakit hindi siya kaagad naka-bisita” pagpapatuloy ng lalaki.
“Ganoon ba?” tanong ni Timothy.
“Pare, sigurado akong hindi ka naniniwala sa akin, pero mag-ingat ka sa kanya” pagtatapos ng lalaki at tuluyan ng lumayo kay Timothy.
Hindi naniwala si Timothy sa mga sinabi ng lalaki, inisip niya na na-inggit lang siguro yon kay Javvy. Minabuti na rin niyang huwag sabihin sa katipan ang nangyari para hindi masira ang huling araw ng bakasyon nila.
Year 2010, Internet Café
“Timber, mag-iisang linggo na ng muling magpakita Javvy” sabi ni Patsy.
“Anong gusto ninyong gawin ko?” tanong ni Timber.
“Mag-tumbling ka sa harap namin” sarkastikong sagot ni Chigo.
“Ano pong order ninyo?” tanong ng waiter.
“Dating order namin” sagot ni Patsy, sabay pa-cute sa gwapong waiter.
“Sorry po, bago pa lang ako dito” sabi ng waiter.
“Isang fondante crêpe at hot chocolate” sagot ni Chigo, sabay kindat sa waiter.
“Chocolate cake at java chip chocolate frapuccino” si Patsy, na pinanlakihan ng mata sa Chigo.
“Clubhouse at iced caffee mocha” si Timber, natawa na lang sa kanyang mga kaibigan.
“Ok po, I’ll serve your order after twenty minutes” sabi ng waiter sabay tingin kay Chigo.
Muli na namang kinulit ng dalawa si Timber pagka-alis ng waiter.
“Timber, ganito lang yan, gusto lang namin malaman kung bakit ganoon ang naging reaction mo sa pagdating ni Javvy” panimula ni Chigo.
“Sa pagkaka-alam kasi namin, sobrang close kayo noong first year tayo, talagang hindi kayo mapaghiwalay, as in” pagpapatuloy ni Patsy.
“Ang daming nag-iintriga sa inyo dati, at marami rin ang nakakakita sa sweetness ninyo” si Chigo.
“Hindi naman sa nangingi-alam kami, curious lang kami sa nangyari sa inyo, gusto lang naming malaman kung bakit hindi mo pa siya kinaka-usap simula ng dumating siya” si Patsy.
“Ok, maybe it’s about time na sabihin ko na sa inyo ang nangyari sa amin” panimula ni Timber.
“Makikinig kami” sabi ni Chigo, sabay lapit ng dalawa kay Timber.
“Alam nyo naman na simula pa lang ng klase noong first year tayo, kaming dalawa na ni Javvy ang magkasama. Tama kayo, hindi talaga kami mapag-hiwalay kasi parehong nag-eenjoy kami sa isa’t isa. Kahit sa grouping dati pinipilit namin na kaming dalawa pa rin ang magkasama. Kahit nga kapag weekend nagkikita pa rin kami, kung minsan pumupunta sa amin, pero madalas pinapasyal ko siya” pagpapatuloy ni Timber.
“Pakiramdam mo na bata siya na kailangang ipasyal ng magulang niya?” tanong ni Chigo.
“Hindi iyon, alam niyo naman na galing siya sa probinsya at gusto ko na maging familiar siya sa Maynila” sagot ni Timber.
“Tapos?” tanong ni Patsy.
“Sa araw-araw na pagsasama namin at sa pagiging malambing niya, di ko naiwasang mapamahal sa kanya” pag-amin ulit ni Timber.
“OMG, ibig sabihin kalahi mo si Chigo, isa ka ring bisexual” nabiglang sabi ni Patsy.
“Huwag kang maingay baka merong maka-rinig sa’yo” pagsaway ni Timber.
“Brads, welcome to the club, ikaw ha, di ka nagsasabi. Bakit ka nahihiya, kailangan nga maging proud ka pa” masayang sabi ni Chigo.
“Hindi naman sa kinakahiya ko” sabi ni Timber.
“Hindi ka pa handang ipagsabi na bi ka?” tanong ni Patsy.
“Hindi rin, pero hindi naman kailangang ipagkalat pa, masaya na ako sa tanggap ko sa sarili ko kung ano ako” sagot ni Timber.
“Anyway, masaya ako kasi kahit sa amin lang ay inamin mo. Tuloy ang kwento” utos ni Chigo.
“Pero pinipilit ko ang sarili ko na pigilan ang nararamdaman ko sa kanya, kasi alam ko straight siya at kapag umamin ako baka masira lang ang magandang samahan namin. Ayaw ko naman umiwas sa kanya kaya pinagpatuloy ko na lang na itago ang nararamdaman ko para sa kanya. Hanggang isang araw, niyaya niya ako sa Manila Bay, ang sabi gusto niyang makita ang sunset. Habang pinagmamasdan namin ang paglubog ng araw, sinabi niya sa akin na mahal niya ako” kwento ni Timber.
“Ang sweet, and another OMG, bi din si Javvy” kinikilig at nabiglang sabi ni Patsy.
“Oo” maikling sagot ni Timber.
“Bakit ganyan kayo, hindi naman kayo nanganganak, pero dumadami kayo. Daig nyo pa nga ang mga bampira at gremlins kung magpadami ng population” natatawang sabi ni Patsy.
“At least ang mga bampira nangangagat at ang gremlins ay nababasa ng tubig kaya sila dumadami, pero kayo wala namang ginagawa pero patuloy pa ring ang pagtaas ng bilang ninyo, isama nyo na itong waiter na ito” sabay tingin ni Patsy sa waiter na naghahatid ng order nila.
Tumigil lang sa pagtawa si Patsy ng subuan siya ng chocolate cake ni Chigo.
“Eto naman, nasira tuloy ang lipstick ko. Pwede mo naman akong subuan, hindi ako tatanggi, huwag mo lang akong bibiglain” kunwaring pagtatampo ni Patsy.
“Ang ingay mo kasi, kung makatawa ka parang sa iyo ang lugar na ito” sagot ni Chigo.
“Sige, behave na ako” sabi ni Patsy.
“Anong sinagot mo kay Javvy?” tanong ni Chigo.
“Sinagot ko siya. Tutal mahal ko na rin siya kaya wala ng dahilan pa para tanggihan ko ang alok niya. Iyon ang isa sa mga pinakamasayang araw ko. Mas lalo akong ginanahan sa pag-aaral at mas naging masigla ang buhay ko. Masaya kami sa piling ng isa’t isa kaya wala kaming pakialam sa sasabihin ng ibang tao. Alam namin na merong naaasiwa kapag nakikita kami, pero hindi namin inintindi iyon. Umikot ang mundo ko sa kanya, lahat ng oras na pwede kaming magsama susulitin namin” kwento ni Timber.
“Kaya pala hindi namin kayo maka-usap dati, pagkatapos ng klase ay sisibat na kayo” sabi ni Chigo.
“Sayang, ang dami pa namang mga babae na gustong magpakilala sa inyo pero hindi nyo binigyan ng pagkakataon” si Patsy.
“Matalino si Javvy, lagi kaming mag-kasamang nagre-review, nagpapalitan ng notes, kung minsan nag-aadvance study pa kami sa mga subjects natin. Kaya kahit na kami, ay hindi napabayaan ang pag-aaral namin” pagpapatuloy ni Timber.
“Mukhang okay naman ang samahan ninyo pero bakit …..” sabi ni Patsy.
“Mahintay ka, di pa tapos ang kwento ni Timber” pagpigil ni Chigo kay Patsy.
“Minahal ko siya ng husto, ang dami ko rin binigay sa kanya, cellphone, iPod, mga damit at sapatos. Ako rin ang gumagastos sa mga lakad namin, kung minsan gusto niya siya naman ang manlibre pero tumatanggi ako kasi alam kong mas kailangan niyang ipunin ang pera niya. Nakapag-aral siya dito dahil sa scholarship project ng mayor nila at sakto lang ang binibigay na allowance sa kanya. Ang mga magulang niya ay hindi nakakapagbigay ng pera sa kanya kasi kulang din ang kinikita nila para sa pamilya nila” pagpapatuloy ni Timber.
“Ayos na ang lahat, sana, nagsimula lang kaming nagkaproblema noong kalagitnaan ng second semester. Bigla na lang siyang nag-iba, nawala ang paglalambing niya, unti-unti na ring nabawasan ang oras niya sa akin. Kinausap ko siya at ang sinabi ay meron daw problema ang pamilya niya, nag-alok ako ng tulong pero tumanggi siya. Sa halip, naki-usap siya sa akin na bigyan ko muna siya ng panahon para mapag-isa. Dahil sa pag-mamahal ko sa kanya, ginawa ko ang gusto niyang mangyari at ako naman ay binuhos ko ang oras sa pag-aaral” kwento ni Timber.
“Hanggang matapos ang second semester, nakita ko siya na merong kasamang babae, mayaman daw. Inisip ko na pinagpalit na ako ni Javvy at noon ko lang pinaniwalaan ang sinabi ng lalaki na lumapit sa akin sa Vigan, masakit mang isipin pero ginamit ako ni Javvy. Hindi na rin ako gumawa ng paraan para kausapin siya” pagtatapos ni Timber.
“Bakit nanahimik kayo?” tanong ni Timber sa dalawa.
“Di ko expected na ganoon pala ang nangyari sa inyo. Paano ka naka-recover?” tanong ni Patsy.
“Wala, nag-kunwari akong ayos ang lahat, parang normal lang, nakipagkita sa mga kabarkada ko noong bakasyon at sinulit ko ang oras sa bahay na kasama ang lolo’t lola ko. Hinayaan ko na ang oras ang humilom sa sugat ng puso ko” sagot ni Timber.
“Ngayon, kumusta ka naman?” tanong ni Chigo.
“Ok lang, sabi ko naman sa inyo na wala na iyon, kaya lang bakit ngayon pa siya dumating, kung kailan masaya na ako” sagot ni Timber.
Chapter Three – Break-up
A compilation of my thoughts, dreams and fantasies. Stories that describes best my simple wishes in life. In addition to that, I asked friends to contribute their talents in this site where reality and fantasy are as one. Welcome to my site. Welcome to my heart. I am Dalisay.
Thursday, January 6, 2011
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment