Monday, July 4, 2011

Songs We Used to Sing - Dreaming of You

Twenty-Two


Akda ni Jubal Leon Saltshaker
“Late at night when all the world’s sleeping. I stay up and think of you. And I wish on the stars, that somewhere you are thing thinking of me too.” -Selena


APAT na buwan na rin akong nagtatrabaho bilang isang construction Worker sa isang itinatayong gusali ng bigla ko syang makita.
Matulin syang naglalakad patungo sa sakayan ng jeep at ng walang mamataang masasakyan ay luminga-linga sa kanyang paligid. Pinagmasdan ko sya ng mabuti, dahilan upang hindi ko mamalayan na kanina pa pala ako kinakausap ng aking kasama.

“”Tol, tara na.”

Sambit sa akin ng kasamahan ko sa trabaho. 
Dahil sa huli na kaming nakalabas ng gusali ay agad na kaming nagmadali sa kadahilanang baka wala na kaming abutang pagkain sa mga karinderia. Minsan na rin kasi kaming naubusan. Nakapila kami sa labas ng kainan at naghihintay na makapasok sa loob. Ang katotohanan ay gusto ko syang lapitan upang mapagmasdan sya ng mabuti ngunit hindi ko ito magawa hindi dahil sa inaalala ko ang sasabihin ng aking kasama kung hindi ayoko naman itong iwan ng magisa. 

“Oo.”

Hindi ko alam kung ano ang mayroon sa kanya upang makuha nya ng ganito ang aking atensyon. Mainit ang buong paligid at napakataas ng sikat ng araw ngunit hindi ko ito pansin. Pero alam ko namang walang paraan upang sya ay aking makilala, ang mga naiisip ko ay tiyak na magdudulot lamang ng gulo sa kanya. Sapat na siguro ang minsan na nagkrus ang aming mga landas at ang aking nararamdaman ay sa akin na lang. Ganoon naman talaga, darating at lilipas din. 

Pinilit ko syang lingunin bago man lang sana ako makapasok sa kainan. Dahil sa sigurado akong hindi ko na sya makikita sa oras na mawala sya sa aking paningin. Ngunit bago pa man ako makapasok ay nakita ko itong nakatingin sa akin. Lumakas ang kabog ng aking dibdib at kung pwede ko lamang syang lapitan ay agad ko na itong ginawa. Nagtagal ito ng ilang segundo bago ko pa sya makitang magsuot ng salamin.

“”Tol, kanina ka pa tulala. Sabi ko pasok na tayo. Nakahanap na ako ng pwesto...”

“Ah, pasensya na. May iniisip lang.”

Bago ako tuluyang pumasok ay lumingon muna ako sa kanyang kinatatayuan ngunit hindi ko na sya namataan.

Nang araw ding iyon ay hindi na sya nabura pa sa aking isipan, malungkot dahil sa alam kong kahit na ano ang aking gawin ay hindi na kami magkikita pa. Alam kong sa oras na matapos na ang aking trabaho ay muli na naman syang papasok sa aking isipan. Hindi ko maaaring hilingin na sana ay iniisip nya rin ako dahil sa hindi naman nya ako kilala at higit sa lahat, hindi nya ako nakita. Kung alam ko lang sana kahit na ang kanyang pangalan. Pero ano ba ang aking iniisip at inaasahan? Na magkakagusto sya sa akin kung sakali nga na magkita kaming muli? Kabaliwan.

Pauwi na ako ng gabi ding iyon ng yayain naman ako ng isa sa aking mga kasamahan upang sa site na matulog. Karamihan sa mga trabahador na aking kasama ay wala pang tinitirhan dito sa Maynila kaya naman nananatili lamang sila sa lugar na mabuti namang hinahayaan ng buong kompanya kalakip ang matinding pagbabantay ng mga guwardiya sa gusali.

Inimbitahan akong matulog sa lugar ng isang kasamahan dahil sa huling araw na nya sa trabaho at bukas na ng madaling araw ang kanyang alis. Nakalulungkot lang na ang lahat sa amin ay walang kasiguraduhan ang tagal sa trabaho dahil sa anumang oras, ang trabahong iyong ginagawa ay mabilis na natatapos dahilan upang hindi ka na kailanganin. Kaya naman pinagbigyan ko na ang alok sa akin, ayoko din namang mag-isa sa araw na iyon. Humiram ako ng gitara sa isa sa aking mga kasama at buong gabi kaming kumanta. Kung inaalay nila ang kantang aking inaawit sa kanilang minamahal, ay ganoon din ang aking ginagawa. 

Dahil sa hindi rin naman ako umiinom ay humiwalay na ako ng higaan sa aking mga kasama. Humiram na lamang ako ng banig sa isa sa mga guwardiya at napiling mahiga malapit sa isang haligi. Walang bubong ang aking pwesto kaya naman kitang-kita ko ang buong kalangitaan, malamig ang kapaligiran at mabuting hindi pa ako natutunton ng mga lamok. May pakiramdam din akong hindi naman bubuhos ang ulan kinabukasan kaya naman hindi ko na kailangan pang sumilong. Maraming mga bituin sa himpapawid at natitiyak kong mainit ang panahon bukas. Inaasahan kong may daraang bulalakaw sa paligid upang maisakatuparan nito ang hinahangad ng aking isipan. 

Batid kong lumipas na ang hating-gabi at malayo-layo pa ang umaga ng maramdaman kong biglang sumakit ang aking binti. Isang mabigat na bagay ang bumagsak sa aking paa dahilan upang magdulot sa akin ng matinding sakit na syang dahilan upang magpakawala ako ng napakalakas na sigaw. Dito ay nagising ang lahat ng aking mga kasama at agad na nagtungo sa aking direksyon. Ni hindi ko maiangat ang aking ulo upang tingnan ang nangyaring pinsala sa akin. Isa sa aking mga kasama ang may tanang gasera na nagbigay ng ideya kung ano ang nangyari sa akin. Nabagsakan ng sementong pader ang aking kanang binti. 

Ikinalulungkot ko ang nangyari sa akin. Hindi lang dahil sa hindi ko na maipagpapatuloy pa ang aking trabaho ngunit dahil sa aking mga kasama. Alam kong sa insidenteng ito ay ipagbabawal na ang pagtulog sa konstraksyon. Dahil sa akin. Paano na lamang ang mga kasamahan kong ngayon pa lamang nakakabawi?

Agad nila akong dinala sa ospital at patuloy na sinasabi sa aking huwag na silang intindihin bagkos ay alalaahanin na lamang ang aking sarili. Ikinalulungkot din nilang hindi ako masamahan sa loob ng aking silid na lubos ko namang naiintindihan. Malapit ng dumating ang bagong umaga kaya naman hindi na ako natulog pa at naghintay na lamang sa pagdating ng sinag ng araw sa bintana sa loob ng silid. Masama ng nangyari sa akin ngunit hindi ko alam kung bakit maganda ang aking pakiramdam. 

Masakit ang aking kanang binti ngunit mayroon akong pakiramdam na tila ba walang masamang nangyari sa akin. Marahil ay dahil sa nagagawa ko pang saksihan ang bagong araw. Isang simbolo na palaging nagbibigay sa akin ng pagasa upang magpatuloy. Upang laging bumangon, dahil alam kong kahit na nakararamdam ako ng pighati ay patuloy pa ring darating sa aking buhay ang isang magandang pagkakataon. At wala na akong dapat gawin kung hindi ang hawakan ang mga ito at patuloy na maghintay sa kanilang pagdating.

Pinasok na ng haring araw ang loob ng kaninang madilim na silid. Nakahiga ako ng mga sandaling iyon at wala na akong ginawa pa kung hindi ipikit na lamang ang aking mga mata. Ramdam ko ang kanyang presensya ngunit hindi ako dumilat upang sya ay salubungin. Lubos kong ipinagpapasalamat ang tyansang muli syang makita at ang pagkakataong ito ay sapat na para sa akin at hindi ko pa rin magawang paniwalaan na umaayon ang mga bagay sa aking mga gustong mangyari. 

Batid kong naglakad sya papalayo sa aking direksyon, at dito ay hindi ko na pinalagpas pa ang aking pagkakataon. 
Kung nasaan ka man ngayon, ay buong buhay kong ipagpapasalamat na ikaw ay aking nakilala. Alam kong higit ang tiwala at pagpapahalaga natin sa isa’t-isa, na kahit hindi tayo magkapiling ay daig natin ang ibang magkasama. Dahil sa totoong nagmamahal tayo at ito ang syang pinaka mahalaga.




WAKAS

4 comments:

Anonymous said...

Hindi ko magets ung mga last part ng kwento. At itong last chapter, kelan ito nangyari? totoo bang may sakit sa lupus si viktor?

Mars said...

huh?... malabo ata...
or weak lng talaga understanding ko...

hahay... anong ngyari?...
guniguni lang ba ang lahat?...
dream lang ba?...

parang gusto ko pang ng bonus chapter hehehehhe...

-mars

DALISAY said...

may last chapter po ito... Epilogo po. ahahaha

Anonymous said...

Point of view ito ni Viktor..

Nagwakas na yung kay Angelo sa last chapter..

May gusto ako iparating at hindi ko matiis pero sa Epilogue ko na icocoment...

Di ko pa kasi nababasa..

-lonely and blue..