Twenty
Akda ni Jubal Leon Saltshaker
“I feel fine and i feel good. I feel like i never should. Whenever i get this way i just don’t know what to say. Why can’t we be ourselves like we we’re yesterday.” -FrenteNATAGPUAN ko na lamang ang aking sarili na naka-admit sa ospital kung saan ako nagtatrabaho. Hindi ko maidilat ang aking kaliwang mata at masakit pa rin ang buo kong katawan. Sa kanang kamay naman nakakabit ang swero na agad kong napansin ng bahagya kong igalaw ang aking kamay. Sa aking pagkakaalam, simula bata pa lamang ako ay ito ang unang beses na ma-admit ako sa ospital at malagyan ng dextrose na hindi ko naman inaasahang mabigat sa pakiramdam. Para bang isang pakiramdam na kahit masaya ka ay alam mong mayroong masamang mangyayari. Iginala ko ang aking paningin at nakita kong umiiyak sa aking tabi si Mama. Magkadikit ang kanyang dalawang palad na animo’y nagdarasal sa aking harapan.
“”Nak...mabuti naman at nagising ka na. Salamat sa d’yos. Alalang-alala ako sa’yo. Ano bang problema? Hindi ka naman umiinom ah...bakit mo yun ginawa?”
Sambit ni Mama na alam kong wala talagang ideya kung ano ang dahilan ng aking paglalasing na nagdulot sa akin ng kapahamakan. Pinunasan nito ang mga luha na patuloy na bumubuhos mula sa kanyang mga mata. Umiyak na rin ako. Dahil ayokong nasasaktan si Mama at ang nagiisa kong kapatid. At higit sa lahat, kalahati sa mga luha ko ay para kay Viktor.
“Huwag ka ng umiyak anak. Makasasama sa kondisyon ng mata mo. Si Ele, pauwi na bukas.”
Dito ay pinunasan ni Mama ang kaliwa kong mata na bagamat sarado ay lumuluha pa rin.
“Halos mag-iisang araw ka na ring natutulog.”
Kwento sa akin ni Mama. Mayroon daw nakakita sa akin na nakahandusay sa lupa at duguan sa lugar malapit sa kung saan ako uminom. Ang mga ito na rin ang nagsugod sa akin sa ospital na ng malaman kung saan ako nagtatrabaho ay naisipang mas mabuti kung dito na rin ako dadalhin. Hindi ko alam kung papaano ako binugbog ngunit malinaw pa sa aking alaala ng simula nila akong pagsusuntukin. Maswerte pa rin ako at hindi nila ako tinuluyan at nagawa pa nilang iwan ang aking pitaka kaya naman ang bali sa aking kanang paa ay wala sa akin. Kung nasa harap ko lamang si Viktor, tiyak kong mabilis akong makakabawi.
“Dumalaw na rito ang head nurse mo at iba mo pang kasamahan sa trabaho...gusto mo na bang kumain anak?”
Agad ng inayos ni Mama ang aking kakainan upang agad na akong makakain.
“Hi-hindi pa po ako nagugutom Ma’. Si Ele po, sino ang nagbabantay?”
Sagot ko sa kanya. Dito ay napansin ko ang napakaraming pagkain sa mesa sa aking tabi, marahil ay dala ng aking mga kasamahan.
“Ang Tita Ange mo. Mamaya pupunta rin ako doon ng sandali. Sigurado ka hindi ka pa nagugutom? Teka, pupuntahan ko nga pala ang iyong doktor upang sabihang nagkamalay ka na...may kailangan ka ba ‘nak bago ako umalis?”
“W-wala po.”
“Ah...Anak, dumalaw nga pala si Katherine kanina...sya ang nagdala nyang mga prutas.”
Si Katherine. Ang huli kong kasintahan. Kung nagkita lamang kaming muli ay hindi ko alam ang sasabihin dito. Kung ganoon pa rin ba ang nararamdaman ko para sa kanya ay hindi ko na alam. Mabuti na ring hindi kami nagkita. Hindi ako takot na mabago nitong muli ang pagtingin ko kay Viktor ngunit pakiramdam kong masasaktan ko lamang si Katherine ng hindi nya nalalaman kahit na wala na syang pakialam sa akin. Pero pinuntahan nya pa rin ako.
“Ganun po ba...”
“Sige. Mabilis lang ako.”
Matapos na maisara ni Mama ang pinto ay muli kong naramdaman ang aking pagiisa. Ang mga nararamdaman ko ngayon ay natitiyak kong walang-wala sa pinagdaraanan ni Viktor. Bagamat ayokong isiping totoo ito at kahit pa mayroong basehan ang kanyang mga sinabi, ay hindi pa rin ako makapaniwala. Isang sakit na sa pagkakaalam ko ay karaniwan sa mga babae, na sa limang daan nito ay isa lamang ang nagkakaroon. Bakit si Viktor pa? Wala ring tiyak na diagnostic test para dito kaya naman malaki ang aking paniniwala na wala syang lupus. Ngunit hindi ko maaaring ikaila na ramdam ko ang mabilis nyang pagkapod at ang pamumula ng kanyang mukha na kapansin-pansin na mayroong binubuong porma. Ayokong hamakin ang kaalaman ni Viktor ngunit hindi ko ito maiwasan sa kanyang mga sinabi. Sana ay hindi nakasama sa kanyang kalagayan ang paglabas namin noon sa gitna ng mataas na sikat ng araw na kung mayroon nga syang ganitong sakit ay tiyak kong higit na makadaragdag sa paglala ng kondisyon ng kanyang balat. Lupus, isang chronic inflammatory disease na mayroong natatanging senyales na tinatawag na “butterfly rash” na syang matatagpuan sa mukha na halintulad sa hugis ng isang paru-paro. Hinihiling ko na sana ay higit akong nagkakamali sa aking mga napansin sa kanya. Sana.
Inakala kong nakabalik ng agad si Mama dahil ilang sandali pa lamang ang nakakalipas ng bumukas ng muli ang pintuan ng kwarto. Sumilip dito si Arthur at bahagyang yumuko ng ako ay makita. Tila ba sumenyas ito sa labas na para bang mayroong pinapapasok at matapos ay saka na ito tumuloy sa loob. Inilagay nito sa mesa sa aking tabi ang dala nyang mga prutas at dito ay pumasok na rin ang kanyang kasama. Marahil ay day-off nya ngayon dahil sa naka civilian si Arthur sa kanyang pagbisita. Nakita kong ngumiti sa akin ang kasama nito at umupo sa monoblock sa aking harapan. Itinayo ko ang aking sarili upang maayos kong matugunan ang kanilang pagdalaw at ng mabuti silang mapasalamatan at makakwentuhan. Tinulungan ako ni Arthur sa aking pagtayo.
“Kamusta na?”
Tanong nito sa akin.
“Okay na naman ako. Maraming salamat sa pagbisita ah.”
Tugon ko sa kanya.
“Ang dami talagang masasamang loob ngayon ‘no?
Si Arthur na biglang natigilan na para bang mayroong maling nasambit.
“Ah, si Paul nga pala.”
Bigla nitong pagpapakilala sa kanyang kasama na agad namang tumayo at sumaludo sa akin.
“’Tol, Paul.”
Sambit nito, matapos nito ay kanya din akong kinamayan sa aking kaliwang kamay. Hindi ako sigurado sa relasyon nilang dalawa ngunit bahagya akong nakaramdam ng inggit. Inggit hindi para kay Arthur ngunit mula sa pagsasama nilang dalawa. Kinaiinggitan ko ang mga ito dahil sa inaasam kong makasama ng magisa si Viktor. Kapiling ng wala kaming pinoproblema at tanging mga sarili lamang namin ang aming aalalahanin at iintindihin.
Makalipas ang ilang sandali ay nagpaalam na sila at nakumpirma ang aking iniisip ng mapansin kong maghawak sila ng kamay bago pa man lumabas ng kwarto at magpaalam sa akin. Hinihiling ko rin ang lubos na kaligayahan para sa kaibigan kong si Arthur. Naway magtuloy-tuloy ang magagandang bagay na nangyayari sa kanya. Matapos nilang makaalis ay dumating na si Mama kasama ang aking doktor.
Mga ilang araw pa akong nanatili sa loob ng ospital bago pa ako tuluyang makauwi sa aming bahay. Dito ay masugid akong inalagaan ni Mama at ni Ele na sa tuwing kami lamang ang matitira sa aking kwarto ay bigla na lamang iiyak at hihingi ng paumanhin. Kahit pa hindi ko na itanong kung ano ang dahilan sa paghingi nya ng tawad, alam kong maiilang sya kung amin itong paguusapan kaya naman sinasabi ko na lamang dito na huwag nya na itong isipin pa at ayos na din naman ang lahat. Dito ay tila ba alam na ni Ele kung ano ang tunay kong nararamdaman kaya naman alam kong maaari ko na itong pagkatiwalaang muli tulad ng dati.
Sumulat ako kay Viktor at sinabi ko sa kanya ang aking kalagayan sa mga salitang hindi na sya mag-aalala pa. Susuportahan ko ang kanyang kalagayan at pati na rin ang kanyang mga nakababatang kapatid sa lubos ng aking makakaya at sana ay hindi nya ako tanggihan dito kahit na alam kong ito ang mangyayari. Ipinangako ko sa kanya na kung hindi sya agad na makararating dito sa Maynila ay ako na mismo ang pupunta sa kanya sa oras na tuluyan na akong gumaling.
Ilang araw ng pagpapahinga sa bahay at paghihintay sa sulat na ipadadala ni Viktor ng bigla naman akong makatanggap ng tawag. Isa lamang ang aking inaasahan dahil sa minsan lang naman tumunog ang aming telepono at madalas na para ito kay Ele. Hindi rin naman kami nasanay ng aking mga kasintahan sa paggamit nito dahil na rin sa palagi ko silang kasama noon. Nasa ikatlong ring na ang telepono ng ito ay aking masagot.
“Hello.”
“Hello? Sino sila?”
“Angelo.”
“Hmm?”
“Bakklllllaaaaaaaaaaaaaaaaa!!!”
Matapos nitong magsalita ay agad ng ibinaba ang kabilang linya. Boses ito ng isang babae. Bigla na lamang akong nakaramdam ng hiya para sa aking sarili. Para bang sinasabi nito kung sigurado na ako sa aking desisyon at ito na ang pinaka magaang pwedeng mangyari sa akin. Ang mabibigat ay paparating pa lamang at kailangan kong paghandaan. Ilang saglit pa ang nakalilipas na hindi pa ako natatapos sa pagiisip kung sino ba ang tumawag ng muli na namang mag-ring ang aming telepono. Agad ko itong sinagot.
“Hello!”
“Ay. A-angelo? Bern’ ‘to. Okay ka lang?”
“Ah Bern. Okay lang ako. Anu yun? Napatawag ka...”
“Si Arthur kasi...”
“Ano si Arthur?”
“Patay na sya.”
Hindi na ako nakapagsalita pa dito habang tila ba bulong sa paligid ang boses ni Bernadette sa kabilang linya na paulit-ulit na tinatawag ang aking pangalan.
No comments:
Post a Comment