Thursday, January 6, 2011

Dos Tiempos ..... Capítulo Dos

Capítulo Dos – Oferta


Taong mil ochocientos noventa uno (1891), tag-init.


“Kaibigang Yago, magandang araw sa’yo” bati ni Miguel sa kaibigan.

“Buenas tardes, amigo” sagot ni Yago.

“Kanina pa ako naghahanap, andito ka lang pala sa plaza” sabi ni Miguel.

“Patawad aking kaibigan, nalibang kasi ako sa paglalakad at hindi ko namalayan na nakalayo na pala ako sa ating tagpuan” paliwanag ni Yago.

“Huwag mong bigyan ng pansin iyon, hindi naman ako nahirapan sa paghahanap sa’yo. Saan mo gustong magtungo ngayon?” tanong ni Miguel.

“Gusto kong pumunta sa isang lugar na makikita ko ang buong nayon” sagot ni Yago.

“Meron akong alam na perpektong lugar para sa iyo” magiliw na tugon ni Miguel.

Nilisan ng magkaibigan ang plaza, masaya silang naglakad patungo sa lugar na sinasabi ni Miguel. Nadaanan nila ang simbahan kung saan makikita ang mga prayle na nagmamasid sa mga dumadaan na tao, at merong mga iilang Mestizo at Kastila na lumalapit sa kanila para magbigay galang.

“Miguel, dito tayo dumaan” pagyaya ni Yago ng makita ang isang kalye na puno ng mga nakahelerang bahay na bato sa magkabilang gilid at mga kalesa na bumabaybay sa batong kalye.

“Hindi pwede dyan” pagsaway ni Miguel.

“Bakit hindi pwede o ayaw mo lang?” tanong Yago.

“Tignan mo nga ang hitsura natin kumpara sa kanila” paliwanag ni Miguel.

“Ano namang masama sa hitsura natin, makisig naman tayo at maayos naman ang suot nating kamiseta at salawal” sabi ni Yago.

“Yun na nga ang problema, kapag nakipaghalubilo tayo sa kanila, magmumukha tayong mga alipin. Tignan mo naman ang mga kababaihan, ang gagara ng mga kasuotan nilang gawa sa pinya at seda, na dinagdagan din ng mga naglalakihang alahas” patuloy sa pagsaway ni Miguel.

“Ano bang masama doon, hindi nila pagmamay-ari ang kalsadang ito, kahit tayo ay may karapatang dumaan dito” sabi ni Yago at tuluyan ng nakipagsabayang naglakad sa mga Mestizo at Kastila sa kalsada, at wala ng nagawa si Miguel kungdi sundan ang kaibigan sa paglalakad.

“Sa susunod nga ay mag-dahan-dahan ka naman sa mga kilos at desisyon mo, kapag napahamak tayo sa ginawa mong ito …..” di na natapos ni Miguel ang sasabihin nang sumabat si Yago.

“Ano, hahalikan mo na naman ako?” mapang-asar sa sabi ni Yago.

“Wala akong sinabing ganyan, baka ikaw ang nagkagusto sa paghalik sa akin. Mamaya na nga natin pag-usapan ito, baka meron pang ibang makarinig sa atin. Naalala ko, meron ka palang sasabihin sa akin?” pagpapa-alala ni Miguel kay Yago.

“Amigo, meron ng iniirog ang puso ko” nahihiyang sabi ni Yago, dahil sa kahinaan ng boses niya ay hindi narinig ng kaibigan ang kanyang sinabi.

“Ano? Hindi ko narinig, ang hina kasi ng boses mo. Pwedeng paki-ulit naman” paki-usap ni Miguel.

“Uulitin ko kung mahahabol mo ako” natutuwang sabi ni Yago sabay takbo.

“Huwag mong dalhin ang kakulitan mo dito ….” muli, di na natuloy pa ni Miguel ang sasabihin dahil tuluyan ng tumakbo ang kaibigan.

Parehong nag-ingat sa pagtakbo ang mag-kaibigan, kahit nagkukulitan ay ayaw nilang maka-istorbo sa mga Kastila, sa mga nagpapanggap na mga Kastila, at sa mga Pilipino na merong katayuan sa buhay. Bahagyang lumingon si Yago para tignan kung malayo ang agwat ng kaibigan niya ng biglang natumba dahil meron siyang nabangga.

“Lo siento, señor” paghingi ng paumanhin ni Yago sa nabanggang lalaki na nakasuot ng barong tagalog.

“Señor, patawad po, di po sinasadya ng kaibigan ko ang mabangga kayo” si Miguel na mabilis na nakahabol.

“Nakaka-aliw naman kayong dalawa” natutuwang sabi ng lalaki.

“Pasensya na po talaga” muling pagsusumamo ni Miguel.

“Walang anuman yon, mga iho. Mabuti ako ang nabangga ninyo, kung yung ibang mga kabayan natin na nag-aastang mayaman ang naiistorbo ninyo, siguradong makakadinig kayo ng mga hindi kanais-nais na salita. Nakakatuwa nga, pinapakita nilang relihiyoso sila dahil sa nalakihang rosaryong ornamento na suot nila sa kanilang leeg, pero mas daig pa nila ang mga Kastila kung mang-alipusta ng mga kapwa nila” mahabang paliwanag ng lalaki.

“Maraming salamat po sa paalala” si Miguel.

“Mas maiigi kung umiwas kayo sa lugar na ito, hindi ko sinasabing hindi kayo nababagay dito pero para huwag kayong mapahamak” paalala ng lalaki.

“Salamat po, at hayaan po ninyo na pagsasabihan ko itong kaibigan ko” sabi ni Miguel sa lalaki.

“Gracias, señor” pasasalamat ni Yago sa lalaki.

“Walang anuman mga iho, mag-ingat kayo. Adios” paalam ng lalaki.

“Adios, señor” sabay na wika ng mag-kaibigan sabay kaway ng kamay sa lalaki.

Nang makalayo ang lalaki ay hinila ni Miguel ang kaibigan sa isang makipot na pasilyo para pagsabihan at maka-iwas na sa mga dumadaang tao.

“Ang kulit mo kasi, sinabi ko naman sa iyo na huwag tayong dumaan sa kalyeng ito” napipikong sabi ni Miguel.

“Wala namang masama na dumaan sa kalyeng ito, ang masama ay ang pagmamataas ng mga kababayan natin at ang pagpipilit nilang magpanggap na mayaman para mapansin ng mga Kastila. At sa ginagawa nilang iyon, para na rin nilang binasura ang katauhan nila” paliwanag ni Yago, na merong halong galit sa boses niya.

“Mag-dahan-dahan ka nga, baka meron makarinig sa atin dito” pagbabawal ni Miguel.

“Bakit ako matatakot sa kanila? Mas gugustuhin ko pang lumabas sa kalye na ganito ang suot ko, simpleng tela ang gamit at walang sinusuot na kahit ano mang ornamento sa katawan, dahil sa hitsura kong ito, makikilala ako ng ibang tao na meron pagmamahal sa bayan” pagpapatuloy ni Yago.

“Masyado ng nagiging seryoso ang usapan natin, tayo na nga at magtungo muna tayo sa ilog at uminom ng sariwang tubig para kumalma ang pakiramdam mo” pagyaya ni Miguel.

“Hindi naman maiinit ang ulo ko, ang sa akin lang naman, dapat ay huwag nating ipagkanulo ang ating pagkatao kapalit ng karangyaan sa buhay. Mas magandang matamasa ang karangyaan kung pinagpaguran ito” pagtatapos ni Yago.

Parehong tahimik na tinahak ng magkaibigan ang daan papunta sa ilog. Sa pagkakataong ito, hindi muna nangulit sa Yago at hindi na rin nagsalita si Miguel para walang masabi ang kaibigan. Makaraan ang ilang minuto ay narating nila ang ilog at sabay na uminom ng sariwang tubig.

“Patawad sa inasal ko kanina. Hindi ko lang kasi maatim ang ginagawa ng ating mga kababayan” panimula ni Yago.

“Hindi mo naman kailangan bigyan ng pansin yon, at kagaya nga ng sinabi mo, dapat tanggapin natin kung anong meron tayo” sabi ni Miguel.

“Malamang na tama ang tinuran mo, siguro nga ay masyado lang akong nagpa-apekto. Hayaan mo, sa susunod huwag na tayong dumaan doon” si Yago.

“Di ba meron kang sasabihin sa akin?” muling tanong ni Miguel.

“Mamaya na, kailangan ko ulit kumuha ng lakas ng loob. Saan nga pala tayo tutungo?” tanong naman ni Yago.

“Pupunta tayo sa burol, di ba gusto mong makita ang kabuuan ng bayan” sagot ni Miguel.

“Tayo na at baka gabihin tayo. Malayo pa ba ang burol mula dito?” muling tanong ni Yago.

“Malapit na lang, kalahating oras pa ang lalakarin natin” sagot ni Miguel.

Hindi na nagreklamo si Yago, basta na lang siya sumabay sa paglalakad kay Miguel, at patuloy siyang nanahimik.

Hindi mawari ni Miguel ang katahimikan ng kaibigan, kung dala pa ba ito ng pagkainit ng ulo niya o sadyang kumukuha lang talaga siya ng lakas ng loob para sa sasabihin. Nang mapansin ni Yago na walang tao sa paligid nila ay hinawakan niya ang kamay ng kaibigan habang naglalakad sila.

“Kailangan pa bang hawakan mo ang kamay ko?” tanong ni Miguel.

“Oo, baka kasi maligaw ako” sagot ni Yago.

“Ganoon ka pala kapag maiinit ang ulo, di ka pala maka-usap. Dapat pala sa’yo ay kinukulit” natutuwang sabi ni Miguel.

“Anong ibig mong sabihin?” tanong ni Yago.

“Habulin mo ako” sigaw ni Miguel at bumitiw sa pagkakahawak ng kamay kay Yago.

“Ang daya mo talaga, hindi ako handa” pagtatampo ni Yago, pero wala na siyang magawa kungdi habulin ang kaibigan sa dahilang ayaw niyang mawala sa paningin nito kasi hindi niya alam ang daan papunta ng burol.

Lumipas din ng ilang minuto ang habulan nila. Kahit na pagod ay presko pa rin ang pakiramdam dala ng sariwang simoy ng hangin sa paligid.

“Yago, bilisan mo, ang bagal mo naman” pangungutya ni Miguel sa kaibigan, siempre una siyang nakarating sa taas ng burol.

“Dinaya mo kasi ako” sagot ni Yago.

“Maupo muna tayo sa paanan ng malaking puno para makapagpahinga tayo” pagyaya ni Miguel sa kaibigan.

“Ang ganda ng tanawin dito, ang gandang pagmasdan ng bayan mula sa taas ng burol” namamanghang sabi ni Yago.

“Oo naman, maswerte tayo kasi sinabayan pa ng pagpapakita ng bahaghari, tignan mo” sabi ni Miguel sabay turo sa makulay na bahaghari.

“Napakagandang tanawin, at mukhang nakikisabay pa ang mga paru-paro sa pagsasaya natin” masayang sabi ni Yago.

Tahimik. Parehong ninamnam ng magkaibigan ang pagtanaw sa magandang tanawin na sinabayan din ng musika na dulot ng huni ng mga ibon.

“Salamat sa pagdala mo sa akin dito. Ngayon pa lang ako nakakita ng ganitong kagandang tanawin” seryosong sabi ni Yago sabay tingin sa mukha ni Miguel.

“Madalang lang kasi akong makapunta dito, may kalayuan kasi at tinatamad akong maglakad na mag-isa. Bakit nakatingin ka sa mukha ko?” tanong ni Miguel.

“Mas magandang tignan ang paligid kung meron ka ring tinitignan na makisig na kaibigan” paglalambing ni Yago.

“Tumigil ka nga diyan, ako na naman ang napagtuunan mo ng pansin” sabi ni Miguel sabay tayo at kumuha ng ilang piraso ng maliliit na bato.

“Miguel, hindi ako nagbibiro, gustong-gusto ko talaga na pagmasdan ang mukha mo. Kapag hindi tayo magkasama, lagi kong hinahanap ang makisig na mukha ng kaibigan ko” paliwanag ni Yago.

“Hindi ako naniniwala sa’yo. Ano nga pala ang sasabihin mo?” tanong ni Miguel.

“Nahihiya pa rin ako, pwedeng sa susunod na lang na pagkikita natin” pabirong sabi ni Yago, tumayo na rin siya mula sa pagkaka-upo sa paanan ng malaking puno, tumabi siya sa kaibigan na patuloy pa rin ang paghagis ng mga bato sa hangin.

“Sige na, sabihin mo na” pangungulit ni Miguel.

“May tinitibok na ang puso ko” nahihiyang sabi ni Yago.

“Bakit namumula ang pisngi mo? Wala namang masama kung ipagkalat mo ang nilalaman ng iyong puso. Ikaw talaga ang lakas ng loob mo pagdating sa kulitan, pero naduduwag ka pala pagdating sa pag-ibig” panunukso ni Miguel sa kaibigan.

“Hindi kasi ako sanay, hindi ko maipaliwanag ang pakiramdam. Kung bubuksan mo ang puso ko, mas maganda pa sa tanawing ito ang makikita mo” malambing na sabi ni Yago.

“Sino naman ang mapalad na dilag na nakabighani sa puso ng aking kaibigan?” tanong ni Miguel.

Tahimik.

“May nasabi ba akong hindi maganda?” muling tanong ni Miguel.

“Hindi isang dilag ang iniirog ko” lakas loob na pag-amin ni Yago at pumuwesto sa likod ni Miguel, yumakap siya sa bewyang at nilagay ang baba sa balikat ng kaibigan.

“Anong ibig mong sabihin?” tanong ni Miguel, parang merong sariling utak ang mga kamay niya na humawak sa magkabigkis na kamay ng kaibigan niya.

“Miguel, ikaw ang tinitibok ng puso ko” pag-amin ni Yago, sabay tingin niya kay Miguel at dahil sa pagkabigla ay tumingin si Miguel sa likod dahilan upang magtama na naman ang kanilang mga labi.



Chapter Two – Proposal

No comments: