Seventeen
Akda ni Jubal Leon Saltshaker
“Spent my life looking for that somebody to make me feel like new. Now you tell me that you want to leave me. But darling, I just can't let you.” -Alison KraussPINUNASAN ko ng muna ang aking mga luha bago ako tuluyang bumaba sa kanilang hagdanan dahil ayoko namang makita ako ng mga kapatid ni Viktor na umiiyak. Tila ba planado na ang lahat ng mangyayari dahil ng makita ako ni Valeria ay agad na ako nitong tinanong kung anong oras ko gustong umalis ngunit kumain na daw muna ng lumipas na tanghalian bago pa magsimula ng byahe. Hindi na ako nagtagal pa dahil ayoko din namang masaktan na hindi ko rin naman alam ang dahilan. Wala kaming anu mang pinag-awayan ni Viktor pero napaka-bigat ng aking pakiramdam. Pakiramdam ko lamang ay bigla nya akong pinaalis sa kanyang buhay at hindi na kami pwedeng magkita pang muli. Pero sa tuwing maaalala ko ang mga huli nyang sinabi ng ako ay kanyang yakapin, naniniwala akong walang imposible para sa amin dahil alam kong ganoon din naman ang mga bagay na gusto kong sabihin.
“Mahal na mahal kita. ‘Yan ang palagi mong pakatandaan.”
Nang lumabas na kami ng bahay ni Valeria ay tinanaw ko ang bintana ni Viktor ngunit naka-sara na itong muli. Bago kasi ako lumabas ng kanyang kwarto ay nakita ko pa itong nakabukas. Hindi ako sigurado ngunit pakiramdam ko na kumakanta habang naggigitara si Viktor sa likod nito.
Sa bayan na kami naghiwalay ni Valeria at hindi ko na ito pinasama pa sa akin papuntang terminal. Inabutan ko sya ng tatlong daan at sikwenta pesos at sinabi ditong iabot ang dalawang daan sa kanyang Kuya. Alam kong mahihirapan si Valeria sa pagbibigay nito sa kapatid lalo pa na malalaman nitong galing sa akin kaya naman sinabi ko dito na ipilit ito hanggang sa kanya ng kunin. Nagpasalamat ng muli si Valeria sa akin ng sobra-sobra katulad ng madalas gawin ng kanyang Kuya hanggang sa tuluyan na kaming naghiwalay. Ipinaalala ko dito ang kanyang agarang pagsulat sa oras na magkaroon sila ng problema. Kasama ng maluwag na pagtanggap ni Valeria sa aming relasyon at sa tiwalang ibinibigay namin sa isa’t-isa ang ilan lamang sa mga bagay na nagpapatatag ng paniniwala kong wala na kaming magiging problema pa ni Viktor.
Alas-nuebe y media na ng gabi ng makarating na akong muli sa Maynila. Pakiramdam ko’y ilang buwan din akong nagbakasyon kkila Viktor kahit na dalawang araw lamang akong nawala. Ibinigay ko ng agad ang mga nabili kong pasalubong kay Mama at Ele. Matapos ng mabilis na pakikipagkwentuhan ay umakyat na akong muli sa aking kwarto at agad na nahiga. Niyakap ko pa ang aking paboritong unan kasama ang pagiisip sa isang taong alam kong mahalaga sa akin.
Inaatake na naman ako ng pakiramdam ng pagsisisi. Aaminin kong nahihiya ako sa tingin ng mga kapatid ni Viktor sa amin noong nasa bahay nila ako pero eto ako ngayon at nagsisising muli dahil pakiramdam kong kahit na buong oras kong nakasama si Viktor ay hindi ko ito nasulit. Kung magkakaroon lang ng pagkakataon na maulit ang mga pangyayaring ito, kahit na sa kanilang harapan ay magagawa kong yakapin ang kanilang kapatid. Napakaraming tanong ang pumapasok sa aking isipan, at isa rito ang alam kong pagsisinungaling ni Valeria. Ramdam ko na walang trabaho si Viktor at kung totoo mang isa syang volunteer ay tiyak kong hindi ito sapat upang sustentuhan ang kanilang mga pangangailangan. Naisip ko rin na ginawa ito ni Valeria upang hindi na ako magalala pa sa kanilang kalagayan. Ngunit ikinababahala ko pa rin ang minsan nyang pag-iyak na alam kong ang dahilang sinabi sa akin ni Viktor ay walang katotohanan.
Pinilit ko ng maagang matulog ngunit hindi ako dinalaw ng antok. Pakiramdam ko pa rin kasi ay nasa kwarto ako ni Viktor at inaasahang sa bawat paglingong aking gagawin ay mukha nya ang aking makikita. Dito ay naisipan kong sulatan na sya upang ikwento ng agad ang mga nangyari sa akin matapos kong makaalis sa kanila.
Sa taong nagpapangiti sa akin,
Maayos naman akong nakabalik at ngayon ay nasa akin ng kwarto upang makapagpahinga. Kadarating ko lang ng maisipan kitang sulatan upang sa gayon ay maaga mo itong matanggap at mabasa. Na miss na kitang agad at sana ay gayon din ako sa iyo. Nagsisimula na akong magsisi kung bakit ko sinunod ang mga sinabi mong huwag kang harapin kanina ng ako ay iyong yakapin. Pero alam ko naman na magkikita tayong muli, dahil buo na ang aking isipan na dalasan ang pagdalaw ko sayo kung hindi ka agad makababalik dito. Sana ay katabi kita at ikaw ang huling makita ng aking mga mata bago ako makatulog ngayong gabi.
Anghel mo,
Angelo
Kinabukasan, matapos ang aking trabaho ay agad na akong umalis at nagtungo sa Quiapo church upang magdasal. Ipinagdasal ko ang kaligtasan ng lahat ng taong nakapalibot sa akin lalo na ang mga mahal ko sa buhay. Nagpasalamat din ako sa mga biyayang aking patuloy na natatanggap kaya naman ipinangako ko sa diyos na patuloy ko itong ibabahagi sa aking kapwa. Nang makalabas na ako ng simbahan ay sinalubong ako ng mga batang nagtitinda ng sampaguita at bumili ako ng isa. Isang batang lalaki rin ang humabol sa akin upang humingi ng limos. Inabutan ko ito ng singkwenta sentimos at masayang nanakbo papalayo sa akin. Wala na akong mahihiling pa. Naihulog ko na din naman ang sulat ko para kay Viktor at mabuting inabutan pang bukas ang post-office. Special na ang delivery ko sa sulat upang mabilis nya itong matanggap at agad na ding makasulat sa akin.
Masyado pang maaga upang ako ay umuwi kaya naman dumaan din ako sa Sta.Cruz upang mamili. Doon ay nakita ko ang isang kulay asul na top-sider na nakadisplay sa labas ng tindahan ng sapatos at agad ko itong nilapitan. Tingin kong babagay kay Viktor ang sapatos, kaya naman pumasok na ako sa loob upang mas makita ko pa ito ng malapitan.
Matapos kong bilhin ang sapatos ay tumingin din ako ng t-shirt para sa kanya. Maganda ang kanyang katawan kaya naman alam kong mabilis akong makakahanap ng damit na babagay sa kanya. Namili na rin ako at nagregalo ng damit sa aking mga naging kasintahan pero ito ang pinaka masaya sa lahat. Sana ay kasama ko sya ngayon habang ako ay namimili. Nakita ko ang isang kulay dark blue na t-shirt at agad itong isinukat. Mas malaman sa akin si Viktor ngunit tingin kong pareho lamang kami ng size ng damit. Maganda ang bagsak ng damit sa akin at maganda rin ang mensaheng nakasulat sa harapan nito.
“The moment we indulged our affections, the earth is metamorphosed; there is no winter and no night; all tragedies, all ennuis, vanish, -all duties even.”
-Ralph Waldo Emerson
Hindi ako matalinhagang tao ngunit naniniwala akong lahat ng tao ay nagiging ganito sa tuwing tayo ay masaya, lalo na kung umiibig. Ang isang manunulat ay nakasusulat ng magandang kwento at inspirasyon nya ang pagibig. Ang isang tao na puno ng pagasa at positibo sa buhay ay nakakasulat ng magandang tula. Nagagawa mong maintindihan ang Shakespeare’s Sonnet’s ng hindi mo na kailangan pang pilitin ang iyong sarili sa ibig sabihin nito o maghanap ng isang partikular na pangyayari sa iyong buhay upang ihalintulad dito para lamang masabi mong ito ay iyong naintindihan. Blowing Bubbles ang tatak ng damit na aking nakuha na hindi ko na masabi kung panlalaki ba ito. Lumabas ako ng gusali na pakiramdam ko ay umuulan ng bula sa paligid. At ang imahe sa loob ng mga ito ay ang mukha ng taong laman ng aking isipan.
Alas-otso y medya na ng gabi ng ako ay maka-uwi sa amin. Patay ang ilaw sa buong kabahayan na sa ganitong mga oras ay dapat na maliwanag. Agad akong nagtungo sa aming kusina dahil dito ko inaasahan na kung hindi nagluluto si Mama ay kumakain na sila ni Ele. Ngunit naalala kong sinabi nya kaninang umaga sa amin na mahuhuli sya ng dating. Kaya naman umakyat na akong agad upang hanapin na lamang si Ele na sigurado akong kanina pa narito sa aming bahay. Gaya ng inaasahan ay nakita ko itong natutulog sa bahagya niyang bukas na pintuan. Pumasok na ako sa kanyang kwarto at agad na itong nilapitan. Tinapik-tapik ko ito ng madahan upang gisingin, sigurado kasi akong hindi pa ito kumakain.
“Ele. Ele. Gising ka muna...kain ta-“
Naramdaman kong sobrang init ng kanyang katawan at nanginginig ito sa taas ng kanyang lagnat. Mabilis ko na syang binuhat upang agad na madala sa ospital. At nawala ng agad sa aking isipan na nasa loob ng kanyang kwarto ang librong iniiwasan kong kanyang makita.
No comments:
Post a Comment