Forbidden Kiss
Chapter 14
Time – Out: Paalam muna Adrian
“Sige po Mang Teban, mauna na po kayong umuwi.” sabi ni Adrian sa matandang tsuper.
“Sige po Sir Adrian.” sagot ng matanda “Micco, una na ako, gwapo mo talaga ngayon.” sabi pa ng matanda.
“Naku salamat po Mang Teban.” nahihiyang sagot ni Micco. “Nambobola pa kayo.” pahabol pa nito.
“Michelle” sabi ulit ni Adrian “salamat sa pag-aalaga kay Micco.” sabi ni Adrian.
“Wala po iyon Sir.” sagot ni Michelle.
“Sige na, makakauwi ka na.” wika ni Adrian “sa isang araw ka na din bumalik.” tila pagbabalita ni Adrian.
“Talaga Sir?” hindi makapaniwalang saad ni Michelle.
“Oo” simpatikong pagkumpirma ni Adrian “I’m giving you a break.”
“Salamat Sir Adrian.” sabi ni Michelle “Sige Micco, mauna na ako.” tila paalam ni Michelle.
“Salamat Ate Michelle.” sabi ni Micco bago makaalis si Michelle.
“At ngayon” sabi ni Adrian sabay harap kay Micco “wala na sila, tayo naman.”
Agad na inakbayan ni Adrian si Micco. Tulad ni Micco ay nagpalit din ng bihis si Adrian, bagong tabas din ng buhok at kitang inayos ng maiigi. Kung kanina ay pormal na pormal ang bikas, tila nag-iba ang aura at casual wear na ang suot nito kagaya niya. Mas lumutang ang kagwapuhan ni Adrian sa itsura nito ngayon. Mas lingunin at agaw pansin sa lahat ang kagwapuhan, iyong tipong nakakapaglaway.
“Gwapo naman ng Micco ko.” bati ni Adrian kay Micco.
“Mas gwapo kaya ang daddy Adrian ko.” ganti ni Micco.
“I love you!” wika ni Adrian.
“I love you too!” sagot ni Micco.
“I miss you!” si Adrian ulit.
Ngiti lang ang sinagot ni Micco.
“Ikaw na-miss mo ba ako?” tanong ni Adrian kay Micco.
“Secret” sabi ni Micco “hulaan mo.” kasunod ang pilyong ngiti.
“Secret pang nalalaman. If I know, kanina mo pa ako gustong yakapin.” sabi ni Adrian.
Tila nakaramdam ng hiya si Micco dahil sukol ni Adrian ang nais niyang mangyari. “Hindi kaya.” sabi na lang ni Micco.
Kulitan sila habang nasa loob ng kotse at bumibyahe. Hindi man lang nagawang itanong ni Micco kung saan sila pupunta. May isang oras at mahigit din ata silang nasa byahe nang marating nila ang isang animo’y isang resort. Agad na inaya ni Adrian si Micco sa loob, nagcheck-in at pagkatapos ay dinala ni Adrian si Micco sa likod. Isang beach resort iyon, ramdam ng balat ni Micco ang lamig nang hangin. Naririnig ang mga alon, ang ingay na gawa ng mga kuliglig, ang ihip nang hangin, ang malamyos na tinig nang dagat na tila ba umaawit sa kanila.
Tama lang ang suot nilang damit para sa isang lugar na kagaya niyon. Agad na naghubad nang sapatos si Adrian na ginaya din naman ni Micco. Bitbit nila ito habang naglalakad sa may buhanginan na inaabot naman ng tubig ang kanilang mga paa. Kakaibang ligaya ang nasa puso ni Micco, kakaibang saya dahil ang taong pinakamamahal niya ay kasama niya sa ganuong uri ng lugar. Walang pakundangang binuhat ni Adrian si Micco.
“Pasanin mo na lang ako.” suhestiyon ni Micco.
“Akala ko kasi hindi ka papayag kaya binuhat na lang kita.” pagdadahilan ni Adrian.
“Dapat kasi nagtatanong ka muna.” sagot ni Micco.
“Aba at sumasagot na ang baby sa daddy.” malambing na saad ni Adrian.
“Talagang ganun.” sagot ni Micco.
Ngayon nga ay nakapasan si Micco sa likod ni Adrian. Mas lalong natuwa si Micco sa ayos nilang pareho. Pakiramdam niya ay siya na ang isa sa pinakamaligayang tao sa mundo.
“This is my yacht.” sabi ni Adrian.
“Ariel” tila kinakausap ni Adrian ang yate niya “This is my husband and your new owner, Micco.”
“Parang timang lang.” mahinang usal ni Micco.
“May sinasabi ka Micco ko?” tanong ni Adrian.
“Wala po.” maang na sagot ni Micco.
Sumakay sila nang yate at laking gulat ni Micco sa nakita – may maliit na lamesa sa may pinakaunahan nang yate, may lampara sa gitna at mga puti at pulang rosas din sa ibabaw ng lamesa. Pagkaupo nila sa dalawang dulo nang lamesa ay biglang nagliwanag ang ibabang bahagi ng yate. Pinakinang nito ang paligid at lalong nagbigay nang tingkad sa mga pula at puting rosas na nakaayos sa kabuuan nang yate. Higit pa ay nagulat si Micco sa nakitang may larawan siya na kasinglaki niya at ganuon din si Adrian. May nakasulat sa larawan ni Adrian –
“This guy is deeply in-love with him à” at may arrow na nakaturo sa larawan ni Micco.
“Cute talaga nang mahal ko.” sabi ni Adrian.
“Salamat.” sagot ni Micco.
“Sandali lang.” paalam ni Adrian kay Micco at pumasok ito sa loob ng yate. Pagkalabas ay may dala-dala itong tray nang mga pagkain.
“Wala kasing waiter kaya ako na ang kumuha.” sabi ni Adrian.
“Ayos lang sa akin.” sambit ni Micco.
Masayang kumain ang dalawa. Nagkwentuhan, inisan at asaran sila na parang mga bata. Maya-maya pa ay inaya ni Adrian na tumayo si Micco.
“Tungtong ka diyan.” aya ni Adrian kay Micco na tumuntong sa may elevated floorboard sa pinakdulo nang yate.
“Ayoko baka malaglag ako.” sabi ni Micco.
“Hindi ka malalaglag, kay taas kaya ng bakal sa harapan.” pamimilit ni Adrian.
“Ayoko nga, natatakot ako.” sabi ni Micco na kitang nanginginig na din.
“Please” tila pamimilit ni Adrian “saka andito naman ako.” saad pa nito kasunod ang isang ngiti.
“Kung hindi lang talaga kita mahal.” sabi ni Micco. “Basta aalalayan mo ako.”
“Mahal kita kaya hindi kita papabayaan.” sagot ni Adrian.
Inalalayan ni Adrian na tumuntong si Micco sa floorboard at nang nang makapanik na ay siya naman ang sumunod. Walang takot niyang hinawakan ang mga kamay ni Micco. Yinakap niya ito nang mahigpit. Pinilit pakalmahin at papanatagin si Micco. Nang maramdamang kalmado na ay dahan-dahan niyang itinaas ang mga kamay nilang padipa.
“Wala man tayo sa Titanic, at least kahit dito maiparanas ko sa’yo ang kaluluwa nang dagat.” bulong ni Adrian kay Micco.
Pakiramdam ni Micco ay ligtas siya kay Adrian kaya ipinaubaya na niya sa binata ang lahat. Ramdam niya ang hangin na dumadampi sa katawan niya at ang init nang katawan ni Adrian at ang init nang pagmamahal nito sa kanya.
“Mahal na mahal kita Micco at isinusumpa ko sa puso nang karagatang tinatahak natin ngayon na habang-buhay na ikaw lang ang magiging laman nang puso ko. Ipinapangako ko sa Diyos na ikaw lang ang mamahalin ko, na aalagaan kita at hindi iiwanan. Ipaglalaban sa kung anumang mga bagay na mananakit sa iyo at ipaglalaban ko din ang pagmamahalan natin. Iaalay ko ang buong buhay ko para sa iyo Michael Ceasar Caleon delas Nieves.” sabi ni Adrian na tila sumusumpa sa gitna nang dagat.
“Mahal na mahal din kita Carlos Adriano Silvestre Guillemas. Isinusumpa ko sa gitna nang karagatang ito na habang-buhay at maging sa kabilang buhay, iisang tao lang ang lalamanin ng puso ko. Sa iisang tao lang ako iibig at magmamahal, walang kapantay, walang katulad at wala nang iba pa. Ipinapangako ko sa Dakilang Maylikha na aalagaan at iingatan kita nang higit sa sarili ko. Ikaw na ang buhay ko, ipaglalaban ko ang pagmamahalan natin laban sa lahat ng pipilit humadlang. Iaalay ko sa’yo nang buong-buo ang buhay ko.” tila pagsagot ni Micco sa sumpa ni Adrian.
Kahit mahirap man ay pinilit ni Adrian na humarap kay Micco, tig-isang sulok sila sa dulo nang floorboard.
“Ayan, mag-asawa na tayo.” sabi ni Adrian at ginawaran niya nang isang halik si Micco.
Natapos ang magdamag na punung-puno nang ligaya at saya ang mga puso nila. Pinagpasyahan nilang sa resort nalang matulog at kinabukasan na umuwi. Gaya nang tulog nila nang nakaraan gabi ay magkayakap silang nakahiga sa kama.
Pagsikat nang araw ay mabilis na kumilos ang dalawa. Dalawang oras din ang bubunuin nila sa biyahe. Hindi na sila nakakain nang maayos kung kayat bago pumasok ng SCTEX ay dumaan muna sila sa isang 24hour fastfood chain. Inihatid muna ni Adrian si Micco sa bahay niya sa Maynila at nagpalit na din siya nang damit. Kakaalis lang nang mga pamangkin ni Adrian nang makarating sila sa bahay. Hindi na nga nagtagal ay muling bumiyahe si Adrian papasok naman sa opisina at si Micco ay tila isang asawa na naiwan sa bahay.
Masaya ang dalawa, walang alam gawin kung hindi isipin ang bawat isa. Inspiradong gumawa at magkikilos. Maaga ding umuwi si Adrian sa bahay, mya pasalubong para sa lahat. Nagulat man at naninibago ay natuwa si Micco dahil sa pakiramdam niya ay sobra niyang namiss ang binata.
Nasa gitna sila nang kasiyahan nang tumawag ang Kuya Glenn niya.
“Kuya Adrian” paalam ni Micco “tumatawag po si Kuya Glenn, sagutin ko muna.”
Tumango lang si Adrian bagamat nagtataka kung bakit alam ni Glenn ang bagong numero niya.
“Kuya Adrian” sabi ni Micco kay Adrian matapos ang tawag ni Glenn. Ikinuwento ni Micco ang nangyaring pagkikita nila ni Glenn sa mall. Ang naging usapan nila at ang dahilang kung bakit ito tumawag ngayon.
“Ayos lang iyon.” sagot ni Adrian na tila kinakalma si Micco.
“Ayos lang po ba kung pupunta siya dito?” tanong ni Micco kay Adrian.
“Walang problema sa akin.” sagot naman ni Adrian.
Itinawag ni Adrian sa guard nang entrance ng subdivision nila na may darating silang bisita para papasukin ito sa loob. Isang oras din ang lumilipas at heto na nga ang kotse ng Kuya Glenn niya sa harapan ng bahay nila Adrian. Bunuksan naman ang gate at mas ikinagulat ni Micco ang nakita. Unang bumaba ang Ate Jhell niya, kasunod ang Ate LJ niya saka pa lang ang Kuya Glenn niya na siyang driver.
“Micco” bati nang isang pamilyar na tinig at saka ito lumabas nang kotse.
“Mano po nanay!” tila nabubulunang wika ni Micco. Nakaramdam ng kaba at pagkabalisa.
Imbes na iabot ang kamay ay isang malutong na sampal ang ginawad nito kay Micco. “Kailan pa kita tinuruang lokohin kami?” tanong nito kay Micco.
“Sorry po nanay.” paumanhin ni Micco sa ina.
“Tigil na iyan” tila awat naman nang tatay ni Micco.
Natigilan man ay pinilit maging pormal ni Adrian. Alam niyang nasaktan si Micco kaya naman nais niyang yakapin ito at pagilin ang mga luhang sa tingin niya ay unti-unting dadaloy sa mga mata nito. Nakaramdam si Adrian nang kaba, isang kakaibang kaba. Hindi niya maipalinawag kung para saan ba itong kaba na ito ngunit mas nangibabaw sa kanya ang takot nab aka bawiin sa kanya si Micco, takot na mawala ang buhay niya at kalahati nang magkatao niya.
“Pasok po muna kayo.” anyaya ni Adrian sa mga bisita.
“Salamat hijo.” pasalamat nang ama ni Micco.
Nang mahimasmasan ang nanay ni Micco ay agad na itong nakipag-usap nang matino.
“Pinaniwala mo kaming lahat na natuloy ang lakad mo sa Italy. Ngayon, masama ang loob ko kasi pakiramdam ko napakawalang-silbi kong ina dahil hindi ka lumapit sa amin.” malungkot na litanya nang nanay ni Micco. Pinipigilan nitong umiyak at tumulo ang luha subalit lubhang mahirap pigilin ang sariling emosyon.
“Ayoko po kasing mag-alala kayo saka nahihiya din ako sa inyo.” putol-putol na paliwanag ni Micco na pinipigilan ding mapaluha.
“Bakit ka mahihiya?” tanong nang nanay ni Micco “bakit mo nasabing pamilyan tayo kung mahihiya ka pa.?” sunod ulit nito.
“Basta po, sorry po.” paghingi nang tawad ni Micco sa ina at nilapitan niya ito para yakapin.
“Sa susunod huwag mo nang uulitin ito.” sabi nang nanay ni Micco.
“Opo” maamong sagot ni Micco.
“Hijo” baling naman ng ama ni Micco kay Adrian “salamat sa pag-aalaga kay Micco, pasensiya na din sa abala.” paghingi pa nito nang tawad.
“Wala po iyon.” sagot ni Adrian.
“Tito Micco, Tito Adrian” bati sa kanila ng mga bata galing sa itaas.
“Mga bata, I want you to meet your Tito Micco’s family.” pakilala ni Adrian sa mga bata.
“Mga pamangkin ko po na tinuturuan ni Micco.” sabi naman ni Adrian sa mga magulang ni Micco.
“Matthew? Ikaw ba yan?” agad na umagaw nang atensiyon nila si Matthew na nakakubli sa likod ni James.
“Opo” nahihiyang sagot ni Matthew.
“Pumunta kami nang Fortitude para kuhanin ka na pero wala ka na duon.” sabi ng nanay ni Micco kay Matthew sabay yakap dito.
“Duon nga din namin nalaman na hindi natuloy si Micco sa Italy.” dugtong pa ng ama ni Micco.
Agad namang napatingin si Micco kay Glenn sa nalaman niyang iyon. Sinagot lang ito ni Glenn nang ngiti at inosenteng mukha.
“Paano po?” tanong ni Micco.
“Si Sis. Meding, sabi niya pumunta ka nga daw duon at siya din ang nagsabing music teacher ka dito.” sabi naman ng nanay ni Micco.
“Hala, sige na isama na natin si Micco sa San Tadeo at makauwi na.” sabi ng ama ni Micco.
Tila nalungkot si Adrian sa nalamang iyon, pakiramdam niya ay guguho ang munod niya dahil sa dalawang araw pa lang sila ni Micco at dalawang araw pa lang niyang natatanggap ang tunay na katauhan niya ay agad namang tila binabawi na ang kaligayahan niya.
“Pero – “ tutol ni Micco.
“Wala nang pero pero, sasama ka sa amin.” tila utos nang nanay ni Micco.
“Kuhanin ko lang po ang mga gamit ko sa taas.” paalam ni Micco. Nalungkot si Micco sa desisyon na iyon nang kanyang mga magulang subalit kailangan na lang niya itong intindihin at unawain. Umakyat siya nang hagdan at bawat tapak nang paa niya ay waring kay bigat. Ayaw niyang iwan ang mga bata, ang bahay at higit sa lahat ang isang tunay na pagmamahal na kay Adrian lang niya natagpuan. Ayaw niyang umalis sa mga bisig nito, pakiramdam niya ay unti-unting nahihirapan siyang makahinga sa isiping magkakalayo na ulit ang mundo nila.
“Sige po kain na po muna kayo.” aya ni Adrian sa mga magulang at sa tatlong pinsan ni Micco.
“Nag-abala ka pa.” sabi ng ama ni Micco.
“Hindi po.” sagot ni Adrian. “Halina na po bago lumamig ang pinahanda ko.” sabi ni Adrian.
“Oo nga naman Tito, nagugutom na din ako.” sabi naman ni Jhell.
“Sige na nga.” sabi naman nang ama ni Micco.
Pagkaupo nila sa hapag-kainan ay dagling umakyat si Adrian, tinungo ang silid ni Micco. Hindi pa siya handang magpaalam dito pero dahil alam niyang mas mabuti ito sa ngayon ay hahayaan na lang niyang makauwi muna ito sa San Tadeo at magtitiis na bisitahin na lang ito duon. Pagkapasok nang silid ay agad niyang niyakap si Micco.
“Mahal na mahal kita.” naluluhang wika ni Adrian.
“Mahal na mahal din po kita.” sagot ni Micco.
“Huwag mong kakalimutang iyong sumpaan natin kagabi.” nakangiting wika ni Adrian na pinapahiran ang mga luha ni Micco.
“Opo” sagot ni Micco “habang-buhay na iyon sa puso ko.”
“Tama iyan.” saad ni Adrian.
“Ikaw naman, huwag kung sinu-sino ang kakalantariin mo.” sabi ni Micco kay Adrian.
“Si Michael Ceasar dels Nieves ba pwede kong kalantariin?” tanong pa ni Adrian.
“Kahit kailan, pwedeng pwede basta iyon lang na gwapo na iyon.” sambit ni Micco.
“Hindi naman gwapo iyon.” dagling sagot ni Adrian.
“Ganun ba? Hindi pala gwapo iyon.” saad ni Micco na nakangiti nga nakataas naman ang kilay.
“Siyempre, pinakagwapo na iyon sa buong mundo. Mahal na mahal ko nga iyon.” sagot ni Adrian at ginawaran nang halik si Micco.
“Huwag kang mag-alala, gagawa po ako nang paraan para makabalik dito.” saad ni Micco.
“Aasahan ko po iyan.” sagot ni Adrian.
“Hala, tulungan mo na muna akong makapag-ayos nang gamit at nang makauwi na ako sa San Tadeo.” sabi ni Micco.
Ilang minuto pa matapos makapagpaalam sa mga bata ay umalis na sina Micco pabalik nang San Tadeo. May tampo man sa kanya ang dalawang pinsang babae ay nakuha naman niya ulit ang loob ng mga ito para mawala ang tampo at mapatawad na siya. Kaya naman bago pa makarating nang San Tadeo ay balik na sa normal ang lahat at ang dating samahan nilang magpipinsan. Sinalubong siya nang mga kapatid at pamangkin pagdating sa bahay nila. Higit pa ay pinagpapasalamat niya at wala ni isang kapitbahay nila ang nakikichisimis at nakikiusyoso.
Malungkot man si Adrian sa pag-alis ni Micco ay pinanghahawakan naman niya ang salita nitong magkakasama silang muli sa iisang bubong, magkatabing matulog habang dinig ang tibok ng puso nang bawat isa. Gayundin naman si Micco na handang tuparin ang pangako niyang pagbabalik kay Adrian.
Kapwa man malungkot at nahihirapang makatulog, maisip lang nilang magkikita silang ulit ay sapat na para pakalmahin at itaboy ang anumang pangamba. Isa pa, mainam at maganda na ding kahit minsan ay magkalayo kayo nang taong mahal mo.
No comments:
Post a Comment