Friday, February 11, 2011

Dos Tiempos ..... Capítulo Once

Capítulo Once – Beginning

“Ayos ka ba na?” tanong ni Miguel kay Yago.

“Oo naman, nang makita kita kanina, biglang nawala ang lahat ng sakit na naramdaman ng katawan ko at nang sinabi mong pitanawad mo na ako ay naglaho ang lungkot sa puso ko at nararagdagan ang sayang nararamdaman ko kapag nakikita ko ang mga matatamis mong ngiti” sagot ni Yago.

“Tigilan mo na yan at hindi mo na ako madadala sa mabulaklak mong pananalita” usal ni Miguel.

“Miguel, maraming salamat sa pagpapatawad sa akin. Yun ang isang bagay na hinahangad ko simula pa noong magbukas ang taon na ito” seryosong sabi ni Yago.

“Mamaya na ako magsasalita, ang importante ngayon ay gumaling ang mga sugat at pasa mo” pag-aalala ni Miguel.


Namukhaan ng pinuno na si Yago ang nakita niya na kasama ng anak na si Miguel noong isang araw sa plaza. Pagkatapos ng pagtatanong sa kanya ay muling binalik si Yago sa kanyang selda at dahil sa sobrang pagod ay kaagad itong nakatulog. Hindi na niya namalayan ang pagdating ni Miguel na siniguro sa ama na walang kinalaman si Yago sa pag-eespiya sa kanilang grupo at bumibisita lang ito mula ibang bayan. Naaasiwa man si Miguel pero pinagtapat sa ama na nagkaroon nga sila ng alitan at siya rin ang dahilan kung bakit naroroon si Yago ng ganoong oras sa kanilang lugar.

Kaagad naman naniwala ang pinuno sa kanyang anak na si Miguel dahil kahit noon pa man ay hindi ito nagsinungaling sa kanila. Bilang gantimpala na rin sa pagiging mabait na anak ay pinakawalan ng pinuno si Yago. Pinaliwanag ng pinuno na napagkamalan lang si Yago na kasama ng nag-eespiya sa kanila. Hindi na rin nagawang humingi ng paumanhin ang grupo kay Yago dahil sa kahihiyan.

“Hindi ko naman kailangan ang paumanhin ang ama mo” sabi ni Yago kay Miguel na nagpupumilit na kausapin ang ama upang humingi ng despensa kay Yago.

“Nararapat pa ngang bayaran ang pinsala na nagawa sa’yo” pagpupumilit ni Miguel.

“Hayaan mo na. Ang importante ay pinalaya na nila ako at magkasama na tayo. Isa pa, kung muli akong haharap sa kanila, malamang marami na naman silang itatanong sa akin. Mabuti na itong ganito” paliwanag ni Yago.

“Ikaw ang masusunod. Sa ngayon ay maligo ka na muna sa ilog para mas madali kong malinis at magamot ang mga pasa at sugat mo” utos ni Miguel kay Yago.

“Hindi mo ba ako sasamahan?” tanong ni Yago kay Miguel na may kasamang pilyong ngiti na tila ba nang-aakit ito.

“Ikaw ha, napaka-pilyo mo. Kakalabas mo pa lang sa kulungan kung ano-ano ng kalakohan ang pumapasok sa utak mo” nahihiyang sabi ni Miguel.

“Sino kaya ang mas pilyo? Niyaya lang kitang maligo, ano bang masama doon?” biro ni Yago.

“Tama na nga ito, tapos na akong maligo kanina at isang terno lang ng damit ang dala ko, para sa’yo lang. Habang naliligo ka ay ihahanda ko na ang mga halamang gamot na itatapal ko sa mga sugat mo” paliwanag ni Miguel.

Pagkatapos magtanggal ng saplot sa katawan ni Yago ay dumiretso ito sa ilog upang maligo. Pinulot ni Miguel ang mga saplot ni Yago at pagkakita sa mga ito ay naramdaman niya ang hirap at sakit na dinanas ni Yago sa loob ng kulungan. Dahil sa punit-punit at natuyong mantsa ng dugo ay hindi aakalain na mga damit pala iyon.


“Aray, irog ko, dahan-dahan naman” sigaw ni Yago na nakakaramdam ng sobrang sakit sa bawat pagtapal ni Miguel ng mga halamang gamot sa kanyang mga sugat. Nasa tabing ilog sila, si Miguel ay naka-upo samantalang si Yago ay nakahiga at ang ulo niya ay nakasapo sa mga binti ng una.

“Akala ko ba naghilom na ang mga sugat mo noong makita mo ako?” tanong ni Miguel. Alam niyang hindi na sasagot ni Yago dahil sa tagal ng pananahimik nito. “At isa pa, nararapat siguro na huwag mo muna akong tawaging “irog”, paki-usap ni Miguel.

“Bakit, natatakot ka bang merong makarinig sa atin? Ikaw ha, hindi mo sinabi na lider pala ng grupo na gustong maghimagsik ang ama mo” may bahid na pagtatampo ni Yago kay Miguel.

“Ang totoo niyan, kahapon ko lang rin nalaman ang tungkol kay ama. Mainam nga at nakilala ka niya dahil kung hindi malamang hindi ka na makabalik sa panahon ninyo” panimula ni Miguel at pagkatapos ay isang buntong hininga ang kanyang pinakawalan. “Yago, masaya ako na kasama ka, sa katunayang nga ay nalungkot din ako noong hindi tayo nagkikita pero mas nanaig pa rin ang sakit na nararamdaman ko. Sa ngayon malamang wala na iyon pero hindi pa ako handang dugtungan kung ano man ang namagitan sa atin” paliwanag ni Miguel.

“Alam kong labis ang sakit na naidulot ko sa’yo pero nakiki-usap ako na bigyan mo ako ng pagkakataon para patunayan sa’yo na magbabago na ako, hindi na ako maglilihim” paki-usap ni Miguel.

“Yago, nakapag-desisyon na ako. Siguro isang babala iyon para sa atin, maaaring magkaroon pa tayo ng mas malaking suliranin kapag nagkataon. Masaya na ako bilang kaibigan mo” malungkot na sabi ni Miguel.

“Kung iyon ang nais mo, iyon ang susundin ko” nangingilid na ang luha ni Yago dahil sa mga narinig. Kung siya ang masusunod ay mas nanaisin niyang dugtungan ang kanilang naudlot na relasyon. Masakit sa kanya ang desisyon ni Miguel pero naisip niya na maaaring tama ang dating katipan niya at masaya na siya na napatawad na nito.

“Isa pa, ang dami ko pang hindi alam sa’yo kaya paano magiging tayo ulit. Ano nga pala ang itatawag ko sa’yo?” birong tanong ni Miguel.

“Yago na lang, mas sanay tayo sa ganoong tawagan. Timber ang tawag sa akin ng mga kaibigan ko sa panahon namin. Kung sakaling iyon din ang itatawag mo sa akin malamang magtaka kung sino man ang makarinig sa atin” mahabang sagot ni Yago. Tila napapawi na rin ang kanyang lungkot sa tuwing tinitignan niya ang maaliwalas na mukha ni Miguel.


Sa muling pagtawid ni Timber sa salamin papunta sa kasalukuyang panahon ay maraming nagtaka kung sino ang may gawa sa mga pasa sa katawan niya. Nakagawa naman siya ng dahilan at pinaniwalaan siya maliban kina Chigo at Patsy. Kagaya ng pangako ni Timber sa kanila, hindi niya nilihim ang nangyari sa kanya at pinagtapat din ng dalawa na gusto siyang balikan ni Javvy dahil mahal niya talaga ito.



“Tim, sana maniwala ka sa akin. Nabigla lang talaga ako sa mga nasabi ko” panimula ni Javvy, niyaya niyang mag-hapunan si Timber sa isang restaurant upang magka-usap sila. Sa una ay ayaw pumayag ni Timber pero dahil sa pangungulit ng kaibigan niya ay sumama na rin siya.

“Sana bigyan mo pa ako ng panahon para paniwalaan ang mga sinabi mo. Wala na akong nararamdamang galit pero dahil sa nangyari sa atin ay hindi mo naman ako masisisi kung hindi kaagad bumalik ang pagtitiwala ko sa’yo. At isa pa, dapat rin pala akong humingi ng tawad dahil sa pagkakabugbog ko sa’yo noong isang araw” paliwanag ni Timber.

“Wala iyon, kulang pa nga iyon kumpara sa sakit na naidulot ko sa’yo dati. Alam ko matagal mong dinamdam ang sakit na dulot ng ginawa ko sa’yo at handa akong bumawi para mapatuyanan ko sa’yong nagbago na talaga ako” paki-usap ni Javvy.

“Mahirap kung pipilitin ko ang sarili ko na tanggapin ang alok mo. Mas maganda siguro kung maging magkaibigan muna tayo. Sa ngayon iyon muna ang maibibigay ko sa’yo at sa tingin ko ay magandang paraan iyon para makapag-simula tayo” paki-usap ni Timber.

“Tatanggapin ko ang alok mo at pangako hindi na kita bibiguin. Kung sakaling makagawa ako kahit isang bagay upang masaktan ka, lalayo na ako at hindi na magpapakita kailanman” pangako ni Javvy.

Pagkatapos ng gabing iyon ang pinangako ni Javvy na magpapakatino na siya para mapanindigan ang pangako niya kay Timber. Nagsikap din siya sa pag-aaral at ang pamilya niya ang naging inspirasyon. Oo, naging mabuti na rin ang pakikitungo ni Javvy sa kanyang pamilya at madalas na siyang umuuwi sa kanila. Kung minsan pa nga pinagsasabihan siya ng kanyang mga magulang na hindi naman niya kailangang madalas umuwi dahil sayang ang nagagastos na pamasahe pauwi. Pero nagpumilit pa rin si Javvy at hindi siya pumapalya na magdala ng pasalubong at kung may sobra siya sa kanyang sahod bilang part-time model ay nag-iiwan siya ng pera sa pamilya.

Minsan nga ay sinama niya ulit si Timber sa Vigan para mamasyal, kasama din sina Chigo at Patsy. Ang dalawa ang namangha sa ganda ng lugar at kahit paano ay nadama nila ang pakiramdam ni Timber sa tuwing tumatawid siya sa nakaraan. Humingi din ng tulong si Javvy sa tatlo para maka-usap ang mga kaibigang nasaktan niya. Naghanda sila ng munting salo-salo at dumalo ang mga inimbitahan ni Javvy. Sa kalagitnaan ng salo-salo ay nagsalita si Javvy at malugod naman nilang ibinigay ang kapatawaran. Sabi pa nga nila ay iyon lang ang hinihintay nila mula sa kanya.

Pagbalik nila ng Maynila ay mas lalo pang naging mas malambing si Javvy kay Timber pero alam nina Chigo at Patsy na kahit na napatawad na ng kaibigan nila si Javvy ay hindi niya ito kayang sagutin dahil kay Miguel.

Kahit lagi silang nagkikita ni Javvy ay hindi nakakaligtaang puntahan ni Timber si Miguel. Lingo-lingo ay naglalaan siya ng panahon para bisitahin si Miguel. Alam ni Timber na malabo ng magbago pa ang desisyon ni Miguel pero patuloy pa rin siyang nakikipagkita sa kanya dahil sa masaya siyang kasama ang dating katipan. Kahit na walang relasyon na namamagitan sa kanila, mas higit pa doon ang sayang nararamdaman niya. Si Miguel lang ang taong nagbibigay ng kakaibang saya sa puso ni Timber. Nawala man ang halikan at pagniniig nila, sapat na kay Timber ang makasama si Miguel

Naging mas maingat din sina Miguel at Yago sa kanilang pagkikita sa kadahilanang marami pa rin ang nagdududa kung saan nga ba talaga nanggaling si Yago. Kalimitan ay sa kamalig, ilog at burol na lang sila nagpupunta, hindi na sila bumalik sa plaza at kampanaryo dahil maraming tao ang nandoon.

“Yago, maraming salamat sa muling pagtanggap mo sa akin” malambing na sabi ni Miguel habang namamangka sila, si Yago ang nagsasagwan.

“Dapat ako yata ang magsabi sa’yo nyan?” takang tanong ni Yago.

“Maraming salamat kasi tinanggap mo ako bilang kaibigan, kahit na alam kong mas higit pa doon ang gusto mong mangyari” paliwanag ni Miguel.

“Miguel, tanggap ko iyon, ako nga labis ang saya ko dahil pinatawad mo ako sa kabila ang aking paglilihim” malungkot na sabi ni Yago.

“Shhh, nararapat lang na ibigay ko sa’yo iyo iyon. Alam ko kulang pa iyon pero sana pagdamutan mo na at hanggang doon muna ang kaya kong ibigay sa’yo. Yago, masaya ako na nakilala kita, kahit na galing tayo sa magkaibang panahon ay nagka-intindihan naman ang ating damdamin” masuyong tugon ni Miguel.

“Ako nga, hindi ko inakalang mangyayari sa akin ito. Sa dami-dami ng tao sa pinanggaligang kong panahon ay ako pa ang mapalad na nabigyan ng ganitong oportunidad” sagot ni Yago.

“Yago, gusto ko ring sabihing mahal kita” seryosong sabi ni Miguel.

“Talaga?” nabiglang tanong ni Yago na kitang-kita naman ng kaharap ang pagliwanag ng kanyang mga mata at tila nawala lahat ng pagod niya dahil sa pagsagwan.

“Oo, aaminin ko mahal pa rin kita, pero katulad ng nasabi ko sa’yo, hindi pa ako handang dugtungan ang namagitan sa atin dati at kung sakaling maging tayo ulit, sa palagay ko walang itong patutunguhan kaya nagpasya ako na maging magkaibigan na lang tayo” muling paliwanag ni Miguel.

“Tama ka nga, mas maigi na maging magkabigan tayo. Mas masaya nga ito” pagsang-ayon ni Yago.

“Salamat” sabi ni Miguel, pagkatapos ay isang halik sa labi ang ginawad niya kay Yago.

Hindi naka-kilos si Yago, gustuhin man niya itong sunggaban ng halik ay hindi maaari sapagkat gusto niyang respetuhin ang kanilang pagka-kaibigan. Minsan na siyang nagkamali at ayaw na niyang maulit ito at higit sa lahat, ayaw niya ulit mawala si Miguel sa kanya.

Katulad ng ginagawa nila dati, sinulit nila ang buong araw na magkasama sila. Tuwing umaga ay sasabayan nila ang pagsikat ng araw sa taas ng burol, pagkatapos ay mamimingwit ng isda, kapag nagutom ay iihawin ang mga ito, hindi rin mawawala ang habulan nila patungo sa susunod nilang pupuntahan, bago matapos ang araw ay muli silang sasakay sa bangka at paglubog ng araw ay ihahatid na ni Miguel si Yago sa kamalig.

“Paalam. Sana sa pagbalik ko sa panahon ko makita kita ulit” tugon ni Yago kay Miguel bago siya tumawid sa salamin.

“Sana nga, kung sakali mang magkita tayo sa hinaharap siguradong matanda na ako o kaya naman ay patay na ako bago ka pa ipinanganak” biro ni Miguel sabay yakap ng mahigpit kay Yago.

“Huwag kang magbiro ng ganyan, basta ang alam ko masaya ako sa pagkikita natin ngayong panahong ito” muling turan ni Yago.


Sa kasalukuyang panahon naman ay hindi alam ni Timber na susurpresahin siya dapat ni Javvy, nagdala siya ng cake, pastry, at chips para mag-DVD marathon. Alam kasi niya na isa ito sa mga libangan ni Timber. Hindi nabanggit ni Timber sa mga kasambahay nila ang naging problema nila ni Javvy at sinabi ni Timber na lumipat ng ibang eskwelahan ang huli kaya hindi na siya muling nakakadalaw sa kanila nang minsang magtanong ang mga ito. Dahil sa pagiging inosente nila, malugod nilang pinapasok ni Timber nang kumatok siya noong araw na iyon at dahil nga tiwala pa rin ang mga kasambahay nila ay sinabihan nila si Javvy na dumiretso siya sa kwarto ni Timber.

Pagpasok ni Javvy ay kaagad niyang hinanap si Timber pero hindi niya ito nakita. Tinawag niya ang mga kasambahay pero tila hindi siya naririnig dahil abala sila sa kusina at ibang gawaing bahay kaya naman hindi na niya sila inabala. Alam ni Timber ang pasikot-sikot sa bahay kaya nagkusa na lang siya na hanapin si Timber. Sumilip sa kusina, sa likod bahay, sa hardin, sa swimming pool, sa sala pero hindi niya ito nakita. Pabalik na sana si Javvy sa kwarto ni Timber ng may madaanan siyang isang bukas na pintuan. Isang parte ng bahay nina Timber na noon pa lang niya nakita, noong una ay ayaw niyang pumasok doon pero iyon na lang ang tanging parte ng bahay na hindi niya napuntahan pero ng makita niya ang ibang gamit ni Timber na nakalagay sa isang lumang mesa sa bungad ng bodega ay naglakas-loob na siyang pumasok. Sa unang pagkakataon ay nakita ni Javvy ang antique collection sa lugar na iyon, kahit na galing siya sa lumang lugar ng Vigan ay namanggha pa rin siya sa mga nakita, karamihan kasi doon ay galing pa ng ibang bansa.

Sa paglilibot ni Javvy ay hindi niya namalawan na na-ikot na pala niya ang buong bodega, palabas na sana siya ng mapansin ang salamin sa dulo kaya lumapit siya. Sa buong pag-aakala ni Javvy ay ordinaryong salamin lang ito, humarap siya dito at inayos pa ang buhok, aalis na sana siya ng makitang lumiwanag ang salamin. Sa pagkakabigla niya ay nasilaw siya at tinakpan ang mga mata, nang maramdaman niyang wala na ang liwanag ay tinanggal ang mga kamay na nagsilbing takip ng mata at nakita niya si Timber sa salamin. Noong una ay nagtaka si Javvy kung bakit nasa loob ng salamin si Timber pero napako ang kanyang paningin sa kaibigan. Aliw na aliw siyang pagmasdan si Timber habang nagsasagwan ito at mas naaliw pa si Javvy nang makita ang malinis na ilog at luntiang kagubatan, alam ni Javvy na ibang-iba ang lugar na kinaroroonan ni Timber.

Pero biglang nag-iba ang hitsura ni Javvy ng makita ang kasamang lalaki ni Timber. Muli ay napako ang tingin niya sa kanilang dalawa, hindi man niya marinig ang pinag-uusapan ng dalawa, nararamdaman niyang merong namamagitan sa kanila. Kasabay ng bawat pagsagwan ay pumasok sa utak ni Javvy na ang lalaking kasama ni Timber ang dahilan kung bakit hindi nito matanggap ang inaalok niyang pag-ibig. Kasabay ang pag-ihip ng hangin ay bumalik ang galit ni Javvy sa kanyang puso, galit sa lalaking kasama ni Timber. Kasabay ng bawat agos ng tubig sa ilog ay ang pagpatak ng mga luha ni Javvy.

“Timber, bakit? Kulang pa ba ang ginawa ko para sa’yo?” mga tanong ni Javvy sa sarili habang umaagos ang luha mula sa kanyang mga mata.

Nasaktan si Javvy sa nakita at hindi niya sinasadyang magalit. Habang lumuluha siya ay nakita niya pa rin ang pagpasok nina Timber at Miguel sa kamalig upang tumungo papunta sa harap ng salamin. Kahit hindi nakita ay kaagad namang naisip ni Javvy na ang salamin ang gamit ni Timber para tumawid mula sa magka-ibang panahon. Bago pa man tuluyang lumusot si Timber sa salamin ay nakapagtago na si Javvy.

Pagkatawid ni Timber ay tinakpan ni Miguel ang salamin sa nakaraan samantalang si Timber ay nakalimutan niya itong takpan dahil sa sobrang kasiyahan. Malapit na siyang lumabas sa bodega ng maalala na hindi pala niya natakpan ang salamin kaya bumalik siya.

Pagkakita niya sa salamin ay nakatabi na doon si Javvy, may hawak na kahoy. Hindi na nagtaka si Timber kung bakit nandoon si Javvy at kung ano ang plano niya.

Magkaharap sila at ngayon ay pareho na silang luhaan. Ang luha ni Javvy ay dala ng galit at inggit samantalang ang mga luha ni Timber ay dahil sa pagmamaka-awa.

“Bakit?” tanong ng luhaang si Javvy.

“Magpapaliwanag ako” paki-usap ni Timber.

“Huli na, hindi mo na siya makikita” galit na sigaw ni Javvy.

“Nagmamaka-awa ako, huwag mong ituloy ang binabalak mo” muling paki-usap ni Timber.

Pero wala ng ibang naririnig si Javvy ng mga sandaling iyon. Ang tanging umiikot sa utak niya ay dapat mabasag ang salamin para wala ng dahilan si Timber na makita pa ang lalaki sa ibang panahon, si Miguel.

“Hhhuuuwwwaaaggg!!!!!” sigaw ni Timber kay Javvy na makita niyang inangat niya ang kahoy at ipapalo niya ito sa salamin upang mabasag, pero kahit anong gawin ni Timber alam niya wala na siyang magagawa pa upang makabalik sa nakaraan para magkita silang muli ni Miguel.

Pagkatapos niyang sumigaw na nagkalat sa kanyang harapan ang bubog ng salamin na naging daan niya pabalik sa nakaraan.






-FIN -

No comments: