Saturday, November 3, 2012

Huling Paalam


Hi guys,


Heto po halloween special ko para sa ating lahat. Aheheheheh. Ewan ko pero sana magustuhan niyo. Nga pala, regalo ko ito sa inyo ngayong kaarawan ko. :) Maraming salamat sa inyo.


Lovelots,


dhenxo :))


*************************************************************************************


Kitang kita ko ang mumunting butil ng luha na lumalabas sa magkabilaan mong mga mata. Nagkamali ako pero hindi ko na maibabalik pa ang mga panahong iyon. Gusto ko mang bumawi pero huli na ang lahat. Nahihirapan ako sa nakikita ko sa’yo. Labis ang aking pagsisisi.


<i>Hindi mo ako deserve. Maghanap ka na ng iba. Malaya ka na. Paulit-ulit na sambit ko sa aking sarili. Wala akong lakas ng loob na isatinig iyon.</i>


“Mahal na mahal kita Gino.”


<i>Ako din Riko. Sobrang mahal na mahal pero kailangan mo na akong kalimutan.</i>


“Bakit mo ginagawa sa akin ito?” tanong mo na may pagka-garalgal ang boses.


Napayuko ako.


“Alam mo bang nasasaktan ako. Tingnan mo ako!” may kalakasan mong tinig habang patuloy ka sa pagtangis.


Napaangat ako ng mukha.


Bakas na bakas ko ang hirap, sakit at lungkot sa iyong mukha lalong lalo na sa mga mata mo. Napatingin din ako sa mga tao sa paligid at lahat sila ay may nagtataka’t malulungkot na titig. Lahat sila nakatingin sa ating dalawa.


“Sabi mo mahal na mahal mo ako pero kabaligtaran yung ginagawa mo sa akin. Hindi ko maramdaman pagmamahal mo.”


<i>Sorry kung hindi ko naibabalik sa’yo iyong pagmamahal na hinihingi mo. Alam ko napakawalang kuwenta kong boyfriend kasi imbes na pasayahin kita, heto, pinapaiyak ka.</i>


“Naalala mo pa ba paano tayo nagkakilala?”


Pilit ko namang inaalala.


“Hindi mo na siguro naaalala pero sige ikukuwento ko.” Dumukot ka bigla ng panyo at pinunasan mo iyong mukha mo.


“Bestfriend ko iyong girlfriend mo noon. Tapos magkasama kayong sumundo sa akin sa airport galing probinsiya. Alam mo ba na unang kita ko pa lang sa’yo noon gusto na kita? Kaso off limits ka na eh.” Bahagya kang natawa sa nasabi mo, ako nama’y napangiti.


Maliwanag pa sa akin lahat ng iyon at sa tuwing naaalala ko iyon ay napapangiti talaga ako. Mukha ka kasing haggard nun eh. Nakita ko naman na lumapit siya sa tabi mo.


“Alam mo bang ramdam kong may gusto sa iyo itong bestfriend ko? At ng mga panahong iyon, I’m falling out of love na, nagiging dragging na kasi iyong relationship natin.” Sambit niya.


Nakaramdam ako ng bahagyang lungkot ng maalala ko ang tagpong nakikipaghiwalay ka na sa akin. Napakasakit niyon sa akin dahil labis ko siyang minahal. Naputol lang ako ng muli kang nagsalita.


 “Tapos ikaw pa bumuhat ng mga gamit ko. Feeling babae ako nun. At talagang hinatid niyo ako sa tutuluyan ko. Sobra kong na-appreciate iyon. Simula noong araw na iyon lagi niyo na akong sinasamang dalawa. May mga times pa na tayong dalawa lang ang lumalabas.”


“At feeling nitong si Riko, nagde-date kayo.”


Pinamulahan kang bigla. Napangiti na naman ako. Gustong gusto kong nakikita kang nagba-blush kasi doon ko nararamdaman na mahal mo ako.


“At noong nag-break tayo alam kong si Riko ang tumulong sa’yo. Alam mo ba, isang malaking favour iyong binigay ko para sa inyong dalawa.”


Napatingin kami pareho ni Riko sa kanya.


“Totoo naman ah kasi kung hindi ko ginawa iyon di sana hindi kayo nagkaaminan na may nararamdaman kayo sa isa’t isa. Ako pa ang naging tulay niyong dalawa.” Kita ko na masaya siya sa mga sinasabi niya.


<i>Tama ka. Salamat Angie. Hulog ka ng langit samin.</i>


“At alam niyo bang ako ang unang unang taong naging masaya nung nalaman kong kayo na? Walastik. Pero sa una natakot ako kasi baka ginagawa mo siyang panakip butas pero you proved me wrong.”


He was there when I was down kaya naman natutunan ko na siyang mahalin. Sino bang mag-aakala na magtatagal kami ng 5years, mas matagal sa naging relasyon natin.


“Pasensya na at na-interrupt ko moment niyo. Sige maiwan ko na muna kayo.”


<i>Angie, salamat ulit.</i>


“Walang anuman Gino.”


Nang tuluyan ng nakalayo si Angie ay bigla ka na namang nalungkot at naiiyak. Hinawakan ko ang pisngi mo. Tumingin ka sakin.


“Gino, hindi ko kayang mawala ka.” Bigla mong sabi. “Huwag mo naman gawin sa akin to. Nagmamakaawa ako.” At tuluyan ng bumuhos muli ang mga luha mo.


“Sabi mo walang iwanan pero bakit ikaw ang unang bumitaw? Napakadaya mo! Paano na mga pangarap natin?”


Sa totoo lang nahihirapan akong tingnan siya. Nagkamali ata talaga ako, pero anong magagawa ko. Sa ganito na nagtapos ang story nating dalawa.


“Pwede ko bang marinig or maramdaman man lang iyong pagmamahal mo sa akin kahit sa huling pagkakataon?” pakiusap mo sa akin ngunit hindi ako kumibo.


Alam kong nasaktan ka sa ginawa ko pero kailangan eh. Kailangan mo ng mag-move on. Kailangan mo na akong kalimutan. Kailangan mo nang mabuhay ng wala ako sa piling mo.


“Hindi ko kayang mawala ka. Please lang bumalik ka sa akin. Ipinapangako ko, gagawin ko ang lahat.” Patuloy mo pa ring sambit.


<i>Ginawa mo na ang lahat Riko pero hanggang dito na lang talaga. Hindi na kita masasamahan pa sa mga susunod na araw.</i>


Patuloy ka pa rin sa pagmamakaawa na balikan kita. Ilang beses na ring bumalik si Angie sa atin para lang patahanin ka pero ayaw mong papigil. Nasasaktan akong makitang nagkakaganyan ka pero nakapagdesisyon na ako. Ito na ang huling beses na magkikita tayo ng personal. Lalayo na ako para sa ikabubuti nating lahat.


Papasikat na ang araw ng muli kang balikan ni Angie.


“Riko, tama na. Kailangan na nating maghanda pareho. Maya-maya darating na ang iba pa nating mga kaibigan pati na mga kamag-anak ni Gino.”


“Sasama ako sa kanya.” Sagot mo habang nakatingin sa akin.


“Hindi pupwede. Kailangan mong mabuhay para sa sarili mo, para sa aming mga buhay pang nagmamahal sa’yo. Alam mo kung nandidito pa si Gino hinding hindi papayag iyon na nagkakaganyan ka.” Panenermon ni Angie sa’yo.


Napailing ka at napilitang tumayo.


Oo nga pala, ngayon na ang itinakdang araw ng libing ko. Hindi ko masisisi si Riko, nagmahal lang siya ng sobra ngunit iniwan ko siya. Sino bang mag-aakala na sa isang maliit na sugat lang sa paa ang magiging katapusan ng pagmamahalan namin.


Tumayo ako at lumapit sa’yo.


“Riko, mahal na mahal kita. Lagi mo sanang tatandaan iyan. Paalam.” Niyakap kita at hinagkan sa mga labi. Napapikit ka. Alam kong naramdaman mo iyon dahil napangiti ka.


Ngayon masaya na akong aalis bitbit ang ngiting iyon. <i>Paalam Riko. Paalam.</i>

No comments: