CHAPTER
2
Maingay ang lugar na iyon sa Divisoria. Halu-halo ang mga taong
nag-aalok ng kani-kanilang mga produkto. Bawat isa ay may pakulo para pumunta
sa kanilang pwesto ang mga mamimili. May iba na may pinapatunog na recorded na
boses para siguro hindi mamaos sa pagsigaw.
Lahat ng klase ng paninda ay dito mo
matatagpuan. Mula sa labacara hanggang sa pinakamahal na imitasyon ng
latest na cellphone.
Kung mayroong mga nangangalakal,
mayroon din namang mga nag-aabang ng mga mabibiktima. Sila yaong mga mandurugas
ng kalakhang Divisoria. At isa siya roon.
Siya si Jonathan.
Sa umaga, snatcher. Sa gabi,
hold-upper.
Lahat ng panggagantso na maaari
niyang gawin para makawala sa malaking kumunoy na kinasusuungan niya sa ngayon
ay gagawin niya. Tutal naman, ulilang lubos na siya. Hindi niya itinuturing na
pamilya ang sira-ulong madrasto na siyang dahilan kung bakit nagkaganoon ang
buhay nilang mag-anak.
Inilibot niya ang paningin.
Naghahanap ng mabibiktima mula sa kulumpon ng mga taong nagkakagulo sa
pnag-umagang ingay na iyon ng Divisoria.
Mula sa kawalan ay nakita niya ang
isang lalaking hindi pangkaraniwan ang bihis kumpara sa ibang dumaraan doon.
Napangiti siya.
Mukhang sinuswerte siya at may
mayamang balewala lang kung maglagay ng wallet sa bulsa nito sa likuran.
Pasimple siyang lumigid upang
makakuha ng pagkakataon. Dala na rin niya ang props na plastic bag na gagamitin
niya para sa kanyang operasyon.
Simple lang naman ang modus niya.
Babanggain niya ang lalaki sa
harapan at ilalaglag ang plastic bag. Hahayaan ang biktima na pulutin ito para
sa kanya saka kukunin ang wallet nito sa back-pocket.
At ganoon nga ang ginawa niya ng
makatiyempo.
Napangiti siya ng maisakatuparan ang
plano ng walang nakakahalata.
“I'm sorry.” sabi pa ng lalaki sa
kanya.
Tumango lang siya at iniwanan ito.
Pasimple rin siyang pumunta sa kanyang “hide-out” upang tingnan ang laman ng
wallet na nakuha niya sa walang kamuwang-muwang na biktima.
“Ang tanga naman talaga ng lalaking
iyon. Mukhang tiba-tiba ako nito. Ma-check nga ang laman-”
Laking-gulat niya ng makitang ang
makapal na wallet na hawak niya ay walang lamang pera kundi mga dahon.
“Putang-”
“Mukhang naloko ka ng dinukutan mo,
hijo?”
Napalingon si Jon sa kinaroroonan ng
tinig. Lalo siyang nagitla ng makitang ang lalaking dinukutan niya ay nakatayo
sa bukana ng iskinitang ginagawa niyang hide-out.
“Gag-”
Naputol ang pagmumura sana niya ng
bigla siyang tumilapon sa ere papunta sa mga basurang nakatambak sa maliit na
iskinitang iyon.
“Arekup!” daing niya mula sa
pagkakatilapon.
“Hindi ko nais ang ikaw ay saktan,
hijo, ngunit hindi makatarungan ang gusto mong gawin sa akin. Ikaw na nga ang
may kinuha na pag-aari ko, ako pa ba ang sasaktan mo?”
Sa tagal na niyang
nakikipagpatintero sa mga pulis at mga nabibiktima niya sa Divisoria, alam na
ni Jonathan kung ang nakakaharap niya ay kaya niyang takasan o hindi.
Ito ang unang pagkakataon na may
nagpatalsik sa kanya mula sa kinatatayuan kaya alam na niyang hindi ito
ordinaryong tao. Kung aaminin niya sa sarili, hindi ito tao. Bagama't sa anyo
nito ay mukha itong tulad niya.
Napangiti ang estranghero.
“A-anong kailangan m-mo?” aniya sa
namimilipit na tinig.
“Jonathan. Wala akong balak na
makipaglaban sa iyo. Nais ko lang ang kausapin ka. Patawarin mo ako kung mali
ang naisip kong paraan para kunin ang atensyon mo.” Nakangiting sambit ng
lalaki sa kanya.
Nagtataka man ay pilit na pinapagana
ni Jonathan ang hinahon sa isipan niya. Paano nitong nalaman ang pangalan niya?
Siguro ay matagal na siya nitong minamanmanan. Pero hindi iyon ang mahalaga sa
ngayon. Ang importante ay makalkula niya kung paanong lulusutan ang isang ito.
Mahirap makipaglaban sa isang hindi nakikilalang kalaban.
“Hmm... Iniisip mo akong takasan,
hindi ba, Jonathan?”
Nagitla siyang bahagya. “Ha?
H-hindi!”
Ngumiti itong muli.
“Nais ko lang kausapin ka tungkol sa
iyong ama.”
Nangunot ang noo niya sa tinuran
nito.
“H-hindi ko na nakakausap si Tatay
Jerry,” tukoy niya sa step-father.
Muli itong ngumiti.
“Ang tunay mong ama ang tinutukoy
ko.”
Muli, nangunot ang kanyang noo.
“Hindi ko kilala ang tunay kong ama.
Kaibigan ka ba niya?” tanong niya.
“Oo. Hindi lang iyon. Gusto ko ring
malaman mo na mayroon kang kakambal na lalaki.”
“Ano?!”
“Tama ang iyong dinig. Gusto mo ba
silang makilala?”
Napatahimik siya ng katanungang
iyon.
Buong buhay niya ay halos mag-isa
lang siya. Maagang namatay ang kanyang ina sa gulang niyang siyam. Ngayon ay
dalawampu't-isa na siya. Kailangan pa ba niya ang mga ito sa ngayon? Kaya naman
niyang buhayin ang sarili niya. Isa pa, baka hindi rin siya kilalanin ng mga
ito. Lalo na kung...
“Hindi mo kailangang isipin na hindi
ka nila matatanggap. Ang inaalok ko lang sa iyo ay kung gusto mo ba silang
makilala. Magkaiba ang dalawang bagay na iyon.” sambit nito na pumutol sa
paggugunam-gunam niya.
Napatingin siya sa lalaki. Mukhang
marami itong alam tungkol sa kanya at sa totoong pagkatao niya.
“Ano pang alam mo tungkol sa akin?”
“Wala na. Iyon lang.”
Tintitigan niya itong mabuti.
Mukhang nagsasabi naman ng totoo.
“Sige. Saan ko sila makikita?”
Napangiti itong muli.
“Sa mga susunod na araw, dadalawin
kitang muli, Jonatahan. Pagkatapos niyon, makikita mo na ang iyong ama at
kakambal.
Napatango siya.
Tumalikod na ang lalaki at
nagsimulang maglakad ng may maalala siyang isang bagay.
“S-sandali!”
Tumigil ito sa paglalakad.
“Ano ang iyong pangalan?” tanong ni
Jonathan sa lalaki.
“Karl. Karl Torres.” anito na hindi
lumilingon saka nagpatuloy sa paglalakad.
“S-salamat, Karl.”
ITUTULOY...
No comments:
Post a Comment