Thursday, January 6, 2011

Dos Tiempos ..... Capítulo Cuatro

Capítulo Cuatro – Respuesta

“Saan kaya magandang magtungo ngayon?” tanong ni Yago kay Miguel, habang naglalakad sa parke.

“Dito na lang muna tayo sa parke” sagot ni Miguel.

“Huwag dito, tignan mo naman ang mga kabataang Kastila, ang yayabang nilang umasta, pakiwari nila ay sa kanila ang lugar na ito” sabi ni Yago.

“Mukhang natatakot ka sa kanila?” tanong ni Miguel.

“Ako mananakot, gusto ko lang silang iiwas sa mga suntok ko” ang mayabang na sabi ni Yago.

“Ano?” takang tanong ni Miguel.

“Baka kapag nagtagal tayo dito ay di ko mapigil na makipag-buno sa kanila, siguradong kawawa sila kapag natikman nila ang mga suntok ko” patuloy na pagmamayabang ni Yago.

“Masyado ka naman yatang bilib sa sarili mo?” biro ni Miguel.

“Gusto mo patunayan ko sa’yo” akmang tatayo na si Yago para lapitan ang mga kinaiinisang Kastila.

“Huwag na, sige naniniwala na ako sa’yo. Masyado lang maiinit ang ulo mo, wala naman silang ginagawa sa atin” pagkalma ni Miguel sa kaibigan.

“Anong wala? Tignan mo naman kung paano sila umasta, nasa lugar natin sila pero tayo ang walang lugar na mapaglibangan. Kung makikihalubilo tayo sa kanila ay siguradong itataboy lang tayo” naiinis na sabi ni Yago.

“Umalis na tayo dito at baka mapa-away ka ng wala sa oras, marami pa naman naglilibot na gwardiya sibil” pagyaya ni Miguel.

“Saan mo naman ako dadalhin?” tanong ni Yago.

“Gusto mo bang bumalik sa burol?” balik-tanong ni Miguel sa kaibigan.

“Ayaw ko munang magtungo doon” kunwaring pagtatampo ni Yago.

“Bakit?” tanong ni Miguel.

“Gusto ko kapag bumalik ako doon ay masagot mo muna ang tanong ko” biro ni Yago.

Nanahimik na lang si Miguel dahil sa pag-aalalang kukulitin na naman siya ni Yago sa inaalok na pag-ibig ng kaibigan. Sinabayan naman ni Yago ang pananahimik ni Miguel habang naglalakad sila.

“Aray ko” sigaw ni Miguel.

Pero patuloy pa rin ang paghila ni Yago sa kamay ni Miguel.

“Saan mo ba ako dadalhin?” tanong ni Miguel.

“Sa kampanaryo” sagot ni Yago, sabaw ngisi sa kaibigan.

“Baka makita tayo ng mga prayle” pagsaway ni Miguel.

“Abala sila sa misa” sagot ni Yago.

“Baka mapahamak na naman tayo sa gagawin natin” pag-aalala ni Miguel, pero hindi siya makapaglag dahil mahigpit pa rin ang pagkakahawak ni Yago sa kamay niya.

“Akong bahala sa’yo, dapat maka-akyat na tayo bago pa man matapos ang misa para walang makakita sa atin” paliwanag ni Yago.

“Ikaw ang bahala, lagot ka sa akin kapag napahamak na naman tayo” pagbabanta ni Miguel sa kaibigan.

Nakarating sila sa taas ng kampanaryo ng sampung taong gulang na simbahan na bato na kapwa humihingal. Pero napawi ang pagod nila ng malanghap sa sariwang hanging sumalubong sa kanila at ang magandang tanawin sa ibaba nila.

“Ang ganda din pala ng tanawin dito” masayang sabi ni Miguel.

“Mas maganda sa paningin ang nakikita ko ngayon” sabi ni Yago habang nakatingin sa mukha ni Miguel.

“Huwag mo akong titigan ng ganyan, alam mo naman na naiilang ako” kunwaring pagtanggi ni Miguel.

Tahimik.

“Bakit pala di na lang tayo magsimba?” tanong ni Miguel kay Yago.

“Ayaw ko” matigas na sagot ni Yago.

“Dahil ba sa suot natin?” tanong ni Miguel.

“Alam mo naman na hindi ko kinakahiya ang suot natin, mas gusto ko pa nga ang suot nating kamiseta at salawal kaysa sa magarang kasuotan na tumatakip din sa pagkatao nila” paliwanag ni Yago.

“Bakit ayaw mong magsimba?” pangungulit ni Miguel.

“Paano ako maniniwala sa sermon ng mga prayle kung taliwas naman ang tinuturo sa mga kinikilos nila” panimula ni Yago.

“Anong ibig mong sabihin?” tanong ni Miguel.

“Hindi mo ba nakikita. Kunwari ang babait nila kapag nagmi-misa, pakinggan mo, kunwari mahinahon pang magsalita. Kung pakapangaral parang totoo silang mabait pero paglabas ng simbahan kahit nakasuot ng abito ay amoy na amoy ang kasamaan nila” pagpapatuloy ni Yago.

“Ano bang nangyari sa tatlong Pilipinong pari?” tanong ni Miguel.

“Simple lang naman ang hinihiling nila, gusto lang nila ng pantay na paningin kagaya ng mga Kastilang prayle, pero pinaghinalaang sila na nag-uudyok ng rebolusyon laban sa Espanya at dahil doon ay pinatawan sila ng kamatayan sa pamamagitan ng pag-garote sa kanila” matigas na paliwanag ni Yago.

“Ganoon sila kabilis mambintang?” tanong ni Miguel.

“Oo, dahil ayaw nila na mapantayan sila ng mga kabayan natin, gusto nila sila lang ang may hawak sa kapangyarihan” pagpapatuloy ni Yago.

“Kung ganoon naman pala ang ginagawa ng mga prayle, bakit ang dami pa ring pumupunta sa simbahan para pakinggan ang sermon nila” tanong ni Miguel.

“Karamihan sa kanila ay mapagkunwari din, mga kabayan natin na pilit tinatakwil ang lahi natin, sa kabila ng magarang damit at naglalakihang alahas, nakaka-awa lang silang tignan. Akala siguro nila ay kapanalig na nila ang mga Kastila, pero ang totoo ay pinagtatawanan lang sila ng mga banyagang mananakop” paliwanag ni Yago.

“Bakit naman sila pinagatatawanan ng mga Kastila?” tanong ni Miguel.

“Dahil alam ng mga Kastila na kontrolado nila ang mga pobreng kabayan natin” sagot ni Yago.

“Mukhang seryoso na ang kaibigan ko” paglihis ni Miguel sa usapan.

“Pasensya na, alam mo naman na kapag ganyang usapan ay madaling mag-init ang ulo ko” paliwanag ni Yago.

Hinayaan muna ni Miguel na kumalma ang pakiramdam ni Yago. Kahit naman siya ay ayaw niya ang mga ginagawa ng mga dayuhan sa lugar nila, pero wala itong lakas ng loob na maglabas ng saloobin kahit sa kaibigan niya. Madalas ay nananahimik na lang ito o di kaya ay nakukuntento na lang sa pagtatanong at pakikinig.

Maya-maya pa ay bumalik na ang kakulitan ni Yago.

“Ano ka ba?” pasigaw na sabi ni Miguel pagkatapos siyang itulak ng mahina ni Yago habang seryoso itong nagmamasid sa paligid sa bintana ng kampanaryo.

“Masyado ka naman kinabahan, di ka naman mahuhulog diyan” pagkalma ni Yago sa kaibigan.

“Ikaw kaya ang itulak ko diyan?” pagbabanta ni Miguel.

Akmang lalapit na si Miguel ng salubungin siya ni Yago na yumakap sa beywang niya.

“Ano na?” tanong ni Yago.

“Ano?” balik tanong ni Miguel.

“Ano ng sagot mo sa tanong ko?” tanong ulit ni Yago.

“Ano ba ang tanong mo?” si Miguel.

“Isang lingo ko ng tinatanong sa’yo” naiiritang sabi ni Yago.

“Ulitin mo, di ko kasi maalala” pabirong sabi ni Miguel.

“Meron ka rin bang nararamdaman para sa akin?” tanong ni Yago, habang namumula ang pisngi niya.

“%#$&*@#$” sagot ni Miguel, na sabay naman sa pagkalembang ng kampana.

“Ano?” pasigaw na tanong ni Yago habang nakatakip ang tenga para mabawasang ang ingay na pumapasok sa tenga niya.

“Sabi ko, baba na tayo, masyadong malakas ang tunog ng kampana, baka mabingi tayo” halos matuyo na ang lalamunan ni Miguel sa pagsigaw.

“Tayo na, mas maiigi nga kung bumaba na tayo” pagpayag ni Yago.

Pagkababa nila sa kampanaryo ay nakisabay sila sa mga taong kakagaling lang sa misa para lumabas ng simbahan. Naglakad-lakad ang mag-kaibigan hanggang sa makarating sila sa ilog.

“Bakit kasi ako ang napili mong paglaanan ng pag-ibig mo?” tanong ni Miguel.

“Hindi ko rin alam ang sagot, ang alam ko, pag-ibig itong nararamdaman ko para sa’yo” kinikilig na sagot ni Yago.

“Ang dami-daming babae diyan na pwede mong ibigin” si Miguel.

“Anong magagawa ko kung sa’yo tumibok ang puso ko” namumulang sabi ni Yago.

Biglang nanahimik si Miguel sa mga tinuran ni Yago. Kaya gumawa siya ng paraan para malihis ang usapan nila.

“Tara, ligo tayo sa ilog” pagyaya ni Miguel.

“Wala naman tayong dalang ibang damit” sabi ni Yago.

“Maghubad tayo, wala namang ibang nagpupunta dito” sabi ni Miguel sabay hubad ng lahat ng saplot niya.

“Isuot mo nga ang salawal mo, baka merong dumating at makita kang hubo’t hubad dito” utos ni Yago.

“Tila ba naduduwag kang mag-alis ng mga saplot mo sa katawan” paghamon ni Miguel kay Yago habang nakababad na siya sa ilog.

“Ako pa, sige maghuhubad na rin ako” sabi ni Yago sabay alis ng lahat ng damit.

“Huwag kang mag-alala, walang magnanasa sa katawan mo dahil walang nagpupunta dito ng ganitong oras” panigurado ni Miguel.

Tila ba sarili nila ang mundo habang kapwa silang hubo’t hubad na naliligo, naghahabulan at naghaharutan sa ilog.

“Ano yung sagot mo kanina?” tanong ni Yago habang nakaharap siya kay Miguel.

“Hindi mo ba ako sasaktan?” balik tanong Miguel habang ipinatong ang dalawang kamay sa balikat ni Yago.

“Hinding-hindi kita sasaktan” nasasabik na sagot ni Yago, at humawak sa magkabilang beywang ni Miguel.

“Hanggang kailan mo ako mamahalin?” tanong ulit ni Miguel.

“Hanggang tumitibok ang puso ko” sagot ni Yago.

“Takot ako” sabi ni Miguel.

“Saan? Kanino?” tanong ni Yago.

“Sa lipunan, paano kung malaman ang tungkol sa atin?” balik tanong ni Miguel.

“Hindi naman natin kailangang isigaw sa harap ng mga tao, tama na yung masaya tayong magkasama” sagot ni Yago.

Biglang napatigil si Yago sa sasabihin.

“Teka, ibig bang sabihin ng mga tanong mo sa akin ay tinatanggpap mo na ang pag-ibig ko?” tanong ni Yago.

Tumango lang si Miguel bilang tugon sa sagot ni Yago.

“Mahal kita, pangako ko iingatan kita” bulong ni Yago kay Miguel habang magkayakap na sila.

“Mahal din kita, dati pa, natatakot lang ako, sana huwag mo akong papabayaan” sagot ni Miguel, at mas humigpit pa ang yakap niya kay Yago.

Tila ba hindi nila wari ang malamig na hangin na dumadapo sa hubad nilang katawan sa gitna ng ilog, at sa muling pagkakataon ay naghalikan sila, mas maiinit, mas mapusok, mas maalab.



Chapter Four – The Answer

No comments: