Saturday, March 5, 2011

SONGS WE USED TO SING : Words Get in the Way

Akda ni Jubal Saltshaker

Seven


“And before you break my heart in two,
Theres something Ive been trying to say to you.”
-Gloria Stefan



NOONG gabing iyon ay napag-pasyahan namin’g huwag munang gawin ang bagay na nararamdaman namin sa isa’t-isa. Napagkasunduan namin ito ni Viktor at nanatiling magkayakap hanggang sa kami ay makatulog.

Alas-kwatro na nang madaling araw nang ako ay muling magising. Nakayakap pa din sa akin si Viktor, kaya’t dahan-dahan na lamang ako’ng kumilos upang hindi ko ito magising. At dahil sa inaantok pa ako ay balak ko’ng magtimpla nang kape para sa amin nang marinig ko ang boses nito.

“Saan ka pupunta?”

Bigla ko itong nilingon at agad akong lumapit sa kanya.

“Magtitimpla ako nang kape para sa atin...”

“Ah…”

“Gusto mo nang kumain?...”

Nakatitig lang ito sa akin hanggang sa sumagot na itong muli.

“Masaya ako…”

Aaminin ko’ng mas nagustuhan ko ang itsura ni Viktor ngayong bagong gising ito. Kung hindi lang kami nagmamadali, mas pipiliin ko pa ang matulog maghapon katabi sya.

“Haha…ako din…sana pareho tayo nang dahilan kung bakit…”

Ngumiti lang ito sa akin at lumabas na ako nang kwarto at agad na nagtungo sa aming kusina. Inakyat ko ang kape at ang natirang tasty sa mesa kasama nang palamang peanut butter mula sa aming ref. Nakabihis na si Viktor nang ako ay makabalik at tinitiklop nito ang pinahiram ko’ng short at t-shirt sa kanya.

“Uy…ibaba mo na yan…kain muna tayo…”

Inilapag ko ito sa maliit na mesa sa aking kwarto at dito ay agad nya na akong sinaluhan. Pinalamanan ko ang tinapay at saka ito iniabot sa kanya.

“Anu nang mangyayari sa atin…ibig ko sabihin…aalis ako…paano yun?”

Tanong ni Viktor sa akin matapos nito’ng gawin ang kanyang unang kagat.

“Nag-aalala ka ba na magkaroon ako nang iba?...”

“Oo yun…nahihiya ko lang na sabihin…baka din hindi mo ako mahintay…”
“Huh?...ano ka ba!?”

Sambit ko dito na medyo napataas ang tono nang aking pananalita kaya agad ako’ng bumawi dito.

“Hindi lang naman yun ang esensya kung bakit kita gusto…kahit di natin yun ginawa, e’ walang mababago sa pagtingin ko sa’yo...”

“Salamat…”

“E’ ako ba mahihintay mo?...”

“Huh?...saan ka naman pupunta?...”

“Uhm, wala lang…haha..ibinabalik ko lang ang tanong sayo…”

Napabuntong hininga si Viktor nang sandali bago pa man ito muling magpatuloy.

“Alam naman natin na mahirap maging ganito sa ating ginagalawan…kapag di ka nakuntento sa taong nasa harap mo…e’ karaniwang maghahanap ka at maghahanap ka nang iba…mahirap gawin pero kailangan. Sa relasyon nang isang babae at isang lalaki, mabilis na makita na nagkakagulo sila dahil sa pananaw nang babae…pero sa dalawang lalaki, wala kang ideya sa nangyayari..ang mga lalaki’ng marunong lamang masaktan ang naniniwala sa tunay na pagmamahal…sa mga lalaki naman’g walang pakialam sa nararamdaman nang iba, sila ang mga tipo nang tao na pansariling kaligayahan lamang ang hanap….”

“Oo...kaya naiintindihan ko na di muna natin ginawa…”

“Kailangan din nating maintindihan, na kahit wala ang…sex e’ gusto pa din natin ang isa’t-isa…minsan kasi yan lang ang dahilan nang karamihan…kapag tinanggal na ang sex…wala na rin ang lahat…”

“Teka, sinesermonan mo ba ako?...haha!..”

“Hindi naman…natutuwa lang kasi ako sa’yo at naiintindihan mo ako…”

“Haha…puro ka nalang natutuwa…ako din dapat…haha!”

Matapos namin’g kumain at magkwentuhan ay naligo na din ako para maghanda papasok sa aking trabaho. Sinabi ni Viktor na sa bahay na lamang nila sya maliligo kapag nakauwi na ito dahil kaunti pa lamang ang tulog nito at ayaw nyang mapasma. Lumabas kami nang bahay na tulog pa si Mama at Ele na hindi nalalamang nagpatulog ako nang bisita sa bahay.
Madilim pa rin ang paligid kahit na mag-aalas singko y medya na at nagsisimula na ring magsitilaok ang mga manok sa aming lugar. Ni-lock ko nang ang pinto nang aming bahay at balak ko na rin’g dumiretso na sa aking trabaho matapos ko’ng maihatid si Viktor sa terminal kung saan sya sasakay pauwi sa kanila.

Inakbayan ako ni Viktor habang kami ay naglalakad at kahit pa medyo naiilang ako ay hinayaan ko lang ito. Ganoon lamang siguro kapag guilty ka sa isang bagay, hindi ka komportable.

“Alam ba nang mama at nang kapatid mo?...”

Bigla nyang tanong sa akin.

“Huh?...hindi e’…ikaw ba?...”

“Si mama at si papa lang…yung mga kapatid ko, di nila alam…”

“Papa ko din walang ideya’ng ganito ako, pero tingin ko naman hindi sya magagalit…”

“Nasaan nga pala ang papa mo?...”

“Ah’ nasa abroad sya ngayon…”

“Hmm…”

“Meron ka pa’ng tanong?...”

“Angelo, ingat ka pala palagi ah…alagaan mo ang sarili mo…”

“Sus…O-oo naman…ikaw din…Salamat.”

“Susulat din pala ako…pangako yan…”

“Teka, alam mo ba’ng adres ko?...”

“Ayun nga, hihingin ko pa lang sana…”

“Haha…ayos ah’…e’ yung sa’yo?...kunin ko din para masulatan kita…”

“ Ah’, Huwag na…susulat naman kaagad ako at mababasa mo yun doon…”

“S-sige…ikaw ang bahala…”

“Hingi na lang ako nang picture mo kung pwede…sana pala tinanong na kita kanina no?...meron ka ba’ng dala ngayon?”

Agad ko’ng dinukot mula sa bulsa nang suot kong pants ang aking wallet at binuksan ito upang ipakita kay Viktor ang aking larawan.

“Hmm…okay na ba to’?”


Ipinakita ko dito ang tanging picture sa aking wallet, isang kuha para sa aming yearbook. Suot ko pa ang aking nursing uniform at bahagyang nakangiti sa kamera.

“Hehe…mukha kang totoy dyan...”

“Last five years pa yan kaya ganyan ang itsura ko…hehe…”

Tinanggal ko na ito sa aking wallet at hindi na nagdalawang isip pa na ibigay ito sa kanya kahit iyon na lamang ang aking kopya. Pagkaabot ay sandali nya ito’ng tiningnan at maya-maya pa ay biglang hinalikan ang aking larawan.

“Sus…haha..”

Reaksyon ko sa kanyang ginawa na ngumiti lamang at tumingin sa akin nang sandali. Paglabas namin sa kanto ay sumakay na kami nang jeep papuntang terminal nang bus at wala pang trenta minutos ay nakarating na kami dito.
Walang masyadong pila sa sasakyang bus ni Viktor kaya’t agad ko na itong pinilit na sumakay. Pagakyat nito’y sinabi nyang maupo muna ako sa kanyang tabi habang wala pa’ng masyadong tao at iyon naman ang aking ginawa.

“Hanggang kailan ka ba doon?...”

Tanong ko dito sa mahinang boses upang hindi marinig nang isang babae sa likuran nang inuupuan namin.

“Hindi ko alam, basta sisigiraduhin ko muna ang kalagayan ni Mama tapos babalik na ako dito para maghanap muli nang trabaho…higit naming kailangan yun lalo pa’t madami pa sa mga kapatid ko ang nag-aaral…”

“Aalis na tayo!..”

Narinig ko’ng malakas na sinigaw nang kondoktor nang bus kahit na hindi pa puno ang buong bus.

“Angelo, aalis na…”

“Ah…”

Hindi ko alam kung paano ko sa kanya sasabihin ang gusto kong malaman nya at tila ba alam nang iba na bababa din ako at naghihintay sa aking gagawin.

“Viktor…”

Ayoko namang pagsisihan ang aking gagawin ngunit ayoko din naman na mamaya ay magsisi din ako sa isang bagay dahil hindi ko ito ginawa.
Agad kong hinalikan si Viktor sa kanyang sentido at agad na bumaba nang bus matapos nito. Nakita kami nang kondoktor nang bus at nang dalawang lalaking pasahero sa tapat nang kinauupuan namin ngunit wala na akong pakialam dahil papaalis na din naman ako. Medyo makasarili ngunit alam ko namang hindi ito ikagagalit ni Viktor.

Gusto ko syang lingunin ngunit hindi ko na nagawa pa at matapos makababa ay agad akong dumistansya. Nang tangkain ko namang lingunin ang kanyang bus ay sigurado akong nakatingin ito sa akin. Inakala kong umiiyak ito ngunit hindi pa din ako sigurado dahil sa hindi ko sya makita nang mabuti dahil nakalimutan ko ang aking salamin sa mata. Kumaway sya sa akin nang magsimula nang gumalaw ang bus upang umalis at kumaway din ako dito.

Hindi talaga ako iyakin pero umiyak ako nang mga oras na yun dahil hindi ko sigurado ang aming muling pagkikita. Patuloy pa din sya sa pagkaway hanggang sa makalayo na ang kanyang sinasakyang bus at hindi ko na sya tuluyang makita. Mabigat ang pakiramdam ko nang sya ay maka-alis. May pagkakataon pa na noong nasa bahay pa lamang kami ay gusto ko syang pigilan na umalis ngunit alam ko namang wala akong magagawa. Naisip ko din na sana ay binagalan namin ang paglalakad bago kami sumakay nang jeep dahil ngayon pa lamang ay hinahanap-hanap ko na ang kanyang presensya. Ang tangi ko na lamang naisip ay kung kailan ang muli nyang pagbabalik at ang araw na sya’y susulat sa akin kahit na kaaalis pa lamang nito.

Sumakay na din ako nang jeep matapos ang ilang sandali upang pumasok sa trabaho at dito’y unti-unti nang lumiliwanag ang buong paligid at nagsisimula nang dumating ang bagong umaga.


Itutuloy...

No comments: