Showing posts with label Songs we used to sing. Show all posts
Showing posts with label Songs we used to sing. Show all posts

Tuesday, August 2, 2011

Songs We Used To Sing - Epilogue



Akda ni Jubal Leon Saltshaker



Hindi ko alam kung anong higit at mabuting bagay ang aking nagawa upang makuha kong lahat ang mga gusto ko sa buhay. Ilang dekada na rin kaming magkasama ni Viktor sa iisang bubong at patuloy na nabubuhay. Masayang magkapiling mula sa pangungulila namin sa isa’t-isa sa napakahabang panahon. Araw-araw akong umaasa noon na muli ko syang makikita at ang pagalala sa aming dalawa ang nagbibigay sa akin ng pagasa na balang araw ay magkikita kaming muli. Ngayon ay masasabi kong hindi talaga sya nawala sa aking piling, dahil hindi ko naisipang bumitaw hanggang sa kanyang pagdating. Lahat ng taong nakapalibot sa akin ay nabigyan na ng pagkakataon upang malaman ang aking tunay na pagkatao. Kung ano talaga ako. Nagalit man sila o nagbigay ng suporta para sa akin ay tinanggap ko ang mga ito ng lubos. Wala akong pinagsisihan. Ngunit hindi lingid sa akin na karamihan sa kanila ay nagbago ang tingin at pakikisama sa akin, kabilang na ang mga mahal ko sa buhay, ang aking mga naging kasintahan at halos lahat ng aking mga kaibigan. Ayos naman ang lahat sa akin ngunit nakalulungkot nga lamang isipin na nagbago ang kanilang pakikitungo, gayong totoong sarili ko na ang aking ihinaharap. Para bang kinalimutan na nilang ako ay narito, na alam kong hindi rin naman ako nagbago.

Inilahad ko lamang ng buo ang aking katauhan. Isang salitang para bang binigkas na katumbas ay ang paglalahad ng mga importante at personal na  kaganapan sa aking buhay. Kung ganito man ang kanilang reaksyon sa aking mga ginawa na tingin kong sa mata ng diyos ay tama, wala akong dapat na ikagalit dahil alam kong para sa akin din naman ang kanilang mga nararamdaman. At ni minsan ay hindi ko ito ituturing na kabayaran sa tinatawag ng iba na kasalanang ipupukol sa isang tao dahil lamang sa tingin ng karamihan na imoral ang kanyang mga ginagawa. At isa pa, alam ko sa aking sarili na wala akong ginawang mali. Kung mali man na mahalin higit pa sa aking sarili ang kapwa ko lalaki, hihilingin ko na lamang sa langit na agad na akong kunin dahil sa hindi ko mapipigilan ang aking damdamin na hindi ito magpatuloy. Sa mga pagkakataong ganito, mabilis maghusga ang isa kapag wala sila sa sitwasyon. Gaya ng mabilis na pagpapayo, kapag wala sayo ang problema. Lumaki akong ganito at ganito rin ako mamamatay.

Paanong ang isang bagay ay ginawa para lang sa wala? Dahil sa naniniwala akong walang nangyari sa mundo na walang halaga, kabuluhan o eksplenasyon. Lahat ay mayroong kapares at lahat ay mayroong kasagutan na alam kong pabor ang diyos. Minsan lamang tayo tatapak at mabubuhay sa daigdig na ito at wala ng oras pa para sa pagkukunwari. Yun ang aking ginawa at masaya ako dito.

Kasabay ang aking pagiging lesinsyadong nars, ay matagumpay akong muling nakatapos sa pagaaral at ngayon ay isa ng ganap na doktor. Ni minsan ay hindi ko naisip na masasayang ang lahat ng aking pinaghirapan kaya naman nagpatuloy lamang ako. Dahil ng oras na makamit ko ito ay alam ko na matutulungan ko na ng lubusan si Viktor. Ang pagdating ni Viktor sa aking buhay ang lalong nagdala sa akin upang abutin ang pangarap kong ito. Simula ng sya ay mawala, umaasa akong palaging nasa mabuti ang kanyang kalagayan. Ayoko mang isiping mayroong masamang nangyari sa kanya, ay hindi ko pa rin ito maiwasan dahil sa kawalan ko ng impormasyon. Hindi ako nawawalan ng pag-asa. At pinanghahawakan ko ang aking sinabi na ako mismo ang tutulong sa kanyang kalagayan.

Gaya ng pinanghahawakan ko, alam kong balang araw ay magagawa rin akong patawarin ng aking Ama at ni Ele. Tahimik ang usapan namin ni Papa noon at natapos lamang sa pagsasabi nya ng ‘wala akong anak na ganyan, kaya makakaalis ka na.’ Simula rin noon ay hindi na ako kinibo ni Ele. Si Mama naman ay palihim na dumadalaw sa aking tirahan at tila ba wala pa ring nagbago kaya ayos pa rin naman ang lahat sa akin. At alam kong balang araw ay maayos din ang lahat. Isa na lang ang kulang.

Tumigil ang ikot ng aking mundo noon ng malaman kong wala na sya at hindi ko na makikita pa. Para akong namatay. Makasarili rin para sa akin na sabihing hindi na ako dapat nagpapatuloy pa. Pero nabali ang lahat ng ito ng muli ko syang makita. Naging maayos na ang lahat.
Ang aking buhay ng mawala sya ay tila ba isang orasan na patuloy na
tumigil sa kanyang kawalan. Paano gaganang muli ang isang bagay sa pagkawala ng bateryang mayroon lamang iisang piraso sa mundo?

At gaya ng aking sinabi, ay muling umikot ang takbo ng aking buhay ng oras na sya ay muli kong nasilayan.

Bigla kaming nagkatinginan mula sa aming kinatatayuan. Malayo kami sa isa’t-isa ngunit ng magtama ang aming mga paningin ay tila ba nagkadikit kaming bigla. Parang isang pares ng bagay na naiiba sa karamihan, isang kutsara at tinidor sa lupon ng mga kutsilyo. Pakiramdam ko na kami lamang ang nasa paligid at wala ng iba. Kami lamang ang mayroong kulay sa mundong kulay abo. Nagtitigan kami na wari ko ay tumagal ng ilang sandali. Tila ba tinitiyak namin sa isa’t-isa kung totoo ba ang aming mga nakikita. Tinitiyak na hindi ito isang panaginip. Ang umpisa ng simula. Sobrang lakas ng kabog ng aking dibdib, pakiramdam kong muli itong tumibok gaya ng sa isang kapapanganak pa lamang na sanggol sa unang tibok ng kanyang puso. Para bang muli akong isinilang. Hanggang sa tumulo na ang aking mga luha. Wala akong pakialam kung mayroong nakakakita sa akin. Sa amin. Nagliwanag din ang kanyang mga mata dulot ng luhang umaagos dito. Gusto ko syang yakapin sa harapan ng napakaraming tao ngunit hindi ko ito ginawa. Ako ang unang nagtungo sa kanyang direksyon hanggang sa mapansin kong kumikilos na rin sya upang lumapit sa akin. Nang tuluyan na akong makalapit sa kanya ay tinabihan ko ito at sumabay sa kanyang ginagawang paglakad.

Kung titingnan ay para kaming mga batang uuwi ng luhaan. Ngunit kami lamang ang makapagsasabing napakasaya ng aming nararamdaman ngayong muli naming natagpuan ang isa’t-isa. Walang gustong magsalita sa amin dahil na rin siguro sa alam na namin ang mga bagay na gusto naming sabihin. Tinanggal ko ang suot kong salamin at saka ito pinunasan bago ko pinagmasdan ang kanyang mukha na patuloy pa rin sa pagiyak. Umaagos ang mga luha sa kanyang mga mata ngunit hindi nya ito pinawi. Dito ay inabot ko sa kanya ang aking panyo at marahan nya itong tinanggap at agad na inilapat sa kanyang mga mata. Dahan-dahan kong kinuha ang kanyang mga palad at hinawakan ito ng mahigpit. Tila ba nagulat ito sa aking ginawa at nagawa kong pawiin ang kanyang mga luha. Nangungusap ang kanyang mga mata na para bang nagtatanong. Alam ko ang kanyang nasa isipan at alam kong alam nya na napakarami ring tanong mula sa akin. Ang bawat tanong namin sa isa’t-isa tungkol sa mga oras na lumipas at nasayang ay agad na naburang lahat sa pagtatagpong ito. Ang mga pangakong binitiwan ng bawat-isa ay unti-unti ng matutupad.

Hindi nagpumiglas si Viktor at hinayaan lamang nito na magkahawak ang aming mga kamay. Kahit na ilang daang tao pa sa paligid ang masusing nakamasid sa amin ay wala na kaming pakialam, dahil mas mahalaga na kapiling namin ang isa’t-isa kaysa sa sasabihin ng iba. Alam kong marami pa kaming tatahaking landas at pagdaraanan sa buhay. Nang magkasama.

“Huwag ka ng umiyak ha? Nandito na ako.”

“Ikaw din.”

Sagot sa akin ni Viktor.

“Umiiyak ako, kasi masaya na ako. Hindi ko ito mai-ngingiti ng sobra, pero magagawa ko sa pagluha habang nakangiti.”

“Tayo na?”

“Palagi namang tayo.”

“Walang nabago.”

“Patuloy lang.”

Lalong humigpit ang pagkaka-kapit namin sa isa’t-isa.

“Habang buhay.”

“Mahal kita.”

“Mahal kita.”



                                 Wakas

Monday, July 4, 2011

Songs We Used to Sing - Dreaming of You

Twenty-Two


Akda ni Jubal Leon Saltshaker
“Late at night when all the world’s sleeping. I stay up and think of you. And I wish on the stars, that somewhere you are thing thinking of me too.” -Selena


APAT na buwan na rin akong nagtatrabaho bilang isang construction Worker sa isang itinatayong gusali ng bigla ko syang makita.
Matulin syang naglalakad patungo sa sakayan ng jeep at ng walang mamataang masasakyan ay luminga-linga sa kanyang paligid. Pinagmasdan ko sya ng mabuti, dahilan upang hindi ko mamalayan na kanina pa pala ako kinakausap ng aking kasama.

“”Tol, tara na.”

Sambit sa akin ng kasamahan ko sa trabaho. 
Dahil sa huli na kaming nakalabas ng gusali ay agad na kaming nagmadali sa kadahilanang baka wala na kaming abutang pagkain sa mga karinderia. Minsan na rin kasi kaming naubusan. Nakapila kami sa labas ng kainan at naghihintay na makapasok sa loob. Ang katotohanan ay gusto ko syang lapitan upang mapagmasdan sya ng mabuti ngunit hindi ko ito magawa hindi dahil sa inaalala ko ang sasabihin ng aking kasama kung hindi ayoko naman itong iwan ng magisa. 

“Oo.”

Hindi ko alam kung ano ang mayroon sa kanya upang makuha nya ng ganito ang aking atensyon. Mainit ang buong paligid at napakataas ng sikat ng araw ngunit hindi ko ito pansin. Pero alam ko namang walang paraan upang sya ay aking makilala, ang mga naiisip ko ay tiyak na magdudulot lamang ng gulo sa kanya. Sapat na siguro ang minsan na nagkrus ang aming mga landas at ang aking nararamdaman ay sa akin na lang. Ganoon naman talaga, darating at lilipas din. 

Pinilit ko syang lingunin bago man lang sana ako makapasok sa kainan. Dahil sa sigurado akong hindi ko na sya makikita sa oras na mawala sya sa aking paningin. Ngunit bago pa man ako makapasok ay nakita ko itong nakatingin sa akin. Lumakas ang kabog ng aking dibdib at kung pwede ko lamang syang lapitan ay agad ko na itong ginawa. Nagtagal ito ng ilang segundo bago ko pa sya makitang magsuot ng salamin.

“”Tol, kanina ka pa tulala. Sabi ko pasok na tayo. Nakahanap na ako ng pwesto...”

“Ah, pasensya na. May iniisip lang.”

Bago ako tuluyang pumasok ay lumingon muna ako sa kanyang kinatatayuan ngunit hindi ko na sya namataan.

Nang araw ding iyon ay hindi na sya nabura pa sa aking isipan, malungkot dahil sa alam kong kahit na ano ang aking gawin ay hindi na kami magkikita pa. Alam kong sa oras na matapos na ang aking trabaho ay muli na naman syang papasok sa aking isipan. Hindi ko maaaring hilingin na sana ay iniisip nya rin ako dahil sa hindi naman nya ako kilala at higit sa lahat, hindi nya ako nakita. Kung alam ko lang sana kahit na ang kanyang pangalan. Pero ano ba ang aking iniisip at inaasahan? Na magkakagusto sya sa akin kung sakali nga na magkita kaming muli? Kabaliwan.

Pauwi na ako ng gabi ding iyon ng yayain naman ako ng isa sa aking mga kasamahan upang sa site na matulog. Karamihan sa mga trabahador na aking kasama ay wala pang tinitirhan dito sa Maynila kaya naman nananatili lamang sila sa lugar na mabuti namang hinahayaan ng buong kompanya kalakip ang matinding pagbabantay ng mga guwardiya sa gusali.

Inimbitahan akong matulog sa lugar ng isang kasamahan dahil sa huling araw na nya sa trabaho at bukas na ng madaling araw ang kanyang alis. Nakalulungkot lang na ang lahat sa amin ay walang kasiguraduhan ang tagal sa trabaho dahil sa anumang oras, ang trabahong iyong ginagawa ay mabilis na natatapos dahilan upang hindi ka na kailanganin. Kaya naman pinagbigyan ko na ang alok sa akin, ayoko din namang mag-isa sa araw na iyon. Humiram ako ng gitara sa isa sa aking mga kasama at buong gabi kaming kumanta. Kung inaalay nila ang kantang aking inaawit sa kanilang minamahal, ay ganoon din ang aking ginagawa. 

Dahil sa hindi rin naman ako umiinom ay humiwalay na ako ng higaan sa aking mga kasama. Humiram na lamang ako ng banig sa isa sa mga guwardiya at napiling mahiga malapit sa isang haligi. Walang bubong ang aking pwesto kaya naman kitang-kita ko ang buong kalangitaan, malamig ang kapaligiran at mabuting hindi pa ako natutunton ng mga lamok. May pakiramdam din akong hindi naman bubuhos ang ulan kinabukasan kaya naman hindi ko na kailangan pang sumilong. Maraming mga bituin sa himpapawid at natitiyak kong mainit ang panahon bukas. Inaasahan kong may daraang bulalakaw sa paligid upang maisakatuparan nito ang hinahangad ng aking isipan. 

Batid kong lumipas na ang hating-gabi at malayo-layo pa ang umaga ng maramdaman kong biglang sumakit ang aking binti. Isang mabigat na bagay ang bumagsak sa aking paa dahilan upang magdulot sa akin ng matinding sakit na syang dahilan upang magpakawala ako ng napakalakas na sigaw. Dito ay nagising ang lahat ng aking mga kasama at agad na nagtungo sa aking direksyon. Ni hindi ko maiangat ang aking ulo upang tingnan ang nangyaring pinsala sa akin. Isa sa aking mga kasama ang may tanang gasera na nagbigay ng ideya kung ano ang nangyari sa akin. Nabagsakan ng sementong pader ang aking kanang binti. 

Ikinalulungkot ko ang nangyari sa akin. Hindi lang dahil sa hindi ko na maipagpapatuloy pa ang aking trabaho ngunit dahil sa aking mga kasama. Alam kong sa insidenteng ito ay ipagbabawal na ang pagtulog sa konstraksyon. Dahil sa akin. Paano na lamang ang mga kasamahan kong ngayon pa lamang nakakabawi?

Agad nila akong dinala sa ospital at patuloy na sinasabi sa aking huwag na silang intindihin bagkos ay alalaahanin na lamang ang aking sarili. Ikinalulungkot din nilang hindi ako masamahan sa loob ng aking silid na lubos ko namang naiintindihan. Malapit ng dumating ang bagong umaga kaya naman hindi na ako natulog pa at naghintay na lamang sa pagdating ng sinag ng araw sa bintana sa loob ng silid. Masama ng nangyari sa akin ngunit hindi ko alam kung bakit maganda ang aking pakiramdam. 

Masakit ang aking kanang binti ngunit mayroon akong pakiramdam na tila ba walang masamang nangyari sa akin. Marahil ay dahil sa nagagawa ko pang saksihan ang bagong araw. Isang simbolo na palaging nagbibigay sa akin ng pagasa upang magpatuloy. Upang laging bumangon, dahil alam kong kahit na nakararamdam ako ng pighati ay patuloy pa ring darating sa aking buhay ang isang magandang pagkakataon. At wala na akong dapat gawin kung hindi ang hawakan ang mga ito at patuloy na maghintay sa kanilang pagdating.

Pinasok na ng haring araw ang loob ng kaninang madilim na silid. Nakahiga ako ng mga sandaling iyon at wala na akong ginawa pa kung hindi ipikit na lamang ang aking mga mata. Ramdam ko ang kanyang presensya ngunit hindi ako dumilat upang sya ay salubungin. Lubos kong ipinagpapasalamat ang tyansang muli syang makita at ang pagkakataong ito ay sapat na para sa akin at hindi ko pa rin magawang paniwalaan na umaayon ang mga bagay sa aking mga gustong mangyari. 

Batid kong naglakad sya papalayo sa aking direksyon, at dito ay hindi ko na pinalagpas pa ang aking pagkakataon. 
Kung nasaan ka man ngayon, ay buong buhay kong ipagpapasalamat na ikaw ay aking nakilala. Alam kong higit ang tiwala at pagpapahalaga natin sa isa’t-isa, na kahit hindi tayo magkapiling ay daig natin ang ibang magkasama. Dahil sa totoong nagmamahal tayo at ito ang syang pinaka mahalaga.




WAKAS

Songs We Used to Sing - Deep

Twenty-One

Akda ni Jubal Leon Saltshaker


“So this is what you mean. And this is how you feel. So this is how you see. And this is how you breath. Sometimes, i know. Sometimes, i go down deep.” -Binocular



INIYAKAN ko ng lubos ang pagkamatay ni Arthur. At bagamat wala akong kasalanan sa mga nangyari ay parte kong sinisisi ang aking sarili. Higit pa sa isang matalik na kaibigan ang pagaalala ko para sa kanya. Naalala ko ang kanyang paglalasing dulot ng kalungkutan at ang kanyang mga ngiti ng araw na bisitahin nya ako sa hospital. Alam kong masaya sya ng araw na iyon hindi dahil sa muli nya akong nakita, ngunit dahil sa imahe ng isang perpektong pagsasama na aking higit na napansing nakaguhit sa kanyang mukha. Wala naman akong iba pang mahihiling bilang kanyang kaibigan kung hindi ang makita syang masaya kaya naman lubos akong natutuwa sa tuwing makikita kong mangyayari ito. Hindi ko lamang talaga inaasahan na sasapitin nya ang ganitong kapalaran at kabaligtaran lamang ang mga bagay na aking mga nakita. Napakabilis ng mga pangyayari. 

Natagpuan sya sa kanyang kwarto na walang saplot sa katawan, may lubid sa kanyang leeg at puno ng paso ng sigarilyo at pasa ang buong katawan. Tinangay din ang ilan sa mahahalagang kagamitan sa kanilang tinitirhang apartment kasama na ang mga alahas ng kanyang ate. 

Ayokong ituring na maswerte ang nangyaring kaganapan dahil sa hindi na maibabalik pa ang buhay ni Viktor ngunit mabuti na lamang at bago pa makalayo ng lubusan ang suspek sa lugar ay natuklasan na ng kanyang kapatid ang nangyaring krimen. At dahil sa hindi na maibabalik pa ang buhay ng kanyang kapatid, ay agad na nitong sinundan ang taong kanyang nasalubong ng oras na sya ay paparating at mabuting nakahingi ng tulong sa mga tao sa paligid upang mahuli ang kriminal. 

Gamit ang aking saklay, dahilan na rin sa nabali kong buto sa paa ay inalalayan ako ni Mama ng magpunta kami sa lugar kung saan sya pansamantalang mananatili bago pa man mailibing sa kanilang probinsya. Nang makita ko si Arthur sa likod ng salamin ng kanyang himlayan, katulad ng iba ay para lamang itong natutulog. Nakakunot ang kanyang mga noo, ngunit wala akong ideya kung bakit ko naisipang sa kabila ng mga ito ay masaya syang pumanaw. Kahit na huli na upang sabihin ko ito, hinihiling ko na sana’y nakamit na ni Arthur ang kanyang mga minimithi bago pa man nya iwan ang mundo. Iniisip ko rin na sana ay nabura ng masayang bagay na kanyang naranasan ang kalungkutang naidulot ko dito. 

Ang kanyang pagkawala ang lalong nagpaisip sa akin kung ano na ang kalagayan ni Viktor. Paano kung sapitin nya rin ang ganito? Hindi ko alam ang aking gagawin. Ayoko ng isipin.

Kinuha ko ng agad ang teddy bear na ibinigay sa akin ni Viktor ng makarating ako sa aking silid matapos naming makauwi. Tinawag nya itong “Gelo” na walang pagdadalawang isip na aking sinangayunan. Para bang ipinamumukha lamang ng pagkakataon sa akin na wala akong ibang kasama kung hindi ang aking sarili. Kung Viktor lang sana ang ipinangalan nya sa laruan, ay bahagya itong magbibigay ng kasiyahan sa akin at pakiramdam na sya ay aking kasama at palaging nasa aking tabi. Niyakap ko ito ng mahigpit hanggang sa ako ay makatulog. 

Halos isang buwan din akong nanatili sa aming bahay upang makapagpahinga. At kahit pilitin kong gamitin ang maikling bakasyon na ito upang bisitahin si Viktor sa kanila ay hindi ko naman magawa dahil sa hindi talaga ako makalakad ng mabuti. Patuloy ko ring hinihintay ang sulat nya sa akin ngunit ni isa ay walang dumating. Ayoko rin namang isipin na hindi pinadala ni Ele ang sulat na ipinakiusap ko sa kanya dahil ng araw na inutos ko ito ay agad nya rin namang sinabi na natapos nya na itong ihulog ng oras na sya ay makauwi. 

Lumipas pa ang mga araw hanggang sa tuluyan na akong gumaling. Naapektuhan na rin ang aking paglalakad dulot ng bali sa aking kanang paa. Sa tuwing makikita ko ang aking sariling naglalakad ay naaalala ko si Viktor. Ito rin kasi ang dahilan kung papaano nagkrus ang aming mga landas. Kung papaano kami nagkakilala hanggang sa makita naming pinahahalagahan naman ang isa’t-isa. Malungkot ako sa nangyari at maaari ko na rin sigurong sabihin na wala na akong maiiyak pa. Pinaulanan ko ng mga sulat ang tirahan nila Viktor ngunit hindi na ako nakatanggap pa ng sagot mula rito. Kahit na paulit-ulit ang aking mga sinasabi ay hindi ko ito tinigilan, at umaasang isang araw ay magagawa nyang magpakita sa akin. Sa aking harapan. Kahit hindi na nya ipaliwanag pa ang nakaraan dahil sa masaya akong muli syang makita sa kasalukuyan at ngayon ay umaasang mangyayari ang aking mga iniisip. 

Madalas ko rin syang mapanaginipan, nakangiti sya sa akin at tila ba gusto nyang makipaghabulan. Ngunit sa tuwing tatangkain ko syang sundan ay saka naman ito mawawala sa aking harapan. Kung maaari ko lang syang makausap sa loob ng aking panaginip. Minsan nga ay naisip ko kung totoo ba ang mga nangyari sa amin. Kung totoo ba si Viktor o isa lamang napakagandang pangitain para sa akin. Isang pag-asa na nagbibigay ng kasagutan sa aking mga suliranin, isang sagot sa aking mga problema. Madalas kong itanong sa aking sarili kung nasaan na nga ba sya at ano ang kanyang ginagawa. Araw-araw. Gabi-gabi. 

Kung naiisip nya rin kaya ako sa oras na bigla syang lumitaw sa aking isipan. Sa tuwing ako ay kinakabahan. Sa oras na may magpaalala sa akin sa mga bagay na ginawa namin. Minsan pa ang hangin ay ramdam kong yumayakap sa akin na tila ba tangay nito si Viktor at ihinahatid sa aking tabi. Gusto kong sabihin sa kanya ang lahat ng aking nararamdaman ngunit alam kong malayo nya itong marinig. Malayo upang kanyang malaman. At ngayon ay bahagyang malayo upang magkaroon ng katuparan. Kailanman ay hindi ko rin naisip na kami ay pinarurusahan sa aming mga ginagawa. Makasarili kung ipagpipilitan ko ito ngunit naniniwala akong kung totoo ang iyong nararamdaman -kahit na saan mo pa ituon ang iyong pansin- ay kasama mo dito ang langit at patuloy ka nitong susuportahan. 

Aking nilalakaran ang mga lugar na alam kong aming pinuntahan, mga daan na kanyang inapakan. Ginagawa ko ito na tila ba mararamdaman ko ang kanyang presensya. Kung pwede ko lang yakapin ang espasyo sa mga lugar kung saan sya nanatili o naglakad upang kahit na papaano ay maramdaman ko syang muli ay matagal ko na itong ginawa.
Nagsinungaling ako sa aking sarili dahil may natitira pang mga luha sa akin sa tuwing gagawin ko ang paghahanap kay Viktor. Hindi ko maiwasan ngunit alam kong habang buhay ko itong gagawin. Buong buhay ko itong aalalahanin. Hinding-hindi ko ito makakalimutan.

Pinagmasdan ko ang kanilang tirahan. Puno na ito ng mga ligaw na damo at masukal na ang daan patungo rito. Wala ng makapagsabi pa kung saan lumipat sila Viktor at hindi rin alam ng kanilang kalapitbahay kung ano ang dahilan ng kanilang paglipat. Mabuti na lamang at maaari akong pumasok sa loob ng gusali dahil na rin sa ipinagbibili na ito at hindi dahil sa wala ng tao. Sinubukan ko ring kausapin ang matandang lalaking nagbebenta ng bahay (na mahigit kong ipinagtataka sa kung bakit wala syang kinalaman sa pamilyang nakatira dito) ngunit sinabi lamang nito na matapos nyang mabili ang lugar kila Viktor ay nagdesisyon syang ibenta na rin ito sa iba upang tugunan ang isang magandang pagkakataon. 

Pumasok ako sa loob ng tahanan nila Viktor na bukod sa mga naglahong kagamitan ay wala pa rin namang nabago sa mga ito. Agad akong nagtungo sa ikalawang palapag upang bisitahin ang kanyang silid. Ang kwarto kung saan panandalian naming nakapiling ang isa’t-isa. Wala na ang karamihan sa mga gamit ni Viktor at ang papag na lamang ang bagay na higit mong mapapansin sa loob nito. Binuksan ko ang bintana ng kwarto at naupo sa harap nito. Alam kong sa lugar na ito nananatili si Viktor ng oras na ako ay papaalis. Naghihintay sa aking pagbabalik at eto ako ngayon at umaasang magkikita pa kaming muli.

Pinagmasdan ko ang inuupuan kong sahig at inilagay dito ang aking mga palad. Nakalulungkot isipin at masakit sa akin na kahit nasa kwarto na ako ni Viktor ay hindi pa rin kami magkasama. Umaasang sa oras na patuloy kong hihimasin ang sahig ay susulpot ng bigla si Viktor sa akin. Ngunit walang nangyari, nagiisa pa rin ako at ang sinag ng araw ng papalapit na hapon na dumudungaw mula sa kanyang bintana ang tanging presensyang dumaramay sa akin. Matapos nito ay nahiga rin ako sa matigas na papag, umaasang nakikilala pa nito ang katawan namin ni Viktor na minsang nahiga rito. 

Ipinakilala ko ang aking sarili na tila ba interesado sa pagbili ng gusali ngunit lumabas ako ng bahay na tila ba hindi nasiyahan sa aking mga nakita. Nang mapansin ito ng bagong mayari ay agad nya akong tinanong kung ano ang masasabi ko sa lugar. Ayoko na itong sagutin dahil sa ayoko din namang magsinungaling at magpaasa kaya naman nanahimik na lamang ako at nagpasalamat. Nang magsimula na akong maglakad upang makaalis, ay agad nya din naman akong tinawag upang iabot sa akin ang isang kahon. Naglalaman ito ng napakaraming sulat na patuloy raw na dumarating at naka-adres sa bahay na kanyang nabili. 

Kung alam nya lang daw sana kung saan matatagpuan ang totoong mayari ng bahay ay matagal na nya itong ibinigay. At dahil sa ako pa lamang daw ang nagtangkang tumingin sa buong lugar ay ibinibigay nya na ito sa akin kaysa naman itapon nya ang mga ito at sunugin. Malugod ko namang tinanggap ang napakaraming liham. Mga sulat ko para kay Viktor.

Sa tuwing maririnig ko ang mga kantang inaawit ni Viktor noon ay mabilis syang pumapasok sa aking isipan. Habang unti-unting binabanggit ang liriko ng kanta ay tila ba unti-unti rin syang nabubuo sa akin. Pakiramdam na isa syang awitin na patuloy na tutunog sa aking isipan habang buhay. Isang kanta na alam kong naiiba sa lahat at pinakaaasam kong muling mapakinggan. Sigurado rin akong wala na akong maririnig pang iba na tulad nya. 

Hanggang ngayon ay umaasa pa rin akong magkikita kaming muli. Higit na umaasa na minsan ay muli kong maririnig ang kanta na higit na nagpasaya sa akin. Si Viktor. Umaasa na sa bawat paglingong aking gagawin, sa bawat lugar na aking pupuntuhan at tatahakin ay agad ko syang matatanaw sa aking likuran. Nakangiti at kanina pang naghihintay sa aking pagdating. Handa na akong salubungin. 

Masaya ako na minsan ay dumating sya sa aking buhay at desidido akong sa oras na sya ay bumalik ng muli ay hindi ko na sya pakakawalan pa. Tatanggapin ng buong-buo kahit pa alam kong babaguhin nito ang aking buhay kasama na ng pagtingin ng ibang tao sa akin, na alam ko namang ang pagbabagong ito ang lubos na magpapasaya sa akin. Wala akong pakialam sa sasabihin ng iba sa tipo ng aking nararamdaman, ang mahalaga ay totoo ito at alam kong panghabang buhay kahit na isang lalaki pa si Viktor.

Araw-araw kong hinihiling na sana ay nasa mabuti syang kalagayan, ng sa gayon ay may pagasang muling magkrus ang aming mga landas. Lubos akong maghihintay sa pagdating ng araw na iyon, kahit na abutin pa ng dapit hapon ang aking buhay. Dahil alam kong kapag nangyari na ito, ay wala na akong mahihiling pa. 

Magkikita rin tayong muli, Viktor. Palagi akong maghihintay sa iyong pagbabalik. Asahan mo yan.

Songs We Used to Sing - Bizzare Love Triangle

Twenty


Akda ni Jubal Leon Saltshaker
“I feel fine and i feel good. I feel like i never should. Whenever i get this way i just don’t know what to say. Why can’t we be ourselves like we we’re yesterday.” -Frente



NATAGPUAN ko na lamang ang aking sarili na naka-admit sa ospital kung saan ako nagtatrabaho. Hindi ko maidilat ang aking kaliwang mata at masakit pa rin ang buo kong katawan. Sa kanang kamay naman nakakabit ang swero na agad kong napansin ng bahagya kong igalaw ang aking kamay. Sa aking pagkakaalam, simula bata pa lamang ako ay ito ang unang beses na ma-admit ako sa ospital at malagyan ng dextrose na hindi ko naman inaasahang mabigat sa pakiramdam. Para bang isang pakiramdam na kahit masaya ka ay alam mong mayroong masamang mangyayari. Iginala ko ang aking paningin at nakita kong umiiyak sa aking tabi si Mama. Magkadikit ang kanyang dalawang palad na animo’y nagdarasal sa aking harapan. 
“”Nak...mabuti naman at nagising ka na. Salamat sa d’yos. Alalang-alala ako sa’yo. Ano bang problema? Hindi ka naman umiinom ah...bakit mo yun ginawa?”
Sambit ni Mama na alam kong wala talagang ideya kung ano ang dahilan ng aking paglalasing na nagdulot sa akin ng kapahamakan. Pinunasan nito ang mga luha na patuloy na bumubuhos mula sa kanyang mga mata. Umiyak na rin ako. Dahil ayokong nasasaktan si Mama at ang nagiisa kong kapatid. At higit sa lahat, kalahati sa mga luha ko ay para kay Viktor. 
“Huwag ka ng umiyak anak. Makasasama sa kondisyon ng mata mo. Si Ele, pauwi na bukas.”
Dito ay pinunasan ni Mama ang kaliwa kong mata na bagamat sarado ay lumuluha pa rin.
“Halos mag-iisang araw ka na ring natutulog.”
Kwento sa akin ni Mama. Mayroon daw nakakita sa akin na nakahandusay sa lupa at duguan sa lugar malapit sa kung saan ako uminom. Ang mga ito na rin ang nagsugod sa akin sa ospital na ng malaman kung saan ako nagtatrabaho ay naisipang mas mabuti kung dito na rin ako dadalhin. Hindi ko alam kung papaano ako binugbog ngunit malinaw pa sa aking alaala ng simula nila akong pagsusuntukin. Maswerte pa rin ako at hindi nila ako tinuluyan at nagawa pa nilang iwan ang aking pitaka kaya naman ang bali sa aking kanang paa ay wala sa akin. Kung nasa harap ko lamang si Viktor, tiyak kong mabilis akong makakabawi.
“Dumalaw na rito ang head nurse mo at iba mo pang kasamahan sa trabaho...gusto mo na bang kumain anak?”
Agad ng inayos ni Mama ang aking kakainan upang agad na akong makakain. 
“Hi-hindi pa po ako nagugutom Ma’. Si Ele po, sino ang nagbabantay?”
Sagot ko sa kanya. Dito ay napansin ko ang napakaraming pagkain sa mesa sa aking tabi, marahil ay dala ng aking mga kasamahan. 
“Ang Tita Ange mo. Mamaya pupunta rin ako doon ng sandali. Sigurado ka hindi ka pa nagugutom? Teka, pupuntahan ko nga pala ang iyong doktor upang sabihang nagkamalay ka na...may kailangan ka ba ‘nak bago ako umalis?”
“W-wala po.”
“Ah...Anak, dumalaw nga pala si Katherine kanina...sya ang nagdala nyang mga prutas.”
Si Katherine. Ang huli kong kasintahan. Kung nagkita lamang kaming muli ay hindi ko alam ang sasabihin dito. Kung ganoon pa rin ba ang nararamdaman ko para sa kanya ay hindi ko na alam. Mabuti na ring hindi kami nagkita. Hindi ako takot na mabago nitong muli ang pagtingin ko kay Viktor ngunit pakiramdam kong masasaktan ko lamang si Katherine ng hindi nya nalalaman kahit na wala na syang pakialam sa akin. Pero pinuntahan nya pa rin ako. 
“Ganun po ba...”
“Sige. Mabilis lang ako.”
Matapos na maisara ni Mama ang pinto ay muli kong naramdaman ang aking pagiisa. Ang mga nararamdaman ko ngayon ay natitiyak kong walang-wala sa pinagdaraanan ni Viktor. Bagamat ayokong isiping totoo ito at kahit pa mayroong basehan ang kanyang mga sinabi, ay hindi pa rin ako makapaniwala. Isang sakit na sa pagkakaalam ko ay karaniwan sa mga babae, na sa limang daan nito ay isa lamang ang nagkakaroon. Bakit si Viktor pa? Wala ring tiyak na diagnostic test para dito kaya naman malaki ang aking paniniwala na wala syang lupus. Ngunit hindi ko maaaring ikaila na ramdam ko ang mabilis nyang pagkapod at ang pamumula ng kanyang mukha na kapansin-pansin na mayroong binubuong porma. Ayokong hamakin ang kaalaman ni Viktor ngunit hindi ko ito maiwasan sa kanyang mga sinabi. Sana ay hindi nakasama sa kanyang kalagayan ang paglabas namin noon sa gitna ng mataas na sikat ng araw na kung mayroon nga syang ganitong sakit ay tiyak kong higit na makadaragdag sa paglala ng kondisyon ng kanyang balat. Lupus, isang chronic inflammatory disease na mayroong natatanging senyales na tinatawag na “butterfly rash” na syang matatagpuan sa mukha na halintulad sa hugis ng isang paru-paro. Hinihiling ko na sana ay higit akong nagkakamali sa aking mga napansin sa kanya. Sana. 
Inakala kong nakabalik ng agad si Mama dahil ilang sandali pa lamang ang nakakalipas ng bumukas ng muli ang pintuan ng kwarto. Sumilip dito si Arthur at bahagyang yumuko ng ako ay makita. Tila ba sumenyas ito sa labas na para bang mayroong pinapapasok at matapos ay saka na ito tumuloy sa loob. Inilagay nito sa mesa sa aking tabi ang dala nyang mga prutas at dito ay pumasok na rin ang kanyang kasama. Marahil ay day-off nya ngayon dahil sa naka civilian si Arthur sa kanyang pagbisita. Nakita kong ngumiti sa akin ang kasama nito at umupo sa monoblock sa aking harapan. Itinayo ko ang aking sarili upang maayos kong matugunan ang kanilang pagdalaw at ng mabuti silang mapasalamatan at makakwentuhan. Tinulungan ako ni Arthur sa aking pagtayo. 
“Kamusta na?”
Tanong nito sa akin. 
“Okay na naman ako. Maraming salamat sa pagbisita ah.”
Tugon ko sa kanya.
“Ang dami talagang masasamang loob ngayon ‘no?
Si Arthur na biglang natigilan na para bang mayroong maling nasambit.
“Ah, si Paul nga pala.”
Bigla nitong pagpapakilala sa kanyang kasama na agad namang tumayo at sumaludo sa akin.
“’Tol, Paul.”
Sambit nito, matapos nito ay kanya din akong kinamayan sa aking kaliwang kamay. Hindi ako sigurado sa relasyon nilang dalawa ngunit bahagya akong nakaramdam ng inggit. Inggit hindi para kay Arthur ngunit mula sa pagsasama nilang dalawa. Kinaiinggitan ko ang mga ito dahil sa inaasam kong makasama ng magisa si Viktor. Kapiling ng wala kaming pinoproblema at tanging mga sarili lamang namin ang aming aalalahanin at iintindihin.
Makalipas ang ilang sandali ay nagpaalam na sila at nakumpirma ang aking iniisip ng mapansin kong maghawak sila ng kamay bago pa man lumabas ng kwarto at magpaalam sa akin. Hinihiling ko rin ang lubos na kaligayahan para sa kaibigan kong si Arthur. Naway magtuloy-tuloy ang magagandang bagay na nangyayari sa kanya. Matapos nilang makaalis ay dumating na si Mama kasama ang aking doktor.
Mga ilang araw pa akong nanatili sa loob ng ospital bago pa ako tuluyang makauwi sa aming bahay. Dito ay masugid akong inalagaan ni Mama at ni Ele na sa tuwing kami lamang ang matitira sa aking kwarto ay bigla na lamang iiyak at hihingi ng paumanhin. Kahit pa hindi ko na itanong kung ano ang dahilan sa paghingi nya ng tawad, alam kong maiilang sya kung amin itong paguusapan kaya naman sinasabi ko na lamang dito na huwag nya na itong isipin pa at ayos na din naman ang lahat. Dito ay tila ba alam na ni Ele kung ano ang tunay kong nararamdaman kaya naman alam kong maaari ko na itong pagkatiwalaang muli tulad ng dati. 
Sumulat ako kay Viktor at sinabi ko sa kanya ang aking kalagayan sa mga salitang hindi na sya mag-aalala pa. Susuportahan ko ang kanyang kalagayan at pati na rin ang kanyang mga nakababatang kapatid sa lubos ng aking makakaya at sana ay hindi nya ako tanggihan dito kahit na alam kong ito ang mangyayari. Ipinangako ko sa kanya na kung hindi sya agad na makararating dito sa Maynila ay ako na mismo ang pupunta sa kanya sa oras na tuluyan na akong gumaling. 
Ilang araw ng pagpapahinga sa bahay at paghihintay sa sulat na ipadadala ni Viktor ng bigla naman akong makatanggap ng tawag. Isa lamang ang aking inaasahan dahil sa minsan lang naman tumunog ang aming telepono at madalas na para ito kay Ele. Hindi rin naman kami nasanay ng aking mga kasintahan sa paggamit nito dahil na rin sa palagi ko silang kasama noon. Nasa ikatlong ring na ang telepono ng ito ay aking masagot. 
“Hello.”
“Hello? Sino sila?”
“Angelo.”
“Hmm?”
“Bakklllllaaaaaaaaaaaaaaaaa!!!”
Matapos nitong magsalita ay agad ng ibinaba ang kabilang linya. Boses ito ng isang babae. Bigla na lamang akong nakaramdam ng hiya para sa aking sarili. Para bang sinasabi nito kung sigurado na ako sa aking desisyon at ito na ang pinaka magaang pwedeng mangyari sa akin. Ang mabibigat ay paparating pa lamang at kailangan kong paghandaan. Ilang saglit pa ang nakalilipas na hindi pa ako natatapos sa pagiisip kung sino ba ang tumawag ng muli na namang mag-ring ang aming telepono. Agad ko itong sinagot.
“Hello!”
“Ay. A-angelo? Bern’ ‘to. Okay ka lang?”
“Ah Bern. Okay lang ako. Anu yun? Napatawag ka...”
“Si Arthur kasi...”
“Ano si Arthur?”
“Patay na sya.”
Hindi na ako nakapagsalita pa dito habang tila ba bulong sa paligid ang boses ni Bernadette sa kabilang linya na paulit-ulit na tinatawag ang aking pangalan.