Chapter One – Sampung Kapitbahay
“Rueben” sigaw sa akin ng kaibigan ko.
“Nyorks, anong atin?” tanong ko sa kanya.
“Sa atin wala, pero sa mga kapitbahay natin meron” sagot ni Nyorks sa akin.
“Anong sa kanila?” tanong ko ulit sa kanya.
“Bangag ka na naman ba? Alam mo naman na laging hinihintay ng mga kapit-bahay natin ang pagdating mo galing sa trabaho sa pabrika” naiinis na sagot ni Nyorks.
“Alam mo naman na celebrity ang turing sa aking ng mga kapitbahay natin” pagmamayabang ko.
“Ugok, sabihin mo utusan. Masyado mo kasing ini-spoiled ang mga kapit-bahay natin, sa iyo na lang inaasa ang mga gawain nila” pag-aalala ng kaibigan ko.
“Nyorks, alam mo naman na masaya ako sa ginagawa ko. Mahal ko ang mga kapit-bahay natin kaya ko sila tinutulungan. At isa pa, kung hindi sila bata, masyado namang matanda para sa mabibigat na trabaho” paliwanag ko.
“Hoy, huwag mo nga akong bigyan ng ganyang banat, ikaw mahal mo ang mga kapit-bahay natin” biro ni Nyorks.
“Tama na nga ang daldal, magbibihis lang ako para masundo ko na sa paaralan ang kambal ni Ate Jullie” paalam ko sa kaibigan ko.
“Pwede bang sumama?” tanong ni Nyorks.
“Oo, basta ikaw ang magpakain ng mga baboy ni Aling Baby mamayang pagdating natin” sagot ko sa kanya.
“Eto naman, ikaw na nga ang tinutulungan sa trabaho. Hoy, masyado kang abuso” sigaw niya sa akin.
“Kulang pa iyon, kailangan mo ring itupi at plantsahin ang mga labada ni Aling Precy pagkatapos mong magpakain ng mga baboy” sabi ko kay Nyorks habang naglalakad ako pauwi para magbihis.
Pagpasok ko sa kwarto ko na kalahati lang ang bayad ko kapalit ng pagkukumpuni ko kapag merong sira sa mga ibang kwarto na pinapaupahan ni Aling Lydia sa tenement ay kaagad kong hinubad ang saplot ko sa katawan, dumiretso sa banyo para maghilamos para mawala ang amoy ng pabrika ng patahian ng damit na pinagtatrabahuan ko.
Makalipas ang ilang minuto ay natapos din ako, lumabas ng banyo at nagpalit ng damit. Paglabas ko ng kwarto ay naabutan kong naghihintay si Nyorks.
“Rueben, ang tagal mo naman magbihis. Baka hindi ko na siya maabutan …..”pagputol ni Nyorks sa sasabihin niya.
“Sino ang hindi mo maabutan?” tanong ko sa kanya.
“Si Aubrey, nabalitaan ko kasi na sinusundo rin niya ang pinsan niya, kaklase ng mga kambal” sagot ni Nyorks habang namumula ang pisngi niya.
“Mukhang meron na akong makakasamang magsundo sa mga kambal araw-araw” biro ko sa kanya.
“Mukha nga” natatawang sagot niya.
Malapit lang ang eskwelahan sa tenement, 30 minutes kong nilalakad dati iyon pero ngayong kasama ko si Nyorks parang 10 minutes lang narating na namin.
“Rueben, masaya ka ba sa ginagawa mo?” seryosong tanong ni Nyorks.
“Oo naman. Madalas pagod galing sa pabrika pero kailangan kong gawin ang mga obligasyon ko sa mga kapit-bahay natin” sinabayan ko siya sa pagiging seryoso.
“Bakit ganoon? Kahit na hindi ka nila binabayaran ay walang tigil pa rin ang pagtulong mo sa kanila. Kagaya na lang yung mini-garden ni Mang Sito, araw-araw mong dinidiligan at binubunutan ng damo samantalang siya ay abala sa pagdilig ng alak sa kanyang baga araw-araw” sabi ni Nyorks.
“Nyorks, hindi lang iyon, kahit si Mang Junior ay abalang pinapausukan ang baga niya dahil sa paninigarilyo, gusto ko pa ring pausukan ang mga manok niya araw-araw. Nyorks, gusto kong mapagod araw-araw, gusto ko pagod ako pagkahiga ko para kaagad akong maka-tulog. Nyorks, gusto ko wala akong oras para mag-isip, gusto ko lagi akong may ginagawa” paliwanag ko sa kanya.
“Yehey” sabay palakpak ni Nyorks.
“Adik” sabi ko sa kanya sabay suntok sa braso niya.
“Eto naman, ang dalang lang nating mag-usap ng seryoso susuntukin pa ako” pagtatampo ni Nyorks.
“Sorry naman. Nyorks, hindi ko tinutulungan ang mga kapit-bahay natin sa kanilang trabaho, wala akong pakialaman kung maging tamad at batugan sila. Sarili ko ang iniisip ko kaya ko ito ginagawa” muling paliwanag ko sa kanya.
“Tama na ang emo, nandito na ang mga kambal” sabi ni Nyorks.
“Hindi ka pa ba sasamang umuwi?” tanong ko sa kanya pagkatapos kong kargahin ang bag ng Grade 3 na kambal na sina Bidoy at Biday.
“Mauna na kayo, hindi ko pa nakikita si Aubrey ko” nag-aalalang sabi ni Nyorks.
“Sige, puntahan mo na lang ako mamaya kina Ate Babes, alam mo naman iyon kapag nagsimula na ang mga drama sa TV kailangan ko ng bantayan ang tindahan niya” paalam ko kay Nyorks.
Pagdating namin sa tenement ay kaagad namang dumiretso ang mga kambal sa mga kalaro nila at kagaya ng dati ako na naman ang maghahatid ng mga bag nila sa kanilang kwarto.
“Rueben, huwag mong kalimutang magsibak ng kahoy bukas ng umaga, konti na lang kasi ang panggatong ko” paalala ni Mang Tibo pagkakita niya sa akin.
“Mang Tibo, Miyerkules pa lang ngayon, sa Sabado pa ng umaga ko po kayo pagsisibak ng kahoy” sigaw ko sa kanya.
“Pasensya na, iba na talaga kapag matanda, masyado ng makakalimutin” sabay kunot ng kanyang ulo habang abala sa pagmarka sa kanyang Lotto ticket.
Tok. Tok. Tok.
“Ate Jullie, eto na ang mga bag ng kambal” sabay abot sa kanya pagbukas ng pintuan.
“Nasaan na sila?” tanong ni Ate Jullie.
“Ayon po, masaya na silang nakikipaglaro sa ibang bata dito” sagot ko.
“Ang mga batang iyan, kailan kaya matutong palitan muna ang uniform bago maglaro. Siyanga pala Rueben, hinahanap ka ni Mang Bruno kanina mukhang magpapabili na naman ng alak. Ang mga lalaking iyon, ang laki-laki ng mga katawan sobrang tamad naman, nasa kabilang daan lang ang tindahan pero hihintayin ka pa nila para ikaw ang bumili” pagrereklamo ni Ate Jullie.
“Ganoon po ba. Sige ate, alis na ako” paalam ko sa kanya.
Pagkatapos kong bumili ng alak ni Mang Bruno ay kaagad ko namang pinuntahan si Aling Doris para tulungan siyang maglinis at magsara ng kanyang carinderia.
“Rueben, buti dumating ka na. Kailangang makapagsara tayo ng maaga” nagmamadaling sabi ni Aling Doris.
“Mukha pong may lakad kayo?” tanong ko sa kanya.
“Nakalimutan mo na ba? Ngayon ang simula ng Simbang Gabi?” sunod-sunod na tanong sa akin.
Minadali namin ni Aling Doris ang trabaho sa carinderia at ng matapos na kami ay inabot niya sa akin ang kakainin ko para sa hapunan. Sa kanya ko rin kinukuha ang babaunin ko sa trabaho araw-araw pagkatapos ko siyang tulungang magbukas ng carinderia tuwing umaga.
“Sir, wallet nyo po. Nahulog nyo pa yata sa upuan kanina” paghabol ko sa lalaking katabi kong nagsimba.
“Maraming salamat” pagbati niya sabay kuha ng wallet. Pagkabukas ay inabutan niya ako ng isang daan.
Chapter Two – Siyam na Daan
“Saki, ano na naman ang iniisip mo?” pagbasag ng ka-opisina kong si Jill sa katahimikan ko.
“Wala lang, nagpapansin lang” sarkastikong sagot ko sa kanya.
“Hala, sana pala hindi na kita ginambala sa pananahimik mo para abutan pa kita mamayang paglabas dito sa canteen na nakatulala” patuloy na pagsasalita ni Jill.
“Grabe ka naman kung mang-husga, anong palagay mo sa akin hindi maririnig ang kaluskos ng mga kutsara at tinidor dito” biro ko sa kanya.
“Maiba tayo, kumusta ang unang misa ng Simbang Gabi mo?” tanong ni Jill sa akin.
“Hindi naman ako nagsimba” sagot ko sa kanya.
“Ano, after all the effort na ginawa ko kahapon para maka-alis ka ng maaga ….” pagputol ni Jill sa pagtatampo niya.
“Ano bang ginawa mo kahapon?” biro ko sa kanya.
“Wala ka talagang utang na loob. Nakalimutan mo na bang ako ang nagtapos sa presentation mo, ako rin ang gumawa sa final editing ng mga materials mo. Ginawa ko lahat ng iyon para lang maaga kang maka-uwi para maabutan mo ang misa” naluluhang sabi ni Jill.
“Huwag ka ng magtampo, sa palagay mo ba sasayangin ko ang lahat ng effort mo? At ikaw, exagg ka na naman kung mag-react” nakangising tanong ko sa kanya.
“Wala lang, malay mo ma-discover ako ng management at ako ang piliin nilang lead star sa susunod na play ng kumpanya” masayang sabi ni Jill.
“Hala, talagang sineseryoso mo ang play na iyon. Kahit naman drama ang pine-present nila sa Christmas Party natin nagiging comedy pa rin dahil sa pilit na pag-arte nila. Basta makakuha lang ng incentives gagawin nila kahit magmukha silang kahiya-hiya, tsk, tsk, tsk” paliwanag ko kay Jill.
“Mag-ingat ka nga at baka may maka-rinig sa atin. Kaya nga kapag ako ang kinuha nila hindi sila mag-sisisi dahil siguradong maganda ang kalalabasan ng play dahil sa magaling kong pag-arte. Gagawin ko iyon kahit na walang incentives” pagmamayabang ni Jill.
“Alam mo, nasasayang lang ang oras natin sa usapang ito na wala naman patutunguhan” pagpigil ko kay Jill.
“Eto naman, yung mag-arte na nga lang ang tanging maiibibida ko. Anyways, kumusta ang wish?” tanong ni Jill.
“Anong wish?” balik na tanong ko sa kanya.
“Yung wish kapag natapos ang Simbang Gabi” pa-inosenteng sagot ni Jill.
“Hala, hindi ka naman masyadong excited, kakasimula pa lang ng Simbang Gabi gusto mo matupad kaagad ang wish ko” sabi ko sa kanya.
“Edi nahuli ka rin, akala ko ba hindi ka naniniwala sa wish” patawang sabi niya.
“Hindi nga” pagtanggi ko.
“Sabi mo meron kang wish ngayon” pagpupumilit ni Jill.
“Wala nga” patuloy na pagtanggi ko.
“Saki, aminin mo na kasi” pangungulit pa rin ni Jill.
“Wala nga, hindi naman ako naniniwala sa wish, kasi noong bata ako lagi kong nakukumpleto ang Simbang Gabi pero hindi naman natutupad ang wish ko” kwento ko kay Jill.
“Nahuli ka ulit. Ibig sabihin talagang naniniwala ka sa wish?” tanong ni Jill.
“Dati iyon, pero ngayon hindi na. At isa pa, kaya nagsisimba ako ay hindi dahil sa wish” sagot ko.
“Sige na nga, tama na ito at baka maya-maya lang ay aaminim mo ng nag-wish ka para sa lovelife mo” natatawang sabi ni Jill habang palabas kami ng canteen.
“Ikaw talagang babae ka, kung hindi lang kita kaibigan matagal na kitang pinabugbog” biro ko sa kanya habang naglalakad kami papunta sa office.
“Masyado ka namang violent, mas gugustuhin ko pang ma-rape kaysa mabugbog” pagsabay niya sa biro ko.
“Sira ka talaga, ikaw din baka magkatotoo ang wish mong iyan” pananakot ko kay Jill.
“Hala, huwag naman sana” sabay katok sa pinakamalapit na bintana na nadaanan namin.
Sabay kaming nagtawanan habang naglalakad. Kung hindi siguro si Jill ang kasama ko sa trabaho, malamang matagal na akong nag-resign. Dahil sa kanya napapagaan ang trabaho ko, hindi dahil sa madalas niya akong tulungan kungdi dahil sa lagi niya akong pinapasaya. Kung straight lang siguro ako matagal ko na siyang niligawan, alam kong magkakasundo kami pero kahit anong gawin ko hanggang kaibigan lang talaga ang tingin ko sa kanya.
“Hoy Saki, oras na ng pag-uwi” paalala ni Jill sa akin.
“Oo pala, hindi ko namalayan na alas singko na pala” sagot ko sa kanya.
“Ikaw kasi, masyado mong dinidibdib ang trabaho mo” biro niya sa akin.
“Alam mo naman ang boss natin, gusto niya pagka-utos pa lang ay kaagad mo ng matapos ang trabaho kahit hindi naman kailangan” sabi niya sa akin.
“Speaking sa boss natin, nasaan na pala siya?” tanong ni Jill.
“Kanina pa umalis” sagot ko habang inaayos ko ang kalat sa desk ko.
“Kaya pala malaya kang nakakapagsalita. Anyways, tara na at baka mahuli ka pa sa misa, alalahanin ang wish para sa lovelife mo” biro ni Jill sabay takbo palayo ng office.
Kagaya kahapong pag-uwi ko, nahiga muna ako sa sofa para mapahinga ng konti ang katawan ko dala ng pagod sa trabaho at biyahe. Halos isang oras din ang biyahe ko mula office hanggang sa trabaho, ayoko naman kasing lumipat malapit sa lugar ng trabaho ko kasi mapapabayaan ang apartment ko, at isa pa regalo ito sa akin ng magulang kong nasa abroad ngayon noong graduation ko kaya ayaw kong iwanan.
“Hindi pwede ang utang dito, hindi muna kasi tinitignan kung may pambayad bago umorder” masungit na sigaw ng babaeng nagtitinda ng bibingka sa lalaking nagbalik ng wallet kong may lamang siyam na daang piso kagabi.
“Ale, pasensya na talaga, hindi ko naman sinasadya” pagmamaka-awa ng lalaki.
“Ako na pong magbabayad, magkano po ba?” tanong ko sa ale.
“Fifty pesos lang po sir” sagot ng ale.
“Eto po” sabay abot ko ng pera sa ale.
“Naku sir, maraming salamat po. Nakakahiya naman kunwari tinanggihan ko ang isang daan na inaabot ninyo sa akin kagabi, pero ngayon kayo pa ang nagbayad sa bibingka. Huwag po kayong mag-alala babayaran ko kayo bukas” magalang na sabi ng lalaki.
“Nakakatuwa ka naman. Hayaan mo na iyon, hindi naman kita sisingilin at kung hindi dahil sa’yo ay nawala na ng tuluyan ang wallet ko” natatawang sabi ko sa lalaki.
“Sir, maraming salamat po ulit” sabi ng lalaki.
“Huwag mo na akong tawaging sir, mukhang hindi naman nagkakalayo ang edad natin. Saki nga pala” pakilala ko sa lalaki sabay abot ng kamay ko.
“Rueben po. Ilang taon na po ba kayo?” pakilala ng lalaki na siya namang pagsapo sa kamay ko.
“Twenty-five pa lang naman ako at alisin mo na rin yung “po”, kung hindi ay sisingilin kita sa pinambayad ko ng mga bibingka mo” biro ko kay Rueben.
“Ayos lang po iyon kahit bayaran ko at isa pa mas matanda kayo ng dalawang taon kaya nararapat lang ng galangin ko kayo” pagsabay sa biro sa akin ni Rueban sabay tawanan.
Chapter Three – Walong Bote
“Sir, musta po?” bati ko sa lalaking nagbayad ng mga bibingka kagabi pagkakita ko sa kanya ng matapos ang misa.
“Ang kulit mo talaga, sabi ng alisin mo na ang sir, Saki na lang, mas komportable ako” sagot niya sa akin.
“Kapag inalis ko po ang sir ako naman ang hindi magiging komportable sa pagtawag sa pangalan mo. Tignan nyo po, kapag magkalapit tayo mukhang lang akong alalay ninyo” nahihiyang sabi ko sa kanya.
“Ha ha, alam mo nakakatawa ka talaga, Saki will do” sabi niya sa akin habang tumatawa.
“Sige na nga sir, este, Saki” nahihiya ko pa ring sabi.
“Ayan, edi mas ayos pakinggan” masayang sabi ni Saki.
“Hindi pa rin po ako komportable” sabi ko.
“Masasanay ka rin sa pagtawag sa akin sa pangalan ko. Bakit mo nga pala ko tinatawag na sir, boss mo ba ako?” biro niya sa akin.
“Hindi po” parang bata na pagsagot ko.
“Hindi naman pala at ilang beses ko ring sasabihin na alisin mo na rin ang “po”, I’m not worth of your respect” sabi niya sa akin.
“Sige na nga, Saki” sabi ko sa kanya.
“That’s better. May gagawin ka ba ngayon?” tanong niya sa akin.
“Wala naman” maikling sagot ko.
“Pasyal tayo” pagyaya niya sa akin.
“Anong mapapasyalan natin dito? Itong plaza lang naman ang pwedeng pasyalan dito” sabi ko sa kanya.
“Sabagay, kahit na pumunta tayo sa syudad wala na tayong maabutang bukas na mall” malungkot na sabi ni Saki.
“Kumain ka na ba?” tanong ko.
“Hindi pa. Madalas kasi hindi na ako kumakain kapag gabi, kung minsan bibili lang ako ng burger” sagot niya sa akin.
“Hindi mo naman kailangang mag-diet, ayos nga ang hubog ng katawan mo” papuri ko sa kanya sabay tingin sa katawan niya.
“Ha ha, lagi mo talaga akong pinapatawa. Takot kasi akong tumaba kaya kailangan kong i-maintain ang katawan ko. Kapag may oras nagpupunta ako sa gym o kapag maaga akong magising nagja-jogging ako” paliwanag sa akin.
“Kain na lang tayo, libre ko” pagyaya ko sa kanya.
“Saan naman tayo makakahanap ng kainan sa ganitong oras? Tignan mo nga kahit yung mga nagtitinda ng kakanin sa harap ng simbahan ay paalis na” nagtatakang sabi ni Saki.
“Akong bahala, may alam akong masarap na kainan sa ganitong oras” pagbibida ko kay Saki sa carinderia ni Aling Doris.
“Saan ka pupunta?” tanong niya sa akin.
“Maglalakad papunta sa carinderia” sagot ko sa kanya.
“Sakay na lang tayo sa kotse ko, ayoko namang iwan dito iyon” pag-alok niya sa akin.
“Nakakahiya naman” sabi ko.
“Ikaw, alisin mo na ang hiya mo sa akin” sabi niya sabay akbay sa akin, habang papunta kami sa pinag-park ng kotse niya.
“Naku, maglalakad na lang ako tapos sundan mo na lang ako. Baka magalusan pa ang sasakyan mo, wala akong pambayad” takot na sabi ko sa kanya pagkakita ng sasakyan.
“Ha ha, ano ka ba? Hindi naman mamahalin itong sasakyan na ito at huwag kang mag-alala marami ng galos ito. At isa pa, para naman tayong tanga kapag sinundan kita na naglalakad samantalang ako ay nagmamaneho” natatawang sabi ni Saki.
“Sabagay, sige na nga sasakay na ako” sabay bukas ng pintuan ng kotse.
“Bilib naman ako, sa ganitong oras bukas pa ang carinderia” sabi ni Saki pagdating namin sa tenement.
“Sa totoo lang, tinulungan ko na si Aling Doris na magsara kanina pero dahil sa naniniwala siyang meron pang kakain ng ganitong oras kaya binubuksan niya ulit pagkatapos mag-simba” paliwanag ko kay Saki bago kami bumaba ng kotse.
“Galing ng idea niya, business minded talaga” papuri ni Saki.
“Ano palang gusto mong ulam, meron pa silang kilawin, giniling, dinuguan at menudo?” tanong ko kay Saki pagkatapos tignan ang mga natitirang ulam sa istante.
“Menudo na lang at isang rice lang” nahihiyang sagot ni Saki.
“Naku, huwag ka nang mahiya akong bahala sa’yo. Siguradong may discount ako kay Aling Doris” biro ko sa kanya.
“Hindi talaga ako sanay kumain ng marami kapag gabi” sabi ni Saki.
“Ikaw ang bahala. Sige ihanda ko lang ang pagkain natin” paalam ko sa kanya.
“Hala, talagang naubos mo iyon?” takang tanong ni Saki pagkatapos naming kumain.
“Kulang pa nga iyon, naka-tatlong extra rice lang ako, madalas kasi limang tasa ng kanin ang nakakain ko kapag gutom ako” sabi ko kay Saki.
“Grabe ka naman, pero bilib ako kasi sa dami ng kinakain mo ay hindi naman lumolobo ang katawan mo” sabi ni Saki.
“Kulang pa nga ang kinakain ko dahil sa pagod ko sa trabaho. Kung alam mo kang kung paano ako magbuhat ng bulto-bultong damit sa pabrika at pag-uwi ko naman dito ay abala pa rin ako. Kaya kahit na lumamon ako ng buong araw, hindi pa rin ako tataba” paliwanag ko kay Saki.
“Magkano ba itong kinain natin?” tanong niya sa akin.
“Ang kulit mo rin no, bisita kita at nakakahiya naman kung ikaw ang magbabayad” sagot ko sa kanya.
“Ikaw ang bahala” maikling tugon sa akin ni Saki.
“Tara doon muna tayo sa kwarto ko, pag-pasensyahan mo na lang kung makalat” pagyaya ko kay Saki pagkatapos naming kumain.
“Sige, masyado pang maaga para umuwi ako. Wala naman akong pasok bukas” pagpayag ni Saki.
“Sakto, meron pa akong natatagong walong bote ng beer. Shot tayo?” pagyaya ko kanya.
“Masyado naman yatang nakakahiya, kakakilala pa lang natin pero ang dami mo ng nalibre sa akin” nahihiyang sabi ni Saki.
“Ano ka ba? Di ba sabi mo dapat wala ng hiyaan sa ating dalawa?” tanong ko sa kanya.
“Oo nga pala, bukas ikaw naman ang dadalhin ko sa amin, ipagluluto kita ng hapunan” pagyaya ni Saki.
“Akala ko ba lagi ka lang sa labas kumakain?” tanong ko sa kanya.
“Bakit, wala na ba akong karapatang matutong magluto? Marunong akong magluto pero dahil sa mag-isa lang ako sa bahay kaya madalas ay tinatamad ako. Mas gugustuhin ko pang kumain na lang sa labas” paliwanag niya sa akin.
Chapter Four – Pitong Halik
“Ikaw lang ang nakarita dito?” tanong ni Rueben sa akin pagpasok namin sa apartment ko.
“Oo, regalo sa akin ng magulang ko noong graduation ko ng college” kaswal na sagot ko sa kanya.
“Ang yaman pala ninyo. Alam mo kung nangangailangan ka ng boy, sabihin mo lang” si Rueben.
“Sino naman ang ire-rekomenda mo?” tanong ko sa kanya.
“Ako” seryosong sagot niya.
“Ha ha, nagpapatawa ka na naman. At isa pa, hindi ko naman kailangan ng boy, kasi naasikaso ko naman ito kapag day-off ko. Upo ka muna sa sofa at manood ng TV habang iniinit ko ang pagkain” utos ko kay Rueben.
“Paano isindi itong TV?” inosenteng sagot niya.
“Sige ako na lang. Anong gusto mong panoorin?” tanong ko sa kanya habang pinipigilan ko ang tawa.
“Basketball” nahihiyang sagot niya.
Hindi ko alam kung natatawa ako sa kanya dahil sa pagiging inosente niya o likas lang talagang natutuwa ako sa kanya. Sa lahat ng mga nakilala ko, sa kanya lang naging magaan ang loob ko ng ganoon kabilis. Kahit si Jill, matagal na kaming magkakilala pero hindi ganito kabilis ang pag-gaan ng loob ko sa kanya.
“Rueben, tara na sa kusina kain muna tayo” pagyaya ko sa kanya pagkatapos kong initin ang niluto kong pagkain kanina bago ako umalis para mag-simbang gabi.
“Wow, ikaw ang nagluto ng lahat ng ito?” namamanghang tanong ni Rueben sa akin ng masilayan ang mga pagkaing nakahanda sa mesa.
“Oo, di ba sabi ko naman sa’yo marunong akong magluto” pagbibida ko sa kanya
“Ngayon pa lang ako makakain ng ganitong klaseng pagkain” patuloy pa rin ang pagpapakita ng pagkamangha ni Rueben sa mga pagkain sa mesa.
“Ikaw talaga, beef brocolli, breaded pork chop, carbonara at fruit salad lang naman ang niluto ko” sabi ko kay Rueben habang inaayos ang mga plato.
“Sa’yo simpleng pagkain lang iyan, sa akin kahit hindi ako kumain ng isang linggo solve na ako” biro ni Rueben.
“Maupo na nga at ng makakain na tayo” utos ko sa kanya.
Pagka-upo ni Rueben, napansin kong wala pa palang mga kutsara at tinidor kaya naman mabilis kong kinuha sa drawer ang mga iyon para makakain na kami. Saktong paglagay ko sa mga iyon sa tabi ng plato ni Rueben ay tiempo naman humarap siya sa pwesto ko kaya aksidenteng naglapat ang aming mga labi.
Unang beses palang akong makahalik ng labi ng isang lalaki at aaminin ko ibang sensasyon ang dulot nito sa aking katawan, daig ko pa ang nakuryente at tinamaan ng kidlat. At dahil sa sarap na nararamdaman ko, nakalimutan ko na hindi pa pala ako nakakahalik kahit sa babae, sa madaling sabi, ito ang unang pagkakataon na nailapat ko ang aking mga labi sa ibang tao.
“Sorry, hindi ko sinasadya” kaswal na sabi ko kay Rueben pagkatapos maglapat ang aming mga labi.
“Ayos lang iyon, di naman natin sinasadya” sagot niya sa akin.
Naging tahimik ang mga unang minuto ng aming pagkain at kagaya ng inaasahan si Rueben ang bumasag ng katahimikan.
“Ang sarap talaga ng luto mo, pwede mo ba akong turuan para maibenta ko rin ang mga pagkaing ito sa carinderia ni Aling Doris?” tanong niya sa akin.
“Ha ha, oo naman” natatawang sagot ko.
Pagkatapos noon ay halos hindi ko na maka-usap si Rueben dahil abala siya sa pagkain. Mukhang nagsasabi siya ng totoo na unang beses palang niya nakain ang mga niluto ko. Ang ganda niyang pagmasdan kumain, sa kanya pa lang yata mabubusog na ako.
“Sorry, muntik ko ng maubos ang mga niluto mo. Sobrang sarap talaga” sabi ni Rueben pagkatapos kumain.
“Ayos lang, para sa ating dalawa lang naman ang niluto ko. Nood muna tayo ng TV habang nagpapahinga tayo” pagyaya ko sa kanya.
“Ako ng magliligpit sa pinagkainan natin, saan ba ang labado dito?” tanong ni Rueben.
“Ano ka ba? Bisita kita at hindi magandang tignan na ikaw ang mag-aasikaso dito. Mamaya ko na huhugasan ang mga ito” natatawa kong sabi sa kanya.
“Nakakahiya kasi sa’yo, pagkatapos mo akong pakainin ng masarap na pagkain wala man akong maitutulong sa’yo” si Rueben sabay kamot sa ulo niya.
“Sige, ganito na lang, ako ang maghuhugas ng mga plato tapos ikaw ang magbabanlaw” mungkahi ko sa kanya.
“Payag ako” natutuwang sabi niya.
Kagaya ng pinag-usapan, ako ang naghugas ng plato sa kaliwang parte ng lababo at si Rueben naman ay naka-pwesto sa kanang parte.
“Saan ko ilalagay ito?” tanong ni Rueben pagkatapos niyang banwalan ang mga plato.
“Dito na lang” sagot ko sabay turo sa cupboard.
Pagkabuhat ng mga plato ay siya namang pagharap ni Rueben sa pwesto ko na siya namang pagharap ko rin sa kanya kaya sa pangalawang pagkakataon ay naglapat ang aming mga labi.
“Sorry ulit” kaswal sa sabi ko.
“Ano ka ba, alam ko naman hindi mo sinasadya. Sa susunod na mag-sorry sa ulit iisipin kong sinasadya mo na” biro ni Rueben
Pagkatapos naming maghugas ng plato ay nanood muna kami ng basketball sa TV na nasa sala.
“Anong gusto mong inumin?” tanong ko kay Rueben at para mabasag ang namuong katahimikan sa pagitan namin.
“Tubig lang” sagot niya.
“Nakakatawa ka talaga, di ba sabi ko sa’yo kagabi papa-inumin din kita dahil pina-inom mo ako kagabi. Red wine or beer?” tanong ko sa kanya.
“Beer na lang, baka isang shot lang sa red wine malasing na ako” seryosong sabi ni Rueben.
“Bakit naman?” tanong ko.
“Mamahalin kasi iyon” sagot niya.
“Ikaw talaga, mag-beer na nga lang tayo” sabi ko sabay alis sa sala para kunin ang mga pinalamig na bote ng beer sa ref.
“Madalas ka bang uminom?” tanong ko sa kanya ng mag-simula na ang tagay.
“Hindi naman, depende kapag may nagyaya at siempre kung libre” biro ni Rueben.
“Masaya ka ba sa buhay mo?” tanong ko.
“Hindi ko naman iniisip ang buhay, ang iniisip ko ay kung paano mabuhay” seryosong sagot ni Rueben.
Makalipas ang isang oras, ang dalawang halik ay nasundan ng isa pa, pagkatapos ng apat na tagay ay nakakalimang halik na kami at pagtanggal ang anim na piraso ng saplot namin sa katawan ay tuluyan na naming inangkin ang gabi.
Ang lamig ng panahon pero mainit naming pinagsaluhan ni Rueben ang gabi, ramdam ko iyon kahit na hindi ko matandaan ang mga susunod na nangyari sa amin pagkatapos ng pitong halik.
Chapter Five – Anim na Sorry
“Rueben, gising na” sigaw ni Nyorks sa akin na nasa labas ng kwarto ko.
“Nyorks, pasok” balik na sigaw ko sa kanya, alam naman niyang hindi naka-lock ang pinto ko kaya pumasok na siya.
“Emo?” tanong sa akin.
“Hindi” maikling tugon ko.
“Hoy ikaw, huwag mo na nga akong pagsinungalingan, kilala na kita. Kapag nagda-drama kang ganyan meron kang malalim na iniisip” paliwanag ni Nyorks at umupo sa tabi ng kama ko.
Tahimik.
“Ikaw pa ang may ganang magtampo sa akin, ako nga ang dapat na magtampo sa’yo kasi ilang araw mo na akong hindi pinapansin” pagtatampo ni Nyorks.
Tahimik.
“Simula noong Miyerkules, noong samahan kitang sunduin ang kambal, ang totoo noon ay hindi ko nakita si Aubrey at dahil sa pagkadismaya ko ay gusto kong uminom” pagpapatuloy ni Nyorks.
Tahimik.
“Umuwi ako para yayain kang uminom kaya lang nagmamadali kang umalis dahil magsi-simbang gabi ka” patuloy pa rin sa pagsasalita si Nyorks at ako ay tahimik pa ring nakahiga sa kama ko.
Tahimik.
“Ayos na sana sa akin iyon kaya lang nakita kita noong Sabado ng gabi, may kasama ka, mukhang mayaman pero sa carinderia ni Aling Doris mo lang siya pinakain at pagkatapos noon ay nag-inuman kayo sa kwarto mo” mangiyak-iyak na kwento ni Nyorks.
Tahimik.
“Rueben, nakakasakit lang ng damdamin, ako na kaibigan mo ng maraming taon ay madalang mo lang pinagbibigyan uminom. Pero iyong lalaking iyon, bago mo palang kakilala pero pumayag ka kaagad makipag-inuman sa kanya” pagpapatuloy ni Nyorks.
Tahimik.
“Nyorks, mahal mo ba ako?” seryosong tanong ko sa kanya sabay bangon ko mula sa pagkakahiga.
“Oo naman, sa dami ng pinagsamahan natin napamahal na ako sa’yo” sagot ni Nyorks sabay bitiw ng isang pilyong ngiti pagkatapos punasan ang mata.
Hindi ko alam pero bigla kong hinawakan ang ulo niya para ilapit sa ulo ko para mahalikan ko, pwersahan kung pwersahan pero gusto ko siyang mahalikan. Parang ngayon ko pa lang napansin ang kanyang gwapong mukha at matipunong katawan.
“Rueben, tado ka” sigaw niya sa akin pagkatapos alisin ang mga kamay ko sa ulo niya. “Bakit mo ginawa sa akin ito?” tanong niya.
Tahimik.
“Nyorks, sorry” nahihiyang sabi ko sa kanya pagkatapos kong mahimasmasan.
“Ganoon na lang iyon” galit pa rin sabi ni Nyorks. “Ano bang problema mo?” tanong niya sa akin.
“Nyorks, sorry di ko sinasadya. Nabigla lang ako” nahihiya ko pa ring sabi sa kanya.
“Patatawarin kita, pero gusto kong malaman kung ano ang pinagdadaanan mo? Hindi ako makakapayag na basta-basta mo lang ako mahalikan” paki-usap ni Nyorks.
“Magulo kasi ang utak ko, ewan pero bigla na lang akong nakaramdam ng kalungkutan at pagkalito. Sorry ulit kung ikaw ang napagbalingan ko” sabi ko kay Nyorks.
“Wala naman problema sa akin iyon, basta sa susunod na halikan mo ako sana mag-toothbrush ka muna” sabi ni Rueben sabay tawa ng malakas.
“Nyorks, adik ka talaga” sabi ko sabay hampas ng unan sa kanya.
“Ikaw talaga ang dali mong patawanin, kahit na pagod ka at maraming iniisip di mo nakakalimutang tumawa” si Nyorks.
“Salamat, kahit paano napaligaya mo ang araw ko” sabi ko kay Nyorks.
“Isa pa nga” sabi ni Nyorks.
“Ano?” tanong ko.
“Halik” natatawang sabi niya.
“Ugok mo, etong sa’yo” sabi ko sabay hampas ng unan.
“Payakap na lang” parang bata na naki-usap si Nyorks.
“Sige” sabay yakap ng mahigpit sa kanya. “Salamat” bulong ko sa kanya.
“Sa susunod huwag pabigla-bigla, ayaw ko yung biglaang paghalik sa akin gusto ko sabihan mo naman ako para nakapaghanda rin ako” biro ulit ni Nyorks.
“Ugok mo, pero Nyorks maraming salamat talaga at sorry ulit” seryosong sabi ko sa kanya.
“Wala iyon, ikaw pa. Bangon ka, Linggo ngayon, kanina ka pa hinihintay ng mga masugid mong mga tagahanga” utos ni Nyorks.
“Huh?” nalilitong tanong ko.
“Maghilamos ka na nga para mahimasmasan ka na. Ang mga kapit-bahay natin, kanina pa nila naihanda ang mga iuutos sa’yo. Ihanda mo na rin ang sorry mo sa kanila dahil late kang nagising” sagot ni Nyorks.
“Oo nga pala, dapat kanina pa ako tumayo, Linggo ngayon at siguradong marami silang iuutos” natatarantang sabi ko kay Nyorks.
Tamang-tama ang araw na ito para makalimutan ko ang nangyari kagabi.
Makakalimutan ko ang unang pakikipaghalikan ko sa kapwa lalaki habang naririnig ang mga tsismisan ng mga tsismosa naming kapit-bahay habang nagwawalis ako sa mini-garden.
Makakalimutan ko rin ang paghuhubad ko sa harap ng isang lalaki habang nagsasampay ako ng labada ni Aling Luningning.
Makakalimutan ko rin ang paghimas ko sa katawan niya habang tinutulungan ko si Mang Junior na i-kondisyon ang mga panabong niyang manok.
Makakalimutan ko rin ang pag-eespadahan naming dalawa habang inaayos ko ang mga sinibak na kahoy.
Makakalimutan ko rin ang mga mahigpit na yakapan habang buhat-buhat ko ang mga pinamalengkeng gulay at karne ni Aling Doris.
Makakalimutan ko ang bawat nakakahumaling na pagsubo na naganap habang naghuhugas ako ng kutrasa’t tinidor.
Makakalimutan ko rin ang mainit na pasada ng dila habang nag-iihaw ako ng isda na pulutan ng mga nag-iinuman sa harap ng tindahan.
Makakalimutan ko ang bawat pang-ungol sa bawat pagsigaw ng binobolang numero sa Bingo.
Makakalimutan ko ang init na namagitan sa aming dalawa ni Saki kagabi habang babad sa pawis ang katawan ko dahil sa dami ng trabaho sa tenement ngayong Linggo.
Ayaw kong kalimutan si Saki, gusto ko lang makalimutan ang nangyari sa amin kagabi. Nakakalito, hindi ko alam kung tama o mali, hindi ko alam kung masasarapan ako o matatakot, hindi ko alam kung iyon na ba ang huli o masusundan pa iyon.
Pagkatapos ng mga gawain ko ay naligo na ako. Pagkatapos kong magbihis ay may kumakatok sa pinto ng kwarto ko.
“Sorry sa nangyari kagabi. Sunduin sana kita para sabay na tayong mag-simbang gabi” tanong ni Saki pagkabukas ko sa pinto.
Chapter Six – Limang Bibingka
Pagkabili ko ng limang bibingka pagkatapos ng misa ay kaagad kong hinanap si Rueben para yayain siyang kumain at tama ako hindi pa siya nakakalayo ng simbahan.
“Rueben” sigaw ko sa kanya.
“Saki, nandito ka pa pala. Ano yang dala mo?” tanong niya sa akin.
“Bibingka, binili ko kanina para makain natin” sagot ko sa kanya.
“Tamang-tama, gutom na ako. Saan naman natin ito kakainin?” muling tanong ni Rueben sa akin.
“Dito lang, habang naglalakad tayo” sagot ko.
“Saan naman tayo pupunta?” susunod na tanong sa akin.
“Sa inyo” sagot ko.
“Paano yung kotse mo?” nalilitong tanong niya.
“Iwan ko muna dito, pagdating natin sa inyo balikan natin dito at ihahatid kitang pauwi sakay ng kotse ko” paliwanag ko.
“Iba ang trip mo ngayon, ako naman ang pinatawa mo” sabi ni Rueben sabay tawa ng malakas.
“Eto ang bibingka, tig-isa muna tayo” alok ko kay Rueben.
“Salamat” maikling tugon niya pagkakuha ng bibingka.
“Sorry” nahihiyang sabi ko.
“Saan?” tanong ni Rueben.
“Sa nangyari sa atin noong Sabado ng gabi” sagot ko.
“Saki, hindi mo naman kasalanan iyon at hindi rin natin masisisi ang alak na ininom natin dahil sa nangyari” panimula ni Rueben.
“Hindi ka galit?” tanong ko kay Rueben.
“Bakit naman ako magagalit?” balik na tanong sa akin.
“Hindi mo kasi ako kinaka-usap kagabi pagkatapos kitang sunduin sa inyo” sagot ko sa kanya.
“Iyon ba, pagod lang kasi talaga ako. Ang dami kasing ginagawa sa tenement kapag araw ng Linggo” paliwanag ni Rueben.
“Kailangan ba talagang ikaw ang gumawa ng mga gawain ng mga kapit-bahay ninyo?” tanong ko sa kanya.
“Sanay na ako, isa pa kung hindi ko sila tutulungan wala akong gagawin, ayoko namang ma-bore sa kwarto ko buong araw” sagot sa akin.
“Ano ang sabi ng pamilya mo?” muling tanong ko sa kanya.
“Wala na akong pamilya. Hindi ko nga kilala kung sino ang mga magulang ko at kung meron akong mga kapatid” malungkot na sagot ni Rueben.
“Sorry” sabi ko.
“Nagpapa-sorry ka na naman, hindi mo naman kasalanan iyon” huminto muna si Rueben sa pagsasalita, para bang kumukuha siya ng lakas ng loob sa susunod niyang sasabihin. “Pagka-graduate ko ng high school ay umalis ako sa puder ng abusado kong tito, halos gawin na niyang punching bag ang katawan ko. Lumayas ako kahit hindi ko alam kung saan ako pupunta, basta ang alam ko lang gusto kong makalayo sa kanya” malungkot na kwento ni Rueben.
“Nakakahiya naman, dahil sa akin binalikan mo ang nakaraan mo ng wala sa oras” nahihiyang sabi ko kay Rueben.
“Ayos lang iyon, kahit araw-araw kong i-kwento iyon wala ng epekto sa akin. Masyado ng namanhid ang utak ko dahil sa kalupitan sa akin. Anong gusto mong inumin, softdrinks o tubig?” tanong ni Rueben sa akin pagdating sa kanila.
“Tubig na lang” sagot ko.
Pagkatapos naming uminom ni Rueben ay naupo muna kami sa bangko sa harapan ng tindahan sa labas ng tenement bago kami naglakad papuntang simbahan para balikan ang kotse ko.
“Ikaw naman ang mag-kwento” sabi ni Rueben.
“Ano bang gusto mong malaman sa akin?” tanong ko sa kanya.
“Masaya ka rin ba, kasi hindi mo rin kasama ang mga magulang mo. Ang pinagka-iba lang natin ay kilala mo sila samantalang ako hindi” panimula ni Rueben.
“Kung ikaw pinipilit mong maging masaya, ibig sabihin lang noon na dapat mas masaya ako kaysa sa’yo. Bata pa lang ako ng mag-abroad na sila, ako naman ay iniwan din sa pangangalaga ng mga kamag-anak ko kapalit ng buwanang padala sa kanila. Pagkagraduate ko ng college ay binili nila yung apartment ko at nagsimula akong mamuhay mag-isa” kwento ko kay Ruben.
“Ang lungkot ng walang kasama, no?” tanong ni Rueben sa akin.
“Oo naman, kahit na marami akong kakilala iba pa rin yong pag-uwi mo sa bahay meron kang aabutan. Hindi katulad natin pareho na tayong mag-isa pagka-uwi natin” malungkot na sabi ko.
“Tama. Pero masyado ng malungkot ang usapan natin. Eto na lang, naka-ilang girlfriend ka na ba?” tanong ni Rueben sa akin.
“Naku, wala pa” sabi ko habang namumula ang pisngi ko.
“Ikaw, sa gwapo mong iyan hindi pa nagkaka-syota, maniwala ako” sabi ni Rueben.
“Tignan mo ito, kung ayaw mong maniwala edi huwag. Ikaw, naka-ilang girlfriend ka na ba?” tanong ko sa kanya.
“Wala pa rin” sagot ni Rueben sabay tawa.
“Ikaw rin pala, sa hitsura mong iyan walang nagkaka-gusto, o baka hindi ka lang nanliligaw” biro ko sa kanya.
“Wala ngang pumapansin sa akin dahil sa hitsura ko, tignan mo naman kahit na magbihis pa ako ay nagmumukha pa rin akong alalay kapag katabi kita” pagsabay naman sa biro ni Rueben.
“Malas naman ng mga babaeng iyon kung hindi napapansin ang kagwapuhan mo” sabi ko sabay kurot sa pisngi ni Rueben.
“Ang sakit” sigaw niya.
“Sorry naman” sabi ko.
“Hindi ko na nga iniisip na magkaroon ng syota kasi hindi ko inaasahan na may magmamahal pa sa akin” seryosong sabi ni Rueben.
“Ang emo mo, ha, malay mo bukas lang may magsabi sa’yo na mahal ka niya” biro ko sa kanya.
“Ha ha, hindi na ako umaasa pa” sagot niya.
“Huwag ka kasing mawalan ng tiwala sa sarili mo, yung iba nga umaabot pa ng fifty years old bago nakahanap ng lovelife, ikaw pa kaya” natatawang sabi ko kay Rueben.
“Ayoko naman ng ganoon, ang totoo nyan hindi ko alam kung maruno ba akong magmahal. Nabalot na kasi ng pagod at sama ng loob ang puso ko kaya kahit na sinong babae siguro ang dumaan sa harap ko hindi ko mapapansin kahit na mag-tumbling pa siya” paliwanag ni Rueben.
“Alam mo, mahiwaga ang pag-ibig. Ako nga rin, matagal na akong naghahanap ng mamahalin pero alam ko darating din siya sa hindi inaasahang pagkakataon. Ayokong mamili ng taong mamahalin at ayoko ring pilitin ang sarili ko na magmahal” seryosong sabi ko kay Rueben sabay tingin sa mga mata niya.
“Ang emo mo rin, kainin na nga natin itong natitirang bibingka, hati tayo” sabi ni Rueben sabay hati sa bibingka.
“Tara na, hatid na kita sa inyo” pagyaya ko sa kanya ng marating namin ang aking kotse.
Chapter Seven – Apat na Regalo
Hindi ko alam kung bakit sobrang saya ni Saki ngayong gabi, parang ang gaan-gaan ng pakiramdam niya. Kahit siksikan at mainit sa loob ng simbahan ay hindi niya inintindi iyon.
“Rueben, sa bahay tayo ngayong gabi. Sandali lang tayo, may kailangan lang akong ibigay sa’yo” pa-cute na sabi niya, tapos ay kinurot pa ang baba ko.
“Hoy, ano bang nangyayari sa’yo, kung nag-drugs ka kanina sana tinawag mo ako para may kasama ka, hindi iyong nagsosolo ka” biro ko sa kanya.
“Hindi ako marunong mag-drugs at wala akong balak na matutunan iyon. Bakit, masama bang maging masaya?” tanong niya sa akin sabay akbay habang papunta kami sa kotse niya.
Ayaw ko naman masira ang masayahing mood niya kaya pumayag na rin ako sa gusto niya, at ngayon pasipol-sipol pa habang nagmamaneho. Panay pa ang tingin sa akin at naiiling na lang ako.
“Rueben, upo ka muna sa sofa habang iniinit ko ang pagkain” sabi ni Saki pagdating namin sa apartment niya.
“Akala ko ba sandali lang tayo?” tanong ko sa kanya.
“Oo, konti lang ang niluto ko at isa pa hindi ako makakapayag na umalis ka dito ng hindi nakakakain ng hapunan” masaya pa ring sabi ni Saki habang patalon-talon na pumunta sa kusina, nakakatawa pero parang bata siyang tignan ngayong gabi.
Habang abala si Saki sa kusina ay nanood ako ng TV. Kung hindi ako nakapunta sa apartment ni Saki ay hindi ko mararanasang manood sa ganito kalaking TV, noong una ay natatakot pa akong gamitin ang remote control pero dahil sa pangungulit ni Saki sa akin noong una akong nagpunta dito ay natutunan kong gamitin ang remote control.
“Rueben, kain muna tayo” pagyaya ni Saki sa akin.
“Anong niluto mo?” tanong ko sa kanya.
“Hindi na ako nakapag-luto kasi late na akong nakalabas sa office kaya nag-take out na lang ako ng pizza” sagot ni Saki.
“Wow, eto ang totoong pizza” namamanghang sabi ko.
“Bakit totoong pizza?” takang tanong ni Saki.
“Ngayon pa lang kasi ako makakakain ng pizza, dati yung binebenta lang sa may kanto na puro ketchup at cheese lang ang nasa taas” kwento ko kay Saki.
“Ganoon ba? Sige, kain na tayo” sabi ni Saki.
Pagkaupo namin ay nilagyan ng isang hati ng pizza si Saki ang plato ko, nakakapagtaka rin ang sobrang pag-aasikaso niya sa akin.
“Hindi mo naman kailangang gawin iyan” pagtanggi ko kay Saki sa pagsubo niya ng pizza sa akin.
“Sige na, isa lang” pagpupumilit niya.
“Para kang bata” sabi ko sa kanya at pinagbigyan na rin ang gusto niya, kumagat ako sa pizza na hawak niya.
Ewan, pero nakakatawa talagang tignan si Saki ngayong gabi. Sana maranasan ko rin na maging ganyang kasaya kahit isang gabi lang. Kahit na pala-ngiti ako kung minsan hindi naman ako totoong masaya, kung minsan napipilitan lang akong ngumiti, kung minsan kailangan kong ngumiti kasi nginitian ako, kung minsan naman ngingitian ko na lang ang mga kapit-bahay namin dahil sa nakakalimutan ko ang inuutos nila.
“Salamat sa pizza, hindi ko aakalain na ito ang ibibigay mo sa akin” masayang sabi ko kay Saki pagkatapos naming kumain.
“Hindi naman iyan ang ibibigay ko sa’yo” natatawang sabi niya.
“Ano naman ang ibibigay mo sa akin?” tanong ko.
“Maupo ka muna ulit sa sofa at kukunin ko lang sa kwarto ko” sabi ni Saki pagkatapos niyang ligpitin ang pinagkainan namin.
Dati sa picture at patalastas lang sa TV ko nakikita ang mga pagkaing pangpamayaman, pero dahil kay Saki ay nakakakain na rin ako. Pero sa totoo lang, hindi naman talaga ang mga pagkain, pagsakay sa kotse, pag-upo sa malambot sa sofa at panonood sa malaking TV ang habol ko kay Saki, masaya ako na kasama siya, ewan pero bakit ang gaan ng pakiramdam ko sa kanya.
“Rueben, eto na ang mga ibibigay ko sa’yo” kinikilig na sabi ni Saki.
“Sa akin ang mga ito?” takang tanong ko sa kanya pagkakita sa tatlong regalo na hawak niya.
“Oo, hindi ka ba pwedeng bigyan ng regalo?” balik na tanong ni Saki sa akin.
“Nakakapagtaka kasi, bakit mo ako bibigyan ng regalo at isa pa, sa susunod na lingo pa lang ang Pasko” nalilito kong sabi sa kanya.
“Masama bang magbigay ng regalo bago mag-Pasko?” tanong ulit niya.
“Ang kulit mo talaga, kung nasapian ka sabihin mo lang para madala kita sa albularyo malapit sa amin” biro ko kay Saki sabay tawa ng malakas.
“Ikaw talaga, ewan, basta, masaya lang ako ngayon” natutuwa pa ring sabi ni Saki.
“Sige na nga, hindi ko babasagin ang kasiyahan mo baka hindi mo ako turukan ng drugs na gamit mo” biro ko kay Saki.
“Ugok mo, ang kulit, hindi ako nagda-drugs. Eto nga pala ang unang regalo ko sa’yo” sabi ni Saki sabay abot ng maliit na kahon.
“Wow, bibigay mo talaga sa akin ito?” natutuwang tanong ko kay Saki pagkabukas ng kahon na naglalaman ng wristwatch.
“Oo, napansin ko kasi wala kang suot na relo at para malaman mo rin ang oras, hindi yung basta ka na lang nagpapakapagod” sabi ni Saki.
“Maraming salamat talaga, sa totoo lang ito ang unang relo ko” patuloy pa rin ang pasasalamat ko kay Saki.
“Buksan mo naman yung isa pang kahon” kinikilig na utos sa akin ni Saki.
“Wow, shades” manghang sabi ko pagkabukas ng kahon.
“Nagustuhan mo ba?” tanong ni Saki.
“Oo naman, pero siempre bukas ko na isusuot ito, baka mapagkamalan akong nanlilimos kapag sinuot ko ito mamayang pag-uwi ko” natutuwang sabi ko habang sinusukat ang salamin.
“Ikaw talaga, eto, pangatlong regalo ko” sabi ni Saki sabay abot ng kahon.
“Hindi ko na matatanggap ito” pagtanggi ko sa huling kahon sabay abot sa kanya.
“Kung presyo ng cellphone na iyan ang iniisip mo, huwag mong intindihin kasi naka-sale yan” paliwanag ni Saki.
“Hindi ko pa rin alam kung matatanggap ko ang mga ito” nalilitong sabi ko kay Saki.
“Huwag mo ng pag-isipan pa, hindi dapat tinatanggihan ang mga regalo” pagpupumilit ni Saki.
“Saki, bakit mo ginagawa sa akin ito, ang gusto kong sabihin bakit mo ako ginagastusan ng ganito samantalang bago pa lang tayong magkakilala” seryosong sabi ko sa kanya.
“Rueben, sa totoo lang, natutuwa ako sa’yo. Sobrang gaan ng pakiramdam ko sa’yo at alam ko na hindi masasayang ang mga regalong iyan sa’yo. Alam ko rin na kailangan mo ang mga iyan kaya ko binili para sa’yo. Maniwala ka man o hindi, ibang saya ang nararamdaman ko kapag kasama kita kahit ilang araw pa lang tayong magkakilala. At isa pa, mahal na yata kita.” paliwanag ni Saki.
At nagtinginan kami dahil sa mga huling sinabi niya.
Chapter Eight – Tatlong Puto Bumbong
Buong gabi kong inisip ang nangyari sa amin ni Rueben kagabi, hindi ko aakalain na merong kapalit ang pagiging masayahin ko kahapon. Wala naman akong masamang intensyon sa pagbibigay ng regalo sa kanya, gusto ko lang siyang bigyan ng regalo kasi natutuwa ako sa kanya at isa pa, kailangan niya ang mga iyon. Kahit sa trabaho napansin din ni Jill ang pananamlay ko.
“Saki, anong problema mo?” tanong ni Jill sa akin habang nasa canteen kami, lunch break.
“Jill, bakit ganon?” balik na tanong ko.
“Ang alin?” susunod na tanong niya.
“Kagabi kasi, binigyan ko ng regalo si Rueben pero hindi niya tinaggap” panimula ko sabay na rin inumpisahan ang pagkain.
“Ano bang binigay mo sa kanya?” tanong ni Jill.
“May nakita kasi akong sale na wristwatch, shades, at cellphone kaya naisipan ko siyang bilhan kasi wala siya ng mga iyon at alam kong kailangan niya” sagot ko.
“Ang cheap mo, magreregalo ka na lang sale pa” pangangantiyaw ni Jill.
“Hindi iyon ang point ko, knowing Rueben mas lalo niyang hindi tatanggapin kung mas mahal pa sa mga iyon ang binili ko” paliwanag ko.
“Ikaw ha, magtatampo na niyan ako sa’yo” malungkot na sabi ni Jill. “Ilang taon na tayong magkaibigan pero ilang regalo pa lang ang naibibigay mo sa akin, samantalang si Rueben ilang araw mo pa lang nakilala grabe kung bigyan mo ng regalo” si Jill.
“Ang hirap mo kasing bigyan ng regalo at isa pa, ano pa pala ang ibibigay ko, nasa sa iyo na lahat ang kailangan mo” biro ko sa kanya.
“Ah basta, tampo pa rin ako” pangungulit ni Jill.
“Eto naman, hindi naman sukatan ang mga regalo para malaman kung gaano ka kamahal ng kaibigan mo, ang importante lagi akong nandito para sa’yo. Kahit na pa-ulit-ulit na ang mga kwento mo tungkol sa alaga mong pusa, kung paano ka nadulas noong elementary ka, ang first kiss mo, at mga paboritong pagkain ay handa pa rin akong pakinggan ang mga iyon dahil kaibigan kita” pag-aalo ko kay Jill.
“Ibig sabihin nagsasawa ka na sa mga kwento ko, huwag kang mag-alala, simula bukas mananahimik na ako” pagtuloy pa rin sa pagtatampo si Jill.
“Ikaw naman, pinapalaki mo pa ang issue. Bati na tayo, please” paki-usap ko kay Jill.
“Oo, binibiro lang kita” natatawang sabi niya.
“Ikaw talaga, seryosong usapan hahaluan mo pa ng biro. Seryoso na, ano sa tingin mo bakit hindi tinaggap ni Rueben ang mga regalo ko?” tanong ko kay Jill.
“Siguro iniisip niya na bago pa lang kayong magkakakilala tapos todo effort ka naman sa pagbigay ng regalo sa kanya” si Jill.
“Pero bakit ganoon, pagkabukas niya ng mga regalo ay tuwang-tuwa siya at walang dudang tatanggihan niya” takang sabi ko kay Jill.
“Masyado na yatang sinisira ni Rueben ang tanghalian natin, instead na mag-focus tayo sa pagkain ay nanghuhula tayo kung bakit sa bandang huli ay tinanggihan ni Rueben ang mga regalo mo. Kain na muna tayo” pagyaya niya.
“Sabagay tama ka” sabi ko sabay ulit kain ng tanghalian.
Sinubukan kong magpaka-busy sa trabaho para panandaliang mawala ang mga regalo sa isipan ko, pero wala pa rin, bawat segundo ay pilit pa ring pumapasok sa utak ko ang mga pangyayari.
“Uwian na” pagtawag ni Jill sa akin.
“Oo nga pala” nagmamadaling sabi ko sabay ligpit ko ng mga papel sa desk.
“Ikaw ha, masyado mong iniisip iyon. Bakit kaya hindi mo na lang kausapin ulit si Rueben mamaya para malinawan ang pag-iisip mo” mungkahi ni Jill.
“Ayaw ko pa, nahihiya pa ako sa kanya” sabi ko kay Jill.
“Merienda muna tayo bago umuwi para mawala ang stress mo” pagyaya niya.
“Sige, anong kakainin natin?” tanong ko.
“Meron silang tindang puto bumbong sa canteen” sagot ni Jill.
“Hala, para rin palang sa labas ng simbahan ang canteen natin” takang sabi ko.
“Huwag ka nang magtaka, yearly naman nagtitinda sila ng mga kakanin sa canteen sabay ng Simbang Gabi” sabi ni Jill.
“Anong order mo?” tanong ng cashier sa akin pagdating namin sa canteen ni Jill.
“Puto bumbong” sagot ko.
“Tatlo na lang ang natitira, kunin ninyo lahat?” muling tanong sa akin.
“Oo, dagdagan mo na rin ng isang order ng biko” sagot ko, alam kong iyon ang paborito ni Jill.
“Salamat” maikling sabi ni Jill pagka-upo namin.
“Saan?” tanong ko.
“Sa libre at alam mo talaga ang paborito ko” natututwang sabi niya.
“Sabi ko naman sa’yo, hindi sukatan ang pagbibigay ng regalo para malaman mo na kaibigan mo talaga ang isang tao” paliwanang ko ulit sa kanya.
“Speaking of regalo, balik tayo kay Rueben. Naiisip ko lang na baka pinapaandar lang niya ang kanyang sense of pride kaya hindi niya tinanggap ang mga regalo” sabi ni Jill.
“Hindi naman siguro. Meron pa kasi akong hindi nasasabi sa’yo” nahihiyang sabi ko kay Jill.
“Ano?” excited na sabi niya.
“Nasabi ko kay Rueben na baka mahal ko na siya” pag-amin ko kay Jill.
“Aaaaayyyyy, in-love na ang friend ko” sigay ni Jill.
“Huwag ka ngang maingay diyan, nakakahiya” pasaway ko sa kanya.
“Anong dapat mong ikahiya, dapat nga ipagkalat mong in-love ka” pangungulit ni Jill.
“Hello, in-love ako sa isang lalaki, para naman ganoon kadaling aminin sa buong mundo iyon” sabi ko.
“Bakit, sinabi ko bang kailangan mo ring sabihin kung sino ang mahal mo, ang sabi ko lang ipagsigawan mo na in-love ka” paliwanag ni Jill.
“Sabagay tama ka. Hindi ka ba naiilang sa akin, sa hitsura kong ito sa lalaki ako na-inlove?” tanong ko sa kanya.
“Ikaw na rin ang nagsabi, magkaibigan tayo at dapat tanggapin natin ang bawat isa. At wala akong pakialam kung sino ang mamahalin mo, ang importante masaya ka” paliwanag ni Jill.
“Salamat friend, sana magka-usap na rin kami ni Rueben mamaya” malungkot na sabi ko.
“Magtiwala ka lang, maayos din yan. Naka-usap mo na si Rueben kaya ikaw lang ang makakagawa ng paraan kung paano siya kausapin ulit” pangungumbinsi ni Jill.
“Kanina ko pa nga iniisip iyon” sabi ko kay Jill sabay subo ng puto bumbong.
“Saki, wait lang, baka naman na-offend lang si Rueben, baka iniisip niya na binibili mo ang pagmamahal niya ng mga regalo mo?” hula ni Jill.
“Posible kasi pagkatapos kong sabihin iyon sa kanya bigla na lang siyang umalis” pagtatapos ko.
Chapter Nine – Dalawang Magkahawak na Kamay
“Rueben, sorry ulit, hindi ko naman inaasahan na ganoon ang magiging reaction mo” nahihiyang sabi ni Saki pagkakita niya sa akin sa labas ng simbahan pagkatapos ng misa.
“Medyo nakaka-insulto lang kasi yung sinabi mo kagabi sa akin. Saki, kahit na mahirap ako hindi ko magagawang ibenta ang alin mang parte ng pagkatao ko kapalit ng ano mang regalo o pera” paliwanag ko sa kanya.
“Sobrang nahihiya talaga ako sa’yo, hindi ko na alam kung anong iisipin ko kahapon kaya pati ang ideyang iyon ay pumasok sa utak ko, sorry talaga, di ko sinasadya” pagpapakumbaba ni Saki.
“Dala mo ba yung mga regalo ngayon?” tanong ko sa kanya.
“Oo, kung itatapon mo o susunugin ok lang, basta makalimutan mo lang ang sinabi ko sa’yo” si Saki.
“Sino ang maysabing sisirain ko ang mga iyon?” muling tanong ko sa kanya.
“Kung hindi mo sisirain, anong gagawin mo?” balik na tanong niya sa akin habang papasok kami sa kotse niya.
“Ang totoo niyan, nakalimutan ko lang kunin ang mga regalo sa inyo noong isang araw dahil sa pagmamadali ko” natatawang sabi ko.
“Ikaw talaga, bakit hindi mo kinuha kagabi noong muli kong ibigay?” tanong ulit ni Saki.
“Wala lang, pinapakaba lang kita dahil sa sinabi mo” biro ko kay Saki.
“Ibig sabihin, hindi ka galit sa akin?” muling tanong ni Saki.
“Hindi, wala namang rason para magalit ako sa’yo. Ganito iyon, noong gabing ibinigay mo sa akin ang mga regalo, nag-alangan talaga akong kunin iyon kasi hindi ako sanay na merong nagbibigay ng regalo sa akin. Kagabi naman, talagang binibiro lang kita para mag-alala ka” paliwanag ko sa kanya at pagkatapos ay tumawa ako.
“Ugok ka talaga, kung alam mo lang kung paano ako nag-alala, dalawang araw kaya akong hindi nakapag-trabaho ng maayos dahil sa nangyari. Pero salamat na rin sa mga biro mo” natatawang sabi ni Saki.
“Saki, iyon palang sinabi mo sa akin noong isang gabi” panimula ko.
“Kalimutan mo na iyon, di naman importante iyon” pagtanggi ni Saki.
“Kailangan nating pag-usapan iyon” pangungulit ko.
“Ano pang kailangan nating pag-usapan doon?” naasar na tanong ni Saki.
“Ang totoo niyan, nalilito na rin ako sa nararamdaman ko. Nalilito ako at hindi ko alam kung ano ito. Ilang araw ko nang kinukumpara ang nararamdaman ko sa’yo at kay Nyorks. Si Nyorks matagal ko ng kaibigan at masaya ako kapag kasama ko siya. Pero sa’yo, kahit na ilang araw pa lang tayong magkakilala ibang saya ang dulot mo sa akin” paliwanag ko sa kanya.
“Totoo? Ibig sabihin pareho tayo ng nararamdaman?” tuwang-tuwang tanong ni Saki, kahit na madilim sa loob ng kotse ay kitang kita ko ang pagliliwanag ng kanyang mukha.
“Kagaya nga ng nasabi ko, nalilito pa rin ako sa nararamdaman ko. Ayoko kasing magmadaling isipin na mahal na rin kita kasi alam mo naman na wala na sa bokabularyo ko ang salitang pagmamahal. Kung sakali mang ikaw ang magbabalik ng salitang iyon, ayaw kong biglain at baka masaktan ka lang sa bandang huli” pagpapatuloy ko.
“Rueben, alam kong mahiwaga ang pag-ibig at kung tatanungin mo ako, sigurado na ako sa nararamdaman ko sa’yo. Oo, ilang araw pa nga lang tayong magkakilala pero dinig na dinig ko na ang pangalan mo ang laging sinisigaw ng puso ko. Ikaw ang nagbigay ilaw sa mga pundidong Christmas lights ng puso ko” seryosong sabi ni Saki.
“Ganyan ba talaga kapag nagmamahal?” natatawang tanong ko kay Saki.
“Bakit, anong masama sa mga sinabi ko?” balik na tanong sa akin.
“Wala naman masama sa mga sinabi mo, nagtataka lang ako kung pana ba talaga ang gamit ni Kupido o binibigyan lang niya ng mais ang mga taong in love, ang korny mo kasi” biro ko sa kanya.
“Ibig sabihin in-love ka rin” natatawang sabi ni Saki.
“Bakit mo naman nasabi iyan?” tanong ko sa kanya.
“Ang korny mo rin kasi” sabi ni Saki.
“Saki, masaya ako kung ano man meron tayo ngayon. Ayokong mawala ito at hayaan natin kung saan tayo dalhin ng kapalaran. Kung ako, ayos lang sa akin kaya lang natatakot ako na baka masaktan ka. Hindi pa talaga ako handa sa ganoong bagay at takot akong masaktan ka” seryosong sabi ko kay Saki.
“Handa akong maghintay at tama ka, mahirap kung bibiglain natin ang ating nararamdaman” dugtong ni Saki.
“Hindi magbabago ang pakikitungo ko sa kabila ng sinabi mo sa akin. Sa totoo nga niyan hinihikayat pa kita na maging mas bukas pa sa nararamdaman mo para hindi ka mailang. Pwede mo ring sabihin sa akin kahit ano, pangako hindi ako masasaktan, ako pa” pagmamayabang ko sa kanya.
Tahimik.
Hinawakan ko ang kamay niya.
“Saki” seryosong sabi ko habang ramdam ko ang panginginig ng kamay niya.
“A-a-ano iyon?” nauutal niyang tanong.
“Yung mga regalo mo sa akin, kukunin ko na” seryoso ko pa ring sabi sa kanya.
“Ugok ka talaga, akala ko kung ano ng seryosong sasabihin mo” sabay alis niya sa pagkakahawak ko sa kamay niya.
“Eto, seryoso na, maraming salamat. Sa maikling panahon ng pagkakakilala natin sobrang pinasaya mo ang buhay ko. Kung dati ay nagpapakapagod ako sa paggawa ng mga trabaho ng mga kapitbahay namin dahil sa gusto ko lang mapagod ang sarili ko, ngayon ginagawa ko iyon ng maluwag pa pakiramdam ko. Ang gusto kong sabihin, binago mo ang pananaw ko sa mga ginagawa ko, binago mo ang pananaw ko sa buhay” paliwanag ko kay Saki.
“Salamat din, kasi tinanggap mo ang nararamdaman ko sa’yo at hindi ka nagdalawang isip na mailang sa akin” dugtong ni Saki sabay halik sa kamay ko.
“Sa totoo lang, konti na lang ay magbabago na ang pagtingin ko sa’yo at baka hindi na kita kausapin ng matagal” seryosong sabi ko sa kanya.
“Bakit naman?” takang tanong niya.
“Yung mga regalo mo kasi, hindi mo pa binibigay” biro ko sabay tawa.
“Ikaw talaga, panira ka, ang seryoso nating nag-uusap hahaluan mo na naman ng biro” na-aasar na sabi ni Saki. “Eto na ang mga regalo mo” sabay abot sa akin pagkakuha niya ng paper bag na naglalaman ng mga ito sa likod na upuan ng kotse niya.
“Binibiro lang naman kita, masyado na kasi tayong seryoso sa ating usapan. Salamat ulit at huwag kang mag-alala, iingatan ko ang mga ito” sabi ko kay Saki.
“Sunduin kita ulit bukas?” tanong ni Saki sa akin.
“Huwag na, magkita na lang tayo dito. Pwede na kasi kitang i-text ngayon” biro ko kay Saki.
“Ikaw talaga, sige text-text na lang tayo bukas bago mag-simula ang misa” sabi niya.
“Paano nga pala gamitin itong cellphone?” pa-inosenteng tanong ko kay Saki.
“Ganito lang iyan ….. sandali, binibiro mo na naman ako, maruno ka naman magtext” naasar na sabi ni Saki.
“Binibiro lang kita, alam ko gutom ka na kasi” sabi ko kay Saki.
“Sige, kain muna tayo” pagyaya niya.
“Ako ang taya, doon na naman tayo sa karinderia, siguradong bukas pa iyon” pagsang-ayon ko kay Saki.
Chapter Ten – Isang Wish
Nag-half day ako sa trabaho para makapag-luto, pagkatapos ng huling Noche Buena na kasama ang pamilya ko, ngayon pa lang ulit ako magiging masaya. Sa mga nagdaan taon, kung hindi ako mag-isa, ako ay bumibisita sa pamilya ng mga kaibigan ko para may makasama ako. Pero ngayong taong ito, kaka-ibang saya ang nararamdaman ko dahil makakasama ko ang taong espesyal sa puso ko, si Rueben.
Pagkatapos kong magluto ay naligo at nagbihis na ako, huling gabi ng Simbang Gabi kaya kailangan presentable akong tignan sa paningin ni Rueben kaya bumili pa ako ng bagong damit, nakakatawa pero parang bata ng excited mag-suot ng bagong biling damit na pamasko.
Pagkakita ko kay Rueben sa simbahan ay kaagad itong yumakap sa akin, para bang matagal niya akong hindi nakita dahil sa higpit ng yakap niya.
“Ang pogi mo ngayon” pagbati niya sa akin sabay pakita ng mga nangungusap niyang mga mata pagkatapos ng aming yakapan.
“Baka naman matunaw ako sa titig mo. Ikaw nga, tignan mo bagay na bagay mo ang suot mo” pagpuri ko sa kanya.
“Naku, simpleng polo shirt lang naman ang suot ko. Regalo ng mga kapit-bahay ko. Bagay ba?” tanong ni Rueben sabay pa-cute.
“Ikaw talaga, oo naman, bagay na bagay sa’yo. Tignan mo nga, mas gwapo kang tignan” sabi ko sa kanya sabay yakap.
Wala kaming pakialam ni Rueben kung pagtinginan kami ng mga tao sa paligid, wala namang masama sa pagyayakapan namin.
“Saki, maraming salamat” bulong ni Rueben.
“Salamat din” sagot ko, at pagkatapos ng isang mahigpit na yakap ay pareho kaming bumitaw.
Pagkatapos ng misa ay pumunta na kami ni Rueben sa apartment ko para sa Noche Buena.
“Saki, maraming salamat ulit, ito ang aking unang Noche Buena” naluluhang sabi ni Rueben habang sinisindihan ang mga kandila sa mesa.
“Wala iyon, ang totoo niyan ikaw ang dahilan kung bakit ako naghanda ngayong Noche Buena” sabi ko sabay tingin sa kanya pagkatapos ilagay sa gitna ng mesa ang hamon, kasama ng pansit, spaghetti, sandwhich, biko, at buko pandan.
“Kain na tayo” pagyaya ni Rueben.
“Sige, kunin ko lang ulit ang mga kutsara at tinidor” sabi ko pagka-upo ni Rueben.
Ito na siguro ang pinakamasayang Noche Buena ko, candle light dinner with my special someone, kahit na hindi pa ako special sa paningin niya, pero nararamdaman ko malapit na. Aaminin ko, masaya pa rin kung pamilya ang kasama sa ganitong okasyon pero hindi sa lahat ng pagkakataon pwede.
“Noong bata pa lang ako, para lang isang ordinaryong gabi ang okasyong ito, pagkatapos kumain matutulog na ako. Masaya na akong pagmasdan ang mga nagsasayawang liwanag ng mga Christmas lights sa gabi at ang masasayang ngiti ng mga bata pagkatapos nilang magpunta sa bahay ng mga ninong at ninang nila” kwento ni Rueben. “Ang tito ko laging lasing iyon at noong lumipat naman ako sa tenement ay naramdaman ko ng konti ang diwa ng Pasko. Kung minsan ay inaabutan ako ng mga kapit-bahay ko ng pagkain at regalo, meron pa ngang ilang sa kanila na nagyayayang samahan ko sa Noche Buena pero tumatanggi na lang ako, siempre araw nilang magpapamilya iyon” pagpapatuloy ni Rueben.
“Rueben…” pagpigil ko sana sa kwento niya.
“Hindi ko naman iniisip yung hirap ng buhay sa paglaki ko, alam ko kahit walang handa pwede pa ring ipagdiwang ito pero sa nangyari sa akin, sa maraming taon na lumipas sa buhay ko ang okasyong ito, wala akong kasama. Pilitin ko man ang sarili kong maging masaya, wala akong katabing pamilya na pwede ko man lang sanang yakapin” pagpapatuloy ni Rueben.
Tahimik. Alam kong namumuo na ang luha sa mga mata ko ng maramdaman kong merong binatong pagkain sa plato ko.
“Uy, masyado kang seryoso” pagbasag ni Rueben sa katahimikan.
“Adik ka kaya, anong inaasahan mong gawin ko, matutuwa pagkatapos ng kwento mo?” inis na sabi ko kay Rueben.
“Eto naman, binibiro lang kita. Sige na, tama na ang emo, dapat maging masaya tayo ngayon” masayang sabi ni Rueben sabay buhos ng red wine sa mga baso namin.
“Cheers, para sa okasyong ito” sabi ko sabay taas ng baso.
“Cheers, para sa ating dalawa” si Rueben sabay ng pagkampay sa baso.
Pagkatapos naming kumain ay nanood kami ng pelikula ni Rueben.
“Saki…..” pagtawag ni Rueben sa akin sabay hawak sa kamay ko, tila ba niyayaya niya akong tumayo.
“Rueben…..” naluluhang sabi ko ng akmang isasayaw niya ako sabay sa romantic na tugtog ng pelikulang pinapanood namin.
“Salamat” seryosong sabi niya.
“Salamat din. Mahal na mahal kita, Rueben” kinikilig na sabi ko habang nagsasayaw kami.
“Hindi ko pa rin masasagot iyon, pero pangako, darating din ang araw na ako ang uang magsasabi sa’yo niyan” sagot niya sa akin.
“Ikaw na mismo ang nagsabi na huwag nating biglain ang ating nararamdaman hangga’t hindi tayo sigurado” pagpigil ko sa kanya.
“Hindi ko naman pinupuwersa ang sarili ko, ang gusto ko lang sabihin, ako rin nararamadaman ko ng malapit ko ng masabi sa’yo ang mga katagang iyon” pagpapatuloy ni Rueben.
“Ayokong umasa pero maghihintay ako” seryosong sabi ko habang nagpapatuloy pa rin kami sa pagsasayaw.
“Pangako, hindi na matatagalan ang paghihintay mo” natutuwang sabi ni Rueben.
“Baka naman sa susunod na taon pa iyan?” tanong ko sa kanya.
“Eto naman, panira ka rin, hindi ako mangangako sa’yo kung hindi ako sigurado” si Rueben.
“Sige, hihintayin ko. Sa kaso ko naman, asahan mo na bawat araw na magkikita tayo mas lalong lalaki ang pagmamahal ko sa’yo” seryosong sabi ko kay Rueben.
“Paano pa tayo magkikita niyan tapos na ang Simbang Gabi?” seryosong tanong ni Rueben.
“Oo nga pala ….. sandali, hindi na ba tayo pwedeng magkita sa mga susunod pang mga araw?” inis na sabi ko at bumitaw sa pagkakahawak niya sa akin.
Tahimik.
“Eto naman, pinapasaya lang kita. Siempre makikita pa tayo bukas, dito kaya ako matutulog” biro niya sa akin na mas lalo kong ikina-inis.
“Bahala ka na nga diyan, ewan ko sa’yo” inis na sabi ko sabay upo sa sofa upang ipagpatuloy ang panonood ko ng pelikula.
“Masyado namang mainitin ang ulo mo ngayon, siempre magkikita pa tayo araw-araw kahit tapos na ang Simbang Gabi, magse-celebrate pa tayo ng New Year, magde-date tayo sa Valentine’s Day, mamamasyal tayo sa iba-ibang bayan sa mahal na araw, at lahat ng holiday sa Pilipinas at lahat ng okasyon sa buhay natin sabay nating ipagdiriwang” sabi ni Rueben. Pagkatapos niyang magsalita ay naramdaman ko na lang na meron siyang sinusuot sa leeg ko.
“Rueben, maraming salamat sa kwintas na ito” masayang sabi ko, tumayo ako sa pagkakaupo ko sa sofa at yumakap sa kanya.
“Sandali, hindi ako makahinga” nahihirapang sabi niya.
“Sorry, nasiyahan talaga ako” nahihiya kong sabi ni Rueben.
“Nakakahiya nga ang binigay ko sa’yo, parang wala lang iyan kumpara sa mga binigay mo sa akin” si Rueben.
“Gustong-gusto ko itong binigay mo, matagal na akong naghahanap nito” masaya ko pa ring sabi habang sinasalat ang dog-tag na may naka-ukit na pangalan ko na nakasuot sa leeg ko.
“Akala ko hindi mo magugustuhan, pasensya na iyan lang ang naibigay ko sa’yo” nahihiya pa ring sabi ni Rueben.
“Ano ka ba? Seryoso, gusto ko ito at isa pa sa’yo galing” masayang sabi ko.
“Eto naman, nambola pa” biro ni Rueben.
“Ang kulit mo talaga. Siyanga pala, ano ang wish mo?” tanong ko kay Rueben.
“Anong wish?” balik na tanong sa akin.
“Sabi kasi nila, kapag nakumpleto ang Simbang Gabi ay matutupad ang wish mo” paliwanag ko.
“Ha, naniniwala ka pala sa ganoon?” tanong sa akin.
“Noong una hindi ako naniniwala kasi sa ilang taon na nakukumpleto ko Simbang Gabi hindi naman natutupad ang wish ko pero ngayon alam ko totoo iyon” kwento ko.
“Meron palang ganoon. Ano bang wish mo?” tanong ni Rueben sa akin.
Hindi ko sinagot ang tanong niya, mas minabuti ko na lang na gawaran siya ng isang halik simbolo na siya ang katuparan ng hiling ko.
End.