Saturday, November 20, 2010

"Tol... I Love You!" [9-10]

“Tol… I Love You!” [9]:
Email: getmybox@hotmail.com
Fb: getmybox@yahoo.com
Blogspot: http://www.michaelsshadesofblue.blogspot.com

“Buhay ko, Tol… kaya kong ibigay para sa iyo” ang sagot niya sa tanong ko.

“Talaga?”

“Hindi pa ba sapat sa iyo ang pagtalon ko sa pumpboat sa gitna ng dagat kahit hindi ako marunong lumangoy makuha lang ang atensyon mo? Hindi pa ba sapat na nilaslas ko ang pulso ko para mapatawad mo lang ako? Kulang pa ba ang mga iyon para patunayan ko sa iyo kung gaano kita kamahal? Kung may kailangan pa akong gawin tol... sabihin mo, at gagawin ko ito.”

Sa pagkarinig ko sa sinabi niya, naramdaman ko ang awa. At ewan kung dala lang ng kalasingan ko, namalayan ko na lang na hinaplos-haplos ng mga kamay ko ang mukha niya. “K-kung gusto mo tol… papayag ako na magkaroon tayo ng relasyon. Ngunit sa isang kondisyon nga lang, na itago natin ito at walang dapat makakaalam…”

Kitang-kita ko naman sa mga mata ni Lito ang saya sa narinig. Ngunit bigla rin itong napawi. “Ayokong gawin mo iyan tol dahil sa napilitan ka lang. Ayokong labag sa kalooban mo ang gagawin mo. OK na ako sa ganitong setup. Mas maganda na ang ganito kesa magkaroon nga tayo ng relasyon ngunit pilit naman, isang relasyon na sa bandang huli, ako pa rin ang magdurusa…”


Mistulang nabigla ako sa sinabi niya, hindi makasagot. Hindi ko akalalin na aayaw siya sa naging proposal ko.

“Sagutin mo ako, tol… labag ba sa kalooban mong sabihin ito sa akin?” tanong niya.

“A… Hindi! Hindi!” Ang naisagot ko. “Hindi labag sa kalooban ko ito, tol. Kusang loob kong gagawin ito dahil gusto ko, at…”

“At ano?” pag follow up niya.

“M-mukhang tinablan na rin yata ako sa iyo eh…” Ang naidugtong kong sagot.

Ewan kung nasabi ko lang iyon dahil sa matinding awa sa kanya o talaga nga bang may naramdaman na rin ako para sa kanya. Ang alam ko lang ay gusto kong sumaya siya, na maibsan ang pagdurusa niya, na manumbalik ang sigla niya – sa kabila ng may kung anong bumabagabag sa isip ko kung talaga bang kusa sa kalooban ko ang pagsabi sa kanya noon, na kung tama ba ang iminungkahing pakikipagrelasyon sa kanya nang dahil lang sa awa ay isang bagay na tila sumisigaw ng pagtutol ang kalooban ko.

Sa pagkarinig sa sinabi ko, hinaplos din ni Lito ang aking mukha, bakat sa mga mata niya ang matinding saya sabay bitiw ng isang ngiting nagpapahiwatig ng isang abot-langit na kasiyahan. Noon ko lang nakita sa mukha niya ang ngiti na iyon. Puno ng sigla, puno ng kasayahan, puno ng pag-asa.

Dahan-dahan kong inilapit ang mukha ko sa mukha niya. Hinawakan niya ang ulo ko sabay kabig nito hanggang sa maglapat ang aming mga labi. At iyon ang unang pagkakataon na ipinaubaya ko ng buong-buo ang sarili sa kanya upang malasap niya kaligayahang inaasam-asam at mapatunayan ko sa kanya na wala akong pag-aalinlangan sa sinabing pakikipagrelasyon.

Tumayo kaming pareho at isa-isang hinubad ni Lito ang damit ko simula sa t-shirt, sa pantalon, at pati na rin rin ang brief. Pnaliguan niya ng halik ang buo kong katawan hanggang sa ang maririning ng buong kwarto ay puro ungol na lamang.

At iyon ang una kong karanasan ng pagpapaubaya sa kama, malasap ang sarap na dulot ng pagnanasa ng isang kaibigan sa aking katawan.

Simula noon, tila wala na akong pwedeng hihilingin pa para sa pinakamamahal na kaibigan. Pati ang mga taong nagmamahal sa kanya ay natutuwa sa ipinamalas na pagbabagong nangyari. Nanumbalik ang lahat ng sigla, saya, at enthusiasm niya sa buhay at mas lalo pa itong umigting.

Dating gawi din kami sa mga gimik, mga lakwatsa, harutan. Ipinakita ko sa kanya na sinusuportahan ko siya, na denedepensahan, ipinagtatanggol; na kahit may mga taong kinikwestyon ang pagiging sobrang malapit namin sa isa’t-isa, hindi ko ito ininda. Dahil dito, hindi ko na nakita pa sa mukha niya ang lungkot. Ramdam kong tanggap na niya ang lahat sa buhay, at masaya siya. At ito ay dahil sa akin.

Syempre, hindi nawawala ang private moments namin. At ang madalas naming puntahan ay ang beach kung saan muli naming ibinaon sa ilalim ng hagdanan ng paboritong cottage naming na iyon ang kabibe, na siyang nagsilbing simbolo ng aming pagkakaibigan.

“Tol… dapat palaging buo ang dalawang magkabiyak na ito kagaya ng pagiging buo natin.”

“Oo tol… dapat lang na palaging buo yan.” Ang sagot ko

“At palagi din nating alagaan ito tol, gaya ng pag-alaga natin sa isa’t-isa.” Dugtong niya.

“Oo tol…” sagot ko.

“At dapat… wala tayong sikreto tol ha?” Dugtong uli niya.

Natawa naman ako sa isiningit niyang tanong na iyon. Hindi ko alam kung ito ay may bahid na insecurity sa pagiging mag-on na na namin dahil alam naman niya na wala akong inililihim sa kanya simula pa noon. “Ako pa!” pagmamayabang ko. “Ano pa bang sikreto meron ako na hindi mo pa alam?” sabay tawa ng malakas.

“Malay natin…” ang isinagot lang niya.

Kaya, iyon ang isa sa dalawang lugar na hinding hindi ko malilimutan sa tanang buhay ko.

Ang pangalawang lugar kung saan ito ay naging saksi din ng aming patagong relasyon ay ang rooftop sa fourth floor ng school building. Noon pa man, ito na ang nagsilbing hangout namin kung saan unang nabuo ang aming pagkakaibigan. Doon, malaya kaming naghaharutan, nagkukwentuhan, nagbabahagi ng aming mga saloobin at mga pangarap. Minsan din, aakyatin namin ang malaking tangke ng tubig sa gitna ng rooftop na iyon na siyang nagsu-supply ng tubig sa buong campus. Pag naka-akyat na, bubuksan naming ang malaking takip noon, sisilipin ang laman at katuwaang ipasok ang mga ulo namin at sisigaw.

“Tol… mag swimming tayo d’yan!” biro ko sa kanya isang beses.

“Wahhh! Ang lalim ng tubig!” Sigaw ni Lito. “Lampas-tao sigurado ang lalim niyan! Malulunod ako d’yan kapag tumalon tayo! Di ako marunong lumangoy tol!” Tumingin siya sa akin. “Atsaka, iyan ang iniinum nating lahat sa campus di ba? Syempre, dudumi iyan pag naligo tayo d’yan!” dagdag niya.

“Iyan nga ang maganda tol eh… Kasi, kapag nagswimming tayo d’yan, ang mga libag at dumi sa mga katawan natin ay maiinum nilang lahat, lalo na ang mga tyrant nating professor! At… tayo lang ang makakaalam, diba? O ano… iihian na lang kaya natin?” biro ko.

“Tado ka talaga tol! Walang kapares ang katarantaduhan mo!” biro din niya habang di magkamayaw sa katatawa.

Tumawa na rin ako. Ngunit bigla ding huminto at tinitigan siya. “Kaya nga love mo ako eh, diba?” sabay bitiw ng isang pilyong ngiti at ipinikit na ang mata, naghintay na may mangyari. Iyan kasi ang weakness niya. Kapag binabanggit kong mahal niya ako, hahalikan na kaagad ako niyan sa labi. At syempre, gagantihan ko rin ang halik niya, ila-lock naming pareho ang mga katawan haggang sa sabay naming maipalabas ang mga init ng katawan.

Ewan ko rin ba, hindi ko maintindihan ang tunay kong naramdaman. Oo, inaamin kong sa bawat paglapat ng mga labi naming, sa bawat pagniniig ay nasisiyahan din naman ako at masaya kapag kasama ang kaibigan ko. Subalit hindi ko rin maitatwa sa sarili na parang may hinahanap-hanap akong iba. Marahil ay masasabing natutunan ko na rin si Litong mahalin ngunit ramdam kong may kung anong kulang ito.

“Tol… maipangako mo ba na hindi mo ako iiwan habambuhay?” tanong niya isang araw na nandoon kami sa rooftop na iyon, ang mga daliri niya ay inilaro-laro at iginagapang-gapang sa tiyan ko at sa dibdib. Nakaupo kami na siya, nakaharap sa akin at ang likod ay isinandal sa nakaangat kong kanang tuhod at ako naman ay ganoon ding nakaupo paharap sa kanya, ang likod ay nakasandal sa nakaangat niyang tuhod.

“Pangako yan, tol… hindi kita iiwan” ang sagot ko.

“Talaga?” dugtong niya.

“Oo! Promise!”

“Paano mo papatunayan yan?” tanong ulit niya.

“Hmmm. Sandali ha…” nag-isip ako kung ano ang gagawin sabay hawak sa kanya at bumalikwas.

“Anong gagawin mo?” tanong niya.

Pinulot ko ang isa kong sapatos. “Halika Tol, sumunod ka sa akin at kunin mo rin ang isa mong sapatos” at umakyat na ako sa hagdanan patungo sa bunganga ng tangke ng tubig.

“Hey! Anong gawin natin d’yan!” tanong niya habang umaakyat na rin sa hagdanan nakasunod sa akin.

“H’wag ka nang magtanong…” sagot ko naman.

Noong makarating na kaming pareho sa bunganga ng tangke, binuksan namin ito. Tiningnan ang loob.

“Ngayon?” tanong niya ang mga mata ay nakatutok sa akin, tila nag-abang sa sunod kong gagawin.

“Ito…” Sabay laglag sa dala kong sapatos.

“Waahhhh! Anong ginawa mo?” Sigaw niya ang mga mata ay nanlaki, hindi makapaniwala sa ginawa ko.

“Itapon mo din ang isang sapatos mo!”

“Bakit?”

“Para d’yan magsama sila…”

“E… iinumin nating lahat ang tubig d’yan e…”

“O. E… di ba maganda, lahat tayo pati na sila ay makakatikim sa lasa ng pinagkaisang sapatos natin. Parang silang lahat ay nagiging lihim na saksi na rin sa ating relasyon! Iyan ang patunay ko na hindi kita iiwan habambuhay tol.” sabi ko.

Tila na-excite naman siya sa narinig “G-ganoon ba? E, di sige!” at dali-dali din niyang inilaglag ang dala-dalang sapatos sa loob ng tangke.

Tawanan kami, tapos nauwi sa titigan.

“Tol… I love you!” sabi niya.

Hindi ko na siya sinagot. Pakiwari ko ay may bigalang bumara sa lalamunan ko. Inilapit ko na lang ang mukha ko sa mukha niya. Siniil niya ng halik ang aking mga labi ko. Naghalikan kami.

Noong umuwi na, tawanan sa ginawang kabulastugan at dahil sa tig-iisang sapatos na natirang suot-suot ng aming paa.

Sobrang saya, di ko lubos maipaliwanag ang kasayahang pareho naming nadama. At nagpatuloy ang ganoong set-up hanggang sa tumuntong na kami sa pinakahuling taon ng College.

Akala ko, tuloy-tuloy na ang lahat. Subalit noong magsi-second semester na, binulabog naman ako ng isang matinding pagsubok: nabuntis ko ang girlfriend ko. At ito ang pinakatago-tago kong lihim kay Lito.

Sarah ang pangalan ng girlfriend ko, taga-ibang bayan siya at nakilala ko siya, isang taon na ang nakaraan noong binisita ko ang tita kong doon din nakatira. Simula noon, paminsan-minsan na akong pumupunta sa bayang iyon. Minsan alam ni Lito ngunit ang tunay na dahilan nito ay lingid sa kaalaman niya.

Alam ko, nagdududa si Lito sa akin noong may mga pagkakataong minsan ay nakikita niyang panay ang text ko kahit nand’yan siya. Ang alibi ko na lang ay dati kong kaklase at matalik na kaibigan sa elementarya ang ka text ko at nasa Maynila na tumira at nag-aaral ito. May pagkakataon ding hinahanap niya ako at dahil kasama ko ang girlfriend sa bayan nila, sinasabi ko na lang na pinuntahan ang isang kamag-anak doon. Kahit marahil ay may pag-aalangan siya, hindi ko naman napansin na masama ang loob niya sa akin at hindi rin siya nangungulit sa pagtatanong kung sino talaga ito.

Mahal ko ang girlfriend ko, walang duda. Kaya ko lang itinago ang relasyon namin kay Lito ay dahil ayaw kong masirang muli ang takbo ng pag-iisip niya, ang pag-aaral, ang pagkakaibigan namin, ang pangarap niya. Kahit masasabi kong matinding awa ang naramdaman ko sa kaibigan at di maitanggi na may naramdaman na rin akong iba para sa kanya, mas matimbang pa rin sa akin ang girlfriend ko, lalo na na mabubuo na rin sa wakas ang aking pinapangarap na anak.

Mahirap ang kalagayan ko. Alam ko, masasaktan si Lito kapag nalaman niya ang lahat. Kaya napagdesisyonan kong sabihin na lang sa kanya ito pagkatapos na pagkatapos kaagad ng graduation, tamang-tamang isang linggo bago ang napag-usapang takda ng aking kasal.

Kaya, tuloy pa rin ang dating gawi. Pinilit kong hindi magpahalata. Ngunit habang palapit nang palapit ang graduation, tila lalo namang bumibigat ang dinadala kong problema. Pakiramdam ko ay sasabog na ang utak at dibdib ko sa maaaring reaction ng kaibigan kapag nalaman niya ang lahat. Hindi na ako makatulog, halos hindi makakain. At lalong tumindi ang awang naramdaman ko para sa kanya.

Dumating nga ang graduation. Wala pa ring kaalam-alam si Lito. Magna cum laude siya at sobrang proud ang mga magulang. Syempre, proud din ako sa kanya. At dahil dumalo ang girlfriend ko, ipinakilala ko siya kay Lito. Ngunit hindi ko binanggit na girlfriend ko ito. Alam ko, nagdududa siya sa amin dahil dumidikit sa akin ang girlfriend ko at halata naman ang mga kilos namin.

Pagkatapus ng graduation ay may party na idinaos ng mga magulang ni Lito para sa aming dalawa. Doon ito gganapin sa kanila. Inihatid ko muna ang girlfriend ko sa terminal at pagkatapos ay dumeretso na ako sa party.

Maraming taong dumalo sa salo-salo. Sa labas pa lang ng gate ay may malaking streames na nakalambitin, “Congratulations Lito at Warren!”

Dali-dli akong pumasok ng gate at hinanap si Lito. Ngunit wala siya doon sa lawn kung saan nandoon ang mga bisita.

“Ma… nasaan po si Lito?” ang tanong ko sa mama niya.

“Ah… nasa kuwarto niya, sabi niya may gagawin lang daw siya doon sandali. Puntahan mo na lang doon, hijo!” sagot naman ng mama ni Lito.

At dali-dali na akong umakyat. Noong binuksan ko ito, nandoon nga si Lito, malungkot ang mukha, nag-inom na mag-isa at ang mga tingin ay tila napako sa kawalan.

Ramdam ko ang biglang pagkalampag ng aking dibdib, hindi maintindihan kung ibunyag ko na ba sa kanya ang sikreto o hintayin pa ang bukas.

Dali-dali kong inilock ang kwarto, tinumbok ang refrigerator at kumuha ng beer, binuksan ito at tinungga. “Congratulations Tol!” sabay halik sa mga labi niya.

Ngunit hindi niya sinuklian ang halik ko. Hindi siya umimik, hindi kumibo, walang emosyon sa kanyang mukha. Napako lang siya sa pagkakaupo habang tinitigan ang mukha ko. Nagtitigan kami. Maya-maya lang ay nakita ko ang pagdaloy ng mga malalaking butil ng luha sa pisngi niya…

(Itutuloy)


-----------------------------------------------------

“Tol… I Love You!” [10]
Email: getmybox@hotmail.com
Fb: getmybox@yahoo.com
Blogspot: http://www.michaelsshadesofblue.blogspot.com

“Bakit ganito ang ginawa mo sa akin, tol? Ano ba ang nagawa kong kasalanan sa iyo? Wala naman, diba…?” ang panunumbat ni Lito, ang boses ay may bahid ng pagmamakaawa. Ramdam ko ang bigat ng kanyang hinanakit. Patuloy na dumaloy ang luha sa kanyang mga pisngi, hinayaan lang niyang bumagsak ang mga ito.

Bumalot sa katauhan ko ang panlulumo sa narinig na tanong niya. Alam ko na ang tanong na iyon ang sukdulan na ng aking pagtitis na itago ang pinakalilihim kong sikreto. Bagamat hindi ko alam kung paano harapin ito, alam kong napatunayan na sa isip niya na magkasintahan nga kami ni Sarah. Hindi kaagad ako nakasagot. Tila may bumara sa aking lalamunan, hindi malaman kung ano ang sasabihin at paano sisimulan ito. “A… tol… pwede bang hayaan mo akong magpaliwanag?” ang nasambit ko na lang.

“Napakanda ng ating pagsasama tol. Sa simula pa lang, sinabi ko na sa iyo na ayaw kong ipilit ang sarili mo sa akin; na ayaw kong ang pakikipagrelasyon mo sa akin ay labag sa kalooban mo. At nangako ka pa sa akin sa beach, na wala tayong sikreto sa isa’t-isa. Bakit? Bakiiiittttt?!!!“ at tuluyan ng kumawala ang ang matinding hinanakit niya na kinimkim. Napahagulgol siya na parang bata sabay tayo at sinusuntok nang sinuntok ang sementong dingding ng kwarto niya hanggang sa nakita kong nabalot na ng dugo ang mga kamao niya.

Dali-dali ko siyang niyakap upang ilayo sa dingding at pinaupo sa kama. Noong makaupo na, hinahaplos-haplos ko ang likod niya at ang balikat. “Tol… I’m sorry. Ayaw ko lang naman sanang masaktan ka eh, kayak o itinago ang lahat.” Paliwanag ko.

“At bakit?!!! Hindi ba ako nasaktan ngayon? Ha?!!! Mas matindi pa tol! Mas matindi pa ang sakit na naramdaman ko. All those times, iniisip ko na tapat ka sa relasyon natin, na maluwag sa kalooban mo ang pagpasok mo sa relasyon natin. Ni ikaw pala ang nagmungkahi sa relasyon na ito! Iyon pala ay…” hindi na niya naipagpatuloy pa ang sasabihin.

“Nanghingi ako ng tawad sa iyo, tol… patawarin mo ako, pleaseeee” ang pagmamakaawa ko.

Kumalas siya sa pagkakayakap sa akin, “Niloko mo ako! Niloko mo akooooo! Tanginaaaaa!” habang tinumbok ang gilid ng kwarto, naupo sa sahig, ang likod ay isinandal sa dingdin. Itinakip ang dalawang duguang kamay niya sa mukha. “Sinaktan mo ang damdamin, ko, tol… sobrang sakit ang naramdaman ko, alam mo ba?!!” dugtong niya habang patuloy pa rin sa paghagulgol.

Umupo ako sa harap niya, hinawi ko ang dalawa ninyang kamay na itinakip sa mukha niya at pagkatapus, hinawakan ng dalawa kong kamay ang mukha niya. Tinitigan ko siya “Nagkasala ako tol… at buong-puso kong hiningi ang tawad mo. Nasa akin ang lahat ng pagkakamali. Sabihin mo lang kung ano ang pwede kong gawin upang mapatawad mo”

Hindi siya kumibo. Yumuko siya, patuloy pa ring umiiyak. Pansin ko pa rin sa mukha niya ang matinding sama ng saloobin.

Tumayo ako, kinuha ang isang maliit na towel at binasa iyon, ipinunas ko sa kamay niyang nagdudugo. “Tol… pangako ko sa iyo. Kahit ganito ang nangyari, hinding-hindi kita pababayaan. Nandito lang ako para sa iyo.” ang sabi ko.

Hindi pa rin siya kumibo. Hinayaan lang niya ang mga kamay niya na pupunasan ko at linisin ang dugo na nagkalat dito. Tumayo uli ako at kumuha ng bendahe at tinapalan ang mga kamay niya.

“S-sana, tol… maintindihan mo ako. Lalaki ako, tol e. Alam mo kung gaano katindi ang pagsupil ko sa sariling huwag matukso sa mga babae. Nakita mo naman; hindi ako nagpi-flirt, wala akong niligawan, at kahit may mga nagparamdam, hindi ko sila pinatulan. Alam mo iyan dahil sinasabi ko ang lahat sa iyo. Tapat ako sa iyo, tol, wala akong inililihim, alam mo iyan. Ang pagkakamali ko lang ay noong dumating si Sarah sa buhay ko, hindi ko sinabi sa iyo ito. Nalilito ako tol. Ayaw kong masaktan ka…” ang paliwanag ko habang ramdam ko naman ang pagdaloy ng luha sa mga pisngi ko. Pinahid ko ang mga ito.

Wala pa rin siyang imik.

“Napagdesisyonan ko na sanang pilitin ang sariling unti-unti siyang kalimutan, para sa iyo tol. Masakit pero ito ang naisip kong pinakamabuting paraan upang matupad ko ang pangako sa iyo at hindi ka masaktan. Ngunit nitong nakaraan, nalaman kong nabuntis ko si Sarah at… nabitiwan ko sa kanya ang pangakong pakakasalan siya, tol…” at tuluyan na ring akong humagulgol na parang bata, hawak-hawak ko pa ang mga kamay niyang nakabendahe na. “Maniwala ka tol… nahihirapan din ako sa kalagayan ko…” dugtong ko.

Tiningnan niya ako. Marahil ay lumambot din ang puso niya sa narinig. “M-mahal mo ba siya?” tanong niya.

Tumango ako.

“Kung pakasalan mo siya, ano ang plano mo para sa atin?” tanong uli niya.

“Ganoon pa rin tayo, tol… walang magbabago. Hindi kita pababayaan at kahit na ano man ang maging plano ko sa buhay, palaging isasama kita sa mga plano ko.”

Iyon lang ang nasabi ko at binitiwan na niya ang isang pilit na ngiti sabay yakap sa akin. At imbis na ako ang sumuyo sa kanya, tila siya pa itong gumawa sa akin nito. HInahaplos-haplos niya ang likod ko, ang buhok, ang mukha. PInahid niya ang mga luha ko sa pisngi at pagkatapus, tinitigan niya ako ng matagal na tila iniuukit sa utak angbawat detalye at anggulo noon.

Ewan ko ngunit may iba akong naramdaman sa mga titig niyang iyon, hindi ko lang lubos maintindihan kung ano. Maya-maya, niyakap niya ako, mahigpit na mahigpit sabay bulong sa tenga ko, “Tol… tandaan mo palagi, mahal na mahal kita. At kahit kailan man, hindi magbabago ito. Kahit ilang babae pa ang mahalin mo, palaging ikaw ang ititibok ng aking puso, pangalan mo ang palaging ipipintig nito. Mawala man ako sa mundo, ikaw lang ang nagmamay-ari nito….”

“S-salamat tol” ang tugon ko sa sinabi niya at kumalas ako sa aming yakapan. Kahit papaano, naibsan ang paghihirap ng kalooban ko. Hinaplos ko ang mukha niya at inilapat ang mga labi ko sa mga labi niya.

Noong mahimasmasan, nag-ayos kami, lumabas ng sabay ng kwarto na tila wala lang nangyari. Ang bendahe sa mga kamay niya ay pinalitan din namin ng mga band aid upang huwag masyadong halata. Dahil nasa kalagitnaan pa ang party na idinaos nila, naki-saya kami sa mga bisita, mga ka-klase, at mga kamag-anak nina Lito.

Sa gabing iyon, doon ako natulog sa kwarto ni Lito. At muli naming pinagsaluhan ang init na bugso ng aming damdamin. At sa pagkakataong iyon, mas mapusok ito, mas nag-aalab na ang bawat init ng dantay ng aming mga kalamnan ay tumatagos hanggang sa kaibuturan ng aming mga puso. Naghahalikan kami na parang wala nang bukas; nagyayakapan na parang iyon na ang huli naming pagsasama, hanggang ang mga katawan namin ay mistulang pinag-isa na tila ito’y hindi kayang paghiwalayin.

Kinabukasan, maaga akong nagising. Naligo ako habang si Lito na gising na rin at inaantabayanan ang pag gising ko ay ipinaayos sa katulong nila ang agahan. Alam ni Lito na maaga din akong magbibiyahe patungo sa bahay ng girlfriend ko gawa nang doon muna ako lalagi hanggang sa araw ng kasal namin upang maayos at mapaghandaan ito ng maigi.

Wala kaming imikan sa hapag kainan. Siabayn niya akong kumain na para bang ninanamnam niya ang huling pagsasalo naming iyon na buong-buo pa akong para sa kanya. Tahimik ngunit ramdam ko ang tensiyon na bumabalot. At ang tanging naririnig lang ay ang mga kalantong ng mga kutsara’t tinidor, at pinggan. Hanggang sa nagpapalam na akong umalis.

Nasa bungad na ako ng gate, kaming dalawa lang ang naroon dahil sa tulog pa ang ibang mga tao sa bahay. “Tol… gusto ko na sa kasal ko, ikaw ang best man ko…”

Tinitigan niya ako, ang mukha ay pigil na huwag magpapakita ng kung ano mang emosyon. Isang napakalalim na titig na pakiwari ko ay tumagos sa aking pagkatao, at pagkatapus ay binitiwan naman ang isang bahagya at pilit na ngiti at tumango.

“Black coat and tie ang isusuot ng mga groom’e men tol…” ang pahabol kong sabi.

Tumango uli siya, pansin ko na ang pigil niyang pag-iyak. Pakiramdam ko ay pilit niyang pinigilan ang matinding emosyon na ano mang oras ay maaring kumawala at sumabog.

Niyakap ko siya at pagkatapus ay hinalikan sa labi. “Text-text na lang tayo, Tol…” ang sabi ko na lang sabay talikod, pilit na isiniksik sa utak na normal lang ang pagpapaalam ko sa kanyang iyon, kagaya ng ibang mga pagpapaalam ko pagkatapus matulog sa bahay nila. Hindi ko na hinintay pa na makita ang pagpatak ng kanyang mga luha at pagbuhos ng kanyang saloobin.

Sobrang bigat ang kalooban ko sa paglisan kong iyon. Pakiramdam ko ay iyon na ang katapusan ng mundo. Hindi ko lubos maintindihan kung bakit matindi ang nadarama kong lungkot para sa kaibigan ko. Narinig ko pa ang mga nagmamadaling yapak niya pabalik sa loob ng bahay at alam ko, humagulgol siya at nag-iisa sa loob ng kanyang kwarto. Nakikinita ko rin na ang nasa isip niya sa mga sandaling iyon na iyon na ang huling pagsasama namin na buong-buo ako para sa kanya; na may nakaambang malaking pagbabago sa set-up namin pagkatapos ng tagpong iyon; ang pag-aalinlangan kung makasama pa ba niya uli ako pagkatapos ng kasal. Sa loob ng kwartong iyon kung saan una ko ipinaubaya sa kanya ang sarili ng buong-buo, ay siya namang naging saksi sa mga hinagpis at hinaing niya sa mga sandaling iyon…

Tumulo ang mga luha ko habang naglalakad ngunit hindi ko alintana ang mga ito. Hinayaan kong dumaloy ng dumaloy ang mga ito at pumatak sa damit ko. Pakiwari ko ay nawala ako sa tamang katinuan at ako lang ang nag-iisang tao sa mundo sa mga sandaling iyon, hindi malaman kung ano ang tamang gagawin, o kung kanino lalapit at hihingi ng tulong sa mabigat na kaloobang pinapasan. Binilisan ko pa ang paglakad hanggang sa nakarating ako ng terminal at nakasakay sa bus patungo sa bayan ng babaeng aking pakakasalan.

Isang araw ang dumaan, dalawang araw, tatlong araw, walang ni isang Segundo na hindi sumisingit sa isip ko si Lito. Palagi siyang nand’yan, tila nagmamakaawa, humihingi ng tulong, nahihirapan. Kahit sa gabi ay napapanigipan ko rin siya, ang mukha ay nagpahiwatig ng matinding kalungkutan. Tinetext ko siya palagi ngunit maayos naman itong sumagot. Kaya, napapawi din ang pangamba ko sa kanya.

Isang araw na lang ang nalalabi at ikakasal na ako. Hindi ko lubos maipaliwanag ang naramdaman. Excited, ngunit sa kabila ng aking utak ay may namumuong pag-alinlangan, nagtatanong kung handa nab a ako, kung ano ang buhay kong tatahakin pagkatapos ng kasal, at higit sa lahat, kung ano ang kahinatnan ng patago naming relasyon ng kaibigan.

Nagtanong ako sa mga kaibigan kong nauna nang nag-asawa ngunit ang payo nila ay normal lang daw naman ang ganoon at karamihan sa kanila ay naranasan din ang pinagdaanan ko. At may nagpayo din sa akin na kung may pag-aalinlangan ako, ay pwede ko pang umurong kesa nakasal na kami at buong buhay ko itong pagsisisihan…

Sa gabing iyon, kahit magkatabi kaming nahiga ng girlfriend ko, kung anu-anong bagay ang pumapasok sa isip. Syempre, hindi ko ito ipinahalata kay Sarah. Hindi ko maintindihan kung magtatalon sa tuwa o humagulgol sa lungkot na iyon na ang katapusan ng aking kalayaan.

Alas dyes ng umaga ang kasal namin sa araw na iyon. Sa pagsusuri ko, lahat ay handang-handa na – sa pagkain at handa, dekorasyon, reception, mga bridesmaid at groom’s men, bisita… lahat ay handa na. Alas 8:30 noong umalis ako ng bahay patungo na sa simbahan. Bago ako umalis, tinext ko si Lito. Ang plano kasi namin ay magko-kotse na lang siya galing sa kanila at dideretso na lang siya sa simbahan. Isang oras lang naman kasi ang biyahe galing sa bayan namin patungo sa bayan ng girlfriend ko. At dahil sariling sasakyan naman nila at may driver pa siya, mas mabilis ito.

“Tol, handa ka na ba?” text ko.

“Handa na” sagot niya.

“Maglagay ka pala ng pulang isang rosas sa may left chest ng coat mo ha? May pulang rosas din ako…” dugtong ko.

“Copy” sagot niya.

“Di kami magsisimula hanggang hindi ka pa darating ha?” paniniguro ko.

“Promise?”

“Promise tol…”

At iyon na ang huli kong text at dumeretso na ako ng simbahan.

Alas 9:30 ay puno na ang simbahan at nandoon na ang halos lahat ng mga bisita, mga bridesmaid, at groomsmen. Ang kulang na lang ay ang best man at ang bride. Habang nakatayo ako sa may bukana ng simbahan at naghintay sa kanila, tila may naririnig naman akong sigaw galing sa isang parte ng utak at ang sabi, “Sana ay huwag na lang dumating ang bride”. Ewan ko… marahil ay bunga lang iyon sa sobrang excitement o anxiety…

Halos eksaktong alas 10 na noong dumating si Sarah. Napakaganda niya sa suot na damit pangkasal. Nakangiti at noong makalapit na sa akin, hinalikan ako sa pisngi.

Kinabahan na ako kung bakit hindi pa rin dumating si Lito. Tinatawgan ko na sa kanyang cp ngunit walang sumasagot dito. Panay na rin ang tingin ko sa relo ko. Nakalipas ang 10 minuto, 15 minuto, 20 minuto, 25 minuto… wala pa ring Lito ang sumulpot. Sobrang kaba na ang naramdaman ko.

10:30 noong sinabihan na ako ng pari na magmartsa na patungo ng altar.

“Lito nasaan ka na! Shiitttt!” sigaw ng utak ko. “Hindi ba pwede nating mahintay pa ng sandali?” Tanong ko.

Ngunit nagalit na ang pari dahil may susunod pa raw itong misa.

Nag-aalangan man, pilit kong inihakbang ang mga paa patungo sa altar habang sumunod naman ang mga groom’s men. Ngunit noong nasa kalagitnaan na ako ng pasilyo, tila may isang malakas na pwersang humihila sa akin. Hindi ko lubos maintindihan ang naramdaman sa mga sandaling iyon. At naalimpungatan ko na lang na nagtatakbo ako palabas ng simbahan…

(Itutuloy)

No comments: