Monday, July 4, 2011

Songs We Used to Sing - Wooden Heart

Nineteen

Akda ni Jubal Leon Saltshaker

“And if you say goodbye, then I know that I would cry. Maybe I would die, ‘cause I don’t have a wooden heart.” -Lizard’s Convention 



Sumapit ang araw ng linggo at bumuti-buti na rin naman ang kalagayan ni Ele. Kapag nagpatuloy pa ang ganito, malamang ay mabilis na syang makakauwi sa aming bahay. At dahil sa wala naman akong pasok, matapos kong magpunta sa ospital ay dumiretso na ako sa Quiapo upang makasimba. 
Inabutan ko ang kartero ng hapong ako ay makauwi. Dito ay nakatanggap na naman ako ng sulat ngunit hindi ko naman inaasahan na manggagaling ito sa kapatid ni Viktor. Mula kay Valeria. Dito ay inilahad nya ang mga nangyari simula ng ako ay makaalis. Ang mga nangyari na pilit nilang itinago sa akin.
Agad akong nagtungo sa aking kwarto at napagdiskitahan ko ang aking mga libro. Inihagis ko ang mga ito sa buong paligid at patuloy akong nagwala. Kahit na ano ang aking mahawakan ay hindi ako nagdalawang isip upang ito ay sirain. Ang librong aking iniingatan ay hindi magagawang palitan ang kung ano mang nangyayari sa kanya. Wala na akong pakialam sa mga ito basta’t masiguro ko lamang na nasa mabuti syang kalagayan. Sinisisi ko ang aking sarili kung bakit hindi ko ito agad napansin, kung bakit pakiramdam ko ay nagbulagbulagan ako kahit na alam kong mayroong nangyayaring hindi maganda. Hindi ko rin masisisi si Viktor sa kanyang mga ginawa, ang paglilihim nya sa kanyang kalagayan. Pinilit itago ni Viktor ang lahat sa akin, tinangka daw itong sabihin sa akin ni Valeria ngunit kinagalitan sya ng kanyang kuya dahilan ng kanyang pag-iyak dahil sa alam nyang ang pagmamatigas ng kapatid ay walang maidudulot na maganda sa kalagayan nito. Hanggang sa tuluyan ng tumulo ang mga luha sa aking mga mata. Mabuti na lamang at ako lamang ang nasa aming tahanan dahil sa tingin kong higit na magaalala si Mama sa oras na marinig nyang patuloy kong sinusuntok ang pintuan ng aking kwarto. Nagkasugat-sugat na ang aking mga daliri ngunit wala ito sa sakit na kanyang pilit na tiniis at nararamdaman. Gusto ko syang puntahan at yakapin pero alam kong wala akong magagawa. Nanginginig ako at hindi mapigilan ang sarili sa pagluha. 
Maya-maya pa ay namalayan ko na lamang ang aking sarili na dinadalaw na ng antok habang nakahiga ako sa mga kalat na aking ginawa. Alas-nuebe na ng gabi ng ako ay magising at napansin kong namamaga pa rin ang aking mata ng mapatingin ako sa salamin sa aking tabi. Walang ibang bagay ang pumasok sa aking isipan. Kahit alam kong hindi ito ang sagot sa aking problema ay binalak ko itong gawin.
Nagayos ako ng sarili upang umalis, dito ay hindi ko na rin naligpit pa ang mga kalat na aking ginawa na akin ding lubos na naaapakan. Bigla ko na lamang napansin ang isang maliit na kartong hugis parisukat na nakakalat sa sahig kasama ng isang papel. Tinanggal ko ang librong nakapatong dito upang mas mabuti ko itong makita.
Nang akin itong kunin ay nalaman kong litrato ito ni Viktor kasama ang adres ng kanilang tirahan. Nakasandal sya sa likod ng isang puno at nakangiti sa larawan. Naka-sando ito at nakapantalon gaya ng madalas nyang isuot ng magpunta ako sa kanila. Maliwanag ang buong paligid at maaliwalas ang kanyang mukha. Hinawakan ko ng mahigpit ang litrato at muli ko na naman syang naalala. Sa sulat sa akin ni Valeria ay may sakit daw ang kanyang Kuya. Nang banggitin nya ang pangalan ng sakit ay dito ko na napansin ang mga ikinilos ni Viktor. Ang mamula-mula nyang mukha, ang kanyang pagkilos at ang ramdam kong mabilis nyang pagkapagod. Kung hindi ko pa ito malalaman ay iisipin kong normal lamang ang kanyang mga ikinilos. Matapos nito ay agad ko ng kinuha ang sulat na nasa tabi ng litrato. Sulat ito sa akin ni Viktor, na sinabi nya sa aking huwag ko ng hanapin pa dahil sa nagbibiro lamang sya tungkol dito. Nakasaad sa sulat ang kumpletong adres ng kanilang bahay sa probinsya at ang kanyang mensahe para sa akin na dapat ay noon ko pa nabasa. 
Salamat sa mga ginawa mo para sa akin, alam ko na balang-araw ay mababasa mo rin ang sulat kong ito. Umalis ako sa aking trabaho dahil sa mayroon akong Lupus at hindi na ito kaya ng aking katawan. Nanghihina na ako. Mahal kita at ayokong makasakit kaya sana ay maintindihan mo ako sa oras na malaman mo ang totoo. Sa mga araw na inilagi ko sa ospital ay palagi mo akong pinapasaya, kahit na hindi mo ito alam. Alam ko din na sobra mo akong inalagaan noong oras na kinakailangan ko ito, sobra pa sa ibang pasyente mo. Salamat din sa mga masasarap na pagkaing isinasabay mo sa pagkaing dinadala sa akin. Bagamat hindi ito sinabi ng naghahatid sa akin ay sigurado akong ikaw ang nagpapaabot nito. Alam ko rin na madalas kang dumaan sa aking pintuan upang pakinggan akong kumanta. Para sayo din naman ang mga kantang iyon. Kahit na ano ang mangyari sa akin ay okay na din ako dahil pinayagan mo akong iparamdam ko sa’yo ang aking nararamdaman. Ang aking mga yakap at ang paghawak ko sa iyong mga kamay. At higit sa lahat, masaya ako dahil sa tingin kong pinahalagahan mo din ako. Maraming salamat at hinding-hindi kita malilimutan.
John Viktor Andres
Matapos ko itong mabasa ay inilagay ko ito sa bulsa ng pantalong suot ko at umalis na ako ng aking kwarto palabas.
Nakatatlong bote na ako ngunit pakiramdam ko ay hindi pa rin ako nalalasing. Ito ang unang pagkakataon na nakainom ako ng ganito karami. Patuloy kong pinupunasan ang aking mga mata dahil sa hindi ko pa rin mapigil ang aking pagluha. Hindi ko alam ang gagawin at gusto ko syang puntahan. Ikinasasakit pa ng aking kalooban ang mga bagay na hindi ko sa kanya nasabi. Mahal na mahal ko si Viktor at alam kong kahit na ipinapakita ko ito sa kanya ay hindi ko ito nagawang sabihin. 
Tumagal ako ng walong bote at pansamantala kong nalimutan ang aking mga dinadala. Bagamat hilong-hilo ako ay patuloy lamang akong naglakad. Hindi ko na alam kung nasaan na ako at ang mga taong aking nasasalubong ay tila ba nadedeporma ang pisikal na anyo. Umiikot ng mabilis ang paligid. Ngayon ko lamang ito naramdaman dahil sa ngayon lamang talaga ako uminom at nalasing. 
Mayroong mga taong kumausap sa akin. Hindi ko alam ang kanilang mga sinabi kaya naman sinagot ko ang mga ito na hindi ko rin alam kung ano ang aking sinambit. Biglang sumakit ang aking tyan. Ang aking mukha at ang aking buong katawan. Napahiga ako sa sahig at tila ba nanunuod na lamang sa mga nangyayari, wala rin akong magawa. Para akong damit na patuloy na pinupukpok upang mawalan ng mantya. Wala akong magawa at hindi ako makalaban. Patuloy ding lumalabo ang aking paningin, tuluyan itong nagdilim hanggang sa mawalan na ako ng malay.
Ngunit sigurado akong bago ito mangyari ay pangalan nya ang aking sinasabi.

“Viktor. Viktor. Viktor ko...”

No comments: