Showing posts with label Task Force Enigma : Perse Verance. Show all posts
Showing posts with label Task Force Enigma : Perse Verance. Show all posts

Friday, August 19, 2011

Task Force Enigma : Perse Verance 3

Photobucket


Para kay Chii-Choi, pagtiyagaan mo muna ito. Ahaha, at kay Chack Chua na itinalaga ko nang kabiyak ng puso ng isa sa aking TFE Boys...

Enjoy reading...

Chapter 3

Nang matiyak na wala siyang tama ay saka mabilis na binunot ni Perse ang baril. Pinakinggan niyang mabuti kung saan nanggagaling ang putok. May kalapitan iyon sa bahaging kinabagsakan ng babae. Nahihirapan tuloy siyang tukuyin kung tinamaan ba ito o kung ano na ang nangyari dito. Subalit may malinaw at mapanganib na banta sa paligid na dapat muna niyang i-neutralize. Hinanap niya si Raymond. Nasa gilid ito ng mobile at hawak na rin ang baril.

Tinanguan niya ito.

Susubukan niyang lapitan ang babae ayon sa senyas niya at kailangan niya ng cover. Hindi pa siya tapos magbigay ng instructions dito ng may gumalaw sa halamanang naghihiwalay sa rough road at sa maisan ng mga Barnes.

Hindi na siya nagpatumpik-tumpik pa at mabilis na nagpaputok ng warning shot.

"Tigil! Pulis ito!"

Ngunit nagpaputok lang ulit ang kung sinomang nasa likuran ng mga halaman. Napangisi si Perse. At least, mukhang lalaban ang isang ito. Matagal-tagal na rin siyang natengga sa aksiyon. Last niyang pakikipagsagupaan ay ang bakbakan nila laban sa mga alagad ng Koreanong drug lord.

Mabilis niyang iniumang ang baril sa bahaging may gumalaw at saka nagpaputok ng dalawang beses. Doon nanggaling ang putok kaya tiyak niyang hindi pa nakakalayo ang hunghang na kumalaban sa kanya.

Narinig niyang may sumigaw ng malakas.

Bull's eye!

Napangiti siya ng malawak saka mabilis na sinenyasan si Raymond na natulala yata sa ginawa niyang pagkilos. Pinaalalayan niya rito ang babae na nakahandusay pa rin sa daan.

Pinuntahan niya ang bahaging pinaputukan ngunit tulad ng inaasahan niya ay wala siyang nakitang tao roon maliban sa bahid ng dugo. Sinundan niya ang patak ng dugo at mabilis na nahinuha kung saan ito nagtungo. Mabilis siyang pumitas ng isang dahon na may bahid ng dugo at isinilid iyon sa bulsa.

Tinakbo niya ang bahagi ng maisan na tumutumbok sa highway. Narinig niya ang malakas na pagsara ng pinto ng isang sasakyan at ang pagharurot nito ngunit hindi na niya nalaman kung anong klaseng kotse iyon dahil nakasabay na ito sa maraming bilang ng mga sasakyan.

"Putang..."

Binalikan niya ang babae na ngayon ay binabantayan ni Raymond. "Nakatakas?"

"Oo. Hindi ko naabutan." Tiningnan niya ang walang-malay na babae.

Maingat niyang nilapitan ang biktima saka masusing pinag-aralan ang kalagayan nito. May nakita siyang dugo pero wala itong tama ng baril. Marami itong pasa at sugat sa katawan. Unang tingin niya ay rape victim ito. Maingat niyang hinawi ang katawan nito paharap sa kanya saka pinulsuhan.

Nakadama siya ng relief ng malamang stable naman ang ilang vital signs nito. Hinawi niya ang buhok nito na tumatabing sa mukha. Bata pa ang babae. Mukhang wala pang bente-anyos. Maganda ito sa kabila ng mga bugbog sa mukha at katawan.

"Buhatin na lang natin 'tol. Wala namang tama ito, eh," sabi ni Raymond sa kanya.

"Sige. Ra-radyo na lang ako sa istasyon," pagsang-ayon niya saka tumulong sa pagbuhat ng di nakikilalang babae.

Habang daan papuntang ospital ay napalingon siya sa biktima na nasa backseat na nang mobile patrol. Kung sinoman ang bumabaril kanina ay obvious na siya ang target. Bakit ayaw siyang palapitin dito? Sino ang babaeng ito?

Nanggigigil na bumaling siya sa bintana saka nagpakawala ng marahas na paghinga. Naiinis siya sa sarili dahil ni anino ng sasakyang ginamit ng talipandas na nagpaputok sa kanila kanina ay hindi niya nakita. Mas natutuon ang ngitngit niya sa sarili kaysa sa salarin.

"Okay ka lang 'tol?" tanong ni Raymond.

Napatingin siya rito.

Walang saysay kung magngingitngit pa siya ngayon. Makakabawi rin siya sa ungas na nagpaputok sa kanila. Marahan niyang tinapik ang balikat ng ka-partner.

"Okay lang ako."

Tinanguan lang siya nito saka nagmamadaling nag-drive. Pagkatapos nilang ihatid sa ospital ang babae ay tumawag siya ng mga pulis na magbabantay dito. Dumiretso sila nang presinto at siya na ang nag-file ng criminal report.  Dumagsa rin ang ilan pang kaso na kailangan niyang i-file kaya pasado alas-sais na siya ng gabi natapos.

Nagkasundo sila ni Raymond na bukas na magpunta ng ospital para kwestiyunin ang babaeng nakita nila dahil wala pa rin daw itong malay ayon sa mga nagbabantay.

Sabay na silang lumabas ng presinto . Sumakay si Raymond sa Rav Four by Four Pick-up nito habang siya ay  pinuntahan ang kanyang Audi R8 Type 42. Inilagay rin niya ang kanyang Glock .357 na paborito niyang gamitin simula ng magkaroon siya ng permit to carry.

Naka-alerto ang lahat ng senses niya hanggang sa makarating siya sa kanyang apartment. Alisto niyang pinasadahan muna ng tingin ang mga nakatambay sa labas bago bumaba ng sasakyan at mabilis na sinusian ang pinto. Wala pang isang minuto ng makababa siya ng sasakyan at makapasok sa loob ng bahay ang nakalilipas. Ganoon kabilis siya kung kumilos kapag inaatake ng adrenaline rush.

Kinapa niya ang bulsa at inilabas ang dahon na may bahid ng papatuyo ng dugo ng salarin kanina. Kinuha niya ang kit na ipinadala sa kanya ni Cody para makapag-eksamin ng mga specimen. Maayos siyang kumuha ng cotton buds at ipinahid ang dulo niyon sa dugo.

Maingat niya iyong isinawsaw sa isang vial na naglalaman ng isang solution. Inilagay niya ang vial kasama ng dahon na may tuyong dugo sa isang maliit na kahon saka tinawagan si Cody.

"Unabia, may regalo ako sa'yo," bungad niya ng sumagot ito sa linya.

"Langya, ang bilis mo 'tol. May napatay ka kaagad diyan?" biro nito.

"Ulol. Kung nadale ko nga sana eh di walang problema. Pero dugo lang ito 'tol. Try mong alamin kung kanino galing. Subukan mo muna kay Keng Barnes."

"Oki doki."

"Salamat."

Napaupo siya pagkatapos nilang magusap ni Cody. Mukhang tumatanda na siya ah. Nasa treinta pa lang naman siya pero feeling niya, ang kunat na nang buto niya.

Kulang ka lang sa aksiyon.

Mukha nga.

Kinuha niya ang baril saka nagtungo sa banyo para maligo.



"SIR ALEXANDER, emergency po galing Suyo Private Hospital. May nangyari raw po sa pamangkin ninyo na si Eloisa."

Nabitiwan ni Alexander ang cellphone nang marinig ang isinambulat na balita sa kanya ng assistant. Nasa office siya ngayon ng kanilang farm at kasalukuyang busy sa pagtawag sa mga prospective buyers ng mga produkto nila.

"A-asaan daw?"

"Sa Suyo Private Hospital daw po," may simpatyang sabi nito.

"S-salamat..." nanghihina niyang sabi.

Si Eloisa ay pamangkin niya sa pinsan at mahal na mahal niya. Subalit hindi ito pinapansin ng sariling magulang. Hiwalay na kasi ang mga ito kaya naman ng magpunta ito ng Pilipinas dalawang taon na ang nakararaan ay siya na ang nagkusang mag-aruga dito. Pinatuloy niya ito sa mansiyon sa kabila ng hostility nito. He used to hug her when she was a kid. Hindi na ito iba sa kanya.

Misguided. Iyon ang tamang taguri sa kanyang pamangkin. Hindi rin naman kasi niya natutukan ng husto ang mga aktibidades nito sa bahay at sa eskwelahang pinagpasukan niya rito kaya wala siyang alam sa mga pinaggagagawa nito. For crying out loud, his niece was already eighteen. Old enough para mapagsabihan pa na parang bata. When he was her age, may sikretong boyfriend na siya.

Ayhian...

Napaka-ironic na maiisip pa niya ang lalaking iyon sa kabila ng biglaang pagkawala nito. Hindi na nakita ang katawan nito pero never siyang nag-isip na patay na ang dating kasintahan. Baka nakatakas lang ito.

Binuksan niya ang computer at tiningnan ang pictures ng pamangking si Eloisa. Paano niya kaya ito matutulungan kung ayaw naman nitong magpatulong sa kahit na kanino? Kahit sarili nito ay ayaw nitong pakinggan. She used to be so sweet.

Hiwalay sa unang asawa ang kanyang pinsang si Jinkee na siyang nanay ni Eloisa. Nakatira ang mga ito dati sa Australia ngunit ng makapag-asawa ito ng iba ay iniwan at ipinaako nito ang responsibilidad sa anak sa dating asawang si Shaunlex. Sinusustentuhan lang ng pinsan niya ang anak na nasa poder na ama nito na nasa Australia din.

Two years ago, nakiusap si Jinkee na umuwi muna ng Pilipinas si Eloisa. Inaaway raw kasi ito ng bagong madrasta. Pumayag si Shaunlex kaya naman napunta sa kanya si Eloisa. Noong una ay maayos ito ngunit kalaunan ay lumala ng husto ang palalong pamangkin.

Barkada at puro good time lang ang inatupag nito. Halos lahat ng gulo ay pinasok na nito. Car racing, inom, marijuana, magarbong house party na nauuwi sa away, bar fights at kung anu-ano pang nagpapaikot ng puwit niya sa gabi at sentido niya sa umaga.

At heto nga, lately ay nabalitaan niyang may jowang tomboy. Maayos sana ang pakiramdam niya kundi lang niya nalamang si Keng Barnes na isa pang pasarap sa buhay at magulo ang mundo ang naging karelasyon nito.

Undergraduate. Six years na sa college pero hanggang ngayon ay second year pa rin. Ka-eskwela ito ng pamangkin niya at sa pagkakaalam niya ay may-ari ng isa sa malalaking asyenda sa bayan na iyon ng Suyo.

Nagtagis ang bagang niya. Mukhang nakahanap ng kakampi sa katauhan ni Keng ang kanyang wala na sa hulog na pamangkin. Kilala pa namang gumagamit ng ipinagbabawal na gamot ang Keng na iyon pero wala siyang lakas ng loob na sitahin si Eloisa sa takot na maglaslas na naman ito na minsan na nitong ginawa.

Nananakit ang ulong tumayo siya at kinuha ang susi ng sasakyan. Tinawagan niya si Jocelyn at sinabing pupunta lang siya ng hospital. Hindi na siya nagpaliwanag rito at nagmamadaling pinaharurot ang sasakyan patungo ng ospital.



MATAMANG tinititigan ni Perse ang babaeng nakahiga at tulala sa kama sa loob ng ospital. Niradyuhan sila agad ng istasyon na gising na ito. Dinalaw na raw ito ng tiyuhin na taga-Suyo lang rin pala. At least di sila mahihirapang tukuyin kung sino ang salaring nakasagupa nila kahapon.

Nalaman niya sa lab tests nito na walang pamumwersang naganap kahit pa may indikasyong nakipag-sex ito. Consensual iyon kaya hindi ito maituturing na rape victim, subalit ang mga pasa, sugat at bugbog na inabot nito sa katawan ay sufficient evidence na para masampahan ng kasong frustrated murder ang sumalbahe rito.

Pero ayaw magsalita ng babae. Hindi sa hindi ito makapagsalita kundi ayaw talaga nitong umimik. ANg sabi ng mga nurse kagabi ay naghihiyaw ito pagkakita sa tiyuhin pero pagdating sa kanila ay daig pa nila ang nakikipag-usap sa bingi.

"Why are you staring at me?" asik nito sa kabiglaanan niya.

"Nothing. Iniisip ko lang kung sino ang responsable sa nangyaring pambubugbog sa iyo na alam kong kilala mo pero pinagtatakpan mo lang. That person tried to kill us yesterday. But I hate to say this, mukhang siya ang tinamaan ko dahil may nakita kaming blood traces sa maisan ng mga Barnes. Now, kung hindi ka magsasalita, oras na matukoy namin kung kanino ang mga finger-prints na na-lift sa katawan mo at kung kanino ang dugo na iyon at mapatunayan naming pinagtatakpan mo, wala akong magagawa kundi ang kasuhan ka ng obstruction of justice."

Hindi nagsalita ang babae.

Nagngitngit ang kalooban ni Perse sa ginawa nito. Ang haba ng litanya niya tapos hindi siya iimikin? Namputsa! mura niya sa isip. Napatingin siya sa pinto ng pumasok si Raymod.

"Lumabas na ang drug test mo. Langya, positibo ka pareho sa shabu at marijuana, tapos may mga na-detect pa na iba't-ibang klaseng pampa-high. Confirmed 'tol. Addict ang isang ito." Iniitsa nito sa kanya ang folder na naglalaman ng lab tests.

"Putang ina niyo hindi ako adik! Sinubukan ko lang yun!" nagpa-panic sabi kaagad nito.

Napangisi si Perse. Mukhang may kinatatakutan rin naman pala ang isang ito. Tinaasan niya ito ng kilay at binigyan ng pamatay niyang tingin. "Your sweat stinks. Masahol pa ang amoy mo sa isang rugby boy na napadaan sa harapan ko. Amoy droga ka ineng, at wala kang kawala sa kasong iyon kung hindi ka magsasalita at ituturo ag may gawa nito sa'yo. Violation of Republic Act 9165 yan, otherwise known as Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002."

Hindi ulit ito umimik.

Malapit ng kumulo ang dugo ni Perse sa isang ito. Kapag rumaratsada siya ng talak ay nananahimik ang talipandas. Namumuro na ito. Isa pang tawag sa 'O', bibingo na ito.

"Ayaw mo raw sabihin ang pangalan mo. Ni kung sino ang kokontakin para may mag-claim na kamag-anak sa'yo. Mabuti na lang at nakilala ka ng isang nurse dito at nasabihan ang tiyuhin mong may asyenda rito. "Tol, mukhang mayaman ang isang ito. Taga-Villa Alexander daw ito at pamangkin ng may-ari." ani Raymond.

Nanigas at nanlamig ang buong kalamnan niya sa narinig.

"Can you please shut up? Ang ingay mo eh!" sigaw ng babae sa ka-partner niya.

"V-villa Alexander k-kamo...?" he breathed.

"Oo 'tol. Bakit kilala mo ba yung may-ari?" kunot-noong tanong ni Raymond.

Napahawak siya sa dingding na malapit sa kanya. At ang biglang paninikip ng kanyang paghinga ay lumala ng bumukas ang pinto at iluwa ang mukha ng isang taong matagal na niyang pilit kinakalimutan.

"A-alex..."

Sinalubong siya ng namimilog na mata.

"A-ayhian..."


Itutuloy...

Wednesday, August 3, 2011

Task Force Enigma : Perse Verance 2

Photobucket




Hello guys, kagaya ng pangako ko sa inyo noon. Ibang klaseng TFE ang kay Perse. Sana magustuhan ninyo. Lalo ka na Chii... ganoon din sa'yo Keng... :)


Chapter 2


TWO WEEKS LATER...

Pagpasok na pagpasok ni Perse sa loob ng Suyo Community Precint ay napailing siya dahil nakita kaagad niyang nakaupo sa harap ng kanyang mesa ang kapitbahay na si Mrs. Vicky Regpala. Halatang kanina pa siya nito hinihintay base sa inip na inip na ekspresyon sa mukha nito.

Isang linggo kasi ang nakararaan ng malaman nito ang pagiging bagong lipat na pulis niya sa bayang iyon ay hindi na siya nito tinantanan ng reklamo sa isang partikular na bagay. Ang bahay ng mga Barnes na siya rin niyang minamanmanan ng palihim.

May mga isandaang metro ang layo ng bahay ni Mrs. Regpala sa bahay na tinutukoy nito na hacienda na rin kung maituturing. Ang tinutuluyan naman niya ay isang apartment sampung metro ang layo sa bahay ng ginang.

Naging suki niya ito sa presinto sa pagrereklamo ng mga diumano ay mga ilegal na aktibidades sa napagiinitan nitong bahay ng araw na malaman nitong isa siyang pulis. Hindi niya alam kung ikatutuwa niya o ikaiinis ang ginagawa ng ginang kundi lang sa sikretong misyon niya. At least may maipantatakip siyang tao, iyon nga lang inosente ito at marami-rami na rin ang natatanggap niyang reklamo ukol sa ginagawa nitong pagmamanman sa mga kapitbahay.

Napaungol siya ng bahagya sa buena-manong sakit ng ulo na kakaharapin niya.

"Good morning po, Mrs. Regpala," bati niya rito nang makarating sa kanyang mesa. Nanatili siyang nakatayo.

"Perse, bakit hindi niyo naman ina-aksiyunan ang reklamo ko sa kapitbahay natin? Sobrang dami na nang ipina-file kong complaints. Bakit ganoon? Puro addict na nga sa lugar natin pero wala naman kayong ginagawa. Lalo na ikaw at naturingang pulis ka!" Hysterical kaagad na banat ng ginang sa kanya.

Pinigilan niyang mapa-ikot ang mata sa inis. "Sandali lang po, Misis... Ano po ba ang reklamo ninyo this time?"

"May mga dumating na kotse at van. Mga lima yata. Basta, marami! Pagkatapos, nagsimula agad ang party. Sure ako, may drugs sa loob ng bahay na iyon. Panay ang tawag ko sa presinto at sa apartment mo pero walang sumasagot. Pati sa barangay. Ano bang pinaggagagawa ninyong mga alagad ng batas kayo?"

Naningkit ang mata ni Perse sa narinig pero wala siyang panahong patulan ang makulit na matandang ito. Ayaw man niyang kinukwestiyon siya ay isang importanteng lead pa rin ang nakuha niya. Ganunpaman, "Mrs. Regpala, ma'am..." huminga muna siya ng malalim bago nagpatuloy. "Nasa operation din po kami nang mga oras na iyon. Iilan lang po kaming pulis ang naririto. At saka ilang beses na po ba naming sinabi sa inyo na private party ang nagaganap na kasiyahan sa loob ng property ng mga Barnes. Malayo po ang mansiyon nila sa main road, wala pong nakakarinig at wala naman pong complaints ng public disturbance mula sa mga kalapit na hacienda.

Ipininag-diinan na niya ang salitang "hacienda" para ma-realize ng kausap kung gaano kalaking lupain ang pinag-uusapan nila bago makarating ang ingay na sinasabi nito laban sa kapitbahay.

"Nakita ko sila!" pagpipilit nito.

"Papaano po ba ninyo nakikita ang mga kaganapan sa loob?" saka lang siya naupo at hinarap ng lubusan ang may-edad na babae.

Umilap ang mga mata nito. "Ah basta, nakita ko sila!" paiwas na sagot nito katulad din ng mga nakaraang sagot nito kapag tinatanong nila.

Napailing na lang siya. Hindi na siya nagtanong pa at hahaba lang ang usapan. Isinulat na lang niya sa isang log book ang sinabi nito kagaya ng dati. Mismong ang asawa na nga nito ang humingi ng dispensa sa kanila ng huli itong magpunta sa istasyon para ireklamo ang bahay ng mga Barnes. Nagresulta kasi iyon mula sa paninilip ng ginang gamit ang binoculars na binili pa nito sa Europa para gamitin sa paniniktik ng mga kapitbahay.

Napakarami nang harassment complaints ang natatanggap ng istasyon nila mula mismo sa mga kapitbahay ng mga Regpala. Wala pa kasi siya doon ay sobra ng pangungulit ang ginagawa nito sa mga pulis. Hindi na rin siya nagtaka kung paano nito nalamang alagad siya ng batas. Kung hindi nga lang siguro matanda na ang ginang ay malamang na kalaboso na ito sa patung-patong na demandang matatanggap mula sa pamboboso ng mga pangyayari sa buhay ng mga kapitbahay nito.

"Hindi po pwedeng basta na lamang kaming sumugod doon at mag-conduct ng raid. Lalo pa at kapag tinatanong namin kayo eh 'basta' lang ang isinasagot ninyo. Ang mabuti pa ho, umuwi na kayo at magpahinga. Aba'y ang laki na ng eyebags ninyo kakapuyat."

"Ano bang klaseng pulisya ito? Palagi mo na lang akong pinapauwi pero di mo naman inaaksiyunan ang mga inirereklamo ko. Kapitbahay pa naman kita!" mataas ang tinig na sabi ng ginang pero di naman tumatayo.

"Naitawag na iyan sa kanila, 'tol. Susunduin na raw ng anak," bulong ng isang kasamahan niyang dumaan sa likuran niya.

"Madam, kumalma lang po kayo." Tiningnan niya ang mga report na tatapusin ng araw na iyon. "Kahit pa ho may complaints kayo ay di kami pwedeng basta na lang pumasok doon dahil private property po ang hacienda. Madedemanda ho kami ng trespassing. Kayo po ba, gusto ninyong basta na lang may pumapasok na mga pulis sa bahay ninyo habang may party?"

"Siyempre hindi. Alam naman kasi ng lahat na wala rito ang magulang ni Keng kaya palaging maraming tao sa bahay nila," tukoy nito sa anak ng may-ari ng bahay. "Pupusta akong puro adik ang mga kasama ng tomboy na yun."

"Mahirap po ang ganyan na nambibintang tayo agad-agad, Misis, lalo at wala kayong ebidensiya. Pwede ho kayong makasuhan ng slander at oral defamation. Saka, nakalalagpas ho sila sa checkpoint ng bayan natin kaya siguradong wala silang dalang droga.Mahirap ho talaga ang hinihiling ninyo sa amin." Naiinis na siya sa paulit-ulit na sinasabi. Para na siyang sirang-plaka.

"Mommy!"

Napatingin silang lahat sa pintuan nang nagmamadaling pumasok ang babaeng anak ni Mrs. Regpala. Napa-roll eyes na talaga siya ng makita ang suot nitong spaghetti-strap na eksaherado ang plunging neckline na tinernuhan ng sobrang-hapit na mini-skirt at mataas na sandalyas.

Maganda sana ito kundi lang masyadong obvious ang pagpapa-cute sa kanya.

"O, Patrice, hija. Mabuti at naririto ka. Sabihin mo nga sa kanila kung ano yung mga nakita ko kagabi."

Biglang nag-blush ang babae. obvious na hiyang-hiya sa self-incriminating words ng ina. "Halika na, ipinapasudo ka na nila Daddy. Pupuntahan daw natin yung kapatid mo sa Batangas. Kasama raw yung kumare mong Melanie."

"Talaga?" namimilog ang matang sabi nito. "Hmp! Sige na nga. Makaalis na nga lang rito sa lugar na pulos adik naman ang nakatira, tapos ayaw hulihin."

Nahihiyang sumulyap sa kanya si Patrice. Nginitian niya ito na hindi niya madalas gawin, pero dahil sa kanyang misyon, kailangan niyang magpanggap. Nang tingnan niya si Mrs. Regpala ay inirapan lang siya nito. Napailing na lang siya sa inasal ng ginang. Umalis na lang ito at sumama sa anak ng walang paalam. Bumalik naman agad si Patrice sa mesa niya. Pinigil niya ang pagtaas ng kilay ng yumuko ito paharap sa kanya, exposing her cleavage in front of him.

"Sorry sa inasal ni Mommy, ha Perse. Ikaw na ang bahalang magpasensiya," ani Patrice sa malambing na tono.

Hinawakan pa nito ang kamay niyang nakapatong sa lamesa at pinaglaruan iyon. Her smooth fingers were giving his palm flirty circular motions. Kung nagkataong silang dalawa lang, malamang patulan niya ito. Ngumiti siya bago disimuladong binawi ang kamay.

"Kung pwede lang Patrice, itago niyo na ang binoculars niya," sabi niya rito. "Kung hindi kasi ay mapipilitan kaming damputin siya. Kahapon lang ay dalawang reklamo na ang natanggap namin laban sa mommy mo. Ayoko naman gawin sa kanya iyon hangga't maaari pero wala kaming magagawa kapag sumobra na siyang talaga."

Sa gulat niya ay naupo ito sa lamesa niya. "Oh Perse, ang bait-bait mo talaga!" anito sabay kabig sa ulo niya dahilan para masubsob siya sa mayamang dibdib nito. "Agad siyang kumalas sa babae dahil sa hiya niya sa mga nakatinging kasamahan.

"Anak ng teteng... huwag mo na ulit gagawin iyon, Patrice. Kababae mong tao. Nasaan ang propriety mo?" galit-galitan niyang sabi kahit pa nag-enjoy siya.

Ngumiti lang ang bruha. "Ikaw talaga. Ang cute-cute mo kapag nagsisinungaling ka," sabay pisil sa pisngi niya. "Aalis na ako. Ayaw mo bang sumama?" malagkit ang tingin na ibinibigay nito sa kanya.

Nagtanggal siya ng bara sa lalamunan. "Ah... next time na lang. Maraming trabaho oh." inangat pa niya ang mga folder sa lamesa.

Lumarawan ang disappointment sa magandang mukha ni Patrice pero agad iyong napalitan ng marinig ang sunod niyang sinabi.

"Pasalubungan mo na lang ako ng kahit ano."

"Really. Pwede na ba ang mga halik ko. Gusto mo magbaon ka pa?" malanding sabi nito na ikinasamid niya. Buti na lang wala siyang iniinom kung nagkaton ay napasukan pa siya sa ilong.

"B-bahala ka!"

"Yes!" Sigaw nito sabay mabilis na ginawaran siya ng halik sa kanyang labi. Hinayaan lang niya ito dahilan para maghiyawan ang mga kasamahan niya.

Agad din niyang pinutol ang halik na hindi naman niya tinugon saka inilayo ang babae sa kanya. "Tama na. Mahuhuli na kayo ng mommy mo."

Parang kiti-kiting biglang nawala ang babae sa harap niya dahil sa kanyang sinabi. Pero bago iyon, nag-iwan pa ito ng malanding kindat sa kanya. Napailing na lang siya.

Pagkaalis ng babae ay umulan ng nilamukos na papel sa lamesa niya na siya ang puntirya. Natatawang inilagan niya iyon isa-isa saka nagpatuloy ng trabaho ng matapos ang tuksuhan.

Sa loob-loob ni Perse, kailangan niyang matapos ang misyon para makaalis na siya sa environment na bumabago sa sistema niya.

Pinag-aralan niya ng maigi ang mga nakalap na impormasyon. Kailangan niyang malagyan ng surveillance camera at transmitter ang loob ng bakuran ng mga Barnes. Si Keng Barnes ay isang tomboy na pinalalayaw ng mayayamang magulang sa bayan na iyon ng Suyo. Ilang kilometro lang ay ang hacienda na nila Alexander ang makikita mo paglampas mo sa mga Barnes. Hindi pa siya nagpupunta doon. Walang rason. At hindi hinihingi ng pagkakataon.

Kinuha niya ang unang file sa mga nakasalnsan sa lamesa niya at binasa. Files iyon ng nakpalitan niya. Inilingid sa lahat ang totoong posisyon niya. Naging 'demoted' siya sa PO3. Nirebisa niya ang mga petty cases na hawak niya at tanghali na siya natapos.

Nag-isip siya ng paraan kung paano makaka-penetrate sa lugar ng mga Barnes ng walang nakaka-alam. Inisip niyang pwede niyang gamitin ang mga ibinigay na device ni Jerick, ngunit sa gabi lang siya pwedeng kumilos ng hindi nakikita. Kailangan niyang ikutan ang paligid ng bahay ni Keng Barnes para makasiguro.

Natigil ang malalim niyang pag-iisip ng bulabugin siya ng kanyang partner na si Raymond Funclara. Binata. Beinte y nueve anyos na ito at tubong Tagudin. Pamilya ito ng pulis at sinadyang doon magpadestino sa Bayan ng Suyo.

Unang tingin pa lang niya rito ay alam na niyang 'kalahi' niya ito. Magaling din pumorma at lalaking-lalaki ang kilos. Iyon nga lang, nahuhuli niya minsan ang mga palihim na sulyap nito sa kanya kaya di na siya nagtataka. Binabale-wala lang niya ang mga simpleng hawak at tingin nito hindi dahil ayaw niyang mahalata kundi ayaw niyang magpaliwanag ng magpaliwanag kaninoman.

Kapag kasi naumpisahan na niyang sabihin dito sa parehas silang silahis ay malamang na masabi rin niya na nagpapanggap lang siyang nagpadestino doon. Ayaw niya ng maraming usapan kaya nga kino-congratulate niya ang tolerance niya kay Mrs. Regpala.

"Saan tayo iikot 'tol?" tanong ni Raymond.

"Dito na lang din sa downtown. Wala namang report sa ibang lugar. Mabuti naman."

"Ikutan kaya natin yung bahay ni Barnes? Naintriga ako sa sumbong ng matandang Regpala." suhestiyon nito.

Napangiti siya. "Maganda yan. Gusto ko yan."

Inikot na nito ang mobile sa pupuntahang lugar.

"By the way, 'tol. Pauwi ang best friend kong si Emmanuel. Toma tayo sa bahay. Maraming dalang alak yun. Gusto mo magsama ka ng chicks mo."

Natawa siya sa labas sa ilong na pag-iimbita nito ng mga 'chicks' daw niya. One of the things na sinanay sa kanila sa Task Force Enigma ay ang mag-observe na maiigi. Mula sa kilos. Pananalita at ugali. Kailangang i-program ang utak nila sa mga ganoong bagay at tandaan ang lahat ng impormasyong iyon.

Umiling siya.

"Hindi ako tumutoma 'tol."

Nakita niya ang saglit na pagsimangot nito mula sa peripheral vision niya. "Okay." ani Raymond nang lumampas na sila sa mataong vicinity na kinaroroonan ng tahanan ng mga Regpala. Tinumbok nila ang malawak na kalsadang kanugnog ng hacienda ng mga Barnes. Maisan ang gilid nun at nasa likod ng mga kabahayan. Kung inaabot iyon ng binoculars na gamit ni Mrs. Regpala ay tiyak na very powerful ang lente ng binoculars nito.

"Ihinto mo diyan sa gilid," aniya nang makarating sila sa gita ng kalsada.

"Paano, tatayo lang tayo rito?" takang tanong ni Raymond.

"Hindi. Iikutan natin yung gilid tapos babalik din agad tayo. Malapit nang mag-uwian ang mga nasa elementary school. Matyagan natin at baka magpakita yung itim na van na nangunguha raw ng bata."

Napapalatak ito. Halatang na-excite sa stake-out na gagawin nila.

"Mabuti talaga at ikaw ang kapartner ko. Nasasabak ako sa aksiyon ng dahil sa'yo eh."

Sa ibang pagkakataon ay mapapangiti siya sa sinabi nito dahil sa double-meaning na pahayag nito. Lumigid sila sa pilapil sa tabi ng bakod ng mga Barnes. Mataas ang bakod at pagkatapos nun ay mga mais na naman ang nakikita nila. Wala naman silang nakikitang anomalya.

"Kumaliwa tayo 'tol. Highway na ang tumbok nito eh." sabi ni Raymond.

"Sige."

Bumalik na sila sa sasakyan pagkatapos magmanman ng ilang minuto. Patanaw-tanaw rin siya sa bahay ng mga Barnes.

"Sobrang taas ng bakod 'tol. Ni hindi nga natin makita ang bahay." ani Raymond.

"Oo nga eh."

Pagdating sa sasakyan ay tinumbok nila ang daan pakaliwa sa tinambayang main road. Rough road ang daan doon sa highway.

"Hindi naman palalabas ng bahay iyang si Keng eh. Yun nga lang, sa gabi madalas ma-spot-an ang sasakyan niyan sa mga establishment sa bayan. Baka nga may drugs sila sa party, pero hindi tayo pwedeng basta-basta kumilos." imporma sa kanya ng kasama.

"Kung di natin gagawin ang pag-iikot na ito kahit minsan, hindi tayo tatantanan ni Mrs. Regpala." natatawang sabi niya.

"Oo nga ano?"

Nagktawanan sila sa sinabi nito.

Paliko na sila sa isang walang taong kurba ng malapit sa bahay ng mga Barnes nang biglang napa-preno si Raymond. Nanlaki ang mga mata niya sa nakitang babaeng tumatakbo papalapit sa kanila. Hindi na tuloy niya inalintana ang biglaang pagkasubsob sa dashboard. Di naman siya nasaktan.

Mabilis silang bumaba ng sasakyan habang ang atensiyon ay nasa babae. Madungis ito at tila wala sa sarili. Kumakaway ito sa kanila at punit-punit ang damit nito. Huminto ang babae at bumagsak sa lupa. Mabilis siyang tumakbo para lapitan sana ang babae ng maalarma siya sa sunod-sunod na putok ng baril. Mabilis siyang nag-dive sa lupa.

Alerto siyang gumulong papunta sa maisan. Hindi kasi niya alam kung saan nanggaling ang putok at kung sino ang target. Sinilip niya ang babae ng makapagtago siya. Hindi ito tumitinag sa kinalulugmukan.

Napamura siya.

Ano'ng nangyayari? piping sigaw niya sa biglaang kaguluhan na nangyayari.


Itutuloy...


Thursday, July 28, 2011

Task Force Enigma : Perse Verance 1

Photobucket

Sa lahat ng nagmamahal sa Task Force Enigma Boys. I love you all guys, from the bottom of my beautiful heart. :)


Chapter 1

“Sir, lahat ng report tungkol sa nangyaring shootout sa Guilty Island ay nariyan na pong lahat, Sir.” anang isang tauhan ni Perse sa kanya. 

It was a regular Monday at alas-nueve pa lang ng umaga ay naiinip na siya. Bilang head ng Homicide Department, dapat ay umaatikabong imbestigasyon at pagre-run ng mga di pa natatapos na kaso ang inaatupag niya but he doesn’t feel like doing anything today.

“Good. Dismissed,” tinatamad niyang sabi.

Walang partikular na dahilan kung bakit siya nagkakaganoon ngayon. In fact, ang sinabing report ay inayudahan ng kanyang kaibigan na si Cody sa kabila ng busy ito sa trabaho at may iniintindi na rin itong love-life.

Yes, they’re cold-blooded doctor-assassin turned out to be a loving boyfriend to Kearse Allen Concepcion. Isang contemporary writer sa Bi Out Loud Publishing na sinuwerteng napatino ang baluktot na utak ng kanyang kaibigan.

Nagsalita ang straight… ang utak.

Naiiling niyang tinampal ang noo. 

Sa kawalan niya halos ng tulog ay kung anu-ano na ang pinag-iisip niya. Nakikipag-usap na siya sa sarili at tinatampal ng wala sa loob ang sariling noo. Malala na talaga siya.

Tiningnan niya ang report. Guilty Island Shootout. Nagsimula iyon sa isang babaeng natagpuang patay sa dumpster ng establisyimento. Brenda David. Anak ng kilalang druglord sa buong Asya na si Francisco David. Nang imbestigahan ang may-ari ng bar na si Larry Salazar ay itinanggi nito ang pagkakakilanlan ng babae. Ngunit ng makakuha ng surveillance video ng pag-uusap ng biktima at ni Larry ang kanyang magaling na tauhang si SPO4 Aries Morallos ay nalaman nilang magkarelasyon ang mga ito.

Ngunit ang pagkamatay ng babae ay hindi sa bar nangyari kundi sa bahay ng isa pa nitong boyfriend na si Alfie Quinita. Sumisinghot ito ng inaakalang cocaine na nagkataong pesticide pala. Nag-collapse ito at tumama ang ulo sa fishbowl. Sinubukan itong iligtas ng nobyo sa pamamagitan ng pagsasalin ng sariling dugo, na isang pagkakamali. 

Ang biktima ay type O habang si Alfie Quinita ay A. Ang maling blood transfusion ang kumitil sa buhay ng anak ng druglord. Itinapon ang katawan ng biktima sa dumpster ng Guilty Island na pag-aari ni Salazar para ito ang pagbintangan. Ang mga sumunod na pangyayari ay hindi nila inaasahan. 

Nagbarilan ang dalawang nobyo ng biktima ngunit hindi sila ang tumapos sa isa’t-isa kundi mga hindi nakikilalang salarin. Malamang ay mga tauhan ng ama ng biktima. Naroroon sana si Cody para tirahin ang mga ito ng tranquilizer gun ngunit naunahan ito ng mga totoong sniper.

Nagsara ang kaso dahil wala ng suspect na maaaring idiin sa krimen. Sa ngayon ay iniimbistegahan nila kung saan maaaring nanggaling ang mga baling kumitl sa dalawang nobyo ni Brenda David.

Patamad niyang inihagis pabalik sa lamesa ang report ni SPO4 Morallos. Nabo-bore talaga siya sa mga oras na iyon. Wala namang malaking kaso ang dapat na asikasuhin sa ngayon kaya di niya alam ang gagawin niya.

Kailan ka pa nawalan ng gagawin Perse?

Naiinis na naihilamos niya ang kamay sa mukha. Oo nga. Kailan pa siya nawalan ng gawain? Kung minsan nga siya pa ang kumukontak kay Rick para lang magkaroon ng gagawin. Wait! Speaking of that sob.

Inilabas niya ang cellphone at idinial ang pribadong numero ng kanilang team leader sa TFE. Kaagad naman itong sumagot pagkatapos ng ikalawang ring.

“Tolentino…” narinig pa niya ang paghikab nito sa linya.

“Ungas ka. Gising ka na ba?” naiiling niyang sabi.

“Good Morning to you too…” sarcastic naman nitong sagot.

“Tumayo ka na Rick at may itatanong ako sa’yo.”

“Kanina pa nakatayo.”

“Ulol. Ang aga-aga may agiw na yang utak mo.”

“Ikaw ang may agiw ang utak. Kinulang lang ako ng salita ang dami mo ng naisip. Marumi kasi ang utak mo Major.”

Napa-ismid siya. “Ikaw na ang malinis. 

“Ano bang kailangan mo?”

Napabuga siya. “I need a breather. Tinatamad ako rito sa office.”

Narinig niya ang impit na pagtawa ni Rick. Hindi talaga ito marunong maglabas ng emosyon basta-basta. Halos katulad lang niya ito sa maraming bagay, except for one thing. Mas malala ito sa kanya.

“Huwag mo akong pagtawanan gunggong ka.” Asik niya rito.

Kumalma naman ang boses nito pero nai-imagine na niyang nakangising-aso ito sa kabilang linya. “Tsk! Malala na yan parekoy. Ano naman klaseng breather ang gusto mo?”

Sa pagitan nilang mga nasa TFE, kapag binabagot sila ay breather ang tawag nila sa mga assignment nila. Kapag ganoon kasi ay tumataas ang adrenaline nila at ang kanilang boredom ay automatic na nawawala. 

“Iyong maaaliw naman ako.”

“Sure. Meron ako ritong assignment na mukhang bagay na bagay sa iyo. Kaya lang medyo malayo ito.”

Na-curious siya sa tono ni Rick. Mukhang may alam ito na ayaw sabihin sa kanya.

“Sa Jolo ba iyan? Okay lang.” tinatamad niyang sagot.

“Hindi. Luzon lang ito. Pero four letters din.” Nang-iinis pa nitong sabi.

“Di ako manghuhula Rick, c’mon, spill it.”

“Alam mo ang lugar na ito Ayhian Nelson Flores.” Seryoso na nitong sambit.

Natigilan siya. Nanlamig ang katawan. “Putang…”

“Chill, pare. Siguro naman ay alam mo na kung ano ang ibig kong sabihin?” ito naman ang tila tinatamad ang boses.

“A-all this t-time… y-you knew…?” halos di humihingang sabi niya.

“Of course, pare. Wala kayong pwedeng itago sa akin.”

“Walanghiya ka Ricardo!” galit na sabi niya. 

“So ano? Ipapadala ko na lang ang file.” Balewalang-sabi nito.

“No…” ngunit nabitin na lang sa hangin ang sasabihin niya. “…way.” Tila nauupos na sambit niya.

Naloloka siya sa nalaman. Matagal na palang alam ni Rick ang tungkol sa totoo niyang pagkatao pero wala itong sinasabi sa kanya. All this time ay kampante siyang si Cody lang ang may nalalaman at aksidente pa nitong natuklasan ang tunay niyang pagkatao.

Shit ka Rick!

But then again, that was not Rick kung hindi nito malalaman ang bagay na iyon. Pero pagkakataon lang ba o talagang nag-imbestiga ito? Unknown ang inilagay niya sa profile niya noong pumasok siya ng TFE. At si General Mariano mismo ang nagbigay ng go signal para payagan iyon.

Naiinis na sinabunutan niya ang sarili. 

Maya-maya ay ginulantang siya ng tunog ng kanyang cellphone. File received. Ibig sabihin, ibibigay talaga sa kanya ni Rick ang assignment na iyon. By hook or by crook. At wala siyang choice.

Kinopya niya ang file sa computer. Hindi na siya nagulat ng makita ang ang pangalan ng lugar na nasa report. Isa iyon sa mga bagay na ibinaon na niya sa kahapon. Kasama ng pagpapalit niya ng pangalan labing-apat na taon na ang nakalilipas. Pilit niyang kinalma ang sarili habang pinapasadahan ng tingin ang nasabing report nang tumambad sa paningin niya ang isang pangalan na nagpatigas lalo ng kanyang mukha.

Nangalit ang kanyang mga bagang. 

Nagpasya siyang umalis muna.

Itinabi niya ang file sa isang sikretong folder at tumayo. Wala siyang ganang mag-isip maghapon sa opisina kaya lalabas na lang siya. Mukhang ang multo ng kahapon ay hindi siya pagbibigyan sa kanyang kahilingan na huwag na siayng habulin nito.

Nanlulumo niyang tinungo ang pinto palabas. Hindi na niya pinansin ang mga nagbigay galang na tauhan. Wala siyang paki-alam sa kahit na ano ng mga oras na iyon. Ang importante sa kanya ay makalanghap ng hangin kahit hindi pa iyon sariwa. 

Nang makalabas ay mabilis niyang tinungo ang sasakyan. Pagkapasok sa kotse ay hindi niya iyon agad pinaandar. Sa halip muli niyang sinulyapan ang pangalan sa cellphone na matagal na niyang kinalimutan.
Alexander Cruz.

Napangiti siya ng mapait. “It’s payback time.”

Kinuha niya ang cellphone at tinawagan ang isang taong mula sa kanyang nakaraan na siyang tanging nakaka-alam kung sino at ano siya ngayon.

“Hello. Ako ito. Meet me at twelve o’clock. Same place,” iyon lang at dagli na niyang nilisan ang lugar na iyon.


KAKAGISING lang ni Alex nang umagang iyon ng bulabugin siya ng nakasisindak na sigaw ng kanyang ama. Kung sa iba ay isa iyong panibagong araw ng pag-asa ay hindi para sakanya. Isa iyong panibagong araw ng kanyang kalbaryo.

Ang kanyang ama na isang napaka-impluwensiyang tao noon ay isa na ngayong baliw. Oo. Nagkaroon ito ng mild depression ng matalo ito ng subukan nitong kumandidato siyam na taon na ang nakararaan.

Hindi niya inakalang matatalo ito sapagkat napakalakas ng kanyang ama sa kanilang lugar. Ngunit isang bagay ang nagpangyari para hindi ito manalo. May ipinakalat na balita ang nakalaban nito tungkol sa pagiging mangangamkam ng kanyang ama. 

Dinadaan daw nito sa dahas ang mga gustong kunin ang lupain at kung hindi papaya ay maaaring mauwi sa patayan. Sinabi pa na ito ang dahilan ng pagkamatay ng patriyarka at matriyarka ng mga Flores na siyang katiwala nila.

Sa pagkaalala nun ay sumingit bigla sa isip niya ang isang pangalan at mukha. 

Ayhian…

Napalis ang ngiting sana’y sisilay sa kanyang labi ng muling makarinig ng sigaw. Mabigat ang katawang bumangon siya. Mabagal na iniligpit ang higaan at saka naghilamos at nagbihis.

Pagbaba niya ng kanilang datingmasiglang mansiyon ay lalo siyang nanlupaypay ng makitang binubuhat ang kaniyang am ang dalawang elderly habang sinu-supervise ng kanyang kaibigan at kababatang si Jocelyn na isang registered nurse.

“Good Morning, Alex.” Bati nito sa kanya.

Napangiwi siya. “What is good in this morning kung ganito palagia ng sasalubong sa akin Jocelyn?”

“Ikaw naman. Hindi ka na nasanay. Magkakaroon din ng development ang Daddy mo.”

Napabuga siya. “Kailan pa?”

“Just pray. Pray harder.” Anitong pinisil pa ang kamay niya.

Isang tipid na ngiti ang pinakawalan niya. Ito ang nurse ng kanyang ama ng ma-depress ito. Kakapasa lang nito ng board noon at hanggang sa matuluyang mabaliw ang kanyang magulang ay ito na ang kinuha niya. Mabuti ng kilala niya ang nag-aalaga sa kanyang ama.

“Siyanga pala, Alex. Aalis muna ako. May nag-text kasing pinsan ko sa Maynila. Nagpapasundo yata yung nanay niya.

“Ikaw naman. Bakit nagpapa-alam ka pa. Pamilya na tayo rito Jocelyn.”

“Sus, alam mo namang hindi ko kinasanayan iyan. Mabuti ng alam ko ang pagitan nating dalawa.”

Ewan niya pero kahit nakangiti it habang nagsasalita ay may pakiramdam siyang may pinaghuhugutan ang sinasabi nito.

“Ikaw ang bahala.” Kibit-balikat niyang sabi.

“Salamat.” At nagpaalam na ito.

Tinungo niya ang silid ng kanyang ama. Sinenyasan niya ang mga nagbabantay na elderly na lumabas ng saglit. Tinitigan niya ang ama na ngayon ay tulog na.

Araw-araw na ginawa ng Diyos ay hinihiling niyang sana ay gumaling na ito o magpakita ng positibong development. Ngunit sa mga nakalipas na taon ay nakailang espesyalista na sila ngunit iisa lang ang diagnosis. Malala na ang kanyang ama.

Nilapitan niya ito at hinaplos ang numinipis ng buhok. Ang laki ng itinanda ng kanyang ama. Wala na ang dating gilas nito na kinatatakutan at kinaiinggitan ng marami noon.

“Daddy… please tell me what to do. Nahihirapan na ako…” aniya sa mahinang tinig.

Naninikip ang dibdib niya sa nakikitang sitwasyon ng kanyang ama. Wala siyang alam na maaaring makatulong sa kanya ngayon kundi ang kanyang sarili. At hirap na hirap na siya.

Awa ng Diyos, simula ng magkaganoon ang kanyang ama ay siya na ang napilitang magpatakbo ng hacienda. Afterall nakapangalan na iyon sa kanya. Sa murang edad na bente-uno ay kinailangan niyang pag-aralan ang pagpapatakbo ng malawak nilang lupain.

Thank God he made it. 

At sa tulong ng mga mapagkakatiwalaang tao ay maayos ang takbo ng kanilang negosyo. Iyon nga lang, hindi na ganoon ang tingin ng mga tao sa kanila. Nangingilag ang mga ito na tila anumang oras ay mapapatiran din siya ng matinong pag-iisip.

Napasinghot siya. Hindi niya namalayang tumulo nap ala ang luha niya. Mabilis niya iyong pinahid. “Dad, I’m going to work now. Please take good care and behave yourself,” pinisil niya ang kamay nito.

Sa gulat niya ay pinisil iyon pabalik ng kanyang ama. Mahina lang pero hindi niya maitatangging naramdaman niya ang pagtugon nito. Nabigyan siya ng kaunting pag-asa. Sa mga ganoong moments of lucidity ng kanyang ama ay nakakaramdam siya na nauunawaan siya nito sa kabila ng kapansanan sa pag-iisip.


“MAGPAPANGGAP ka bilang isang pulis Maynila na nadestino sa Bayan ng Suyo. Pero ang tunay mong misyon ay ang manmanan ang isang hinihinalang drug den. Pag-igihan mo ang stake-out pare. Malaking grupo ang nasa likod nito.”

Blangko ang ekspresyon na tiningnan lang ni Perse ang nagsasalitang si Rick. Pero sa loob-loob niya ay gusto na niya itong daluhungin at bigwasan subalit nagtimpi siya. Magkakasakitan lang sila ng magaling na tinyente.

“Alam ko na ang gagawin Tolentino. Hindi mo na ako kailangang i-brief ng husto.” Asar niyang sabi.

“E di i-panty mo na lang siya.” Ani Cody sabay hagikgik.

Nakatikim ito ng kutos mula kay Rick na nasa likuran lang nito.

“Aray naman. Isusumbong ko kayo sa asawa ko.” Parang batang sabi nito.

“As if may magagawa ang chubby mong mister, este, misis.” Naiiritang sabi ng nuknukan ng supladong Tiyente.

“Inggit ka lang Rick-toy, wala ka kasing love life. Meron ka lang life.” Nang-iinis pang sabi ng tinamaan na magaling na doctor. 

Binato nila ito ng mineral water bottle ni Rick na parehas nitong naiwasan.

“Kayo talaga. Masyado kayong mga pikon. Mga walang urbanidad!” ani Cody na pakwela na namang tumakbo palayo sa kanila ng ambahan nila ng suntok.

“Tama na nga yan. Para kayong mga timang,” ani Jerick. “Ang importante, maplano natin ng maayos kung paano ba-back-up-an si Perse. Afterall matagal na siyang di nakakapunta sa baying iyon.” 

Napa-angat ang tingin niya sa Sarhentong may nakakabit yatang laptop sa katawan.

“Paano mo nalaman…”

“Alam naming lahat. Sinabi na ni Rick.” Putol ni Rovi sa sasabihin niya.

“Anak ng pating…” mura niya.

“Relax Perse, kung hindi namin malalaman ay hindi ka naming matutulungan. Malay mo, makita natin ang pumatay sa magulang mo doon?” si Cody na nagseryoso na.

“Ako na ang bahala sa kanya.” Tiim-bagang na sabi niya.

“Anyway, kami na ang bahala sa back-up. What we need you to do is to ifiltrate that house and plant some bug. Hindi ko na kukwestiyonin ang kakayahan mong gawin ang mga bagay na iyan.” Bale-walang sabi ni Rick sa pagkainis niya.

“Move.” Sabi pa nito.

“Yes Sir!” kunwari pang saludo ng mga kumag sa Lieutenant Colonel na tahimik lang na tumango.
Nilapitan siya ni Jerick ng matapos ang meeting. 

“Pare.”

Tinitigan lang niya ito.

May inabot ito sa kanya. “Kunin mo.”

Patamad niyang kinuha ang maliit na bagay na tila hikaw.

“Ano ito?” 

Ngumit lang si Jerick. “Transmitter and receiver. Gusto mong magpabutas ng tenga?”

Naiiling na tumalima lang siya sa paanyaya nito.

Itutuloy…