Akda ni Jubal Leon Saltshaker
Twelve
“There's nothing where he used to lie.
The conversation has run dry.
That's what's going on.
Nothing's fine, I'm torn.”
-Natalie Imbruglia
NILAPITAN ko si Viktor at umupo sa kanyang harapan. Hindi ito nagsalita at itinaas ko ang aking mga kamay upang hawakan ang kanyang mukha. Mainit ito at bahagyang mapula. Hindi nga lang ako sigurado kung bigla itong naging ganito nang akin syang hawakan.
"Akala ko ba ayaw mo na sa akin?..."
Agad nyang sinambit. Tinanggal nya sa pagkakahawak ang aking kamay sa kanyang mukha ngunit ibinaba nya lamang ito at ipinatong sa kanyang mga hita.
"Huh?..anong sinasabi mo?..."
Doon na muling pumasok sa aking isipan ang pangalawang sulat na ipinadala nya sa akin.
"Teka Viktor...ipaliliwanag ko sa'yo nang mabuti..."
"Kumain ka na ba?"
"Uy' nagsasalita pa ko...kumain na ako,
huwag mo akong alalahanin."
"Paanong huwag kang alalahanin, e' halos-"
"Mukhang hindi tayo nagkakaintindihan..."
"Oo nga'. Di ba sabi mo ayaw mo na sa akin at nalito
ka lang sa nararamdaman mo..."
"Viktor..."
Kumunot ang aking noo dahil hindi ko alam kung paano magsisimulang magpaliwanag
o kung ano ang aking dapat linawin sa aming hindi pagkakaunawaan.
Tinitigan ko lamang sya at pinisil ko nang madahan ang kanyang mga hita. Naka-sando at kulay green na basketball shorts si Viktor na ngayon ko lamang nakita sa ganitong ayos dahil madalas itong naka-maong pants at slacks naman noong naka-confine pa ito.
"Anung gagawin ko..."
Habang nakatingin ako sa kanya.
"Hindi ko alam..."
Matapos nya itong sambitin ay bigla namang tumulo ang luha sa aking mga mata.
"Bakit ba ganito ang nangyayari?..."
"Tsk, di naman kita pinaiiyak ah'..."
Matapos nya itong sabihin ay lumapit ito nang bahagya sa akin at agad na umakap.
"Sorry na...Sorry na...huwag ka nang umiyak..."
Tinapik-tapik nito ang aking likod na tila ba isa akong maliit na kapatid na sinusubukan nyang patahanin. Umalis ako sa kanyang pagkakayakap at pinunasan ang aking mga luha.
"Akyat tayo sa kwarto ko?"
Dagdag pa nito.
Isinara ni Viktor ang pintuan nang kanilang bahay at agad na kaming umakyat sa kanyang kwarto kasama ang aking mga bagahe. Humaba nang bahagya ang kanyang buhok kumpara noong huli kaming magkita at hindi ko rin masabi kung pumayat ba ito o tumaba nang bahagya.
Nang makapasok na kami ay binuksan nitong agad ang ilaw sa kanyang kwarto. Gaya sa kanilang sala ay kulay kahel na ilaw ang sumalubong sa akin at dito ay una kong napansin ang napaka-raming libro (mas marami pa rin naman ang sa akin) na naka-paligid sa apat na sulok nang lugar. Teddy Bear na naka-balot sa isang plastic cover, gitara at isang maliit na mesa na mayroong
nakapatong na gasera.
"Pasok ka na..."
Pag-anyaya nya sa akin. Nang simulan kong maglakad ay naglagitikan ang tablang sahig sa kanyang kwarto na dito'y bigla kong napansin na suot ko pa pala ang aking mga sapatos. Umupo akong agad upang ito ay tanggalin at nagtungo naman si Viktor
sa kanyang higaan upang ito ay ayusin.
"Mayroon akong ipapakita sayo'..."
"Hmm?...nu yun?"
Mahina kong tinuran habang pilit na tinatanggal ang rubber shoes sa aking mga paa.
Nakita kong kinuha nito ang isang libro sa book shelf na nasa dulong bahagi nang kwarto katabi ang maliit nyang bintana. Habang papalapit nang muli sa akin ay kinuha nito mula sa libro ang isang papel na agad nya namang binigay sa akin. Hindi na ako nagtanong pa at agad ko na itong binasa.
"Hindi ako ang gumawa nito..."
Tila hindi nya ako narinig at bahagya lamang itong lumingon sa akin.Nakaramdam ako nang matinding pagkainis hindi dahil sa reaksyong aking natanggap kung hindi sa mga bagay na nangyari na wala akong kaalam-alam.
"Sulat ito nang kapatid ko..."
"Kanino?..."
"Sayo. Teka Viktor..."
"Pinasabi mo yan sa kapatid mo?"
Sa mga sinasabi ni Viktor lalong nagpamukha sa akin na bagamat umaasta ito noon na parang bata ay mas matanda pa din ito sa akin. At gaya nang lahat, marunong ding magalit. Napabuntong hininga ako bago pa muling magsalita.
"Mag-aaway ba tayo?...ayoko nang ganito."
"Ako din."
"Alam mo ba na matapos mong umalis noon e'
palagi akong umaasa na matanggap ang sulat mo..."
"Sumulat ako di ba'?..."
Umupo na ito sa aking harapan.
"Pero hindi ko nga natanggap...paniwalaan mo naman ako o'. Itong sulat na ito, gaya nga nang aking mga sinabi ay hindi nagmula sa akin. Sinulatan ka nang kapatid ko nang hindi ko nalalaman...tingin mo ba masasabi ko ang mga ito sa'yo?"
Nilukot nang aking mga palad ang sulat na ibinigay nito sa akin.
"Tingin mo ba wala ako sa iyong harapan ngayon
kung hindi totoo ang mga sinasabi ko..."
"Masaya nga ako'ng makita kang muli.."
"Ako din..hindi mo lang alam na kahit ngayon e'
kumakabog pa rin ang aking dibdib dahil muli na kitang nakita..."
"Noong oras na bumaba ka para maligo noon, isinulat ko ang
aking adres sa isang kapirasong papel at inipit ko ito sa isa sa mga libro mo..."
"Ha? bakit di mo sinabi!..."
"Kung gusto mo ako, mahahanap mo yun..."
Paliwanag nya sa akin.
Natawa ako nang bahagya sa kanyang mga sinabi at agad na sumagot dito.
“Pero alam mo namang napakarami kong libro di ba’?
Malay ko ba kung may inilagay ka doon at saan...at alam mo na gusto kita.”
Napatigil ako nang sandali bago pa man muling magpatuloy.
“Bakit mo ko pinahihirapan...pwede namang diretsahan mo nang ibigay yun sa akin a'...nakakainis ka..."
"Kung para tayo sa isa't-isa...yun ang mangyayari..."
"Paano kung hindi ako sinulatan nang kapatid mo?..."
"Paano nga? pero hindi yun ang nangyari di ba'?"
"Hay naku, ikaw talaga."
"Hindi ko alam na sumulat sa'yo ang kapatid ko...pero eto' at nagkita pa din tayo..lahat nang bagay mangyayari kapag ito ang nararapat...."
Tinapik ko ang kanyang balikat at ngumiti ako dito.
Gumanti naman itong agad sa akin nang mas malakas.
"Aray."
"Haha..."
"Teka...sa sulat sa akin ni Valeria nag-kasakit ka daw...
o may sakit...sana ay maayos ka na.."
"Mahahampas ba kita kung hindi ako maayos...anong sinabi nya?"
"Tama ka..ayun nga may sakit ka daw..."
"Napa-sobra naman yata ang nakwento nya...
nag-katrangkaso lang ako e'...hehe."
"Mag-iingat ka kasi."
"Palagi naman....Hindi ko nga pala inaasahan na
ikaw ang sinasabing bisita ko kanina..."
"May hinihintay ka pa?"
"Wala. Nasaktan talaga ako sa sulat mo...nang kapatid mo pala...
kaya kahit araw-araw kitang naiisip ay hindi sumagi sa
isip ko na magkikita pa tayo..."
"Di' ko nga alam kung bakit nya iyon ginawa...
nakakalungkot...ang daming nasayang."
“Oo nga...Anu palang gagawin mo dito?”
“Huh?...Anu ba yan, seryoso ka ba Viktor?...
bakit ganyan ang mga tanong mo?...syempre nandito ako para makita ka.”
“Ang bilis mo palang mapikon...”
“Ewan ko sa’yo.”
"Teka Angelo..."
Ngumiti ako at bahagyang itinaas ang aking mga kilay upang linawin kung ano ang gusto nyang sabihin. Tuluyan na syang lumapit sa akin at kinuha ang aking mga kamay, mahigpit nya itong hinawakan at saka nagpatuloy na nagsalita.
"Na-miss kita nang sobra...”
Hindi ito nakatingin nang diretso sa akin at animo'y isang musmos na pinaglalaruan ang aking mga kamay.
"Lalo na ako..pina-iiyak mo ako nang hindi mo alam."
“Sana hindi na tayo magkahiwalay pa...o’ huwag mong sasagutin yun.”
Hindi na nga ako sumagot pa sa kanyang sinabi. Siguro ay ayaw lamang nito na ako ay mangako. Lumapit na lamang ako dito nang mabuti at hinalikan sya sa kanyang kanang pisngi.
Itutuloy...
No comments:
Post a Comment