Akda ni Jubal Leon Saltshaker
Eleven
“Nothing’s true and nothing’s right.
So let me be alone tonight.
Cause you can’t change the way I am.
Are you strong enough to be my man?”
-Sheryl Crow
MATAPOS ang aking duty ay agad na akong umalis sa trabaho upang mamili nang aking babaunin papunta kila Viktor at nang mga pasalubong para sa mga kapatid nito. Nang makauwi na ako ay kinuha ko nang agad ang mga naempake ko nang mga gamit kaninang umaga at agad na akong nagmadaling umalis upang hindi ako masyadong gabihin.
Alam ni Mama na ako ay aalis at mayroon kaming Medical Mission. Iyon ang dahilang aking sinabi upang hindi na ito masyadong magtanong. Wala din sya nang ako ay papaalis dahil mayroon itong nilakad at si Ele lamang ang naiwan sa aming bahay na bago ako umalis ay nagpaalam naman sa akin.
“Kuya, ingat ka…at sorry na din.”
Tumango na lamang ako sa kanyang sinabi dahil sa nahihiya din naman ako dito. Hindi ko nga lang alam kung dahil lamang ba ito sa kanyang nalaman na aking sikreto o dahil sa bahagya ko syang napahiya kagabi. Syam na taon ang aking tanda kay Ele at sa tanan nang kanyang buhay ay hindi pa kami nito nagkaroon nang kahit na anong pagtatalo.
Papalubog na ang araw nang makasakay ako nang bus papunta kila Viktor. Kinakabahan ako dahil sa hindi ako sigurado sa aking pupuntahan at dahil na rin siguro sa muli naming pagkikita. Tumagal nang halos tatlong oras ang aking byahe dahil sa haba nang trapiko at sa sobrang dami nang taong nagsisiuwian sa kanilang mga probinsya. Lalo pa ngayong araw nang biyernes.
Nang tumigil na ang sinasakyan kong bus sa terminal kung saan ito gagarahe ay agad na akong naghanap nang masasakyang tricycle. Ayon sa sulat ni Valeria ay mas makabubuti kung alam nang tsuper ang lugar na aking pupuntahan. Swerte naman at alam nang isang pasahero ang lugar na aking pupuntahan na nakarinig sa paguusap namin nang drayber kaya’t agad na din akong nakasakay paalis. Halos trenta minutos ang itinagal nang aming byahe sa tricycle at medyo nakakahilo pa ito dahil sa lubak at maputik ang daan. SInabi ni Valeria sa akin na matapos makababa sa kantong kanyang isinulat ay agad na ipagtanong ang kanilang bahay sa matandang may-ari nang isang tindahan sa lugar na iyon at mabilis ko na daw itong matatagpuan. Naabutan kong pasara na ang tindahan at dahil sa aking uhaw ay bumili na muna ako nang Fanta dito bago ako magsimulang magtanong.
Itinuro ako nang matanda sa isang daan sa likuran nang kanyang tindahan na animo’y isang maliit na burol dahil papataas nang papataas ang lupang aking dinaraanan. Madilim ang buong paligid at bahagya pa akong natalisod sa isang tubo nang tubig habang naglalakad at mabuting agad na nakakapit sa sanga nang isang maliit na puno sa aking tabi. Hindi ko naman inaasahan na kinakailangan ko pang magdala nang flashlight upang makarating sa kanila. Suot ko ang aking salamin ngunit hindi rin ito nakatulong upang makakita ako nang mabuti. At hindi rin ako sigurado kung saan ako pupunta ngunit naaaninag ko pa naman ang daan dahil sa nasa gitna lamang ito at ang magkabilang paligid ay napupuno lamang nang mga puno at halaman.
Ang mga insekto lamang ang maririnig na nagiingay kasama nang aking paglalakad sa damuhan at ang madalas kong pagtapak sa mga sanga nang puno na nagbibigay nang matunog na ingay ang tanging ingay lamang na maririnig sa paligid. Sigurado akong wala pang alas-diyes ngunit pakiramdam ko’y lagpas na nang hating-gabi. Mayroon akong nadaraanang mga bahay ngunit patay na ang mga ilaw dito at marahil ay tulog na rin ang mga tao sa loob upang aking maistorbo. Naalala ko pa ang sinambit nang matanda na mag-ingat sa aking paglalakad dahil maraming ahas daw ang gumagapang at lumalabas sa ganitong mga oras. Pagkaisip ko dito ay agad ko nang binilisan pa ang aking paglalakad kahit pa hindi ko alam ang hanggangan o alam man lang ang aking pupuntahan. Nang marating ko na ang sinasabi sa akin ni Valeria ay agad na akong tumigil dito. Sinabi nito sa akin na mula sa tindahan paakyat nang burol ay dire-diretso lamang akong maglakad at huwag na huwag liliko kung saan.
Kahit na malabo ang aking mga mata lalo pa sa dilim ay nagawa pa ding maaninag nang aking paningin ang tinutukoy nitong mga puting bakod na nakapalibot sa kanilang bahay. Gumaan nang bahagya ang aking pakiramdam matapos maisip na ito na marahil ang kanilang tirahan. Ang tirahan ni Viktor. Ang lugar kung saan sya naroroon. Ang aming muling pagkikita. Mala-kubo ang itsura nang kanilang tahanan na mayroong espasyo sa ilalim na maaaring pasukan nang isang malaking tao nang naka-luhod
Nang matiyak kong hindi ako nagkakamali sa aking pinuntahan ay hindi na ako nahiya pang tumawag mula dito. Naka-limang tawag ako nang “Tao po?” bago ko pa mapansing may kung anong lumiwanag sa gilid nang kanilang bintana.
Mula dito ay bumukas ang pintuan at lumabas ang isang babaeng may hawak-na gasera sa kanyang kanang kamay. Nang lubos na itong maka-lapit ay agad na akong nagpakilala dito.
“Magandang gabi at pasensya na sa aking abala…ako nga pala si Angelo…ah’ dito ba nakatira si Viktor Andres?…kaibigan nya ako.”
“Magandang gabi din po…dito nga po sya nakatira…”
“Ah’…ikaw ba si Valeria?...”
“Hindi po, Ate ko po sya...”
Napansin kong tila nakaramdam nang takot ang babae sa akin kaya’t agad ko na lamang ditong itinanong kung nasaan si Valeria at agad naman itong pumasok sa kanilang tahanan. Maya-maya pa kasabay nang pagbukas nang halos lahat nang ilaw sa kanilang bahay ay muli na namang bumukas ang pintuan at dito ay lumabas naman ang isa pang babae na bahagyang may katangkaran sa nauna.
“A-ano pong maipaglingkod ko?...sino po sila?...”
Wika nito habang tila ba naniniguro kung ligtas ba ang lumapit.
“Magandang gabi sa iyo…ako si Angelo, yung kaibigan nang Kuya Viktor mo…”
Agad kong sinambit matapos itong makalapit nang mabuti sa akin.
“Ah…T-tuloy po kayo…ako po si Valeria…yung sumulat sa inyo.”
Pinapasok na akong agad ni Valeria sa kanilang bahay at pinaupo ako sa kanilang sala. Umakyat ito nang sandali at gigisingin lamang daw si Viktor. Kahit pa ayoko itong maistorbo ay hindi ko mapigilang hindi pa sya makita. Dahil sa kulay kahel na bumbilya nang kanilang ilaw ay nagmukhang papalubog lamang ang araw at malapit lamang ito sa buong paligid. Ipanatong ko ang aking dalang mga pasalubong sa katabing upuan at inilapag naman sa aking harapan ang dala kong Travel Bag. Tinanggal ko ang aking salamin at kinusot ang aking mga mata. Pinagmasdan ko ang buong paligid mula sa malaking litrato nang mga aso’ng nagsusugal, sa malaking kutsara at tinidor na gawa sa kahoy na nakasabit sa pagitan nang larawan at sa mga di mabilang na medalyang nakasabit sa dingding. Napansin ko rin ang isang batang lalaki na naka-toga sa isang litrato, naka-ngiti at hawak-hawak ang mga medalyang kanyang nakamit. Agad kong namukhaang si Viktor ito. Binalak ko itong lapitan upang makita ko nang mabuti nang mapansin kong dalawang batang babae ang nakatingin sa akin. Ngumiti ako sa mga ito at nagsalita.
“Hello…anong mga pangalan nyo?”
Halata mang nahihiya, ngunit nagwika ring agad ang isa dito.
“Vanessa po…”
“Hi Vanessa…ikaw anung name mo?”
Tanong ko naman sa isa pa.
“Violet…”
“Ilang taon na kayo?..”
“Seven po ako…”
Tugon ni Vanessa.
“Tapos si Ate po, nine.”
Dagdag pa nito.
“Ah. O’ para sa inyo nga pala ito…”
Iniabot ko sa dalawa ang kahon nang Donut na aking binili sa terminal sa Maynila bago ako sumakay sa bus at agad naman itong kinuha ni Vanessa.
“Salamat po kuya…”
Tugon ni Vanessa na sinundan din namang agad ni Violet.
“Salamat po.”
Ngumiti lamang ako sa mga ito hanggang sa marinig ko na mayroong pababa sa kanilang hagdanan.
Kinabahan akong bigla at nangingiti sa sobrang kasabikang muli syang makita.
“Kuya, sandali lang daw po…bababa na si Kuya…”
Magalang na sinambit sa akin ni Valeria.
“Aba…di pa kayo natutulog dalawa…teka, nagpasalamat na ba kayo kay Kuya Angelo nyo?...”
Dagdag pa nito matapos na makita ang hawak-hawak nang dalawa.
“Opo…Salamat po ulit Kuya Angelo.”
Si Vanessa.
Ngumiti akong muli sa mga ito.
“Naku, Kuya. Nag-abala ka pa…teka kumain ka na po ba?...mag-luto po ako nang Payless.”
“Naku, huwag ka nang mag-abala pa...busog din naman ako...Salamat ha'."
"Ako po ang dapat na mag-pasalamat,…Ay' papababa na rin po si Kuya…inaayos lang din po nya yung kama…”
Tumango na lamang ako sa kanyang sinambit.
“Mauna na po muna kami ha’…sigurado po ba talaga kayong busog pa kayo?”
Dagdag na tanong muli nito.
“Sugurado. Si-sige…”
Tumingin itong muli sa akin bago nito haraping muli ang dalawang kapatid.
“O’ sya bukas na yan…hugas na muna kayo nang kamay…Kuya pasok na po kami, magandang gabi po sa iyo...”
Pumasok ang mga ito sa isang kwartong natatakpan nang kurtina at mga ilang sandali pa ay sumilip naman ang batang babaeng sumalubong sa akin kanina.Tumingin lamang ito nang sandali sa akin at agad na ding pumasok sa loob nang kwarto.
At narinig ko na namang mayroong pababa sa kanilang hagdanan.
Hindi ako tumingin nang ito ay makababa at hinintay ko na lamang na makita sa aking harapan ang kanyang presensya. Ngunit nang lumipas na ang mga sandali at hindi pa rin ako natatakpan nang kanyang anino ay iniangat ko nang muli ang aking paningin at nakita ko itong nakaupo sa pinaka-babang tabla nang kanilang hagdanan at mabuting nakatingin sa akin.
"Bakit?..."
At nakita ko na namang muli ang kanyang mukha. Lalo na ang maamo nyang mga mata.
Itutuloy...
No comments:
Post a Comment