by Jeffrey Paloma
Nagkamalay na lang akong nakahiga sa sahig sa tarangkahan ng aming tahanan... Parang naalog ang utak ko at may umaalingawngaw sa tenga ko... Sumasakit ang kaliwang bahagi ng aking noo kung saan unang tumama ang kanto ng bagay na tumama sa akin. Kinapa ko ang sumasakit na bahagi ng aking noo at napansin kong ito ay dumudugo na pala. Tinignan ko kung ano yung bagay na tumama sa akin at nalamang yung makapal at malaking bibliya pala namin ito na may metal plating na ornaments sa mga kanto nito.
Dahan-dahan akong bumangon sa aking pagkakahiga habang tinatakpan ng panyo ang sugat sa aking noo na nagdurugo. Umiiyak. Nagpagpag ng duming kumapit sa aking damit at maong. Nang makatayo na ako muli sa bukas naming pintuan ay nakita kong muli kung sino ang bumato sa akin ng bibliya. Lubhang di ako makapaniwaa sa aking nakita. Ang buong akala ko ay bukas pa ang dating niya.... si papa, katabi ni mama sa aming sofa. Sorpresang dumating pala kanina ng bahay at mukhang nauna nang masabihan ni mama ng para sa kanila ay isang malaking problema... isang malaking dismaya at kahihiyan... isang masamang sumpa.
"Hindi ka namin pinalaki ng ina mo para maging isang... " ang malakas na sabi ni papa na may halong poot. Bigla siyang natigil sa kanyang sasabihin marahil ay pinipigilan niya ang kanyang sariling magbitiw ng mga salitang sobrang sama para sabihin niya sa kanyang sariling anak. Halatang halata sa kanyang mukha ang madaliang paghahagilap niya ng gagamiting salita na hinahaluan ng matinding pagpipigil ng galit at pagkadismaya. "... isang binabae!!!!... Hindi ka namin pinag-aral sa isang private sectarian school noon dahil gusto namin kayong lumaking may takot sa Diyos at para matutuhan niyo kung pano kayo lumaking isang mabuting lalake!!... Hindi maging babae sa katawan ng isang lalake!!.." at natigil na si papa na medyo nawala na ang kanyang galit sa mukha.
"Nalaman kong hiniwalayan ka ni Camille... dahil.. sa... " natigil siya sa kanyang sasabihin at napailing na nagpatuloy ".. sa kalokohang iyon. Ang sabi ng..." hindi niya mabanggit ang pangalan ni Alex sa galit. Ano kaya ang ikinuwento ni Alex kay mama at ni mama naman kay papa? "... sa mama mo ay... " napasinghal na parang sinasabi sa sariling ang sasabihin niyang salita ay isang malaking kalokohan " ... mahal ka daw ng baklang iyon at hiniwalayan niya ang kinakasama niyang bakla dahil sa ikaw ang gusto niya... kalokohan!!".
Nanginginig na ako sa aking kinatatayuan sa sobrang takot na ano mang pwedeng gawin ni papa sa galit. Lubhang mabigat kasi ang mga kamay niya. Kaunting mali lang ang magawa naming mali noong mga bata pa kaming magkakapatid at siguradong latay na ang inaabot namin. Minsan pa nga noong taga tiktik lang si papa ng kalawang sa barko noon, pag-umuuwi siya ng bahay araw araw lagi kami nalalatay at mas madalas sa magkakapatid na ako ang nilalatay niya. Dati, parang pagkain lang ang paulit-ulit na paghampas niya ng sinturon sa akin noong maliit pa ako. Agahan... Tanghalian... Hapunan.... at merienda pa between meals ang pawang hobby niya na latayin ako. Lubhang hindi ko nauunawaan noon kung ano at bakit niya ginagawa sa akin iyon. Lagi na lang na ang eksena ay masaya akong nakikipaglaro sa aming mga kapitbahay sa Sampaloc, Manila kung saan ako ipinanganak noon at bigla na lang na susunod na eksena ay nagmamakaawa na akong itigil ni papa ang paghampas niya ng sinturon sa akin ng walang tigil. Araw-araw na halos laging namumula ang aking puwit at mga hita.
Oo... hanggang sa paglaki ko kinimkim ko ang galit ko sa aking ama sa ginawa niyang iyon sa akin. Ang alam ko lang, wala akong ginawang mali at ayaw ko na ng pagdampi ng kanyang sinturon.
Pilit na nagbabalik sa akin ang mga alaalang iyon noong musmos pa ako habang ako ay nakatayo sa tarangkahan at hindi makapasok sa sobrang takot. Takot na itinanim sa akin ng aking ama.
Biglang hinawakan ni mama ang mga pigil at nagtitimping kamao ni papa na para bang gustong sabihing siya na ang magpapatuloy sa pagkikpagusap sa akin. Sa pagkakataong iyon ay mukhang kalmado naman na si mama. Mukhang matapos nila magusap ni Alex ay nakapag-isip na siya ng maayos.
"Anak..." wika ni mama "nanggaling kanina dito si Alex sabi niya classmate daw siya ni kuya Paulo mo at kaibigan mo. Gusto daw niya akong makausap kaya't nag-usap kami dito sa sala kanina at dun niya naikwento ang lahat sa akin. Hindi ko nagustuhan ang aking narinig kaya't pinalayas ko siya. Ayaw namin ng papa mo na mapariwara ka ngunit ayaw rin naman namin ng papa mo na hindi ka maging masaya. Anak, balikan mo si Camille o kaya'y maghanap ka na lang ng ibang babae na iyong papakasalan pagdating ng araw. Lalake ka anak at baka naguguluhan ka lang sa mga nangyayari sa buhay mo. Napagdesisyunan na namin ng papa mo kanina na talagang mabuti na rin na lumipat ka ng unibersidad sa susunod na school year tulad ng nasabi mo sa akin. Kanina ko lang narealize na ikaw na pala mismo ang gumagawa ng paraan. Patawarin mo ang papa mo sa ginawa niyang pagbato sa iyo ng bibliya dahil dala lamang ito ng kanyang pagkadismaya."
"M.. ma.. P..pa... ss.. salamat po... pp. pero.... h-hindi ko g-ginusto rin ang.... b..bagay na ito." habang patuloy na umaagos ang luha sa aking mga mata. "... h-hindi ko po.." ako'y napigil sa aking gagamiting salita dahil baka ang ashtray naman ni papa ang ihagis niya sa aking pero... " ..... hindi k-ko.. po... m-m-mahal.... .hindi k-ko po minahal si... Alex.." gusto ko nang sabihin na iba ang mahal ko ngunit sa takot na baka si Kevin naman ang madamay... "m-matagal ko na pong itinatago sa inyo na may kinukuya po ako since highschool... napamahal na siya sa akin ng lubos kahit hindi pa kami nagkikita hanggang ngayon... ngunit tinapos ko na rin ang aming pakikipag-usap dahil sa napagod na rin ako... patawad pero.. nitong huli lang... tanggap ko na sa sarili ko na ganito ako... sana... maunawaan niyo ako at hayaan na dito ako magiging maligaya..." at nakaramdam ako ng sobrang ginhawa sa aking dibdib ngunit napansin kong lalong napuno ng galit ang mukha ni papa at nagtatakbong papunta sa aking kinatatayuan upang kuwelyuhan ako. Mas matangkad kasi sa akin ang aking ama.
"Ititigil mo ang kalokohang ito!!!! Mag-aasawa ka!!! Magpapamilya ka!!!" habang nanlilisik na nakatitig ang mga mata ni papa sa akin. Nagpumiglas ako sa kanyang pagkakakuwelyo at tumakbo tungo sa aking silid. Nagpalit ako ng walking shorts at maluwag na puting t-shirt at nagsuot ng panglakad na sandalya habang humahagulgol. Nagpasya akong magpakalayo muna. Nilagay ko sa aking itim backpack ang aking Macbook, tatlong t-shirt na hindi ko alam kung ano dahili nagmamadali akong makaalis at di na namili pa, at isang shorts. Kinuha ko rin ang ATM card kong nakatago sa aking tukador at napansin kong may envelope ng LBC sa ibabaw ng aking drawer. Kinuha ko ito at inilagay sa aking bag at bumalik na sa sala upang lumabas.
Sa sala, dali-dali akong naglakad tungo sa pintuan palabas. Kumapit sa kaliwang braso ko si mama at agad ko naman itong inalis habang patuloy sa nagmamadaling paglalakad palabas ng pinto. Dali-dali kong tinungo ang gate at kinabit ang aking earphones sa aking mga tenga at nagpatugtog upang di na marinig ang kanilang mga tawag. Malakas sa trance ang pinili kong pakinggan habang patuloy sa pag-iyak habang naglalakad.
Hindi ko alam kung saan ako tutungo. Balak ko sanang abutin ang nakatago kong lighter sa aking backpack ngunit una kong nadampot ay ang rosaryong nakuha ko nung nagretreat kami sa Tagaytay nung 4th Yyear highschool ako. Dun ako nagkaroon ng idea na dun muna magpakalayo. Tulad din siguro ng mga nakakarami na dun nagpupunta makakabuti rin sa akin na dun muna magpakalma. Malapit lang kami sa Tagaytay dahil sa General Mariano Alvarez lang naman ang aming lugar. Ilang sakay lang nandoon na ako. Ngunit saan doon?
Nagmamadali na akong naglakad tungo sa kanto nila Kevin ngunit di ko binalak na daanan siya. Ayaw ko nang madamay siya at ayaw kong lumago lalo ang damdamin ko sa kanya at masira ang maganda't nakakainggit na pagmamahalan nila ni Ron.
Napatahan na ako sa aking pag-iyak ngunit di pa rin mawaglit ang lungkot at pangungulilang nadarama ko. Sa kanto nila Kevin, di nagtagal may dumaang jeep na tungo sa town proper ng General Mariano Alvarez at agad akong nakasakay. Sa town proper naman ay sumakay ako ng patungong Pala-Pala upang doon sumakay ng bus papuntang Tagaytay. Pinili kong sumakay sa airconditioned na bus dahil mas mabilis itong bumyahe.
Napag-isipan ko munang dumaan muna ng rotonda sa Olivarez upang kumain sa Santuaryo na kabilang kalsada lang ng seven eleven. Bagaman kabilang kalsada lang nito ay Jollibee at Chowking mas pinili kong duon kumain dahil sa ambiance na taglay nito at lutong bahay ang kanilang nasa menu. Minsan na rin kasi kami nagtungo dito ni Kevin noong gumala lang kami upang mag-arcade sa Olivarez. Isang artist ang may-ari daw nung lugar at kita mo naman ito sa loob ng restaurant. Sa labas hindi mo aakalaing restaurant ito dahil lumang building na ito.
Sa loob, kita mo na agad ang Thai accents na nagkalat sa buong paligid. May mga imahe ng taong may ulo ng elepante, mga dekorasyon na kakaiba, at mga paintings na sariling gawa ng may-ari na kanya ring ibinibenta sa halagang tatlong libong piso pataas. Bago ka tumungo sa tatlong dining area dadaan ka muna sa counter pag mayroon kay reservation. Sa araw na iyon kaunti lang ang tao kaya madali akong nakapamili ng aking mauupuan. Maganda at cozy ang lugar. Mayroong dining area sa basement, sa same floor kung saan yung counter nakapweso, at ang pinaka gusto ko sa lahat, sa roof deck nila. Agad akong pumunta sa roof deck at dun hinintay ang waiter.
Sa roof deck, may mga kawayan at baging ng mga halamat na nakabalot dito. Simple lang ang mga lamesang mahahaba na kulay puti na medyo kita na ang mga nabakbak na pintura marahil sa dahil sa bilad ito sa araw at ulan. Malamig ang hangin at sa pagkakataong iyon ay nalimutan ko na ang lahat ng sakit at pait na ilang araw ko nang tinatago sa aking dibdib.
Nag-order ako ng tatlong beer at ang specialty ng lugar na iyon, Bulalo.
Di nagtagal dumating na ang waiter at kinuha ang aking order. Puro binata ang kanilang waiter. Kung tutuusin magtataka ka kung bakit nakasando at maong na shorts lang sila pero hindi ko na iyon pinansin. Naunang dalin sa akin ang beer at naghintay ako sa order kong Bulalo. Sa paghihintay, naisipan kong itext sana si Kevin upang humingi ng patawad na hindi ko man lang siya sinabihan bago umalis sa amin na gusto kong magpalayo.. ngunit sa oras na nagcocompose pa lang ako ng aking message para sa kanya ay narinig kong may paakyat na ng roof deck kaya ako ay napatigil upang tiyakin na yung waiter na yung dadating kasama ang aking Bulalo.
Bigla kong naihulog ang aking telepono sa gulat na malaman ang paakyat na tao sa roof deck at si Ron. Suot pa rin niya ang kanyang damit nang magkita kami kanina sa Alabang ngunit nakajacket na siya ngayon. "Oo nga pala.. naku!!! malamig na dito mamaya!!! hay!!! nakalimutan kong magdala ng jacket!!!" yun na lang ang unang pumasok sa aking isip.
"Jeremy?!?" ang gulat na gulat na si Ron ay nanlaki ang mga mata nang ako ay kanyang makita. Wala naman kasing ibang tao don noon kaya ako ay agad niyang napuna. "Kala ko ba umuwi na kayo kanina?.. si Kevin bakit di mo kasama?.." ang agad niyang tanong sa akin sa kanyang pagkabigla.
"Eh... hindi ko siya kasama ngayon, Ron..." sabay bitiw ng mga malungkot na ngiti sa kanya.
"Nag-away ba kayo? Wala naman siya sa aking sinasabi.. teka text ko lang siya ha?" ang ang sabi n Ron.
"Ay.. ano... Ron.. please wag mo sabihin kay Kevin na nandito ako ngayon.. kasi..." habang iniisip ko ang susunod kong sasabihin ay natigil naman siya sa paghugot niya ng kanyang phone sa kanyang kanang bulsa ng shorts niyang suot.
"... hindi kami nag away ni Kevin.. yung tungkol kasi to sa bahay diba? Nag-usap na kami nila mama.. at papa... at inamin ko na lahat sa kanila ngunit pinilit nila akong magpakalalake.. kesyo kailangan kong magkapamilya, magkaanak, etsetera etsetera..." at sabay kumpas ng mga kamay habang sinasabi ang "etsetera" nang nakakunot pa ang noo at magkasalubong ang kilay.
Natawa na lang si Ron sa aking ginagawa. "Ang cute mo talaga.. hahaha.... parang bata.." a biglang naging seryoso ang kanyang mukha "teka... gabi na ah.. wala ka nang masasakyan pauwi ng ganitong oras... san mo balak magpalipas ng gabi? sa mga kumbento dito na naglipana na paang kabute? o sa isang inn dito?" ang nag-aalalang tanong niya sa akin. Sa totoo lang, hindi ko alam kung saan at kung magch-check-in man ako o maglalakad-lakad na lang sa kalsada ng Tagaytay hanggang sa mag-umaga.
"Bahala na... kung saan na lang ako dali ng aking mga paa.. wala akong pakay ngayong gabi.. pinlano ko lang na makapag-isa. Ayaw ko nang mag-alala si Kevin sa kalagayan ko at ganon din ikaw pero tingan mo naman ang tadhana.. sa di inaasahang lugar at pagkakataon dumating ka at since nandito na na rin lang may pag-uusapan tayo mamaya." yun na lang ang nasagot ko kay Ron nang bigla kong naisip kung bakit din siya nasa lugar na iyon. Don ko lang naalala na hindi ko rin alam kung taga saan siya.
"Nga pala.. ano ginagawa mo dito? Taga saan kaba?" ang sunod kong tinanong sa kanya habang inaabot ang isang bote ng beer sa kanya.
"Ah.. eh.. taga Las Pinas pa ako... dumayo lang ako dito kasi madalas ako dito pag..." biglang halata na gusto niyang ibahin ang kanyang sasabihin. ".. pag gusto ko lang.. lilipat na rin kasi ako ng school dito sa La Salle sa Dasma para ipagpatuloy ko ang aking pag-aaral. Magulo kasi sa Maynila eh.. lagi traffic, lagi may baha, dami snatcher, dami impluwensya." natuwa naman ako sa sinabi niya.
"Ako rin next school year nasa La Salle Dasma na rin ako kasi gusto kong makalimot at magbagong buhay doon. Isa pa.. decisyon na rin nila mama na dun ako mag-aral para maibalik ako sa isang catholic school. Umaasa pa rin silang magbago ako.... as if?!?" nairita ako bigla nang maalala ko ang pagpilit nila papa sa akin. Tumawa na lang ng tumawa si Ron sa aking mukha at sa aking reaction.
"Mukha talaga akong clown para sa iyo no?" ang pikon kong sabi sa kanya kahit okay lang sa akin na tumatawa siya. Ewan ko ba pero pakiramdam ko talaga matagal na kaming magkakilala ni Ron.
"hahahah... hindi... ang cute mo kasi pag napipikon ka.. parang bata.." sabay kurot sa aking pisngi. Kinilig naman ako at sabay kabig pigilan ang sarili dahil sa boyfriend nga pala ito ni Kevin.
"Oh...Jemykoy? bakit sad ka nanaman? susumbong kita kay Vinpot-pot.. tetext ko na siya.." sabay dukot muli sa kanyang cellphone ngunit bigla ko na lang siya nginitian para mapigil siya sa gagawin niya.
"Sige na... di ko na sasabihan si kuya Kevin mo... basta may isang kundisyon ako..." bigla naman akong natakot sa sasabihin niyang kundisyon. "... hindi ka hihindi sa akin.. sa kahit san kita dalhin ngayong gabi".
Hindi ko alam kung ano ang nasa isip niya ng mga oras na iyon. Magkahalog duda at takot ang naramdaman ko. "Ano kaya ang balak nitong si Ron? Naku... baka ihatid niya ako kila Kevin!!!... o kaya.. baka ... baka... baka.. sa hotel!!!?!!?!" ang nasabi ko sa aking sarili habang nagfflash lahat sa aking isipan ang mga maaaring mangyari sa akin.
Eto na lang ang aking nasagot sa kanya "May kundisyon din muna ako... bago pumayag sa kundisyon mo... hindi mo ako iuuwi kila Kevin at hindi tayo magmomotel... " sabay labas ng dila na dahilan para siya'y humalakhak ng malakas.
"Sige pumapayag akong di kita dadalhin pauwi kila Kevin.. at hindi rin tayo magchcheck-in kung hindi ka matutulog.. pero bakit naman pumasok sa isip mo ang ..." biglang tumawa ng malakas at natigil na sa kanyang sasabihin.
"Loko ka... virgin pa ako no!!" ang pikon kong sabi sa kanya na kanya namang tinawanan ng malakas.
"Okay.. okay... nakakatuwa ka talaga... di ka pa rin nagbago.." ang sinabi niya sa akin na biglang nagudok sa aking mapaisip.
"..hindi pa rin ako nagbago?" ang tanong ko sa aking sarili. "Matagal ko na ba itong kilala para masabi niya sa akin iyon?"
"... anong di pa rin nagbago?" ang direkta kong tanong na lang sa kanya sa kanyang mga nasabi upang makakuha ng kasagutan.
Napainom siya ng beer at nagpaliwanag ng "ah.. e.. kasi kala ko kanina sa Festival Mall pinipilit mo lang na maging masaya sa kabila ng alam mo na may naghihintay sa iyong problema sa bahay niyo kanina."
"Ah... okay... " bigla akong nakaramdam ng panginginig ng katawan dahil naramdaman ko nang nanunuot sa aking balat ang lamig ng lugar.
"Oh.. nilalamig ka ba?" ang concerned na tanong ni Ron habang tumabi na siya sa akin at ako ay inakbayan para mainitan. Tumango lang ako.
Kakaibang pakiramdam ang aking naramdaman. Para bang ang kuya kong matagal ko nang namimiss ay bigla akong kinanaklinga. Bigla naman akong napaisip na ganito kaya kung kasama ko ngayon si Dexter? Ngunit hindi naman puro Diyos ang bukambibig ni Ron di tulad ni Dexter. Isa pa, inindiyan niya ako ng ilang beses. Napakabait lang talaga ni Ron.
Di nagtagal dumating na rin ang aking inorder at hinatian ko na lang din si Ron dahil good for four persons lagi ang kanilang serving. Balak ko kasi magtakaw pero since nandiyan na si Ron ay hindi na lang. Ayaw ko na rin maghintay pa siya dahil isang oras ang tagal bago makarating ang order sa lamesa.
Bagong luto man ang bulalo at umuusok pa sa init madali naman itong lumalamig at kitang mabilis na namumuo ang mga sebo na galing sa baka kaya nagmamadali kaming dalawang umubos ng sabaw. Mistulang mga buto ng kalamansi ang mga manuong sebo na parho naming inaalis sa bowl ng bulalo pagnakakakita kami habang kinakain ito.
Matapos naming kumain at nagbayad ay tumungo kami sa Starbucks na malapit lang din sakay sa kotse ni Ron na vios. Hindi pa siya pangtaxi non at si Britney Spears pa ang endorser noon nun.
Hindi ko sasabihing kami ay nagdedate ni Ron dahil siya naman ang nag-alok na samahan ako. Kaya okay lang sa akin kahit saan niya ako dalhin.
Sa Starbucks tinungo muna namin ang tables sa bandang likod overlooking sa Taal lake. Pinapuwesto na ako ni Ron para mareserve na yung table namin kasi medyo marami ang tao noon sa lugar na iyon baka maunahan pa kami. Nagpaalam muna siyang pupunta ng palikuran kaya hindi ko pa binigay sa kanya ang aking order. Sa aking paghihintay, hindi ko matiis na hindi magsabi kay Kevin kung nasaan ako at na kasama ko si Ron. Ayaw kong magalit siya sa akin at ayaw kong masira ang aming pagiging magkaibigan. Tinawagan ko siya.. matapos ang dalawang ring..
May kaunting katahimikan sa kabilang linya at tugtog lang ang aking naririnig mula marahil sa computer ni Kevin. Back To Me ng Cueshe...
"Hello, Jeremy? Ano nanangyari sa iyo? Wag ka iiyak ha? Tibayan mo loob mo. Saan ka ngayon? Gusto mo samahan kita?" ang tuloy-tuloy niyang sinabi matapos niyang sagutin ang aking tawag.
"okay lang po ako... sorry ayaw ko kasing mag-alala ka.. isa pa masyadong malaki na ang nagawa mo para lang matulungan ako sa problema ko lagi mo akong pinasasaya.. nasa Tagaytay ako ngayon... sa Starbucks... at sana wag ka magtampo.. o maggagalit.. or kahit ano pa sa isa pang aaminin ko sa iyo... kasama ko ngayon si Ron... nagkita kami sa Santuaryo kanina nagulat ako nang bigla siyang dumating.. sabi niya samahan na lang daw niya muna ako kasi wala akong balak umuwi kahit kaya niya akong ihatid ayaw ko rin dahil sa hiya sa kanya... Kevin... sana hindi ka magalit sa akin sa huli kong sasabihin.. sana wag kang magselos na kasama ko si Ron... inisip ko rin kasing umiwas sa inyo kanina paguwi ko kasi hindi ko kayang masira ang maganda niyong pagmamahalan tulad ng nagawa ko kay Chris at Alex na hindi ko talaga sinasadya... Masaya akong mahal ka rin ni Ron.. wala akong gagawing masama kasama si Ron... iingatan ko ang mabuting pagiging magkaibigan namin.. at ang pagiging magkaibigan natin.. " hindi ko napansin na tumutulo nanaman pala ang mababaw kong mga luha..
"... drama talaga ng bunso ko... okay lang iyon sa akin anu ka ba... tiwala akong walang mangyayari sa inyo ni Ron..at since alam kong ulila ka na kay Dexter... mabuti pang tumayo na kami ni Ron bilang kuya mo na matagal mo nang inaasam...gusto rin namin ng baby bro, eh... alam mo namang di ko pwede gawin sa kapatid ko panlalambing na ginagawa ko sa iyo dahil kasing tigas ng bato ang utol ko" ang malambing na sabi sa akin ni Kevin. Napansin niya ang pagsinghot ko ng aking sipon dahil sa pag-iyak. "inuuhog ka nanaman.. umiiyak ka no.. tahan na po?" ang pabiro niyang pagpapatahan sa akin.
".. naiiyak kasi ako sa music mo eh... bakit ba gustong gusto mo iyan.. parang tinatamaan ako eh.." ang excuse ko na lang sa kanya.
".. hehehe.. ah... basta... may nabasa kasi ako sa isang blogsite na yan ang theme song... nakarelate ako sa tugtog.." ang nasabi niya na lang sa akin.
".. sa ano namang aspeto?!?" ang natatawa kong sagot sa kanya habang natigil na ako sa pag-iyak at nagpupunas na ng mga luha.
"... when will you be coming home... back to me?"... ang bigla na lang niyang kanta sa akin na siya namang tinawanan ko rin.
".. opo!! uwi na ako bukas.. " ayun na lang ang sinagot ko sa kanya at sabay na kaming nagtawanan.
Hindi ko na napansin sa likod ko na dumating na pala si Ron. Nakita ko na lang ang kanyang anino sa aking harap na gawa ng liwanang na nagmumula sa ilaw sa loob ng Starbucks. Agad ko siyang nilingon at nakitang may dala na siyang dalawang drink na venti at dalawang slice ng blueberry cheesecake.
"Si Kevin ba yan?.." ang nakangiti niyang tanong sa akin.
"Oo, Ron.. ikaw ha... nagsabi ka na pala kay Kevin... oh eto kausapin mo... nagkakakanta nanaman.." ang sabi ko sa kanya sabay abot ng aking telepono.
"Vin... oo.. nagawa ko na kanina.. oo... sana nga hindi malate yun.. okay... okay... sige ako na ang bahala.. bye-bye po!" yun na lang ang narinig ko kay Ron habang kausap niya si Kevin. Malambing ang kanilang usapan pero parang mag-asawang puro negosyo nga lang ang topic.
Hindi na ako nag-atubili pang kunin ang inorder sa para sa akin ni Ron. May nakalagay na "Jemykoy" sa basong venti na inorder ni Ron na nagpangiti sa akin at Ron-kolokoy naman ang sa kanya.
Inabot ko kay Ron ang bayad ko para sa inorder niya ngunit tinanggihan niya ito at inabot sa akin ang aking telepono na ibinalik ko sa aking bulsa sa aking shorts.
Nagulat akong tama nanaman siya ng kinuhang inumin para sa akin. Una si Kevin, ngayon si Ron. Hindi naman nila pinag-usapan yung gusto ko. Ni hindi nga sila nagtext kanina umuwi na kami ni Kevin eh kahit sa cheesecake nung papunta kami ni Kevin para kitain siya sa date nila. Pano niya nahulaan? Gulong gulo na isip ko kaya..
"Ron.. pano mo nahulaan paborito kong inumin dito? at sa Starbucks kaninang umaga... panong .... yung cheesecake?.." ang nagdadalawang isip na tinanong ko sa kanya.
"hinulaan ko lang.. yan din kasi ang paborito ko.. tignan mo akin... parehas tayo ng inumin.." agad niyang pinatikman sa akin ang kanyang kape na agad ko rin tinikman.
"Oo nga!! pati blueberry cheesecake din?!" ang sunod kong tanong sa kanya na sinagot naman niya ng matamis na ngiti at pagtango.
"Alam mo Ron... iisang tao lang sa buhay ko ang kilala kong kapareho ko ng paborito sa Starbucks tulad mo... pero hindi pa kami nagkasama sa Starbucks.. actually hindi pa kami nagkikita... pero nalaman ko lang na gusto rin niya mga gusto ko dahil sa sabi lang din niya..." bumakas na sa mukha ko ang lungkot ng pangungulila kay Dexter.
"Sino naman siya? ikwento mo naman sa akin.." ang interesadong tanong niya sa akin. Kinuwento ko naman sa kanya ang lahat sa amin ni Dexter pati yung pagkakakita ko sa kanila ni Kevin sa Yoshinoya at bakit ako noon umiiyak at nakita kong naiiyak siya.
"O.. bakit ka umiiyak?" ang tanong ko na lang sa kanya.
"ang lungkot kasi ng kwento mo... sana si Dexter hindi ka na lang pinaasa.. sayang... pero masaya na ako at si Kevin kasi meron kaming baby bro.. ay ikaw yun". sabay ngiti ng matamis sa akin at pinunasan ang kanyang tumulong luha at ganon din ang ginawa niya sa luha kong hindi ko na naramdaman sa aking pisngi sa nasanay na yata ako sa pag-iyak namanhid na mga pinsgi ko.
"Ron naman eh.. anu ba walang ganyanan.." hindi ko na alam ang isasagot ko. Bigla kong naalala ang envelope ng LBC na nasa bag ko na hindi ko pa nakikita.
May isang CD ulit na may nakalagay na "I am so sorry".. buti na lang may dala akong laptop at agad ko itong ipinatong sa ibabaw ng mesa. Sinaksak ang CD at nalaman ang laman nito ay dalawang music file at isang word document.
Habang binabasa namin ni Ron ang word file pinatugtog ko na yung isang music file... "Ulan" by Cueshe..
"Sana patawarin mo ako sa hindi ko pag-sipot sa araw na tayo ay takdang magkita sa Yoshinoya. Nalate kami ng pagdating at hindi ko inaasahan makita ka na umiiyak na at mukhang galit na galit na tumatakbong lumabas ng SM Southmall. Kilala na kita dahil sa pictures mo sa friendster account mo na pinakita mo sa akin. Nasasabik akong yakapin ka ng mga oras na iyon ngunit puno ako ng kaba sa aking dibdib na harapin ang matindi mong galit. Natakot din akong masaktan sa maaari mong sabihin dahil sa tinagal mong kinikimkim na galit sa mga ginawa kong mali at pagpapaasa ko sa iyo. Alam mong mahal na mahal kita at lalo kitang minahal ng malaman kong may pag-asang suklian mo ako ng pagmamahal nang may mangyari sa inyo noong Alex na iyon. Masakit pero ang kapalit nito ay ang malaman ko ang tunay mong pagkatao na kaparehas ko.
Hindi na kita nacontact dahil out of coverage na phone mo. Nagpalit ka na siguro ng number. May sorpresa ako sa iyo sa Wednesday, sa araw ng kaarawan mo... sa ika-27...
I love you bunso,
Kuya Dex"
Hindi ko na napigilang umiyak. Nagbalik lahat ng hinagpis na aking kinimkim para sa kanya na akala ko ay nawala na. Inakbayan na lang ako ni Ron ng mahigpit at sinabayan ako sa aking pagluha.
"G-grabe naman yan... hayaan mo na iyan. Kalimutan mo na siya." ang pagpapatahan sa akin ng umiiyak din na si Ron. Sabay inangat niya ang aking mukha at nagulat na lang ako nang ako ay bigla niyang binigyan ng mainit at nag-aalab na mga halik. Ako'y sobrang nabigla. Hindi ako gumanti. Sa halip, itinaboy ko siya at nasampal.
"Ron mali to!! kung gusto mo akong hilahin mula sa kalungkutan wag kang gumawa ng dahilan upang mag-away kami ng kaibigan ko na nobyo mo!! Wag na kayong dumagdag pa sa kunsensya ko!!" at bigla akong napatigil at nagbigla sa aking mga nasabi.
Nang mahimasmasan ay pareho kaming tahimik ni Ron. Kumakain ng cake habang umiinom ng kape. Hindi kami nagkikibuan parang nakikiramdam sa pwedeng sabihin ng bawat isa.
(itutuloy)
A compilation of my thoughts, dreams and fantasies. Stories that describes best my simple wishes in life. In addition to that, I asked friends to contribute their talents in this site where reality and fantasy are as one. Welcome to my site. Welcome to my heart. I am Dalisay.
2 comments:
hindi po b pwedeng macopy ito? kc po i had my graveyard shift and even don't have enough time to read this via online. so like your other stories i copy paste and and read it at my vacant time... sana pwede po pls....
Sorry po copyright protected kasi siya.
Post a Comment