Monday, July 4, 2011

Songs We Used to Sing - Promise me

Sixteen

Akda ni Jubal Leon Saltshaker

“When i go away i’ll miss you. And i will be thinking of you every night and day.”-Beverly Craven


NANLAKI ang aking mga mata sa kanyang sinabi at agad na lamang akong tumayo upang makalapit dito.

“Oo naman.”

Nangingiti kong tugon sa kanya.
Nakatayo lamang kami sa harapan ng isat-isa at hindi ko alam ang aking dapat gawin. Kasalukuyang tumutunog ang radyo sa aming paligid na trumpeta at pyano ang pinakakawalang musika. Naramdaman ko na lamang na kinuha nya ang aking mga kamay at pinapatong nya ito sa kanyang mga balikat. 

“Okay ka lang?…pagdikitin mo yung mga kamay mo…”

Mahina nyang sinambit sa akin.

“Oo.”

Sinunod ko ang kanyang sinabi at sa pagsunod dito ay naramdaman ko ang kanyang mainit na batok. Sinimulan nya namang ilagay ang kanyang mga kamay sa aking baywang at dahan-dahang ipinatong ang kanyang ulo sa aking kanang balikat.

“Angelo…”

Narinig kong ibinulong nito sa akin bago kami magsimulang maglakad-lakad sa kanyang kwarto sa ganito paring posisyon.

“Hmm…Ano yun?”

Nang hindi ito sumagot ay nagpatuloy lamang ako sa pagsasalita at hinayaan syang patuloy akong isayaw.

“Salamat ha’…hindi ko malilimutan ang gabing ‘to. Lubos mo akong pina-sasaya.”

Madilim pa rin ang buong paligid kahit na malaki na ang liwanag na ibinibigay ng maliit na gasera ni Viktor. Tila ba isa itong araw na itinago upang hindi tuluyang maka-pagsaboy ng kanyang liwanag upang tuluyan namin syang hanap-hanapin sa madilim na paligid.
Ganoon pa man, kasama ng tunog na pinakawawalan ng radyo at ng kadiliman ay lalo naming pansin ang isa’t-isa, at sa bawat-isa lamang nakatuon ang aming mga sarili. Napansin ko na lamang na unti-unting nababasa ang aking kanang balikat at dito’y napansin kong umiiyak si Viktor. Nagsimula itong magpakawala ng mahihinang panaghoy. Gaya ng ginawa nya sa akin noong gabing muli kaming magkita ay hinimas-himas ko rin ang kanyang likod at saka ito tinanong.

“Huy’…ayoko na ng may iiyak sa atin. tTama na yan ha’?…may problema ba?...”

Naramdaman kong umiling lamang ito hanggang sa wala ng magsalita sa amin. Nakaramdam akong muli ng kalungkutan dito bagamat kapiling at yakap-yakap namin ang isa’t-isa. Siguro dahil sa harapan kong nasasaksihang umiiyak si Viktor na ngayon ko lamang nakita.

Ilang sandali pa ang nakalipas at patuloy lamang kaming magka-yakap. Tuloy-tuloy pa rin sa aming dahang-dahang pag-galaw na tila ba inaanod ng tubig sa malawak na karagatan an gaming mga katawan ng mapansin kong ako na lamang pala ang nag-dadala sa amin. 




Narinig ko na namang muli ang tilaok ng mga manok ng kapit-bahay na syang tuluyang gumising sa akin. Nang mapansin kong nakayakap pa ako kay Viktor ay hindi ko muna tinangkang alisin ang aking mga kamay sa kanyang balikat at pinagmasdan muna ng mabuti ang kanyang mukha. Humihinga ito ng malalim at pikit na pikit ang mga mata. Hinimas-himas ko ang noo nito dahil napansin kong naka-kunot ito na para bang gising at mayroong malalim na iniisip. Nang bumalik na ito sa dati ay hinawakan ko naman ang kanyang mga kilay. Paalis na ako mamaya at hindi ko alam kung kailan ko pa ito muling magagawa. Dahan-dahan akong kumilos upang hindi ko ito magising dahil gusto kong sa oras na magising na sya ay nakahanda na ang kanyang agahan. Gusto ko syang pagsilbihan bago man lang sana ako umalis.

Tumayo ako sa harap ng kanyang papag at muli itong pinagmasdan.
Binalak ko ng tuluyang bumaba ngunit lumingon akong muli upang masigurong natutulog nga ito at hindi pa nagigising. Nang masiguro kong muli na hindi ko sya naistorbo sa mahimbing nyang pagtulog ay agad na akong bumaba. Nakita ko pa itong umunat at bumalik na rin sa dati nyang posisyon bago ako tuluyang makaalis sa silid. 

Alas-nuebe na ng umaga ng matapos kaming makakain ng agahan ng kanyang mga kapatid. Pero hindi pa rin sya bumababa kaya’t sinabi ko na lamang kay Valeria na iaakyat ko na lang ang agahan ni Viktor. Tulog pa rin si Viktor ng ako ay maka-akyat, dala ko ang isang baso ng pineapple juice, karne norte at itlog kasama ang niluto kong sinangag mula sa kaning hindi naubos kagabi.

Kinuha ko ang kanyang maliit na mesa at dito ipinatong ang dala kong mga pagkain. 
Inilagay ko ang mga ito sa harapan ng kanyang papag upang kakain na lamang ito sa oras na sya ay magising. Ilang sandali pa ay iminulat na nito ang kanyang mga mata na tila ba mayroon itong hinahanap. Agad naman akong umupo at nag indian sit sa tapat ng lamesita upang mapansin nya ang agahang aking inihanda para sa kanya.

“Angelo…”

Tawag nito sa aking pangalan habang nagsisimulang bumangon mula sa kanyang pagkakahiga at sinisimulang iupo ang kanyang sarili.

“Magandang Umaga, Viktor.”

Ngumiti ito sa akin na para bang nahihiya pa na makita sya ng bagong gising.

“Magandang umaga din Anghel…”

Pakiwari ko sa kanyang sinabi. Kinusot-kusot nito ang kanyang mukha at saka nito napansin ang pagkaing kanyang nasa harapan.

“’Nu yan?...”

“Agahan mo…pinagluto kita.”

“Salamat ha’.”

“Walang anuman…ikaw’ ha…tinulugan mo ako kagabi. Hehe.”

“E’ pasensya na.”

“O’ sya kumain ka na. Bon Appetit…Hehe. Marunong ka nga palang mag-french ano? Naalala ko lang last time.”

“Merci’. Hindi naman masyado hehe…kaunti lang. First love ko kasi ang language na yun e’.”

“Mahilig ka ba sa…teka Spanish bread pala yun! Haha!”

“Si Mama kasi pangarap nya na maibili ako noon ng isang buong set ng Encyclopedia para daw may mabasa ako…kaya lang di nya nagawa…tapos noong minsang makakita sya ng isang lumang libro sa bayan…akala nya e’ isang volume…yun pala french language and culture ang libro…tapos buong bakasyon ng highschool aside sa kailangan kong aralin e’ yun lang ang binabasa ko…”

“Ah’…napansin ko sa mga books mo, karamihan e’ fiction books…”

“Op-oo…Hehe. About feminism ang mga gusto ko’ng basahin…women empowerment…domestic violence coping.”

“Bakit ganun?...Haha. Bubugbugin ba kita?”

“Wala lang naman, syempre ganito ako kaya wala akong masyadong alam sa kanila…”

“Ganito na?”

“Alam mo na naman yun...”

“Ganyan-ganyan ka mamaya malaman ko bigla kang magka-girlfriend…”

“Hindi naman…”

“Talaga?...”

“Oo…ikaw nga nagka-girlfriend na…mamaya makipag-balikan ka sa kanila…”

“Gusto mo ba?”

“Tsk. Syempre ayaw ko.”

“O’, galawin mo na yang pagkain mo…lamig na o’…”

“Ikaw e’. Dinaldal mo ko.”

Nang magsimula na syang kumain ay napansin ko naman ng bigla ang kanyang kanang binti. Hinawakan ko ang tuhod nito at saka nagsalita.

“Musta na palang binti mo?...eto’ yung nabagsakan diba?...”

“Huwag…nakikiliti ako.”

Sambit nya at dito ay bahagyang iniwas ang binti.

“Yan nga…Magaling na yan, matagal na kaya…Hehe.”

Dagdag ni Viktor.

Matapos nyang makakain ay naligo na ako upang magayos na paalis.
Mag-aalas dose na din kasi ng tanghali at alam kong bibilis na ang oras pagsapit ng tanghalian. Naghahain ng muli si Valeria ng ako ay makalabas sa kanilang banyo at sinabi nitong mauna na daw kaming kumain.

Hindi ko namalayan na labakara lamang pala ang aking nadala kaya gamit kong muli ang pinahiram ni Viktor na tuwalya sa akin. Nakatapis ako ng pumasok sa kanyang kwarto at nakita ko itong nakadungaw sa kanyang bintana. Kinuha ko sa maliit niyang mesa ang ipinatong kong salamin sa mata. Nang maisuot ko itong muli ay napansin kong nagbabasa din pala siya. Nagbihis na ako ng aking pantalon at ang plinantyang puting sando ni Valeria. Matapos kong makapag-suot ng aking medyas ay nilapitan ko na si Viktor. Alam kong alam nya na ako ay kanyang nasa likuran ngunit hindi ito nagsasalita at kumikibo. 

“Aalis na ako maya-maya…”

Sambit ko sa kanyang likuran ngunit hindi pa rin ito umiimik.
Ipinatong ko ang aking kamay sa kanyang mga balikat at maya-maya pa ay humarap na sya sa akin. Tumayo ito mula sa kanyang pagkakaupo kaya naman umatras ako ng bahagya dito. Bigla nya akong niyakap at agad ko din naman syang sinalubong ng mahigpit. Hindi ko alam kung ano ang pumapasok sa kanyang isip ng mga sandaling iyon ngunit wala ni isa man sa amin ang nagsalita. Tila ba nagkasundo
lamang ang aming mga isipan at agad na kaming nagtungo sa kanyang higaan upang makapiling muli namin ang bawat isa. Hindi na kami nakababa pa noong tanghali upang makakain.

Nakatulog kaming muli ng magkayap at namalayan ko na lang na alas-tres na pala ng hapon. Bumangon na ako habang nakatitig pa rin sa natutulog na si Viktor. Kinuha ko ang aking Polo sa likod ng pintuan ng kwarto kung saan ko ito isinabit at agad na itong isinuot. Naupo akong muli sa tabi ni Viktor at dito ko lamang namalayan na kanina pa ito gising at nakamasid lamang sa akin.

“Paalis na ako…”

“Oo nga…”

“Pangako…babalik ako a-…”

Naputol ang aking gustong sabihin ng sumenyas si Viktor upang ako ay awatin.
Umiling lamang ito na tila ba hindi sumasangayon sa aking gagawin.

“Kahit bukas, makakabalik ka kung nais mo.”

Nakangiti nyang binanggit sa akin.
At dahil hindi ko naman alam ang isasagot sa kanya ay nanahimik na lamang ako.

“O’ nga pala…hindi na kita ihahatid ha’…”

Nakatingin sya sa akin habang sinasambit ito ngunit para bang iniiwasan nitong magtama ang aming mga tingin.

“Huh?...”

“Oo’, sasama lamang akong maghatid sa’yo…kung kasama kitang pabalik ng Maynila.”

“Viktor…bakit ganyan?...pinahihirapan natin ang ating mga sarili?”

Nakayuko kong paliwanag sa kanya.

“Hindi ko kasi kayang aalis ka…tapos maiiwan naman ako…hindi ako kasama…kung ikaw din naman ang matitira, sasama ka ba sa akin?”

Bahagya kong naintindihan ang kanyang mga sinabi kaya tumango na lamang ako dito.

“Maintindihan mo sana ako Angelo…”

“Oo naman.”

“Paglabas mo ng pintuan ko, hindi na ako bababa…”

“Ano?...”

“Sige alis ka na…”

“Yan ba ang gusto mo? …”

“Oo…kasi.”

“Kasi ano?...”

“Sige na…”

Pagpupursigi nito sa akin. Tinapik-tapik pa nito ang aking mga braso sa kilos na pinaaalis nya na ako.

“Uy’…huwag ka namang ganyan sa akin…”

“Gusto mo ba akong makitang umiiyak?...”

“Hindi syempre…bakit ka nga pala umiyak kagabi?...”

“Sige na, sige na…”

“Viktor.”

Tumayo ito mula sa kanyang papag at nagtungo sa aking mga bagahe. Kinuha nya ang mga ito at ng muli ng makalapit ay agad na itong iniabot sa akin. 
Kinuha ko naman ito sa kanya at nagpalipas lamang ng ilang sandali bago ko naisipang sambitin ang laman ng aking isipan.

“Paalam na Viktor…hanggang sa muli nating pagkikita.”

Ngumiti lamang ito sa akin at pumunta na ito sa kanyang pintuan upang kanyang buksan. Lumabas na ako at hindi na lumingon pa. Agad na akong nagpatuloy sa pagbaba at pilit kong tinitiis na muli syang masilayan.. Narinig ko na lamang ang pagsara ng kanyang pintuan na naghudyat sa akin na bilisan na ang paglakad. Ilang hakbang na lamang bago ko marating ang unang palapag ng kanilang bahay ng marinig kong muling bumukas ang pintuan ng kanyang kwarto.
Bahagya akong natigil sa pagbaba dahil dito.

“Huwag kang lilingon…”

Narinig kong sinambit nya mula sa pinaka-taas ng hagdanan. 
Sumunod nga ako sa kanyang sinabi at narinig ko namang mabilis itong bumababa patungo sa akin. 

“Huwag ka din’g magsasalita at huwag kang gagalaw…“

Malapitan ko itong naririnig kaya alam kong isang hakbang lamang ang layo nya mula sa akin. Naramdaman ko ng bigla nya akong yakapin at ang ginawa nyang pagpapatong ng kanyang ulo sa aking kaliwang balikat at matapos nito ay niyakap ako ni Viktor ng mahigpit. Idiniin nya ng husto ang kanyang mga pisngi sa akin na tila ba hindi na kami magkikitang muli kaya nya ginagawa ang mga ito. Gusto ko ring gawin ang mga ito sa kanya ngunit ayoko namang suwayin ang kanyang mga gustong mangyari.

Muli nya akong niyakap ng mahigpit mula sa aking likuran at matapos nito ay bigla ng tinanggal ang kanyang pagkakakapit at mabilis ng umakyat muli sa taas.
At dahil sa hindi ko mapigilan ang aking sarili ay agad ko syang nilingon ngunit hindi ko na sya nakita. At tanging ang tunog na lamang ng isinarang pinto ang aking narinig at nasaksihan.

No comments: