Monday, July 4, 2011

Songs We Used to Sing - Ironic

Eighteen 

Akda ni Jubal Leon Saltshaker

“Well life has a funny way of sneaking up on you when you think everything's okay and everything's going right. And life has a funny way of helping you out when you think everything's gone wrong and everything blows up In your face.” -Alanis Morisette


Nagkaroon ng Dengue si Ele. 
Kaya naman agad ko syang isinugod sa ospital kung saan ako nagtatrabaho. Nang gabi din’g iyon ay inadmit ang aking kapatid upang maobserbahan sya ng mabuti. Binalak kong mag-off bukas ngunit agad na nagprisinta si Mama upang alagaan ang aking kapatid. Doon na sya natulog at dinalhan ko na lamang ito ng ilan sa kanyang mga gamit. Kaya naman ako lang ang natira sa bahay namin ng gabing iyon na sana ay kasama ko dito si Viktor.
Papauwi na ako ng bigla ko namang makasalubong si Arthur. Papauwi na rin sya ngunit naka suot pa rin ito ng uniporme namin. Pareho kaming naghihintay ng masasakyang jeep pauwi.
“Uy Art, sa’n ka galing? Bakit nga pala naka-uniform ka pa? Alas-onse y medya na ah’.”
Hindi nya ako sinagot. Namumula ang kanyang mukha at ang kanyang mga mata. Marahil ay nakainom ito.
“Sige na. Pauwi na rin ako.”
Sagot nya sa akin.
Dalawang metro ang layo namin sa isa’t-isa ngunit amoy na amoy ko ang alak sa kanya. Lumapit ako ng bahagya dito upang sya ay tulungan, susuray suray na rin kasi ito sa kalasingan.
“Hatid kita sa inyo.”
Lumapit ako dito at akma ko itong aakbayan ng bigla nya naman akong itinulak palayo.
“Huwag na! Umuwi ka na. Kayah k-ko hang akin sarili...si-sige na.”
“Art...”
“Si-sige na...”
Nang mayroong ng dumaang jeep, nagulat naman ako ng bigla itong agad na pinara ni Arthur. 
“Sige na. Sumakay ka na. Dyan ka ‘di ba?”
Naghihintay ang sasakyan kaya naman napilitan na rin akong sumakay. Nilingon ko si Arthur habang papalayo ang aking sinasakyan at nakita kong nagpatuloy lamang ito sa kanyang paglalakad.
Agad akong naligo matapos na makarating sa aming bahay. Bukod sa okupado ang aking isipan sa nangyari kay Ele, ay iniisip ko rin ang inaasal ni Arthur sa akin. Tinanong ko ang aking sarili kung mayroon ba akong nagawang mali sa kanya. At ang pagamin nya sa akin ang nakikita kong isa sa mga dahilan nito. Hindi ako sigurado ngunit kung nagkakagusto man sya sa akin –na mismo nya din namang inamin - ay hindi ko talaga alam kung papaano ito haharapin. Hinihiling ko na lang na sana ay mabuti sa kanya ang pagkakataon at makahanap sya ng taong magmamahal sa kanya ng lubusan.
Nakatingala ako sa aking kisame at iniisip ko ang gagawin. Malamang na hindi ako matuloy sa gagawin kong pagbisita kay Viktor sa darating na biyernes. Kaya naman agad kong naisipang sumulat sa kanya muli upang magpaliwanag. Alam kong maiintindihan nya naman ako. Kailangan ko itong gawin kahit na hindi ako nagbitaw ng pangako. Pero pinigilan nya akong gawin ito, nabanggit nyang ayaw nyang nangangako ang tao. 

Para sa taong palaging laman ng aking isipan,
Viktor, sana ay nasa mabuti kang kalagayan. Sana ay makaluwas ka na ng maynila sa lalong madaling panahon. Hindi na kasi ako makapaghintay na makita kang muli. Palagi kitang iniisip kung alam mo lang...kailangan ko itong sabihin sa’yo para malaman mo. Ganyan ka kahalaga sa akin. Ikinalulungkot ko lamang na ibalita sa’yo na hindi ako makauuwi dyan sa inyo. Nagkasakit kasi ang aking kapatid at kailangan syang bantayan. Ako na din kasi ang nagprisinta upang makuhanan ng dugo na isasalin sa kanya...hindi naman siguro masama iyon kahit na itanong pa sa akin kung may karelasyon akong lalaki. Wala naman tayong ginawa ‘di ba? He he. Alam ko na maiintindihan mo ako.
Ingat ka palagi ha? Alagaan mo ang iyong sarili kahit wala muna ako sa iyong tabi. Ikamusta mo ako sa mga kapatid mo. Kasama sila sa aking mga dasal gabi-gabi. Syempre kasama ka na dun, kaw pa e’ ang lakas mo sa akin. Huwag ka sanang magsasawa sa akin. At huwag ka ding mahiyang magsabi kung medyo makulit na ako ha. He he. Basta, dito lang ako palagi sa’yong tabi, asahan mo yan kahit na kailan.
Anghel mo,
Angelo.
PS. Kiss. 
Matapos magsulat ay nahiga na ako sa aking kama. Bukas ay agad ko na itong ihuhulog upang mabilis nya na ring matanggap kasabay ng nauna kong sulat. Marahil ay dahil na rin sa pagod ay mabilis akong nakatulog. Isang antok na biglang dumating at hindi ko namalayan.
Araw ng miyerkules ng kuhanan ako ng dugo. Kaya naman napaaga ang aking paguwi sa bahay. Nanghihina ako matapos ang ginawa sa akin kaya naman kumain akong muli. Inayos ko ng muli ang mga kailangan ni Mama at Ele bago ako umuwi. 
Kaagad na akong nakatulog nang sapitin ko ang aking kwarto. 
Kinaumagahan ng huwebes ay nakatanggap akong agad ng sulat mula kay Viktor. Naisip kong special delivery din ito dahil kung hindi ay sa isang linggo ko pa ito tiyak na matatanggap. Mabilis ko na itong binasa habang nagaalmusal at naghahanda na papasok sa trabaho. Dadalhan ko pa rin kasi sila Ele at Mama ng kanilang pagkain.
Angelo,
Mabuti naman at ligtas kang nakarating dyan sa inyo. Namiss din kita kaagad kaya naman ng papaalis ka ay sumilip ako agad ng bahagya sa bintana. Pero nakita kong malayo na ang nalalakad nyo ng aking kapatid kaya naman hindi na kita tinawag. Naisip ko kasi na sana man lang ay nagpaalam ako sa’yo ng mabuti. Palagi mo’ng alagaan ang iyong sarili. 
Simula ng umalis ka dito sa amin ay nasaktan talaga ako at oras-oras kitang iniisip lalo na sa aking pagtulog. Sana ay hindi ka magalala para sa akin. Normal lang naman na malungkot ako at umiyak dahil sa hindi kita palaging kasama. Tandaan mo na mahal na mahal kita kahit na ano pa ang mangyari. Hindi kita iiwan. 
Viktor Andres.
Matapos ko itong basahin ay inilagay ko na ito sa ilalim ng aking damitan, kasama ng iba pang mga sulat ni Viktor sa akin. Kasama rin ng stuffed toy na binigay nya sa akin.

No comments: