Thursday, January 6, 2011

Dos Tiempos ..... Capítulo Siete

Capítulo Seite – La Verdad


Dahil sa galit ay sobrang bilis ang ginawang pagtakbo ni Miguel, pero kahit anong bilis niyang tumakbo alam ni Yago na maabutan pa rin niya ang katipan. Hindi mapapalagpas ni Yago ang araw na iyon na hindi nakaka-usap ang katipang si Miguel.

Habang abala sa pagtakbo ang dalawa tsaka naman bumuhos ang malakas na ulan, kasabay ng tuluyang paglubog ng araw. Dahil sa dilim ay nahirapang hanapin ni Yago si Miguel, pero nagpatuloy pa rin siya.

“Miguel?” pagkakita ni Yago sa isang tao na naka-upo sa mga ugat ng isang malaking puno.

“Tulong” mahinang sabi ni Miguel.

“Anong nangyari sa’yo?” tanong ni Yago.

“Hindi mo ba nakikita, dahil sa basa ang daanan ay nadulas ako dahilan upang mapilay ang paa ko” masungit na sagot ni Miguel.

“Tulungan na kita” sabi ni Yago.

“Huwag kang lalapit sa akin” sigaw ni Miguel.

“Irog ko, kailangan matignan ko ang pilay mo, dadalhin kita sa kamalig” pagpupumilit ni Yago.

“Ayaw ko, hindi kita kilala kaya hindi ako hihingi ng tulong sa’yo” patuloy na pagtanggi ni Miguel, kahit na sobrang sakit ang nararamdaman dulot ng pilay niya.

“Irog ko, isipin mo na lang na isa akong estranghero na napadaan dito at tutulungan ka” pangungulit ni Yago.

“Pareho lang iyon, paki-usap huwag ka ng magpumilit dahil mas nararagdagan lang ang sakit na nararamdaman ko” pilit pa ring pagtanggi ni Miguel.

“Irog ko, kung ganyan ang nais mo, mamarapatin ko pa ring samahan kita dito. Hindi ko maatim na iwanan kita dito na ganyan ang sitwasyon mo” panunuyo ni Yago, umupo na siya sa tabi ni Miguel.

“Sadyang makulit ka talaga. Kung nais mo talagang tulungan ako, sige, papayag na akong dalhin mo ako sa kamalig pero iwanan mo na ako doon” pagsuko ni Miguel, alam kasi niya na hindi niya matatalo ang kakulitan ni Yago.

Binuhat ni Yago si Miguel, kahit nahihirapan siya ay pinilit niyang makarating sila sa kamalig para hindi na sila mabasa ng ulan at pakapag-patuyo na rin sila ng damit at katawan.

“Ano pang ginagawa mo dito?’’ masungit na tanong ni Miguel.

“Irog ko, naghahanap ako ng lampara para mainitan at magkaroon tayo ng liwanag dito” sagot ni Yago.

“Sa pagkakatanda ko kasi, ang usapan natin kanina ay iiwanan mo na ako dito. Wala sa usapan natin na sasamahan mo pa ako. Makaka-alis ka na, kaya ko na dito” pagsusungit ni Miguel.

“Irog ko, hindi ko kayang gawin iyon” patuloy pa rin si Yago sa paghahanap ng lampara at posporo.

“Ihinto mo na nga ang pagtawag sa akin ng irog, simula ngayon ay tinatapos ko na kung ano man ang namamagitan sa atin” seryosong sabi ni Miguel.

“Tatanggapin ko lahat ng gusto mong mangyari, pero hindi ko kayang iwanan ka dito na ganyan ang sitwasyon mo. Sasamahan kita dito hanggang hindi tumitila ang ulan at ihahatid pa kita sa inyo para alam kong ligtas ang pag-uwi mo” malungkot na sabi ni Yago.

“Yan ang huwag na huwag mong gagawin, kahit kailan ay hindi ko ipapa-alam sa’yo kung saan ako nakatira” pagtanggi ni Miguel.

Malungkot na tinanggap ni Yago ang lahat ng masasakit na salita at desisyon ni Miguel, alam niya na malaki ang nagawa niyang kasalanan sa katipan at wala siya sa posisyon para tumanggi kay Miguel. Ang alam niyang gawin ngayon ay ang magpaliwanag kay Miguel, kahit na mag-sungit pa ito. Matapos ang ilang minuto, ay nakahanap din ng lampara at posporo si Yago.

“Miguel, hubarin mo muna ang kamiseta mo para hindi lamigin ang likod mo. Eto, may nakita rin akong kapirasong tela doon, ibalabal mo sa katawan mo para hindi ka rin tuluyang lamigin” panunuyo ni Yago.

Walang magawa si Miguel kung hindi sumunod, alam niya na para rin sa ikakabuti niya iyon. Pagkasindi na lampara, siya namang tanggal ng kamiseta ni Miguel, dahilan upang maaninag ni Yago ang hubad na katawan ng kasama. Nais niyang yakapin si Miguel para maiinitan pero alam niyang tatanggi siya, kaya minabuti niyang huwag na lang kulitin at bilang respeto na rin.

“Miguel, akin na ang paa mo. Hihilutin ko ng bahagya para mabawasan ang pamamaga at ang sakit” pag-alok ng tulong ni Yago.

Akmang tatanggi sana si Miguel pero dahil na rin sa sakit na dulot ng pilay niya ay pumayag na rin siya.

“Alam mo….” hindi pa man tuluyang nagsisimula si Yago sa sasabihin niya ay pinutol na ni Miguel yon.

“Paki-usap, pumayag na akong samahan ako dito sa kamalig, kaya sana huwag ka ng mag-aksaya ng panahon para magpaliwanag, hindi ako makikinig sa’yo” muling pagsusungit ni Miguel.

Tila walang narinig si Yago, gusto niya talagang magpaliwanag kay Miguel.

“Noong una akong nakarating sa bayan ninyo, sobrang natuwa ako dahil ibang-iba ito sa lugar namin, mayapa at tahimik. Nagmasid-masid muna ako sa lugar ninyo, naglibot at pinag-aralan kung paano kumilos at magsalita ang mga tao. Ginawa ko iyon para hindi ako mapag-kamalang galing sa ibang lugar” panimula ni Yago.

Wala ng magawa si Miguel kung hindi makinig, nakita niya sa mga mata ni Yago na seryoso siya kaya naman hinayaan na niya itong magsalita.

“Isang araw habang naglalakad ako sa plaza ay nakita kita, unang kita ko pa lang sa’yo ay magaan na ang loob ko. Lalapitan na sana kita ng bigla naman lumapit ang mga kapatid mo sa’yo. Kung dati ay dalawang beses sa isang buwan lang ako magpunta dito, dumalas iyon ng makita kita. Hindi ako mapakali noon hangga’t hindi kita nakikilala” kwento ni Yago.

Sa mga sandaling iyon ay panandaliang nakalimutan ni Miguel ang galit na nararamdaman kay Yago, tila ba mas ninais niyang balikan na rin ang mga ala-ala nila noong bago pa lang silang magkakilala.

“Tanda mo pa ba noong una tayong magkakilala?” tanong ni Yago.

“Oo, sa harap ng simbahan, nabunggo mo ako” sagot ni Miguel.

“Sinadya ko iyon, wala na kasi akong maiisip na dahilan para makilala ka. Bawat linggo na pagpunta ko dito, nasasabik akong makita ka. Masaya ako kapag kasama ka, tila ba nawawala ang lahat ng mga suliranin ko sa buhay. Noong una pa lang ay gusto ko ng ipagtapat sa’yo ang lihim ko, kaya lang inunahan ako ng takot, takot na hindi mo ako paniwalaan at layuan mo ako, kaya pansamantala ko munang itago sa’yo yon” pagpapatuloy ni Yago.

Inayos niya ang lampara para mas lalong mainitan ang pakiramdam ni Miguel.

“Hindi ko sinadyang umibig sa’yo, gusto na kitang layuan noon dahil alam kong masasaktan kita. Pero malakas ang pagtawag ng puso ko sa pangalan mo. Kahit na alam kong komplikado ang lahat, nagtapat pa rin ako ng pag-ibig sa’yo. Mas lalong sumaya ang buhay ko ng dahil sa’yo, binigyan ng panibagong sigla ng pagmamahalan natin ang buhay ko. Sa bawat lundag ng puso ko dahil sa sayang nararamdaman ko kapag kasama kita, ganoon naman ang sakit na dulot ng pagbagsak nito dahil sa paglilihim ko sa’yo. Miguel, maniwala ka, wala akong intensyong maglihim at saktan ka, aaminin ko rin sa’yo, kumukuha lang ako ng tamang pagkakataon” pagtatapos ni Yago.

“Sino ka ba talaga at saan ka nanggaling?” seryosong tanong ni Miguel.

“Ako si Timothy Bermudez, mula sa panahong 2010” sagot ni Yago.



Taong 2010. Internet Café.

“Ano?” sigaw ni Patsy.

“Anong ibig mong sabihing galing sa ibang panahon si Mitos?” tulalang tanong ni Chigo.

“Oo, nagkikita kami sa taong 1891” masayang sagot ni Timber.

“Timber, hindi mo naman kailangang mag-imbento ng kwento, mga kaibigan mo kami kaya naiintidihan ka namin kung bakit hindi mo pinapakilala si Mitos sa amin, kung bakit hindi siya nakakasama sa mga gimik natin at kung bakit wala kang pinapakitang pictures niya” paliwanag ni Patsy.

“Hindi ako nag-sisinungaling” pagpapatuloy ni Timber.

“Ok, sige, aaminin ko na rin, taga-ibang planeta ni Milton ko kaya hindi ko rin siya maiharap sa inyo. Pumapara ako ng space ship sa may kanto namin para may masakyan ako papuntang Jupiter, doon kami madalas mag-date. At iyong mga picture niya na pinakita ko sa inyo, edited lang ang mga iyon. Oo, isang alien si Milton” panimula ni Chigo.

“Seryoso?” nalilitong tanong ni Patsy.

“Eto naman, kaagad naniwala, nakikisakay lang ako sa biro ni Timber” natatawang sabi ni Chigo.

“Guys, hindi ako nagbibiro, seryoso ako” pangungumbinsi ni Timber.

“Noong una, gusto kong magtampo sa’yo, kasi hindi mo kaagad sinabi sa amin na bisexual ka at nagkaroon ng relasyon kay Javvy. Pero dahil kaibigan ka namin, tinanggap namin iyon, pero sa pagkakataong ito ang hirap tanggapin at paniwalaan” naguguluhang sabi ni Patsy.

“Ano ito, sort of time travel?” tanong ni Chigo.

“Oo, ako ang nakaka-balik sa panahon nila, sa nakaraan” pag-amin ni Timber.

“Ano ang susunod mong aaminin sa amin, pinsan mo Spider-man?” tanong ni Chigo.

“At kinakapatid mo sina Aquaman at The Flash?” panggagatong ni Patsy.

“Ang totoo mong mga magulang ay sina Superman at Wonderwoman na sakay ng Invisible Plane kaya hanggang ngayon ay hindi pa namin sila nakikita” pagpapatuloy ni Chigo.

“Hala, issue yan” patawang sabi ni Patsy.

“Baka naman magkasalubong tayo sa susunod kong pagpunta sa Jupiter?” tanong ni Chigo.

“Baka sa susunod ay aminin mo sa amin na kaya mo ring magpalit ng anyo o nakakabasa ng isip” si Patsy.

“Ano pa kaya ang susunod mong aaminin sa amin, alam ko na, baka sabihin mo sa amin na nasa Atlantis ang resthouse ninyo?” pangungutya ni Chigo.

“Hindi, OA naman iyon, pwede pa na nagkikita rin sila ni Peter Pan sa Neverland” sabi si Patsy sabay tawa.

“Siguro isa kang Mutant?” tanong ni Chigo kay Timber.

“Hindi, malamang Gremlins, baka ibang Timothy ang kasama natin noong nagpalit siya ng pangalan tapos ngayon ibang Timothy na naman ang kasama natin. Maawa ka, ibalik mo na sa amin ang kaibigan namin” paki-usap ni Patsy kay Timber, sabay tawa.

“Alam ko na, isa siyang bampira at kinukwento lang niya sa atin ang karanasan niya noong 1891” sabi ni Chigo sabay tawa ng malakas.

Dahil sa tawanan nina Patsy at Chigo, lumapit sa kanila ang isang waiter para bawalan sila.

“Sir, Mam, pasensya na po, kung pwede po pakihinaan ang tawanan ninyo nakaka-istorbo po kasi sa ibang customers” magalang na sabi ng waiter.

“Sorry, hindi na mauulit. Don’t worry, behave na kami” sabi ni Patsy.

“Yan, kayo kasi kung ano-ano ang pinagsasabi ninyo” sermon ni Timber sa dalawang kaibigan.

“Ikaw nga diyan, kung hindi dahil sa biro mo hindi kami nakakapag-isip ng ganoon” sabi ni Chigo.

“Seryoso, totoo ang mga sinabi ko” muling pangungumbinsi ni Timber sa mga kaibigan.

“Assuming na totoo ang mga sinasabi mo, buti naiisipan mong ipagtapat sa amin ngayon ito?” tanong ni Patsy.

“Ok sige, hindi ko aalisin sa inyo ang pagdududa kasi alam kong mahirap talagang paniwalaan. Nagka-problema kasi kami ni Mitos, nalaman kasi niya ang sikreto ko kaya hindi niya ako kinakausap ngayon. Kailangan ko kayong mga kaibigan ko para may mapag-sabihin ako ng problema ko ngayon” panimula ni Timber.

“So, kung hindi pala kayo magkaka-problema ay hindi mo pa sasabihin sa amin?” pagtatampo ni Chigo.

“Hindi sa ganoon, alam kong mahirap paniwalaan at kagaya kay Mitos ay kumukuha ako ng tiempo para sabihin din sa inyo. Alam ko mali ako na hindi agad sabihin sa inyo ito, aaminin ko ang mali ko at pangako sa susunod ay hindi na ako maglilihim sa inyo. Kung kailangan i-text ko sa inyo ang bawat ginagawa ko kapag hindi tayo magkakasama ay gagawin ko para patunayan sa inyo na seryoso ako” panigurado ni Timber.

“Ok, I’ll expect that. Simula bukas kailangan i-text mo sa amin kung anong oras kang nagising at kung ano-ano pa ang ginagawa mo hanggang sa pagtulog mo” panggagatong ni Patsy.

“Bakit Mitos ang pangalan niya? Di ba masyado namang moderno iyon para sa panahon nila?” tanong ni Chigo.

“Ang totoo niyang pangalang ay Miguel Tomas Chavez, pina-ikli ko lang na Mitos para mag-mukha namang modern ang dating. At sa katunayan ang pakilala ko sa kanya ay Yago Martinez, para naman bagay ang pangalan sa panahon nila” paliwanag ni Timber.

“Sa mga pangalan pa lang pala nag-sinungaling ka na …..” sabi ni Patsy.

“Sorry, kailangan ko lang kasing gawin iyon para babagay naman sa mga panahon ang mga pangalan namin” pagputol ni Timber sa sasabihin ni Patsy.

“Eto ang importanteng tanong, paano ka naman nakakapunta sa taong 1891, sa sinasabi mong nakaraan?” tanong ni Chigo.


Chapter Seven – The Truth

No comments: