----------------------
“Pesteng buhay naman ‘to” palatak ni Micco habang naglalakad at hindi alam kung saan pupunta. “Anduon na, lumelevel na ‘tas biglang kablog pa.”
“Pag nakita ko ung mandurugas na’yon kakalbuhin ko iyon at tatadtarin pa ng pinung-pino.” naghuhurumentadong wika ni Micco.
Ano nga ba ang nangyari at palaboy-laboy si Micco ngayon?
“Sorry Sir” sabi ng station crew “but we can’t recognize your passport.”
“How come that you can’t recognize it?” nagtatakang tanong ni Micco.
“I think you were a victim.” sabi pa nito.
“Victim of what?” tanong ulit ni Micco, bagamat tila alam na niya ang kasagutan ay gusto pa din niyang makasigurado.
“A victim of a fixer” sagot nito “your passport is fake sir.” sabi ng babae.
Gustuhin mang magreklamo ni Micco ay wala na siyang magagawa pa, hindi naman kasi siya ang personal na umayos ng mga papeles niya.
Walang pag-aalinlangan at puno ng galit at panghihinayang ang nararamdaman niya ay umalis siya ng airport. Hinintay na muna niyang makaalis ang kanyang pamilya at mga naghatid sa kanya bago tuluyang lisanin ang lugar na iyon.
“Hindi ako pwedeng bumalik sa amin nang ganito” sabi ni Micco sa sarili “kailangang umisip nang paraan.”
Umupo sa isang sulok si Micco at ilang sandali pa – “tama!” sigaw ng isip niya “pwede ngang ganuon na lang ang gawin ko, norte ang San Tadeo at sa south naman iyon.” at agad naman niyang isinakatuparan ang plano.
Agad siyang kumuha ng bus biyaheng south para puntahan ang naiisip niyang lugar na pamalagian. Habang nakasakay sa bus ay inuunti-unti niya ang mga detalye ng plano niya at kung paano palalabasin na natuloy siya sa Italy.
“Siguradong mag-aalala iyong mga iyon pag nalaman nilang hindi ako natuloy” mahinang usal ni Micco “basta, bahala na si SanRio.” dugtong pa nito.
Pamaya-maya pa at – “Manong! Para na po” sigaw niya sa drayber ng bus.
Pagkababa niya ay binagtas niya ang isang hindi gaanong pamilyar na daan. Kung tutuusin ay isang beses pa lang siyang nakakapunta duon at ngayon pa lang ang pangalawa. Matagal-tagal din siyang nagpapaikot-ikot bago niya pagpasyahang magtanong.
“Magandang tanghali po nanang” may pilit na ngiting tanong ni Micco sa matandang babae na nagbabantay sa isang tindahan.
“Ano iyon?” sagot na tanong ng babae kay Micco.
“Tanong ko po sana kung saan dito ung Fortitude?” wika ni Micco.
“Fortune ba kamo?” sagot ng babae “dalawang piso isang stick.” sabay abot kay Micco ng sigarilyo.
“Hindi po nanang” tanggi niya sa sigarilyo “Fortitude po.” giit ni Micco.
“Ah” sabi ng babae “hindi ako prostitute, saka wala ditong nakatira na prostitute” tila naimbyernang wika nito.
“Sige po!” dispensa ni Micco na napakunot ang noo – “hay, wala akong mapapala kay nanang” – sabi ng utak niya kasunod ang isang malalim na buntong-hininga. Palinga-linga at patuloy sa paglalakad, naghahanap nang pwedeng pagtanungan.
“Bampira ba mga tao dito at tanghaling tapat ay wala kahit isa akong makita?” inis na wika ni Micco. Patuloy pa din sa paglalakad at paghahanap kung saan ang Fortitude.
“Ang tanga mo Micco!” malakas na usal ni Micco, saglit siyang napahinto at kinuha ang cellphone “pwede naman kasing itext bakit hindi pa kanina ginawa. Bobo!” dugtong pa niya.
“Liz, pano b pmnta sa fortitude?” tanong n’ya sa kaibigang nasa Fortitude.
“Bsta hanapn mo un cmbhan, taps hanpn mo ung Sitio Lazo, taps hanpn mo un pulang g8 tpos hnpin mo un yellow na g8, tpos ung pink na building, tas ung red na bubong” reply ni Liz kay Micco.
“Tilapiang bilasa naman ni San Andres” mahinang anas ni Micco “saang lupalop ko makikita ‘to?” inis na sabi ni Micco nang biglang may magtext ulit sa kanya.
“Joke lang friend! Nasa gate na nga ako para sunduin ka” sabi ni Liz.
Pagkabasa nito ni Micco ay –
“Hoy! Naligaw ka” bati ni Liz buhat sa likuran at sabay na din ang batok nito kay Micco.
“Mamaya ko na ikwento” sabi ni Micco “basta friend dito muna ako sa inyo.” pakiusap ni Micco.
“Halika muna sa loob” anyaya sa kanya nito “mainit na sa labas, baka mangitim ako” biro pa nito.
“Matagal ka nang maitim” pambasag ni Micco.
Si Liz – iyan si Lariza Fabian, kaklase ni Micco sa highschool. Valedictorian nila Micco at magna cum laude sa Philippine University. Katulad ni Micco, bagong graduate din siya, kaso mas pinili niyang maging social worker at ngayon nga ay tatlong taon na siyang tumutulong sa Fortitude Refuge of the Forgotten Children. Kahit nag-aaral ay tumutulong na siya sa pag-aalaga sa mga batang ulila hanggang sa tuluyan nang lumipat ang pamilya nila dito sa San Ildefonso. Siya din ang unang nagdala kay Micco dito sa Fortitude, last Christmas ata iyon at nag-adopt sila Micco para mag-celebrate nang pasko sa bahay nila.
“Sister, si Micco po” bati ni Liz kay Sis. Meding “naalala pa po ba ninyo siya?”
“Oo naman Liz” sagot ni Sis. Meing “lagi nga siyang hinahanap ni Matthew.” sabay na nalungkot ang mukha ng matanda.
Napangiti naman si Micco sa sinabing iyon ng matanda. “Nasaan na po si Matthew?” tanong ni Micco.
“May umampon na sa kanya” balita ni Liz kay Micco.
“Ganuon po ba? Sayang naman.” nalungkot man ay naging masaya na din si Micco para sa kapalaran ni Matthew.
Nagtataka kayo kung sino si Matthew at si Sis. Meding. Si Sis. Meding ang head, puno, superyora, reyna, beauty queen, dyosa at diwata nang Fortitude. May katandaan pero sobrang bait. Si Matthew naman iyong in-adopt nila Micco para magcelebrate nang pasko sa kanila.
“Mainam at napadalaw ka” sabi pa ni Sis. Meding kay Micco na sinagot naman ni Micco ng ngiti.
“Oh sige, kayo na muna ni Liz ang mag-usap!” paalam naman ng superyora.
Inaya ni Liz si Micco sa may terrace ng ampunan para duon kausapin.
“Akala ko ba pupunta ka ng Italy?” tanong ni Liz kay Micco.
“Oo nga, ngayon nga ang flight ko.” sagot ni Micco.
“Bakit nandito ka?” nagtatakang tanong ni Liz.
“Iyon nga friend ang problema ko” sagot ni Micco, nahihiya man ay ikinuwento niya kay Liz ang lahat.
Pinipigilang tumawa ni Liz habang nagkukwento si Micco. – “Friend, tatanga-tanga ka talaga” wika ni Liz.
“Lahat naman pwedeng mangyari ang ganun” kontra ni Micco sa kaibigan.
“Lahat nga potensyal na nagkaganun pero iilan lang ang kagaya mong nabibikitima” sagot ni Liz “pero seryoso, anong balak mo?” tanong ni Liz.
“Liz, sana makisama ka” pakiusap ni Micco.
“Naman! Di ba best friend tayo?” tila pangangalma ni Liz kay Micco “Ano na plano mo?” tanong ni Liz.
Si Liz nga pala ay ang bestfriend turned girlfriend turned bestfriend ulit ni Micco nuong high school. Lingid sa kaalaman ni Micco ay may gusto pa din sa kanya si Liz kaya hindi pa din ito nagkaka-boyfriend matapos nilang maghiwalay.
“Liz” seryoso ang mukha ni Micco “dito muna ako, kung pwede lang” tanong ni Micco.
“Naman” masayang sabi ni Liz “ikaw pa!” dugtong pa nito. “Eh, ano ba talaga ang balak mo?” tanong pa ni Liz.
“Nahihiya ako kila nanay at tatay pag-nalaman nilang napeke ako” sagot ni Micco “pati mga tyuhin at tyahin ko hindi ako tatantanan ng mga ‘yun, lam mo namang panghabang-buhay na nila akong pagtatawanan dahil sa katangahan ko.” malungkot na wika ni Micco kay Liz.
“Pero friend” tila may pagkontra kay Liz “mas mainam nga na malalaman na nila kaagad kesa naman magtago ka o gumawa pa nang kasinungalingan.” sabi pa ni Liz.
“Liz naman!” may tampo sa himig ni Micco “ayaw mo ata ako dito. Aalis na nga lang ako.” sabi ni Micco “Tatalon na lang ako sa ilog, pag namatay ako konsensiya mo iyon.”
“Nagtampo pa kunwari” sabi ni Liz “sige, dito ka muna, basta ipangako mong aayusin mo agad ito.” pangungundisyon ni Liz.
“Friend, un naman talaga ang balak ko, umamin sa kanila pag nakatyempo na” sabi ni Micco “saka, wala namang sikretong hindi nabubunyag di ba?” dugtong pa ni Micco “saka ayokong mag-alala sila ngayon, saka na pag in good-condition na ang lahat.”
“Ayan, sa susunod kasi, wag nang tatanga-tanga” sabi ni Liz “ako na ang bahalang kumausap kay Sis. Meding.” sabi pa nito.
“Opo” sagot ni Micco “salamat talaga Liz.” Pagkasabi nito ay pumasok na sila sa loob at kinausap na nga ni Liz si Sis. Meding.
Pinaghintay muna si Micco sa sala ng ampunan at nakikipaglaro sa mga bata duon. Hindi pa man nagtatagal ay muling lumabas si Liz sa opisina ng superyora na lukot ang mukha, malungkot at tila may hindi magandang balita. Malumanay itong nagsalita –
“Friend, may bad news ako sa’yo” simula ni Liz “hindi pumayag si Sis. Meding.”
Sa pagkarinig pa lang ng mga salitang bad news ay tila alam na ni Micco ang kasunod niyon. Ang saya ay napalitan na ng lungkot – “ganun ba?” tila paninigurado nito “Sige alis na ako.” sabay kuha sa mga gamit niya at lalakad na palabas.
“Sira” sabi ni Liz “hindi pumayag si Sis. Meding na mag-stay ka dito na wala kang gagawing maganda.” sabi ni Liz sabay akbay kay Micco.
Biglang tingin si Micco kay Liz – “talaga?” masayang wika ni Micco “sige ba.” sabay yakap kay Liz na wari bang hindi na niya ito pakakawalan sa sobrang tuwa.
Bumalik kaya ang dating pagtitinginan nila Micco at Liz? Ano kaya ang magiging buhay ngayon ni Micco?
No comments:
Post a Comment