Friday, January 7, 2011

Forbidden Kiss - C6

6 0f 20
-----------------------

“Bye Liz” paalam ni Micco kay Liz.

“Mag-iingat ka duon bestfriend” maluha-luhang paalam ni Liz kay Micco.

“Oo naman Liz” sagot ni Micco. “Mga bata, papakabait kayo dito, wag masyadong papasakitin ang ulo ni Ate Liz.” pamamaalam ni Micco sa mga bata ng Fortitude.

“Bumalik ka kaagad kuya Micco” sabi ni Cherry “mamimiss ka ni Ate Liz, este namin pala.” pahabol nito.

Si Cherry, ang batang ulila na naging pinakamalapit kay Micco. Anak si Cherry ng mga dating volunteer sa Fortitude, galing sa Mindanao ang mga ito, subalit ng mamatay ang mga magulang niya sa isang aksidente ay wala ni isa sa mga kamag-anak niya ang kumupkop sa kanya. Alam na alam ni Cherry na may gusto si Liz kay Micco at gusto din naman ni Cherry si Micco para kay Liz.

“Ikaw talaga Cherry!” sabi ni Liz na namula bigla ang pisngi.

“Naku Liz, I will miss you din naman.” sabay ngiti ni Micco kay Liz.

Sa sinabing iyon ni Micco ay lalong namula si Liz at nagpabilis sa tibok ng kanyang puso.

“Ikaw talaga bestfriend.” sabay pisil sa ilong ni Micco.

“Sige na Micco” sabi ni Sis. Meding “nakakahiya kay Adrian, naghihintay.”

“Sige po sister” sabi ni Micco sabay ang pagmamano tanda ng pagpapaalam niya dito.

“Sige po Sis. Meding, akin na po muna si Micco.” nakangiting sabi ni Adrian sabay ang tingin nito kay Micco na may isang mapang-asar na ngiti. – “Humanda ka Micco” sabi ng isipan ni Adrian.

“Hulong, lumakad na kayo.” sabi ng madre.

Sa sasakyan ay tahimik ang pagitan ng dalawa. Ilang oras din ang biyahe para makarating sa bahay ni Adrian sa Maynila. Pagpasok nila ng SLEX ay agad na bumanat si Adrian –

“Baka nag-iwan ka pa ng katangahan virus sa ampunan” birong saad ni Adrian na may himig ng pang-aasar.

“Bahala ka nga diyan at magsalita ka ng magsalita!” sa loob-loob ni Micco. Tila wala itong narinig na pang-aasar kay Adrian.

Tila napahiya naman si Adrian sa hindi pagkibo ni Micco. “Aba, at hindi ka namamansin” sa loob-loob ni Adrian. Agad namang nakaisip nang bagong pang-asar si Adrian kay Micco nang mapansing hindi na ito tinatablan sa biro niyang tatanga-tanga ito.

“Lampa ka pala.” sabi ni Adrian.

“Wala kang pakialam!” wika ng isipan ni Micco.

“Puro ka lang pala yabang, lakas ng loob makipag-away hindi naman pala marunong makipagsuntukan.” sabi ulit ni Adrian.

Tulad kanina ay patay malisya si Micco na tila walang naririnig.

“Paano kaya kung pinatulan kita?” tanong ni Adrian “siguro makikipagsabunutan ka sa akin saka mo ako sasampalin at kukurutin.” wika ni Adrian kasunod ang isang mahinang tawa.

Agad namang napatingin si Micco kay Adrian sa mga sinabi nito, may matitiim na titig na tila kakain ng buong-buo.

“Sa wakas!” sabi ng utak ni Adrian. “Tama ako! Bakla ka nga.” kasunod ang isang mapang-asar na tawa.

“Wala kang pakialam kung bakla ako at lalong wala kang karapatang tawanan ang pagiging bakla ko!” sigaw ng isipan ni Micco.

“Kung bakla ako, siguro bakla ka din kasi pinapatulan mo pa ako at binubwisit.” sabi ni Micco kasunod ang isang ngiti, isang ngiti nang paghihiganti.

“Sinong bakla?” tila tinamaan ang pride ni Adrian.

“Ikaw!” walang kagatol-gatol na sabi ni Micco. “Hahahaha, kawawang Adrian, nabaliktad na ang nangyayari” tila may pagbubunyi sa kalooban ni Micco.

“Letseng Micco ka!” sabi ni Adrian sa sarili. “Hindi ako bakla, ikaw nga ang bakla di’yan kasi hindi ka marunong sumuntok.” sabi ni Adrian kay Micco.

Nagsimula na paunti-unting uminit ang tenga ni Micco – “Bakit, basehan ba ng pagiging lalaki ang pagsuntok? Bakit may gay boxing? Saka hindi naman lahat ng tunay na lalaki marunong sumuntok ah.” sabi ni Micco na nagsisimula ng mahalata ang pagkainis.

“Basta bakla ka!” sabi ni Adrian.

“Bakla ka din!” ganti naman ni Micco.

“Bakla bakla bakla, bakla si Adrian” tila pakantang pinaulit-ulit ni Micco kasunod ang mga pigil na tawa.

Biglang hininto ni Adrian ang kotse sa gitna ng SLEX sabay suntok sa may headboard ng upuan ni Micco. Sapat na ang suntok na iyon para matahimik si Micco sa kinauupuan niya. Nanginig, nataranta at natakot si Micco sa ginawang iyon ni Adrian. Muli ay pinaandar ni Adrian ang kotse niya at matulin na pinatakbo. Nagsimula ng matahimik ang pagitan ng dalawa, walang kibuan at imikan.

“Pikon pala si Adrian, hahaha” wika ni Micco sa sarili.

Ilang oras ding tahimik ang pagitan ng dalawa, at nakalabas na sila ng SLEX at tumawid sa kahabaan ng EDSA hanggang sa sapitin nila ang isang subdivision sa may Quezon City. Pagkapasok nila sa loob ng gate –

“Baba” mariing utos ni Adrian ka Micco.

“Bakit na naman?” tanong ni Micco.

“Basta bumaba ka!” pamimilit ni Adrian na mas madiin ang boses at mas matitiim ang titig.

Sa takot ay agad na bumaba si Micco. “Anong gagawin ko dito?” tanong ni Micco pagkababa ng kotse. Lalong bumilis ang tibok ng puso niya na hindi niya maintindihan at maipaliwanag ang kabang nararamdaman.

“Diyan ako nakatira, hanapin mo iyan.” sabi ni Adrian sabay bigay ng calling card niya na may kasamang address.

Agad na nilapitan ni Micco ang kotse at binuksan ang pinto subalit nakalock na ito. Mabilis namang pinatakbo ni Adrian ang kotse at iniwanan si Micco na nag-iisa.

Hindi pa man nakakalayo ay huminto ang kotse ni Adrian at bumukas ang pinto. Napangiti naman si Micco at agad niyang tinakbo ang kotse – “matino ka naman pala wika ni Micco sa sarili.

Nang malapit na siya sa kotse ay nakita niyang inihagis palabas ang dalawang travel bag niya, kasunod ang pagsasara ng pinto ng kotse.

“Binabawi ko na pala, masama talaga ang ugali mo” saad ng isipan ni Micco kasunod ang pagkalukot ng mukha niya.

Hindi na nga nagtagal ay nakarating na si Adrian sa bahay nila. – “Magdusa ka Micco” mahina niyang usal.

“Sir Adrian, nasaan na po ang music teacher nang mga bata?” tanong ng mayordoma nila Adrian.

“Darating din iyon pamaya-maya” sagot ni Adrian kasunod ang isang makahulugang ngiti.

Samantala ay hirap na hirap si Micco sa paghahanap ng bahay nila Adrian. Naglalakad siya sa gitna ng mataas na sikat ng araw, na may bitbit at hatak na mabibigat na bagahe.

“Tilapiang bilasa naman oh! Ang daming kanto at pasikut-sikot.” mahinang usal ni Micco “ni wala namang mapagtanungan.”

Diretso sa paglalakad ni Micco, para na siyang mukhang tanga na pabalik-balik at paikot-ikot sa loob ng subdivion at hanggang ngayon ay hindi niya alam kung nasaan na siya. Malapit na ding magtatlong-oras siyang tila basang sisiw na walang kasiguraduhan sa bawat kilos.

Isang pasasalamat at paglalakas loob niyang pinara ang isang kotseng papadaan. Naging mabait naman ang nagmamaneho at hinituan siya nito at nagbaba ng bintana.

“Good Morning Sir, do you know this address?” wika ni Micco. “Gwapo at mukhang over rich, dapat magpacute ako at makipagsosyalan” buyo ng isipan ni Micco na naging dahilan para mapintahan niya ang mukha ng isang napakatamis na ngiti.

“Yes, I know this address” sagot ng cute na pinagtanungan ni Micco “C’mon, I’ll take you there.” anyaya sa kanya.

Nakaramdam ng kakaibang saya si Micco nang marinig na sa wakas ay mararating na niya ang bahay ni Adrian at napapahinga na din ang mga binti at paa niyang ngawit na ngawit na.

“Lagot na, baka miyembro ito ng sindikato o kaya ay hold-upper, baka naman kidnapper” sabi ni Micco sa sarili ng maalalang madaming ganuon sa Maynila. “Hindi naman siguro kidnapper ito o kaya ay miyembro ng sindikato. Gwapo naman at saka wala sa itsura” sagot niya sa sariling katanungan “saka wala naman sigurong makakapasok sa isang exclusive subdivision ng mga ganuon” tila pagpapakalma niya sa sarili.

Sa kabilang banda ay nakaramdam ng pag-aalala si Adrian dahil mahigit isang oras na ay hindi pa din nakakadating si Micco sa kanila. Ngayon ngang magtatalong oras na ay lalong nadodoble ang kaba niya na baka may masamang nangyari kay Micco.

“Dapat lang sa kanya iyon” wika ng isipan ni Adrian.

“Hindi, baka mapano iyon” kontra ng kabila.

Sa ganitong mga isipin ay lalong gumugulo ang nararamdaman ni Adrian.

“Tatanga-tanga kasi” mahinang usal ni Adrian at pasakay na siya ng kotse para hanapin ito nang biglang may bumusina sa bahay nila.

“Sir, si Sir Alex po” sabi ng security guard.

“Sige pagbuksan mo na” sabi ni Adrian “ngayon pa dumating si Alex!” wika ni Adrian sa sarili na lalo namang kinabahan para kay Micco.

“Kilala mo pala si Adrian” sabi ni Micco sa taong nagpasakay sa kanya.

“Oo naman, sa kanila nga ako pupunta ngayon.” sagot naman nito “Alex nga pala.” pakilala ng lalaki sa kanya.

“Micco” kasunod ang isang ngiti.

Ngayon nga ay papasok na sila ng gate nila Adrian. “Akala mo Adrian” sabi ni Micco sa sarili “nakaisa ka man ngayon, hindi na mauulit pa!” dugtong pa ng isip niya ng tila may paghahamon.

Pagkababa ni Micco sa kotse ni Alex at sa pagkakita sa kanya ni Adrian ay agad namang nawala ang pag-aalala niya para dito. Agad niyang nilapitan ito at pinasalubungan ng isang malutong na batok.

“Tatanga-tanga ka kasi!” sabi ni Adrian.

Hindi nalang kumibo si Micco at mas minabuti niyang harapin si Alex at magpasalamat.

“Salamat Sir Alex!” sabi ni Micco.

“Wala iyon.” sagot naman ni Alex.

“Aba, huwag daw ba akong pansinin.” wika ni Adrian sa sarili.

“Buti ka pa may magandang kalooban, kakaunti na lang ang mga kagaya mo sa mundo at hindi ka katulad ng iba diyan” sabi ni Micco, bagamat naikwento niya kay Alex ang mga pinaggagawa sa kanya ni Adrian at kung bakit siya naglalakad sa gitna ng sikat ng araw.

Isang ngiti lang ang sinagot ni Alex sa kanya.

Nakaramdam si Adrian na siya ang pinapatamaan ni Micco. “Pumasok ka na sa loob at kumain ka na muna” sabi niya kay Micco. “Manang, andito na po si Micco” sigaw niya sa mayordoma nila.

Pagkalabas ng mayordoma nila ay agad niya itong inutusan para ipaghanda ng pagkain si Micco. Masaya naman nitong sinalubong si Micco at gayundin naman si Micco.

“Maya-maya darating na ang mga bata” sabi naman ni Adrian.

Bago kumain ng hapunan ay ipinakilala muna ni Adrian si Micco sa mga bata.

“I want you to meet your music teacher” sabay tingin kay Micco “here is your Tito Micco.”

“Good Evening Tito Micco” sabay-sabay na bati sa kanya ng mga bata.

“Please to meet you” sagot ni Micco at isang ngiti ang pinahabol nito.

“Introduce yourself one by one” tila utos ni Adrian sa mga pamangkin.

“I’m Melissa” tila suplada nitong pakilala kay Micco.

“Nice to meet you Melissa, you’re very beautiful, especially when you smile” sagot ni Micco na tila nang-uuto.

Irap lang ang sinagot ni Melissa kay Micco.

“I am the cutest here, as cute as my tito Adrian. I’m James” pakilala ng pangalawa.

“Nice to meet you James” sagot ni Micco – “Pero hindi sana kasing sama ng ugali mo ang ugali ni Adrian” tila bulong niya sa sarili.

“I’m pretty Nicole, the ultimate lovable and huggable young girl” pakilala ng pangatlo sabay yakap kay Adrian.

“Nice meeting you Nicole” sagot ulit ni Micco na may ngiti. “Alis diyan bata baka mahawa ka sa ugali niyan” komento ulit ni Micco sa sarili.

“Margareth” sabi ng pang-apat sabay takbo para yakapin si Micco.

“You’re so sweet Margareth” sabi ni Micco.

“Charles” sabi ng ikalima sabay din ang takbo para yakapin si Micco.

“Another sweet kid” sabi ulit ni Micco.

Tumakbo muna ang ito at yumakap kay Micco na naging sanhi para mapaupo ito at kamuntikan nang tumumba.

“Eugene, be careful next time” sabi ni Adrian at tinulungang tumayo si Micco sabay bulong – “ayan, hindi pa man nahahawa na sa katangahan mo.” sabi ni Adrian.

“I’m Eugene” sabi ng ika-anim.

“Another sweet kid” sagot ni Micco na pilit itinago ang asar kay Adrian.

“Where’s Matthew?” tanong ni Adrian sa mga bata.

“He’s upstairs” sagot ni Melissa.

“Tito Adrian” sigaw ng isang bata mula sa taas.

Agad namang napalingon si Micco sa gawing iyon ng bata.

“Matthew” sabay na sabi ni Adrian at Micco.

Agad namang napalingon si Matthew sa gawi ni Micco – “Kuya Micco” sabi nito at mabilis na tinakbo ang lugar ni Micco.

Agad namang niyakap ni Matthew si Micco – “I missed you so much Kuya Micco” sabi nito kay Micco.

“I missed you too Matthew” sabi ni Micco.

Nagtataka man ay inaya na ni Adrian ang lahat para sabay-sabay silang kumain. Wala sa mga plano ni Micco na sabayan ang mga ito. Subalit pinilit siya ni Adrian para maksabay na sa kanila.

Nagulat man si Micco dahil nakita niyang maging ang mga maids at iba pang katiwala sa bahay ay kasabay nilang kakain. Hindi ito ang karaniwan niyang nakikita sa mga kaibigang mayayaman at sa mga kaibigan ng mga magulang na mayayaman.

“Mabait naman pala itong mokong na ito” wika ng isipan ni Micco.

“”Tomorrow is Saturday, so bukas na magsisimula ang music lesson ninyo kay Tito Micco” sabi ni Adrian sa mga bata.

“I hope to learn more in singing” sabi ni Margareth.

“Hindi ka naman marunong kumanta ah” kontra ni James.

“Who told you that?” sagot ni Margareth.

“Tigil na iyan, baka mag-away pa kayo” saway ni Adrian.

“Sorry po Tito Adrian” sabay na sabi ni Margareth at James.

Natapos na ang araw, at dumating na ang kinabukasan. Masayang sinalubong ni Micco ang mga bata, hinintay sa may terrace para duong simulang ang kanilang gagawin sa araw na iyon. Kaharap ang isang organ ay sinimulan na muna nila ang basic exercise para maayos ang vocal strands ng mga bata. Dinaanan muna sa breathing exercise, pagkatapos ay ang basic na Do – Re – Mi at itinuro ang kantang Do – Re – Mi.

“Sandali lang, may kukuhanin lang ako” paalam ni Micco sa mga bata.

“Sige po Tito Micco” sagot ng mga bata.

“He should be out” sabi ni Melissa pagkaalis ni Micco “I hate him.” sabi pa nito.

“I want Tito Micco, I want him to stay.” sabi naman ni Margareth.

“Tama, I also like Tito Micco” sang-ayon ni James.

“I want him out, out of the house and out of our life” sabi ni Melissa “he is annoying.” dugtong pa nito.

“Hindi naman kaya annoying si Tito Micco” sabi naman ni Charles.

“Tama, kakatuwa nga si Tito Micco” kontra ni Eugene kay Melissa at sang-ayon kay Charles.

“Tito Micco is the second bestest to Tito Alex” sabi naman ni Nicole.

“I agree” sabi nilang lahat.

“He is not, I don’t want to call him Tito neither any names. I hate him so much” sabi ni Melisa “If you don’t want to, then, I will do it my way just to keep him away.” sabi ni Melissa.

“Don’t be like that” sabi naman ni Matthew “Kuya Micco is a good person, he is caring and loving. Give more time to know him and I’m sure you will love Kuya Micco” dugtong naman ni Matthew na inayunan ng lahat.

“Shut up stupid orphan” sigaw ni Melissa kay Matthew.

Si Melissa ay masyadong na-trauma sa pagkamatay ng mga magulang niya. Ang tingin niya sa lahat ng mga tao ay masasama at hindi pwedeng pagkatiwalaan. Para sa kanya ay ang Tito Adrian lang niya at ang Tita Joan niya pati ang mga lolo at lola lang ang pwedeng pagkatiwalaan. Galit na galit siya kay Matthew at sa pag-aampon dito.

“What’s that noise all about?” tanong ni Micco nang makabalik sa mga bata dala ang ilang lyrics ng mga kantang pwede nilang kantahin.

“Nothing” sagot agad ni Melissa habang nakatahimik ang lahat.

“Ayos pala, kahit hindi ako natuloy sa Italy magagamit ko din pala ito” sabi ni Micco habang ibinibigay sa mga bata ang mga kopya.

Natapos na ang maghapon, ngayon ng ay nasa terrace si Micco at nag-iisip. Malalim na malalim ang iniisip, ang pamilya niya ang pagsisinungaling niya sa kanila at ang mga bata. Nilapitan naman siya ni Adrian.

“Kamusta ang mga bata?” tanong sa kanya ni Adrian “nahawa mo ba ng katangahan?” tanong na pahabol nito.

“Ayon, madadaling turuan.” sabi naman ni Micco.

“Good, mainam kung ganun” sabi ni Adrian sabay gulo sa buhok ni Micco.

“Buti pa ang mga bata, mababait” sabi ni Micco “hindi katulad ng iba diyan.” sabay ang isang buntong-hininga.

“Ako na naman ba ang pinaparinggan mo?” tanong ni Adrian kay Micco.

“Bakit tinatamaan ka?” sabi ni Micco “iilag ka kasi.” kasunod ang isang tawa at sabay na pumasok sa loob ng bahay.

“Bakla” sigaw ni Adrian.

Imbes na sagutin ay lumingon lang ito kay Adrian at dinilaan kasunod ang isang ngiting mapang-asar.

“May araw ka din!” mahinang usal ni Adrian.

No comments: