Sunday, March 6, 2011

SONGS WE USED TO SING : Linger

Akda ni Jubal Leon Slatshaker

Nine


“But I’m in so deep.
You know I’m such a fool for you.
You’ve got me wrapped around your finger.
Do you have to let it linger?”
-The Cranberries



NOONG una ko’ng makilala si Viktor, inaakala kong mahilig lamang itong magpapansin sa tipo nang pakikipag-usap nya sa akin. Pero nang mag-tagal ay napansin ko na talagang ganoon lamang sya. Likas na mayroong positibong pananaw sa kanyang paligid. At nang huli ko syang maka-usap sa maikling panahon ay nakita ko din ang seryosong pagkatao nito na sa palagay ko ay ang pinaka-malaking parte nang kanyang ugali.

Isang araw matapos ko’ng masulatan ang kapatid ni Viktor na hindi na ako makapag-hihintay pa sa kanyang sagot, nang aminin sa akin ni Bernadette ang kanyang ginawa. Naikwento nya ito sa isang naming katrabaho na madalas nyang kasabay mag-duty. At dahil wala na akong magagawa tungkol dito, kahit ano man ang mangyari ay hindi ko ikahihiya at pagsisisihan.

Ako mismo ay nagugulat din sa aking sarili sa mabilis kong pagtanggap sa mga bagay na dati ay hindi ko binibigyang pansin. Ngunit alam kong hindi ko dapat itago ang isang bagay sa aking sarili dahil lamang sa sasabihin nang iba at sa magiging epekto nito sa aking buhay.

Oo. Siguro nga’y bakla ako dahil sa mahal ko si Viktor.

Isang linggo pa ang lumipas nang magpadalang muli nang sulat sa akin ang si Valeria. Inaasahan ko talaga na si Viktor na ang ang sasagot sa akin upang masiguro ko na rin higit  sa lahat ang kanyang kalagayan. Matapos ko itong matanggap ay agad ko na itong binasa.

Mr. Angelo Alcantara,

Salamat po sa inyong pagsagot nang aking sulat. Lubos ko po itong ipinagpapasalamat at ikinatutuwa. Pasensya na din po kayo sa deretsahan kong pagsulat. Hindi din po kasi alam ni Kuya na sinusulatan ko kayo. Salamat po sa pag-aalala sa amin at marahil ay naikwento na din po sa inyo ni Kuya ang pagkamatay ni Mama. Hindi na po ako mahihiyang magsabi sa inyo nang aming mga problema dahil wala na din naman po akong matatakbuhang iba. Matapos po kasi ang pagkawala ni Mama ay nabaon na po kaming lahat sa utang at kinailangan na din pong tumigil nang mga nakababata ko pang kapatid sa kanilang pagaaral. Dagdag pa po nang magkasakit si Kuya. Kalakip po nang sulat kong ito ang adres namin at kung paano po kayo makararating dito. Malugod ko pong hihintayin ang araw nang inyong pagdating at alam ko po’ng ikatutuwa ni Kuya na kayo ay makita. Maraming salamat po’ng muli at diyos na po ang bahala sa iyo.

Lubos na nagpapasalamat,

Valeria Andres.

Nakaramdam ako nang matinding kalungkutan matapos ko’ng basahin ang sulat sa akin ni Valeria. Sa pagkamatay nang kanilang ina, sa estado nang kanilang pamilya sa kasalukuyan at higit sa lahat ang kalagayan ni Viktor na hindi ko pa alam. Ang kawalan ko nang ideya tungkol sa kanyang kalagayan ang lalong nagpapahirap sa aking kalooban. Dahil sa mga bagay na aking naiisip na wala naman akong kasiguraduhan kung totoo. Ang mga bagay na ito ang nagpaisip sa akin na kailangan ko na syang agad na makita. Ilang buwan ko’ng hinintay ang pagkakataong muli syang makita at makasama kaya wala akong dapat na palampasin sa mga nangyayari. Napakarami kong tanong kay Viktor at alam kong ganoon din sya sa akin. Lubos ko lamang talagang pina-ngangambahan ang hindi nya pagsulat sa loob nang napakatagal na panahon na araw-araw ko namang hinihintay at inaasahang makuha.

Matapos magbasa ay itinupi ko nang muli ang sulat kasama ang adres na inilakip ni Valeria sa ilalim nang mantel sa taas nang aming pridyider. Matapos nito ay bigla namang nahulog ang dalawang marumi at gusot na sulat mula dito. Dalawang sulat na adres para sa akin na mula kay Viktor.


Para kay Marion Angelo Ebenezer Alcantara,

Kamusta ka na? Sana ay naiisip mo din ako. Kagaya ngayon, habang isinusulat ko ang liham na ito sa’yo. Puno nang mga bituin ang buong kalangitan ngayong gabi habang ako ay nagsusulat. Inaasahan kong nakatingin ka din sa kanila gabi-gabi gaya nang aking palaging ginagawa. Aaminin ko sayo na matapos mong makaalis sa bus na aking sinakyan ay hindi ko napigilang umiyak. Hindi ako iyakin pero patuloy ang pagpatak nang aking mga luha. Naisip ko din na bumaba para habulin ka pero alam ko naman na sa sulat ko’ng ito e’ magkikita din tayong muli. Ikinalulungkot ko nga palang ibalita sayo na pumanaw na ang aking ina. Nang makauwi ako ay tatlong araw na syang lumipas, inilihim lamang ito sa akin nang aking mga kapatid upang hindi ako magalala habang pauwi dito sa amin. Sa kanyang pagkawala ay higit kong kinakailangang muli  ang trabaho para suportahan ang aking mga kapatid. Kaya baka makabalik na din ako dyan matapos ang dalawang linggo. Masaya ako at magkikita tayong muli. Sana sa oras na makabalik ako dyan, ay ako pa din ang nasa isip mo. Madalas sa aking isipan ang iyong maamong mukha na palagi kong inaalala bago ako matulog. Noong gabing magkatabi tayo sa iyong higaan at nang oras na ikaw ay tuluyan nang makatulog, ay pilit kong pinagmamasdan ang iyong mukha sa buong kadiliman nang paligid hanggang sa unti-unti na kitang makita. Hindi ako natulog nang gabing iyon dahil ayokong lumipas ang mga oras na hindi ko nasusulit habang kasama kita.

Kapag natanggap ko ang iyong tugon ay agad akong sasagot sayo’. Tandaan mo na matapos kong maihulog ito ay ganun din ako kasabik na agad matanggap ang liham na mula sayo.

Lubos na umaasa,

Janvik Andres.

Naupo ako sa aming hagdanan sa tapat nang altar na mayroong bumbilyang pula na sumasayaw ang liwanag sa pader nang paligid. Pinagmasdan kong mabuti ang magandang sulat-kamay ni Viktor at pinantay ko ang mga gusot dito. Tandang-tanda ko pa ang petsa kung kailan kami naghiwalay, at dito’y nabasa ko mula sa sobre na isang linggo matapos kaming huling magkita nang ipadala nya ang sulat sa akin. Nakita ko rin ang isa pa nyang liham ngunit dalawang linggo naman ang nakaraan bago ito maipadala sa akin. Hindi ko alam ang aking gagawin dahil na rin sa di gaya nang naunang sulat, ang hawak ko ngayon ay hindi pa nabubuksan. Upang mapawi ang aking nararamdamang pagkalito ay sinimulan ko nang basahin ang isa pa.

Angelo,

Pasensya ka na sa aking mga nasabi at huwag mo na itong pansinin pa. Higit kong ikanalulungkot ang aking naidulot na problema sayo. Hindi ako galit sayo at umaasa ako na sana ay palaging nasa mabuti ang iyong kalagayan nang sa gayon ay may posibilidad pa rin na tayo’y magkita balang araw. At bagamat wala ka nang pagtingin sa akin, ay patuloy pa rin kitang hihintayin. Hindi yun magbabago dahil alam kong totoo ito at hindi kita masisisi sa iyong desisyon. Pasensya nga pala pero hinalikan kita noon habang ikaw ay natutulog. Paalam Angelo.

J.V. Andres.

Inayos kong muli ang sulat ni Viktor at agad na akong pumanhik sa aking kwarto. Inilagay ko ito sa ilalim nang aking damitan. At agad na bumabang muli upang maligo at maghanda na sa aking pagpasok sa trabaho. Iniisip kong mag-empake na nang aking mga gamit para sa binabalak kong agarang pagbisita kay Viktor ngunit naisipan kong gawin na lamang ito mamayang gabi matapos akong makauwi mula sa aking trabaho. Huwebes na ngayon at Biyernes nang gabi ko naisipang mag-byahe. Susubukan ko ding kausapin si Mama sa mga nangyari dahil sigurado akong may kinalaman ito kung bakit ganoon na lamang ang sulat sa akin ni Viktor.


Simula nang maikwento ni Bernadette ang tungkol sa akin sa iba pa namin’g kasamahan, (na sigurado akong kumalat na sa lahat) ay napansin ko nang agad ang ilan sa mga taong tuluyan nang umiiwas sa akin. Isa na dito si Arthur, isa sa kagaya kong staff nurse na madalas kong makasabay magduty. At kahit na hindi ko sya madalas pansinin (dahil hindi ko naman talaga alam ang sasabihin at hindi kami ganoong ka-close) ay ito ang madalas na unang kumakausap sa akin kapag kami ay nagsimulang magka-kwentuhan.
Ngayon ay nag-duduty kami nang tila ba hindi kilala ang isa’t-isa at tingin ko na ang dahilan nito ay ang kwentong kanyang nalaman tungkol sa akin. Napipilitan din akong magsalita ngunit alam ko namang wala akong dapat na sabihin kaya nananahimik na lang din ako. Wala din naman akong magagawa at  walang kailangang ipaliwanag dito.

Pauwi na ako nang bigla naman akong tawagin ni Arthur na hindi na ako hinintay pang makalingon at agad na umakbay sa aking balikat.

“Tol’, uuwi ka na ba?...”

Sambit nito na ngayon ko lang din nasaksihan sa ganoong paraan.

“Ah’…Oo…bakit mo natanong?”

“W-wala lang…imbitahan lang sana kita…birthday ko kasi ngayon e’…”

“Ta-talaga?...e’ bakit hindi mo sinabi sa mga kasama natin kanina para madami tayo kung sakali?...”

“Ah’…Gusto ko kasi ikaw lang… ang maimbita…”

Itutuloy...

No comments: