Monday, July 4, 2011

Songs We Used to Sing - Deep

Twenty-One

Akda ni Jubal Leon Saltshaker


“So this is what you mean. And this is how you feel. So this is how you see. And this is how you breath. Sometimes, i know. Sometimes, i go down deep.” -Binocular



INIYAKAN ko ng lubos ang pagkamatay ni Arthur. At bagamat wala akong kasalanan sa mga nangyari ay parte kong sinisisi ang aking sarili. Higit pa sa isang matalik na kaibigan ang pagaalala ko para sa kanya. Naalala ko ang kanyang paglalasing dulot ng kalungkutan at ang kanyang mga ngiti ng araw na bisitahin nya ako sa hospital. Alam kong masaya sya ng araw na iyon hindi dahil sa muli nya akong nakita, ngunit dahil sa imahe ng isang perpektong pagsasama na aking higit na napansing nakaguhit sa kanyang mukha. Wala naman akong iba pang mahihiling bilang kanyang kaibigan kung hindi ang makita syang masaya kaya naman lubos akong natutuwa sa tuwing makikita kong mangyayari ito. Hindi ko lamang talaga inaasahan na sasapitin nya ang ganitong kapalaran at kabaligtaran lamang ang mga bagay na aking mga nakita. Napakabilis ng mga pangyayari. 

Natagpuan sya sa kanyang kwarto na walang saplot sa katawan, may lubid sa kanyang leeg at puno ng paso ng sigarilyo at pasa ang buong katawan. Tinangay din ang ilan sa mahahalagang kagamitan sa kanilang tinitirhang apartment kasama na ang mga alahas ng kanyang ate. 

Ayokong ituring na maswerte ang nangyaring kaganapan dahil sa hindi na maibabalik pa ang buhay ni Viktor ngunit mabuti na lamang at bago pa makalayo ng lubusan ang suspek sa lugar ay natuklasan na ng kanyang kapatid ang nangyaring krimen. At dahil sa hindi na maibabalik pa ang buhay ng kanyang kapatid, ay agad na nitong sinundan ang taong kanyang nasalubong ng oras na sya ay paparating at mabuting nakahingi ng tulong sa mga tao sa paligid upang mahuli ang kriminal. 

Gamit ang aking saklay, dahilan na rin sa nabali kong buto sa paa ay inalalayan ako ni Mama ng magpunta kami sa lugar kung saan sya pansamantalang mananatili bago pa man mailibing sa kanilang probinsya. Nang makita ko si Arthur sa likod ng salamin ng kanyang himlayan, katulad ng iba ay para lamang itong natutulog. Nakakunot ang kanyang mga noo, ngunit wala akong ideya kung bakit ko naisipang sa kabila ng mga ito ay masaya syang pumanaw. Kahit na huli na upang sabihin ko ito, hinihiling ko na sana’y nakamit na ni Arthur ang kanyang mga minimithi bago pa man nya iwan ang mundo. Iniisip ko rin na sana ay nabura ng masayang bagay na kanyang naranasan ang kalungkutang naidulot ko dito. 

Ang kanyang pagkawala ang lalong nagpaisip sa akin kung ano na ang kalagayan ni Viktor. Paano kung sapitin nya rin ang ganito? Hindi ko alam ang aking gagawin. Ayoko ng isipin.

Kinuha ko ng agad ang teddy bear na ibinigay sa akin ni Viktor ng makarating ako sa aking silid matapos naming makauwi. Tinawag nya itong “Gelo” na walang pagdadalawang isip na aking sinangayunan. Para bang ipinamumukha lamang ng pagkakataon sa akin na wala akong ibang kasama kung hindi ang aking sarili. Kung Viktor lang sana ang ipinangalan nya sa laruan, ay bahagya itong magbibigay ng kasiyahan sa akin at pakiramdam na sya ay aking kasama at palaging nasa aking tabi. Niyakap ko ito ng mahigpit hanggang sa ako ay makatulog. 

Halos isang buwan din akong nanatili sa aming bahay upang makapagpahinga. At kahit pilitin kong gamitin ang maikling bakasyon na ito upang bisitahin si Viktor sa kanila ay hindi ko naman magawa dahil sa hindi talaga ako makalakad ng mabuti. Patuloy ko ring hinihintay ang sulat nya sa akin ngunit ni isa ay walang dumating. Ayoko rin namang isipin na hindi pinadala ni Ele ang sulat na ipinakiusap ko sa kanya dahil ng araw na inutos ko ito ay agad nya rin namang sinabi na natapos nya na itong ihulog ng oras na sya ay makauwi. 

Lumipas pa ang mga araw hanggang sa tuluyan na akong gumaling. Naapektuhan na rin ang aking paglalakad dulot ng bali sa aking kanang paa. Sa tuwing makikita ko ang aking sariling naglalakad ay naaalala ko si Viktor. Ito rin kasi ang dahilan kung papaano nagkrus ang aming mga landas. Kung papaano kami nagkakilala hanggang sa makita naming pinahahalagahan naman ang isa’t-isa. Malungkot ako sa nangyari at maaari ko na rin sigurong sabihin na wala na akong maiiyak pa. Pinaulanan ko ng mga sulat ang tirahan nila Viktor ngunit hindi na ako nakatanggap pa ng sagot mula rito. Kahit na paulit-ulit ang aking mga sinasabi ay hindi ko ito tinigilan, at umaasang isang araw ay magagawa nyang magpakita sa akin. Sa aking harapan. Kahit hindi na nya ipaliwanag pa ang nakaraan dahil sa masaya akong muli syang makita sa kasalukuyan at ngayon ay umaasang mangyayari ang aking mga iniisip. 

Madalas ko rin syang mapanaginipan, nakangiti sya sa akin at tila ba gusto nyang makipaghabulan. Ngunit sa tuwing tatangkain ko syang sundan ay saka naman ito mawawala sa aking harapan. Kung maaari ko lang syang makausap sa loob ng aking panaginip. Minsan nga ay naisip ko kung totoo ba ang mga nangyari sa amin. Kung totoo ba si Viktor o isa lamang napakagandang pangitain para sa akin. Isang pag-asa na nagbibigay ng kasagutan sa aking mga suliranin, isang sagot sa aking mga problema. Madalas kong itanong sa aking sarili kung nasaan na nga ba sya at ano ang kanyang ginagawa. Araw-araw. Gabi-gabi. 

Kung naiisip nya rin kaya ako sa oras na bigla syang lumitaw sa aking isipan. Sa tuwing ako ay kinakabahan. Sa oras na may magpaalala sa akin sa mga bagay na ginawa namin. Minsan pa ang hangin ay ramdam kong yumayakap sa akin na tila ba tangay nito si Viktor at ihinahatid sa aking tabi. Gusto kong sabihin sa kanya ang lahat ng aking nararamdaman ngunit alam kong malayo nya itong marinig. Malayo upang kanyang malaman. At ngayon ay bahagyang malayo upang magkaroon ng katuparan. Kailanman ay hindi ko rin naisip na kami ay pinarurusahan sa aming mga ginagawa. Makasarili kung ipagpipilitan ko ito ngunit naniniwala akong kung totoo ang iyong nararamdaman -kahit na saan mo pa ituon ang iyong pansin- ay kasama mo dito ang langit at patuloy ka nitong susuportahan. 

Aking nilalakaran ang mga lugar na alam kong aming pinuntahan, mga daan na kanyang inapakan. Ginagawa ko ito na tila ba mararamdaman ko ang kanyang presensya. Kung pwede ko lang yakapin ang espasyo sa mga lugar kung saan sya nanatili o naglakad upang kahit na papaano ay maramdaman ko syang muli ay matagal ko na itong ginawa.
Nagsinungaling ako sa aking sarili dahil may natitira pang mga luha sa akin sa tuwing gagawin ko ang paghahanap kay Viktor. Hindi ko maiwasan ngunit alam kong habang buhay ko itong gagawin. Buong buhay ko itong aalalahanin. Hinding-hindi ko ito makakalimutan.

Pinagmasdan ko ang kanilang tirahan. Puno na ito ng mga ligaw na damo at masukal na ang daan patungo rito. Wala ng makapagsabi pa kung saan lumipat sila Viktor at hindi rin alam ng kanilang kalapitbahay kung ano ang dahilan ng kanilang paglipat. Mabuti na lamang at maaari akong pumasok sa loob ng gusali dahil na rin sa ipinagbibili na ito at hindi dahil sa wala ng tao. Sinubukan ko ring kausapin ang matandang lalaking nagbebenta ng bahay (na mahigit kong ipinagtataka sa kung bakit wala syang kinalaman sa pamilyang nakatira dito) ngunit sinabi lamang nito na matapos nyang mabili ang lugar kila Viktor ay nagdesisyon syang ibenta na rin ito sa iba upang tugunan ang isang magandang pagkakataon. 

Pumasok ako sa loob ng tahanan nila Viktor na bukod sa mga naglahong kagamitan ay wala pa rin namang nabago sa mga ito. Agad akong nagtungo sa ikalawang palapag upang bisitahin ang kanyang silid. Ang kwarto kung saan panandalian naming nakapiling ang isa’t-isa. Wala na ang karamihan sa mga gamit ni Viktor at ang papag na lamang ang bagay na higit mong mapapansin sa loob nito. Binuksan ko ang bintana ng kwarto at naupo sa harap nito. Alam kong sa lugar na ito nananatili si Viktor ng oras na ako ay papaalis. Naghihintay sa aking pagbabalik at eto ako ngayon at umaasang magkikita pa kaming muli.

Pinagmasdan ko ang inuupuan kong sahig at inilagay dito ang aking mga palad. Nakalulungkot isipin at masakit sa akin na kahit nasa kwarto na ako ni Viktor ay hindi pa rin kami magkasama. Umaasang sa oras na patuloy kong hihimasin ang sahig ay susulpot ng bigla si Viktor sa akin. Ngunit walang nangyari, nagiisa pa rin ako at ang sinag ng araw ng papalapit na hapon na dumudungaw mula sa kanyang bintana ang tanging presensyang dumaramay sa akin. Matapos nito ay nahiga rin ako sa matigas na papag, umaasang nakikilala pa nito ang katawan namin ni Viktor na minsang nahiga rito. 

Ipinakilala ko ang aking sarili na tila ba interesado sa pagbili ng gusali ngunit lumabas ako ng bahay na tila ba hindi nasiyahan sa aking mga nakita. Nang mapansin ito ng bagong mayari ay agad nya akong tinanong kung ano ang masasabi ko sa lugar. Ayoko na itong sagutin dahil sa ayoko din namang magsinungaling at magpaasa kaya naman nanahimik na lamang ako at nagpasalamat. Nang magsimula na akong maglakad upang makaalis, ay agad nya din naman akong tinawag upang iabot sa akin ang isang kahon. Naglalaman ito ng napakaraming sulat na patuloy raw na dumarating at naka-adres sa bahay na kanyang nabili. 

Kung alam nya lang daw sana kung saan matatagpuan ang totoong mayari ng bahay ay matagal na nya itong ibinigay. At dahil sa ako pa lamang daw ang nagtangkang tumingin sa buong lugar ay ibinibigay nya na ito sa akin kaysa naman itapon nya ang mga ito at sunugin. Malugod ko namang tinanggap ang napakaraming liham. Mga sulat ko para kay Viktor.

Sa tuwing maririnig ko ang mga kantang inaawit ni Viktor noon ay mabilis syang pumapasok sa aking isipan. Habang unti-unting binabanggit ang liriko ng kanta ay tila ba unti-unti rin syang nabubuo sa akin. Pakiramdam na isa syang awitin na patuloy na tutunog sa aking isipan habang buhay. Isang kanta na alam kong naiiba sa lahat at pinakaaasam kong muling mapakinggan. Sigurado rin akong wala na akong maririnig pang iba na tulad nya. 

Hanggang ngayon ay umaasa pa rin akong magkikita kaming muli. Higit na umaasa na minsan ay muli kong maririnig ang kanta na higit na nagpasaya sa akin. Si Viktor. Umaasa na sa bawat paglingong aking gagawin, sa bawat lugar na aking pupuntuhan at tatahakin ay agad ko syang matatanaw sa aking likuran. Nakangiti at kanina pang naghihintay sa aking pagdating. Handa na akong salubungin. 

Masaya ako na minsan ay dumating sya sa aking buhay at desidido akong sa oras na sya ay bumalik ng muli ay hindi ko na sya pakakawalan pa. Tatanggapin ng buong-buo kahit pa alam kong babaguhin nito ang aking buhay kasama na ng pagtingin ng ibang tao sa akin, na alam ko namang ang pagbabagong ito ang lubos na magpapasaya sa akin. Wala akong pakialam sa sasabihin ng iba sa tipo ng aking nararamdaman, ang mahalaga ay totoo ito at alam kong panghabang buhay kahit na isang lalaki pa si Viktor.

Araw-araw kong hinihiling na sana ay nasa mabuti syang kalagayan, ng sa gayon ay may pagasang muling magkrus ang aming mga landas. Lubos akong maghihintay sa pagdating ng araw na iyon, kahit na abutin pa ng dapit hapon ang aking buhay. Dahil alam kong kapag nangyari na ito, ay wala na akong mahihiling pa. 

Magkikita rin tayong muli, Viktor. Palagi akong maghihintay sa iyong pagbabalik. Asahan mo yan.

No comments: